Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
MAYO 4-10
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 36-37
“Naging Biktima ng Inggit si Jose”
(Genesis 37:3, 4) Mas mahal ni Israel si Jose kaysa sa lahat ng iba pa niyang anak dahil naging anak niya ito noong matanda na siya, at pinagawan niya ito ng espesyal na damit. 4 Nang makita ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama kaysa sa kanila, napoot sila sa kaniya, at hindi nila siya kayang kausapin nang payapa.
“Pakisuyo, Pakinggan Ninyo ang Panaginip na Ito”
Ganito ang sabi ng Bibliya: “Nang makita ng kaniyang mga kapatid na iniibig siya ng kanilang ama nang higit kaysa sa lahat ng kaniyang mga kapatid, sila ay nagsimulang mapoot sa kaniya, at hindi sila makapagsalita sa kaniya nang mapayapa.” (Genesis 37:4) Mauunawaan naman kung bakit sila naiinggit. Pero hindi katalinuhan para sa mga kuya ni Jose na magpadala sa gayong nakapipinsalang damdamin. (Kawikaan 14:30; 27:4) Naranasan mo na bang mainggit nang husto sa isa na tumanggap ng atensiyon o karangalan na gusto mo? Alalahanin ang mga kuya ni Jose. Ang kanilang inggit ay humantong sa paggawa ng mga bagay na labis nilang pagsisisihan. Ang kanilang halimbawa ay nagpapaalaala sa mga Kristiyano na mas mabuting “makipagsaya sa mga taong nagsasaya.”—Roma 12:15.
Tiyak na naramdaman ni Jose ang matinding galit ng kaniyang mga kuya. Itinatago kaya niya ang kaniyang magandang damit kapag nariyan sila? Baka naisip niyang gawin iyon. Pero tandaan na gusto ni Jacob na ang damit ay maging tanda ng kaniyang pabor at pagmamahal kay Jose. Gusto naman ni Jose na maingatan ang tiwala ng kaniyang ama, kaya lagi niya itong suot. Matututo tayo sa halimbawa niya. Hindi nagtatangi ang ating Ama sa langit, pero kung minsan, binibigyan niya ng espesyal na atensiyon ang kaniyang tapat na mga lingkod at pinagpapala sila. Bukod diyan, hinihiling niya na maging iba sila sa masama at imoral na sanlibutang ito. Gaya ng espesyal na damit ni Jose, ang paggawi ng mga tunay na Kristiyano ay naiiba sa mga nasa palibot nila. Kung minsan, dahil sa gayong paggawi, sila ay kinaiinggitan at kinapopootan. (1 Pedro 4:4) Dapat bang itago ng isang Kristiyano ang kaniyang tunay na pagkakakilanlan bilang lingkod ng Diyos? Hindi—kung paanong hindi rin itinago ni Jose ang kaniyang damit.—Lucas 11:33.
(Genesis 37:5-9) Nang maglaon, nanaginip si Jose at sinabi ito sa mga kapatid niya, kaya lalo pa silang napoot sa kaniya. 6 Sinabi niya sa kanila: “Pakisuyo, pakinggan ninyo ang panaginip ko. 7 Nagtatali raw tayo ng mga tungkos sa gitna ng bukid nang tumayo nang tuwid ang tungkos ko at pumalibot ang mga tungkos ninyo at yumukod sa tungkos ko.” 8 Sinabi ng mga kapatid niya: “Sinasabi mo bang maghahari ka sa amin at magpupuno ka sa amin?” Kaya may dahilan na naman sila para mapoot sa kaniya dahil sa panaginip niya at sa sinabi niya. 9 Pagkatapos, nanaginip ulit siya at sinabi sa mga kapatid niya: “Nanaginip ulit ako. Yumuyukod daw sa akin ang araw, buwan, at 11 bituin.”
(Genesis 37:11) At nainggit ang mga kapatid niya sa kaniya, pero tinandaan ng kaniyang ama ang sinabi niya.
“Pakisuyo, Pakinggan Ninyo ang Panaginip na Ito”
Galing sa Diyos na Jehova ang mga panaginip, at gusto niyang ipahayag ni Jose ang makahulang mensaheng ito sa iba. Dapat gawin ni Jose ang gaya ng ginawa ng mga propeta nang maglaon. Inihayag nila ang mga mensahe at kahatulan ng Diyos sa Kaniyang suwail na bayan.
Mataktikang sinabi ni Jose sa kaniyang mga kuya: “Pakisuyo, pakinggan ninyo ang panaginip na ito na aking napanaginipan.” Naintindihan nila ang panaginip, pero hindi nila ito nagustuhan. Sinabi nila: “Ikaw ba ay talagang maghahari sa amin? o, Ikaw ba ay talagang magpupuno sa amin?” Sinabi pa ng ulat: “Nagkaroon sila ng bagong dahilan upang kapootan siya dahil sa kaniyang mga panaginip at dahil sa kaniyang mga salita.” Nang ikuwento ni Jose ang ikalawang panaginip sa kaniyang ama at mga kuya, ganoon din ang reaksiyon nila. Ayon sa ulat: “Pinasimulan siyang sawayin ng kaniyang ama at sinabi sa kaniya: ‘Ano ang kahulugan ng panaginip na ito na iyong napanaginipan? Ako ba at gayundin ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay talagang yayaon at yuyukod sa lupa sa harap mo?’” Gayunman, naging palaisipan ito kay Jacob. Maaari kayang nakikipag-usap si Jehova kay Jose?—Genesis 37:6, 8, 10, 11.
Hindi si Jose ang una ni ang huling lingkod ni Jehova na pinag-usig dahil sa paghahatid ng makahulang mensahe na hindi nagustuhan ng mga tao. Si Jesus ang pangunahin sa kanila, at sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:20) Bata man o matanda, maraming matututuhan ang mga Kristiyano sa pananampalataya at lakas ng loob ng kabataang si Jose.
(Genesis 37:23, 24) Nang makarating si Jose sa mga kapatid niya, hinubad nila ang damit ni Jose, ang suot niyang espesyal na damit, 24 at dinala nila siya at itinapon sa balon. Walang tubig noon ang balon.
(Genesis 37:28) At pagdaan ng mga negosyanteng Midianita, iniahon nila si Jose mula sa balon at ipinagbili siya sa mga Ismaelita sa halagang 20 pirasong pilak. Dinala ng mga ito si Jose sa Ehipto.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 36:1) Ito ang kasaysayan ni Esau, na tinatawag ding Edom.
it-1 635
Edom
[Pula], Mga Edomita.
