Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr18 Agosto p. 1-10
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2018)
  • Subtitulo
  • AGOSTO 6-12
  • AGOSTO 13-19
  • AGOSTO 20-26
  • AGOSTO 27–SETYEMBRE 2
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2018)
mwbr18 Agosto p. 1-10

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

AGOSTO 6-12

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LUCAS 17-18

“Ipakitang Mapagpasalamat Ka”

(Lucas 17:11-14) At habang patungo siya sa Jerusalem ay dumaan siya sa gitna ng Samaria at Galilea. 12 At nang papasók na siya sa isang nayon ay sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin, ngunit nakatayo sila sa malayo. 13 At inilakas nila ang kanilang mga tinig at sinabi: “Jesus, Tagapagturo, maawa ka sa amin!” 14 At nang makita niya sila ay sinabi niya sa kanila: “Humayo kayo at magpakita kayo sa mga saserdote.” Sa gayon habang pumaparoon sila ay naganap ang paglilinis sa kanila.

nwtsty study note sa Luc 17:12, 14

sampung lalaking ketongin: Noong panahon ng Bibliya, lumilitaw na nagsasama-sama ang mga ketongin para matulungan nila ang isa’t isa. (2Ha 7:3-5) Sa Kautusan ng Diyos, dapat silang mamuhay nang nakabukod sa ibang tao. Dapat din silang sumigaw para babalaan ang iba na malapit sa kanila: “Marumi, marumi!” (Lev 13:45, 46) Kaya kaayon ng sinasabi sa Kautusan, tumayo lang sila malayo kay Jesus.—Tingnan ang study note sa Mat 8:2 at Glossary, “Leprosy; Leper.”

magpakita kayo sa mga saserdote: Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, napasailalim siya sa Kautusan kaya kinilala niya ang pagkasaserdote mula sa linya ni Aaron, at inutusan niya ang pinagaling niyang mga ketongin na pumunta sa saserdote. (Mat 8:4; Mar 1:44) Sa Kautusang Mosaiko, ang saserdote ang magsasabi kung magaling na talaga ang ketongin. Pagkatapos, pupunta sa templo ang gumaling na ketongin at magdadala ng dalawang buháy at malilinis na ibon, tablang sedro, sinulid na iskarlata, at isopo bilang handog, o kaloob.—Lev 14:2-32.

(Lucas 17:15, 16) Ang isa sa kanila, nang makita niya na napagaling siya, ay bumalik, na niluluwalhati ang Diyos sa malakas na tinig. 16 At isinubsob niya ang kaniyang mukha sa paanan ni Jesus, na pinasasalamatan siya; karagdagan pa, siya ay isang Samaritano.

(Lucas 17:17, 18) Bilang tugon ay sinabi ni Jesus: “Ang sampu ay luminis, hindi ba? Kung gayon, nasaan ang siyam na iba pa? 18 Wala bang nasumpungang bumalik upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos kundi ang taong ito ng ibang bansa?”

w08 8/1 14-15 ¶9-10

Bakit Dapat Magpasalamat?

Ipinagwalang-bahala ba ni Jesus ang pagkukulang ng iba na magpasalamat? Nagpapatuloy ang ulat: “Bilang tugon ay sinabi ni Jesus: ‘Ang sampu ay luminis, hindi ba? Kung gayon, nasaan ang siyam na iba pa? Wala bang nasumpungang bumalik upang magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos kundi ang taong ito ng ibang bansa?’”—Lucas 17:17, 18.

Hindi naman masasamang tao ang iba pang siyam na ketongin. Sa katunayan, ipinahayag nila ang kanilang pananampalataya kay Jesus at kusang-loob na sumunod sa kaniyang mga tagubiling pumunta sa Jerusalem at magpakita sa mga saserdote. Gayunman, bagaman lubha silang nagpahalaga sa ginawa ni Jesus, hindi naman sila nagpasalamat. Ikinalungkot iyon ni Kristo. Kumusta tayo? Kapag ginawan tayo ng mabuti, agad ba tayong nagpapasalamat at, kung posible, ipinakikita ba natin iyon sa pamamagitan ng liham o card?

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Lucas 17:7-10) “Sino sa inyo na may aliping nag-aararo o nag-aasikaso ng kawan ang magsasabi sa kaniya kapag pumasok na siya mula sa bukid, ‘Pumarito kang karaka-raka at humilig sa mesa’? 8 Sa halip, hindi ba sasabihin niya sa kaniya, ‘Ipaghanda mo ako ng aking mahahapunan, at magsuot ka ng epron at paglingkuran mo ako hanggang sa ako ay makakain at makainom, at pagkatapos ay maaari ka nang kumain at uminom’? 9 Hindi siya makadarama ng utang-na-loob sa alipin sapagkat ginawa nito ang mga bagay na iniatas, hindi ba? 10 Kaya kayo rin, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniatas sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami ay walang-kabuluhang mga alipin. Ang aming ginawa ang siyang dapat naming gawin.’”

