Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
HULYO 1-7
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | COLOSAS 1-4
“Hubarin Ninyo ang Lumang Personalidad, at Isuot Ninyo ang Bago”
(Colosas 3:5-9) Kaya patayin ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan na umaakay sa seksuwal na imoralidad, karumihan, di-makontrol na seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na pagnanasa, at kasakiman, na isang uri ng idolatriya. 6 Ilalabas ng Diyos ang kaniyang poot dahil sa mga bagay na iyon. 7 Ganiyan din ang ginagawa ninyo noon. 8 Pero ngayon, dapat ninyong alisin ang lahat ng ito: poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita. 9 Huwag kayong magsinungaling sa isa’t isa. Hubarin ninyo ang lumang personalidad, pati na ang mga gawain nito,
Tanggapin ang Espiritu ng Diyos, Hindi ang Espiritu ng Sanlibutan
12 Anong espiritu ang ipinakikita ng personalidad ko? (Basahin ang Colosas 3:8-10, 13.) Isinusulong ng espiritu ng sanlibutan ang mga gawa ng laman. (Gal. 5:19-21) Makikita kung anong espiritu ang umaakay sa atin, hindi sa mga panahong walang problema, kundi kapag maigting ang sitwasyon, halimbawa’y may kapatid na umisnab, nakasakit, o nagkasala pa nga sa atin. Makikita rin kung anong espiritu ang nananaig sa atin kapag nasa loob tayo ng tahanan. Baka kailangan dito ang pagsusuri. Tanungin ang sarili, ‘Sa nakaraang anim na buwan, ang personalidad ko ba ay mas nagiging tulad-Kristo o bumabalik ako sa masasamang paraan ng pagsasalita at paggawi?’
13 Matutulungan tayo ng espiritu ng Diyos na ‘hubarin ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito’ at magbihis ng “bagong personalidad.” Makatutulong iyan sa atin na maging mas maibigin at mabait. Magiging madali sa atin na lubusang magpatawaran sa isa’t isa, kahit waring may dahilan tayong magreklamo. Iniisip man nating ginawan tayo ng kawalang-katarungan, hindi tayo maglalabas ng “mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.” Sa halip, sisikapin nating maging “mahabagin na may paggiliw.”—Efe. 4:31, 32.
(Colosas 3:10-14) at isuot ninyo ang bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagiging bago at mas katulad ng personalidad ng Isa na lumikha nito. 11 Sa bagong personalidad, walang pagkakaiba ang Griego at Judio, tuli at di-tuli, banyaga, Scita, alipin, at taong malaya; kundi si Kristo ang lahat ng bagay at nasa lahat. 12 At bilang mga pinili ng Diyos, mga banal at minamahal, magpakita kayo ng tunay na pagmamalasakit, kabaitan, kapakumbabaan, kahinahunan, at pagtitiis. 13 Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa. Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo. 14 Pero bukod sa mga ito, magpakita kayo ng pag-ibig, dahil lubusan nitong pinagkakaisa ang mga tao.
Nagbagong-Anyo Ka Na Ba?
18 Para makapagbagong-anyo sa tulong ng Salita ng Diyos, hindi sapat ang regular na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. Marami ang nagbabasa ng Bibliya kaya pamilyar sila sa nilalaman nito. Baka may nakausap ka nang gayong uri ng tao sa larangan. Saulado pa nga ng iba ang ilang talata sa Bibliya. Pero baka wala itong gaanong epekto sa kanilang saloobin at pamumuhay. Ano ang kulang? Para mabago tayo ng Salita ng Diyos, dapat itong tumagos sa ating puso. Kaya naman kailangan tayong gumugol ng panahon para bulay-bulayin ang natututuhan natin. Makabubuting itanong sa sarili: ‘Kumbinsido ba ako na hindi lang ito basta isang relihiyosong turo? Napatunayan ko na bang ito ang katotohanan? Ikinakapit ko ba ang natututuhan ko imbes na ituro lang ito sa iba? Naniniwala ba ako na ang natututuhan ko ay galing kay Jehova, na para bang kinakausap niya ako?’ Ang pagbubulay-bulay sa gayong mga tanong ay makakatulong para sumidhi ang pag-ibig natin kay Jehova. At kapag naantig ang ating puso, mauudyukan tayong magbago.—Kaw. 4:23; Luc. 6:45.
19 Kung regular nating binabasa at binubulay-bulay ang Salita ng Diyos, makakatulong ito para patuloy nating magawa ang sinabi ni Pablo: “Hubarin ninyo ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago.” (Col. 3:9, 10) Oo, mauudyukan tayong magbihis ng bago at tulad-Kristong personalidad kung talagang nauunawaan natin ang mga turo ng Bibliya at ikinakapit ito. Sa gayon, mapoprotektahan tayo laban sa mga tusong pakana ni Satanas.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Colosas 1:13, 14) Iniligtas niya tayo mula sa awtoridad ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang mahal na Anak, 14 na nagsilbing pantubos para mapalaya tayo—para mapatawad ang mga kasalanan natin.
Kaharian ng Diyos
Ang “Kaharian ng Anak ng Kaniyang Pag-ibig.” Sampung araw pagkaakyat ni Jesus sa langit, noong Pentecostes ng 33 C.E., tumanggap ang kaniyang mga alagad ng katibayan na siya ay “itinaas sa kanan ng Diyos” nang ibuhos sa kanila ni Jesus ang banal na espiritu. (Gaw 1:8, 9; 2:1-4, 29-33) Sa gayon ay nagkabisa sa kanila ang “bagong tipan,” at sila ang naging pinakapundasyon ng isang bagong “banal na bansa,” ang espirituwal na Israel.—Heb 12:22-24; 1Pe 2:9, 10; Gal 6:16.
Mula noon, si Kristo ay nakaupo na sa kanan ng kaniyang Ama at siya ang Ulo sa kongregasyong ito. (Efe 5:23; Heb 1:3; Fil 2:9-11) Ipinakikita ng Kasulatan na mula noong Pentecostes 33 C.E., isang espirituwal na kaharian ang itinatag upang mamahala sa kaniyang mga alagad. Nang sumulat ang apostol na si Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano sa Colosas, binanggit niya na si Jesu-Kristo ay mayroon nang isang kaharian: ‘Iniligtas tayo ng Diyos mula sa awtoridad ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig.’—Col 1:13; ihambing ang Gaw 17:6, 7.
