Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng May Katapangang Pagpapatotoo sa mga Dako ng Negosyo
1 Ang katapangan ay kailangan sa paghaharap ng mabuting balita. Ito ay totoo lalo na sa mga dako ng negosyo. Ang ilang mamamahayag ay nag-aatubiling gumawa sa mga dako ng negosyo. Subali’t ito marahil ay dahilan sa kakulangan ng karanasan. O marahil ay may pangangailangan na ‘magkaroon ng katapangan.’—1 Tes. 2:2.
2 Ang isang tagapangasiwa ng sirkito ay nag-ulat na sa siyam na umaga ng paggawa sa mga dako ng negosyo, may kabuuang 177 mga aklat ang nailagay. Higit pa sana ang maaaring nailagay, subali’t naubos na ang suplay. Kayo rin ay magkakaroon ng tagumpay kung kayo ay gagawa ng pagsisikap na makibahagi sa paggawa sa mga dako ng negosyo.
MAGKAROON NG POSITIBONG SALOOBIN
3 Ang pagiging matagumpay ay salig sa ating saloobin. Ang ilang mamamahayag ay nakadarama na ang pagpapatotoo sa mga nagtitinda ay napakahirap. Sabi ng isang mamamahayag: “Ang inaasahan kong pagtugon ay negatibo. Gayumpaman, ipinagtaka ko na ang reaksiyon sa pabalita ng Kaharian ay siyang kabaligtaran. Sila’y tunay na magagalang at palakaibigan at halos laging tumatanggap ng mga magasin.” Oo, ang mga gumagawa sa dako ng negosyo ay nakakasumpong na ito’y isang mabungang gawain na nagdudulot ng mga pagpapala.
4 Ang mga matatanda, lalo na ang tagapangasiwa sa paglilingkod, ay dapat na manguna. Maaaring kapakipakinabang na maghanda ng pantanging mapa ng teritoryo para sa mga dako na pulos negosyo. Sa ibang mga lugar, ang mga dako ng negosyo ay maaaring gawin kasama ng mga dakong residensiyal. Tiyaking hindi makaligtaan ang mga tindahan, mga opisina, mga pabrika, at iba pa. Maaaring pangasiwaan ng mga matatanda ang pagpili ng mga kuwalipikadong mamamahayag na gagawa sa mga dako ng negosyo.
5 Yaong mga nakikibahagi sa gawaing ito ay dapat na manamit nang masinop at magsikap na maging maikli at nasa punto kapag nakikipag-usap sa mga negosyante, Ang mga presentasyon na hindi hihigit pa sa isang minuto ay angkop. Ang pagpili ng mga araw at panahon na hindi masyadong abala ay mahalaga upang tamuhin ang mabubuting resulta. Nasumpungan ng ilan na ang maagang pagdalaw sa Sabado ng umaga ay angkop, samantalang ang iba naman ay dumadalaw nang maaga sa mga gitnang sanlinggo kapag hindi masyadong maraming tao sa mga tindahan.
KUNG ANO ANG MAAARI NATING SABIHIN
6 Kapag gumagawa sa mga dako ng negosyo, maaari nating iharap ang mga magasin, ang kasalukuyang alok, o mga tracts. Kapag nag-aalok ng mga magasin maaari nating sabihin: “Yamang kadalasang mahirap na masumpungan ang mga negosyante sa tahanan, kami ay gumagawa ng pagsisikap na makausap kayo ngayon. Sa pinakabagong labas ng Ang Bantayan, may isang artikulo na pinamagatang [sabihin ang pamagat] na naglalaman ng impormasyon na nakakaapekto sa inyo nang personal. Nalalaman namin na masisiyahan kayo sa pagbabasa ng artikulong ito gaya rin ng iba. Iniaalok namin Ang Bantayan kasama ng Gumising! sa kontribusyon lamang na ₱5.00.”
7 Sa buwang ito tayo ay mag-aalok ng suskripsiyon sa Gumising! at maraming negosyante ang makakasumpong na ito’y nakatutulong at edukasyonal. Maaari ninyong sabihin: “Bilang isang negosyante kailangang kayo ay laging nakababatid sa kasalukuyang pangyayari sa daigdig, at ang Gumising! ay makatutulong sa inyo na gawin ito. Halimbawa, sa isyu ng Oktubre 8, pansinin kung ano ang sinasabi nito hinggil sa epekto ng digmaan. Ipinakikita nito na ang Diyos lamang ang makalulunas sa suliranin ng kapayapaan at katiwasayan at ito’y malapit nang mangyari. Sa bawa’t buwan dalawang isyu ng Gumising! ang inilalathala na may sari-saring artikulo at kayo’y maaaring sumuskribe para sa isang taon sa ₱60.00 lamang.”
8 May malaking pangangailangan na lubusang isagawa ang gawaing pagpapatotoo upang magligtas ng buhay. (Gawa 20:24) Yamang kadalasang mahirap masumpungan ang mga negosyante sa tahanan, dapat tayong makipag-usap sa kanila sa kanilang pinagtatrabahuhan. Bagaman ang gawaing ito ay maaaring maging isang hamon, tayo’y magtatagumpay kung ‘magkakaroon ng katapangan sa pagsasalita ng mabuting balita ng Diyos.’