nwtsty study note sa Luc 17:10

walang-kabuluhang: Lit., “walang-silbing; walang-halagang.” Hindi naman sinasabi ni Jesus sa ilustrasyon niya na dapat isipin ng mga alipin, o mga alagad niya, na wala silang silbi o halaga. Gaya ng makikita sa katabing mga talata, ang terminong ‘walang-kabuluhan’ ay nangangahulugang dapat na naiintindihan ng mga alipin ang katayuan nila at na alam nilang hindi sila karapat-dapat sa espesyal na pagkilala o papuri. Para sa ilang iskolar, ito ay hyperbole, o pagpapalabis, na ang ibig sabihin ay “mga alipin lang kami na hindi karapat-dapat sa espesyal na atensiyon.”

(Lucas 18:8) Sinasabi ko sa inyo, Pangyayarihin niya na mabilis silang mabigyan ng katarungan. Gayunpaman, kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya sa lupa ang pananampalataya?”

nwtsty study note sa Luc 18:8

ang pananampalataya: O “ang ganitong pananampalataya.” Sa Griego, ang paggamit ng tiyak na pantukoy (definite article) bago ang salitang “pananampalataya” ay nagpapakita na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang pananampalataya sa pangkalahatan kundi isang partikular na uri ng pananampalataya, gaya ng sa biyuda sa ilustrasyon ni Jesus. (Luc 18:1-8) Kasama riyan ang pananampalataya sa kapangyarihan ng panalangin at pananampalataya na bibigyan ng katarungan ng Diyos ang mga pinili niya. Lumilitaw na hindi sinagot ni Jesus ang tanong niya tungkol sa pananampalataya para pag-isipan ng mga alagad niya kung gaano kalakas ang pananampalataya nila. Talagang napapanahon ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa panalangin at pananampalataya dahil katatapos lang niyang ipaliwanag sa mga alagad niya ang mga pagsubok na haharapin nila.—Luc 17:22-37.

Pagbabasa ng Bibliya

(Lucas 18:24-43) Tumingin si Jesus sa kaniya at nagsabi: “Kay hirap na bagay nga para roon sa mga may salapi ang pumasok sa kaharian ng Diyos! 25 Sa katunayan, mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom na panahi kaysa sa isang taong mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Yaong mga nakarinig nito ay nagsabi: “Sino nga ba ang makaliligtas?” 27 Sinabi niya: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.” 28 Ngunit sinabi ni Pedro: “Narito! Iniwan na namin ang aming sariling mga bagay at sumunod sa iyo.” 29 Sinabi niya sa kanila: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang sinumang nag-iwan ng bahay o asawang babae o mga kapatid o mga magulang o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos 30 ang hindi sa anumang paraan tatanggap ng lalong marami pa sa yugtong ito ng panahon, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang hanggan.” 31 Sa gayon ay ibinukod niya ang labindalawa at sinabi sa kanila: “Narito! Paahon tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na nakasulat sa pamamagitan ng mga propeta may kinalaman sa Anak ng tao ay malulubos. 32 Bilang halimbawa, siya ay ibibigay sa mga tao ng mga bansa at gagawing katatawanan at pakikitunguhan nang walang pakundangan at duduraan; 33 at pagkahagupit sa kaniya ay papatayin nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay babangon siya.” 34 Gayunman, hindi nila nakuha ang kahulugan ng alinman sa mga bagay na ito; kundi ang pananalitang ito ay lingid sa kanila, at hindi nila nalalaman ang mga bagay na sinabi. 35 At habang papalapit siya sa Jerico ay may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. 36 Dahil may narinig siyang pulutong na dumaraan ay nagsimula siyang magtanong kung ano ang kahulugan nito. 37 Sinabi nila sa kaniya: “Dumaraan si Jesus na Nazareno!” 38 Sa gayon ay sumigaw siya, na sinasabi: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin!” 39 At pinasimulan siyang pagsabihan niyaong mga nauuna na tumahimik siya, ngunit lalo pa siyang patuloy na sumisigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” 40 Nang magkagayon ay huminto si Jesus at iniutos na dalhin sa kaniya ang lalaki. Nang makalapit na siya, tinanong siya ni Jesus: 41 “Ano ang nais mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi niya: “Panginoon, panumbalikin mo ang aking paningin.” 42 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: “Manumbalik ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” 43 At kaagad na nanumbalik ang kaniyang paningin, at siya ay nagsimulang sumunod sa kaniya, na niluluwalhati ang Diyos. Gayundin, ang lahat ng mga tao, sa pagkakita nito, ay nagbigay ng papuri sa Diyos.