Ang kaharian ni Kristo mula noong Pentecostes ng 33 C.E. ay isang espirituwal na kahariang namamahala sa espirituwal na Israel, mga Kristiyanong inianak ng espiritu ng Diyos upang maging espirituwal na mga anak ng Diyos. (Ju 3:3, 5, 6) Kapag tinanggap na ng gayong mga Kristiyanong inianak sa espiritu ang kanilang makalangit na gantimpala, hindi na sila makalupang mga sakop ng espirituwal na kaharian ni Kristo, kundi magiging mga hari sila kasama ni Kristo sa langit.—Apo 5:9, 10.
(Colosas 2:8) Maging mapagbantay kayo para walang bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya na ayon sa mga tradisyon ng tao at pananaw ng sanlibutan, at hindi ayon kay Kristo;
Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham sa mga Taga-Galacia, Taga-Efeso, Taga-Filipos, at Taga-Colosas
2:8—Ayon kay Pablo, anong “panimulang mga bagay ng sanlibutan” ang dapat iwasan? Tumutukoy ito sa mga bagay na nasa sanlibutan ni Satanas—mga pangunahing bagay o prinsipyo na bumubuo, umiimpluwensiya, o nagpapakilos dito. (1 Juan 2:16) Kasali rito ang pilosopiya, materyalismo, at mga huwad na relihiyon ng sanlibutang ito.
Pagbabasa ng Bibliya
(Colosas 1:1-20) Akong si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid ay nagpapadala ng sulat na ito 2 sa mga banal at sa tapat na mga kapatid sa Colosas na kaisa ni Kristo: Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama. 3 Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos, na Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kapag ipinapanalangin namin kayo, 4 dahil nabalitaan namin ang pananampalataya ninyo kay Kristo Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng banal 5 dahil sa pag-asang nakalaan sa inyo sa langit. Narinig ninyo noon ang tungkol sa pag-asang ito nang ang mensahe ng katotohanan ng mabuting balita 6 ay makarating sa inyo. Kung paanong namumunga at lumalaganap sa buong sanlibutan ang mabuting balita, iyan din ang nangyayari sa gitna ninyo mula nang araw na marinig ninyo at maranasan kung ano talaga ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. 7 Natutuhan ninyo iyan kay Epafras na minamahal nating kapuwa alipin, isang tapat na lingkod ng Kristo na kahalili namin. 8 Siya rin ang nagsabi sa amin ng tungkol sa inyong makadiyos na pag-ibig. 9 Kaya mula nang araw na marinig namin iyon, lagi na namin kayong ipinapanalangin at hinihiling namin na mapuno kayo ng tumpak na kaalaman tungkol sa kaniyang kalooban, taglay ang lahat ng karunungan at ang kakayahang umunawa mula sa espiritu, 10 para makapamuhay kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova at sa gayon ay lubusan ninyo siyang mapalugdan habang namumunga kayo dahil sa inyong mabubuting gawa at lumalago ang inyong tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos; 11 at mapalakas sana kayo ng maluwalhating kapangyarihan ng Diyos para maging mapagpasensiya kayo at masaya habang tinitiis ang lahat ng bagay, 12 habang pinasasalamatan ninyo ang Ama, na tumulong sa inyo na maging kuwalipikadong magkaroon ng bahagi sa mana ng mga banal na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo mula sa awtoridad ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang mahal na Anak, 14 na nagsilbing pantubos para mapalaya tayo—para mapatawad ang mga kasalanan natin. 15 Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang; 16 dahil sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at di-nakikita, mga trono man, pamamahala, gobyerno, o awtoridad. Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya. 17 Gayundin, siya ang nauna sa lahat ng iba pang bagay, at sa pamamagitan niya, ang lahat ng iba pang bagay ay nilikha, 18 at siya ang ulo ng katawan, ang kongregasyon. Siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay, nang sa gayon ay maging una siya sa lahat ng bagay; 19 dahil gusto ng Diyos na maging ganap ang lahat ng bagay sa kaniya. 20 Sa pamamagitan din niya, ipinagkasundo ng Diyos sa Kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay, sa lupa man o sa langit; naging posible ito dahil sa dugo na ibinuhos niya sa pahirapang tulos.
HULYO 8-14
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 TESALONICA 1-5
“Patuloy Ninyong Pasiglahin ang Isa’t Isa at Patibayin ang Isa’t Isa”
(1 Tesalonica 5:11-13) Kaya patuloy ninyong pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa, gaya ng ginagawa na ninyo. 12 Ngayon mga kapatid, hinihiling namin sa inyo na igalang ang mga nagpapagal sa gitna ninyo at nangunguna sa inyo may kaugnayan sa gawain ng Panginoon at nagpapayo sa inyo; 13 mahalin ninyo sila at maging mas makonsiderasyon sa kanila dahil sa ginagawa nila. Makipagpayapaan kayo sa isa’t isa.
“Isaalang-alang Yaong mga Nagpapagal sa Gitna Ninyo”
12 Ang ‘pamumuno’ sa kongregasyon ay hindi lang basta pagtuturo. Ginamit din ang salitang “namumuno” sa 1 Timoteo 3:4. Sinabi ni Pablo na ang tagapangasiwa ay dapat na “isang lalaking namumuno sa kaniyang sariling sambahayan sa mahusay na paraan, [na] may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso.” Dito, ang terminong ‘pamumuno’ ay maliwanag na sumasaklaw hindi lang sa pagtuturo sa kaniyang mga anak kundi pati sa pangunguna sa pamilya at sa pagkakaroon ng “mga anak na nagpapasakop.” Oo, ang mga elder ay nangunguna sa kongregasyon, anupat tinutulungan ang lahat na magpasakop kay Jehova.—1 Tim. 3:5.
“Isaalang-alang Yaong mga Nagpapagal sa Gitna Ninyo”
19 Ano ang gagawin mo kapag nakatanggap ka ng isang kaloob na ginawa para sa iyo? Gagamitin mo ba iyon para ipakita ang iyong pagpapahalaga? Naglaan sa iyo si Jehova ng “kaloob na mga tao” sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ang isang paraan para ipakitang nagpapahalaga ka ay ang pakikinig na mabuti sa mga pahayag ng mga elder at ang pagsisikap na ikapit ang mga puntong binanggit nila. Maipakikita mo rin ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng magagandang komento sa pulong. Suportahan ang gawaing pinangungunahan ng mga elder, gaya ng ministeryo sa larangan. Kung nakinabang ka sa payo ng isang elder, puwede mo itong sabihin sa kaniya. Bukod diyan, puwede mong ipakita ang iyong pagpapahalaga sa pamilya ng mga elder. Tandaan, kapag nagpapagal ang isang elder sa kongregasyon, isinasakripisyo ng kaniyang pamilya ang panahon na para sana sa kanila.