Edom ang isa pang pangalan na ibinigay kay Esau na kakambal ni Jacob. (Gen 36:1) Tinawag siyang Edom dahil ipinagbili niya ang kaniyang pagkapanganay kapalit ng mapulang nilaga. (Gen 25:30-34) Nagkataon din na mapulang-mapula si Esau nang ipanganak siya (Gen 25:25), at gayunding kulay ang kadalasang makikita sa ilang bahagi ng lupaing tinahanan niya at ng kaniyang mga inapo.
(Genesis 37:29-32) Nang bumalik si Ruben sa balon at makitang wala na roon si Jose, pinunit niya ang kaniyang mga damit. 30 Nang bumalik siya sa mga kapatid niya, sinabi niya: “Wala na ang bata! At ako—ano na ang gagawin ko?” 31 Kaya kinuha nila ang damit ni Jose, pumatay sila ng lalaking kambing, at isinawsaw nila ang damit sa dugo. 32 Pagkatapos, ipinadala nila ang espesyal na damit sa kanilang ama at ipinasabi: “Nakita namin ito. Pakisuyo, tingnan ninyo kung sa anak ninyo ang damit na ito o hindi.”
it-2 610-611
Pag-iingat
Kapag sinabi ng isang pastol o tagapag-alaga ng kawan na iingatan o babantayan niya ang isang kawan o bakahan, ipinakikita niya na legal niyang tinatanggap ang pangangalaga sa mga hayop na ito. Ginagarantiyahan niya sa may-ari na ang mga ito ay pakakainin at hindi mananakaw, kung hindi ay babayaran niya ang mga ito. Gayunman, hindi lubusan ang kaniyang pananagutan, sapagkat pinawawalang-sala ng nabanggit na kautusan ang tagapag-alaga sakaling may mangyari na talagang hindi kontrolado ng tao, gaya ng pagsalakay ng mababangis na hayop. Ngunit upang hindi siya managot bilang tagapag-ingat, kailangan siyang magharap ng katibayan sa may-ari, gaya halimbawa ng nilapang bangkay ng hayop. Ang may-ari naman, kapag nasuri na niya ang katibayan, ay dapat magbigay ng desisyon na ang tagapag-ingat ay walang-sala.
Sa pangkalahatan, kumakapit din ang simulaing ito sa anumang pag-aari na ipinagkatiwala, maging sa mga kaugnayang pampamilya. Halimbawa, ang pinakamatandang kapatid na lalaki ang itinuturing na legal na tagapag-alaga ng kaniyang nakababatang mga kapatid. Kaya naman mauunawaan natin ang pagkabahala ng panganay na si Ruben para sa buhay ni Jose, gaya ng nakaulat sa Genesis 37:18-30, nang magbalak ang iba pa niyang mga kapatid na patayin ito. “Sinabi niya: ‘Huwag nating patayin ang kaniyang kaluluwa.’ . . . ‘Huwag kayong magbubo ng dugo. . . . huwag ninyo siyang pagbuhatan ng marahas na kamay.’ Ang layunin niya ay iligtas siya mula sa kanilang kamay upang maibalik siya sa kaniyang ama.” At nang matuklasan ni Ruben na wala na si Jose, lubha siyang nabalisa anupat “hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan” at bumulalas: “Ang bata ay wala na! At ako—saan nga ako paroroon?” Alam niya na maaari siyang papanagutin sa pagkawala ni Jose. Upang makaiwas sila sa pananagutan, may-katusuhang kumatha ng katibayan ang magkakapatid upang palabasin na isang mabangis na hayop ang pumatay kay Jose. Sa gayon, binasâ nila sa dugo ng kambing ang guhit-guhit na kasuutan ni Jose. Pagkatapos ay dinala nila ang katibayang ito kay Jacob, ang kanilang ama at patriyarkang hukom, na nagpawalang-sala naman kay Ruben mula sa anumang pananagutan yamang ipinalagay niya na napatay si Jose, batay sa duguang kasuutan nito na iniharap ng kaniyang mga kapatid bilang katibayan.—Gen 37:31-33.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 36:1-19) Ito ang kasaysayan ni Esau, na tinatawag ding Edom.2 Si Esau ay kumuha ng mga asawa mula sa mga babae sa Canaan: si Ada na anak ni Elon na Hiteo, at si Oholibama na anak ni Anah at apo ni Zibeon na Hivita; 3 at si Basemat, na anak ni Ismael at kapatid na babae ni Nebaiot. 4 At naging anak ni Ada si Elipaz kay Esau, at naging anak ni Basemat si Reuel, 5 at naging anak ni Oholibama sina Jeus, Jalam, at Kora. Ito ang mga anak ni Esau na ipinanganak sa lupain ng Canaan. 6 Pagkatapos, tinipon ni Esau ang kaniyang mga asawa, mga anak na lalaki at babae, lahat ng miyembro ng sambahayan niya, ang kawan niya at lahat ng iba pang hayop, at ang lahat ng naging kayamanan niya sa lupain ng Canaan. At lumipat siya sa lupain na malayo sa kapatid niyang si Jacob, 7 dahil napakarami na ng mga pag-aari nila para manirahan silang magkasama at hindi na sila kayang tustusan ng lupaing tinitirhan nila dahil sa mga kawan nila. 8 Kaya nanirahan si Esau sa mabundok na rehiyon ng Seir. Si Esau ay si Edom. 9 At ito ang kasaysayan ni Esau, ang ama ng Edom, sa mabundok na rehiyon ng Seir. 10 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Esau: si Elipaz na anak ni Ada, na asawa ni Esau; si Reuel na anak ni Basemat, na asawa ni Esau. 11 Ang mga anak ni Elipaz ay sina Teman, Omar, Zepo, Gatam, at Kenaz. 12 Si Timna ay naging pangalawahing asawa ni Elipaz, na anak ni Esau. Nang maglaon, naging anak niya si Amalek kay Elipaz. Ito ang mga apo ni Ada, na asawa ni Esau. 13 Ito ang mga anak ni Reuel: sina Nahat, Zera, Shamah, at Miza. Ito ang mga apo ni Basemat, na asawa ni Esau. 14 Ito ang mga anak ni Esau sa asawa niyang si Oholibama na anak ni Anah at apo ni Zibeon: sina Jeus, Jalam, at Kora. 15 Ito ang mga shik na nagmula kay Esau: Ang mga anak ni Elipaz, na panganay ni Esau: sina Shik Teman, Shik Omar, Shik Zepo, Shik Kenaz, 16 Shik Kora, Shik Gatam, at Shik Amalek. Ito ang mga shik ni Elipaz sa lupain ng Edom. Ito ang mga apo ni Ada. 17 Ito ang mga anak ni Reuel, na anak ni Esau: sina Shik Nahat, Shik Zera, Shik Shamah, at Shik Miza. Ito ang mga shik ni Reuel sa lupain ng Edom. Ito ang mga apo ni Basemat, na asawa ni Esau. 18 Ito ang mga anak ni Oholibama, na asawa ni Esau: sina Shik Jeus, Shik Jalam, at Shik Kora. Ito ang mga shik ni Oholibama na anak ni Anah at asawa ni Esau.19 Ito ang mga anak ni Esau, at ito ang kanilang mga shik. Siya ay si Edom.
MAYO 11-17
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 38-39
“Hindi Kailanman Iniwan ni Jehova si Jose”
(Genesis 39:1) Si Jose ay dinala ng mga Ismaelita sa Ehipto, at binili siya sa kanila ng Ehipsiyong si Potipar, na isang opisyal sa palasyo ng Paraon at pinuno ng mga bantay.
“Paano Ko Magagawa ang Malaking Kasamaang Ito?”
“Kung tungkol kay Jose, siya ay ibinaba sa Ehipto, at si Potipar, na isang opisyal ng korte ni Paraon, na pinuno ng tagapagbantay, na isang Ehipsiyo, ang bumili sa kaniya mula sa kamay ng mga Ismaelita na nagbaba sa kaniya roon.” (Genesis 39:1) Sa ulat na ito ng Bibliya, mauunawaan natin ang kahihiyang naranasan ng kabataang ito nang siya ay muling ipagbili. Isa na lamang siyang ari-arian! Maiisip natin si Jose na nakasunod sa kaniyang bagong panginoon na isang Ehipsiyong opisyal ng korte. Dumaan sila sa abala at siksikang lansangan na punô ng mga tindahan, papunta sa bagong tahanan ni Jose.
Tahanan! Malayong-malayo ito sa tinatawag ni Jose na tahanan. Kinalakhan niya ang pagtira sa mga tolda habang palipat-lipat ang kanilang pamilya at nagpapastol ng kanilang mga tupa. Pero dito, ang mayayamang Ehipsiyo na gaya ni Potipar ay nakatira sa mga bahay na elegante at makulay. Iniulat ng mga arkeologo na ang sinaunang mga Ehipsiyo ay mahilig sa luntian at napapaderang mga hardin na may mayabong na mga punungkahoy at mga tipunang-tubig para sa mga papiro, lotus, at iba pang halamang-tubig. Ang ilang bahay ay napalilibutan ng mga hardin, may mga beranda para doon magpahangin, matataas na bintana para sa bentilasyon, at maraming silid, kasama na ang malaking silid-kainan at mga kuwarto para sa mga tagapaglingkod.
(Genesis 39:12-14) At hinatak siya ng babae sa damit at sinabi: “Sipingan mo ako!” Pero iniwan na niya ang damit niya at tumakas palabas. 13 Nang makita ng babae na naiwan ni Jose ang damit nito sa kamay niya at tumakas palabas, 14 nagsisigaw siya at sinabi sa mga lingkod na nasa bahay niya: “Tingnan ninyo! Dinala niya sa atin ang lalaking Hebreong iyon para gawin tayong katawa-tawa. Pumunta siya rito para sipingan ako pero nagsisigaw ako.
(Genesis 39:20) Kaya si Jose ay kinuha ng panginoon niya at dinala sa bilangguan, kung saan ikinukulong ang mga bilanggo ng hari, at nanatili siya roon sa bilangguan.
“Paano Ko Magagawa ang Malaking Kasamaang Ito?”
Kaunti lang ang nalalaman natin tungkol sa mga bilangguan sa Ehipto noon. Natuklasan ng mga arkeologo ang mga guho ng gayong mga lugar—malalaking gusali na may mga selda at mga kulungan sa ilalim ng lupa. Nang maglaon, inilarawan ni Jose ang lugar na iyon sa isang salitang literal na nangangahulugang “hukay,” isang lugar na madilim at walang pag-asa. (Genesis 40:15, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Sa aklat ng Mga Awit, mababasa natin na dumanas pa si Jose ng higit na pahirap: “Sinaktan nila ng mga pangaw ang kaniyang mga paa, sa mga bakal ay nalagay ang kaniyang kaluluwa.” (Awit 105:17, 18) Kung minsan, ang mga bilanggo sa Ehipto ay iginagapos para matali sa likuran ang mga braso nila; ang iba ay may mga kulyar na bakal sa leeg. Napakahirap ng dinanas ni Jose—gayong wala naman siyang ginawang karapat-dapat sa parusang iyon!
Isa pa, hindi ito panandalian lang. Sinasabi ng ulat na si Jose ay ‘nanatili sa bilangguan.’ Gumugol siya ng mga taon sa kahila-hilakbot na lugar na iyon! Hindi alam ni Jose kung mapalalaya pa siya. Habang ang nakatatakot na mga araw ay naging mga linggo, at mga buwan, paano niya nagawang hindi mawalan ng pag-asa?
Ganito ang sinasabi ng ulat: “Si Jehova ay nanatiling sumasa kay Jose at patuloy na naggagawad ng maibiging-kabaitan sa kaniya.” (Genesis 39:21) Walang pader ng bilangguan, pangaw, o madilim na kulungan ang makapaghihiwalay sa matapat na pag-ibig ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. (Roma 8:38, 39) Maguguniguni natin si Jose na sinasabi sa mahal niyang Ama sa langit ang kaniyang matinding paghihirap at pagkatapos ay makadama ng kapayapaan at kapanatagan na maibibigay lamang ng “Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3, 4; Filipos 4:6, 7) Ano pa ang ginawa ni Jehova para kay Jose? Mababasa natin na patuloy niyang pinagkalooban si Jose ng “lingap sa paningin ng punong opisyal ng bahay-bilangguan.”
(Genesis 39:21-23) Pero hindi iniwan ni Jehova si Jose; patuloy siyang nagpakita rito ng tapat na pag-ibig, at pinagpapala niya ito para matuwa rito ang punong opisyal ng bilangguan. 22 Kaya ipinagkatiwala ng punong opisyal ng bilangguan kay Jose ang lahat ng bilanggo roon, at siya ang namamahala sa lahat ng bagay na ginagawa nila roon. 23 Hindi na iniintindi ng punong opisyal ng bilangguan ang mga bagay na pinamamahalaan ni Jose, dahil ginagabayan ni Jehova si Jose at pinagtatagumpay ni Jehova ang lahat ng ginagawa nito.
“Paano Ko Magagawa ang Malaking Kasamaang Ito?”
