Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
PEBRERO 3-9
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 12-14
“Isang Tipan na Nakakaapekto sa Iyo”
(Genesis 12:1, 2) At sinabi ni Jehova kay Abram: “Umalis ka sa iyong lupain, iwan mo ang mga kamag-anak mo at ang pamilya ng iyong ama, at pumunta ka sa lupain na ipapakita ko sa iyo. 2 Gagawin kitang isang malaking bansa, at pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang pangalan mo, at magiging pagpapala ka.
Tipan
Tipan kay Abraham. Lumilitaw na nagkabisa ang tipan kay Abraham nang tawirin ni Abram (Abraham) ang Eufrates patungong Canaan. Ginawa naman ang tipang Kautusan pagkaraan ng 430 taon. (Gal 3:17) Naninirahan pa si Abraham sa Mesopotamia, sa Ur ng mga Caldeo, nang makipag-usap si Jehova sa kaniya at utusan siyang maglakbay patungo sa lupaing ipakikita sa kaniya ng Diyos. (Gaw 7:2, 3; Gen 11:31; 12:1-3) Sinasabi ng Exodo 12:40, 41 (LXX) na sa pagtatapos ng 430 taon ng pananahanan sa Ehipto at sa lupain ng Canaan, “sa mismong araw na ito,” ang Israel, na noo’y inaalipin sa Ehipto, ay lumabas. Araw ng Nisan 14, 1513 B.C.E., na petsa ng Paskuwa, nang iligtas sila mula sa Ehipto. (Exo 12:2, 6, 7) Ipinahihiwatig nito na tinawid ni Abraham ang Ilog Eufrates patungong Canaan noong Nisan 14, 1943 B.C.E., at maliwanag na nagkabisa ang tipang Abrahamiko nang panahong iyon. Matapos siyang maglakbay papasók sa Canaan hanggang sa Sikem, muling nagpakita ang Diyos kay Abraham at pinalawak Niya ang pangako, sa pagsasabing, “Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito.” Sa gayo’y ipinahiwatig ng Diyos na ang tipang iyon ay nauugnay sa pangako sa Eden, at isiniwalat niya na ang “binhi” ay mabubuhay bilang tao, samakatuwid nga, magmumula sa linya ng angkan ng mga tao. (Gen 12:4-7) Nang maglaon, pinalawak pa ni Jehova ang pangakong iyon, gaya ng nakaulat sa Genesis 13:14-17; 15:18; 17:2-8, 19; 22:15-18.
(Genesis 12:3) Pagpapalain ko ang mga humihiling na pagpalain ka ng Diyos, at susumpain ko ang sumusumpa sa iyo, at tiyak na pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa sa pamamagitan mo.”
Bakit Dapat Mong Maalaman ang Katotohanan Tungkol kay Abraham
Iyan ay hindi isang biru-birong pangako, at narinig iyan ni Abraham sa humigit-kumulang dalawang iba pang okasyon. (Genesis 18:18; 22:18) Upang matupad ito, bubuhayin ng Diyos ang mga kinatawan ng mga angkan na pumanaw na. Ang buhay para sa mga binuhay na iyon ay magiging isang tunay na pagpapala, yamang karamihan sa kanila ay babalik sa isang makalupang kalagayan na nahahawig sa Paraiso na naiwala ng tao. Pagkatapos, sila’y tuturuan kung papaano nila makakamit ang pagpapala ng buhay na walang-hanggan.—Genesis 2:8, 9, 15-17; 3:17-23.
(Genesis 13:14-17) Sinabi ni Jehova kay Abram pagkatapos humiwalay ni Lot sa kaniya: “Pakisuyo, mula sa kinaroroonan mo ay tumingin ka sa paligid mo, sa hilaga, sa timog, sa silangan, at sa kanluran, 15 dahil ang lahat ng lupain na natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga supling mo para maging pag-aari ninyo magpakailanman. 16 At gagawin kong kasindami ng mga butil ng alabok sa lupa ang mga supling mo; kung paanong hindi kayang bilangin ang mga butil ng alabok sa lupa, hindi rin mabibilang ang mga supling mo. 17 At libutin mo ang buong haba at lapad ng lupain, dahil sa iyo ko ibibigay iyon.”
Kautusan
Salig sa kaugnay na katibayan ng kasaysayan, naniniwala ang ilang iskolar na, kapag isinasalin ang isang lupain, ang lupain ay ipinakikita sa bumibili mula sa isang magandang puwesto, anupat tinutukoy ang eksaktong mga hangganan nito. Kapag sinabi ng bumibili, “Nakikita ko,” ipinahihiwatig niya na legal niyang tinatanggap iyon. Nang ipangako ni Jehova kay Abraham na tatanggapin nito ang lupain ng Canaan, sinabihan muna si Abraham na tumingin sa lahat ng apat na direksiyon. Hindi sinabi ni Abraham, “Nakikita ko,” marahil ay dahil sinabi ng Diyos na ibibigay niya ang Lupang Pangako sa binhi ni Abraham, anupat sa dakong huli pa iyon. (Gen 13:14, 15) Si Moises, bilang legal na kinatawan ng Israel, ay sinabihang “tingnan” ang lupain, anupat, kung tama ang pangmalas na katatalakay pa lamang, ipinahihiwatig nito na ang lupain ay legal na isinalin sa Israel, upang kunin nila iyon sa pangunguna ni Josue. (Deu 3:27, 28; 34:4; isaalang-alang din ang alok ni Satanas kay Jesus sa Mat 4:8.) Ang isa pang pagkilos na waring may katulad na legal na kahulugan ay: paglakad sa buong lupain o pagpasok dito sa layuning ariin ito. (Gen 13:17; 28:13) Sa ilang sinaunang dokumento, ang bilang ng mga punungkahoy na nasa isang piraso ng lupain ay nakatala sa bawat bilihan ng lupa.—Ihambing ang Gen 23:17, 18.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 13:8, 9) Kaya sinabi ni Abram kay Lot: “Nakikiusap ako sa iyo, huwag tayong mag-away o ang ating mga pastol, dahil magkapatid tayo. 9 Makakabuti kung maghiwalay tayo. Puwede mong piliin ang anumang bahagi ng lupain na gusto mo. Kung pupunta ka sa kaliwa, pupunta ako sa kanan; pero kung pupunta ka sa kanan, pupunta ako sa kaliwa.”
