Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
SETYEMBRE 7-13
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 23-24
“Huwag Sumunod sa Karamihan”
(Exodo 23:1) “Huwag kang magkakalat ng ulat na di-totoo. Huwag kang tetestigo nang may kasinungalingan para tulungan ang isang masamang tao.
Tama Ba ang Nakuha Mong Impormasyon?
7 Mahilig ka bang mag-e-mail at mag-text sa iyong mga kaibigan at kakilala? Kung oo, kapag nakakita ka ng bagong balita sa media o nakarinig ng karanasan, baka para kang reporter na gustong mauna sa pagkukuwento. Pero bago ka mag-text o mag-e-mail, tanungin muna ang sarili: ‘Sigurado ba akong totoo ang ikakalat kong impormasyon? Talaga bang tama ang nakuha kong impormasyon?’ Kung hindi ka tiyak, baka wala kang kamalay-malay na nakapagkakalat ka na ng maling impormasyon sa ating mga kapatid. Kung duda ka, pindutin ang delete button, huwag ang send button.
8 May isa pang panganib ang agad-agad na pagpapasa ng e-mail at text. Sa ilang lupain, ang ating gawain ay hinihigpitan o ipinagbabawal pa nga. Ang mga mananalansang sa gayong lupain ay baka nananadyang magkalát ng mga ulat para manakot o para mawalan tayo ng tiwala sa isa’t isa. Pansinin ang nangyari sa dating Unyong Sobyet. Nagkalát ng balita ang secret police, kilalá bilang KGB, na may mga prominenteng brother daw na nagkanulo sa bayan ni Jehova. Marami ang naniwala sa kasinungalingang iyon, at bilang resulta, iniwan nila ang organisasyon ni Jehova. Nakalulungkot talaga! Buti na lang, marami ang nanumbalik, pero may ilan na hindi na nakabalik. Nawasak ang kanilang pananampalataya. (1 Tim. 1:19) Paano natin ito maiiwasan? Huwag magkalat ng negatibo o di-mapananaligang ulat. Huwag basta maniwala. Siguraduhing tama ang nakuha mong impormasyon.
(Exodo 23:2) Huwag kang susunod sa karamihan sa paggawa ng masama, at huwag kang magbibigay ng patotoo na salungat sa katarungan para lang pumanig sa karamihan.
Aaron
Kapansin-pansin na sa bawat isa sa kaniyang tatlong pagkakamali, lumilitaw na hindi si Aaron ang pasimuno ng maling pagkilos kundi, sa halip, waring pinahintulutan niya na matangay siya ng panggigipit ng mga kalagayan o ng impluwensiya ng iba mula sa landasin ng katuwiran. Lalo na sa kaniyang unang pagkakamali, naikapit sana niya ang simulaing nakapaloob sa utos na: “Huwag kang susunod sa karamihan ukol sa masasamang pakay.” (Exo 23:2) Gayunpaman, pagkatapos nito ay ginamit ang kaniyang pangalan sa Kasulatan sa isang marangal na paraan, at noong panahong nabubuhay sa lupa ang Anak ng Diyos, kinilala niya ang pagiging lehitimo ng Aaronikong pagkasaserdote.—Aw 115:10, 12; 118:3; 133:1, 2; 135:19; Mat 5:17-19; 8:4.
(Exodo 23:3) Dapat kang maging patas sa usapin ng isang mahirap.
Pagkabulag
Ang pagkabigong maglapat ng katarungan dahil sa katiwalian sa paghatol ay isinagisag ng pagkabulag, at maraming payo sa Kasulatan laban sa panunuhol, pagbibigay ng kaloob, o pagtatangi, yamang maaaring mabulag sa mga bagay na iyon ang isang hukom at makahadlang sa walang-pagtatanging paglalapat ng katarungan. “Ang suhol ay bumubulag ng mga taong malinaw ang paningin.” (Exo 23:8) “Ang suhol ay bumubulag sa mga mata ng marurunong.” (Deu 16:19) Ang isang hukom, matuwid man siya at may pang-unawa, ay maaaring maapektuhan ng isang kaloob mula sa mga nasasangkot sa kaso, namamalayan man niya iyon o hindi. Maingat na isinasaalang-alang ng kautusan ng Diyos ang nakabubulag na epekto hindi lamang ng isang kaloob kundi gayundin ng damdamin, yamang sinasabi nito: “Huwag mong pakikitunguhan nang may pagtatangi ang maralita, at huwag mong kikilingan ang pagkatao ng isang dakila.” (Lev 19:15) Kaya udyok man ng sentimyento o upang maging popular sa karamihan, hindi dapat igawad ng isang hukom ang kaniyang desisyon laban sa mayaman dahil lamang sa mayaman ang mga ito.—Exo 23:2, 3.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 23:9) “Huwag mong pahihirapan ang dayuhang naninirahang kasama ninyo. Alam ninyo ang pakiramdam ng isang dayuhan, dahil nanirahan din kayo bilang dayuhan sa Ehipto.
Magpakita ng Kabaitan sa mga Estranghero
4 Sa halip na basta utusan ang mga Israelita na igalang ang mga banyaga, inantig ni Jehova ang kanilang empatiya. (Basahin ang Exodo 23:9.) Alam ng mga Israelita ang pakiramdam ng maging banyaga. Bago pa man sila naging mga alipin, malamang na iniiwasan na sila ng mga Ehipsiyo dahil sa diskriminasyon sa lahi at relihiyon. (Gen. 43:32; 46:34; Ex. 1:11-14) Mahirap ang naging buhay ng mga Israelita bilang naninirahang dayuhan, pero inaasahan ni Jehova na pakikitunguhan nila ang mga banyaga na “katulad ng katutubo” sa gitna nila.—Lev. 19:33, 34.
(Exodo 23:20, 21) “Magsusugo ako ng isang anghel sa unahan mo para ingatan ka sa daan at para dalhin ka sa lugar na inihanda ko. 21 Bigyang-pansin mo siya at sundin ang tinig niya. Huwag kang magrebelde sa kaniya, dahil hindi niya patatawarin ang mga kasalanan mo, dahil nasa kaniya ang pangalan ko.
it-2 394
Miguel
1. Ang tanging banal na anghel, maliban kay Gabriel, na ang pangalan ay binanggit sa Bibliya, at ang kaisa-isang anghel na tinawag na “arkanghel.” (Jud 9) Unang lumitaw ang pangalang ito sa ikasampung kabanata ng Daniel, kung saan si Miguel ay inilalarawan bilang “isa sa mga pangunahing prinsipe”; sinaklolohan niya ang isang nakabababang anghel na sinalansang ng “prinsipe ng kaharian ng Persia.” Si Miguel ay tinawag na ‘prinsipe ng bayan ni Daniel,’ “ang dakilang prinsipe na nakatayo alang-alang sa mga anak ng . . . bayan [ni Daniel].” (Dan 10:13, 20, 21; 12:1) Ipinahihiwatig nito na si Miguel ang anghel na umakay sa mga Israelita sa pagtahak sa ilang. (Exo 23:20, 21, 23; 32:34; 33:2) Bilang suporta sa konklusyong ito, binanggit sa Bibliya na ‘si Miguel na arkanghel ay nagkaroon ng pakikipaghidwaan sa Diyablo at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises.’—Jud 9.
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 23:1-19) “Huwag kang magkakalat ng ulat na di-totoo. Huwag kang tetestigo nang may kasinungalingan para tulungan ang isang masamang tao. 2 Huwag kang susunod sa karamihan sa paggawa ng masama, at huwag kang magbibigay ng patotoo na salungat sa katarungan para lang pumanig sa karamihan. 3 Dapat kang maging patas sa usapin ng isang mahirap. 4 “Kung makita mong pagala-gala ang toro o asno ng iyong kaaway, dapat mo itong ibalik sa kaniya. 5 Kung makita mo ang asno ng sinumang may galit sa iyo na nadaganan ng mabigat na pasan nito, huwag mo itong iiwan. Dapat mo siyang tulungan na alisin ang pasan ng hayop. 6 “Huwag mong babaluktutin ang hatol sa kaso ng taong mahirap. 7 “Lumayo ka sa maling akusasyon, at huwag mong patayin ang walang-sala at ang matuwid, dahil hindi ko ipahahayag na matuwid ang masama. 8 “Huwag kang tatanggap ng suhol, dahil ang suhol ay bumubulag sa mga taong malinaw ang paningin at pumipilipit sa pananalita ng mga taong matuwid. 9 “Huwag mong pahihirapan ang dayuhang naninirahang kasama ninyo. Alam ninyo ang pakiramdam ng isang dayuhan, dahil nanirahan din kayo bilang dayuhan sa Ehipto. 10 “Sa loob ng anim na taon ay hahasikan mo ng binhi ang lupain mo at titipunin ang bunga nito. 11 Pero sa ikapitong taon, hahayaan mo itong di-nabubungkal at di-natatamnan, at ang mahihirap sa iyong bayan ay kakain mula roon, at ang matitira nila ay kakainin ng maiilap na hayop sa parang. Gayon ang gagawin mo sa iyong ubasan at taniman ng olibo. 12 “Anim na araw kang magtatrabaho; pero sa ikapitong araw ay hihinto ka para makapagpahinga ang iyong toro at asno at maginhawahan ang anak ng iyong aliping babae at ang dayuhang naninirahang kasama ninyo. 13 “Dapat ninyong sunding mabuti ang lahat ng sinabi ko sa inyo, at huwag ninyong babanggitin ang pangalan ng ibang mga diyos; ang mga ito ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig. 14 “Tatlong beses sa isang taon ay magdiriwang ka ng kapistahan para sa akin. 15 Ipagdiriwang mo ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pitong araw kang kakain ng tinapay na walang pampaalsa, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil noon ka lumabas sa Ehipto. Hindi puwedeng humarap sa akin ang sinumang walang dala. 16 Kailangan mo ring ipagdiwang ang Kapistahan ng Pag-aani ng mga unang hinog na bunga ng iyong pagtatrabaho, ng paghahasik mo sa bukid; at ang Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani sa pagtatapos ng taon, kung kailan tinitipon mo mula sa bukid ang mga bunga ng iyong pagtatrabaho. 17 Tatlong beses sa isang taon, ang lahat ng lalaki ay haharap sa tunay na Panginoon, si Jehova. 18 “Ang dugo ng hain para sa akin ay huwag mong ihahandog kasama ng anumang may pampaalsa. At ang mga haing taba na inihahandog sa aking mga kapistahan ay huwag mong hahayaang matira hanggang kinaumagahan. 19 “Dadalhin mo sa bahay ni Jehova na iyong Diyos ang pinakamainam sa mga unang hinog na bunga ng iyong lupa. “Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng ina nito.
