Tanong
◼ Dapat bang manalangin kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa pintuan?
Yamang iba-iba ang kalagayan, kakailanganin ng nagdaraos ng pag-aaral ang kaunawaan sa pagpapasiya kung mananalangin sa pag-aaral sa Bibliya sa pintuan. Ang isang salik na dapat isaalang-alang ay ang pinagmulan ng estudyante. Ganito ang binabanggit ng Abril 2005 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, pahina 8: “Angkop na simulan at tapusin ang pag-aaral sa pamamagitan ng panalangin. Kadalasan nang magagawa natin ito sa mismong kauna-unahang pakikipag-aral sa mga taong relihiyoso. Sa iba naman, baka kailangan nating gumamit ng unawa kung kailan angkop na ipaliliwanag at pasisimulan ang pananalangin sa pag-aaral.”
Ang isa pang salik na dapat isaalang-alang ay ang lugar kung saan idinaraos ang pag-aaral. Kung walang nagmamasid, maaaring manalangin nang maikli upang pasimulan at tapusin ang pag-aaral. Gayunman, kung ang paggawa niyaon ay makatatawag-pansin sa mga nagmamasid o makaaasiwa sa estudyante, makabubuting maghintay hanggang sa ang pag-aaral ay maidaos sa mas pribadong lugar bago ipaliwanag at pasimulan ang panalangin.
◼ Dapat bang maglambong sa ulo ang isang sister kung may kasama siyang lalaking mamamahayag sa pag-aaral sa Bibliya sa pintuan?
Oo. Kapag ang isang sister ay nagdaraos ng isang regular at nakaiskedyul na pag-aaral sa Bibliya at may kasama siyang lalaking mamamahayag ng Kaharian, dapat siyang maglambong sa ulo. (1 Cor. 11:3-10) Kapit ito kahit na kung ang pag-aaral ay idinaraos sa tahanan, sa pintuan, o sa ibang lugar. Ganito ang paliwanag ng isyu ng Ang Bantayan ng Hulyo 15, 2002, pahina 27: “Ito ay isang sesyon ng pagtuturo na patiunang isinaayos kung saan ang taong nagdaraos ng pag-aaral ay aktuwal na nangangasiwa. Sa ilalim ng ganitong mga kalagayan, ang pag-aaral ay nagiging karugtong ng kongregasyon. Kung ang isang bautisadong babaing Saksi ay nagdaraos ng gayong pag-aaral kasama ng isang bautisadong lalaking Saksi, nararapat lamang na maglambong siya sa ulo.” Kapit din ito kung ang kasama niya ay isang di-bautisadong lalaking mamamahayag ng Kaharian.
Sa kabilang dako naman, kung hindi pa naitatag ang pag-aaral sa Bibliya sa pintuan, hindi na niya kailangang maglambong sa ulo kung may kasamang isang lalaking mamamahayag ng Kaharian, kahit na kung ang layunin ng pagdalaw-muli ay upang itanghal ang isang pag-aaral sa Bibliya o talakayin ang materyal sa isa sa mga publikasyong inirerekomenda para sa pag-aaral. Yamang ang mga pag-aaral sa pintuan ay kadalasang unti-unting naitatatag, sa pamamagitan ng sunud-sunod na progresibong mga pagdalaw-muli, kailangang isaalang-alang ng mga mamamahayag ang mga kalagayan at maging makatuwiran kung kailan dapat maglambong sa ulo.