AGOSTO 13-19

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LUCAS 19-20

“Matuto Mula sa Ilustrasyon ng 10 Mina”

(Lucas 19:12, 13) Kaya sinabi niya: “Isang taong ipinanganak na maharlika ang naglakbay patungo sa isang malayong lupain upang makakuha ng makaharing kapangyarihan para sa kaniyang sarili at makabalik. 13 Pagkatawag sa kaniyang sampung alipin ay binigyan niya sila ng sampung mina at sinabi sa kanila, ‘Mangalakal kayo hanggang sa dumating ako.’

jy 232 ¶2-4

Ilustrasyon Tungkol sa Sampung Mina

Sinabi niya: “Isang taong ipinanganak na maharlika ang pumunta sa isang malayong lupain para makakuha ng kapangyarihan bilang hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik.” (Lucas 19:12) Matagal din ang paglalakbay na iyon. Maliwanag, si Jesus ang “taong ipinanganak na maharlika” na naglakbay sa “malayong lupain,” sa langit, kung saan siya bibigyan ng Ama ng kapangyarihan bilang hari.

Sa ilustrasyon, bago umalis ang “taong ipinanganak na maharlika,” tinawag niya ang 10 alipin niya at binigyan ng tig-iisang pilak na mina, at sinabi: “Gamitin ninyo sa negosyo ang mga ito hanggang sa dumating ako.” (Lucas 19:13) Mataas ang halaga ng literal na pilak na mina. Ang isang mina ay katumbas ng mahigit tatlong buwang sahod ng magsasaka.

Maaaring nakuha ng mga alagad na gaya sila ng 10 alipin sa ilustrasyon, dahil dati na silang ikinumpara ni Jesus sa mga mang-aani. (Mateo 9:35-38) Siyempre, hindi literal na butil ang ipinapaani ni Jesus. Sa halip, mag-aani sila ng iba pang alagad na maghahari sa Kaharian ng Diyos. Gagamitin ng mga alagad ang lahat ng mayroon sila para makapagtipon ng mga magmamana ng Kaharian.

(Lucas 19:16-19) Sa gayon ay humarap ang una, na sinasabi, ‘Panginoon, ang iyong mina ay tumubo ng sampung mina.’ 17 Kaya sinabi niya sa kaniya, ‘Mahusay, mabuting alipin! Sapagkat sa napakaliit na bagay ay pinatunayan mong tapat ka, humawak ka ng awtoridad sa sampung lunsod.’ 18 At dumating ang ikalawa, na sinasabi, ‘Ang iyong mina, Panginoon, ay tumubo ng limang mina.’ 19 Sinabi rin niya sa isang ito, ‘Ikaw rin, mangasiwa ka sa limang lunsod.’

jy 232 ¶7

Ilustrasyon Tungkol sa Sampung Mina

Kung naunawaan ng mga alagad na gaya sila ng mga aliping gumamit ng lahat ng mayroon sila para gumawa ng alagad, makatitiyak silang matutuwa si Jesus. At makakaasa silang gagantimpalaan niya sila. Siyempre, ang mga alagad ni Jesus ay may iba’t ibang kalagayan, kakayahan, at mga oportunidad. Pero pahahalagahan at pagpapalain ni Jesus, na nakatanggap ng “kapangyarihan bilang hari,” ang lubusang pagsisikap nilang gumawa ng alagad.—Mateo 28:19, 20.

(Lucas 19:20-24) Ngunit may iba namang dumating, na nagsasabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina, na iningatan kong nakatago sa isang tela. 21 Alam mo naman, natatakot ako sa iyo, sapagkat ikaw ay taong mabagsik; kinukuha mo ang hindi mo inilagak at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.’ 22 Sinabi niya sa kaniya, ‘Mula sa iyong sariling bibig ay hinahatulan kita, balakyot na alipin. Alam mo, hindi ba, na ako ay taong mabagsik, na kumukuha ng hindi ko inilagak at gumagapas ng hindi ko inihasik? 23 Kaya bakit hindi mo inilagay ang aking salaping pilak sa bangko? Kung magkagayon, sa pagdating ko ay makukuha ko sana ito nang may patubo.’ 24 “Dahil dito ay sinabi niya sa mga nakatayo sa tabi, ‘Kunin ninyo sa kaniya ang mina at ibigay ito sa kaniya na may sampung mina.’

jy 233 ¶1

Ilustrasyon Tungkol sa Sampung Mina

Dahil hindi niya pinalago ang kayamanan ng panginoon niya, mawawalan ang aliping iyon. Hinihintay ng mga apostol ang paghahari ni Jesus sa Kaharian ng Diyos. Kaya sa sinabi ni Jesus tungkol sa huling alipin, malamang na naunawaan nilang kapag hindi sila nagsikap, hindi sila magmamana ng Kaharian.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Lucas 19:43) Sapagkat ang mga araw ay darating sa iyo na ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng kuta na may mga tulos na matutulis at palilibutan ka at pipighatiin ka sa bawat panig,

