Gumamit ng Iba’t ibang Brosyur sa Iyong Ministeryo
1 Ang mga tao sa ngayon ay interesado sa iba’t ibang paksa. Sa iyong paglilingkod sa larangan sa Hulyo, maaari kang magdala ng iba’t ibang brosyur, anupat partikular na ginagamit ang isa na makaaakit sa mga tao sa teritoryo. Baka nais mong subukin ang isa sa mga presentasyong ito:
2 Sa pag-aalok ng brosyur na “Ang Pamahalaan na Magdadala ng Paraiso,” maaari mong itanong:
◼ “Ano kaya sa palagay mo ang magiging kalagayan ng daigdig kung ang Diyos ang tanging tagapamahala? [Hayaang sumagot.] Iyang-iyan ang ating hinihiling kapag nananalangin tayo ng Ama Namin. [Buklatin sa pahina 3, at basahin ang unang parapo, na sinisipi ang Mateo 6:10.] Kung nais mong mabuhay sa isang daigdig na gaya niyan, dapat mong basahin ang brosyur na ito.” Ialok ito.
3 Ganito maaaring itampok ang “Kapag Namatay ang Iyong Minamahal”:
◼ “Sa palagay mo kaya’y darating pa ang panahon na isa man sa atin ay hindi na mamamatayan? [Hayaang sumagot.] Milyun-milyon na ang naaliw ng brosyur na ito sa pangako ng Bibliya na ang panahong iyon ay malapit nang dumating. [Buklatin sa pahina 5, at basahin ang ikalimang parapo, kasama ang 1 Corinto 15:21, 22. Saka buklatin sa ilustrasyon sa pahina 30.] Ipinakikita rito ang kagalakang maaari nating tamasahin sa pagsalubong sa ating namatay na mga minamahal sa panahon ng pagkabuhay-muli. Ngunit saan ito magaganap? Ipakikita ng brosyur na ito ang sagot ng Bibliya.” Kapag tinanggap ang brosyur, maaari mong idagdag: “Babalik ako at pag-uusapan pa natin ang paksang ito.”
4 Maaari mong itampok ang brosyur na “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay,” na ginagamit ang tuwirang paraang ito sa pagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya:
◼ “Tinanong ko ang aking mga kapitbahay kung mayroon silang mga katanungan tungkol sa Bibliya. Nakatala sa publikasyong ito ang ilan sa mga tanong na ibinangon. [Tukuyin ang pahina 30.] Ang huling tanong na ito ay nakapukaw sa interes ng marami: ‘Paano ka makapaghahanda para sa buhay na walang-hanggan sa Paraiso?’ ” Talakayin ang parapo 57-8 sa pahina 29-30 at basahin ang Apocalipsis 21:3, 4. Ialok ang brosyur at isaayos na muling bumalik upang pag-usapan ang iba pang mga tanong.
5 Baka nais mong subukin ang simpleng presentasyong ito taglay ang brosyur na “Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman”:
◼ “Ang unang-una kong natutuhan mula sa Bibliya ay ang pangalan ng Diyos. Alam mo ba kung ano iyon? [Hayaang sumagot.] Narito iyon sa Bibliya sa Awit 83:18. [Basahin.] Ipinakikita ng brosyur na ito kung papaano isinusulat ang pangalan ng Diyos, na Jehova, sa iba’t ibang wika. [Ipakita ang kahon sa pahina 8.] Kung nais mong matuto pa nang higit tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin, dapat mong basahin ang brosyur na ito.” Iabot ang brosyur sa maybahay.
6 Taglay ang iba’t ibang maiinam na brosyur na ito, tiyak na tayo’y masasangkapang lubos “na sabihin ang mabuting balita sa maaamo.”—Isa. 61:1.