Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
DISYEMBRE 2-8
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | APOCALIPSIS 7-9
“Isang Malaking Pulutong ang Pinagpala ni Jehova”
(Apocalipsis 7:9) Pagkatapos nito ay nakita ko ang isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero at nakasuot ng mahabang damit na puti; at may hawak silang mga sanga ng palma.
Malaking Pulutong
Nagbabangon ito ng isang tanong: Kung ang “malaking pulutong” ay mga taong magtatamo ng kaligtasan at mananatili sa lupa, bakit sinasabing sila’y ‘nakatayo sa harap ng trono ng Diyos at sa harap ng Kordero’? (Apo 7:9) Kung minsan, ang ‘pagtayo’ ay ginagamit sa Bibliya upang magpahiwatig ng pagkakaroon ng isang kinalulugdan o sinasang-ayunang katayuan sa paningin ng isa na sa harap niya ay nakatayo ang isang indibiduwal o grupo. (Aw 1:5; 5:5; Kaw 22:29; Luc 1:19) Sa katunayan, sa naunang kabanata ng Apocalipsis, “ang mga hari sa lupa at ang matataas ang katungkulan at ang mga kumandante ng militar at ang mayayaman at ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malayang tao” ay ipinakikitang nagtatangkang magtago “mula sa mukha ng Isa na nakaupo sa trono at mula sa poot ng Kordero, sapagkat dumating na ang dakilang araw ng kanilang poot, at sino ang makatatayo?” (Apo 6:15-17; ihambing ang Luc 21:36.) Sa gayon, lumilitaw na ang “malaking pulutong” ay binubuo ng mga taong naingatan sa panahong iyon ng poot anupat nagawa nilang ‘tumayo’ bilang mga sinang-ayunan ng Diyos at ng Kordero.
(Apocalipsis 7:14) Kaya agad kong sinabi sa kaniya: “Panginoon ko, ikaw ang nakaaalam.” At sinabi niya sa akin: “Sila ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian, at nilabhan nila ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.
Kapighatian
Mga tatlong dekada pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem, ganito ang sinabi sa apostol na si Juan tungkol sa isang malaking pulutong ng mga tao mula sa lahat ng mga bansa, mga tribo, at mga bayan: “Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian.” (Apo 7:13, 14) Ang ‘paglabas ng isang malaking pulutong mula sa malaking kapighatian’ ay nagpapakitang nakaligtas sila mula roon. Pinatutunayan ito ng isang katulad na pananalita sa Gawa 7:9, 10: “Ang Diyos ay sumasakaniya [kay Jose], at hinango niya siya mula sa lahat ng kaniyang mga kapighatian.” Ang pagkahango ni Jose mula sa lahat ng kaniyang mga kapighatian ay hindi lamang nangangahulugan na tinulungan siyang mabata ang mga iyon kundi na siya ay nakaligtas din mula sa mga iyon.
(Apocalipsis 7:15-17) Iyan ang dahilan kung bakit sila nasa harap ng trono ng Diyos, at gumagawa sila ng sagradong paglilingkod sa kaniya araw at gabi sa templo niya; at ang Isa na nakaupo sa trono ay maglulukob ng tolda niya sa kanila. 16 Hindi na sila magugutom o mauuhaw, at hindi sila mapapaso ng araw o ng anumang matinding init, 17 dahil ang Kordero, na nasa gitna ng trono, ay magpapastol sa kanila at aakay sa kanila sa mga bukal ng tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa mga mata nila.”
Malaking Pulutong
Ang Kanilang Pagkakakilanlan. Ang susi sa pagkakakilanlan ng “malaking pulutong” ay nasa paglalarawan sa kanila sa Apocalipsis kabanata 7 at sa mga talatang kahawig nito. Sa Apocalipsis 7:15-17, sinasabi na ‘ilulukob ng Diyos ang kaniyang tolda sa kanila,’ na sila’y aakayin sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay,” at na papahirin ng Diyos “ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Sa Apocalipsis 21:2-4 naman, makikita ang katulad na mga pananalitang: “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan,” “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata,” at “hindi na magkakaroon ng kamatayan.” Ang pangitaing iniulat dito ay may kinalaman sa mga taong nasa lupa, sa gitna ng sangkatauhan, at hindi sa langit, na pinanggagalingan ‘ng Bagong Jerusalem na bumababa.’
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Apocalipsis 7:1) Pagkatapos nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, at hinahawakan nilang mahigpit ang apat na hangin ng lupa, para walang hanging humihip sa lupa o sa dagat o sa anumang puno.
Pagtatatak sa Israel ng Diyos
4 Walang alinlangan, ang apat na anghel na ito ay kumakatawan sa apat na grupo ng mga anghel na ginagamit ni Jehova upang pigilan ang paglalapat ng hatol hanggang sa itinakdang panahon. Kapag pinakawalan na ng mga anghel ang mga hangin na ito ng poot ng Diyos upang humihip nang sabay-sabay mula sa hilaga, timog, silangan, at kanluran, katakut-takot ang magiging pinsala. Magiging katulad ito, bagama’t sa higit na kagila-gilalas na paraan, ng paggamit ni Jehova sa apat na hangin nang pangalatin niya ang sinaunang mga Elamita, upang durugin at lipulin sila. (Jeremias 49:36-38) Dambuhalang buhawi iyon na higit pang mapamuksa kaysa sa “unos” na ginamit ni Jehova sa paglipol sa bansang Ammon. (Amos 1:13-15) Walang anumang bahagi ng organisasyon ni Satanas sa lupa ang makatatagal sa araw ng mainit na galit ni Jehova, kapag ipinagbangong-puri na niya ang kaniyang soberanya magpakailan-kailanman.—Awit 83:15, 18; Isaias 29:5, 6.
(Apocalipsis 9:11) May hari sila, ang anghel ng kalaliman. Sa Hebreo, ang pangalan niya ay Abadon, pero sa Griego, ang pangalan niya ay Apolyon.
Abadon
Abadon, ang anghel ng kalaliman—sino siya?
Gayunman, sa Apocalipsis 9:11, ang salitang “Abadon” ay ginagamit bilang pangalan ng “anghel ng kalaliman.” Ang katumbas nitong pangalang Griego na Apolyon ay nangangahulugang “Tagapuksa.” Noong ika-19 na siglo, sinikap ng ilan na ipakitang ang tekstong ito ay makahulang tumutukoy sa mga indibiduwal na gaya nina Emperador Vespasian, Muhammad, at maging ni Napoleon, at itinuring ng karamihan na ang nabanggit na anghel ay “sataniko.” Ngunit dapat pansinin na sa Apocalipsis 20:1-3, ang anghel na may taglay ng “susi ng kalaliman” ay inilalarawan bilang kinatawan ng Diyos mula sa langit, at sa halip na “sataniko,” iginapos at inihagis nito si Satanas sa kalaliman. Bilang komento sa Apocalipsis 9:11, ganito ang sabi ng The Interpreter’s Bible: “Gayunman, si Abadon ay anghel hindi ni Satanas kundi ng Diyos anupat nagsasagawa ng kaniyang gawaing pagpuksa sa utos ng Diyos.”