nwtsty study note sa Luc 19:43

kuta na may mga tulos na matutulis: O “bakod na tulos.” Dito lang lumitaw ang salitang Griego na khaʹrax sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang ibig sabihin nito ay “kahoy o poste na matulis ang dulo na ginagamit na pambakod; tulos” at “istrakturang pangmilitar na itinayo gamit ang mga tulos.” Nagkatotoo ang sinabi ni Jesus noong 70 C.E. nang magtayo ang mga Romano, sa utos ni Tito, ng pader na pangubkob, o bakod na tulos, sa palibot ng Jerusalem. Tatlo ang gustong mangyari ni Tito—hindi makatakas ang mga Judio, mapasuko sila, at gutumin sila hanggang sa hindi na sila makalaban. Para may magamit sila sa pagtatayo ng kuta sa palibot ng Jerusalem, inubos ng mga sundalong Romano ang mga puno sa nakapalibot na lugar.

(Lucas 20:38) Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat silang lahat ay buháy sa kaniya.”

nwtsty study note sa Luc 20:38

sapagkat silang lahat ay buháy sa kaniya: O “dahil silang lahat ay buháy para sa kaniya.” Ipinapakita ng Bibliya na ang mga taong buháy pero malayo sa Diyos ay patay para sa kaniya. (Efe 2:1; 1Ti 5:6) Gayunman, ang mga namatay nang lingkod ng Diyos na kalugod-lugod sa kaniya ay buháy pa rin para kay Jehova, dahil siguradong bubuhayin niya silang muli.—Ro 4:16, 17.

Pagbabasa ng Bibliya

(Lucas 19:11-27) Samantalang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito ay naglahad siya ng isang ilustrasyon bilang karagdagan, sapagkat malapit na siya sa Jerusalem at inaakala nilang kaagad na magpapakita ang kaharian ng Diyos. 12 Kaya sinabi niya: “Isang taong ipinanganak na maharlika ang naglakbay patungo sa isang malayong lupain upang makakuha ng makaharing kapangyarihan para sa kaniyang sarili at makabalik. 13 Pagkatawag sa kaniyang sampung alipin ay binigyan niya sila ng sampung mina at sinabi sa kanila, ‘Mangalakal kayo hanggang sa dumating ako.’ 14 Ngunit ang kaniyang mga mamamayan ay napopoot sa kaniya at nagsugo ng isang lupon ng mga embahador sa likuran niya, upang sabihin, ‘Ayaw namin na ang taong ito ay maging hari sa amin.’ 15 “Nang bandang huli pagkabalik niya matapos na makuha ang makaharing kapangyarihan, iniutos niyang papuntahin sa kaniya ang mga aliping ito na binigyan niya ng salaping pilak, upang tiyakin kung ano ang tinubo nila sa gawaing pangangalakal. 16 Sa gayon ay humarap ang una, na sinasabi, ‘Panginoon, ang iyong mina ay tumubo ng sampung mina.’ 17 Kaya sinabi niya sa kaniya, ‘Mahusay, mabuting alipin! Sapagkat sa napakaliit na bagay ay pinatunayan mong tapat ka, humawak ka ng awtoridad sa sampung lunsod.’ 18 At dumating ang ikalawa, na sinasabi, ‘Ang iyong mina, Panginoon, ay tumubo ng limang mina.’ 19 Sinabi rin niya sa isang ito, ‘Ikaw rin, mangasiwa ka sa limang lunsod.’ 20 Ngunit may iba namang dumating, na nagsasabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina, na iningatan kong nakatago sa isang tela. 21 Alam mo naman, natatakot ako sa iyo, sapagkat ikaw ay taong mabagsik; kinukuha mo ang hindi mo inilagak at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.’ 22 Sinabi niya sa kaniya, ‘Mula sa iyong sariling bibig ay hinahatulan kita, balakyot na alipin. Alam mo, hindi ba, na ako ay taong mabagsik, na kumukuha ng hindi ko inilagak at gumagapas ng hindi ko inihasik? 23 Kaya bakit hindi mo inilagay ang aking salaping pilak sa bangko? Kung magkagayon, sa pagdating ko ay makukuha ko sana ito nang may patubo.’ 24 “Dahil dito ay sinabi niya sa mga nakatayo sa tabi, ‘Kunin ninyo sa kaniya ang mina at ibigay ito sa kaniya na may sampung mina.’ 25 Ngunit sinabi nila sa kaniya, ‘Panginoon, mayroon siyang sampung mina!’— 26 ‘Sinasabi ko sa inyo, Sa bawat isa na mayroon ay higit pa ang ibibigay; ngunit sa isa na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin. 27 Isa pa, ang mga kaaway kong ito na ayaw na maging hari ako sa kanila ay dalhin ninyo rito at patayin sila sa harap ko.’”