(1 Tesalonica 5:14) Pero hinihimok din namin kayo, mga kapatid, na babalaan ang mga masuwayin, patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob, alalayan ang mahihina, at maging mapagpasensiya sa lahat.
“Umibig Tayo . . . sa Gawa at Katotohanan”
13 Alalayan ang mahihina. Masusubok din ang pagiging tunay ng ating pag-ibig kung sinusunod natin ang utos ng Bibliya na “alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.” (1 Tes. 5:14) Maraming kapatid na dating mahina ang naging matatag sa pananampalataya nang maglaon. Pero ang iba ay nangangailangan ng matiyaga at patuluyang pagtulong. Puwede nating gamitin ang Kasulatan para patibayin sila, anyayahan silang sumama sa atin sa ministeryo, o maglaan ng panahon para pakinggan sila. At sa halip na basta isiping ang isang brother o sister ay “mahina” o “malakas,” kilalanin natin na lahat tayo ay may mga kalakasan at kahinaan. Kahit si apostol Pablo ay umamin na mayroon siyang mga kahinaan. (2 Cor. 12:9, 10) Kaya lahat tayo ay nangangailangan ng tulong at pampatibay mula sa ating mga kapuwa Kristiyano.
Tularan ang Kapakumbabaan at Pagkamagiliw ni Jesus
16 Magiliw na pananalita natin. Inuudyukan tayo ng magiliw na pagmamahal sa iba na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tes. 5:14) Paano natin sila mapatitibay? Maaari nating sabihin na talagang nagmamalasakit tayo sa kanila. Magbigay ng taimtim na komendasyon para makita nila ang magagandang katangian nila at kakayahan. Puwede rin nating ipaalaala sa kanila na inilapit sila ni Jehova sa kaniyang Anak, kaya tiyak na napakahalaga nila sa kaniya. (Juan 6:44) Tiyakin natin sa kanila na talagang nagmamalasakit si Jehova sa mga lingkod niya na “wasak ang puso” o “may espiritung nasisiil.” (Awit 34:18) Ang magiliw na pananalita natin ay makapagpapaginhawa sa mga nangangailangan ng tulong.—Kaw. 16:24.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(1 Tesalonica 4:3-6) Dahil kalooban ng Diyos na maging banal kayo at umiwas sa seksuwal na imoralidad. 4 Dapat na alam ng bawat isa sa inyo kung paano kontrolin ang kaniyang katawan para mapanatili itong banal at marangal, 5 na hindi nagpapadala sa sakim at di-makontrol na seksuwal na pagnanasa, gaya ng ginagawa ng mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos. 6 Hindi dapat lumampas sa limitasyon ang sinuman sa bagay na ito at masamantala ang kapatid niya, dahil pinaparusahan ni Jehova ang gumagawa ng mga ito. Noon pa man ay sinabi na namin ito at binigyan namin kayo ng malinaw na babala tungkol dito.
Pakikiapid
Ang pakikiapid ay isang paglabag na maaaring ikatiwalag ng isang indibiduwal mula sa kongregasyong Kristiyano. (1Co 5:9-13; Heb 12:15, 16) Ipinaliwanag ng apostol na ang Kristiyanong nakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan, anupat ginagamit sa imoral na layunin ang kaniyang mga sangkap sa pag-aanak. Nagkakaroon ito ng malubha at masamang epekto sa kaniya sa espirituwal na paraan, nagdudulot ng karungisan sa kongregasyon ng Diyos, at naghahantad sa kaniya sa panganib ng nakamamatay na mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik. (1Co 6:18, 19) Pinanghihimasukan niya ang mga karapatan ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano (1Te 4:3-7) sa pamamagitan ng (1) pagpapasok ng karumihan at kadusta-dustang kahibangan sa loob ng kongregasyon (Heb 12:15, 16), (2) pagkakait sa isa na pinakiapiran niya ng isang malinis na katayuang moral at, kung ang isang iyon ay walang-asawa, pagkakait sa isang iyon ng malinis na katayuan kapag pumasok iyon sa pag-aasawa, (3) pagkakait sa kaniyang sariling pamilya ng isang malinis na rekord sa moral, gayundin (4) pagkakasala sa mga magulang, asawang lalaki, o katipan ng isa na kaniyang pinakiapiran. Ipinagwawalang-halaga niya, hindi ang tao, na ang mga batas ay maaaring kumukunsinti o humahatol sa pakikiapid, kundi ang Diyos, na maglalapat ng kaparusahan para sa kaniyang kasalanan.—1Te 4:8.
(1 Tesalonica 4:15-17) Ito ang sinasabi namin sa inyo ayon sa salita ni Jehova: Ang mga buháy sa atin sa panahon ng presensiya ng Panginoon ay hindi mauunang umakyat sa langit kaysa sa mga namatay na; 16 dahil ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit at maririnig ang kaniyang tinig, tinig ng isang arkanghel, at hawak niya ang trumpeta ng Diyos, at ang mga patay na kaisa ni Kristo ang unang bubuhaying muli. 17 Pagkatapos, tayong mga natitirang buháy ay aagawin sa mga ulap para makasama sila at para salubungin ang Panginoon sa hangin; at lagi na nating makakasama ang Panginoon.
“Ang Inyong Katubusan ay Nalalapit Na”!
14 Ano ang mangyayari kapag sinimulan na ni Gog ng Magog ang pagsalakay sa bayan ng Diyos? Sina Mateo at Marcos ay parehong nag-ulat ng iisang pangyayari: “Isusugo [ng Anak ng tao] ang mga anghel at titipunin ang kaniyang mga pinili mula sa apat na hangin, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.” (Mar. 13:27; Mat. 24:31) Ang gawaing pagtitipong ito ay hindi tumutukoy sa inisyal na pagtitipon sa mga pinahiran; hindi rin ito tumutukoy sa pangwakas na pagtatatak sa mga nalabing pinahiran. (Mat. 13:37, 38) Ang pagtatatak na iyon ay magaganap bago magsimula ang malaking kapighatian. (Apoc. 7:1-4) Kaya ano ang gawaing pagtitipon na binabanggit ni Jesus? Ito ang panahon kung kailan tatanggapin ng mga nalabi ng 144,000 ang kanilang gantimpala sa langit. (1 Tes. 4:15-17; Apoc. 14:1) Mangyayari ito kapag nagsimula na ang pagsalakay ni Gog ng Magog. (Ezek. 38:11) Sa gayon, matutupad ang mga salita ni Jesus: “Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.”—Mat. 13:43.