Makipag-ayos Salig sa Pag-ibig
12 Binanggit sa pasimula kung paano mapayapang nalutas ng mga lingkod ng Diyos ang isang isyu na maaaring magdulot ng pagkakabaha-bahagi. Si Abraham at ang pamangkin niyang si Lot ay parehong may mga alagang hayop. Lumilitaw na nag-away ang kani-kanilang mga pastol tungkol sa pastulan. Para mawala ang tensiyon, pinapili ni Abraham si Lot kung saan nito gustong manirahan. (Gen. 13:1, 2, 5-9) Napakahusay na halimbawa! Itinaguyod ni Abraham ang kapayapaan, hindi ang kaniyang sariling kapakanan. Nalugi ba siya dahil sa kaniyang pagiging bukas-palad? Hindi. Pagkatapos ng pangyayaring ito, pinangakuan ni Jehova si Abraham ng saganang pagpapala. (Gen. 13:14-17) Hinding-hindi hahayaan ng Diyos na tuluyang malugi ang kaniyang mga lingkod dahil sa pagkilos ayon sa kaniyang mga simulain at pakikipag-ayos salig sa pag-ibig.
(Genesis 14:18-20) “At si Melquisedec na hari ng Salem ay naglabas ng tinapay at alak; siya ay saserdote ng Kataas-taasang Diyos. 19 Pagkatapos, pinagpala niya si Abram at sinabi: “Pagpalain nawa si Abram ng Kataas-taasang Diyos, Ang Maylikha ng langit at lupa; 20 At purihin ang Kataas-taasang Diyos, Na nagbigay ng mga kaaway mo sa iyong kamay!” At binigyan siya ni Abram ng ikasampu ng lahat ng bagay.
(Hebreo 7:4-10) Kaya isipin ninyo kung gaano kadakila ang taong ito na binigyan ni Abraham, ang ulo ng angkan, ng ikasampu ng pinakamabubuting samsam. 5 Totoo, ayon sa Kautusan, ang mga anak na lalaki ni Levi na inatasang maging mga saserdote ay dapat mangolekta ng ikapu mula sa bayan, mula sa mga kapatid nila, kahit na ang mga ito ay mga inapo ni Abraham. 6 Pero ang taong ito, na hindi mula sa sambahayan ni Levi, ay tumanggap ng ikapu mula kay Abraham at pinagpala niya ang pinangakuan. 7 Hindi nga matututulan na ang nagbibigay ng pagpapala ay mas dakila sa tumatanggap nito. 8 Sa kaso ng isa, ang tumatanggap ng ikapu ay mga taong namamatay, pero sa isa pang kaso, ang tumatanggap ng ikapu ay pinapatotohanan na nabubuhay. 9 At masasabing kahit si Levi, na tumatanggap ng ikapu, ay nagbayad ng ikapu sa pamamagitan ni Abraham, 10 dahil siya ay magiging inapo pa lang ng ninuno niya nang salubungin ito ni Melquisedec.
Saserdote
Si Melquisedec na hari ng Salem ay isang namumukod-tanging saserdote (ko·henʹ). Ang Bibliya ay walang iniuulat na rekord ng kaniyang pinagmulang angkan, kapanganakan, o kamatayan. Hindi niya minana ang kaniyang pagkasaserdote, at wala siyang mga hinalinhan ni mga kahalili man sa katungkulan. Hinawakan ni Melquisedec kapuwa ang katungkulan ng pagkahari at pagkasaserdote. Mas dakila ang kaniyang pagkasaserdote kaysa sa Levitikong pagkasaserdote, sapagkat sa diwa, si Levi ay nagbayad ng mga ikapu kay Melquisedec, yamang si Levi ay nasa mga balakang pa ni Abraham nang si Abraham ay maghandog ng mga ikapu kay Melquisedec at pinagpala nito. (Gen 14:18-20; Heb 7:4-10) Sa mga bagay na ito, si Melquisedec ay lumalarawan kay Jesu-Kristo, ang “saserdote magpakailanman ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec.”—Heb 7:17.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 12:1-20) At sinabi ni Jehova kay Abram: “Umalis ka sa iyong lupain, iwan mo ang mga kamag-anak mo at ang pamilya ng iyong ama, at pumunta ka sa lupain na ipapakita ko sa iyo. 2 Gagawin kitang isang malaking bansa, at pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang pangalan mo, at magiging pagpapala ka. 3 Pagpapalain ko ang mga humihiling na pagpalain ka ng Diyos, at susumpain ko ang sumusumpa sa iyo, at tiyak na pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa sa pamamagitan mo.” 4 Kaya umalis si Abram gaya ng sinabi ni Jehova sa kaniya, at sumama sa kaniya si Lot. Si Abram ay 75 taóng gulang nang umalis siya sa Haran. 5 Kaya isinama ni Abram si Sarai na asawa niya, si Lot na anak ng kapatid niya, at ang lahat ng alipin na kasama nila sa Haran; dinala rin niya ang lahat ng pag-aari na natipon nila roon, at naglakbay sila papunta sa Canaan. Nang makarating sila sa Canaan, 6 patuloy na naglakbay si Abram sa lupain hanggang sa lugar ng Sikem, malapit sa malalaking puno ng More. Nang panahong iyon, nakatira sa lupain ang mga Canaanita. 7 Nagpakita ngayon si Jehova kay Abram at nagsabi: “Ibibigay ko sa mga supling mo ang lupaing ito.” Kaya nagtayo siya roon ng isang altar para kay Jehova, na nagpakita sa kaniya. 8 Nang maglaon, umalis siya roon at lumipat sa mabundok na rehiyon sa silangan ng Bethel at itinayo ang tolda niya sa pagitan ng Bethel na nasa kanluran at ng Ai na nasa silangan. Nagtayo siya roon ng isang altar para kay Jehova at nagsimulang pumuri kay Jehova. 9 Pagkatapos, patuloy na naglakbay si Abram papuntang Negeb at nagpalipat-lipat ng kampo. 10 At nagkaroon ng taggutom sa lupain, kaya pumunta si Abram sa Ehipto para pansamantalang manirahan doon dahil matindi ang taggutom sa lupain. 11 Nang papasók na siya sa Ehipto, sinabi niya sa asawa niyang si Sarai: “Pakisuyo, makinig ka. Napakaganda mong babae. 12 Kapag nakita ka ng mga Ehipsiyo, siguradong sasabihin nila, ‘Asawa niya ito.’ Kaya papatayin nila ako pero pananatilihin ka nilang buháy. 13 Pakisuyong sabihin mo na kapatid kita, para mapabuti ako dahil sa iyo at hindi nila ako patayin.” 14 At pagpasok ni Abram sa Ehipto, napansin agad ng mga Ehipsiyo na napakaganda ni Sarai. 15 Nakita rin siya ng matataas na opisyal ng Paraon, at pinupuri nila siya sa Paraon, kaya dinala ang babae sa bahay ng Paraon. 16 Maganda ang naging pakikitungo nito kay Abram dahil kay Sarai, at nagkaroon si Abram ng mga tupa, baka, asnong lalaki at babae, alilang lalaki at babae, at mga kamelyo. 17 Pagkatapos, pinadalhan ni Jehova ang Paraon at ang sambahayan nito ng matitinding salot dahil kay Sarai, na asawa ni Abram. 18 Kaya ipinatawag ng Paraon si Abram at sinabi: “Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na asawa mo siya? 19 Bakit mo sinabing kapatid mo siya? Muntik ko na siyang kunin bilang asawa. Heto ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Kaya nagbigay ng utos ang Paraon sa mga alipin niya tungkol kay Abram, at pinaalis nila siya kasama ang asawa niya at lahat ng pag-aari niya.