AGOSTO 20-26

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LUCAS 21-22

“Ang Inyong Katubusan ay Nalalapit Na”

(Lucas 21:25) “Gayundin, magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin, at sa lupa ay panggigipuspos ng mga bansa, na hindi malaman ang gagawin dahil sa pag-ugong ng dagat at sa pagdaluyong nito,

kr 226 ¶9

Pupuksain ng Kaharian ng Diyos ang mga Kaaway Nito

9 Kakaibang mga tanawin sa langit. Inihula ni Jesus: “Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit.” Siguradong hindi na aasa ang mga tao sa mga lider ng relihiyon para magbigay ng liwanag, o patnubay. Pero puwede rin kayang literal na kakila-kilabot na mga tanawin sa langit ang tinutukoy ni Jesus? Posible. (Isa. 13:9-11; Joel 2:1, 30, 31) Ano ang magiging reaksiyon ng mga tao sa makikita nila? Sila ay ‘manggigipuspos’ dahil ‘hindi nila alam ang kanilang gagawin.’ (Luc. 21:25; Zef. 1:17) Oo, ang mga kaaway ng Kaharian ng Diyos—mula ‘hari hanggang alipin’—ay ‘manlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating’ at matataranta sila sa paghanap ng mapagtataguan. Pero imposible silang makatakas sa galit ng ating Hari.—Luc. 21:26; 23:30; Apoc. 6:15-17.

(Lucas 21:26) samantalang ang mga tao ay nanlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa; sapagkat ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.

(Lucas 21:27, 28) At kung magkagayon ay makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa ulap taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 28 Ngunit habang nagsisimulang maganap ang mga bagay na ito, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.”

w16.01 10-11 ¶17

Maging Determinadong ‘Ipagpatuloy ang Inyong Pag-ibig na Pangkapatid’!

17 “Magkaroon ng lakas ng loob.” (Basahin ang Hebreo 13:6.) Dahil sa tiwala kay Jehova, mayroon tayong lakas ng loob na harapin ang anumang hamon. Tinutulungan tayo ng lakas ng loob na maging positibo. At kapag positibo tayo at may pag-ibig na pangkapatid, mapatitibay at maaaliw natin ang ating mga kapananampalataya. (1 Tes. 5:14, 15) Kahit sa panahon ng malaking kapighatian, magagawa nating ‘tumindig nang tuwid at itaas ang ating mga ulo’ dahil alam nating malapit na ang katubusan natin.—Luc. 21:25-28.

w15 7/15 17-18 ¶13

“Ang Inyong Katubusan ay Nalalapit Na”!

13 Ano ang magiging reaksiyon ng mga kambing kapag nalaman nilang “walang-hanggang pagkalipol” ang naghihintay sa kanila? “Dadagukan [nila] ang kanilang sarili sa pananaghoy.” (Mat. 24:30) Ano naman ang magiging reaksiyon ng mga kapatid ni Kristo at ng kanilang tapat na mga kasama? Taglay ang lubos na pananampalataya sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, susundin nila ang utos ni Jesus: “Habang nagsisimulang maganap ang mga bagay na ito, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.” (Luc. 21:28) Oo, positibo tayo at nakatitiyak sa ating katubusan.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Lucas 21:33) Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi sa anumang paraan lilipas.

nwtsty study note sa Luc 21:33

Ang langit at lupa ay lilipas: Sinasabi sa ibang teksto na mananatili magpakailanman ang langit at lupa. (Gen 9:16; Aw 104:5; Ec 1:4) Kaya posibleng hyperbole, o pagpapalabis, ang mga sinabi ni Jesus. Ibig sabihin, kahit mangyari ang imposible at mawala nga ang langit at lupa, matutupad pa rin ang mga sinabi ni Jesus. (Ihambing ang Mat 5:18.) Pero puwede ring ang tinutukoy na langit at lupa ay ang makasagisag na mga langit at mga lupa na tinatawag na “ang dating langit at ang dating lupa” sa Apo 21:1.

ang aking mga salita ay hindi sa anumang paraan lilipas: O “ang mga salita ko ay tiyak na hindi maglalaho.” Sa Griego, ang paggamit ng dalawang negatibong salita na kasama ng pandiwa ay nagpapakitang hinding-hindi ito mangyayari at nagdiriin na hinding-hindi magbabago ang mga salita ni Jesus.

(Lucas 22:28-30) “Gayunman, kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok; 29 at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian, 30 upang kayo ay makakain at makainom sa aking mesa sa kaharian ko, at makaupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.

w14 10/15 16-17 ¶15-16

“Kayo ay Magiging Isang Kaharian ng mga Saserdote”

15 Matapos pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, nakipagtipan siya sa kaniyang tapat na mga alagad; karaniwan na itong tinatawag na tipan para sa Kaharian. (Basahin ang Lucas 22:28-30.) Di-gaya ng ibang mga tipan kung saan si Jehova ang isa sa mga partido, ito ay personal na tipan sa pagitan ni Jesus at ng kaniyang mga pinahirang tagasunod. Nang sabihin niyang “kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin,” lumilitaw na tinutukoy ni Jesus ang pakikipagtipan sa kaniya ni Jehova para gawin siyang “isang saserdote magpakailanman ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec.”—Heb. 5:5, 6.