15 Ibig bang sabihin, may mangyayaring “rapture” sa mga pinahiran? Ayon sa turong ito, marami sa Sangkakristiyanuhan ang naniniwala na ang mga Kristiyano ay kukunin papunta sa langit taglay ang kanilang katawang laman. Inaasahan din nila na makikita ang pagbabalik ni Jesus sa lupa para mamahala. Pero malinaw na ipinakikita ng Bibliya na “ang tanda ng Anak ng tao” ay lilitaw sa langit at na si Jesus ay darating na “nasa mga ulap sa langit.” (Mat. 24:30) Ang mga pananalitang ito ay parehong nagpapahiwatig ng pagiging di-nakikita. Bukod diyan, “ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos.” Kaya ang mga aakyat sa langit ay kailangan munang ‘baguhin, sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa panahon ng huling trumpeta.’ (Basahin ang 1 Corinto 15:50-53.) Kaya bagaman hindi natin ginagamit dito ang terminong “rapture” dahil sa maling pakahulugan sa salitang ito, nauunawaan natin na ang lahat ng nalabing tapat na pinahiran ay titipunin sa isang iglap.
Pagbabasa ng Bibliya
(1 Tesalonica 3:1-13) “Kaya nang hindi na kami makatiis, nagpasiya kaming manatili na lang sa Atenas; 2 at isinugo namin sa inyo si Timoteo, ang ating kapatid at lingkod ng Diyos alang-alang sa mabuting balita tungkol sa Kristo, para patatagin ang pananampalataya ninyo at aliwin kayo, 3 nang sa gayon, walang sinuman sa inyo ang manghina dahil sa mga paghihirap na ito. Dahil alam ninyong hindi talaga natin maiiwasang pagdusahan ang mga bagay na ito. 4 Noong kasama pa namin kayo, sinasabi na namin sa inyo na magdurusa tayo, at gaya ng alam ninyo, iyan nga ang nangyari. 5 Kaya nang hindi na ako makatiis, may isinugo ako sa inyo para malaman kung nananatili kayong tapat, dahil baka sa anumang paraan ay nadaya na kayo ng Manunukso at nasayang na ang mga pagsisikap namin. 6 Pero kararating lang ni Timoteo at may dala siyang magandang balita tungkol sa inyong katapatan at pag-ibig; sinabi niya na lagi ninyong naaalaala ang masasayang panahon natin at na gustong-gusto rin ninyo kaming makita gaya ng pananabik naming makita kayo. 7 Kaya naman mga kapatid, kahit nagigipit kami at nagdurusa, napapatibay kami dahil sa inyo at sa katapatang ipinapakita ninyo. 8 Dahil lumalakas kami kapag nananatiling matibay ang kaugnayan ninyo sa Panginoon. 9 Paano ba kami makapagpapasalamat sa Diyos dahil talagang napasaya ninyo kami? 10 Gabi’t araw kaming marubdob na nagsusumamo na makita sana namin kayo nang personal at mailaan ang anumang kailangan para mapatibay ang inyong pananampalataya. 11 Gumawa sana ng paraan ang atin mismong Diyos at Ama at ang ating Panginoong Jesus para makapunta kami sa inyo. 12 Pasaganain din sana kayo ng Panginoon, oo, pasidhiin sana niya ang pag-ibig ninyo sa isa’t isa at sa lahat, gaya ng nadarama namin para sa inyo, 13 para mapatatag niya ang puso ninyo at kayo ay maging walang kapintasan at banal sa harap ng ating Diyos at Ama sa panahon ng presensiya ng ating Panginoong Jesus kasama ang lahat ng kaniyang banal.
HULYO 15-21
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 TESALONICA 1-3
“Maisisiwalat ang Napakasamang Tao”
(2 Tesalonica 2:6-8) At alam na ninyo ngayon kung ano ang nagsisilbing pamigil, nang sa gayon ay maisiwalat siya sa itinakdang panahon para sa kaniya. 7 Totoo, nagsisimula na nang palihim ang kasamaan ng taong ito, pero mananatili itong lihim hanggang sa mawala ang nagsisilbing pamigil. 8 Pagkatapos, maisisiwalat ang napakasamang tao, na pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng kapangyarihang lumalabas sa kaniyang bibig at na lilipulin niya kapag nahayag na ang kaniyang presensiya.
Makadiyos na Debosyon
May isa pang hiwaga na salungat na salungat sa “sagradong lihim” ni Jehova. Iyon ay “ang hiwaga ng katampalasanang ito.” Isang hiwaga iyon para sa mga tunay na Kristiyano dahil noong mga araw ng apostol na si Pablo, ang pagkakakilanlan ng “taong tampalasan” ay hindi pa nahahayag bilang isang uri na tiyakang matutukoy at malinaw na makikilala. Kahit pagkatapos na mahayag ang “taong” iyon, ang kaniyang pagkakakilanlan ay mananatiling hiwaga para sa maraming tao sapagkat ang kaniyang kabalakyutan ay isasagawa sa likod ng balatkayo ng makadiyos na debosyon at sa ngalan nito. Ang totoo, isang pag-aapostata iyon mula sa tunay na makadiyos na debosyon. Sinabi ni Pablo na “ang hiwaga ng katampalasanang ito” ay gumagana na noong kaniyang mga araw, sapagkat mayroon nang impluwensiya ng katampalasanan sa kongregasyong Kristiyano, na sa kalaunan ay magbubunga ng paglitaw ng uring-apostatang iyon. Sa dakong huli, ang isang iyon ay lilipulin ni Jesu-Kristo sa pagkakahayag ng kaniyang pagkanaririto. Ang apostatang “taong” iyon na pinakikilos ni Satanas ay magtataas ng kaniyang sarili “sa ibabaw ng bawat isa na tinatawag na ‘diyos’ o isang bagay na pinagpipitaganan” (sa Gr., seʹba·sma). Kaya naman bilang isang kasangkapan ni Satanas, ang pusakal na mananalansang na iyon sa Diyos ay magiging lubhang mapanlinlang at magdudulot ng pagkapuksa sa mga sumusunod sa kaniyang mga gawain. Magiging mabisa ang pagkilos ng “taong tampalasan” dahil ang kaniyang kabalakyutan ay ikukubli ng paimbabaw na makadiyos na debosyon.—2Te 2:3-12; ihambing ang Mat 7:15, 21-23.