Sa Hebreong mga kasulatan na katatalakay pa lamang, maliwanag na ang ʼavad·dohnʹ ay iniuugnay sa Sheol at kamatayan. Sa Apocalipsis 1:18, sinabi ni Kristo Jesus: “Ako ay nabubuhay magpakailan-kailanman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.” Ipinakikita sa Lucas 8:31 na may kapangyarihan siya sa kalaliman. Ang kaniyang kapangyarihang pumuksa, maging kay Satanas, ay inilalarawan naman sa Hebreo 2:14, kung saan sinasabing nakibahagi si Jesus sa dugo at laman upang “sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ay mapawi niya ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo.” Sa Apocalipsis 19:11-16 ay malinaw na ipinakikitang inatasan siya ng Diyos bilang Tagapuksa o Tagapaglapat ng Hatol.—Tingnan ang APOLYON.
Pagbabasa ng Bibliya
(Apocalipsis 7:1-12) Pagkatapos nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, at hinahawakan nilang mahigpit ang apat na hangin ng lupa, para walang hanging humihip sa lupa o sa dagat o sa anumang puno. 2 At nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, at siya ay may tatak ng Diyos na buháy; at sumigaw siya nang malakas sa apat na anghel na binigyan ng awtoridad na puminsala sa lupa at sa dagat: 3 “Huwag ninyong pinsalain ang lupa o ang dagat o ang mga puno, hanggang sa matapos naming tatakan sa noo ang mga alipin ng ating Diyos.” 4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000, na tinatakan mula sa bawat tribo ng mga anak ni Israel: 5 Mula sa tribo ni Juda ay 12,000 ang tinatakan; mula sa tribo ni Ruben ay 12,000; mula sa tribo ni Gad ay 12,000; 6 mula sa tribo ni Aser ay 12,000; mula sa tribo ni Neptali ay 12,000; mula sa tribo ni Manases ay 12,000; 7 mula sa tribo ni Simeon ay 12,000; mula sa tribo ni Levi ay 12,000; mula sa tribo ni Isacar ay 12,000; 8 mula sa tribo ni Zebulon ay 12,000; mula sa tribo ni Jose ay 12,000; mula sa tribo ni Benjamin ay 12,000 ang tinatakan. 9 Pagkatapos nito ay nakita ko ang isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero at nakasuot ng mahabang damit na puti; at may hawak silang mga sanga ng palma. 10 At patuloy silang sumisigaw nang malakas: “Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.” 11 Ang lahat ng anghel ay nakatayo sa palibot ng trono at ng matatanda at ng apat na buháy na nilalang, at sumubsob sila sa harap ng trono at sumamba sa Diyos 12 at nagsabi: “Amen! Ang papuri at ang kaluwalhatian at ang karunungan at ang pasasalamat at ang karangalan at ang kapangyarihan at ang lakas ay maging sa Diyos natin magpakailanman. Amen.”
DISYEMBRE 9-15
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | APOCALIPSIS 10-12
“‘Dalawang Saksi’ ang Pinatay at Muling Binuhay”
(Apocalipsis 11:3) Ipadadala ko ang dalawa kong saksi para manghula sa loob ng 1,260 araw na nakadamit ng telang-sako.”
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sino ang dalawang saksi na binabanggit sa Apocalipsis kabanata 11?
Sa Apocalipsis 11:3, binanggit na may dalawang saksi na manghuhula sa loob ng 1,260 araw. Pagkatapos, sinabi ng ulat na “dadaigin sila at papatayin” ng mabangis na hayop. Pero pagkaraan ng “tatlo at kalahating araw,” ang dalawang saksing ito ay bubuhaying muli, na ikagugulat ng lahat ng nagmamasid.—Apoc. 11:7, 11.
Sino ang dalawang saksing ito? Makakatulong ang mga detalye ng ulat para makilala natin sila. Una, binabanggit na sila ay “isinasagisag ng dalawang punong olibo at ng dalawang kandelero.” (Apoc. 11:4) Ipinaaalala nito sa atin ang kandelero at dalawang punong olibo sa hula ni Zacarias. Sinasabing ang mga punong olibong iyon ay lumalarawan sa “dalawang pinahiran,” samakatuwid nga, kay Gobernador Zerubabel at sa mataas na saserdoteng si Josue, na “nakatayo sa tabi ng Panginoon ng buong lupa.” (Zac. 4:1-3, 14) Ikalawa, binabanggit na ang dalawang saksi ay gumagawa ng mga tanda na katulad ng ginawa nina Moises at Elias.—Ihambing ang Apocalipsis 11:5, 6 sa Bilang 16:1-7, 28-35 at 1 Hari 17:1; 18:41-45.
Ano ang pagkakatulad ng mga talatang ito ng Apocalipsis at ng Zacarias? Parehong tumutukoy ang mga ito sa mga pinahiran ng Diyos na nanguna sa tunay na pagsamba sa panahon ng pagsubok. Kaya sa katuparan ng Apocalipsis kabanata 11, ang mga pinahirang kapatid na nanguna sa pangangaral nang panahong itatag ang Kaharian ng Diyos sa langit noong 1914 ay nangaral na ‘nakatelang-sako’ sa loob ng tatlo at kalahating taon.
Sa katapusan ng kanilang pangangaral nang nakatelang-sako, ang mga pinahirang ito ay pinatay sa makasagisag na paraan nang ibilanggo sila nang “tatlo at kalahating araw,” isang makasagisag na yugto ng panahon na mas maikli kaysa sa tatlo at kalahating taon. Sa paningin ng mga kaaway ng bayan ng Diyos, ang gawaing pangangaral ay tuluyan nang napahinto, na labis nilang ikinatuwa.—Apoc. 11:8-10.
Pero gaya ng inihula, sa katapusan ng tatlo at kalahating araw, binuhay-muli ang dalawang saksi. Ang mga pinahirang ito ay pinalaya mula sa bilangguan, at ang mga nanatiling tapat ay tumanggap ng pantanging atas mula sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo. Noong 1919, kabilang sila sa mga inatasang maglingkod bilang “tapat at maingat na alipin” na maglalaan ng espirituwal na pangangailangan ng bayan ng Diyos sa mga huling araw.—Mat. 24:45-47; Apoc. 11:11, 12.
Kapansin-pansin na iniuugnay ng Apocalipsis 11:1, 2 ang mga pangyayaring ito sa isang yugto ng panahon kung kailan susukatin, o susuriin, ang espirituwal na templo. Binabanggit sa Malakias kabanata 3 ang isang katulad na pagsisiyasat sa espirituwal na templo, na sinundan ng panahon ng paglilinis. (Mal. 3:1-4) Gaano katagal ang pagsisiyasat at paglilinis na ito? Ito ay mula noong 1914 hanggang sa mga unang buwan ng 1919. Saklaw ng yugtong ito kapuwa ang 1,260 araw (42 buwan) at ang makasagisag na tatlo at kalahating araw na binabanggit sa Apocalipsis kabanata 11.
Laking pasasalamat natin na isinaayos ni Jehova ang espirituwal na pagdadalisay na ito upang linisin ang isang espesyal na bayan para sa maiinam na gawa! (Tito 2:14) Pinahahalagahan din natin ang halimbawang ipinakita ng tapat na mga pinahiran na nanguna nang panahong iyon ng pagsubok at nagsilbing ang makasagisag na dalawang saksi.
(Apocalipsis 11:7) Kapag natapos na nila ang kanilang pagpapatotoo, ang mabangis na hayop na umaahon mula sa kalaliman ay makikipagdigma sa kanila at tatalunin sila at papatayin sila.