16 Ang 11 tapat na apostol ay ‘nanatiling kasama ni Jesus sa kaniyang mga pagsubok.’ Tiniyak ng tipan para sa Kaharian na makakasama niya sila sa langit at uupo sila sa trono para mamahala bilang mga hari at maglingkod bilang mga saserdote. Pero hindi lang ang 11 apostol ang may gayong pribilehiyo. Nang magpakita ang niluwalhating si Jesus kay apostol Juan sa pangitain, sinabi niya: “Ang isa na nananaig ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, kung paanong ako ay nanaig at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang trono.” (Apoc. 3:21) Kaya kasama sa tipan para sa Kaharian ang 144,000 pinahirang Kristiyano. (Apoc. 5:9, 10; 7:4) Ito ang tipan na nagsilbing legal na saligan para makapamahala silang kasama ni Jesus sa langit. Maikukumpara ito sa isang babae mula sa isang maharlikang pamilya na mapapangasawa ng isang hari at makakasama nito sa pamamahala. Sa katunayan, tinutukoy ng Bibliya ang mga pinahirang Kristiyano bilang “ang kasintahang babae” ni Kristo, “isang malinis na birhen” na ipinangakong ikasal kay Kristo.—Apoc. 19:7, 8; 21:9; 2 Cor. 11:2.

Pagbabasa ng Bibliya

(Lucas 22:35-53) Sinabi rin niya sa kanila: “Nang isugo ko kayo na walang supot ng salapi at supot ng pagkain at mga sandalyas, hindi kayo kinapos ng anuman, hindi ba?” Sinabi nila: “Hindi!” 36 Sa gayon ay sinabi niya sa kanila: “Ngunit ngayon ang may supot ng salapi ay kunin ito, gayundin ang isang supot ng pagkain; at ang walang tabak ay ipagbili ang kaniyang panlabas na kasuutan at bumili ng isa. 37 Sapagkat sinasabi ko sa inyo na itong nakasulat ay kailangang maganap sa akin, samakatuwid nga, ‘At siya ay ibinilang na kasama ng mga tampalasan.’ Sapagkat yaong may kinalaman sa akin ay nagaganap na.” 38 Sa gayon ay sinabi nila: “Panginoon, narito! may dalawang tabak dito.” Sinabi niya sa kanila: “Sapat na iyan.” 39 Nang makalabas ay pumaroon siya sa Bundok ng mga Olibo gaya ng kinaugalian; at sumunod din sa kaniya ang mga alagad. 40 Pagdating sa dakong iyon ay sinabi niya sa kanila: “Magpatuloy kayo sa pananalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” 41 At siya naman ay lumayo sa kanila sa layong isang pukol ng bato, at iniluhod ang kaniyang mga tuhod at nagsimulang manalangin, 42 na sinasabi: “Ama, kung nais mo, alisin mo sa akin ang kopang ito. Gayunpaman, maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” 43 Nang magkagayon ay nagpakita sa kaniya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya. 44 Ngunit nang mapasamatinding paghihirap ay nagpatuloy siya sa pananalangin nang lalong marubdob; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa. 45 At tumindig siya mula sa pananalangin, pumaroon sa mga alagad at nasumpungan silang umiidlip dahil sa pamimighati; 46 at sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at magpatuloy sa pananalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” 47 Habang siya ay nagsasalita pa, narito! isang pulutong, at ang taong tinatawag na Hudas, na isa sa labindalawa, ay nauuna sa kanila; at nilapitan niya si Jesus upang halikan ito. 48 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: “Hudas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng tao sa pamamagitan ng isang halik?” 49 Nang makita niyaong mga nasa palibot niya kung ano ang mangyayari, sinabi nila: “Panginoon, mananaga ba kami sa pamamagitan ng tabak?” 50 Talaga ngang tinaga pa ng isa sa kanila ang alipin ng mataas na saserdote at tinagpas ang kaniyang kanang tainga. 51 Ngunit bilang tugon ay sinabi ni Jesus: “Hanggang diyan na lamang kayo.” At hinipo niya ang tainga at pinagaling siya. 52 Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa mga punong saserdote at sa mga kapitan ng templo at sa matatandang lalaki na pumaroon dahil sa kaniya: “Kayo ba ay lumabas na may mga tabak at mga pamalo na waring laban sa isang magnanakaw? 53 Habang kasama ninyo ako sa templo sa araw-araw ay hindi ninyo iniunat ang inyong mga kamay laban sa akin. Ngunit ito ang inyong oras at ang awtoridad ng kadiliman.”