PEBRERO 10-16
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 15-17
“Bakit Pinalitan ni Jehova ang mga Pangalan Nina Abram at Sarai?”
(Genesis 17:1) Noong si Abram ay 99 na taóng gulang, si Jehova ay nagpakita kay Abram at nagsabi: “Ako ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Lumakad ka nang tapat sa harap ko at ipakita mong wala kang pagkukulang.
it-2 640
PAGKAKAMALI, PAGHAHANAP NG PAGKAKAMALI
Sa kabilang dako naman, ang mga lakad at mga gawa ng tao ay kadalasan nang may pagkukulang. Kasalanan at kamalian ang minana ng lahat ng tao mula kay Adan. (Ro 5:12; Aw 51:5) Ngunit “nalalaman” ni Jehova, na walang pagkukulang, “ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok,” at siya ay maawain. (Aw 103:13, 14) Itinuring niya ang tapat at masunuring si Noe bilang “walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon.” (Gen 6:9) Iniutos niya kay Abraham, “Lumakad ka sa harap ko at ikaw ay maging walang pagkukulang.” (Gen 17:1) Bagaman ang mga lalaking ito ay di-sakdal at namatay, sila’y itinuring ni Jehova, na ‘tumitingin sa kung ano ang nasa puso,’ bilang walang pagkukulang (1Sa 16:7; ihambing ang 2Ha 20:3; 2Cr 16:9.) Iniutos niya sa Israel: “Maging walang pagkukulang ka kay Jehova na iyong Diyos.” (Deu 18:13; 2Sa 22:24) Inilaan niya ang kaniyang walang-pagkukulang na Anak (Heb 7:26) bilang isang haing pantubos, at salig dito ay maaari Niyang tawaging “matuwid,” o walang pagkukulang yaong mga nananampalataya at sumusunod, samantalang kasabay nito ay pinananatili ang kaniyang posisyon bilang ang matuwid at walang-pagkukulang na Hukom.—Ro 3:25, 26; tingnan ang KASAKDALAN; KATAPATAN.
(Genesis 17:3-5) Dahil dito, sumubsob si Abram, at ang Diyos ay patuloy na nakipag-usap sa kaniya: 4 “May pakikipagtipan ako sa iyo, at ikaw ay tiyak na magiging ama ng maraming bansa. 5 Ang pangalan mo ay hindi na Abram; ang pangalan mo ay magiging Abraham, dahil gagawin kitang ama ng maraming bansa.
Abraham
Lumipas ang panahon. Mga sampung taon na silang nasa Canaan, ngunit baog pa rin si Sara. Kaya ibinigay niya kay Abraham ang kaniyang alilang babaing Ehipsiyo na si Hagar upang magkaanak siya sa pamamagitan nito. Pumayag si Abraham. Kaya noong 1932 B.C.E., nang si Abraham ay 86 na taóng gulang na, isinilang si Ismael. (Gen 16:3, 15, 16) Lumipas pa ang panahon. Noong 1919 B.C.E., nang si Abraham ay 99 na taóng gulang na, iniutos ni Jehova na tuliin ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Abraham bilang isang tanda o tatak na magiging patotoo ng kaniyang pantanging pakikipagtipan kay Abraham. Kasabay nito, pinalitan ni Jehova ang kaniyang pangalang Abram at ginawang Abraham, “sapagkat gagawin kitang ama ng pulutong ng mga bansa.” (Gen 17:5, 9-27; Ro 4:11) Di-nagtagal, tatlong anghel na nagkatawang-tao, na malugod na tinanggap ni Abraham sa pangalan ni Jehova, ang nangako na si Sara mismo ay maglilihi at magsisilang ng isang anak na lalaki sa loob ng darating na taon!—Gen 18:1-15.
(Genesis 17:15, 16) At sinabi ng Diyos kay Abraham: “Kung tungkol sa iyong asawa na si Sarai, huwag mo na siyang tawaging Sarai, dahil magiging Sara na ang pangalan niya. 16 Pagpapalain ko siya at bibigyan din kita ng isang anak na lalaki sa pamamagitan niya; pagpapalain ko si Sara at pagmumulan siya ng mga bansa; pagmumulan siya ng mga hari.”
Ano ang Kahulugan ng Isang Pangalan?