Ganito ang sinasabi ng ulat: “Si Jehova ay nanatiling sumasa kay Jose at patuloy na naggagawad ng maibiging-kabaitan sa kaniya.” (Genesis 39:21) Walang pader ng bilangguan, pangaw, o madilim na kulungan ang makapaghihiwalay sa matapat na pag-ibig ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. (Roma 8:38, 39) Maguguniguni natin si Jose na sinasabi sa mahal niyang Ama sa langit ang kaniyang matinding paghihirap at pagkatapos ay makadama ng kapayapaan at kapanatagan na maibibigay lamang ng “Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3, 4; Filipos 4:6, 7) Ano pa ang ginawa ni Jehova para kay Jose? Mababasa natin na patuloy niyang pinagkalooban si Jose ng “lingap sa paningin ng punong opisyal ng bahay-bilangguan.”
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 38:9, 10) Pero alam ni Onan na ang magiging anak ay hindi ituturing na kaniya. Kaya kapag sinisipingan niya ang asawa ng kapatid niya, sinasayang niya ang semilya niya para hindi mabigyan ng anak ang kapatid niya. Ang ginawa ni Onan ay masama sa paningin ni Jehova, kaya pinatay niya rin ito.
it-2 497
Onan
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “kakayahang magkaanak; dinamikong lakas”].
Isang anak ni Juda, ang kaniyang ikalawang anak sa Canaanitang anak na babae ni Shua. (Gen 38:2-4; 1Cr 2:3) Matapos patayin ni Jehova ang walang-anak at nakatatandang kapatid ni Onan na si Er dahil sa paggawa ng masama, sinabihan ni Juda si Onan na tuparin sa balo ni Er na si Tamar ang pag-aasawa bilang bayaw. Kung magkakaanak sila ng isang lalaki, hindi ito pagmumulan ng pamilya ni Onan, at ang mana ng panganay ay magiging pag-aari nito bilang tagapagmana ni Er; samantalang kung hindi magkakaroon ng tagapagmana, kay Onan mapupunta ang mana. Nang sipingan ni Onan si Tamar, “pinatapon niya ang kaniyang semilya sa lupa” sa halip na ibigay ito kay Tamar. Hindi masturbasyon ang ginawa ni Onan, sapagkat sinasabi ng ulat na “nang sipingan niya ang asawa ng kaniyang kapatid” ay pinatapon niya ang kaniyang semilya. Maliwanag na ito’y isang kaso ng “coitus interruptus,” anupat sinadya ni Onan na huwag ipasok sa sangkap ni Tamar ang semilya na lumabas sa kaniya. Dahil sa pagsuway niya sa kaniyang ama, sa kaniyang kaimbutan, at sa kaniyang pagkakasala laban sa kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa, hindi dahil sa pag-aabuso sa sarili, si Onan, na wala ring anak, ay pinatay ni Jehova.—Gen 38:6-10; 46:12; Bil 26:19.
(Genesis 38:15-18) Nang makita ni Juda si Tamar, inisip niya agad na isa itong babaeng bayaran, dahil may takip ito sa mukha. 16 Kaya nilapitan niya ito sa tabing-daan at sinabi: “Pakisuyo, pahintulutan mo akong sipingan ka,” dahil hindi niya alam na manugang niya ito. Sinabi nito: “Ano ang ibibigay mo sa akin para masipingan mo ako?” 17 Sumagot siya: “Magpapadala ako ng isang batang kambing mula sa kawan ko.” Pero sinabi nito: “Magbibigay ka ba ng paniguro hanggang sa maipadala mo iyon?” 18 Sinabi niya: “Anong paniguro ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot ito: “Ang iyong singsing na pantatak, ang panali nito, at ang tungkod na hawak mo.” Kaya ibinigay niya ang mga ito sa babae at sumiping siya rito, at ipinagbuntis nito ang anak niya.
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kumilos nang may kamalian si Juda dahil hindi niya ibinigay si Tamar sa kaniyang anak na lalaking si Shela gaya ng kaniyang ipinangako. Nakipagtalik din siya sa isang babae na inakala niyang isang patutot sa templo. Salungat ito sa layunin ng Diyos, na makikipagtalik lamang ang isang lalaki sa kaniyang asawa. (Genesis 2:24) Gayunman, ang totoo, hindi nakipagtalik sa isang patutot si Juda. Sa halip, ginampanan niya nang di-namamalayan ang papel ng kaniyang anak na si Shela sa pag-aasawa bilang bayaw at sa gayo’y naging ama ng lehitimong supling.
Kung tungkol naman kay Tamar, hindi naman imoral ang kaniyang ginawa. Hindi itinuring na mga anak sa pakikiapid ang kaniyang kambal na mga anak na lalaki. Nang kunin ni Boaz ng Betlehem ang Moabitang si Ruth sa pag-aasawa bilang bayaw, nagsalita nang may pagsang-ayon ang mga matatanda ng Betlehem tungkol sa anak ni Tamar na si Perez, anupat sinabi kay Boaz: “Ang iyong sambahayan nawa ay maging gaya ng sambahayan ni Perez, na ipinanganak ni Tamar kay Juda, mula sa supling na ibibigay sa iyo ni Jehova mula sa kabataang babaing ito.” (Ruth 4:12) Nakatala rin si Perez bilang isa sa mga ninuno ni Jesu-Kristo.—Mateo 1:1-3; Lucas 3:23-33.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 38:1-19) Nang mga panahong iyon, iniwan ni Juda ang mga kapatid niya at nagtayo ng tolda malapit sa isang lalaking Adulamita na ang pangalan ay Hira. 2 Nakita roon ni Juda ang anak na babae ni Shua, na isang Canaanita. Kinuha niya ang babae at sinipingan ito, 3 kaya nagdalang-tao ang babae. Nang maglaon, nagsilang ito ng isang lalaki, at pinangalanan ito ni Juda na Er. 4 Nagdalang-tao siya ulit at nanganak ng isang lalaki at pinangalanan itong Onan. 5 Nanganak siya ulit ng isang lalaki at pinangalanan itong Shela. Nasa Aczib siya noong manganak ang babae. 6 Nang maglaon, kumuha si Juda ng asawa para sa panganay niyang si Er, at ang pangalan nito ay Tamar. 7 Pero si Er, na panganay ni Juda, ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova; kaya pinatay siya ni Jehova. 8 Sinabi ni Juda kay Onan: “Pakasalan mo ang asawa ng kapatid mo bilang pagtupad sa pananagutan mo bilang bayaw at sipingan mo siya para magkaroon ng anak ang namatay mong kapatid.” 