SETYEMBRE 14-20
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 25-26
“Ang Pinakamahalagang Bagay sa Tabernakulo”
(Exodo 25:9) Gagawin ninyo iyon, ang tabernakulo at ang lahat ng kagamitan dito, ayon sa mismong parisan na ipapakita ko sa iyo.
it-1 1309
Kaban ng Tipan
Parisan at Disenyo. Nang tagubilinan ni Jehova si Moises na itayo ang tabernakulo, ang unang bagay na ibinigay Niya kay Moises ay ang parisan at disenyo ng Kaban, sapagkat ito ang pangunahin at pinakamahalagang bagay sa tabernakulo at sa buong kampo ng Israel. Ang mismong kaban ay may haba na 2.5 siko, may lapad na 1.5 siko, at may taas na 1.5 siko (mga 111 × 67 × 67 sentimetro; 44 × 26 × 26 na pulgada). Ito ay gawa sa kahoy ng akasya at kinalupkupan ng dalisay na ginto sa loob at sa labas. Isang artistikong “sinepang ginto” ang nagsilbing korona “sa palibot niyaon.” Ang ikalawang seksiyon ng Kaban, ang takip nito, ay gawa sa purong ginto, hindi basta kahoy na kinalupkupan ng ginto, at kasinghaba at kasinlapad ng mismong kaban. Nakapatong sa takip na ito ang dalawang ginintuang kerubin na mga gawang pinukpok, isa sa magkabilang dulo ng takip anupat magkaharap ang mga ito, nakayukod ang mga ulo at ang mga pakpak ay nakaunat nang paitaas at lumililim sa ibabaw ng Kaban. (Exo 25:10, 11, 17-22; 37:6-9) Ang takip na ito ay tinatawag ding “luklukan ng awa” o “panakip na pampalubag-loob.”—Exo 25:17; Heb 9:5, tlb sa Rbi8; tingnan ang PANAKIP NA PAMPALUBAG-LOOB.
(Exodo 25:21) Ilalagay mo ang pantakip sa ibabaw ng Kaban, at ipapasok mo sa Kaban ang Patotoo na ibibigay ko sa iyo.
Kaban ng Tipan
Ang Kaban ay nagsilbing isang banal na lalagyan para sa pag-iingat ng mga sagradong paalaala o patotoo, anupat ang pangunahing laman nito ay ang dalawang tapyas ng patotoo, o ang Sampung Utos. (Exo 25:16) Inilagay rin sa Kaban ang ‘isang ginintuang banga na may manna at ang tungkod ni Aaron na nag-usbong,’ ngunit nang maglaon ay inalis ang mga ito bago itayo ang templo ni Solomon. (Heb 9:4; Exo 16:32-34; Bil 17:10; 1Ha 8:9; 2Cr 5:10) Bago mamatay si Moises, binigyan niya ng isang kopya ng “aklat ng Kautusan” ang mga Levitikong saserdote at itinagubilin niya na dapat itong ingatan, hindi sa loob, kundi “sa tabi ng kaban ng tipan ni Jehova na inyong Diyos, at iyon ay magsisilbing saksi roon laban sa iyo.”—Deu 31:24-26.
(Exodo 25:22) Magpapakita ako roon sa iyo at makikipag-usap ako sa iyo mula sa ibabaw ng pantakip. Mula sa pagitan ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng Patotoo, ipaaalam ko sa iyo ang lahat ng utos na sasabihin mo sa mga Israelita.
Kaban ng Tipan
Iniuugnay sa presensiya ng Diyos. Sa buong kasaysayan ng Kaban, iniuugnay ito sa presensiya ng Diyos. Nangako si Jehova: “Doon ako haharap sa iyo at magsasalita ako sa iyo mula sa ibabaw ng takip, mula sa pagitan ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo.” “Sa isang ulap ay magpapakita ako sa ibabaw ng takip.” (Exo 25:22; Lev 16:2) Isinulat ni Samuel na si Jehova ay “nakaupo sa mga kerubin” (1Sa 4:4); kaya naman ang mga kerubin ay nagsilbing “kawangis ng karo” ni Jehova. (1Cr 28:18) Kaayon nito, “kapag pumapasok si Moises sa tolda ng kapisanan upang makipag-usap [kay Jehova], maririnig nga niya ang tinig na nagsasalita sa kaniya mula sa itaas ng takip na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, mula sa pagitan ng dalawang kerubin; at magsasalita siya sa kaniya.” (Bil 7:89) Nang maglaon, sumangguni rin kay Jehova sa harap ng Kaban si Josue at maging ang mataas na saserdoteng si Pinehas. (Jos 7:6-10; Huk 20:27, 28) Gayunman, tanging ang mataas na saserdote ang aktuwal na nakakapasok sa Kabanal-banalan at siya lamang ang nakakakita sa Kaban, isang araw sa loob ng isang taon, hindi para makipagtalastasan kay Jehova, kundi upang isagawa ang seremonya para sa Araw ng Pagbabayad-Sala.—Lev 16:2, 3, 13, 15, 17; Heb 9:7.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 25:20) Nakaunat paitaas ang dalawang pakpak ng mga kerubin, at natatakpan ng mga pakpak nila ang pantakip; nakaharap sila sa isa’t isa. Ang mga kerubin ay nakayuko sa pantakip.
Kerubin
Kasama sa mga dekorasyon ng tabernakulong itinayo sa ilang ang mga disenyong kerubin. Dalawang kerubin na yari sa pinukpok na ginto ang nasa ibabaw ng magkabilang dulo ng takip ng Kaban. Ang mga ito ay magkaharap at nakayukod sa takip at parang sumasamba. Bawat isa ay may dalawang pakpak na nakaunat nang paitaas at nakalilim sa takip na para bang binabantayan at pinoprotektahan ito. (Exo 25:10-21; 37:7-9) Mayroon ding ibinurdang mga pigura ng mga kerubin sa mga telang pantolda na nagsisilbing panloob na pantakip ng tabernakulo, at sa kurtinang partisyon sa pagitan ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan.—Exo 26:1, 31; 36:8, 35.
