Maging Maingat Habang Nasa Ministeryo
1. Bakit kailangang maging maingat sa pangangaral?
1 “Gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo,” ang mga lingkod ng Diyos ay nangangaral “sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi.” (Mat. 10:16; Fil. 2:15) Nagiging pangkaraniwan na lamang ang nakatatakot na mga balita tungkol sa kaguluhang sibil, pang-uumog, at pangingidnap. Katibayan ito na ang masasama ay nagiging “lalong masama.” (2 Tim. 3:13) Anong mga simulain sa Bibliya ang tutulong sa atin na “maging maingat” sa pangangaral?—Mat. 10:16.
2. Sa anong mga sitwasyon makabubuting lumipat at mangaral sa ibang teritoryo?
2 Kumilos Nang May Katalinuhan: Idiniriin ng Kawikaan 22:3 ang karunungan ng ‘pagkukubli’ mula sa kapahamakan. Maging alisto! Ang dating tahimik na lugar ay maaaring biglang magbago. Baka may makita kang nagdaratingang mga pulis o nagkakagulong mga tao sa lansangan. Kung minsan may mabait na may-bahay na magbababala sa iyo. Sa halip na mag-usyoso, isang katalinuhan na umalis agad at magpatuloy sa ibang lugar.—Kaw. 17:14; Juan 8:59; 1 Tes. 4:11.
3. Paano kumakapit sa ating ministeryo ang simulain sa Eclesiastes 4:9?
3 Gumawang Magkasama: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa,” ang sabi ng Eclesiastes 4:9. Kung dati’y sanay kang gumawang mag-isa sa ministeryo, ligtas pa bang gawin ito sa ngayon? Sa ilang lugar, oo. Ngunit sa ibang lugar, delikado na para sa isang sister o kabataan na magbahay-bahay mag-isa, lalo na kapag pagabi na. Ipinakikita ng mga karanasan na napakahalaga ng alistong kasama. (Ecles. 4:10, 12) Laging alamin kung ligtas ang lahat ng kasama ninyo sa grupo. Ugaliing magpaalam kapag aalis ka na.
4. Paano tayo makikipagtulungan para sa kaligtasan ng buong kongregasyon?
4 Bilang mga ‘patuloy na nagbabantay sa ating mga kaluluwa,’ pananagutan ng mga elder na maglaan ng praktikal na mga tagubilin ayon sa lokal na kalagayan. (Heb. 13:17) Tiyak na pagpapalain tayo ni Jehova habang tayo ay nagpapakita ng Kristiyanong kahinhinan at lubusang nakikipagtulungan sa kanila. (Mik. 6:8; 1 Cor. 10:12) Lahat nawa ng lingkod ng Diyos ay mabisang makapagpatotoo sa ating teritoryo, pero laging ginagawa ito nang maingat.