Makikinabang Ka ba Kung Mayroon Kang Personal na Teritoryo?
1. Ano ang personal na teritoryo?
1 Ano ang personal na teritoryo? Sarili mo itong teritoryo, marahil ay malapit sa tinitirhan mo, na maaari mong hingin kung malawak ang teritoryo ng kongregasyon. Ganito ang sabi ng aklat na Organisado, pahina 103: “Ang pagkakaroon ng personal na teritoryo na kumbinyente ang lokasyon ay makatutulong sa iyo na magamit nang husto ang panahong mailalaan mo sa paglilingkod sa larangan. Maaari mo ring anyayahan ang isa pang mamamahayag na gumawang kasama mo sa iyong personal na teritoryo.”
2. Paano magagamit ang personal na teritoryo bilang karagdagan sa pagpapatotoo bilang grupo?
2 Karagdagan sa Pagpapatotoo Bilang Grupo: Kapag binigyan ka ng personal na teritoryong malapit sa iyong trabaho, maaari kang mangaral pagkapananghalian o bago umuwi ng bahay, marahil kasama ng isang mamamahayag na malapit din doon. Kung malapit naman ang teritoryo sa bahay ninyo, magagawa ito ng iyong pamilya sa pagpapatotoo sa gabi. Sabihin pa, kung hindi ka sasama sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, angkop na manalangin para sa patnubay ni Jehova bago mangaral. (Fil. 4:6) Bukod diyan, dapat kang maging timbang sa panahong ginugugol mo sa pangangaral sa personal na teritoryo at sa pagpapatotoo bilang grupo kasama ng kongregasyon. Lalo na kung dulo ng sanlinggo, kapag marami ang sumasama sa paglilingkod sa larangan, makabubuting suportahan ang iyong grupo.
3. Anu-ano ang pakinabang sa pagkakaroon ng personal na teritoryo?
3 Mga Pakinabang: Kung mayroon kang personal na teritoryo, maaari kang mangaral kailanma’t ipinahihintulot ng iyong iskedyul. Mas marami kang panahon sa pangangaral at mababawasan ang panahon mo sa pagbibiyahe. Dahil dito, ang ilan ay nakapag-o-auxiliary o regular pioneer. Yamang magkakalapít ang mga may-bahay na nagpakita ng interes, mas madali mo silang mababalikan at mapagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya. Marami ang nagsasabi na ang pangangaral sa personal na teritoryo ay nakatutulong sa kanila na mas makilala ang mga may-bahay at makuha ang loob nila, lalo na kung higit sa isang beses magagawa ang teritoryo bago ito ibalik para sa ibang hihiling nito. Makatutulong kaya sa iyo at sa iyong pamilya ang personal na teritoryo upang lubusang maganap ang inyong ministeryo?—2 Tim. 4:5.