Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
NOBYEMBRE 2-8
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 39-40
“Sinunod na Mabuti ni Moises ang mga Tagubilin”
(Exodo 39:32) Sa gayon ay natapos ang lahat ng gawain para sa tabernakulo, ang tolda ng pagpupulong, at ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises. Gayong-gayon ang ginawa nila.
Kilala Ka ba ni Jehova?
Sa kabaligtaran, si Moises ay “totoong pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bil. 12:3) Nagpakita siya ng kaamuan at kapakumbabaan sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa mga utos ni Jehova. (Ex. 7:6; 40:16) Sa Bibliya, wala tayong mababasa na laging kinukuwestiyon ni Moises ang kaayusan ni Jehova ni nainis man siya dahil kailangan siyang sumunod sa mga tagubilin ni Jehova. Halimbawa, hinggil sa pagtatayo ng tabernakulo, ibinigay ni Jehova kahit ang kaliit-liitang detalye gaya ng kulay ng sinulid at dami ng silo na gagamitin sa paggawa ng mga telang pantolda. (Ex. 26:1-6) Sa ngayon, kung may isang tagapangasiwa sa organisasyon ng Diyos na nagbibigay sa iyo ng tagubilin na sa tingin mo’y napakadetalyado, baka mainis ka. Pero si Jehova ay isang sakdal na tagapangasiwa. Binibigyan niya ng atas ang kaniyang mga lingkod at nagtitiwala siyang gagampanan nila itong mabuti. Kapag detalyado ang tagubilin niya, tiyak na may mabuti siyang dahilan. Pansinin na hindi nainis si Moises sa gayong mga tagubilin. Hindi niya inisip na minamaliit siya o hinihigpitan ni Jehova. Sa halip, tiniyak ni Moises na gagawin ng mga manggagawa nang “gayung-gayon” ang iniutos ng Diyos. (Ex. 39:32) Talagang mapagpakumbaba siya! Alam niyang kay Jehova ang gawaing ito at na isa lamang siyang kasangkapan para matapos ito.
(Exodo 39:43) Nang suriin ni Moises ang lahat ng nagawa nila, nakita niyang ginawa nila ang mga iyon ayon sa iniutos ni Jehova; at pinagpala sila ni Moises.
(Exodo 40:1, 2) Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: 2 “Sa unang araw ng unang buwan, itatayo mo ang tabernakulo, ang tolda ng pagpupulong.
(Exodo 40:16) Ginawa ni Moises ang lahat ayon sa iniutos ni Jehova sa kaniya. Gayong-gayon ang ginawa niya.
Ikaw ba ay Tapat sa Lahat ng Bagay?
“Si Moises bilang isang tagapaglingkod ay tapat,” ang sabi ng Hebreo 3:5. Bakit masasabing tapat ang propetang si Moises? Sa pagtatayo at pag-aayos ng tabernakulo, “ginawa ni Moises ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Exodo 40:16) Bilang mga mananamba ni Jehova, nagpapakita tayo ng katapatan sa masunuring paglilingkod sa kaniya. Tiyak na kalakip dito ang pananatiling matapat kay Jehova habang hinaharap natin ang mahihirap o matitinding pagsubok. Gayunman, ang pagtatagumpay sa pagharap sa malalaking pagsubok ay hindi siyang tanging salik na magpapatunay sa ating katapatan. “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami,” ang sabi ni Jesus, “at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.” (Lucas 16:10) Dapat tayong manatiling tapat kahit sa waring maliliit na bagay.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 39:34) ang pantakip nito na yari sa balat ng lalaking tupa na tinina sa pula, ang pantakip nito na yari sa balat ng poka, ang kurtinang pantabing;
Poka, Balat ng
Kung Paano Nakakuha Nito ang mga Israelita. Kung ang taʹchash sa Bibliya ay talagang tumutukoy sa isang uri ng poka, paano kaya nakakuha ng mga balat ng poka ang mga Israelita? Bagaman ang mga poka ay karaniwang matatagpuan sa mga rehiyon ng Artiko at Antartiko, mas gusto ng ilang poka ang mainit-init na klima. Sa ngayon, mayroon pa ring mga monk seal na makikita sa isang bahagi ng Dagat Mediteraneo, at sa iba pang mas maiinit na katubigan. Sa nakalipas na mga siglo, lubhang nabawasan ang bilang ng mga poka dahil sa tao, subalit noong panahon ng Bibliya, maaaring maraming poka sa Mediteraneo at sa Dagat na Pula. Noong 1832, isang edisyong Ingles ng Dictionary of the Holy Bible ni Calmet (p. 139) ang nagsabi: “Sa maraming maliliit na pulo sa dagat na Pula, sa palibot ng peninsula ng Sinai, ay matatagpuan ang mga poka.”—Tingnan din ang The Tabernacle’s Typical Teaching, ni A. J. Pollock, London, p. 47.