9 Pero alam ni Onan na ang magiging anak ay hindi ituturing na kaniya. Kaya kapag sinisipingan niya ang asawa ng kapatid niya, sinasayang niya ang semilya niya para hindi mabigyan ng anak ang kapatid niya. 10 Ang ginawa ni Onan ay masama sa paningin ni Jehova, kaya pinatay niya rin ito. 11 Sinabi ni Juda sa manugang niyang si Tamar: “Tumira ka muna bilang biyuda sa bahay ng iyong ama hanggang sa lumaki ang anak kong si Shela,” dahil sinabi niya sa sarili niya: ‘Baka mamatay rin siyang gaya ng mga kapatid niya.’ Kaya umalis si Tamar at tumira sa bahay ng ama niya. 12 Lumipas ang ilang panahon at namatay ang asawa ni Juda, na anak na babae ni Shua. Nang matapos ang panahon ng pagdadalamhati ni Juda, pumunta siya sa mga manggugupit ng kaniyang mga tupa sa Timnah, kasama ang kaibigan niyang Adulamita na si Hira. 13 May nagsabi kay Tamar: “Ang biyenan mo ay pupunta sa Timnah para gupitan ang mga tupa niya.” 14 Dahil dito, hinubad niya ang kaniyang damit na pambiyuda at nagsuot ng belo at ng alampay, at umupo siya sa pasukan ng Enaim, na madadaanan papuntang Timnah, dahil nakita niyang malaki na si Shela pero hindi pa rin siya ibinibigay rito para maging asawa. 15 Nang makita ni Juda si Tamar, inisip niya agad na isa itong babaeng bayaran, dahil may takip ito sa mukha. 16 Kaya nilapitan niya ito sa tabing-daan at sinabi: “Pakisuyo, pahintulutan mo akong sipingan ka,” dahil hindi niya alam na manugang niya ito. Sinabi nito: “Ano ang ibibigay mo sa akin para masipingan mo ako?” 17 Sumagot siya: “Magpapadala ako ng isang batang kambing mula sa kawan ko.” Pero sinabi nito: “Magbibigay ka ba ng paniguro hanggang sa maipadala mo iyon?” 18 Sinabi niya: “Anong paniguro ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot ito: “Ang iyong singsing na pantatak, ang panali nito, at ang tungkod na hawak mo.” Kaya ibinigay niya ang mga ito sa babae at sumiping siya rito, at ipinagbuntis nito ang anak niya. 19 Pagkatapos, tumayo ito at umalis. Inalis nito ang kaniyang alampay at isinuot ulit ang kaniyang damit na pambiyuda.
MAYO 18-24
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 40-41
“Iniligtas ni Jehova si Jose”
(Genesis 41:9-13) Kaya sinabi ng punong katiwala ng kopa sa Paraon: “Sasabihin ko ngayon ang mga kasalanan ko. 10 Galit na galit noon ang Paraon sa mga lingkod niya. Kaya ipinakulong niya ako sa bilangguang nasa pangangasiwa ng pinuno ng mga bantay, ako at ang punong panadero. 11 Isang gabi, pareho kaming nanaginip. Magkaiba ang kahulugan ng mga panaginip namin. 12 At may kasama kami roon na isang lalaking Hebreo, na lingkod ng pinuno ng mga bantay. Nang ikuwento namin sa kaniya ang bawat panaginip, sinabi niya ang kahulugan ng mga iyon. 13 At kung ano ang sinabi niyang kahulugan, iyon nga ang nangyari. Ibinalik ako sa katungkulan ko, pero ibinitin sa tulos ang isa.”
“Hindi Ba ang mga Pakahulugan ay sa Diyos?”
Nakalimutan man si Jose ng katiwala ng kopa, hinding-hindi siya nakalimutan ni Jehova. Isang gabi, binigyan ni Jehova si Paraon ng dalawang di-malilimutang panaginip. Sa una, nakakita ang hari ng pitong baka na magaganda at matataba na umahon mula sa Ilog Nilo, kasunod ang pitong pangit at payat na baka. Nilamon ng mapapayat ang matatabang baka. Sa ikalawa, nakita niya ang isang tangkay na may sumisibol na pitong magagandang uhay ng butil. Pero may tumubong pito pang uhay na payat at tuyot at nilamon nito ang magagandang uhay. Kinaumagahan, nagising si Paraon na balisang-balisa dahil sa kaniyang panaginip, kaya tinawag niya ang lahat ng marurunong na tao at mahikong saserdote para bigyang-kahulugan ito. Lahat sila ay nabigo. (Genesis 41:1-8) Hindi natin alam kung iba-iba ang paliwanag nila o basta wala silang nasabi. Anuman ang nangyari, bigo pa rin si Paraon—pero mas naging determinado siyang malaman ang kahulugan nito.
Sa wakas, naalaala si Jose ng katiwala ng kopa! Nakonsensiya siya, at binanggit niya kay Paraon ang tungkol sa isang natatanging binata sa bilangguan na nakapagbigay ng tamang kahulugan sa panaginip niya at ng magtitinapay dalawang taon na ang nakararaan. Agad na ipinatawag ni Paraon si Jose mula sa bilangguan.—Genesis 41:9-13.
(Genesis 41:16) Sinabi ni Jose sa Paraon: “Hindi po ako! Ang Diyos ang magsasalita para sa ikabubuti ng Paraon.”
(Genesis 41:29-32) “Magkakaroon ng pitong-taóng kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto. 30 Pero kasunod nito ay magkakaroon naman ng pitong-taóng taggutom, at malilimutan nga ang lahat ng kasaganaan sa lupain ng Ehipto, at napakalaki ng pinsalang idudulot ng taggutom sa lupain. 31 At hindi na maaalaala ang naranasang kasaganaan sa lupain dahil sa kasunod nitong taggutom, dahil magiging napakatindi nito. 32 Dalawang beses itong napanaginipan ng Paraon dahil pinagtibay ito ng tunay na Diyos, at malapit na itong gawin ng tunay na Diyos.
“Hindi Ba ang mga Pakahulugan ay sa Diyos?”
Mahal ni Jehova ang mga mapagpakumbaba at tapat, kaya ibinigay niya kay Jose ang sagot na hindi nalaman ng marurunong na tao at saserdote. Ipinaliwanag ni Jose na iisa lang ang kahulugan ng dalawang panaginip ni Paraon. Sa pag-ulit ng mensahe, ipinaalam ni Jehova na ito ay “matibay na naitatag”—tiyak na mangyayari ito. Ang matatabang baka at ang magagandang uhay ng butil ay nangangahulugang pitong taon ng kasaganaan sa Ehipto, samantalang ang mapapayat na baka at tuyot na uhay ng butil ay pitong taon ng taggutom na kasunod ng mga taon ng kasaganaan. Lalamunin ng taggutom na iyon ang kasaganaan ng lupain.—Genesis 41:25-32.