Binago mismo ng Diyos ang pangalan ng ilang indibiduwal para humula ng isang bagay. Halimbawa, binago niya ang pangalan ni Abram, na nangangahulugang “Ang Ama ay Dinakila,” at ginawang Abraham, na nangangahulugang “Ama ng Karamihan.” Totoo nga, si Abraham ay naging ama ng maraming bansa. (Genesis 17:5, 6) Pansinin din ang asawa ni Abraham na si Sarai, na malamang na nangangahulugang “Mahilig Makipagtalo.” Tiyak na tuwang-tuwa siya nang palitan ng Diyos ang pangalan niya at gawing “Sara,” na nangangahulugang “Prinsesa,” na tumutukoy sa papel niya bilang ninuno ng mga hari.—Genesis 17:15, 16.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 15:13, 14) At sinabi Niya kay Abram: “Siguradong ang mga supling mo ay magiging mga dayuhan sa ibang bansa, at aalipinin sila ng mga tagaroon at pahihirapan nang 400 taon. 14 Pero hahatulan ko ang bansa na mang-aalipin sa kanila, at pagkatapos ay lalaya sila dala ang maraming pag-aari.
it-2 137
Kronolohiya
Sinabi ni Jehova kay Abram (Abraham): “Tiyak na malalaman mo na ang iyong binhi ay magiging naninirahang dayuhan sa lupain na hindi kanila, at paglilingkuran nila ang mga ito, at tiyak na pipighatiin sila ng mga ito sa loob ng apat na raang taon.” (Gen 15:13; tingnan din ang Gaw 7:6, 7.) Ipinahayag ito bago pa man ipanganak ang ipinangakong tagapagmana o “binhi,” si Isaac. Noong 1932 B.C.E., si Ismael ay isinilang kay Abram ng Ehipsiyong alilang babae na si Hagar, at noong 1918 B.C.E., isinilang naman si Isaac. (Gen 16:16; 21:5) Kung bibilang ng 400 taon paatras mula sa Pag-alis, na nagsilbing palatandaan ng katapusan ng ‘pagpighati’ (Gen 15:14), sasapit tayo sa 1913 B.C.E., at nang panahong iyon ay mga limang taóng gulang na si Isaac. Waring si Isaac ay inawat na noon sa suso at, palibhasa’y isa nang “naninirahang dayuhan” sa lupaing hindi kaniya, dinanas na niya ang pasimula ng inihulang kapighatian sa pamamagitan ng ‘panunukso’ ni Ismael, na noon ay mga 19 na taóng gulang. (Gen 21:8, 9) Bagaman ang panlilibak ni Ismael sa tagapagmana ni Abraham ay maaaring malasin sa makabagong panahon bilang di-gaanong mahalaga, iba ang pangmalas dito noong panahon ng mga patriyarka. Pinatutunayan ito ng reaksiyon ni Sara at ng pagsang-ayon ng Diyos sa pagpupumilit ni Sara na paalisin si Hagar at ang anak nitong si Ismael. (Gen 21:10-13) Ipinakikita rin ng detalyadong pagkakatala ng insidenteng ito sa banal na ulat na ito’y nagsilbing pasimula ng inihulang 400-taóng yugto ng kapighatian na magwawakas lamang sa Pag-alis.—Gal 4:29.
(Genesis 15:16) Pero babalik dito ang iyong mga supling sa ikaapat na henerasyon, dahil hindi pa umaabot sa sukdulan ang kasalanan ng mga Amorita.”
Pag-alis
“Sa ikaapat na salinlahi.” Dapat nating tandaan na sinabi ni Jehova kay Abraham na sa ikaapat na salinlahi ay babalik sa Canaan ang kaniyang mga inapo. (Gen 15:16) Sa buong 430 taon mula nang panahong magkabisa ang tipang Abrahamiko hanggang sa Pag-alis ay nagkaroon ng mahigit sa apat na salinlahi, kahit isaalang-alang pa na mahaba ang buhay nila noon, ayon sa ulat. Ngunit ang mga Israelita ay aktuwal na nasa Ehipto nang 215 taon lamang. Ang ‘apat na salinlahi’ pagkatapos nilang pumasok sa Ehipto ay maaaring kalkulahin sa ganitong paraan, na ginagamit na halimbawa ang isa lamang tribo ng Israel, ang tribo ni Levi: (1) Levi, (2) Kohat, (3) Amram, at (4) Moises.—Exo 6:16, 18, 20.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 15:1-21) Pagkatapos nito, ang salita ni Jehova ay dumating kay Abram sa isang pangitain, na nagsasabi: “Huwag kang matakot, Abram. Ako ay kalasag para sa iyo. Napakalaki ng magiging gantimpala mo.” 2 Sumagot si Abram: “Kataas-taasang Panginoong Jehova, ano ang ibibigay mo sa akin, gayong wala akong anak at ang magmamana ng aking bahay ay isang taga-Damasco, si Eliezer?” 3 Sinabi pa ni Abram: “Hindi mo ako binigyan ng supling, at isang miyembro ng aking sambahayan ang magiging tagapagmana ko.” 4 Pero ito ang sagot sa kaniya ni Jehova: “Hindi ang taong iyon ang magiging tagapagmana mo, kundi ang sarili mong anak.” 5 Dinala Niya siya ngayon sa labas at sinabi: “Pakisuyo, tumingin ka sa langit at bilangin mo ang mga bituin, kung mabibilang mo nga iyon.” Pagkatapos, sinabi Niya: “Magiging ganiyan karami ang mga supling mo.” 6 At nanampalataya siya kay Jehova, at dahil dito, itinuring Niya siyang matuwid. 7 At sinabi pa Niya: “Ako si Jehova, na naglabas sa iyo mula sa Ur ng mga Caldeo para ibigay sa iyo ang lupaing ito.” 8 Sumagot siya: “Kataas-taasang Panginoong Jehova, paano ko malalaman na magiging akin iyon?” 9 Sinabi naman Niya: “Kumuha ka ng isang tatlong-taóng-gulang na dumalagang baka, isang tatlong-taóng-gulang na babaeng kambing, isang tatlong-taóng-gulang na lalaking tupa, isang batubato, at isang inakáy ng kalapati.” 10 Kaya kinuha niya ang lahat ng ito, hinati ang mga ito sa dalawang bahagi, at inihanay nang magkatapat ang mga bahagi, pero hindi niya hinati-hati ang mga ibon. 11 At ang mga ibong maninila ay bumababa sa pinatay na mga hayop, pero itinataboy ni Abram ang mga ito. 12 Nang papalubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram. Nilukuban siya ng isang nakakatakot at matinding kadiliman. 13 At sinabi Niya kay Abram: “Siguradong ang mga supling mo ay magiging mga dayuhan sa ibang bansa, at aalipinin sila ng mga tagaroon at pahihirapan nang 400 taon. 14 Pero hahatulan ko ang bansa na mang-aalipin sa kanila, at pagkatapos ay lalaya sila dala ang maraming pag-aari. 15 Kung tungkol sa iyo, mamamatay kang payapa matapos masiyahan sa mahabang buhay; at ililibing kang kasama ng iyong mga ninuno.16 Pero babalik dito ang iyong mga supling sa ikaapat na henerasyon, dahil hindi pa umaabot sa sukdulan ang kasalanan ng mga Amorita.” 17 Noong lumubog na ang araw at napakadilim na, lumitaw ang isang umuusok na hurno, at isang nag-aapoy na sulo ang dumaan sa pagitan ng mga piraso ng hayop. 18 Nang araw na iyon, nakipagtipan si Jehova kay Abram: “Ibibigay ko sa mga supling mo ang lupaing ito, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates: 19 ang lupain ng mga Kenita, Kenizita, Kadmonita, 20 Hiteo, Perizita, Repaim, 21 Amorita, Canaanita, Girgasita, at Jebusita.”
