Tanong
◼ Anong pag-iingat ang kailangan kapag gumagawa tayo sa mapanganib na teritoryo?
1 Lalong lumulubha ang naririnig nating mga ulat hinggil sa karahasan, hold-up, at pagkakaguluhan, lalo na sa mga siyudad. Bagaman tayo’y nababahala, alam natin na kahit sa maliligalig na lugar, mayroon pa ring mga tapat na tao na tumutugon sa mensahe ng Kaharian. Kaya kailangan natin ang lakas ng loob, na nagtitiwala sa mapangalagang pagbabantay ni Jehova.—Kaw. 29:25; 1 Tes. 2:2.
2 Kapag tayo’y pumupunta sa mapanganib na mga lugar, inaasahan ni Jehova na tayo’y mag-iingat at gagamit ng matalinong pagpapasiya. Maging alisto. “Matalas ang pag-iisip ng isa na nakikita ang kalamidad at ikinukubli ang sarili, ngunit ang isa na walang-karanasan ay nagdaraan at magdaranas ng kaparusahan.” (Kaw. 22:3) Nauunawa ng mga makaranasang mamamahayag ang karunungan ng paggawa nang dala-dalawa o grupu-grupo, kung kailangan. (Ecl. 4:9, 12) Madalas na ang hinahanap ng mga kriminal ay yaong nag-iisa at sa gayo’y mas madaling mabiktima.
3 Mag-ingat sa pagtanggap ng paanyayang pumasok sa bahay o sa apartment. Huwag makipagtalo sa mga taong mukhang mapanganib o palaaway. Ipakilala agad ang sarili na isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang ilang mamamahayag ay laging may hawak na Bibliya o Bantayan o Gumising! bilang pagkakakilanlan.
4 Matyagan ang mga taong pagala-gala sa lugar. Huwag magsusuot ng mamahaling alahas. Kung kailangang lumabas sa gabi, iwasan ang paglalakad sa madidilim na daan na kakaunti lamang ang tao. Kung ikaw ay haharangin, huwag kang lalaban kung ang gusto lamang naman nila ay ang iyong salapi o mga dala-dalahan; mas mahalaga ang iyong buhay kaysa sa anumang materyal na ari-arian mo.—Mar. 8:36.
5 Ang mga kapatid na lalaking nangunguna ay kailangang maging alisto, anupat sinusubaybayan ang mga mamamahayag sa teritoryo. Makabubuti kung palaging magkakasama ang grupo sa isang lugar upang hindi sila magkahiwa-hiwalay. Kung may anumang gulo sa kinaroroonang lugar, dapat na umalis agad sa teritoryo ang grupo.
6 Kung tayo’y alisto at maingat, patuloy nating mapupuntahan kahit na yaong nasa mapanganib na mga lugar na “nagbubuntung-hininga at nagsisidaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na ginagawa.”—Ezek. 9:4.