Epektibong Paraan ng Pagtuturo sa Bibliya
1. Ano ang pananagutan ng mga mamamahayag sa kanilang mga estudyante sa Bibliya?
1 Hindi makapaglilingkod sa Diyos ang isa malibang “ilapit siya” ni Jehova. (Juan 6:44) Pero dapat pa ring gawin ng mga mamamahayag ang kanilang bahagi para matulungan ang mga estudyante nila sa Bibliya na maging malapít sa kanilang makalangit na Ama. (Sant. 4:8) Nangangailangan ito ng paghahanda. Hindi sapat ang basta pagbabasa ng bawat parapo at pagbabangon sa nakalimbag na mga tanong para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mensahe at sumulong.
2. Ano ang magiging resulta ng epektibong pagtuturo ng Bibliya?
2 Para maging epektibo ang pagtuturo ng mga mamamahayag, kailangan nilang tulungan ang mga estudyante na (1) maunawaan ang itinuturo ng Bibliya, (2) tanggapin ang itinuturo ng Bibliya, at (3) isabuhay ang natututuhan nila sa Bibliya. (Juan 3:16; 17:3; Sant. 2:26) Baka abutin nang ilang buwan para maakay ang isang indibiduwal sa mga hakbang na ito. Pero bawat hakbang ay mahalaga para magkaroon siya ng kaugnayan kay Jehova at mag-alay sa Kaniya.
3. Bakit gumagamit ng punto de vistang mga tanong ang mahuhusay na guro?
3 Ano ang Nasa Isip ng Estudyante sa Bibliya?: Para malaman kung nauunawaan at tinatanggap ng ating estudyante sa Bibliya ang natututuhan niya, iwasan na puro ikaw ang nagsasalita. Sa halip, pasiglahin siyang sabihin ang nadarama niya. (Sant. 1:19) Nauunawaan ba niya ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paksang tinatalakay? Maipaliliwanag ba niya ito sa sarili niyang pananalita? Ano ang saloobin niya sa kaniyang natututuhan? Naniniwala ba siya na makatuwiran ang itinuturo ng Bibliya? (1 Tes. 2:13) Nauunawaan ba niya na kailangan niyang baguhin ang kaniyang buhay ayon sa kaniyang natututuhan? (Col. 3:10) Para malaman ang sagot sa mga tanong na ito, kailangan nating magbangon ng punto de vistang mga tanong at makinig.—Mat. 16:13-16.
4. Ano ang dapat gawin kung nahihirapan ang estudyante na maunawaan o isabuhay ang itinuturo ng Bibliya?
4 Hindi madaling baguhin ang mga nakasanayan at dating pangangatuwiran. Kailangan ng panahon. (2 Cor. 10:5) Paano kung hindi tinatanggap o isinasabuhay ng ating estudyante ang itinuturo sa kaniya? Huwag mainip. Kailangan ng sapat na panahon para magkaroon ng epekto ang Salita ng Diyos at banal na espiritu sa puso ng estudyante. (1 Cor. 3:6, 7; Heb. 4:12) Sa halip na pilitin ang estudyante, kadalasan nang mas mabuting lumipat sa ibang paksa kung nahihirapan siyang maunawaan o isabuhay ang isang turo ng Bibliya. Habang matiyaga at maibigin natin siyang tinuturuan, baka mapakilos din siyang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago.