Maghandang Mabuti Bago Magturo
1. Kapag nagdaraos tayo ng pag-aaral sa Bibliya, bakit natin dapat pagsikapang tulungan ang estudyante na pahalagahan ang natututuhan niya?
1 Kapag nagdaraos tayo ng pag-aaral sa Bibliya, dapat tayong maghandang mabuti kung gusto nating mapakilos ang estudyante na maglingkod kay Jehova. Magiging sulit ang ating pagsisikap kung tutulungan natin ang estudyante na pahalagahan ang kaniyang natututuhan sa Bibliya. At ito naman ang mag-uudyok sa estudyante na kumilos. (Deut. 6:5; Kaw. 4:23; 1 Cor. 9:26) Paano kaya natin ito magagawa?
2. Ano ang naitutulong sa atin ng pananalangin bago maghanda sa pag-aaral?
2 Manalangin Muna Bago Maghanda: Yamang si Jehova ang nagpapalago ng binhi ng katotohanan sa puso ng estudyante, angkop lamang na bago maghanda sa pag-aaral, ipanalangin muna natin ang ating estudyante at ang kaniyang partikular na mga pangangailangan. (1 Cor. 3:6; Sant. 1:5) Makatutulong ang gayong pananalangin upang malaman kung ano pa ang magagawa natin para mapuspos “ng tumpak na kaalaman” ang kaniyang puso.—Col. 1:9, 10.
3. Paano tayo maghahanda habang isinasaisip ang estudyante?
3 Isaalang-alang ang Estudyante: Alam ni Jesus na nagiging mabisa ang pagtuturo kapag isinasaalang-alang ang tinuturuan. Hindi lamang dalawang beses na tinanong si Jesus: “Ano ang gagawin ko upang ako ay magmana ng buhay na walang hanggan?” Gumamit siya ng magkaibang paraan ng pagsagot sa magkaparehong tanong na ito. (Luc. 10:25-28; 18:18-20) Dapat na isaisip natin ang pangangailangan ng estudyante habang naghahanda tayo. Alin kaya sa mga binanggit na teksto ang babasahin natin? Gaano kaya karaming impormasyon ang ating tatalakayin? Alin kayang mga punto sa pinag-aaralan ang malamang na mahirap unawain o tanggapin ng estudyante? Kung may ideya tayo sa maaari niyang itanong, mas magiging handa tayo sa pagsagot.
4. Ano ang kailangan sa isang mahusay na paghahanda?
4 Repasuhin ang Pag-aaralan: Gaanuman kadalas na nating napag-aralan ang isang paksa, ngayon pa lamang natin ito ipakikipag-usap sa isang estudyante. Para maabot ang kaniyang puso, napakahalaga ng mahusay na paghahanda sa bawat pag-aaral. Nangangahulugan ito na gagawin din natin kung ano ang ipinagagawa natin sa ating estudyante. Repasuhin ang pag-aaralan pati na ang binanggit na mga teksto habang isinasaisip ang estudyante. Puwede ring salungguhitan ang mga pangunahing punto.—Roma 2:21, 22.
5. Paano natin matutularan si Jehova?
5 Interesadung-interesado si Jehova sa pagsulong ng bawat estudyante. (2 Ped. 3:9) Kapag naglalaan tayo ng panahon sa paghahanda para sa bawat pag-aaral sa Bibliya, naipakikita natin ang gayunding maibiging pagmamalasakit.