(2 Tesalonica 2:9-12) Pero si Satanas ang nasa likod ng patuloy na pag-iral ng napakasamang taong ito; magsasagawa ito ng makapangyarihang mga gawa, mapanlinlang na mga tanda, himala, 10 at iba pang masama at mapandayang bagay para sa mga tao na mapupuksa bilang parusa dahil hindi nila tinanggap at inibig ang katotohanang magliligtas sana sa kanila. 11 Kaya hinayaan ng Diyos na linlangin sila ng isang mapandayang impluwensiya para maniwala sila sa kasinungalingan, 12 nang sa gayon ay mahatulan silang lahat dahil nasiyahan sila sa kasamaan sa halip na maniwala sa katotohanan.
Kasinungalingan
Hinahayaan ng Diyos na Jehova na “ang pagkilos ng kamalian” ay mapasa mga taong mas pumipili sa kabulaanan “upang mapaniwalaan nila ang kasinungalingan” sa halip na ang mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo. (2Te 2:9-12) Ang simulaing ito ay inilalarawan ng pangyayari may kinalaman sa Israelitang si Haring Ahab maraming siglo bago nito. Tiniyak ng nagsisinungaling na mga propeta kay Ahab na magtatagumpay siya sa digmaan laban sa Ramot-gilead, samantalang ang propeta ni Jehova na si Micaias ay humula naman ng kasakunaan. Gaya ng isiniwalat kay Micaias sa pangitain, pinahintulutan ni Jehova ang isang espiritung nilalang na maging isang “espiritung mapanlinlang” sa bibig ng mga propeta ni Ahab. Samakatuwid nga, ginamit ng espiritung nilalang na ito ang kaniyang kapangyarihan sa kanila upang kanilang salitain, hindi ang katotohanan, kundi ang nais nilang sabihin at ang nais ni Ahab na marinig mula sa kanila. Bagaman binabalaan na, mas pinili ni Ahab na magpalinlang sa kanilang mga kasinungalingan, at buhay niya ang naging kabayaran nito.—1Ha 22:1-38; 2Cr 18.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(2 Tesalonica 1:7, 8) Pero kayo na napipighati ngayon ay pagiginhawahin kasama namin sa panahong isisiwalat ang Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang makapangyarihang mga anghel niya 8 sa isang nagliliyab na apoy. Sa panahong iyon, maghihiganti siya sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.
Apoy
Isinulat ni Pedro na “ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy.” Batay sa konteksto at sa ibang mga kasulatan, maliwanag na hindi ito literal na apoy kundi tumutukoy ito sa walang-hanggang pagkapuksa. Kung paanong hindi naman pinuksa, o winasak, ng Baha noong mga araw ni Noe ang literal na mga langit at lupa, kundi ang mga taong di-makadiyos lamang, ang pagkakasiwalat kay Jesu-Kristo kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy ay hahantong sa permanenteng pagkapuksa niyaon lamang mga di-makadiyos at ng balakyot na sistema ng mga bagay na kinabibilangan nila.—2Pe 3:5-7, 10-13; 2Te 1:6-10; ihambing ang Isa 66:15, 16, 22, 24.
(2 Tesalonica 2:2) na huwag ninyong hayaan na agad-agad na malihis ang inyong pangangatuwiran, at huwag kayong maniwala agad sa balitang narito na ang araw ni Jehova, galing man iyon sa isang pagsisiwalat na parang mula sa Diyos o sa isang mensahe na narinig ninyo sa iba o sa isang liham na parang galing sa amin.
Pagkasi
“Mga Kinasihang Kapahayagan”—Tunay at Huwad. Ang salitang Griego na pneuʹma (espiritu) ay ginagamit sa pantanging paraan sa ilang akdang apostoliko. Halimbawa, sa 2 Tesalonica 2:2, hinimok ng apostol na si Pablo ang mga kapatid sa Tesalonica na huwag mabagabag o matinag mula sa kanilang katinuan “sa pamamagitan ng kinasihang kapahayagan [sa literal, “espiritu”] o sa pamamagitan ng bibigang mensahe o sa pamamagitan ng liham na para bang mula sa amin, na wari bang ang araw ni Jehova ay narito na.” Maliwanag na ginamit ni Pablo ang salitang pneuʹma (espiritu) may kaugnayan sa mga paraan ng pakikipagtalastasan, gaya ng “bibigang mensahe” o “liham.” Kaya naman sinabi ng Commentary on the Holy Scriptures ni Lange (p. 126) tungkol sa tekstong ito: “Ang tinutukoy rito ng Apostol ay isang espirituwal na pahiwatig, bulaang prediksiyon, pananalita ng isang propeta.” (Isinalin at inedit ni P. Schaff, 1976) Ang Word Studies in the New Testament ni Vincent ay nagsasabi: “Sa pamamagitan ng espiritu. Sa pamamagitan ng makahulang mga pananalita ng mga indibiduwal sa mga kapulungang Kristiyano, anupat nag-aangking may awtoridad ng mga pagsisiwalat ng Diyos.” (1957, Tomo IV, p. 63) Kaya bagaman ang pneuʹma sa tekstong iyon at sa kahawig na mga kaso ay isinalin lamang na “espiritu” sa ilang salin, ang ibang mga salin ay kababasahan ng “mensahe ng Espiritu” (AT), “prediksiyon” (JB), “pagkasi” (D’Ostervald; Segond [Pranses]), “kinasihang kapahayagan” (NW).