(Exodo 40:34) At tinakpan ng ulap ang tolda ng pagpupulong, at napuno ng kaluwalhatian ni Jehova ang tabernakulo.
Mahalaga Ba Kung Sino ang mga Makakakita sa Ginagawa Mo?
Nang matapos ang tabernakulo, “pinasimulang takpan ng ulap ang tolda ng kapisanan, at pinunô ng kaluwalhatian ni Jehova ang tabernakulo.” (Ex. 40:34) Malinaw na indikasyon ito ng pagsang-ayon ni Jehova! Ano sa tingin mo ang nadama nina Bezalel at Oholiab nang sandaling iyon? Hindi man nakaukit sa mga ginawa nila ang kanilang mga pangalan, tiyak na masayang-masaya sila dahil pinagpala ng Diyos ang lahat ng pagsisikap nila. (Kaw. 10:22) Nang sumunod na mga taon, siguradong nag-umapaw ang puso nila sa tuwa dahil patuloy na ginamit sa paglilingkod kay Jehova ang kanilang mga obra. Kapag binuhay-muli sina Bezalel at Oholiab sa bagong sanlibutan, tiyak na matutuwa silang malaman na ang tabernakulo ay ginamit sa tunay na pagsamba sa loob ng mga 500 taon!
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 39:1-21) Gamit ang asul na sinulid, purpurang lana, at matingkad-na-pulang sinulid, gumawa sila ng mga kasuotan na mahusay ang pagkakahabi para sa paglilingkod sa banal na lugar. Ginawa nila ang banal na kasuotan para kay Aaron, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises. 2 Ginawa ni Bezalel ang epod gamit ang ginto, asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino. 3 Nagpitpit sila ng mga laminang ginto hanggang sa maging maninipis na piraso ang mga ito, at ginawa niyang sinulid ang mga ito para gamiting kasama ng asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng lino, at binurdahan ang epod. 4 Nilagyan nila ito ng dalawang tela sa bandang balikat na nagdurugtong sa dalawang bahagi ng epod. 5 Ang hinabing sinturon, na nakakabit sa epod at nagsisilbing panali nito, ay gawa sa mga materyales na ginamit sa epod: ginto, asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises. 6 Pagkatapos, inilagay nila ang mga batong onix sa mga lalagyang ginto at iniukit sa mga iyon ang pangalan ng mga anak ni Israel, gaya ng pag-ukit sa isang pantatak. 7 Inilagay niya ang mga iyon sa ibabaw ng pahabang mga tela sa balikat ng epod na magsisilbing alaala para sa mga anak ni Israel, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises. 8 At binurdahan niya ang pektoral gaya ng ginawa sa epod, na ginamitan ng ginto, asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng pinilipit na lino. 9 Parisukat ito kapag itiniklop. Ginawa nila ang pektoral na kasinghaba at kasinlapad ng isang dangkal kapag itiniklop. 10 Nilagyan nila iyon ng apat na hanay ng mga bato. Ang nasa unang hanay ay rubi, topacio, at esmeralda. 11 Ang nasa ikalawang hanay ay turkesa, safiro, at jaspe. 12 Ang nasa ikatlong hanay ay batong lesem, agata, at amatista. 13 At ang nasa ikaapat na hanay ay crisolito, onix, at jade. Ikinabit ang mga ito sa mga lalagyang ginto. 14 Ang mga bato ay katumbas ng mga pangalan ng 12 anak ni Israel, at ang mga pangalan ay iniukit na gaya ng sa pantatak; ang bawat pangalan ay kumakatawan sa isa sa 12 tribo. 15 Pagkatapos, gumawa sila para sa pektoral ng mga tali na yari sa purong ginto at pinilipit na tulad ng lubid. 16 At gumawa sila ng dalawang lalagyang ginto at dalawang gintong argolya at ikinabit ang dalawang argolya sa magkabilang dulo ng pektoral. 