(Exodo 25:30) At lagi kang maglalagay ng tinapay na pantanghal sa ibabaw ng mesa sa harap ko.
it-2 1316
Tinapay na Pantanghal
Labindalawang tinapay na inilalagay sa isang mesa sa Banal na silid ng tabernakulo o templo at pinapalitan ng bago tuwing Sabbath. (Exo 35:13; 39:36; 1Ha 7:48; 2Cr 13:11; Ne 10:32, 33) Ang literal na katawagang Hebreo para sa tinapay na pantanghal ay “tinapay ng mukha.” Kung minsan, ang salita para sa “mukha” ay tumutukoy sa “presensiya” (2Ha 13:23), kaya naman ang tinapay na pantanghal ay nasa harap ng mukha ni Jehova bilang isang palagiang handog sa harap niya. (Exo 25:30, tlb sa Rbi8) Ang tinapay na pantanghal ay tinutukoy rin bilang “magkakapatong na tinapay” (2Cr 2:4), “mga tinapay na panghandog” (Mar 2:26), at “mga tinapay” (Heb 9:2).
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 25:23-40) “Gagawa ka rin ng isang mesa na yari sa kahoy ng akasya—dalawang siko ang haba, isang siko ang lapad, at isa at kalahating siko ang taas. 24 Babalutan mo iyon ng purong ginto at papalibutan ng gintong dekorasyon ang itaas na bahagi nito. 25 Gagawa ka para sa palibot nito ng isang panggilid na sinlapad-ng-kamay, at lalagyan mo ng gintong dekorasyon ang palibot ng panggilid. 26 Igagawa mo iyon ng apat na gintong argolya, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na kanto kung saan nakakabit ang apat na paa. 27 Dapat na malapit sa panggilid ang mga argolya na pagsusuotan ng mga pingga na pambuhat sa mesa. 28 Gagawa ka ng mga pingga na yari sa kahoy ng akasya, at babalutan mo ng ginto ang mga iyon at bubuhatin ang mesa sa pamamagitan ng mga iyon. 29 “Gagawa ka rin para dito ng mga pinggan at kopa at ng mga pitsel at mangkok na gagamitin para ibuhos ang mga handog na inumin. Purong ginto ang gagamitin mo sa paggawa ng mga iyon. 30 At lagi kang maglalagay ng tinapay na pantanghal sa ibabaw ng mesa sa harap ko. 31 “Gagawa ka ng kandelero na yari sa purong ginto. Pinukpok na ginto ang gagamitin mo sa paggawa nito. Ito ay dapat na isang buong piraso na may paanan, pinakakatawan, mga sanga, mga kalis, mga buko, at mga bulaklak. 32 At may anim na sanga sa magkabilang panig ng kandelero, tatlong sanga sa isang panig nito at tatlong sanga sa kabila. 33 Ang bawat sanga sa isang panig ay may tatlong kalis na kahugis ng bulaklak ng almendras, at ang bawat kalis ay sinasalitan ng buko at bulaklak. Ganiyan din ang bawat sanga sa kabilang panig. Ganito dapat ang hitsura ng anim na sanga ng kandelero. 34 Ang pinakakatawan ng kandelero ay may apat na kalis na kahugis ng bulaklak ng almendras, at ang bawat kalis ay sinasalitan ng buko at bulaklak. 35 May buko sa ilalim ng unang dalawang sanga na nasa pinakakatawan. May buko rin sa ilalim ng sumunod na dalawang sanga at sa ilalim ng sumunod pang dalawang sanga. Ito ang magiging puwesto ng anim na sanga sa pinakakatawan. 36 Ang mga buko, mga sanga, at ang buong kandelero ay dapat na isang buong piraso ng pinukpok na purong ginto. 37 Gagawa ka ng pitong ilawan para dito, at kapag may sindi ang mga ilawan, paliliwanagin ng mga ito ang lugar sa harap nito. 38 Ang mga pang-ipit ng mitsa nito at mga lalagyan ng baga nito ay purong ginto. 39 Gagawin ito, pati na ang mga kagamitang ito, gamit ang isang talento ng purong ginto. 40 Tiyakin mong gagawin mo ang mga iyon ayon sa parisan na ipinakita sa iyo sa bundok.
SETYEMBRE 21-27
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 27-28
“Ano ang Matututuhan Natin sa Kasuotan ng mga Saserdote?”
(Exodo 28:30) Ilalagay mo ang Urim at Tumim sa pektoral ng paghatol, at ang mga iyon ay dapat na nasa tapat ng puso ni Aaron kapag pumapasok siya para humarap kay Jehova, at dapat na laging dala ni Aaron sa tapat ng puso niya ang ginagamit sa paghatol sa mga Israelita kapag humaharap siya kay Jehova.
it-2 1385
Urim at Tumim
Maraming komentarista sa Bibliya ang naniniwala na ang Urim at ang Tumim ay mga palabunot. Sa salin ni James Moffatt sa Exodo 28:30, ang mga ito ay tinawag na “mga sagradong palabunot.” Ipinapalagay ng ilan na tatlong piraso ang mga ito, anupat ang isa ay may sulat na salitang “oo,” ang isa naman ay “hindi,” at ang isa pa ay blangko. Pinagpapalabunutan ang mga ito, at sa gayo’y nasasagot ang katanungan, maliban na lamang kapag ang blangkong piraso ang nabunot, na nangangahulugang walang sagot na maaasahan. Ipinapalagay ng iba na ang Urim at ang Tumim ay dalawang lapád na bato, na ang isang panig ay puti at ang kabila naman ay itim. Kapag inihagis ang mga ito at dalawang puti ang lumabas, mangangahulugan iyon ng “oo,” kapag dalawang itim ay “hindi,” at ang isang itim at isang puti ay mangangahulugan naman na walang sagot. Minsan, nang si Saul ay sumangguni sa pamamagitan ng saserdote kung ipagpapatuloy ba nila ang pagsalakay sa mga Filisteo, wala siyang tinanggap na sagot. Palibhasa’y nadarama niyang may nagkasala sa gitna ng kaniyang mga tauhan, siya’y nagsumamo: “O Diyos ng Israel, ibigay mo ang Tumim!” Mula sa mga naroroon ay napili si Saul at si Jonatan; pagkatapos nito, nagpalabunutan upang magpasiya sa pagitan nilang dalawa. Sa ulat na ito, ang pagsamo na, “Ibigay mo ang Tumim,” ay waring iba pa sa pagpapalabunutan, bagaman maaaring ipinahihiwatig nito na magkaugnay ang mga iyon.—1Sa 14:36-42.
