Naghahanda Ba ang Inyong Pamilya Para sa Kaligtasan?
1 Ang natupad na hula sa Bibliya ay nakakukumbinsing katibayan ng nalalapit na katapusan ng balakyot na sanlibutang ito. Nabubuhay na tayo ngayon sa mapanganib na mga panahong katulad na katulad noong bago ang Baha. (Mat. 24:37-39) Nakaligtas si Noe sa pagkapuksa ng sinaunang sanlibutang iyon sapagkat siya ay “lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Gen. 6:9) Tiyak na tinuruan ni Noe ang kaniyang pamilya hinggil sa mga kahilingan ni Jehova sapagkat sila rin ay naingatang buháy. Paano natin matutularan si Noe at maghanda bilang pamilya na makaligtas sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistemang ito ng mga bagay?
2 Mangangaral ng Katuwiran: Nagmatiyaga si Noe sa loob ng mga 40 hanggang 50 taon bilang “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Ped. 2:5) Dahil sa kaniyang pangangaral, tiyak na tinuya siya ng kaniyang mga kapitbahay, naimpluwensiyahan man sila o hindi ng mapaghimagsik at nagkatawang-taong mga anghel. Karaniwan nang ipinagwawalang-bahala at tinutuya tayo sa ating ministeryo, na nagpapatunay na malapit nang magwakas ang sistemang ito ng mga bagay. (2 Ped. 3:3, 4) Gayunman, di-gaya ng mga tao noong panahon ni Noe, marami ang tumutugon sa ating pangangaral at ‘humuhugos’ sa pagsamba kay Jehova. (Isa. 2:2) Ililigtas natin ang ‘ating sarili at yaong mga nakikinig sa atin’ tangi lamang kung tayo ay magmamatiyaga. (1 Tim. 4:16) Napakahalaga ngang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa pagkaapurahan ng gawaing pangangaral kapuwa sa pamamagitan ng kanilang sinasabi at ginagawa!—2 Tim. 4:2.
3 “Gayung-gayon” ang Ginawa Niya: Nakaligtas si Noe at ang kaniyang pamilya dahil maingat nilang sinunod ang mga tagubilin ni Jehova. (Gen 6:22) Mahalaga rin sa atin sa ngayon na maging “handang sumunod” sa patnubay ng Bibliya at ng tapat na alipin. (Sant. 3:17) Naalaala ng mga anak ng isang brother kung paano ikinapit ng kanilang ama ang mga mungkahing tinanggap niya mula sa organisasyon ni Jehova. Halimbawa, nagdaraos siya ng pampamilyang pag-aaral linggu-linggo at isinasama ang pamilya sa ministeryo tuwing dulo ng sanlinggo gaya ng iminumungkahi. Sinisikap niyang makapareha ang isa sa kaniyang mga anak sa ministeryo linggu-linggo. Ang katatagan niya sa paggawa ng “gayung-gayon” ay naikintal sa kaniyang mga anak, at lahat ng anim na anak ay lumaking tapat na mga lingkod ni Jehova.
4 Ang wakas ng sistemang ito ay biglang darating. (Luc. 12:40) Kung tutularan natin si Noe at mananampalataya tayo ukol sa kaligtasan, tayo at ang ating pamilya ay tiyak na magiging handa!—Heb. 11:7.