PEBRERO 17-23
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 18-19
“Pinuksa ng ‘Hukom ng Buong Lupa’ ang Sodoma at Gomorra”
(Genesis 18:23-25) Pagkatapos, lumapit si Abraham sa Diyos at nagsabi: “Talaga bang lilipulin mo ang mga matuwid kasama ng masasama? 24 Ipagpalagay nang may 50 matuwid sa lunsod. Lilipulin mo pa rin ba ang lunsod at hindi ito patatawarin alang-alang sa 50 matuwid na naroon? 25 Malayong mangyari na patayin mo ang matuwid kasama ng masama, sa gayon ay pareho ang magiging kahihinatnan ng matuwid at ng masama! Malayong mangyari na gawin mo iyan. Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong lupa kung ano ang tama?”
Laging Tama ang Ginagawa ng “Hukom ng Buong Lupa”
“HINDI ba yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?” (Gen. 18:25) Sa pamamagitan ng tanong na iyan, ipinahayag ni Abraham ang tiwala niya na maglalapat si Jehova ng sakdal na katarungan sa kaso ng Sodoma at Gomorra. Kumbinsido si Abraham na hindi kikilos si Jehova nang di-makatarungan para “patayin ang taong matuwid na kasama ng balakyot.” Para kay Abraham, “malayong mangyari” iyon. Pagkaraan ng mga 400 taon, sinabi ni Jehova tungkol sa kaniyang sarili: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.”—Deut. 31:19; 32:4.
(Genesis 18:32) Sa huling pagkakataon, sinabi ni Abraham: “Jehova, pakiusap, huwag ka sanang magalit, kundi hayaan mo akong magsalita nang minsan pa: Ipagpalagay nang 10 lang ang naroon.” Sumagot siya: “Hindi ko iyon wawasakin alang-alang sa 10.”
Mahabang Pagtitiis—Pagbabata na May Layunin
Siyempre pa, pagdating sa mahabang pagtitiis, si Jehova ang pinakamahusay nating halimbawa. (2 Ped. 3:15) Maraming ulat sa Bibliya tungkol sa mga pagkakataong nagpakita si Jehova ng mahabang pagtitiis. (Neh. 9:30; Isa. 30:18) Halimbawa, ano ang naging reaksiyon ni Jehova nang magtanong si Abraham tungkol sa Kaniyang desisyong wasakin ang Sodoma? Hinayaan muna ni Jehova na magsalita si Abraham. Matiyaga siyang nakinig sa bawat tanong at ikinababahala ni Abraham. Pagkatapos, para ipakita ni Jehova na nakinig siya, inulit niya ang mga ikinababahala ni Abraham at tiniyak sa kaniya na hindi Niya wawasakin ang Sodoma kahit 10 matuwid lang ang masumpungan sa lunsod na iyon. (Gen. 18:22-33) Napakagandang halimbawa ng matiyagang pakikinig at hindi pag-o-overreact!
(Genesis 19:24, 25) At nagpaulan si Jehova ng asupre at apoy sa Sodoma at Gomorra—mula ito kay Jehova, mula sa langit. 25 Kaya winasak niya ang mga lunsod na ito, oo, ang buong distrito, kasama ang lahat ng nakatira sa mga lunsod at ang mga halaman sa lupa.
Si Jehova ang Ating Soberanong Panginoon!
12 Makatitiyak tayo na malapit nang itanghal ni Jehova ang kaniyang soberanya. Hindi niya pahihintulutang magpatuloy ang kabalakyutan magpakailanman, at alam nating nabubuhay na tayo sa mga huling araw. Kumilos si Jehova laban sa mga balakyot noong Baha. Pinuksa niya ang Sodoma at Gomorra at si Paraon at ang hukbo nito. Walang kalaban-laban sa Kaniya si Sisera at ang hukbo nito at si Senakerib at ang hukbong Asiryano. (Gen. 7:1, 23; 19:24, 25; Ex. 14:30, 31; Huk. 4:15, 16; 2 Hari 19:35, 36) Kaya makapagtitiwala tayong hindi hahayaan ni Jehova na patuloy na lapastanganin ang kaniyang pangalan at pagmalupitan ang kaniyang mga Saksi. Bukod diyan, nakikita na natin ang tanda ng pagkanaririto ni Jesus at ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.—Mat. 24:3.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 18:1) Pagkatapos, nagpakita sa kaniya si Jehova sa gitna ng malalaking puno sa Mamre habang nakaupo siya sa pasukan ng tolda nang kainitan ng araw.
(Genesis 18:22) At umalis doon ang mga lalaki at naglakbay papuntang Sodoma, pero si Jehova ay nanatiling kasama ni Abraham.