(Exodo 28:36) “Gagawa ka ng isang makintab na lamina na yari sa purong ginto, at gaya ng pag-ukit sa isang pantatak ay iuukit mo roon: ‘Ang kabanalan ay kay Jehova.’
Noo
Ang Mataas na Saserdote ng Israel. Sa Israel, sa harap ng turbante ng mataas na saserdote, sa ibabaw ng noo ng saserdote, ay may isang laminang ginto, “ang banal na tanda ng pag-aalay,” na sa ibabaw nito ay nakasulat sa pamamagitan ng “mga lilok ng isang pantatak” ang mga salitang “Ang kabanalan ay kay Jehova.” (Exo 28:36-38; 39:30) Bilang punong kinatawan ng Israel sa pagsamba kay Jehova, angkop lamang na panatilihing banal ng mataas na saserdote ang kaniyang katungkulan, at ang inskripsiyong ito ay magsisilbi ring paalaala sa buong Israel na kailangan nilang manatiling banal sa paglilingkod kay Jehova. Nagsilbi rin itong angkop na larawan ng dakilang Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, at ng bagay na inialay siya ni Jehova sa makasaserdoteng paglilingkod na ito na nagtataguyod ng kabanalan ng Diyos.—Heb 7:26.
(Exodo 28:42, 43) Gumawa ka rin para sa kanila ng mga panloob na lino para matakpan ang kanilang kahubaran. Ang haba ng mga ito ay mula balakang hanggang hita. 43 Ang mga iyon ay dapat isuot ni Aaron at ng mga anak niya kapag pumapasok sila sa tolda ng pagpupulong o kapag lumalapit sa altar para maglingkod sa banal na lugar, nang sa gayon ay hindi sila magkasala at mamatay. Mananatili ang batas na ito na kailangan niyang sundin at ng lahat ng supling niya.
Parangalan si Jehova sa Pamamagitan ng Pagpapakita ng Dangal
17 Lalo nang dapat tayong magpakita ng dangal kapag sumasamba tayo kay Jehova. “Bantayan mo ang iyong mga paa kailanma’t pumaparoon ka sa bahay ng tunay na Diyos,” ang sabi sa Eclesiastes 5:1. Sina Moises at Josue ay parehong inutusan na alisin ang kanilang sandalyas kapag nasa banal na dako. (Ex. 3:5; Jos. 5:15) Dapat nilang gawin ito bilang tanda ng paggalang o pagpipitagan. Ang mga saserdoteng Israelita ay dapat magsuot ng karsonsilyong lino “bilang pantakip sa hubad na laman.” (Ex. 28:42, 43) Ito’y para hindi mahantad ang maseselang bahagi ng kanilang katawan kapag naglilingkod sila sa altar. Ang lahat ng miyembro ng pamilya ng saserdote ay dapat sumunod sa makadiyos na pamantayan tungkol sa dangal.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 28:15-21) “Ipagagawa mo sa isang burdador ang pektoral ng paghatol. Dapat itong gawin na gaya ng epod, na yari sa ginto, asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino. 16 Ito ay dapat na maging parisukat kapag itiniklop, isang dangkal ang haba at isang dangkal ang lapad. 17 Lalagyan mo iyon ng mga bato, apat na hanay ng mga bato. Ang nasa unang hanay ay rubi, topacio, at esmeralda. 18 Ang nasa ikalawang hanay ay turkesa, safiro, at jaspe. 19 Ang nasa ikatlong hanay ay batong lesem, agata, at amatista. 20 Ang nasa ikaapat na hanay ay crisolito, onix, at jade. Ikakabit ang mga ito sa mga lalagyang ginto. 21 Ang mga bato ay magiging katumbas ng mga pangalan ng 12 anak ni Israel. Ang bawat isa ay uukitan na gaya ng pantatak; ang bawat pangalan ay kumakatawan sa isa sa 12 tribo.
Alam Mo Ba?
Saan nagmula ang mahahalagang bato sa pektoral ng mataas na saserdote ng Israel?
Nang makaalis ang mga Israelita sa Ehipto at makapasok sa ilang, inutusan sila ng Diyos na gawin ang pektoral na ito. (Exodo 28:15-21) Ang pektoral ay may mga batong rubi, topacio, esmeralda, turkesa, safiro, jaspe, lesem, agata, amatista, crisolito, onix, at jade. Saan kaya nakuha ng mga Israelita ang gayong mahahalagang bato?
