Ihanda ang mga Baguhan na Harapin ang Pagsalansang
1 Kapag nagsimulang mag-aral ng Bibliya ang mga indibiduwal at ‘nagnasang mabuhay na may makadiyos na debosyon,’ nagiging puntirya sila ni Satanas. (2 Tim. 3:12) Maaaring salansangin sila ng kanilang mga katrabaho, kaklase, o kapitbahay. Lalo itong nagiging mahirap kapag ang sumasalansang sa mga baguhan ay ang kanilang nagmamalasakit na mga kamag-anak.—Mat. 10:21; Mar. 3:21.
2 Inihula ang Pagsalansang: Kailangang maunawaan ng mga baguhan na talagang makararanas sila ng pag-uusig at palatandaan ito na sila’y sumusulong na sa pagiging tunay na mga alagad ni Kristo. (Juan 15:20) Kung minsan, sinasalansang tayo ng iba dahil sa mali nilang akala tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, tandaan na makadarama ang isa ng matinding kagalakan kapag winalang-dangal siya dahil sa pagiging tagasunod ni Jesus at sa pagsunod niya sa Diyos. (Gawa 5:27-29, 40, 41) Tiyakin sa mga baguhan na maibigin silang susuportahan ni Jehova. (Awit 27:10; Mar. 10:29, 30) Kung patuloy silang magiging tapat, maipapakita nila na nasa panig sila ni Jehova hinggil sa isyu ng pansansinukob na soberanya.—Kaw. 27:11.
3 Ang Papel ng Tumpak na Kaalaman: Idiin sa mga estudyante sa Bibliya ang kahalagahan ng patuloy na pagkuha ng tumpak na kaalaman sa kabila ng mga pagsubok na nararanasan nila. Ginagamit ni Satanas ang pagsalansang upang hadlangan na mag-ugat sa kanilang makasagisag na puso ang mga natututuhan nila. (Kaw. 4:23; Luc. 8:13) Kailangan nilang patuloy na kumuha ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos upang maging matibay ang kanilang pananampalataya.—Awit 1:2, 3; Col. 2:6, 7.
4 Kailangan ang Pagbabata: Sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, napakahalaga ng pagbabata at maaari itong magdulot ng magagandang resulta. (Luc. 21:16-19) Kapag binabata ng mga baguhan ang pagsalansang, nakikinabang sila gayundin ang iba. Napatutunayan nila na kayang pagpalain nang sagana ni Jehova ang mga matapat na nagbabata.—Sant. 1:12.
5 Ikinagalak ni apostol Pablo ang espirituwal na pagsulong ng kaniyang mga kapatid sa Tesalonica. Nagpasalamat siya sa Diyos dahil sa mga kapatid na ito, na ang marami sa kanila ay naakay niya sa katotohanan. (2 Tes. 1:3-5) Maaari din nating maranasan ang gayong kagalakan kung ihahanda natin ang ating mga estudyante sa Bibliya na harapin nang may-pagbabata ang mga pagsalansang.