Mayroon Ka Bang Personal na Teritoryo?
1. Ano ang personal na teritoryo?
1 Ang isang personal na teritoryo ay isang teritoryong nakaatas sa iyo. Kumbinyente ang lokasyon nito para madali mo itong marating at puwede kang mangaral dito nang mag-isa o kasama ng iba pang mamamahayag. Bagaman kapaki-pakinabang na sumuporta sa kaayusan ng kongregasyon sa panggrupong pagpapatotoo hangga’t maaari, makatutulong ang pagkakaroon ng personal na teritoryo upang makapagbigay ng lubusang patotoo, lalo na sa mga kongregasyong may napakalaking teritoryo.—Gawa 10:42.
2. Anu-ano ang ilang pakinabang sa pagkakaroon ng personal na teritoryo?
2 Mga Pakinabang: Nakasumpong ang ilan ng karagdagang pakinabang sa pangangaral sa isang personal na teritoryong malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan sa panahon ng pananghalian o kara-karaka pagkatapos ng trabaho. Ang iba naman ay nasisiyahang gumawang magkakasama bilang pamilya anupat nangangaral sa kanilang mga kapitbahay sa loob ng isang oras o higit pa bago ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Bilang resulta, ang mga dadalawing muli at pagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya ay sa malapit lamang nakatira anupat malaki ang matitipid na lakas, oras, at gastos. Palibhasa’y mas marami ang magagawa sa loob ng mas maikling panahon, makatutulong ang pagkakaroon ng personal na teritoryo upang makapag-auxiliary pioneer ang ilan sa pana-panahon o makapagpatala pa nga bilang regular pioneer. Bukod diyan, makatutulong ang paggawa sa isang personal na teritoryo at ang pagiging pamilyar sa mga may-bahay upang makuha natin ang kanilang pagtitiwala at maibagay ang ating presentasyon sa kanilang mga ikinababahala. Sa ganitong paraan, magiging mas epektibo ang ating ministeryo.
3. Ano ang naging karanasan ng isang payunir na kumuha ng personal na teritoryo?
3 Ganito ang sinabi ng isang payunir na pinasigla ng tagapangasiwa ng sirkito na kumuha ng personal na teritoryo: “Sinunod ko ang payong ito at di-nagtagal, nakilala ko nang husto ang mga may-bahay sa aking teritoryo at nakapalagayang-loob ko sila. Binabago ko ang oras ng aking pagdalaw depende sa kung ano ang kumbinyente para sa kanila. Dahil dito, ang aking pagdalaw-muli ay dumami mula 35 hanggang naging mahigit 80 bawat buwan, at nagkaroon ako ng pitong pag-aaral sa Bibliya.”
4. Paano ka makakakuha ng personal na teritoryo at mangangaral dito?
4 Kung Paano Kukuha ng Personal na Teritoryo: Kung gusto mong humingi ng personal na teritoryo, makipag-usap sa lingkod sa teritoryo. Huwag mag-atubiling anyayahan ang ibang mamamahayag na gumawang kasama mo, at mag-ingat ng rekord ng mga wala sa bahay. Dapat sikapin mong makubrehan ang teritoryo sa loob ng apat na buwan. Kung nahihirapan kang gawin ito, maaari kang magpatulong sa tagapangasiwa ng inyong Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat o sa iba. Sa katapusan ng apat na buwan, maaari mong ibalik ang nakubrehang teritoryo o hilinging ikaw muli ang gagawa rito. Gayunman, hindi dapat na ikaw na lamang lagi ang gagawa sa teritoryong iyon kundi ibabalik mo ito para iba naman ang gumawa rito. Kung maliit lamang ang teritoryo ng inyong kongregasyon at hindi posibleng makakuha ng personal na teritoryo, baka maaari mong hilingin sa inyong tagapangasiwa ng pag-aaral sa aklat ang isang bahagi ng inyong teritoryo.
5. Ano ang kailangan upang matupad natin ang ating atas na mangaral?
5 Hindi madali ang ating atas na mangaral “sa buong tinatahanang lupa.” (Mat. 24:14) Kailangan dito ang mahusay na koordinasyon ng ating mga pagsisikap. Bukod sa panggrupong pagpapatotoo, ang pangangaral sa isang personal na teritoryo ay makatutulong sa atin na mapaabutan ng mabuting balita ang pinakamaraming tao hangga’t maaari.