17 Pagkatapos, ipinasok nila ang dalawang gintong tali sa dalawang argolya na nasa mga dulo ng pektoral. 18 At ipinasok nila ang dalawang dulo ng dalawang tali sa dalawang lalagyan at ikinabit ang mga iyon sa pahabang mga tela sa balikat ng epod, sa bandang harap nito. 19 Sumunod ay gumawa sila ng dalawang gintong argolya at inilagay ang mga ito sa magkabilang dulo sa ibaba ng pektoral, sa bandang loob, na nakaharap sa epod. 20 At gumawa sila ng dalawa pang gintong argolya at inilagay ang mga iyon sa harap ng epod, sa ibaba ng dalawang pahabang tela sa balikat, malapit sa pinagdurugtungan ng epod, sa itaas ng hinabing sinturon ng epod. 21 Bilang panghuli, gumamit sila ng asul na panali para magdugtong ang mga argolya ng pektoral at mga argolya ng epod, nang sa gayon ay manatili ang pektoral sa ibabaw ng epod at sa itaas ng hinabing sinturon, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
NOBYEMBRE 9-15
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 1-3
“Kung Bakit Naghahandog”
(Levitico 1:3) “‘Kung handog na sinusunog ang ihahandog niya at kinuha niya ito sa bakahan, dapat siyang magdala ng malusog na toro. Kusang-loob niya itong dadalhin sa harap ni Jehova sa pasukan ng tolda ng pagpupulong.
(Levitico 2:1) “‘At kung may sinumang maghahandog kay Jehova ng handog na mga butil, dapat na magandang klase ng harina ang handog niya, at bubuhusan niya ito ng langis at lalagyan ng olibano.
(Levitico 2:12) “‘Ang mga iyon ay puwede ninyong ihandog kay Jehova bilang mga unang bunga, pero hindi puwedeng sunugin sa altar ang mga iyon bilang handog na may nakagiginhawang amoy.
it-1 889
Handog, Mga
Mga handog na sinusunog. Ang mga handog na sinusunog ay inihahandog nang buo sa Diyos; walang anumang bahagi ng hayop ang naiiwan sa mananamba. (Ihambing ang Huk 11:30, 31, 39, 40.) Ang mga ito ay katumbas ng paghiling kay Jehova na tanggapin niya, o ipahiwatig na tinatanggap niya, ang handog ukol sa kasalanan na kung minsa’y kasama ng mga handog na sinusunog. Bilang isang “handog na sinusunog,” ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang sarili nang buo at lubos.
Handog, Mga
Mga handog na mga butil. Ang mga handog na mga butil ay inihahandog kasama ng mga handog na pansalu-salo, mga handog na sinusunog, at mga handog ukol sa kasalanan, at gayundin bilang mga unang bunga; may mga pagkakataon naman na inihahandog ang mga ito nang bukod. (Exo 29:40-42; Lev 23:10-13, 15-18; Bil 15:8, 9, 22-24; 28:9, 10, 20, 26-28; kab 29) Ang mga ito ay inihahandog bilang pagkilala sa kagandahang-loob ng Diyos dahil sa paglalaan niya ng mga pagpapala at kasaganaan. Kadalasa’y may kasamang langis at olibano ang mga ito. Ang mga handog na mga butil ay maaaring nasa anyong mainam na harina, binusang butil, o hugis-singsing o maninipis na tinapay na niluto, inihaw, o mula sa kawa. Ang iba sa handog na mga butil ay inilalagay sa altar ng handog na sinusunog, ang iba naman ay kinakain ng mga saserdote, at sa mga handog na pansalu-salo, nakikibahagi sa mga ito ang mga mananamba. (Lev 6:14-23; 7:11-13; Bil 18:8-11) Ang mga handog na mga butil na inihahandog sa altar ay hindi maaaring lagyan ng lebadura o “pulot-pukyutan” (lumilitaw na tumutukoy sa sirup ng mga igos o katas ng mga prutas) na maaaring umasim.—Lev 2:1-16.
