Lubusang Ganapin ang Inyong Ministeryo
1 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Dahil dito magsiyaon nga kayo at gawin ninyong mga alagad . . . , ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mat. 28:19, 20) Ang mga tunay na alagad ni Jesus sa ngayon ay masiglang tumutugon sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. Ang kanilang nakapagpapatibay-pananampalatayang halimbawa ay nagpapasigla sa ating lahat na lubusang ganapin ang ating ministeryo.—2 Tim. 4:5; Heb. 13:7.
2 Gayunman, sa ilang mga teritoryo ay marami ang wala sa tahanan kapag tayo ay dumadalaw. Bukod dito, ang ilang kongregasyon ay may malalaking atas na teritoryo. Dahilan dito’y nagiging mahirap na kubrehang madalas ang teritoryo, lubusang masubaybayan ang interes, o balikan yaong mga wala sa tahanan. Ano ang maaari ninyong gawin upang lubusang maganap ang inyong ministeryo? Nasubukan na ba ninyong ituon ang inyong pagsisikap sa higit na mabungang bahagi ng inyong teritoryo? Subukan ninyong gawin ito ng ilang ulit sa isang taon, habang tinitiyak ninyong makukubrehan naman ang lahat ng iniatas na teritoryo minsan man lamang sa isang taon.
WASTONG PAGGAMIT NG HOUSE-TO-HOUSE RECORDS
3 Mahalaga na tayo’y mag-ingat ng house-to-house record at pagkatapos ay lubusang gamitin iyon. Papaano natin lubusang magaganap ang ating ministeryo kung hindi naman tayo bumabalik doon sa wala sa tahanan? Masasabi ba natin na ginagawa nating lubusan ang ating teritoryo kung hindi naman tayo bumabalik sa mga taong interesado at nagsisikap na makapagtatag ng mga pag-aaral sa kanila? Ito’y nagdiriin sa pangangailangan na wastong gumamit ng house-to-house record. Makabubuting mag-ingat ng dalawang rekord, isa para sa nasumpungang interesado at ang isa naman para sa direksiyon noong mga wala sa tahanan.
4 Nasumpungan ng ilang mamamahayag na praktikal na dumalaw-muli sa mga wala sa tahanan bago umalis sa teritoryo. Ang pagbabalik makaraan ng isa o dalawang oras pagkatapos ng unang pagdalaw ay magpapangyari na may masumpungan sa tahanan at makapaglagay ng literatura o makapagsimula ng isang pag-aaral sa Bibliya.
5 Ang mga mamamahayag na hindi makadalaw-muli sa lalong madaling panahon ay maaaring magbigay ng rekord ng mga wala sa tahanan sa kanilang konduktor sa pag-aaral upang ito’y maibigay sa iba pang mga mamamahayag. Nanaisin ng iba na gumawa ng ilang pagdalaw kapag nagtutungo at bumabalik mula sa paaralan, trabaho, o pamimili.
6 Ang mga tao sa ating iniatas na teritoryo ay nangangailangan ding mabigyan ng pagkakataon na ‘tumawag sa pangalan ni Jehova.’ (Roma 10:11-13) Pagsikapan nating lubos at hanapin ang bawa’t pagkakataon na isakatuparan nang lubusan ang ating ministeryo.