AGOSTO 27–SETYEMBRE 2

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LUCAS 23-24

“Maging Handang Magpatawad”

(Lucas 23:34) [[Ngunit sinabi ni Jesus: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”]] Karagdagan pa, upang ibaha-bahagi ang kaniyang mga kasuutan, sila ay nagpalabunutan.

cl 297 ¶16

“Upang Makilala ang Pag-ibig ng Kristo”

16 Ganap na masasalamin kay Jesus ang pag-ibig ng kaniyang Ama sa isa pang mahalagang paraan—siya ay “handang magpatawad.” (Awit 86:5) Ang katangiang ito ay nakita kahit na noong siya ay nasa haliging pahirapan. Nang sapilitang iparanas sa kaniya ang isang nakahihiyang kamatayan, anupat nakabaon ang mga pako sa kaniyang mga kamay at paa, ano ang sinabi ni Jesus? Hiniling ba niya kay Jehova na parusahan ang mga nagpapahirap sa kaniya? Sa kabaligtaran, ganito ang naging mga huling salita ni Jesus: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”—Lucas 23:34.

(Lucas 23:43) At sinabi niya sa kaniya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Makakasama kita sa Paraiso.”

g 2/08 11 ¶5-6

Pinatatawad ba ng Diyos ang Malulubhang Kasalanan?

Hindi lamang ang kasalanan kundi pati ang saloobin ng nagkasala ang binibigyang-pansin ni Jehova. (Isaias 1:16-19) Isaalang-alang sandali ang dalawang manggagawa ng kasamaan na ibinayubay kasama ni Jesus. Maliwanag na pareho silang nakagawa ng malubhang krimen, dahil inamin ng isa sa kanila: “Tinatanggap natin nang lubos ang nararapat sa atin dahil sa mga bagay na ating ginawa; ngunit ang taong ito [si Jesus] ay walang ginawang anumang mali.” Ipinahihiwatig sa sinabing ito ng kriminal na may alam siya tungkol kay Jesus. At malamang na nakatulong ang kaalamang iyon upang mabago ang kaniyang saloobin. Makikita ito sa sumunod niyang sinabi nang makiusap siya kay Jesus: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Ano ang tugon ni Kristo sa taos-pusong pakiusap na iyon? “Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon,” ang sabi niya, “Makakasama kita sa Paraiso.”—Lucas 23:41-43.

Isipin ito: Mamamatay na lamang si Jesus, nagawa pa niyang magpakita ng kaawaan sa isang taong umaming karapat-dapat siya sa hatol na kamatayan. Talaga ngang nakaaaliw iyon! Kaya naman, makaaasa tayo na kapuwa si Jesu-Kristo at ang kaniyang Ama, si Jehova, ay magpapakita ng kaawaan sa mga tunay na nagsisisi anuman ang nagawa nilang kasalanan.—Roma 4:7.

(Lucas 24:34) na nagsasabi: “Katotohanan ngang ibinangon ang Panginoon at nagpakita siya kay Simon!”

cl 297-298 ¶17-18

“Upang Makilala ang Pag-ibig ng Kristo”

17 Marahil ang isa pa ngang mas nakaaantig na halimbawa ni Jesus ng pagpapatawad ay makikita sa paraan ng pakikitungo niya kay apostol Pedro. Walang kaduda-duda na pinakaiibig ni Pedro si Jesus. Noong Nisan 14, huling gabi ng buhay ni Jesus, sinabi ni Pedro sa kaniya: “Panginoon, handa akong sumama sa iyo kapuwa sa bilangguan at sa kamatayan.” Subalit, ilang oras lamang pagkaraan nito, tatlong ulit na itinatwa ni Pedro na hindi man lamang daw niya kilala si Jesus! Sinasabi sa atin ng Bibliya ang nangyari habang binibigkas ni Pedro ang kaniyang ikatlong pagtatatwa: “Ang Panginoon ay bumaling at tumingin kay Pedro.” Palibhasa’y nanlupaypay sa bigat ng kaniyang kasalanan, si Pedro ay “lumabas at tumangis nang may kapaitan.” Nang mamatay si Jesus sa pagtatapos ng araw na iyon, malamang na naisip ng apostol, ‘Napatawad kaya ako ng aking Panginoon?’—Lucas 22:33, 61, 62.

18 Hindi na kinailangang maghintay pa si Pedro nang matagal para sagutin. Si Jesus ay binuhay-muli noong umaga ng Nisan 16, at malamang na noon mismong araw na iyon, siya ay personal na dumalaw kay Pedro. (Lucas 24:34; 1 Corinto 15:4-8) Bakit kaya gayon na lamang ang atensiyong ibinigay ni Jesus sa apostol na siyang mariing nagtatwa sa Kaniya? Maaaring nais ni Jesus na patibaying-loob ang nagsisising si Pedro na siya’y iniibig pa rin at pinahahalagahan ng kaniyang Panginoon. Subalit higit pa nga rito ang ginawa ni Jesus upang mapatibay-loob si Pedro.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Lucas 23:31) Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito habang sariwa ang punungkahoy, ano ang magaganap kapag ito ay tuyot na?”