(Levitico 3:1) “‘Kung ang handog niya ay haing pansalo-salo at kukunin niya iyon mula sa bakahan, lalaki man o babae, dapat siyang maghandog ng malusog na hayop sa harap ni Jehova.
Handog, Mga
Mga handog na pansalu-salo (o mga handog ukol sa kapayapaan). Ang mga handog na pansalu-salo na kaayaaya kay Jehova ay nagpapahiwatig ng pakikipagpayapaan sa kaniya. Ang mananamba at ang sambahayan nito ay nakikibahagi sa mga handog (sa looban ng tabernakulo; ayon sa tradisyon, may itinayong mga kubol na nakapalibot sa loob ng kurtinang nakapaligid sa looban; sa templo, may inilaang mga silid-kainan). Ang nanunungkulang saserdote ay tumatanggap ng isang takdang bahagi ng handog, at ang mga saserdoteng nakatokang maglingkod ay tumatanggap din isang takdang bahagi. Sa diwa, tinatanggap naman ni Jehova ang kaayaayang usok ng sinusunog na taba. Ang dugo, na kumakatawan sa buhay, ay ibinibigay sa Diyos bilang pag-aari niya. Samakatuwid, ang mga saserdote, mga mananamba, at si Jehova ay waring nagsasalu-salo sa isang kainan, na nagpapahiwatig ng mapayapang ugnayan. Ang taong nakikibahagi sa handog samantalang siya’y nasa karumihan (alinman sa mga karumihang binanggit sa Kautusan) o kumain ng natirang karne pagkaraan ng itinakdang panahon kung kailan ito maaaring kainin (yamang magsisimula na itong mabulok sa mainit na klima) ay lilipulin mula sa kaniyang bayan. Dahil sa kaniyang pagiging marumi o dahil sa pagkain niya ng maruming bagay sa harap ng Diyos na Jehova, dinungisan o nilapastangan niya ang salu-salo, anupat winalang-galang ang mga bagay na sagrado.—Lev 7:16-21; 19:5-8.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Levitico 2:13) “‘Ang lahat ng iyong handog na mga butil ay titimplahan mo ng asin; at hindi mo hahayaang mawala sa iyong handog na mga butil ang asin na magpapaalaala sa iyo sa pakikipagtipan ng iyong Diyos. Dapat na may asin ang lahat ng ihahandog mo.
(Ezekiel 43:24) Ihaharap mo ang mga iyon kay Jehova, at ang mga iyon ay lalagyan ng mga saserdote ng asin at ihahandog kay Jehova bilang buong handog na sinusunog.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Levitico
2:13—Bakit kailangang ihandog ang asin kasama ng “lahat ng handog”? Hindi ito ginawa bilang pampalasa ng mga hain. Sa buong daigdig, ginagamit na preserbatibo ang asin. Malamang na inihahandog ito kasama ng mga handog sapagkat sumasagisag ito sa kawalan ng kasiraan o kabulukan.
(Levitico 3:17) “‘Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa inyong mga henerasyon, sa lahat ng lugar na titirhan ninyo: Huwag na huwag kayong kakain ng anumang taba o ng anumang dugo.’”