(Apocalipsis 11:11) Pagkatapos ng tatlo at kalahating araw, pumasok sa kanila ang puwersa ng buhay mula sa Diyos, at tumayo sila, at labis na natakot ang mga nakakita sa kanila.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Apocalipsis 10:9, 10) Pinuntahan ko ang anghel at sinabi ko sa kaniya na ibigay sa akin ang maliit na balumbon. Sinabi niya sa akin: “Kunin mo ito at kainin, at papapaitin nito ang tiyan mo, pero sa bibig mo ay magiging matamis itong gaya ng pulot-pukyutan.” 10 Kinuha ko ang maliit na balumbon na hawak ng anghel at kinain ito, at sa bibig ko ay matamis ito na gaya ng pulot-pukyutan, pero matapos ko itong kainin, pumait ang tiyan ko.
Balumbon
Makasagisag na Paggamit. Sa ilang pagkakataon, ang salitang “balumbon” ay ginagamit sa Bibliya sa makasagisag na paraan. Sina Ezekiel at Zacarias ay kapuwa nakakita ng balumbon na may sulat sa magkabilang panig. Yamang karaniwan nang isang panig lamang ng balumbon ang ginagamit, ang pagsulat sa magkabilang panig ay maaaring tumutukoy sa bigat, antas, at pagkaseryoso ng mga kahatulang nakasulat sa mga balumbong iyon. (Eze 2:9–3:3; Zac 5:1-4) Sa pangitain sa Apocalipsis, sa kanang kamay niyaong isa na nasa trono ay may isang balumbon na may pitong tatak, upang hindi makita ninuman ang nakasulat hangga’t hindi nabubuksan ng Kordero ng Diyos ang mga iyon. (Apo 5:1, 12; 6:1, 12-14) Nang maglaon, sa pangitain ding iyon, si Juan mismo ay binigyan ng isang balumbon at inutusang kainin ito. Matamis ito sa bibig ni Juan ngunit pinapait nito ang kaniyang tiyan. Yamang ang balumbon ay bukás at walang tatak, isa itong bagay na dapat maunawaan. Naging “matamis” para kay Juan ang pagtanggap sa mensaheng nilalaman nito ngunit lumilitaw na mayroon itong mapapait na bagay na kailangan niyang ihula, gaya ng iniutos sa kaniya na gawin. (Apo 10:1-11) Kahawig nito ang naging karanasan ni Ezekiel sa balumbong ibinigay sa kaniya na may “mga panambitan at pagdaing at paghagulhol.”—Eze 2:10.
(Apocalipsis 12:1-5) Pagkatapos, isang dakilang tanda ang nakita sa langit: Isang babaeng nadaramtan ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng mga paa niya, at sa ulo niya ay may isang koronang gawa sa 12 bituin, 2 at siya ay nagdadalang-tao. At sumisigaw siya dahil sa kirot at matinding hirap sa panganganak. 3 Isa pang tanda ang nakita sa langit. Isang malaki at kulay-apoy na dragon, na may 7 ulo at 10 sungay, at sa mga ulo nito ay may 7 diadema; 4 at kinakaladkad ng buntot nito ang sangkatlo ng mga bituin sa langit, at inihagis sila nito sa lupa. At ang dragon ay nanatiling nakatayo sa harap ng babae na malapit nang manganak, para kapag nanganak na ang babae ay malamon nito ang anak niya. 5 At nagsilang siya ng isang anak na lalaki, na magpapastol sa lahat ng bansa gamit ang isang panghampas na bakal. At ang anak niya ay inagaw at dinala sa Diyos na nakaupo sa trono.
Kirot ng Pagdaramdam, Mga
Sa pangitain ng apostol na si Juan sa Apocalipsis, nakakita siya ng isang makalangit na babae na sumisigaw “dahil sa kaniyang mga kirot at sa kaniyang matinding paghihirap na magsilang.” Ang batang isinilang ay “isang anak na lalaki, isang lalaki, na magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal.” Sa kabila ng mga pagsisikap ng dragon na lamunin ito, “ang kaniyang anak ay inagaw patungo sa Diyos at sa kaniyang trono.” (Apo 12:1, 2, 4-6) Ipinahihiwatig ng pag-agaw ng Diyos sa anak na lalaking ito na tinatanggap ng Diyos ang bata bilang sarili niyang anak, kung paanong kaugalian noong sinaunang mga panahon na iharap ang isang bagong-silang na sanggol sa ama nito upang kaniyang tanggapin. (Tingnan ang KAPANGANAKAN.) Mangangahulugan ito na ang “babae” ay ang “asawa” ng Diyos, ang “Jerusalem sa itaas,” ang “ina” ni Kristo at ng kaniyang espirituwal na mga kapatid.—Gal 4:26; Heb 2:11, 12, 17.
Sabihin pa, ang makalangit na “babae” ng Diyos ay sakdal, at ang panganganak ay walang kaakibat na literal na kirot. Samakatuwid, sa makasagisag na paraan, ipahihiwatig ng mga kirot ng pagdaramdam na malalaman ng “babae” na malapit na siyang manganak; maaasahan niyang magaganap ito sa di-kalaunan.—Apo 12:2.
Sino ang “anak na lalaki, isang lalaki” na ito? Sinasabing siya ay “magpapastol sa lahat ng mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal.” Inihula sa Awit 2:6-9 na gagawin ito ng Mesiyanikong Hari ng Diyos. Ngunit nang makita ni Juan ang pangitaing ito, mahabang panahon na ang lumipas mula nang ipanganak si Jesus sa lupa at mula noong siya ay mamatay at buhaying-muli. Samakatuwid, waring tinutukoy ng pangitain ang pagsilang ng Mesiyanikong Kaharian na nasa mga kamay ng Anak ng Diyos na si Jesu-Kristo, na nang maibangon mula sa mga patay ay “umupo sa kanan ng Diyos, na mula noon ay naghihintay hanggang sa mailagay ang kaniyang mga kaaway bilang tuntungan para sa kaniyang mga paa.”—Heb 10:12, 13; Aw 110:1; Apo 12:10.
Pagbabasa ng Bibliya
(Apocalipsis 10:1-11) At nakakita ako ng isa pang malakas na anghel na bumababa mula sa langit; nadaramtan siya ng ulap, ang ulo niya ay may bahaghari, ang mukha niya ay gaya ng araw, at ang mga binti niya ay gaya ng mga haliging apoy, 2 at may hawak siyang isang maliit na balumbon na nakabukas. At itinapak niya ang kanang paa niya sa dagat, pero ang kaliwang paa niya ay sa lupa, 3 at sumigaw siya nang malakas na gaya ng pag-ungal ng leon. At nang sumigaw siya, narinig ko ang mga tinig ng pitong kulog. 4 Nang magsalita ang pitong kulog, magsusulat na sana ako, pero narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsabi: “Tatakan mo ang mga bagay na sinabi ng pitong kulog, at huwag mong isulat ang mga iyon.” 5 Ang anghel na nakita kong nakatayo sa dagat at sa lupa ay nagtaas ng kanang kamay niya sa langit, 6 at sumumpa siya sa pamamagitan ng Isa na nabubuhay nang walang hanggan, na lumalang ng langit at ng mga bagay na naroon at ng lupa at ng mga bagay na naroon at ng dagat at ng mga bagay na naroon: “Tapos na ang panahon ng paghihintay. 7 Dahil sa panahon na malapit nang hipan ng ikapitong anghel ang trumpeta niya, ang sagradong lihim na inihayag ng Diyos bilang mabuting balita sa sarili niyang mga alipin na mga propeta ay matutupad na.” 8 At ang tinig na narinig ko mula sa langit ay muling nagsalita sa akin; sinabi nito: “Kunin mo ang nakabukas na balumbon na hawak ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa.” 9 Pinuntahan ko ang anghel at sinabi ko sa kaniya na ibigay sa akin ang maliit na balumbon. Sinabi niya sa akin: “Kunin mo ito at kainin, at papapaitin nito ang tiyan mo, pero sa bibig mo ay magiging matamis itong gaya ng pulot-pukyutan.” 10 Kinuha ko ang maliit na balumbon na hawak ng anghel at kinain ito, at sa bibig ko ay matamis ito na gaya ng pulot-pukyutan, pero matapos ko itong kainin, pumait ang tiyan ko. 11 At sinabi nila sa akin: “Dapat kang manghulang muli tungkol sa mga bayan at mga bansa at mga wika at sa maraming hari.”
DISYEMBRE 16-22
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | APOCALIPSIS 13-16
“Huwag Matakot sa Kakila-kilabot na mga Hayop”
(Apocalipsis 13:1, 2) At tumayo ito sa buhanginan ng dagat. At nakita ko ang isang mabangis na hayop na umaahon mula sa dagat, na may 10 sungay at 7 ulo, at sa mga sungay nito ay may 10 diadema, pero sa mga ulo nito ay may mga pangalang mapamusong. 2 Ang mabangis na hayop na nakita ko ay tulad ng leopardo, pero ang mga paa nito ay gaya ng sa oso, at ang bibig nito ay gaya ng bibig ng leon. At ibinigay ng dragon sa hayop ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang trono at malaking awtoridad.
Si Jehova—“Tagapagsiwalat ng mga Lihim”
6 Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., ang binuhay-muling si Jesus ay nagbigay kay apostol Juan ng nakagigitlang mga pangitain. (Apoc. 1:1) Sa isa sa mga ito, nakita ni Juan ang Diyablo, inilalarawan bilang dragon, na nakatayo sa buhanginan ng malawak na dagat. (Basahin ang Apocalipsis 13:1, 2.) Nakakita rin si Juan ng isang kakaibang hayop na umahon sa dagat na iyon at tumanggap ng dakilang awtoridad mula sa Diyablo. Nang maglaon, ipinaliwanag ng isang anghel kay Juan na ang pitong ulo ng isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop, na siyang larawan ng mabangis na hayop sa Apocalipsis 13:1, ay kumakatawan sa “pitong hari,” o mga gobyerno. (Apoc. 13:14, 15; 17:3, 9, 10) Nang isulat ni Juan ang pangitain, lima sa mga iyon ang bumagsak na, isa ang nasa kapangyarihan, at ang isa ay “hindi pa dumarating.” Saan tumutukoy ang mga kaharian, o mga kapangyarihang pandaigdig, na iyon? Talakayin natin ang bawat ulo ng mabangis na hayop na inilalarawan sa Apocalipsis. Makikita rin natin kung paanong ang mga isinulat ni Daniel ay nagdagdag ng mahahalagang detalye hinggil sa mga kahariang ito, kung minsan, maraming siglo bago pa lumitaw ang mga kahariang ito.
(Apocalipsis 13:11) At nakita ko ang isa pang mabangis na hayop na lumalabas mula sa lupa, at ito ay may dalawang sungay na gaya ng sa isang kordero, pero nagsimula itong magsalitang gaya ng isang dragon.
(Apocalipsis 13:15) At pinahintulutan itong magbigay ng buhay sa estatuwa ng mabangis na hayop, para ang estatuwa ng mabangis na hayop ay makapagsalita at maipapatay nito ang lahat ng ayaw sumamba sa estatuwa ng mabangis na hayop.
Pakikipaglaban sa Dalawang Mabangis na Hayop
26 Ano kaya ito? Ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano—ito rin ang ikapitong ulo ng unang mabangis na hayop subalit sa isang pantanging papel! Ang pagbubukod dito sa pangitain bilang isang hiwalay na mabangis na hayop ay tumutulong sa atin na makita nang malinaw kung paano ito kumikilos sa ganang sarili sa tanghalan ng daigdig. Ang makasagisag na mabangis na hayop na ito na may dalawang sungay ay binubuo ng dalawang pulitikal na kapangyarihan na magkasabay na umiiral at may kani-kaniyang pamahalaan, subalit nagtutulungan. Ang dalawang sungay nito na “tulad ng isang kordero” ay nagpapahiwatig na nagkukunwa itong maamo, hindi mabalasik, at may naliwanagang uri ng pamahalaan na dapat panaligan ng buong daigdig. Ngunit nagsasalita itong “gaya ng isang dragon” sapagkat gumagamit ito ng mga panggigipit at pagbabanta at maging ng tahasang karahasan sa mga dakong ayaw kilalanin ang kaniyang uri ng pamamahala. Hindi ito humihimok ng pagpapasakop sa Kaharian ng Diyos na pinamamahalaan ng Kordero ng Diyos, kundi sa halip, sa mga kapakanan ni Satanas, ang malaking dragon. Itinaguyod nito ang nasyonalistikong pagkakabaha-bahagi at mga pagkakapootan na sa katunayan ay pagsamba sa unang mabangis na hayop.
Pakikipaglaban sa Dalawang Mabangis na Hayop
30 Batay sa naging takbo ng kasaysayan, ang larawang ito ay ang organisasyong ipinanukala, itinaguyod, at sinuportahan ng Britanya at ng Estados Unidos at unang nakilala bilang Liga ng mga Bansa. Sa dakong huli, sa Apocalipsis kabanata 17, lilitaw ito sa ilalim ng naiibang simbolo, bilang isang nabubuhay at humihingang mabangis na hayop na kulay-iskarlata na umiiral sa ganang sarili. ‘Nagsasalita’ ang internasyonal na organisasyong ito sa diwa na ito’y naghahambog at nag-aangking siya lamang ang makapagdudulot ng kapayapaan at katiwasayan sa sangkatauhan. Pero ang totoo, naging komperensiya lamang ito kung saan nagbabatuhan ng mga pagbatikos at pang-iinsulto ang mga bansang miyembro nito. Nagbabanta itong itatakwil, o ituturing na patay, ang alinmang bansa o bayan na hindi yuyukod sa awtoridad nito. Ang totoo, itiniwalag ng Liga ng mga Bansa ang mga bansang hindi umaayon sa kaniyang mga ideolohiya. Sa pagpapasimula ng malaking kapighatian, gaganap ng mapamuksang papel ang militaristikong mga “sungay” ng larawan ng mabangis na hayop.—Apocalipsis 7:14; 17:8, 16.
31 Mula noong Digmaang Pandaigdig II, ang larawan ng mabangis na hayop—na nahayag ngayon bilang ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa—ay pumatay na sa literal na paraan. Halimbawa, noong 1950, nakisangkot ang hukbo ng UN sa digmaan ng Hilagang Korea at Timog Korea. Ang hukbo ng UN, kasama ng Timog Korea, ay pumatay ng tinatayang 1,420,000 taga-Hilagang Korea at mga Tsino. Gayundin, mula 1960 hanggang 1964, naging aktibo sa Congo (Kinshasa) ang mga hukbo ng Nagkakaisang mga Bansa. Bukod dito, ang mga lider ng daigdig, kasama na ang mga papang sina Paul VI at John Paul II, ay patuloy na nanindigan na ang larawan na ito ang siyang kahuli-hulihan at tanging pag-asa ng tao ukol sa kapayapaan. Iginigiit nila na kung tatangging maglingkod dito ang sangkatauhan, lilipulin ng lahi ng tao ang kaniyang sarili. Kaya sa makasagisag na paraan, ipinapapatay nila ang lahat ng tao na tumatangging makiayon at sumamba sa larawan.—Deuteronomio 5:8, 9.
(Apocalipsis 13:16, 17) Pinipilit nito ang lahat ng tao—ang mga hamak at ang mga dakila, ang mayayaman at ang mahihirap, ang malaya at ang mga alipin—na magpalagay ng marka sa kanang kamay nila o sa noo nila, 17 para walang sinumang makabili o makapagtinda maliban sa tao na may marka, ang pangalan ng mabangis na hayop o ang numero ng pangalan nito.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Apocalipsis—II
13:16, 17. Sa kabila ng mga problemang napapaharap sa atin dahil sa pang-araw-araw na mga gawaing gaya ng ‘pamimili o pagtitinda,’ hindi tayo dapat magpadala sa panggigipit na hayaan ang mabangis na hayop na kontrolin ang ating buhay. Ang pagtanggap sa ‘marka ng mabangis na hayop sa ating kamay o noo’ ay katumbas ng pagpapahintulot sa mabangis na hayop na kontrolin ang ating pagkilos o pag-iisip.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Apocalipsis 16:13, 14) At nakakita ako ng tatlong maruruming mensahe na tulad ng mga palaka na lumalabas sa bibig ng dragon at sa bibig ng mabangis na hayop at sa bibig ng huwad na propeta. 14 Sa katunayan, ang mga ito ay mga mensaheng galing sa mga demonyo at gumagawa ng mga tanda ang mga ito, at pumupunta ang mga ito sa mga hari ng buong lupa, para tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Apocalipsis—II
6:13-16. Ang “maruruming kinasihang kapahayagan” ay sumasagisag sa propaganda ng mga demonyo na nilayon para tiyaking ang mga hari sa lupa ay hindi maaapektuhan ng pagbubuhos ng pitong mangkok ng galit ng Diyos kundi sa halip ay sumalansang kay Jehova.—Mat. 24:42, 44.
(Apocalipsis 16:21) Pagkatapos, mula sa langit ay bumagsak sa mga tao ang malalaking tipak ng yelo, na mga isang talento ang bigat ng bawat isa, at namusong sa Diyos ang mga tao dahil sa salot ng yelo, dahil napakatindi ng salot.
“Ang Inyong Katubusan ay Nalalapit Na”!
9 Hindi iyon panahon para ipangaral ang ‘mabuting balita ng kaharian.’ Tapós na ang panahon para ipangaral ang mensaheng iyon. Darating na “ang wakas”! (Mat. 24:14) Tiyak na isang matinding mensahe ng paghatol ang ipahahayag ng bayan ng Diyos. Maaaring nagsasangkot ito ng paghahayag na magaganap na ang lubusang pagkapuksa ng masamang sanlibutan ni Satanas. Itinulad ng Bibliya ang mensaheng ito sa batong graniso nang sabihin nito: “Makapal na graniso na ang bawat bato ay mga kasimbigat ng isang talento ang bumagsak sa mga tao mula sa langit, at namusong sa Diyos ang mga tao dahil sa salot ng graniso, sapagkat ang salot nito ay lubhang matindi.”—Apoc. 16:21.
Pagbabasa ng Bibliya
(Apocalipsis 16:1-16) At narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa santuwaryo na nagsabi sa pitong anghel: “Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng galit ng Diyos.” 2 Humayo ang una at ibinuhos ang mangkok niya sa lupa. At nagkaroon ng masakit at malubhang sugat ang mga tao na may marka ng mabangis na hayop at sumasamba sa estatuwa nito. 3 Ibinuhos ng ikalawa ang mangkok niya sa dagat. At ito ay naging dugo na gaya ng sa taong patay, at ang bawat buháy na nilalang ay namatay, oo, ang mga bagay na nasa dagat. 4 Ibinuhos ng ikatlo ang mangkok niya sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig. At naging dugo ang mga iyon. 5 Narinig kong sinabi ng anghel na may awtoridad sa tubig: “Ikaw, ang kasalukuyan at ang nakaraan, ang Isa na tapat, ay matuwid, dahil ibinaba mo ang mga hatol na ito, 6 dahil ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at binigyan mo sila ng dugo para inumin; nararapat iyon sa kanila.” 7 At narinig kong sinabi ng altar: “Oo, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat, totoo at matuwid ang mga hatol mo.” 8 Ibinuhos ng ikaapat ang mangkok niya sa araw, at pinahintulutan ang araw na pasuin ng apoy ang mga tao. 9 At napaso ang mga tao sa matinding init, pero namusong sila sa pangalan ng Diyos, na may awtoridad sa mga salot na ito, at hindi sila nagsisi at nagbigay ng kaluwalhatian sa kaniya. 10 Ibinuhos ng ikalima ang mangkok niya sa trono ng mabangis na hayop. At nagdilim ang kaharian nito, at pinasimulan nilang ngatngatin ang kanilang dila dahil sa kirot, 11 pero namusong sila sa Diyos ng langit dahil sa mga kirot at mga sugat nila, at hindi nila pinagsisihan ang mga ginagawa nila. 12 Ibinuhos ng ikaanim ang mangkok niya sa malaking ilog ng Eufrates, at natuyo ang tubig nito para ihanda ang daan para sa mga hari na mula sa sikatan ng araw. 13 At nakakita ako ng tatlong maruruming mensahe na tulad ng mga palaka na lumalabas sa bibig ng dragon at sa bibig ng mabangis na hayop at sa bibig ng huwad na propeta. 14 Sa katunayan, ang mga ito ay mga mensaheng galing sa mga demonyo at gumagawa ng mga tanda ang mga ito, at pumupunta ang mga ito sa mga hari ng buong lupa, para tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. 15 “Makinig kayo! Dumarating akong gaya ng magnanakaw! Maligaya ang nananatiling gisíng at nakasuot ng damit niya, para hindi siya maglakad nang hubad at makita ng mga tao ang kahihiyan niya.” 16 At tinipon sila ng mga ito sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.
DISYEMBRE 23-29
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | APOCALIPSIS 17-19
“Ang Digmaan ng Diyos na Tatapos sa Lahat ng Digmaan”
(Apocalipsis 19:11) Nakita kong bumukas ang langit, at nakita ko ang isang puting kabayo. At ang nakasakay roon ay tinatawag na Tapat at Totoo, at siya ay humahatol at nakikipagdigma ayon sa katuwiran.
(Apocalipsis 19:14-16) Gayundin, ang mga hukbo sa langit ay sumusunod sa kaniya sakay ng mga puting kabayo, at nakasuot sila ng maputi, malinis, at magandang klase ng lino. 15 At lumabas sa bibig niya ang isang matalas at mahabang espada na gagamitin niya para saktan ang mga bansa, at papastulan niya sila gamit ang isang panghampas na bakal. Tatapakan din niya ang mga ubas sa pisaan ng ubas ng galit ng poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. 16 Sa damit niya, oo, sa hita niya, ay may nakasulat na pangalan, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.
Armagedon—Ang Digmaan ng Diyos na Tatapos sa Lahat ng Digmaan
Hangga’t nasa kapangyarihan ang masasamang tao, hindi magiging payapa at tiwasay ang matuwid na mga tao. (Kawikaan 29:2; Eclesiastes 8:9) Katambal na ng mga taong balakyot ang katiwalian at kasamaan. Kaya magkakaroon lamang ng kapayapaan kapag nilipol na ang masasama. “Ang balakyot ay pantubos para sa matuwid,” ang isinulat ni Solomon.—Kawikaan 21:18.