nwtsty study note sa Luc 23:31

habang sariwa ang punungkahoy, . . . kapag ito ay tuyot na: Lumilitaw na ang tinutukoy ni Jesus ay ang bansang Judio. Para itong puno na malapit nang matuyot pero hindi pa lubusang namamatay, dahil naroon pa si Jesus at ang ilang Judio na naniniwala sa kaniya. Pero malapit nang patayin si Jesus, at ang tapat na mga Judio ay aatasan sa pamamagitan ng banal na espiritu at magiging bahagi na ng espirituwal na Israel. (Ro 2:28, 29; Gal 6:16) Sa panahong iyan, patay na sa espirituwal ang bansang Israel, gaya ng tuyot na puno.—Mat 21:43.

(Lucas 23:33) At nang makarating sila sa dako na tinatawag na Bungo, doon ay ibinayubay nila siya at ang mga manggagawa ng kasamaan, isa sa kaniyang kanan at isa sa kaniyang kaliwa.

nwtsty media

Pako sa Buto ng Sakong ng Isang Tao

Replika ito ng buto ng sakong na may nakatusok na pakong bakal na 11.5 sentimetro ang haba. Ang orihinal na artifact nito, na natuklasang mula pa noong panahon ng mga Romano, ay natagpuan noong 1968 sa isang paghuhukay sa hilagang Jerusalem. Ebidensiya ito na ang mga pako ay malamang na ginagamit sa paglalapat ng hatol na kamatayan sa tulos. Ang pakong ito ay maaaring katulad ng ginamit ng mga sundalong Romano sa pagpapako kay Jesu-Kristo sa tulos. Ang artifact ay natagpuan sa isang lalagyang bato, na tinatawag na ossuary, kung saan inilalagay ang tuyong buto ng bangkay kapag nabulok na ang laman nito. Ipinakikita nito na maaaring ilibing ang taong hinatulan ng kamatayan sa tulos.

Pagbabasa ng Bibliya

(Lucas 23:1-16) Kaya tumindig ang buong karamihan nila at dinala siya kay Pilato. 2 Sa gayon ay pinasimulan nilang akusahan siya, na sinasabi: “Nasumpungan namin ang taong ito na iginugupo ang aming bansa at ipinagbabawal ang pagbabayad ng mga buwis kay Cesar at sinasabi na siya mismo ang Kristo na isang hari.” 3 At tinanong siya ni Pilato: “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” Bilang sagot sa kaniya ay sinabi niya: “Ikaw mismo ang nagsasabi nito.” 4 Sa gayon ay sinabi ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga pulutong: “Wala akong masumpungang krimen sa taong ito.” 5 Ngunit nagsimula silang maging mapilit, na sinasabi: “Sinusulsulan niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa buong Judea, nagsimula pa sa Galilea hanggang dito.” 6 Sa pagkarinig nito, itinanong ni Pilato kung ang taong ito ay taga-Galilea, 7 at, pagkatapos na matiyak na siya ay mula sa nasasakupan ni Herodes, ipinadala niya siya kay Herodes, na nasa Jerusalem din mismo nang mga araw na ito. 8 Nang makita ni Herodes si Jesus ay lubha siyang nagsaya, sapagkat mahabang panahon na niyang ninanais na makita siya dahil sa narinig tungkol sa kaniya, at umaasa siyang makakita ng ilang tanda na isinasagawa niya. 9 At pinasimulan niya siyang tanungin ng maraming salita; ngunit hindi siya sumagot sa kaniya. 10 Gayunman, ang mga punong saserdote at ang mga eskriba ay patuloy na tumitindig at inaakusahan siya nang buong tindi. 11 Sa gayon ay nilait siya ni Herodes kasama ng kaniyang mga kawal na tanod, at ginawa niya siyang katatawanan sa pamamagitan ng pagdadamit sa kaniya ng maningning na kasuutan at ipinabalik siya kay Pilato. 12 At kapuwa sina Herodes at Pilato ay naging magkaibigan nang mismong araw na iyon; sapagkat bago nito ay patuloy ang alitan sa pagitan nila. 13 Sa gayon ay tinipon ni Pilato ang mga punong saserdote at ang mga tagapamahala at ang mga tao 14 at sinabi sa kanila: “Dinala ninyo sa akin ang taong ito bilang isa na nag-uudyok sa mga tao na maghimagsik, at, narito! sinuri ko siya sa harap ninyo ngunit wala akong anumang nasumpungan sa taong ito na saligan para sa mga paratang na inihaharap ninyo laban sa kaniya. 15 Sa katunayan, kahit si Herodes man, sapagkat ibinalik niya siya sa atin; at, narito! wala siyang anumang nagawa na karapat-dapat sa kamatayan. 16 Kaya parurusahan ko siya at palalayain siya.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share