(Genesis 41:38-40) Kaya sinabi ng Paraon sa mga lingkod niya: “May makikita pa ba tayong gaya ng lalaking ito na may espiritu ng Diyos?” 39 At sinabi ng Paraon kay Jose: “Dahil ipinaalám sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, wala nang mas matalino at mas may unawa kaysa sa iyo. 40 Ikaw mismo ang mamamahala sa sambahayan ko, at susundin ng buong bayan ko ang lahat ng sasabihin mo. Magiging mas dakila lang ako sa iyo dahil sa papel ko bilang hari.”
“Hindi Ba ang mga Pakahulugan ay sa Diyos?”
Tapat si Paraon sa kaniyang sinabi. Agad na dinamtan si Jose ng mainam na lino. Binigyan siya ni Paraon ng isang kuwintas na ginto, singsing na panlagda, maharlikang karo, at ng awtoridad para libutin ang buong lupain at ipatupad ang kaniyang plano. (Genesis 41:42-44) Sa loob ng isang araw, nalipat si Jose mula sa bilangguan tungo sa palasyo—mula sa isang hamak na bilanggo, isa na siya ngayong pinuno na pumapangalawa kay Paraon. Talagang pinagpala ang pananampalataya ni Jose sa Diyos na Jehova! Nakita ni Jehova ang lahat ng kawalang-katarungang dinanas ng kaniyang lingkod sa nakalipas na mga taon. Nilutas niya ang mga ito sa tamang panahon at paraan. Ang nasa isip ni Jehova ay hindi lang ang kapakanan ni Jose kundi ang kinabukasan din ng bansang Israel. Makikita natin kung paano ito ginawa ni Jehova sa mga susunod na artikulo ng seryeng ito.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 41:14) Kaya ipinatawag ng Paraon si Jose, at dali-dali nila siyang inilabas sa bilangguan. Nag-ahit siya, nagpalit ng damit, at pumunta sa Paraon.
Alam Mo Ba?
Bakit nag-ahit si Jose bago humarap kay Paraon?
Ayon sa ulat ng Genesis, ipinag-utos ni Paraon na dalhin agad sa kaniya ang bilanggong Hebreo na si Jose para bigyang-kahulugan ang mga panaginip niya na bumabagabag sa kaniya. Ilang taon nang nakabilanggo si Jose noong mga panahong iyon. Kahit na apurahan siyang ipinatawag ni Paraon, nag-ahit muna si Jose. (Genesis 39:20-23; 41:1, 14) Sa pagbanggit ng manunulat sa tila di-mahalagang detalyeng ito, makikitang pamilyar siya sa mga kaugalian sa Ehipto.
Karaniwan nang nagpapahaba ng balbas ang mga tao sa maraming bansa noon, kasali na ang mga Hebreo. Pero “tanging ang sinaunang mga Ehipsiyo lang sa mga bansa sa Silangan ang hindi nagpapahaba ng balbas,” ang sabi ng Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature nina McClintock at Strong.
Balbas lang ba ang inaahit? Sinasabi ng magasing Biblical Archaeology Review na may mga seremonyal na kaugalian sa Ehipto kung saan hinihiling sa isang lalaki na mag-ayos muna ng sarili bago humarap kay Paraon na para siyang papasok sa isang templo. Sa gayong sitwasyon, kailangang ahitin ni Jose ang lahat ng buhok sa kaniyang ulo at katawan.
(Genesis 41:33) “Kaya maghanap ang Paraon ng isang taong matalino at may unawa para atasang mamahala sa lupain ng Ehipto.
Magpakita ng Kagandahang-Asal Bilang mga Ministro ng Diyos
14 Tinitiyak ng makadiyos na mga magulang noong panahon ng Bibliya na natuturuan nila ng kagandahang-asal ang kanilang mga anak sa tahanan. Isaalang-alang ang magalang na pag-uusap ng mag-amang Abraham at Isaac sa Genesis 22:7. Mahusay rin ang pagsasanay kay Jose ng kaniyang mga magulang. Sa bilangguan, naging magalang siya sa kaniyang mga kapuwa bilanggo. (Gen. 40:8, 14) At alam din niya kung paano dapat makipag-usap sa isang mataas na opisyal na gaya ni Paraon.—Gen. 41:16, 33, 34.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 40:1-23) Pagkatapos nito, ang punong katiwala ng kopa ng hari ng Ehipto at ang punong panadero ay nagkasala sa kanilang panginoon, ang hari ng Ehipto. 2 Kaya nagalit ang Paraon sa dalawang opisyal niya, sa punong katiwala ng kopa at sa punong panadero, 3 at ipinakulong niya sila sa bilangguan na nasa pangangasiwa ng pinuno ng mga bantay, kung saan nakabilanggo rin si Jose. 4 Pagkatapos, inatasan ng pinuno ng mga bantay si Jose para maging lingkod nila, at nanatili sila sa bilangguan sa loob ng ilang panahon. 5 Isang gabi, parehong nanaginip ang nakabilanggong katiwala ng kopa at panadero ng hari ng Ehipto, at may magkaibang kahulugan ang mga panaginip nila. 6 Kinaumagahan, nang puntahan sila ni Jose at makita sila, mukha silang problemado. 7 Kaya tinanong niya ang mga opisyal ng Paraon na kasama niya sa bilangguang nasa pangangasiwa ng panginoon niya: “Bakit matamlay kayo ngayon?” 8 Sinabi nila: “Pareho kaming nanaginip, pero wala kaming kasama na magbibigay ng kahulugan nito.” Sinabi ni Jose: “Hindi ba Diyos ang nagbibigay ng kahulugan sa panaginip? Sabihin ninyo iyon sa akin, pakisuyo.” 9 Kaya sinabi ng punong katiwala ng kopa kay Jose ang panaginip niya: “Sa panaginip ko, may isang punong ubas sa harap ko. 10 Ang punong ubas ay may tatlong sanga, at habang tinutubuan ito ng maliliit na sanga, namulaklak ito at ang mga kumpol ay nahinog at naging ubas. 11 At hawak ko ang kopa ng Paraon. Kinuha ko ang mga ubas at piniga ang mga iyon sa kopa ng Paraon. Pagkatapos, iniabot ko sa Paraon ang kopa.” 12 Sinabi ni Jose: “Ito ang kahulugan ng panaginip: Ang tatlong sanga ay tatlong araw. 13 Tatlong araw mula ngayon, ilalabas ka ng Paraon, ibabalik ka niya sa iyong katungkulan, at iaabot mo sa Paraon ang kopa niya, gaya ng dati mong ginagawa bilang kaniyang katiwala ng kopa. 14 Pero huwag mo akong kalimutan kapag maayos na ang kalagayan mo. Pakisuyo, magpakita ka sa akin ng tapat na pag-ibig at banggitin mo ako sa Paraon para makaalis ako sa lugar na ito. 15 Ang totoo, kinuha ako sa lupain ng mga Hebreo, at wala akong ginawang masama para ilagay nila ako sa bilangguan.” 16 Nang makita ng punong panadero na maganda ang kahulugang ibinigay ni Jose, sinabi niya rito: “Naroon din ako sa panaginip ko, at may tatlong basket ng puting tinapay na nakapatong sa ulo ko, 17 at sa pinakaibabaw na basket ay may iba’t ibang pagkaing gawa ng panadero para sa Paraon, at may mga ibong kumakain sa mga iyon mula sa basket na nakapatong sa ulo ko.” 18 Sinabi ni Jose: “Ito ang kahulugan ng panaginip: Ang tatlong basket ay tatlong araw. 19 Tatlong araw mula ngayon, pupugutan ka ng Paraon at ibibitin ka sa tulos, at kakainin ng mga ibon ang laman mo.” 20 At nang ikatlong araw ay kaarawan ng Paraon, at naghanda siya ng isang malaking salusalo para sa lahat ng lingkod niya, at inilabas niya ang punong katiwala ng kopa at ang punong panadero para makita ng mga lingkod niya. 21 Ang punong katiwala ng kopa ay ibinalik niya sa pagiging katiwala ng kopa, at patuloy itong nag-abot ng kopa sa Paraon. 22 Pero ibinitin niya ang punong panadero, gaya ng sinabi ni Jose na kahulugan ng panaginip. 23 Gayunman, hindi siya naalaala ng punong katiwala ng kopa; nalimutan na nito si Jose.