Yamang ang Diyos ang Hukom, makatitiyak tayo na matuwid ang lahat ng gagawin niyang paghatol sa masasama. “Hindi ba yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?” ang tanong ni Abraham. Napatunayan ni Abraham na laging tama si Jehova! (Genesis 18:25) Bukod diyan, tinitiyak sa atin ng Bibliya na hindi natutuwa si Jehova na puksain ang masasama; gagawin lamang niya ito kapag ayaw na talaga nilang magbago.—Ezekiel 18:32; 2 Pedro 3:9.
Kabayo
Sa makasagisag na pangitain ng apostol na si Juan, ang niluwalhating si Jesu-Kristo ay ipinakitang nakasakay sa isang kabayong puti at may kasamang hukbo na ang mga miyembro ay pawang nakaupo sa mga kabayong puti. Isiniwalat kay Juan ang pangitaing ito upang ipakita na matuwid at makatarungan ang digmaang ipakikipagbaka ni Kristo laban sa lahat ng kaaway para sa kaniyang Diyos at Ama, si Jehova. (Apo 19:11, 14) Mas maaga rito, ang pagkilos ni Kristo bilang hari at ang mga kapahamakang kasunod niyaon ay inilarawan ng iba’t ibang mangangabayo at ng mga kabayong sinasakyan nila.—Apo 6:2-8.
(Apocalipsis 19:19, 20) At nakita ko ang mabangis na hayop at ang mga hari sa lupa at ang mga hukbo nila na nagtipon para makipagdigma sa isa na nakasakay sa kabayo at sa hukbo niya. 20 At sinunggaban ang mabangis na hayop, at kasama nito ang huwad na propeta na gumawa sa harap nito ng mga tanda para iligaw ang mga tumanggap ng marka ng mabangis na hayop at ang mga sumasamba sa estatuwa nito. Habang buháy pa, pareho silang inihagis sa maapoy na lawa na nagniningas sa asupre.
Nagtatagumpay sa Armagedon ang Mandirigmang-Hari
24 Ang mabangis na hayop mula sa dagat na may pitong ulo at sampung sungay, na kumakatawan sa pulitikal na organisasyon ni Satanas, ay ililibing sa limot kasama na ang bulaang propeta, ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig. (Apocalipsis 13:1, 11-13; 16:13) Samantalang “buháy” pa, o samantalang nagkakaisang sumasalansang sa bayan ng Diyos sa lupa, ihahagis sila sa “lawa ng apoy.” Literal ba ang lawang ito ng apoy? Hindi, kung paanong hindi literal na mga hayop ang mabangis na hayop at ang bulaang propeta. Sa halip, sagisag ito ng lubusan at pangwakas na pagkapuksa. Sa dakong huli, dito ibubulid ang kamatayan at ang Hades, pati na ang Diyablo mismo. (Apocalipsis 20:10, 14) Tiyak na hindi ito isang impiyerno ng walang-hanggang pagpapahirap para sa mga balakyot, yamang ang ideya pa lamang hinggil sa ganitong dako ay karima-rimarim na kay Jehova.—Jeremias 19:5; 32:35; 1 Juan 4:8, 16.
(Apocalipsis 19:21) Pero ang iba pa ay pinatay sa pamamagitan ng mahabang espada na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo. At ang lahat ng ibon ay nabusog sa laman nila.
Nagtatagumpay sa Armagedon ang Mandirigmang-Hari
25 Ang lahat ng iba pa na hindi naman tuwirang bahagi ng pamahalaan, subalit bahagi ng masamang sanlibutan ng sangkatauhan na ayaw nang magbago pa, ay ‘papatayin din sa pamamagitan ng mahabang tabak ng isa na nakaupo sa kabayo.’ Hahatulan sila ni Jesus bilang karapat-dapat sa kamatayan. Yamang hindi binabanggit ang lawa ng apoy may kaugnayan sa kanila, aasahan ba natin na bubuhayin pa silang muli? Wala tayong mababasa na ang mga pupuksain ng Hukom na inatasan ni Jehova sa panahong iyon ay bubuhaying muli. Gaya ng sinabi mismo ni Jesus, ang lahat ng hindi kabilang sa “mga tupa” ay magtutungo sa “walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel,” samakatuwid nga, ‘tungo sa walang-hanggang pagkalipol.’ (Mateo 25:33, 41, 46) Ito ang magiging kasukdulan ng “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.”—2 Pedro 3:7; Nahum 1:2, 7-9; Malakias 4:1.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Apocalipsis 17:8) Ang mabangis na hayop na nakita mo ay umiral, pero wala ito ngayon. Gayunman, malapit na itong umahon mula sa kalaliman, at ito ay patungo sa pagkapuksa. At ang mga nakatira sa lupa na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay mula nang itatag ang sanlibutan ay magugulat kapag nakita nila kung paanong ang mabangis na hayop ay umiral, pero wala na, at gayunman ay babalik.
Nalutas ang Kasindak-sindak na Hiwaga
5 “Ang mabangis na hayop . . . ay naging siya.” Oo, umiral ito bilang Liga ng mga Bansa mula noong Enero 10, 1920, at 63 bansa ang nakilahok dito sa iba’t ibang panahon. Subalit nang maglaon, kumalas ang Hapon, Alemanya, at Italya, at itiniwalag naman mula sa Liga ang dating Unyong Sobyet. Noong Setyembre 1939, pinasimulan ng diktador na Nazi ng Alemanya ang Digmaang Pandaigdig II. Palibhasa’y nabigong panatilihin ang kapayapaan sa daigdig, halos bumulusok sa kalaliman ng kawalang-gawain ang Liga ng mga Bansa. Pagsapit ng 1942, laos na ito. Ipinaliwanag ni Jehova sa kaniyang bayan ang lubos na kahulugan ng pangitain, hindi bago nito ni sa isang atrasadong petsa, kundi tamang-tama sa mapanganib na panahong iyon! Kaya naipahayag ni N. H. Knorr sa Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea, kasuwato ng hula, na “ang mabangis na hayop ay . . . wala na.” Pagkatapos ay nagtanong siya, “Mananatili ba sa hukay ang Liga?” Sinipi niya ang Apocalipsis 17:8, at sumagot: “Muling babangon ang samahan ng makasanlibutang mga bansa.” Ganitung-ganito nga ang nangyari—bilang pagbabangong-puri sa makahulang Salita ni Jehova!
Umahon Mula sa Kalaliman
6 Umahon nga mula sa kalaliman ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Noong Hunyo 26, 1945, sa San Francisco, E.U.A., nagkaroon ng malaking publisidad nang sang-ayunan ng 50 bansa na tanggapin ang Karta ng organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa. Ang organisasyong ito ay “magpapanatili ng pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan.” Maraming pagkakatulad ang Liga at ang UN. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Sa ilang paraan, ang UN ay nakakatulad ng Liga ng mga Bansa, na inorganisa pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig I . . . Marami sa mga bansang nagtatag ng UN ang siya ring nagtatag ng Liga. Gaya ng Liga, itinatag ang UN upang panatilihin ang kapayapaan sa pagitan ng mga bansa. Ang pangunahing mga ahensiya ng UN ay katulad na katulad niyaong sa Liga.” Kaya ang UN sa katunayan ay ang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na binuhay muli. Di-hamak na mas marami ang miyembro nito na mga 190 bansa kaysa sa 63 miyembro ng Liga; mas marami rin itong pananagutan kaysa sa hinalinhan nito.
