Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Isang Mabisa at Maayos na Paraan
1 Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “At sa alin mang bayan o nayon na inyong pasukin, siyasatin ninyo kung sino roon ang karapatdapat.” (Mat. 10:11) Sa ngayon ay sinusunod natin ang gayunding paraan ng paghanap sa mga nagnanais na makinig. Paano posible para sa atin na iharap ang pabalita ng Kaharian sa buong daigdig sa isang maayos na paraan?
2 Tumatanggap ang mga kongregasyon ng atas na teritoryo mula sa tanggapang pansangay. (1 Cor. 14:40) Ito ay kaayon ng huwaran noong unang siglong kongregasyong Kristiyano. (2 Cor. 10:13; Gal. 2:9) Ang pagkakaroon ng tiyak na atas na teritoryo ay mahalaga upang mapangalagaan ang gawaing pang-Kaharian sa isang maayos na paraan.
TIMBANG NA PAGKUBRE
3 Ang pangkalahatang kaayusan sa paggawa sa teritoryo ng kongregasyon ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng tagapangasiwa sa paglilingkod. Gayumpaman, ang isang ministeryal na lingkod ay maaaring siyang aktuwal na mag-atas ng teritoryo. Sa pana-panahon ay dapat niyang repasuhin ang mga rekord at alamin kung aling teritoryo ang matagal nang hindi nagagawa. Tunguhin natin na gawin ang lahat ng mga teritoryo minsan man lamang sa isang taon. Sa bawa’t pagkubre sa teritoryo, ang kapatid na nag-iingat ng rekord ng teritoryo ay dapat na pahiwatigan ng isa na gumagawa sa teritoryo.
4 Ano pa ang nasasangkot sa pagkubre sa teritoryo sa isang mabisa at maayos na paraan? Nais nating abutin ang lalong maraming tao hangga’t maaari. Maaari ba ninyong iharap ang mabuting balita sa bawa’t bahay sa teritoryong inyong ginagawa? Dapat na ingatan ang isang mabuting rekord sa bahay-bahay upang higit pang pagsisikap ang maisagawa upang makausap yaong mga wala sa bahay o abala sa panahong gawin ang unang pagdalaw. Maaaring ang ilan na nasa inyong teritoryo ay maaabot lamang sa pamamagitan ng sulat, telepono o pangangaral sa lansangan. Ang tagapangasiwa sa paglilingkod at ang konduktor sa Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon ay magbibigay ng mga mungkahi na angkop sa lokal na mga kalagayan.
5 Dahilan sa ating taimtim na interes sa pagtulong sa lahat na naninirahan sa ating teritoryo na makarinig ng pabalita ng Kaharian, dapat tayong maging determinado sa pagdalaw sa kanila nang paulit-ulit, na ginagamit ang iba’t ibang paraan ng paglapit taglay ang itinalagang alok na literatura at magasin. Habang nakakasumpong tayo ng interes, nanaisin nating subaybayan iyon upang mapasulong ito.
6 Ang tunay na pag-ibig kay Jehova at sa ating kapuwa tao ay dapat na magpasigla sa atin na gumawang malapitan sa tagapangasiwa sa paglilingkod at sa mga konduktor sa Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon upang mapangalagaan ang bahagi ng larangang ipinagkatiwala sa atin. Pagpapalain ni Jehova ang ating taimtim na pagsisikap na maiharap ang mabuting balita sa isang mabisa at maayos na paraan.