Pagbabasa ng Bibliya
(2 Tesalonica 1:1-12) Akong si Pablo, kasama sina Silvano at Timoteo, ay sumusulat sa kongregasyon ng mga taga-Tesalonica na kaisa ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Kristo: 2 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo. 3 Lagi kaming nauudyukan na magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid. Tama lang ito, dahil patuloy na lumalakas ang inyong pananampalataya at lalo pa ninyong minamahal ang isa’t isa. 4 Kaya ipinagmamalaki namin kayo sa mga kongregasyon ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa kabila ng pag-uusig sa inyo at mga problema. 5 Patunay ito ng matuwid na paghatol ng Diyos. Dahil dito, itinuring kayong karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos, na dahilan ng pagdurusa ninyo. 6 Kaya naman matuwid para sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga pumipighati sa inyo. 7 Pero kayo na napipighati ngayon ay pagiginhawahin kasama namin sa panahong isisiwalat ang Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang makapangyarihang mga anghel niya 8 sa isang nagliliyab na apoy. Sa panahong iyon, maghihiganti siya sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. 9 Ang mga ito ay hahatulan ng parusang walang-hanggang pagkapuksa, kaya aalisin sila sa harap ng Panginoon at hindi na nila makikita ang kaniyang maluwalhating kapangyarihan; 10 mangyayari iyan sa araw na dumating siya para maluwalhati siyang kasama ng kaniyang mga banal at para hangaan siya ng lahat ng nanampalataya sa kaniya, gaya ninyo na nanampalataya sa patotoong ibinigay namin sa inyo. 11 Kaya naman lagi kaming nananalangin para sa inyo, na ituring kayo ng Diyos na karapat-dapat sa kaniyang pagtawag at gamitin niya ang kaniyang kapangyarihan para isagawa ang lahat ng kabutihang gusto niyang gawin at para gawing matagumpay ang inyong mga gawa na udyok ng pananampalataya. 12 Sa gayon, ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay maluluwalhati sa pamamagitan ninyo at kayo naman ay maluluwalhati dahil sa pagiging kaisa niya, ayon sa walang-kapantay na kabaitan ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.
HULYO 22-28
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 TIMOTEO 1-3
“Magsikap na Abutin ang Magandang Tunguhin”
(1 Timoteo 3:1) Mapananaligan ito: Kung nagsisikap ang isang lalaki na maging tagapangasiwa, magandang tunguhin iyan.
Bakit Kailangan Mong Sumulong sa Espirituwal?
3 Basahin ang 1 Timoteo 3:1. Ang pandiwang Griego na isinaling “umaabot” ay nangangahulugang pag-unat para makuha ang isang bagay, marahil isang bagay na higit kaysa sa karaniwang kaya mong abutin. Nang gamitin ni apostol Pablo ang salitang iyan, idiniriin niya na ang espirituwal na pagsulong ay nangangailangan ng pagsisikap. Halimbawa, isang brother ang nag-iisip tungkol sa kaniyang kinabukasan sa kongregasyon. Baka hindi pa siya ministeryal na lingkod, pero nakikita niya na kailangan niyang linangin ang espirituwal na mga katangian. Una, nagsikap siyang maging kuwalipikado bilang ministeryal na lingkod. Sa kalaunan, umaasa siyang maging kuwalipikado bilang tagapangasiwa. Kaya naman nagsisikap siyang maabot ang mga kuwalipikasyon para sa karagdagang pananagutan sa kongregasyon.
(1 Timoteo 3:13) Dahil ang mga lalaking naglilingkod sa mahusay na paraan ay nagkakaroon ng magandang reputasyon at malaking kalayaan sa pagsasalita tungkol sa pananampalataya kay Kristo Jesus.
Mga “Nagkakaroon ng Magandang Reputasyon”
7 Kaya naman, madaling makita kung bakit sinabi ni Pablo na ang mga lalaking iyon ay “nagkakaroon ng magandang reputasyon.” Hindi ito katulad ng sinasabi ng ilan na pag-angat sa herarkiya sa simbahan. Sa halip, ang mga ministeryal na lingkod na “naglilingkod sa mahusay na paraan” ay tiyak na pagpapalain ni Jehova at ni Jesus, at iginagalang sila at sinusuportahan ng buong kongregasyon. Kaya naman, mayroon silang “malaking kalayaan sa pagsasalita tungkol sa pananampalataya kay Kristo Jesus.” Dahil tapat sila sa kanilang atas, pinahahalagahan ang kanilang mahusay na paglilingkod; matibay ang pananampalataya nila kaya naipapahayag nila ang kanilang pananampalataya nang hindi naduduwag o natatakot sa panunuya.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(1 Timoteo 1:4) o magbigay-pansin sa mga kuwentong di-totoo at sa mga talaangkanan. Walang pakinabang ang gayong mga bagay at nagbabangon pa nga ng mga pag-aalinlangan. Hindi kasama ang mga iyon sa mga paglalaan ng Diyos para mapatibay ang ating pananampalataya.
Talaangkanan
Walang kabuluhan na pag-aralan at talakayin ang gayong mga bagay, at lalo nang totoo ito noong panahong sumulat si Pablo kay Timoteo. Hindi na mahalaga noon na panatilihin pa ang mga rekord ng talaangkanan upang mapatunayan ang pinagmulang angkan ng isang tao, yamang hindi na kinikilala noon ng Diyos ang anumang pagkakaiba sa pagitan ng Judio at ng Gentil sa kongregasyong Kristiyano. (Gal 3:28) At naitatag na ng mga rekord ng talaangkanan ang angkan na pinagmulan ni Kristo sa pamamagitan ng linya ni David. Isa pa, hindi na magtatagal matapos isulat ni Pablo ang payong ito at wawasakin na ang Jerusalem, pati na ang mga rekord ng mga Judio. Hindi iningatan ng Diyos ang mga iyon. Dahil dito, lubhang ninais ni Pablo na si Timoteo at ang mga kongregasyon ay huwag mailihis tungo sa pagsasaliksik at sa pakikipagtalo tungkol sa personal na mga linya ng ninuno, na wala namang maidaragdag sa pananampalatayang Kristiyano. Sapat na ang talaangkanang inilaan ng Bibliya upang patunayan ang pagiging Mesiyas ni Kristo, ang pinakamahalagang usapin hinggil sa talaangkanan para sa mga Kristiyano. Ang iba pang mga talaangkanan sa Bibliya ay nagsisilbing patotoo ng pagiging tunay ng rekord ng Kasulatan, anupat malinaw na nagpapakita na iyon ay isang tunay na ulat ng kasaysayan.
(1 Timoteo 1:17) Maparangalan nawa at maluwalhati magpakailanman ang Haring walang hanggan, na nabubuhay magpakailanman at di-nakikita, ang nag-iisang Diyos. Amen.