May Nakakita Na Ba sa Diyos?
Ngayon ay maaari nang maunawaan kung bakit ang nagkatawang-taong anghel na tagapagsalita ng Diyos ay kinausap ni Abraham na para bagang ang kinakausap niya’y ang Diyos na Jehova mismo. Yamang ang anghel na ito ay nagsalita ng eksaktong ibig ng Diyos na sabihin kay Abraham at sa ganoon ay personal na kumakatawan sa Kaniya, ang Bibliya ay makapagsasabi na “napakita si Jehova sa kaniya.”—Genesis 18:1.
Alalahanin na ang isang anghel na tagapagsalita ng Diyos ay makapaghahatid ng Kaniyang mga pasabi ng eksaktong gaya ng isang telepono o ng isang radyo na makapaghahatid ng ating mga salita sa iba. Samakatuwid, mauunawaan kung paanong si Abraham, si Moises, si Manoa, at ang mga iba pa ay maaaring makipag-usap sa isang nagkatawang-taong anghel na para bagang sila’y nakikipag-usap sa Diyos. Bagaman nakita ng gayong mga tao ang mga anghel na ito at ang kaluwalhatian ni Jehova na nasalamin sa kanila, hindi nila nakita ang Diyos. Samakatuwid, hindi sinasalungat nito bahagya man ang sinasabi ni apostol Juan: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” (Juan 1:18) Ang nakita ng mga lalaking ito ay mga kinatawang anghel at hindi ang Diyos mismo.
(Genesis 19:26) Pero lumingon ang asawa ni Lot, na nasa likuran niya, at ito ay naging haliging asin.
Tulungan ang Iba na Makayanan ang Stress
3 Nagkamali si Lot sa desisyon niyang tumira sa Sodoma kasama ng napakaimoral na mga tao. (Basahin ang 2 Pedro 2:7, 8.) Mayaman ang lugar na iyon, pero malaki ang naging kapalit ng paglipat niya roon. (Gen. 13:8-13; 14:12) Lumilitaw na napamahal sa asawa ni Lot ang lunsod na iyon o ang mga tagaroon kaya sumuway sa Diyos ang asawa niya. Namatay ito nang magpaulan si Jehova ng apoy at asupre. At ang dalawang anak naman ni Lot ay nagkaroon ng mga nobyong namatay sa Sodoma. Si Lot ay nawalan ng bahay, mga pag-aari, at ang pinakamasakit sa lahat, ng asawa. (Gen. 19:12-14, 17, 26) Sa panahong iyon, nawalan ba ng pasensiya si Jehova kay Lot? Hindi.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 18:1-19) Pagkatapos, nagpakita sa kaniya si Jehova sa gitna ng malalaking puno sa Mamre habang nakaupo siya sa pasukan ng tolda nang kainitan ng araw. 2 At may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa malayo. Pagkakita sa kanila, tumakbo siya mula sa pasukan ng tolda para salubungin sila, at yumukod siya sa kanila. 3 Pagkatapos, sinabi niya: “Jehova, kung kalugod-lugod ako sa iyong paningin, pakisuyong huwag mong lampasan ang iyong lingkod. 4 Pakiusap, hayaan ninyong makapagdala kami ng kaunting tubig para mahugasan ang mga paa ninyo; pagkatapos ay magpahinga kayo sa ilalim ng puno. 5 Dahil pumunta kayo sa inyong lingkod, hayaan ninyong makapagdala ako ng isang piraso ng tinapay para maginhawahan kayo. Pagkatapos ay puwede na kayong magpatuloy sa paglalakbay.” Sinabi nila: “Sige, puwede mong gawin ang mga sinabi mo.” 6 Kaya nagmadali si Abraham papunta kay Sara sa tolda, at sinabi niya: “Dali! Kumuha ka ng tatlong takal ng magandang klase ng harina, masahin mo ito, at gumawa ka ng mga tinapay.” 7 Pagkatapos, tumakbo si Abraham sa bakahan at pumili ng mainam na batang toro na malambot ang karne. Ibinigay niya iyon sa tagapaglingkod, at nagmadali ito para maihanda iyon. 8 Pagkatapos, kumuha siya ng mantikilya at gatas at inihain ang mga ito kasama ng ipinahanda niyang batang toro. At habang kumakain sila, nakatayo siya sa tabi nila sa ilalim ng puno. 9 Sinabi nila sa kaniya: “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya: “Nasa loob ng tolda.” 10 Kaya sinabi ng isa sa kanila: “Tiyak na babalik ako sa iyo sa ganito ring panahon sa susunod na taon, at ang asawa mong si Sara ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.” Nakikinig si Sara sa may pasukan ng tolda, na nasa likuran ng lalaki. 11 Napakatanda na nina Abraham at Sara. Lampas na si Sara sa edad na puwedeng manganak. 12 Kaya natawa si Sara at sinabi sa sarili niya: “Ngayong lipas na ako at matanda na ang aking panginoon, talaga kayang mararanasan ko pa ang ganitong kaligayahan?” 13 Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Bakit tumawa si Sara at nagsabi, ‘Talaga kayang manganganak ako kahit matanda na ako?’ 14 May imposible ba kay Jehova? Babalik ako sa iyo sa ganito ring panahon sa susunod na taon, at si Sara ay magkakaroon ng isang anak na lalaki.” 15 Pero sa takot, ikinaila iyon ni Sara at sinabi: “Hindi ako tumawa!” Kaya sinabi ng Diyos: “Hindi! Tumawa ka.” 16 Nang tumayo ang mga lalaki para magpaalam at tumingin sa direksiyon ng Sodoma, sinamahan sila ni Abraham sa paglalakad. 17 Sinabi ni Jehova: “Hindi ko ililihim kay Abraham ang gagawin ko. 18 Si Abraham ay tiyak na magiging isang dakila at makapangyarihang bansa, at sa pamamagitan niya ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa. 19 Dahil napalapít ako sa kaniya at alam kong uutusan niya ang kaniyang magiging mga anak at sambahayan na manatili sa daan ni Jehova sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano ang tama at makatarungan, para matupad ni Jehova ang ipinangako niya may kinalaman kay Abraham.”