MAYO 25-31
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 42-43
“Nagpakita si Jose ng Matinding Pagpipigil sa Sarili”
(Genesis 42:5-7) Kaya ang mga anak ni Israel ay pumunta sa Ehipto kasama ang iba pa na bibili rin, dahil ang taggutom ay umabot sa lupain ng Canaan. 6 Si Jose ang may awtoridad sa lupain, at siya ang nagbebenta ng butil sa lahat ng tao sa lupa. Kaya dumating ang mga kapatid ni Jose at yumukod sa kaniya. 7 Nang makita ni Jose ang mga kapatid niya, nakilala niya sila agad, pero hindi siya nagpakilala sa kanila. At mabagsik siyang nakipag-usap sa kanila, at sinabi niya: “Tagasaan kayo?” Sumagot sila: “Sa lupain ng Canaan. Nandito kami para bumili ng pagkain.”
“Nasa Kalagayan Ba Ako ng Diyos?”
Kumusta naman si Jose? Nakilala niya agad ang mga kapatid niya! Isa pa, nang makita niyang yumukod sila sa kaniya, naalaala niya ang kaniyang kabataan. Ayon sa ulat, “kaagad na naalaala ni Jose ang mga panaginip” na ibinigay sa kaniya ni Jehova noong bata pa siya—mga panaginip na nagpapakita ng panahong yuyukod sa kaniya ang mga kuya niya—gaya mismo ng ginagawa nila ngayon! (Genesis 37:2, 5-9; 42:7, 9) Ano kaya ang gagawin ni Jose? Yayakapin sila? Maghihiganti?
“Nasa Kalagayan Ba Ako ng Diyos?”
Hindi ka naman siguro malalagay sa ganiyang sitwasyon. Pero karaniwan sa ngayon ang mga hidwaan at pagkakabaha-bahagi sa loob ng pamilya. Kapag napaharap tayo sa ganiyang mga hamon, baka sundin lang natin ang sinasabi ng ating puso at kumilos nang padalos-dalos. Mas makabubuting tularan si Jose at alamin kung paano natin ito lulutasin ayon sa gusto ng Diyos. (Kawikaan 14:12) Tandaan na kung mahalaga ang pakikipagpayapaan sa mga kapamilya, lalo na kay Jehova at sa kaniyang Anak.—Mateo 10:37.
(Genesis 42:14-17) Pero sinabi ni Jose: “Gaya ng sinabi ko—‘Mga espiya kayo!’ 15 Titingnan ko kung nagsasabi kayo ng totoo: Sumusumpa ako sa ngalan ng Paraon, hindi kayo makaaalis dito hanggang sa pumunta rito ang bunso ninyong kapatid. 16 Pabalikin ninyo ang isa sa inyo para kunin ang kapatid ninyo at ang iba ay mananatiling nakakulong dito. Sa ganitong paraan, malalaman ko kung nagsasabi kayo ng totoo. At kung hindi, sumusumpa ako sa ngalan ng Paraon—mga espiya kayo.” 17 At sama-sama niya silang ikinulong nang tatlong araw.
“Nasa Kalagayan Ba Ako ng Diyos?”
Sinimulan ni Jose ang sunod-sunod na pagsubok para malaman ang niloloob ng kaniyang mga kapatid. Una, sa pamamagitan ng isang interpreter, mabalasik siyang nagsalita sa kanila na inaakusahan silang mga banyagang espiya. Para ipagtanggol ang kanilang sarili, sinabi nila ang tungkol sa kanilang pamilya—pati na ang gusto niyang malaman tungkol sa bunso nilang kapatid na naiwan sa bahay. Hindi ipinahalata ni Jose ang pananabik niya. Talaga nga bang buháy ang kaniyang bunsong kapatid? Alam na ngayon ni Jose kung ano ang susunod niyang gagawin. Sinabi niya: “Sa ganito kayo susubukin,” at saka niya sinabi sa kanila na kailangan niyang makita ang bunsong kapatid na ito. Sa bandang huli, pumayag siyang pauwiin sila para sunduin ang bunso kung papayag ang isa sa kanila na magpaiwan bilang bihag na panagot.—Genesis 42:9-20.
(Genesis 42:21, 22) At sinabi nila sa isa’t isa: “Tiyak na pinaparusahan tayo dahil sa ating kapatid, dahil nakita natin ang paghihirap niya nang magmakaawa siya sa atin, pero hindi tayo nakinig. Iyan ang dahilan kung bakit nagdurusa tayo ngayon.” 22 Kaya sinabi ni Ruben: “Hindi ba sinabi ko sa inyo, ‘Huwag ninyong gawan ng masama ang bata’? Pero hindi kayo nakinig. At ngayon ay sinisingil sa atin ang dugo niya.”