(Apocalipsis 17:16, 17) At ang 10 sungay na nakita mo at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa babaeng bayaran at gagawin nila siyang wasak at hubad, at uubusin nila ang laman niya at lubusan siyang susunugin. 17 Dahil inilagay ng Diyos sa puso nila na gawin ang nasa isip niya, oo, na gawin ang iisa nilang kaisipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaharian nila sa mabangis na hayop, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos.
Isinisiwalat ni Jehova ang “Kailangang Maganap sa Di-kalaunan”
17 Gayunman, hindi basta-basta maglalaho ang huwad na relihiyon. Ang patutot ay mananatiling maimpluwensiya, at sisikapin niyang mapasunod ang mga hari hanggang sa itanim ng Diyos ang isang ideya sa puso ng mga nasa kapangyarihan. (Basahin ang Apocalipsis 17:16, 17.) Malapit nang udyukan ni Jehova ang pulitikal na mga elemento ng sistema ni Satanas—kinakatawanan ng United Nations—na salakayin ang huwad na relihiyon. Wawasakin nila ang impluwensiya at kayamanan nito. Waring imposibleng mangyari ito noong nagdaang mga dekada. Pero ngayon, nanganganib nang mahulog ang patutot mula sa likod ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Gayunman, hindi siya dadausdos sa kinauupuan niya kundi biglang-bigla siyang babagsak.—Apoc. 18:7, 8, 15-19.
Pagbabasa ng Bibliya
(Apocalipsis 17:1-11) Lumapit sa akin ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, at sinabi niya sa akin: “Halika, ipapakita ko sa iyo ang hatol sa maimpluwensiyang babaeng bayaran na nakaupo sa maraming tubig, 2 na nagkasala ng seksuwal na imoralidad kasama ang mga hari sa lupa, at ang mga nakatira sa lupa ay nilasing sa alak ng kaniyang seksuwal na imoralidad.” 3 At sa kapangyarihan ng espiritu ay dinala niya ako sa ilang. At nakita ko ang isang babae na nakaupo sa isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na punô ng mapamusong na mga pangalan at may 7 ulo at 10 sungay. 4 Ang babae ay nakasuot ng damit na purpura at iskarlata, at may mga alahas siyang ginto at mamahaling mga bato at mga perlas, at may hawak siyang gintong kopa na punô ng kasuklam-suklam na mga bagay at ng maruruming bagay ng kaniyang seksuwal na imoralidad. 5 Nakasulat sa noo niya ang isang pangalan, isang misteryo: “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga babaeng bayaran at ng kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa.” 6 At nakita ko na ang babae ay lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus. Nang makita ko siya, gulat na gulat ako. 7 Kaya sinabi sa akin ng anghel: “Bakit ka nagulat? Sasabihin ko sa iyo ang misteryo ng babae at ng mabangis na hayop na sinasakyan niya na may 7 ulo at 10 sungay: 8 Ang mabangis na hayop na nakita mo ay umiral, pero wala ito ngayon. Gayunman, malapit na itong umahon mula sa kalaliman, at ito ay patungo sa pagkapuksa. At ang mga nakatira sa lupa na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay mula nang itatag ang sanlibutan ay magugulat kapag nakita nila kung paanong ang mabangis na hayop ay umiral, pero wala na, at gayunman ay babalik. 9 “Dito kailangan ng isip na may karunungan: Ang pitong ulo ay sumasagisag sa pitong bundok, na sa ibabaw nito ay nakaupo ang babae. 10At may pitong hari: Bumagsak na ang lima, ang isa ay narito, at ang isa ay hindi pa dumarating; pero pagdating niya, mananatili siya nang maikling panahon. 11 At ang mabangis na hayop na umiral pero wala na, ito rin ang ikawalong hari, pero nagmula ito sa pito, at ito ay patungo sa pagkapuksa.
DISYEMBRE 30–ENERO 5
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | APOCALIPSIS 20-22
“Tingnan Mo! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay”
(Apocalipsis 21:1) At nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa; dahil ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na.
Isang Bagong Langit at Isang Bagong Lupa
2 Daan-daang taon bago ang panahon ni Juan, sinabi ni Jehova kay Isaias: “Sapagkat narito, lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” (Isaias 65:17; 66:22) Ang hulang ito ay unang natupad nang bumalik sa Jerusalem ang tapat na mga Judio noong 537 B.C.E. pagkaraan ng kanilang 70-taóng pagkatapon sa Babilonya. Sa pagsasauling iyon, bumuo sila ng isang nilinis na lipunan, “isang bagong lupa,” sa ilalim ng isang bagong sistema ng pamamahala, ang “mga bagong langit.” Gayunman, isa pang karagdagang katuparan ng hulang ito ang tinukoy ni apostol Pedro, na sinasabi: “Ngunit may mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ipinakikita ngayon ni Juan na natutupad ang pangakong ito sa panahon ng araw ng Panginoon. Mawawala na “ang dating langit at ang dating lupa,” ang organisadong sistema ng mga bagay ni Satanas pati na ang kaayusan ng pamahalaan nito na kontrolado ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Mapaparam na ang maligalig na “dagat” ng balakyot at mapaghimagsik na sangkatauhan. Hahalinhan ito ng “isang bagong langit at isang bagong lupa”—isang bagong makalupang lipunan sa ilalim ng bagong pamahalaan, ang Kaharian ng Diyos.—Ihambing ang Apocalipsis 20:11.
(Apocalipsis 21:3, 4) Pagkatapos, narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: “Tingnan mo! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at maninirahan siyang kasama nila, at sila ay magiging bayan niya. At ang Diyos mismo ay sasakanila. 4 At papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot. Ang dating mga bagay ay lumipas na.”
“Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng Bagay”
“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 21:4) Anong luha ang papahirin niya? Hindi ang luha ng kagalakan ni ang luha na nagbibigay-proteksiyon sa ating mata. Ang pangako ng Diyos ay tumutukoy sa luha na dulot ng pagdurusa at pamimighati. Hindi lang basta papahirin ni Jehova ang luha kundi lubusan niyang aalisin ang mga dahilan ng pagluha—ang pagdurusa at pamimighati.
“Hindi na magkakaroon ng kamatayan.” (Apocalipsis 21:4) Wala nang higit pang dahilan ng matinding pagluha kundi ang kaaway na kamatayan. Palalayain ni Jehova ang masunuring mga tao sa gapos ng kamatayan. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aalis sa tunay na dahilan ng kamatayan: ang kasalanang minana kay Adan. (Roma 5:12) Pasasakdalin ni Jehova ang masunuring mga tao salig sa haing pantubos ni Jesus. Pagkatapos, ang huling kaaway na kamatayan ay “papawiin.” (1 Corinto 15:26) Ang mga taong tapat ay mabubuhay ayon sa nilayon ng Diyos—nang walang hanggan taglay ang sakdal na kalusugan.
“Hindi na magkakaroon ng . . . kirot.” (Apocalipsis 21:4) Anong kirot ang mawawala? Ang lahat ng mental, emosyonal, at pisikal na kirot na resulta ng kasalanan at di-kasakdalan na nagdulot ng miserableng buhay sa milyun-milyon ay mawawala na.