it-2 1215
Taba
Ang dahilan kung bakit ibinigay ang kautusang ito. Sa ilalim ng tipang Kautusan, kapuwa ang dugo at ang taba ay itinuturing na para lamang kay Jehova. Nasa dugo ang buhay, na si Jehova lamang ang makapagbibigay; samakatuwid, ito ay sa kaniya. (Lev 17:11, 14) Itinuring naman ang taba bilang ang pinakamainam na bahagi ng laman ng hayop. Ang paghahandog ng taba ng hayop ay maliwanag na isang pagkilala na ang pinakamaiinam na bahagi ay kay Jehova, na siyang naglalaan nang sagana, at ipinakikita nito ang pagnanais ng mananamba na ihandog sa Diyos ang pinakamainam. Palibhasa’y sumasagisag ito sa pag-uukol ng mga Israelita ng kanilang pinakamainam kay Jehova, sinasabing pinauusok ito sa ibabaw ng altar bilang “pagkain” at bilang “nakagiginhawang amoy” para sa kaniya. (Lev 3:11, 16) Kaya naman ang pagkain ng taba ay isang ilegal na paggamit ng bagay na pinabanal sa Diyos, anupat isang panghihimasok sa mga karapatan ni Jehova. Ang pagkain ng taba ay magdudulot ng parusang kamatayan. Gayunman, di-tulad ng dugo, ang taba ay maaaring gamitin para sa iba pang mga layunin, halimbawa ay ang taba ng isang hayop na basta na lamang namatay o pinatay ng ibang hayop.—Lev 7:23-25.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Levitico
3:17. Yamang itinuturing na pinakamainam o piling-piling bahagi ang taba, ang pagbabawal sa pagkain nito ay maliwanag na nagdiin sa mga Israelita na ang pinakamainam na bahagi ay nauukol kay Jehova. (Genesis 45:18) Ipinaaalaala sa atin nito na dapat nating ibigay kay Jehova ang ating pinakamainam na maibibigay.—Kawikaan 3:9, 10; Colosas 3:23, 24.
Pagbabasa ng Bibliya
(Levitico 1:1-17) At tinawag ni Jehova si Moises at sinabi sa kaniya mula sa tolda ng pagpupulong: 2 “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kung ang sinuman sa inyo ay maghahandog kay Jehova ng alagang hayop, ang handog ay dapat na manggaling sa bakahan o sa kawan. 3 “‘Kung handog na sinusunog ang ihahandog niya at kinuha niya ito sa bakahan, dapat siyang magdala ng malusog na toro. Kusang-loob niya itong dadalhin sa harap ni Jehova sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 4 Ipapatong niya ang kamay niya sa ulo ng handog na sinusunog, at tatanggapin ito bilang pambayad sa kasalanan niya. 5 “‘Pagkatapos, papatayin ang batang toro sa harap ni Jehova; ang dugo ay ihahandog ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, at iwiwisik nila ang dugo sa lahat ng panig ng altar, na nasa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 6 Ang handog na sinusunog ay dapat balatan at pagputol-putulin. 7 Ang mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ay maglalagay ng mga baga sa ibabaw ng altar, at aayusin nila ang kahoy sa ibabaw ng mga baga. 8 Ang pinagputol-putol na piraso ng handog, kasama ang ulo at taba, ay aayusin ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, sa ibabaw ng altar, sa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa mga baga. 9 Huhugasan sa tubig ang mga bituka at binti nito, at ang lahat ng iyon ay susunugin ng saserdote para pumailanlang mula sa altar ang usok nito bilang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova. 10 “‘Kung ang iaalay niya bilang handog na sinusunog ay galing sa kawan, mula sa mga batang tupa o mga kambing, dapat siyang maghandog ng isang malusog na lalaki. 11 Papatayin iyon sa hilagang bahagi ng altar sa harap ni Jehova, at iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote, ang dugo nito sa lahat ng panig ng altar. 12 Pagpuputol-putulin niya ito; at ang mga piraso nito, kasama ang ulo at taba, ay aayusin ng saserdote sa ibabaw ng altar, sa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa mga baga. 13 Huhugasan niya sa tubig ang mga bituka at binti nito, at ang lahat ng iyon ay ihahandog ng saserdote at susunugin para pumailanlang mula sa altar ang usok. Iyon ay handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova. 14 “‘Pero kung maghahandog siya ng ibon bilang handog na sinusunog para kay Jehova, kukuha siya ng handog mula sa mga batubato o inakáy ng kalapati. 15 Dadalhin iyon ng saserdote sa altar at gigilitan sa leeg, at susunugin niya iyon para pumailanlang mula sa altar ang usok, pero ang dugo nito ay dapat patuluing mabuti sa gilid ng altar. 16 Aalisin niya ang laman-loob at mga balahibo nito at itatapon ang mga iyon sa tabi ng altar, sa silangang bahagi, kung saan inilalagay ang abo. 17 Bibiyakin niya ito sa gitna, sa pagitan ng mga pakpak nito, pero hindi niya ito paghihiwalayin. At susunugin iyon ng saserdote sa ibabaw ng altar, sa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa mga baga, para pumailanlang ang usok. Iyon ay handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova.
