Isang Patotoo ng Matibay na Pananampalataya!
1. Anong nakababahalang mga pangyayari ang inihula ni Jesus?
1 Matamang nakikinig ang mga apostol habang nagsasalita si Jesus hinggil sa kaniyang pagkanaririto at sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Sasapit sa sangkatauhan ang nakababahalang mga pangyayari—digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, salot. Pagkatapos, sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay kapopootan, ibibigay sa kapighatian, at papatayin. Babangon ang mga bulaang propeta at ililigaw ang marami. Ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.
2. Bakit kamangha-mangha na ipinangangaral ang mabuting balita sa buong daigdig?
2 Pagkatapos banggitin ni Jesus ang mga bagay na iyon, malamang na nagulat ang mga apostol nang sabihin niya na ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa. (Mat. 24:3-14) Nasasaksihan natin sa ngayon ang kamangha-manghang katuparan ng kapana-panabik na hulang iyan. Bagaman nabubuhay tayo sa mapanganib na mga panahon, masigasig pa rin ang mga Saksi ni Jehova sa paghahayag ng mabuting balita. Habang lumalamig ang pag-ibig ng sanlibutan, lalo namang sumisidhi ang ating pag-ibig. Sa kabila nang pagkapoot sa atin ng “lahat ng mga bansa,” nangangaral pa rin tayo sa halos lahat ng bansa.
3. Aling estadistika sa pambuong-daigdig na ulat ang nakapagpapatibay sa iyo?
3 Talagang nakapagpapatibay na repasuhin ang gawain ng mga Saksi ni Jehova noong nakaraang taon ng paglilingkod gaya nang makikita sa tsart sa pahina 3 hanggang 6! Labing-anim na taon na tayong gumugugol nang mahigit isang bilyong oras sa pangangaral at paggawa ng alagad. Patotoo nga ito ng matibay na pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova! Nitong nakalipas na taon ng paglilingkod, tumaas nang 5.8 porsiyento ang bilang ng mga payunir, 3.1 porsiyento sa mamamahayag, at 4.4 porsiyento sa mga pag-aaral sa Bibliya. Tumaas din ang bilang ng nabautismuhan nang 20.1 porsiyento. Kapana-panabik na makitang halos pitong milyon katao na ang tapat na naglilingkod kay Jehova—ang pinakamarami kailanman sa kasaysayan ng tao! Habang sinusuri mo ang tsart, ano ang nakita mo na lalo nang nakapagpapatibay sa iyo?
4. Anong mga problema ang napagtagumpayan ng isang lalaki upang maging kuwalipikado sa bautismo?
4 Bagaman kahanga-hanga ang estadistikang ito, hindi natin dapat kalimutan na kumakatawan ang mga ito sa mga taong pinatunayan ang kanilang pananampalataya. Tingnan natin ang isang halimbawa. Lumaki si Guillermo sa Bolivia. Isinilang siya noong 1935, at siyam na taóng gulang pa lamang siya, nagtatrabaho na siya sa taniman ng coca (ginagawang cocaine). Mula pagkabata, natuto na siyang ngumuya ng dahon ng coca para maibsan ang kaniyang matinding hirap sa pagtatrabaho nang mabigat. Nang maglaon, nagumon din siya sa alak at sigarilyo. Nang malaman ni Guillermo kung ano ang hinihiling sa kaniya ni Jehova, huminto na siya sa paninigarilyo at pagkatapos ay tumigil na rin sa pag-abuso sa alak. Ang pinakamalaking hamon para sa kaniya ay ihinto ang pagnguya ng dahon ng coca na siyang bisyo niya mula pagkabata. Nanalangin siya nang walang-humpay at napagtagumpayan niya ang bisyong ito. Ngayong wala na siyang bisyo, nabautismuhan na siya. “Malinis na ako ngayon at napakaligaya,” ang sabi niya.
5. Ano ang hangarin mo?
5 Talagang interesado si Jehova sa mga tao. Hangad niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi. (2 Ped. 3:9) Iyan din ang hangarin natin. Nawa’y udyukan tayo ng ating mga puso na gawin ang ating buong makakaya na patuloy na tulungan ang tapat-pusong mga tao na makilala at ibigin si Jehova, tulad ng ginagawa natin.