Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Mapanganib na mga Lugar
1 Tayo ay nabubuhay sa “mapanganib na panahon” bilang tanda ng mga “huling araw,” at dahilan dito maraming lugar ang nagiging mapanganib bunga ng krimen o terorismo. (2 Tim. 3:1) Upang makabahagi nang lubusan sa gawaing pangangaral sa gayong mga mapanganib na lugar, ang pag-iingat at mabuting pagpapasiya ay kailangan. (Mat. 10:16) Kailangan nating ipakita ang “praktikal na karunungan” at ‘katinuan ng isipan.’—Kaw. 3:21; 1 Ped. 4:7.
IWASAN ANG SULIRANIN HANGGA’T MAAARI
2 Iwasan ang mga alanganing kalagayan hangga’t maaari samantalang nasa ministeryo sa larangan. Sinabi ng Bibliya: “Ang matalino ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.” (Kaw. 14:15) Ito ay nagpapayo rin: “Kaya’t iwan ninyo ang pagtatalo bago mag-init sa pagkakaalit.” (Kaw. 17:14) Ang paglakad nang matalino ay nangangahulugang iiwasan ninyo ang mga dako na malamang ay may panganib. Halimbawa, kapag gumagawa sa gabi sa malalaking lunsod, hangga’t maaari ay maglakad sa maiiwanag na lansangan na malimit na dinadaanan ng tao. Sa gayong mga lugar, hindi katalinuhan na magsuot ng mamahaling damit o alahas. Yaong mga nasa probinsiya na may umiiral na kaguluhan ay nangangailangan na mag-ingat na hindi muna magtutungo sa mga lugar na doo’y maaaring magkaroon ng paglalabanan o karahasan. Walang alinlangan na sa susunod na pagkakataon ay maaari nilang madalaw ang lugar na iyon kapag mapayapa na doon.
3 Sa paggawa sa mga lugar na maraming krimen, hindi katalinuhan na gumawang mag-isa, kundi laging magsaayos na isang grupo ng mga mamamahayag ang gumawang magkakasama. (om, p. 104) Ang mga kapatid na lalaki ang dapat na manguna at laging alamin kung saan naroroon ang mga kapatid na babae. Dapat na maging matalino ang mga kapatid na babae sa pagtanggap ng mga paanyaya na pumasok sa mga tahanan o apartments.
ANO ANG GAGAWIN SA HARAP NG PANGANIB
4 Sa mga lugar na maraming krimen, tayo ay maaaring mapaharap sa marahas na tao. Ano ang nararapat nating gawin? Huwag masisindak. Ipakilala agad na kayo ay isa sa mga Saksi ni Jehova at manatiling panatag. Ipakita ang kahinahunan at manalangin kay Jehova ukol sa patnubay at proteksiyon. (Kaw. 15:1; Gal. 5:22, 23) Ang isa pang simulain sa Bibliya na nararapat tandaan sa ganitong panahon ay ang sinabi ni Jesu-Kristo na “ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.” (Luk. 12:15) Kung may humarap sa inyo na taglay ang isang patalim o baril at hinihingi ang inyong salapi, makikipaglaban ba kayo upang iligtas ang inyong salapi? Ang inyong buhay ay higit na mahalaga kaysa mga materyal na pag-aari.
5 Isang kapatid na lalaki ang tinutukan noong gabi ng ilang kabataang lalaki. Karakaraka niyang ibinigay ang kaniyang pitaka at relo. Hiningi pa nila ang kaniyang gintong kuwintas. Panatag na sumagot ang kapatid na hindi siya nagsusuot ng gintong kuwintas o anting-anting dahilan sa siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Nang marinig ito, ibinalik kaagad ng mga lalaki ang kaniyang mga ariarian at humingi ng patawad. Ang ganito ring mga karanasan ay maaaring ilahad ng ating mga kapatid sa mga teritoryong mapanganib sa mga probinsiya, na dahilan sa sila’y nakilalang mga Saksi ni Jehova ito’y nagsilbing proteksiyon para sa kanila. Totoo ang mga salita sa Kawikaan 18:10: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na moog. Tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas.”
6 Marami pang tapat-pusong mga tao na umiibig sa katuwiran at naghahanap ng katotohanan. Ang ilan sa mga ito ay naninirahan sa mga lugar na mapanganib at marahas. Sila’y kailangang masumpungan sa ministeryo at maakay sa organisasyon ni Jehova. Pagsikapan nating maabot ang mga tao sa ganitong mga lugar, subali’t gawin iyon kaayon ng mga simulaing binalangkas sa artikulong ito, na nagpapakita ng mabuting pagpapasiya at tumitingin kay Jehova para sa patnubay at proteksiyon.