Noong panahon ng Bibliya, napakahalaga ng mga batong hiyas at ginagamit ang mga ito sa pakikipagkalakalan. Halimbawa, nakuha ng mga sinaunang Ehipsiyo ang kanilang mga batong hiyas mula pa sa malalayong lugar na tinatawag ngayong Iran, Afghanistan, at posible pa ngang hanggang India. Iba’t ibang mahahalagang bato ang nakuha ng mga Ehipsiyo mula sa mga minahan. Kontrolado ng mga paraon ang mga minahan sa kanilang mga nasasakupan. Inilarawan ng patriyarkang si Job kung paanong ang mga kapanahon niya ay gumamit ng mga daanan at lagusan sa ilalim ng lupa para maghanap ng mga kayamanan. Partikular na binanggit ni Job ang safiro at topacio na kabilang sa mga nahuhukay noon.—Job 28:1-11, 19.
Sinasabi sa ulat ng Exodo na nang papalabas na ang mga Israelita sa Ehipto, “sinamsaman nila ang mga Ehipsiyo” ng mahahalagang pag-aari ng mga ito. (Exodo 12:35, 36) Kaya posibleng sa Ehipto nakuha ng mga Israelita ang mga batong ginamit sa pektoral ng mataas na saserdote.
(Exodo 28:38) Ilalagay ito sa noo ni Aaron, at si Aaron ang mananagot kapag nakagawa ng kasalanan ang isang tao laban sa mga banal na bagay, na pinababanal ng mga Israelita kapag inihahandog nila ang mga ito bilang mga banal na kaloob. Dapat itong manatili sa noo niya para sang-ayunan sila ni Jehova.
Kabanalan
Mga Hayop, mga Ani at Bunga. Ang mga panganay na lalaki ng mga baka, mga tupa, at mga kambing ay dapat ituring na banal kay Jehova at hindi tinutubos. Ang mga ito’y dapat ihain, at isang bahagi nito ang mapupunta sa mga saserdoteng pinabanal. (Bil 18:17-19) Ang mga unang bunga at ang ikapu ay banal, gayundin ang lahat ng mga hain at mga kaloob na pinabanal para sa paglilingkod sa santuwaryo. (Exo 28:38) Lahat ng mga bagay na banal kay Jehova ay sagrado at hindi maaaring waling-halaga o gamitin sa isang pangkaraniwan, o di-banal, na paraan. Ang isang halimbawa nito ay ang kautusan hinggil sa ikapu. Kapag ibinukod ng isang tao ang isang bahagi na kakaltasan ng ikapu, ipagpalagay na, ng kaniyang aning trigo, at pagkatapos, siya o isa sa kaniyang kasambahay ay di-sinasadyang kumuha ng ilang bahagi nito upang gamitin sa tahanan, gaya sa pagluluto, ang taong iyon ay nagkasala ng paglabag sa kautusan ng Diyos may kinalaman sa mga banal na bagay. Hinihiling ng Kautusan na magbayad siya sa santuwaryo ng katumbas na halaga at ng 20 porsiyento niyaon, bukod pa sa paghahandog ng isang malusog na barakong tupa mula sa kawan bilang hain. Sa gayon ay idiniriin na dapat na lubhang igalang ang mga banal na bagay na nauukol kay Jehova.—Lev 5:14-16.
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 27:1-21) “Gagawa ka ng altar na yari sa kahoy ng akasya; limang siko ang haba at limang siko ang lapad nito. Ang altar ay dapat na parisukat at tatlong siko ang taas. 2 Gagawa ka ng mga sungay sa tuktok ng apat na kanto nito; ang mga sungay at ang altar ay gagawin mo nang walang dugtong, at babalutan mo ng tanso ang altar. 3 Gagawa ka ng mga timba para sa pag-aalis ng abo nito, pati ng mga pala, mangkok, tinidor, at lalagyan ng baga, at ang lahat ng kagamitan nito ay gagawin mong yari sa tanso. 4 Gagawa ka para sa altar ng isang parilya na yari sa tanso, at lalagyan mo ito ng apat na argolyang tanso sa apat na kanto nito. 5 Ilalagay mo iyon sa bandang gitna ng altar, sa ilalim ng panggilid na nakapalibot dito. 6 Gagawa ka para sa altar ng mga pingga na yari sa kahoy ng akasya, at babalutan mo ng tanso ang mga iyon. 7 Ang mga pingga ay ipapasok sa mga argolya, kaya nasa dalawang gilid ng altar ang mga pingga kapag binubuhat iyon. 8 Gagawin mo ang altar na gaya ng isang kahon na yari sa mga tabla. Dapat itong gawin gaya ng ipinakita Niya sa iyo sa bundok. 9 “Gagawa ka ng looban para sa tabernakulo. Para sa timugang bahagi, ang panig na iyon ng looban ay lalagyan ng nakasabit na tabing na gawa sa magandang klase ng pinilipit na lino na 100 siko ang haba. 10 Magkakaroon ito ng 20 haligi at 20 may-butas na patungang yari sa tanso. Ang mga kawit ng mga haligi at ang mga pandugtong nito ay yari sa pilak. 11 Ang haba ng nakasabit na tabing para sa hilagang bahagi ay 100 siko rin; mayroon din itong 20 haligi at 20 may-butas na patungang yari sa tanso, pati mga pilak na kawit at pandugtong para sa mga haligi. 12 Ang haba ng nakasabit na tabing sa kanlurang bahagi ng looban ay 50 siko; mayroon itong 10 haligi at 10 may-butas na patungan. 13 Ang lapad ng silangang bahagi ng looban na nakaharap sa sikatan ng araw ay 50 siko. 14 Ang nakasabit na tabing sa isang panig nito ay 15 siko; mayroon itong tatlong haligi at tatlong may-butas na patungan. 15 At ang nakasabit na tabing sa kabilang panig nito ay 15 siko; mayroon itong tatlong haligi at tatlong may-butas na patungan. 16 “Ang pasukan ng looban ay dapat lagyan ng pantabing na 20 siko ang haba, na hinabi gamit ang asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino; mayroon itong apat na haligi at apat na may-butas na patungan. 17 Ang lahat ng haligi na nakapalibot sa looban ay may mga pangkabit at kawit na yari sa pilak, pero ang may-butas na mga patungan ng mga ito ay yari sa tanso. 18 Ang looban ay may haba na 100 siko, lapad na 50 siko, at taas na 5 siko, at yari sa magandang klase ng pinilipit na lino, at mayroon itong may-butas na mga patungang yari sa tanso. 19 Dapat na yari sa tanso ang lahat ng kagamitan para sa paglilingkod sa tabernakulo, pati na ang mga tulos na pantolda nito at lahat ng tulos sa looban. 20 “Uutusan mo ang mga Israelita na magdala sa iyo ng purong langis mula sa napigang olibo para sa mga ilawan nang hindi mamatay ang apoy ng mga ito. 21 Sa tolda ng pagpupulong, sa labas ng kurtina na malapit sa Patotoo, titiyakin ni Aaron at ng mga anak niya na laging may sindi ang mga ilawan mula gabi hanggang umaga sa harap ni Jehova. Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa lahat ng henerasyon nila na isasagawa ng mga Israelita.