PEBRERO 24–MARSO 1
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 20-21
“Laging Tinutupad ni Jehova ang mga Pangako Niya”
(Genesis 21:1-3) Binigyang-pansin ni Jehova si Sara gaya ng sinabi niya, at tinupad ni Jehova ang pangako niya. 2 Kaya nagdalang-tao si Sara at nagsilang ng isang anak na lalaki kay Abraham kahit matanda na ito, sa panahong ipinangako rito ng Diyos. 3 Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa anak niya kay Sara.
Tinawag Siya ng Diyos na “Prinsesa”
Ang pagtawa ba ni Sara ay nagpapakitang kulang siya ng pananampalataya? Hindi naman. Sinasabi ng Bibliya: “Sa pananampalataya rin si Sara mismo ay tumanggap ng kapangyarihan na maglihi ng binhi, kahit lampas na siya sa takdang gulang, yamang itinuring niyang tapat siya na nangako.” (Hebreo 11:11) Kilala ni Sara si Jehova. Alam ni Sara na kayang tuparin ni Jehova ang mga pangako niya. Kailangan nating lahat ang ganiyang pananampalataya. Makabubuting kilalanin pa natin ang Diyos ng Bibliya. Kung gagawin natin iyan, makikita nating tama si Sara sa pagkakaroon ng gayong pananampalataya. Talagang tapat si Jehova at tinutupad niya ang lahat ng pangako niya—minsan nga sa paraang hindi natin inaasahan o nakakatawa pa nga!
“PAKINGGAN MO ANG KANIYANG TINIG”
Sa edad na 90, dumating din ang pinakahihintay ni Sara. Isinilang niya ang anak nila ni Abraham! Si Abraham noon ay sandaang taóng gulang na. Ang ipinangalan niya sa anak niya ay Isaac, o “Pagtawa,” gaya ng sinabi ng Diyos. Nakikita mo ba si Sara na pagód pero nakangiting sinasabi: “Ang Diyos ay naghanda ng katatawanan sa akin: pagtatawanan ako ng lahat ng makaririnig niyaon”? (Genesis 21:6) Ang makahimalang regalong iyan ni Jehova ay tiyak na nagpasaya sa buhay ni Sara. Pero may kaakibat itong malaking responsibilidad.
Nang limang taóng gulang na si Isaac, naghanda ng isang piging ang pamilya nang maawat na sa pagsuso ang bata. Pero may problema. Mababasa natin na “laging napapansin” ni Sara na tinutukso ni Ismael, 19-na-taóng-gulang na anak ni Hagar, ang batang si Isaac. Hindi lang ito basta panunukso. Nang maglaon, ang ginagawang ito ni Ismael ay tinawag ni apostol Pablo na pag-uusig. Nakita ni Sara kung ano ang magiging epekto nito sa anak niya. Alam na alam ni Sara na higit pa sa pagiging anak ang papel na gagampanan ni Isaac. May mahalagang papel ito sa layunin ni Jehova. Kaya naglakas-loob siyang kausapin si Abraham. Hiniling niyang palayasin ni Abraham sina Hagar at Ismael.—Genesis 21:8-10; Galacia 4:22, 23, 29.
Paano tumugon si Abraham? Mababasa natin: “Ang bagay na ito ay lubhang minasama ni Abraham may kinalaman sa kaniyang anak.” Mahal niya si Ismael, kaya nananaig ang kaniyang pagiging ama. Pero nakita ni Jehova ang mga bagay-bagay, kaya kumilos siya. Mababasa natin: “Nang magkagayon ay sinabi ng Diyos kay Abraham: ‘Huwag mong masamain ang anumang bagay na laging sinasabi ni Sara sa iyo tungkol sa bata at tungkol sa iyong aliping babae. Pakinggan mo ang kaniyang tinig, sapagkat ang tatawaging iyong binhi ay magiging sa pamamagitan nga ni Isaac.’” Tiniyak ni Jehova kay Abraham na hindi pababayaan si Hagar at ang anak nito. Sumunod sa Diyos ang tapat na si Abraham.—Genesis 21:11-14.
(Genesis 21:5-7) Si Abraham ay 100 taóng gulang nang maging anak niya si Isaac. 6 At sinabi ni Sara: “Binigyan ako ng Diyos ng dahilan para tumawa at magsaya; tatawang kasama ko ang lahat ng makaririnig nito.” 7 Sinabi pa niya: “Sino ang mag-iisip na magkakaanak pa ang asawa ni Abraham na si Sara? Pero ngayon, nagkaroon ako ng anak sa kaniya kahit matanda na siya.”
(Genesis 21:10-12) Kaya sinabi niya kay Abraham: “Palayasin mo ang aliping babaeng ito at ang anak niya, dahil ang anak ng aliping babaeng ito ay hindi magiging tagapagmanang kasama ng anak kong si Isaac!” 11 Minasama ni Abraham ang sinabi ni Sara tungkol sa anak niya. 12 Pero sinabi ng Diyos kay Abraham: “Huwag mong masamain ang sinasabi ni Sara sa iyo tungkol sa iyong anak at sa iyong aliping babae. Pakinggan mo siya, dahil kay Isaac magmumula ang tatawaging iyong supling.
(Genesis 21:14) Kaya maagang gumising si Abraham at kumuha ng tinapay at ng tubig na nasa lalagyang yari sa balat at ibinigay ang mga iyon kay Hagar. Ipinatong niya ang mga iyon sa balikat nito at pinaalis kasama ang anak niya. Kaya umalis ito at gumala-gala sa ilang ng Beer-sheba.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 20:12) Isa pa, talagang kapatid ko siya; anak siya ng ama ko pero hindi siya anak ng aking ina, at naging asawa ko siya.
wp17.3 12, tlb.