“Narito! Ito ang Ating Diyos”
15 Ang isa pang titulo na ikinapit tangi lamang kay Jehova ay “Haring walang hanggan.” (1 Timoteo 1:17; Apocalipsis 15:3) Ano ang kahulugan nito? Mahirap para sa ating limitadong kaisipan na maunawaan ito, subalit si Jehova ay walang hanggan sa magkabilang direksiyon—sa nakaraan at sa hinaharap. Ang Awit 90:2 ay nagsasabi: “Mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda ay ikaw ang Diyos.” Kaya si Jehova ay hindi kailanman nagkaroon ng pasimula; lagi siyang umiiral. Nararapat lamang na tawagin siyang “ang Sinauna sa mga Araw”—walang hanggan na siyang umiiral bago pa man umiral ang sinuman o anuman sa uniberso! (Daniel 7:9, 13, 22) Sino kaya ang may-katuwirang makatututol sa kaniyang karapatan na maging Soberanong Panginoon?
Pagbabasa ng Bibliya
(1 Timoteo 2:1-15) Kaya nga una sa lahat, hinihimok ko kayo na magsumamo, manalangin, mamagitan, at magpasalamat para sa lahat ng uri ng tao, 2 sa mga hari at sa lahat ng may mataas na posisyon, para patuloy tayong makapamuhay nang payapa, tahimik, seryoso, at may makadiyos na debosyon. 3 Mabuti ito at kalugod-lugod sa paningin ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, 4 na gustong maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan. 5 Dahil may isang Diyos, at isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus, 6 na nagbigay ng sarili niya bilang pantubos para sa lahat—ipangangaral ito sa takdang panahon para dito. 7 At para magpatotoo tungkol sa bagay na ito, inatasan ako ng Diyos bilang mángangarál at apostol, isang guro na magtuturo sa ibang mga bansa ng pananampalataya at katotohanan—sinasabi ko ang totoo, hindi ako nagsisinungaling. 8 Kaya nga gusto ko na sa lahat ng lugar na pinagtitipunan ninyo, ang mga lalaki ay magpatuloy sa pananalangin, na itinataas ang mga kamay nila nang may katapatan at walang halong poot at mga debate. 9 Gayundin, dapat pagandahin ng mga babae ang sarili nila sa pamamagitan ng maayos na pananamit, na nagpapakita ng kahinhinan at matinong pag-iisip, at hindi sa pamamagitan ng pagtitirintas ng buhok o pagsusuot ng ginto o perlas o napakamahal na damit, 10 kundi sa paggawing angkop sa mga babaeng may debosyon sa Diyos, ibig sabihin, sa pamamagitan ng mabubuting gawa. 11 Ang mga babae ay manatiling tahimik at lubos na nagpapasakop habang tinuturuan. 12 Hindi ko pinapahintulutan ang babae na magturo o mamuno sa lalaki, kundi dapat siyang tumahimik. 13 Dahil si Adan ang unang nilikha, pagkatapos ay si Eva. 14 Isa pa, hindi nalinlang si Adan; ang babae ang lubusang nalinlang at nagkasala. 15 Pero maiingatan siya sa pamamagitan ng pag-aanak, kung mananatili siyang may pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at matinong pag-iisip.
HULYO 29–AGOSTO 4
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 TIMOTEO 4-6
“Makadiyos na Debosyon o Kayamanan?”
(1 Timoteo 6:6-8) Totoo, may malaking pakinabang sa makadiyos na debosyon, pero dapat na may kasama itong pagkakontento. 7 Dahil wala tayong dinalang anuman sa mundo, at wala rin tayong anumang mailalabas. 8 Kaya maging kontento na tayo kung mayroon tayong pagkain at damit.
Matutuhan ang Lihim ng Kasiyahan sa Sarili
Ang isang pangunahing dahilan ng kaligayahan ni Pablo ay ang pagkakaroon niya ng kasiyahan sa sarili. Kung gayon, ano ang kahulugan ng kasiyahan sa sarili? Sa simpleng pananalita, ito’y nangangahulugan ng pagiging kontento sa pangunahing mga bagay. Tungkol dito, sinabi ni Pablo kay Timoteo na kasama niya sa ministeryo: “Ang totoo, ito ay isang paraan ng malaking pakinabang, itong makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.”—1 Timoteo 6:6-8.
Pansinin na iniugnay ni Pablo ang kasiyahan sa sarili sa makadiyos na debosyon. Kinilala niyang ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa makadiyos na debosyon, samakatuwid nga, sa pag-una sa ating paglilingkod sa Diyos, at hindi sa materyal na mga pag-aari o kayamanan. “Pagkain at pananamit” lamang ang kailangan upang makapagpatuloy siya sa pagtataguyod ng makadiyos na debosyon. Kaya para kay Pablo, ang lihim ng kasiyahan sa sarili ay ang magtiwala kay Jehova, anuman ang maging kalagayan.
(1 Timoteo 6:9) Pero ang mga determinadong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa bitag at sa maraming walang-saysay at nakapipinsalang pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at kapahamakan.
Determinadong Maging Mayaman —Kung Ano ang Posibleng Epekto Nito sa Iyo
Siyempre, maraming tao ang hindi naman namamatay dahil sa pagtataguyod ng kayamanan. Pero maaaring hindi na sila masiyahan sa buhay dahil masyado na silang abala sa pagkakamal ng kayamanan. Maaari ding maapektuhan ang kanilang buhay kung ang kaigtingan sa trabaho o problema sa pera ay nagiging sanhi ng sobrang pagkabalisa, di-pagkakatulog, madalas na pagsakit ng ulo, o ulser—mga problema sa kalusugan na nagpapaikli ng buhay. At kung matauhan man ang isa, baka huli na ang lahat. Baka hindi na nagtitiwala ang kaniyang asawa sa kaniya, naapektuhan na ang emosyon ng kaniyang mga anak, at baka may sakit na siya. Marahil ay puwede pa rin namang maayos ang ilang problema pero hindi na ito gayon kadali. ‘Pinagsasaksak nga ng gayong mga tao ang kanilang sarili ng maraming kirot.’—1 Timoteo 6:10.
(1 Timoteo 6:10) Dahil ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang bagay, at dahil sa pagpapadala sa pag-ibig na ito, ang ilan ay nailihis sa pananampalataya at dumanas ng maraming kirot.
Anim na Susi sa Tagumpay
Gaya ng nakita natin sa unang artikulo ng seryeng ito, ang mga taong naghahangad ng kayamanan bilang susi sa tagumpay ay, sa katunayan, naghahabol lamang sa hangin. Hindi lamang ito nagdudulot ng kabiguan, nagdadala pa ito ng maraming kirot. Halimbawa, dahil sa pagnanasang yumaman, madalas na isinasakripisyo ng mga tao ang kanilang kaugnayan sa pamilya at mga kaibigan. Ang iba naman ay hindi na halos makatulog—kung hindi man dahil sa trabaho, dahil sa kaiisip o pag-aalala. “Matamis ang tulog ng isang naglilingkod, kaunti man o marami ang kaniyang kinakain; ngunit ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan,” ang sabi sa Eclesiastes 5:12.