SETYEMBRE 28–OKTUBRE 4
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 29-30
“Isang Abuloy Para kay Jehova”
(Exodo 30:11, 12) At sinabi ni Jehova kay Moises: 12 “Sa tuwing magsasagawa ka ng sensus at bibilangin mo ang mga lalaking Israelita, ang bawat isa ay dapat magbigay kay Jehova ng pantubos para sa buhay niya sa panahon ng sensus. Kailangan ito para walang salot na dumating sa kanila kapag nairehistro sila.
it-2 694
Pagpaparehistro, Pagrerehistro
Sa Sinai. Sa utos ni Jehova, ang unang pagrerehistro ay naganap noong panahon ng pagkakampo sa Sinai noong ikalawang buwan ng ikalawang taon pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto. Upang matulungan si Moises sa gawaing ito, sa bawat tribo ay pumili ng isang pinuno na babalikat sa pananagutan at pangangasiwa ng pagrerehistro sa tribo nito. Hindi lamang itinala noon ang lahat ng mga lalaki na 20 taóng gulang at pataas—kuwalipikado para sa paglilingkod sa hukbo—kundi nagpataw rin ang Kautusan sa mga inirehistro ng pangulong buwis na kalahating siklo ($1.10) para sa paglilingkod sa tabernakulo. (Exo 30:11-16; Bil 1:1-16, 18, 19) Umabot sa 603,550 ang kabuuang bilang na naitala, hindi kasama rito ang mga Levita, na hindi magkakaroon ng mana sa lupain. Walang binabayarang buwis sa tabernakulo ang mga ito at hindi sila hinihilingang maglingkod sa hukbo.—Bil 1:44-47; 2:32, 33; 18:20, 24.
(Exodo 30:13-15) Ito ang ibibigay ng lahat ng nairehistro: kalahating siklo ayon sa siklo ng banal na lugar. Ang 20 gerah ay katumbas ng isang siklo. Ang kalahating siklo ay ang abuloy para kay Jehova. 14 Ang lahat ng nairehistrong 20 taóng gulang pataas ay magbibigay ng abuloy kay Jehova. 15 Ang mayaman ay hindi dapat magbigay ng higit at ang mahirap ay hindi dapat magbigay ng kulang sa kalahating siklo na abuloy kay Jehova para matubos ang inyong buhay.
it-1 40
Abuloy
Sa ilalim ng Kautusan, may mga abuloy na hinihiling sa mga Israelita. Nang kunan sila ni Moises ng sensus, bawat lalaki na 20 taóng gulang at pataas ay inutusang magbigay ng pantubos para sa kaniyang kaluluwa, “kalahating siklo [malamang $1.10] ayon sa siklo ng dakong banal.” Iyon ang “abuloy kay Jehova,” upang magbayad-sala para sa kanilang mga kaluluwa, at “para sa paglilingkod sa tolda ng kapisanan.” (Exo 30:11-16) Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus (The Jewish War, VII, 218 [vi, 6]), nang maglaon, ang “sagradong buwis” na ito ay binabayaran taun-taon.—2Cr 24:6-10; Mat 17:24; tingnan ang PAGBUBUWIS.
(Exodo 30:16) Kukunin mo sa mga Israelita ang ipantutubos na perang pilak at ibibigay mo iyon bilang suporta sa paglilingkod sa tolda ng pagpupulong, at iyon ay magsisilbing alaala sa harap ni Jehova para sa mga Israelita, para matubos ang inyong buhay.”
Alam Mo Ba?
Paano tinutustusan ang mga paglilingkod sa templo ni Jehova sa Jerusalem?
Tinutustusan ang iba’t ibang paglilingkod sa templo sa pamamagitan ng pagbubuwis, pangunahin na ang pagbibigay ng ikapu. Pero may iba pang anyo ng pagbubuwis. Halimbawa, noong itinatayo ang tabernakulo, inutusan ni Jehova si Moises na mangolekta ng kalahating siklong pilak mula sa bawat nakarehistrong Israelita bilang “abuloy para kay Jehova.”—Exodo 30:12-16.
Lumilitaw na naging kaugalian na ng bawat Judio na mag-abuloy ng halagang ito bilang buwis sa templo taun-taon. Iyan ang buwis na pinabayaran ni Jesus kay Pedro gamit ang baryang nakuha sa bibig ng isda.—Mateo 17:24-27.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 29:10) “At dadalhin mo ang toro sa harap ng tolda ng pagpupulong, at ipapatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng toro.