(Apocalipsis 21:5) At sinabi ng nakaupo sa trono: “Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Sinabi rin niya: “Isulat mo, dahil ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”
Si Jehova, ang Diyos ng Katotohanan
14 Dapat nating dibdibin kung ano ang sinasabi ni Jehova sa atin sa kaniyang Salita. Totoo talaga ang sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili, at gagawin niya kung ano ang kaniyang sinasabing gagawin niya. Taglay natin ang lahat ng dahilan upang magtiwala sa Diyos. Mapaniniwalaan natin kapag sinabi ni Jehova na siya’y magpapasapit ng “paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:8) Maaari rin nating pagtiwalaan ang salita ni Jehova nang kaniyang sabihing iniibig niya yaong mga nagtataguyod ng katuwiran, nang kaniyang sabihing pagkakalooban niya ng buhay na walang-hanggan ang mga sumasampalataya, at nang kaniyang sabihing aalisin niya ang kirot, paghiyaw, at maging ang kamatayan. Idiniin ni Jehova ang pagkamaaasahan ng huling pangakong ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tagubiling ito kay apostol Juan: “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”—Apocalipsis 21:4, 5; Kawikaan 15:9; Juan 3:36.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Apocalipsis 20:5) (Ang iba pang patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang 1,000 taon.) Ito ang unang pagkabuhay-muli.
Buhay
Sa kaniyang utos kay Adan, ipinahiwatig ng Diyos na kung susundin siya ni Adan, hindi ito mamamatay. (Gen 2:17) Gayundin naman ang masunuring sangkatauhan, kapag pinawi na ang huling kaaway ng tao, ang kamatayan, wala nang kasalanang gagana sa kanilang mga katawan upang magdulot ng kamatayan. Hanggang sa panahong walang takda ay hindi na nila kailangang mamatay. (1Co 15:26) Ang pagpawing ito sa kamatayan ay magaganap sa katapusan ng paghahari ni Kristo, na ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis bilang 1,000 taon ang haba. Dito ay sinasabi na yaong magiging mga hari at mga saserdote na kasama ni Kristo ay “nabuhay at namahala bilang mga hari na kasama ng Kristo sa loob ng isang libong taon.” Malamang na “ang iba pa sa mga patay” na hindi nabuhay “hanggang sa matapos ang isang libong taon” ay yaong mga buháy hanggang sa katapusan ng isang libong taon, ngunit bago pakawalan si Satanas mula sa kalaliman upang magpasapit ng pangwakas na pagsubok sa sangkatauhan. Sa katapusan ng isang libong taon, naabot na ng mga tao sa lupa ang kasakdalan bilang tao, anupat nasa kalagayan nina Adan at Eva bago nagkasala ang mga ito. Sa panahong iyon ay talagang tatamasahin na nila ang sakdal na buhay. Pagkatapos nito, yaong mga makapapasa sa pagsubok kapag pinakawalan si Satanas mula sa kalaliman sa loob ng maikling panahon ay maaari nang magtamasa ng buhay na iyon magpakailanman.—Apo 20:4-10.
(Apocalipsis 20:14, 15) At ang kamatayan at ang Libingan ay inihagis sa lawa ng apoy. Sumasagisag ito sa ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. 15 At ang sinumang hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay inihagis sa lawa ng apoy.
Lawa ng Apoy
Ang pananalitang ito ay sa aklat ng Apocalipsis lamang lumilitaw at maliwanag na makasagisag. Ibinibigay mismo ng Bibliya ang paliwanag at katuturan ng sagisag na ito sa pagsasabing: “Ito ay nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy.”—Apo 20:14; 21:8.
Sa mga paglitaw nito sa aklat ng Apocalipsis, ipinakikita rin ng konteksto na makasagisag ang lawa ng apoy. Ang kamatayan ay sinasabing ihahagis sa lawa ng apoy na ito. (Apo 19:20; 20:14) Maliwanag na hindi maaaring literal na masunog ang kamatayan. Karagdagan pa, ang Diyablo, isang di-nakikitang espiritung nilalang, ay ihahagis sa lawang ito. Palibhasa’y espiritu, hindi siya maaaring mapinsala ng literal na apoy.—Apo 20:10; ihambing ang Exo 3:2 at Huk 13:20.
Yamang ang lawa ng apoy ay kumakatawan sa “ikalawang kamatayan” at yamang sinasabi ng Apocalipsis 20:14 na kapuwa ang “kamatayan at ang Hades” ay ihahagis doon, maliwanag na ang lawa ay hindi maaaring kumatawan sa kamatayang minana ng tao kay Adan (Ro 5:12), ni tumutukoy man ito sa Hades (Sheol). Samakatuwid, tiyak na sumasagisag ito sa ibang uri ng kamatayan, isa na hindi mapawawalang-bisa, sapagkat walang binabanggit ang ulat na ibibigay ng “lawa” yaong mga naroon, di-gaya ng gagawin ng Adanikong kamatayan at ng Hades (Sheol). (Apo 20:13) Kaya naman yaong mga hindi masusumpungang nakasulat sa “aklat ng buhay,” na mga di-nagsisising mananalansang sa soberanya ng Diyos, ay ihahagis sa lawa ng apoy, na nangangahulugang walang-hanggang pagkapuksa, o ang ikalawang kamatayan.—Apo 20:15.
Pagbabasa ng Bibliya
(Apocalipsis 20:1-15) At nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit hawak ang susi ng kalaliman at isang malaking kadena. 2 Sinunggaban niya ang dragon, ang orihinal na ahas, ang Diyablo at Satanas, at iginapos ito sa loob ng 1,000 taon. 3 At inihagis niya ito sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan ang pasukan, para hindi na nito mailigaw ang mga bansa hanggang sa matapos ang 1,000 taon. Pagkatapos, pakakawalan ito nang kaunting panahon. 4 At nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay binigyan ng awtoridad na humatol. Oo, nakita ko ang dugo ng mga pinatay dahil sa pagpapatotoo nila tungkol kay Jesus at pagsasalita tungkol sa Diyos, ang mga hindi sumamba sa mabangis na hayop o sa estatuwa nito at hindi tumanggap ng marka sa noo at kamay nila. At nabuhay sila at nagharing kasama ng Kristo sa loob ng 1,000 taon. 5 (Ang iba pang patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang 1,000 taon.) Ito ang unang pagkabuhay-muli. 6 Maligaya at banal ang sinumang kasama sa unang pagkabuhay-muli; walang awtoridad sa kanila ang ikalawang kamatayan, kundi sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng 1,000 taon. 7 At pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan agad si Satanas mula sa bilangguan niya, 8 at lalabas siya para iligaw ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, para tipunin sila sa digmaan. Ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. 9 At nangalat sila sa buong lupa at pinalibutan ang kampo ng mga banal at ang minamahal na lunsod. Pero bumaba ang apoy mula sa langit at tinupok sila. 10 At ang Diyablo na nagliligaw sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan ng mabangis na hayop at ng huwad na propeta; at pahihirapan sila araw at gabi magpakailanman. 11 At nakita ko ang isang malaki at puting trono at ang nakaupo roon. Mula sa harap niya ay tumakas ang lupa at ang langit, at wala nang lugar para sa mga ito. 12 At nakita ko ang mga patay, ang mga dakila at ang mga hamak, na nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga balumbon. Pero may isa pang balumbon na binuksan; ito ang balumbon ng buhay. Ang mga patay ay hinatulan sa mga ginawa nila batay sa mga nakasulat sa mga balumbon. 13 At ibinigay ng dagat ang mga patay na naroon, at ibinigay ng kamatayan at ng Libingan ang mga patay na nasa mga ito, at hinatulan ang bawat isa sa kanila ayon sa mga ginawa nila. 14 At ang kamatayan at ang Libingan ay inihagis sa lawa ng apoy. Sumasagisag ito sa ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. 15 At ang sinumang hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay inihagis sa lawa ng apoy.