“Ikaw ay Isang Babaing Maganda”
Si Sara ay kapatid ni Abraham sa ama niyang si Tera, pero magkaiba ang kanilang ina. (Genesis 20:12) Sa ngayon, hindi na tama ang gayong pag-aasawa. Pero tandaan na naiiba ang pag-aasawa noong panahong iyon. Ang mga tao noon ay malapit pa sa kasakdalang naiwala nina Adan at Eva. Kaya kahit maging mag-asawa noon ang malalapít na magkakamag-anak, hindi nagkakaroon ng diperensiya ang anak nila. Pero pagkalipas ng mga 400 taon, ang haba ng buhay ng tao ay katulad na ng sa atin ngayon. Noong panahong iyon, ipinagbawal na ng Kautusang Mosaiko ang lahat ng seksuwal na ugnayan sa pagitan ng magkakamag-anak.—Levitico 18:6.
(Genesis 21:33) Pagkatapos, nagtanim siya ng isang puno ng tamarisko sa Beer-sheba, at doon ay tumawag siya sa pangalan ni Jehova, ang walang-hanggang Diyos.
Si Abraham—Isang Uliran Para sa Lahat ng Humahanap sa Diyos Bilang Kaibigan
9 Si Abram ay tumugon sa pamamagitan ng isa pang gawa ng pananampalataya. Gaya ng sinasabi ng ulat: “Siya’y nagtayo roon ng isang dambana kay Jehova.” (Genesis 12:7) Malamang, kasali na rito ang paghahandog ng isang haing hayop, sapagkat ang salitang Hebreo para sa “dambana” ay nangangahulugang “dako na pinaghahandugan ng hain.” Nang maglaon, inulit ni Abram ang mga gawang ito ng pananampalataya sa mga ibang panig ng lupain. Isa pa, siya’y ‘tumawag sa pangalan ni Jehova.’ (Genesis 12:8; 13:18; 21:33) Ang pariralang Hebreo na “tumawag sa pangalan” ay nangangahulugan din ng “ipahayag (ipangaral) ang pangalan.” Ang sambahayan ni Abram at pati ang mga Cananeo ay tiyak na nakarinig sa kaniya nang kaniyang buong tapang na inihahayag ang pangalan ng kaniyang Diyos, si Jehova. (Genesis 14:22-24) Sa katulad na paraan, lahat ng mga naghahangad na maging kaibigan ng Diyos ngayon ay kailangang tumawag sa kaniyang pangalan nang may pananampalataya. Kasali na rito ang pakikibahagi sa pangangaral sa madla, “laging [nagha]handog sa Diyos ng isang hain ng papuri, samakatuwid baga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.”—Hebreo 13:15; Roma 10:10.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 20:1-18) At inilipat ni Abraham ang kaniyang kampo mula roon papunta sa lupain ng Negeb at nanirahan sa pagitan ng Kades at Sur. Habang nakatira siya sa Gerar, 2 sinabi ulit ni Abraham tungkol sa asawa niyang si Sara: “Kapatid ko siya.” Kaya si Abimelec na hari ng Gerar ay nagsugo para kunin si Sara. 3 Pagkatapos, isang gabi ay sinabi ng Diyos kay Abimelec sa panaginip: “Mamamatay ka dahil sa babaeng kinuha mo, dahil may asawa na siya at pag-aari ng ibang lalaki.” 4 Pero hindi pa nakalalapit si Abimelec kay Sara. Kaya sinabi niya: “Jehova, papatayin mo ba ang isang bansang wala naman talagang kasalanan? 5 Hindi ba sinabi sa akin ni Abraham, ‘Kapatid ko siya,’ at hindi ba sinabi rin ni Sara, ‘Kapatid ko siya’? Malinis ang konsensiya ko. Hindi ko alam na mali ang ginawa ko.” 6 At sinabi sa kaniya ng tunay na Diyos sa panaginip: “Alam ko na malinis ang konsensiya mo nang gawin mo ito, kaya pinigilan kita na magkasala sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit hindi kita pinahintulutang galawin siya. 7 Kaya ibalik mo ngayon ang asawa ng lalaki, dahil isa siyang propeta, at magsusumamo siya alang-alang sa iyo para patuloy kang mabuhay. Pero kung hindi mo siya ibabalik, tiyak na mamamatay ka, ikaw at ang lahat ng sa iyo.” 8 At bumangon nang maaga si Abimelec at tinawag ang lahat ng lingkod niya at sinabi sa kanila ang lahat ng ito, kaya takot na takot sila. 9 Pagkatapos, tinawag ni Abimelec si Abraham at sinabi: “Ano itong ginawa mo sa amin? Ano ang kasalanan ko sa iyo kaya nagdala ka ng malaking kapahamakan sa akin at sa kaharian ko? Hindi tama ang ginawa mo sa akin.” 10 Sinabi pa ni Abimelec kay Abraham: “Ano ba ang nasa isip mo at ginawa mo ito?” 11 Sumagot si Abraham: “Naisip ko, ‘Siguradong walang takot sa Diyos sa lugar na ito, at papatayin nila ako dahil sa asawa ko.’ 12 Isa pa, talagang kapatid ko siya; anak siya ng ama ko pero hindi siya anak ng aking ina, at naging asawa ko siya. 13 Kaya nang sabihin ng Diyos na iwan ko ang bahay ng aking ama at magpalipat-lipat ng lugar, sinabi ko sa asawa ko: ‘Sa ganitong paraan ka sana magpakita ng tapat na pag-ibig sa akin: Saanman tayo pumunta, sabihin mo tungkol sa akin, “Kapatid ko siya.”’” 14 Pagkatapos, kumuha si Abimelec ng mga tupa, baka, at mga alilang lalaki at babae at ibinigay ang mga iyon kay Abraham, at ibinalik niya ang asawa nitong si Sara. 15 Sinabi pa ni Abimelec: “Narito ang lupain ko. Tumira ka kahit saan mo gusto.” 16 At sinabi niya kay Sara: “Magbibigay ako ng 1,000 pirasong pilak sa kapatid mo. Patunay ito sa lahat ng kasama mo at sa harap ng lahat na hindi ka nadungisan, at maaalis sa iyo ang kahihiyan.” 17 At nagsimulang magsumamo si Abraham sa tunay na Diyos, at pinagaling ng Diyos si Abimelec at ang kaniyang asawa at mga aliping babae, at nagsimula silang magkaanak; 18 dahil ginawang baog ni Jehova ang lahat ng babae sa sambahayan ni Abimelec dahil kay Sara, na asawa ni Abraham.