NOBYEMBRE 16-22
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 4-5
“Ibigay kay Jehova ang Buong Makakaya Mo”
(Levitico 5:5, 6) “‘Kung magawa niya ang isa sa mga kasalanang iyon, dapat niyang ipagtapat kung ano ang naging kasalanan niya. 6 Dadalhin din niya kay Jehova ang kaniyang handog para sa pagkakasala dahil sa nagawa niyang kasalanan, isang babaeng kordero o isang batang babaeng kambing mula sa kawan, bilang handog para sa kasalanan. Pagkatapos, ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya dahil sa kasalanan niya.
Handog, Mga
Mga handog ukol sa pagkakasala. Ang mga handog ukol sa pagkakasala ay para sa mga pantanging pagkakasala ng isang tao, at bahagyang naiiba sa ibang mga handog ukol sa kasalanan sapagkat waring inihahandog ang mga ito upang matugunan o maisauli ang isang karapatan. Maaaring nalapastangan ang karapatan ni Jehova o ang karapatan ng kaniyang banal na bansa. Ang handog ukol sa pagkakasala ay inihahandog upang paglubagin si Jehova dahil sa karapatang nalapastangan, o upang maisauli o mabawi ang ilang partikular na karapatan sa tipan para sa isang nagsisising nagkasala at upang mahango siya sa parusa ng kaniyang kasalanan.—Ihambing ang Isa 53:10.
(Levitico 5:7) “‘Pero kung hindi niya kayang maghandog ng isang tupa, dapat siyang magdala kay Jehova ng dalawang batubato o dalawang inakáy ng kalapati bilang handog para sa pagkakasala, isa bilang handog para sa kasalanan at isa bilang handog na sinusunog.
Isinasaalang-alang Niya ang Ating mga Limitasyon
Ganito ang sinasabi ng Kautusan na nagpapakita ng maibiging konsiderasyon ni Jehova: “Ngunit kung ang kaniyang kaya ay hindi sapat para sa isang tupa, kung gayon ay dadalhin niya kay Jehova bilang kaniyang handog ukol sa pagkakasala dahil sa kasalanan na nagawa niya ang dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati.” (Talata 7) Kaya kung napakahirap ng isang Israelita, malulugod ang Diyos na tanggapin kung ano ang kaya niyang ibigay.
(Levitico 5:11) “‘Kung hindi niya kayang magbigay ng dalawang batubato o dalawang inakáy ng kalapati, dapat siyang maghandog para sa kasalanan niya ng ikasampu ng isang epa ng magandang klase ng harina bilang handog para sa kasalanan. Hindi niya ito dapat lagyan ng langis o olibano, dahil iyon ay handog para sa kasalanan.
Isinasaalang-alang Niya ang Ating mga Limitasyon
Paano kung hindi pa rin kaya ng isang tao kahit ang dalawang ibon? “Kung gayon ay dadalhin niya bilang kaniyang handog dahil sa kasalanan na nagawa niya ang ikasampu ng isang epa [walo o siyam na tasa] ng mainam na harina bilang handog ukol sa kasalanan,” ang sabi ng Kautusan. (Talata 11) Para sa napakahirap, nagbigay si Jehova ng eksepsiyon at pinapayagan ang paghahandog ng walang dugo. Sa Israel, hindi dahilan ang pagiging mahirap para hindi makapaghandog ng pambayad-sala o makipagpayapaan sa Diyos.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Levitico 5:1) “‘Kung ang isang tao ay magkasala dahil narinig niyang may panawagan sa publiko na tumestigo pero hindi niya ipinaalám ang pagkakasala kahit na isa siyang saksi o nakita niya iyon o nalaman niya ang tungkol dito, mananagot siya sa kasalanan niya.