Jose
Dahil sa mga pangyayaring ito, ang mga kapatid sa ama ni Jose ay nagsimulang makadama na pinarurusahan sila ng Diyos dahil ipinagbili nila siya sa pagkaalipin maraming taon na ang nakararaan. Pinag-usapan nila ito sa harap ng kanilang kapatid, na hindi pa nila nakikilala. Nang marinig ang kanilang pananalita na nagpapakita ng pagsisisi, lubhang nabagbag ang damdamin ni Jose anupat kinailangan niyang umalis sa harap nila upang tumangis. Pagbalik niya, ipinagapos niya si Simeon hanggang sa panahong bumalik sila kasama ang kanilang bunsong kapatid.—Gen 42:21-24.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 42:22) Kaya sinabi ni Ruben: “Hindi ba sinabi ko sa inyo, ‘Huwag ninyong gawan ng masama ang bata’? Pero hindi kayo nakinig. At ngayon ay sinisingil sa atin ang dugo niya.”
(Genesis 42:37) Pero sinabi ni Ruben sa kaniyang ama: “Ipapatay mo ang dalawang anak ko kung hindi ko siya maibalik sa iyo. Ipagkatiwala mo siya sa akin, at ibabalik ko siya sa iyo.”
it-2 1028
Ruben
Kinakitaan si Ruben ng ilang mabubuting katangian nang hikayatin niya ang kaniyang siyam na kapatid na ihulog si Jose sa isang tuyong balon sa halip na patayin ito, yamang binabalak ni Ruben na bumalik nang palihim at iahon si Jose mula sa balon. (Gen 37:18-30) Pagkalipas ng mahigit sa 20 taon, nang akalain ng mismong mga kapatid niyang ito na pinararatangan sila ng paniniktik sa Ehipto dahil pinagmalupitan nila noon si Jose, ipinaalaala sa kanila ni Ruben na hindi siya nakibahagi sa kanilang pakana na patayin si Jose. (Gen 42:9-14, 21, 22) Muli, nang tumanggi si Jacob na pasamahin si Benjamin sa kanila sa ikalawang paglalakbay nila patungong Ehipto, si Ruben ang nag-alok ng kaniya mismong dalawang anak bilang panagot para kay Benjamin, na sinasabi: “Ipapatay mo [sila] kung hindi ko siya maibabalik sa iyo.”—Gen 42:37.
(Genesis 43:32) Naghain sila nang bukod para sa kaniya, para sa kanila, at para sa mga Ehipsiyong kasama niya, dahil hindi makakakain ang mga Ehipsiyo kasabay ng mga Hebreo; kasuklam-suklam iyon sa mga Ehipsiyo.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis—II
43:32—Bakit kasuklam-suklam sa mga Ehipsiyo ang kumain na kasama ng mga Hebreo? Malamang na dahil ito sa relihiyosong pagtatangi o pagmamapuri dahil sa lahi. Kinasusuklaman din ng mga Ehipsiyo ang mga pastol. (Genesis 46:34) Bakit? Maaaring malapit na sa pinakamababang antas sa lipunan ng mga Ehipsiyo ang katayuan ng mga pastol. O baka yamang limitado ang masasakang lupain, kinasusuklaman ng mga Ehipsiyo ang mga naghahanap ng pastulan para sa mga kawan.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 42:1-20) “Nang malaman ni Jacob na may butil sa Ehipto, sinabi niya sa mga anak niya: “Bakit nagtitinginan lang kayo at ayaw ninyong kumilos?” 2 Sinabi pa niya: “Nabalitaan kong may butil sa Ehipto. Pumunta kayo roon at bumili para sa atin, para manatili tayong buháy at hindi mamatay.” 3 Kaya pumunta sa Ehipto ang 10 kapatid ni Jose para bumili ng butil. 4 Pero hindi ipinasama ni Jacob si Benjamin, ang kapatid ni Jose, sa iba pa nitong kapatid, dahil sinabi niya: “Baka maaksidente siya at mamatay.” 5 Kaya ang mga anak ni Israel ay pumunta sa Ehipto kasama ang iba pa na bibili rin, dahil ang taggutom ay umabot sa lupain ng Canaan. 6 Si Jose ang may awtoridad sa lupain, at siya ang nagbebenta ng butil sa lahat ng tao sa lupa. Kaya dumating ang mga kapatid ni Jose at yumukod sa kaniya. 7 Nang makita ni Jose ang mga kapatid niya, nakilala niya sila agad, pero hindi siya nagpakilala sa kanila. At mabagsik siyang nakipag-usap sa kanila, at sinabi niya: “Tagasaan kayo?” Sumagot sila: “Sa lupain ng Canaan. Nandito kami para bumili ng pagkain.” 8 Kaya nakilala ni Jose ang mga kapatid niya, pero hindi nila siya nakilala. 9 Naalaala agad ni Jose ang mga panaginip niya tungkol sa kanila, at sinabi niya sa kanila: “Mga espiya kayo! Pumunta kayo rito para makita kung anong bahagi ng lupain ang madaling salakayin!” 10 Kaya sinabi nila: “Hindi, panginoon ko. Pumunta rito ang iyong mga lingkod para bumili ng pagkain. 11 Magkakapatid kami, at hindi kami masasamang tao. Hindi mga espiya ang iyong mga lingkod.” 12 Pero sinabi niya: “Hindi! Pumunta kayo rito para makita kung anong bahagi ng lupain ang madaling salakayin!” 13 Sumagot sila: “Ang iyong mga lingkod ay 12 magkakapatid na lalaki. Anak kami ng iisang lalaki na naninirahan sa lupain ng Canaan, at ang bunso ay kasama ng aming ama ngayon, pero ang isa pa ay wala na.” 14 Pero sinabi ni Jose: “Gaya ng sinabi ko—‘Mga espiya kayo!’ 15 Titingnan ko kung nagsasabi kayo ng totoo: Sumusumpa ako sa ngalan ng Paraon, hindi kayo makaaalis dito hanggang sa pumunta rito ang bunso ninyong kapatid. 16 Pabalikin ninyo ang isa sa inyo para kunin ang kapatid ninyo at ang iba ay mananatiling nakakulong dito. Sa ganitong paraan, malalaman ko kung nagsasabi kayo ng totoo. At kung hindi, sumusumpa ako sa ngalan ng Paraon—mga espiya kayo.” 17 At sama-sama niya silang ikinulong nang tatlong araw. 18 Sa ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila: “Gawin ninyo ito para manatili kayong buháy, dahil may takot ako sa Diyos. 19 Kung matuwid kayo, manatili sa kulungan ang isa sa inyong magkakapatid, pero ang lahat ng iba pa ay puwede nang umuwi at magdala ng butil para makaraos sa taggutom ang inyong mga sambahayan. 20 Pagkatapos, dalhin ninyo sa akin ang bunso ninyong kapatid para malaman ko kung mapagkakatiwalaan ang inyong mga salita, at hindi kayo mamamatay.” At gayon ang ginawa nila.