Kamay
Pagpapatong ng mga Kamay. Bukod sa basta panghawak, ang mga kamay ay ipinapatong sa isang tao o bagay para sa iba’t ibang layunin. Gayunman, ang pangunahing kahulugan ng ganitong pagkilos ay pagtatalaga, ang pagkilala sa isang tao o bagay ayon sa isang partikular na paraan. Sa seremonya noong italaga ang pagkasaserdote, ipinatong ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro at ng dalawang barakong tupa na ihahain, sa gayon ay kinilala na inihahain ang mga hayop na ito para sa kanila dahil sila’y naging mga saserdote ng Diyos na Jehova. (Exo 29:10, 15, 19; Lev 8:14, 18, 22) Nang atasan ni Moises si Josue bilang kahalili niya ayon sa utos ng Diyos, ipinatong niya rito ang kaniyang kamay, anupat ‘napuspos ito ng espiritu ng karunungan’ at nakapanguna nang wasto sa Israel. (Deu 34:9) Ang mga kamay ay ipinapatong din sa mga tao kapag itinatalaga silang tumanggap ng pagpapala. (Gen 48:14; Mar 10:16) Hinipo ni Jesu-Kristo ang ilang tao, o ipinatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay, upang pagalingin sila. (Mat 8:3; Mar 6:5; Luc 13:13) Sa ilang pagkakataon, ibinigay ang kaloob ng banal na espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol.—Gaw 8:14-20; 19:6.
(Exodo 30:31-33) “Sasabihin mo sa mga Israelita, ‘Sa lahat ng henerasyon ninyo, patuloy itong gagamitin bilang aking banal na langis para sa pag-aatas. 32 Hindi ito ipapahid sa ibang tao, at huwag ninyong gagayahin ang paggawa nito. Ito ay banal. Mananatili itong banal para sa inyo. 33 Ang sinumang gagawa ng mabangong langis na tulad nito at magpapahid nito sa ibang tao ay dapat patayin.’”
Pinahiran, Pagpapahid
Sa Kautusang ibinigay ni Jehova kay Moises, itinakda niya ang pormula para sa langis na pamahid. Ito ay isang pantanging halo na may pinakapiling mga sangkap—mira, matamis na kanela, matamis na kalamo, kasia, at langis ng olibo. (Exo 30:22-25) Lalapatan ng parusang kamatayan ang sinumang magtitimpla ng halong ito at gagamit nito bilang pangkaraniwang langis o sa anumang layunin na hindi ipinahihintulot. (Exo 30:31-33) Ipinakikita nito sa makasagisag na paraan na napakahalaga at napakasagrado ng isang pag-aatas sa katungkulan na pinagtibay sa pamamagitan ng pagpapahid ng sagradong langis.
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 29:31-46) “Kukunin mo ang lalaking tupa para sa pag-aatas, at pakukuluan mo ang karne nito sa isang banal na lugar. 32 Ang karne ng lalaking tupa at ang tinapay na nasa basket ay kakainin ni Aaron at ng mga anak niya sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 33 Kakainin nila ang mga bagay na ipinambayad-sala para maatasan sila bilang mga saserdote at mapabanal sila. Pero walang ibang puwedeng kumain ng mga iyon, dahil banal ang mga iyon. 34 Kung sa umaga ay may matirang karne ng hain para sa pag-aatas at tinapay, susunugin mo iyon. Hindi iyon dapat kainin, dahil banal iyon. 35 “Ganito ang gagawin mo kay Aaron at sa mga anak niya, ayon sa lahat ng iniutos ko sa iyo. Gugugol ka ng pitong araw sa pag-aatas sa kanila bilang mga saserdote. 36 Araw-araw mong ihahandog bilang pambayad-sala ang toro na handog para sa kasalanan, at dadalisayin mo ang altar mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pagbabayad-sala para dito, at papahiran mo ng langis ang altar para mapabanal ito. 37 Gugugol ka ng pitong araw sa pagbabayad-sala para sa altar, at pababanalin mo iyon para iyon ay maging isang kabanal-banalang altar. Dapat na banal ang sinumang hihipo sa altar. 38 “Ito ang ihahandog mo sa ibabaw ng altar: dalawang isang-taóng-gulang na lalaking tupa araw-araw, nang walang palya. 39 Ihandog mo ang isang batang lalaking tupa sa umaga at ang isa pa sa takipsilim. 40 Isasama sa unang batang lalaking tupa ang ikasampung bahagi ng isang takal na epa ng magandang klase ng harina na hinaluan ng sangkapat na hin ng langis mula sa napigang olibo, gayundin ang handog na inumin na sangkapat na hin ng alak. 41 Ihahandog mo ang ikalawang batang lalaking tupa sa takipsilim, kasama ang handog na mga butil at inumin na katulad ng inihahandog sa umaga. Iaalay mo iyon bilang isang handog na pinaraan sa apoy para kay Jehova, isang nakagiginhawang amoy. 42 Sa lahat ng inyong henerasyon, regular itong ihahain bilang handog na sinusunog sa pasukan ng tolda ng pagpupulong sa harap ni Jehova, kung saan ako magpapakita sa inyo para makipag-usap sa iyo. 43 “Magpapakita ako roon sa mga Israelita, at mapababanal iyon ng kaluwalhatian ko. 44 Pababanalin ko ang tolda ng pagpupulong at ang altar, at pababanalin ko si Aaron at ang mga anak niya para makapaglingkod sila sa akin bilang mga saserdote. 45 Maninirahan akong kasama ng bayang Israel, at ako ang magiging Diyos nila. 46 At tiyak na malalaman nilang ako ang Diyos nilang si Jehova, na naglabas sa kanila sa Ehipto para makapanirahan akong kasama nila. Ako ang Diyos nilang si Jehova.