Matuto Mula sa Matapat na mga Lingkod ni Jehova
Makatutulong ang kabaitan kapag nahihirapan tayo kung kanino tayo magiging mas matapat. Halimbawa, nakatitiyak ka na nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapananampalataya. Matapat ka sa kaniya, lalo na kung isa siyang malapít na kaibigan o kamag-anak. Pero kung pagtatakpan mo ang kasalanan, hindi ka magiging matapat sa Diyos. Siyempre, kay Jehova ka muna dapat maging matapat. Tulad ni Natan, maging mabait pero matatag. Pasiglahin ang kaibigan o kamag-anak mo na humingi ng tulong sa mga elder. Dahil matapat ka sa Diyos, kung hindi niya ito gagawin sa loob ng makatuwirang haba ng panahon, dapat mo itong ipaalam sa mga elder. Sa paggawa nito, nagiging matapat ka kay Jehova at mabait sa iyong kaibigan o kamag-anak, dahil sisikapin ng mga Kristiyanong elder na ituwid siya nang may kahinahunan.—Basahin ang Levitico 5:1; Galacia 6:1.
(Levitico 5:15, 16) “Kung ang sinuman ay gumawi nang di-tapat dahil sa di-sinasadyang pagkakasala laban sa mga banal na bagay ni Jehova, dapat siyang magdala kay Jehova ng isang malusog na lalaking tupa mula sa kawan bilang handog para sa pagkakasala; ang halaga nito sa siklong pilak ay ayon sa siklo ng banal na lugar. 16 At dahil sa kasalanang nagawa niya laban sa banal na lugar, babayaran din niya ang halagang iyon at magdaragdag pa siya ng sangkalima ng halaga nito. Ibibigay niya iyon sa saserdote, para ang saserdote ay makapagbayad-sala para sa kaniya sa pamamagitan ng lalaking tupa na handog para sa pagkakasala, at mapatatawad siya.
Kabanalan
Mga Hayop, mga Ani at Bunga. Ang mga panganay na lalaki ng mga baka, mga tupa, at mga kambing ay dapat ituring na banal kay Jehova at hindi tinutubos. Ang mga ito’y dapat ihain, at isang bahagi nito ang mapupunta sa mga saserdoteng pinabanal. (Bil 18:17-19) Ang mga unang bunga at ang ikapu ay banal, gayundin ang lahat ng mga hain at mga kaloob na pinabanal para sa paglilingkod sa santuwaryo. (Exo 28:38) Lahat ng mga bagay na banal kay Jehova ay sagrado at hindi maaaring waling-halaga o gamitin sa isang pangkaraniwan, o di-banal, na paraan. Ang isang halimbawa nito ay ang kautusan hinggil sa ikapu. Kapag ibinukod ng isang tao ang isang bahagi na kakaltasan ng ikapu, ipagpalagay na, ng kaniyang aning trigo, at pagkatapos, siya o isa sa kaniyang kasambahay ay di-sinasadyang kumuha ng ilang bahagi nito upang gamitin sa tahanan, gaya sa pagluluto, ang taong iyon ay nagkasala ng paglabag sa kautusan ng Diyos may kinalaman sa mga banal na bagay. Hinihiling ng Kautusan na magbayad siya sa santuwaryo ng katumbas na halaga at ng 20 porsiyento niyaon, bukod pa sa paghahandog ng isang malusog na barakong tupa mula sa kawan bilang hain. Sa gayon ay idiniriin na dapat na lubhang igalang ang mga banal na bagay na nauukol kay Jehova.—Lev 5:14-16.
Pagbabasa ng Bibliya
(Levitico 4:27–5:4) “‘Kung ang isang karaniwang tao ay magkasala dahil nagawa niya nang di-sinasadya ang isang bagay na ipinagbabawal ni Jehova 28 o nalaman niyang may nagawa siyang kasalanan, dapat siyang magdala ng isang malusog at batang babaeng kambing bilang handog para sa kasalanan niya. 29 Ipapatong niya ang kamay niya sa ulo ng handog para sa kasalanan, at papatayin ang handog para sa kasalanan kung saan din pinapatay ang handog na sinusunog. 30 Isasawsaw ng saserdote ang daliri niya sa dugo nito at ipapahid iyon sa mga sungay ng altar ng handog na sinusunog, at ang lahat ng matitirang dugo nito ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. 31 Kukunin niya ang lahat ng taba nito kung paanong kinukuha ang taba ng haing pansalo-salo, at susunugin iyon ng saserdote para pumailanlang mula sa altar ang usok nito, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova; at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya, at mapatatawad siya. 32 “‘Pero kung mag-aalay siya ng isang kordero bilang kaniyang handog para sa kasalanan, dapat siyang magdala ng isang malusog na babaeng kordero. 33 Ipapatong niya ang kamay niya sa ulo ng handog para sa kasalanan at papatayin iyon bilang handog para sa kasalanan kung saan pinapatay ang handog na sinusunog. 34 Isasawsaw ng saserdote ang daliri niya sa dugo ng handog para sa kasalanan at ipapahid iyon sa mga sungay ng altar ng handog na sinusunog, at ang lahat ng matitirang dugo nito ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. 35 Kukunin niya ang lahat ng taba nito kung paanong kinukuha ang taba ng batang lalaking tupa na haing pansalo-salo, at susunugin iyon ng saserdote para pumailanlang ang usok nito mula sa altar sa ibabaw ng mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy; at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya dahil sa nagawa niyang kasalanan, at mapatatawad siya.