Ang pera ay hindi lamang malupit kundi mapanlinlang din na panginoon. Binanggit ni Jesu-Kristo ang tungkol sa “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan.” (Marcos 4:19) Sa ibang salita, ang kayamanan ay nangangako ng kaligayahan, pero hindi niya iyon tinutupad. Binubuyo ka lang nito na maghangad ng higit pa. “Sinumang umiibig sa salapi ay hindi nasisiyahan dito kahit kailan,” ang sabi sa Eclesiastes 5:10.—Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Sa madaling salita, ang pag-ibig sa salapi ay nakasasamâ at sa kalaunan ay humahantong sa kabiguan, o krimen pa nga. (Kawikaan 28:20) Ang talagang nagdudulot ng kaligayahan at tagumpay ay ang pagkabukas-palad, pagiging mapagpatawad, kalinisan sa moral, pag-ibig, at mabuting kaugnayan sa Diyos.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(1 Timoteo 4:2) dahil sa kasinungalingan ng mga taong mapagkunwari, na ang konsensiya ay naging manhid, na para bang pinaso ng mainit na bakal.
Isang Malinis na Konsensiya sa Harap ng Diyos
17 Sumulat si apostol Pedro: “Panatilihin ninyong malinis ang konsensiya ninyo.” (1 Pedro 3:16) Nakakalungkot, kapag patuloy na binabale-wala ng mga tao ang mga prinsipyo ni Jehova, darating ang panahong hindi na sila bababalaan ng konsensiya nila. Sinabi ni Pablo na ang gayong konsensiya ay nagiging “manhid, na para bang pinaso ng mainit na bakal.” (1 Timoteo 4:2) Naranasan mo na bang masunog ang balat mo? Kung oo, tiyak na nagkapeklat ang balat mo at naging manhid ito. Kung patuloy ang isang tao sa paggawa ng mali, magiging “manhid” ang konsensiya niya, at sa bandang huli, hindi na ito gagana.
(1 Timoteo 4:13) Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa, pagpapayo, at pagtuturo hanggang sa makarating ako riyan.
Pangmadlang Pagbabasa
Sa Kongregasyong Kristiyano. Noong unang siglo, iilan lamang ang may mga kopya ng maraming balumbon ng Bibliya, anupat kinailangan ang pangmadlang pagbabasa. Ipinag-utos ng apostol na si Pablo na basahin sa madla ang kaniyang mga liham sa panahon ng mga pulong ng mga kongregasyong Kristiyano at iniutos din niyang ipakipagpalit ang mga ito sa kaniyang mga liham sa ibang mga kongregasyon upang mabasa rin ang mga iyon. (Col 4:16; 1Te 5:27) Pinayuhan ni Pablo ang kabataang tagapangasiwang Kristiyano na si Timoteo na magsikap “sa pangmadlang pagbabasa, sa pagpapayo, sa pagtuturo.”—1Ti 4:13.
Ang pangmadlang pagbabasa ay dapat gawin nang may katatasan. (Hab 2:2) Yamang ang layunin ng pangmadlang pagbabasa ay ang magturo sa iba, dapat na lubusang nauunawaan ng pangmadlang tagabasa kung ano ang kaniyang binabasa at dapat na malinaw niyang naiintindihan ang intensiyon ng manunulat, anupat nag-iingat siya sa pagbasa upang maiwasan niyang magtawid ng maling ideya o impresyon sa mga tagapakinig. Ayon sa Apocalipsis 1:3, magiging maligaya yaong mga bumabasa nang malakas sa hulang iyon, gayundin yaong mga nakikinig sa mga salitang iyon at tumutupad sa mga iyon.
Pagbabasa ng Bibliya
(1 Timoteo 4:1-16) Gayunman, malinaw na sinasabi ng espiritu ng Diyos na sa hinaharap, may ilan na tatalikod sa pananampalataya at magbibigay-pansin sa mapanlinlang na pananalita na mula sa masasamang espiritu at sa mga turo ng mga demonyo 2 dahil sa kasinungalingan ng mga taong mapagkunwari, na ang konsensiya ay naging manhid, na para bang pinaso ng mainit na bakal. 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at iniuutos sa mga tao na umiwas sa mga pagkaing ginawa ng Diyos para kainin nang may pasasalamat ng mga may pananampalataya at tumpak na kaalaman sa katotohanan. 4 Dahil ang lahat ng ginawa ng Diyos ay mabuti, at walang anumang dapat itakwil kung ito ay kinain nang may pasasalamat, 5 dahil napababanal ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin para dito. 6 Kung ibibigay mo ang payong ito sa mga kapatid, magiging mahusay kang lingkod ni Kristo Jesus, isa na sumusulong at lumalakas sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya at ng mahusay na turo na maingat mong sinundan. 7 Pero iwasan mo ang mga kuwentong di-totoo at lumalapastangan sa Diyos, gaya ng ikinukuwento ng matatandang babae. Sa halip, sanayin mo ang iyong sarili at gawing tunguhin na magpakita ng makadiyos na debosyon. 8 Dahil may kaunting pakinabang sa pisikal na pagsasanay, pero ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng bagay, dahil may kasama itong pangako na buhay sa ngayon at sa hinaharap. 9 Ang mga salitang ito ay mapananaligan at talagang dapat paniwalaan. 10 Kaya naman nagsisikap tayo nang husto at nagpapakapagod, dahil umaasa tayo sa isang buháy na Diyos, na Tagapagligtas ng lahat ng uri ng tao, lalo na ng mga tapat. 11 Patuloy mong iutos at ituro ang mga ito. 12 Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo. Kaya maging halimbawa ka sa mga tapat pagdating sa pagsasalita, paggawi, pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan. 13 Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa, pagpapayo, at pagtuturo hanggang sa makarating ako riyan. 14 Huwag mong pabayaan ang regalong ibinigay ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng isang hula nang ipatong sa iyo ng lupon ng matatandang lalaki ang kanilang mga kamay. 15 Pag-isipan mong mabuti ang mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin dito para makita ng lahat ang pagsulong mo. 16 Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo. Ibigay mo ang buong makakaya mo sa pagtupad sa mga bagay na ito, dahil sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.