5 “‘Kung ang isang tao ay magkasala dahil narinig niyang may panawagan sa publiko na tumestigo pero hindi niya ipinaalám ang pagkakasala kahit na isa siyang saksi o nakita niya iyon o nalaman niya ang tungkol dito, mananagot siya sa kasalanan niya. 2 “‘O kapag ang isang tao ay nakahipo ng anumang marumi, bangkay man ito ng maruming mailap na hayop, maruming maamong hayop, o maruming hayop na nagkukulumpon, siya ay marumi at nagkasala kahit hindi niya iyon alam. 3 O kung mahipo ng sinuman ang karumihan ng isang tao—anumang karumihan na puwedeng magparumi sa kaniya—kahit hindi niya iyon alam noong una pero nalaman din niya nang maglaon, siya ay nagkasala. 4 “‘O kung ang sinuman ay nagpadalos-dalos sa panunumpa na gawin ang isang bagay—mabuti man iyon o masama, anuman iyon—pero naisip niya nang maglaon na naging padalos-dalos siya sa panunumpa, siya ay nagkasala.
NOBYEMBRE 23-29
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 6-7
“Isang Paraan Para Ipakita ang Pasasalamat”
(Levitico 7:11, 12) “‘At ito ang kautusan tungkol sa haing pansalo-salo na ihahandog ng isang tao kay Jehova: 12 Kapag inihahandog niya ito bilang hain ng pasasalamat, maghahandog din siya ng hugis-singsing na mga tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis, maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, at hugis-singsing na mga tinapay na gawa sa magandang klase ng harina, na hinalong mabuti at nilagyan ng maraming langis.
Mga Aral na Matututuhan Natin sa Aklat ng Levitico
Ikalawang aral: Naglilingkod tayo kay Jehova udyok ng pasasalamat sa kaniya. Matututuhan natin ang aral na iyan kapag sinuri natin ang handog na pansalo-salo, isa pang mahalagang bahagi ng pagsamba ng mga Israelita noon. Sa aklat ng Levitico, makikita na puwedeng maghandog ang isang Israelita ng haing pansalo-salo “bilang hain ng pasasalamat.” (Lev. 7:11-13, 16-18) Naghahandog siya nito, hindi dahil kailangan, kundi dahil gusto niya. Kaya ito ay kusang-loob na handog na ibinibigay ng isa dahil mahal niya ang kaniyang Diyos na si Jehova. Ang naghandog, ang pamilya niya, at ang mga saserdote ay magsasalo-salo sa karne ng inihandog na hayop. Pero may ilang bahagi ng hayop na para lang kay Jehova. Ano-ano iyon?
(Levitico 7:13-15) Bukod diyan, maghahandog siya ng hugis-singsing na mga tinapay na may pampaalsa kasama ng kaniyang mga haing pansalo-salo na inihandog niya bilang pasasalamat. 14 Mula sa bawat hain niya, maghahandog siya ng isang banal na bahagi kay Jehova; mapupunta ito sa saserdote na magwiwisik ng dugo ng mga haing pansalo-salo. 15 Ang karne ng haing pansalo-salo na inihandog niya bilang pasasalamat ay kakainin sa araw na ihandog niya ito. Hindi siya magtitira nito sa umaga.
Mga Hain na Nakalugod sa Diyos
Ang isa pang kusang-loob na paghahandog ay ang haing pansalu-salo, na inilalarawan sa Levitico kabanata 3. Maaari ring isalin ang katawagang ito bilang “isang hain ng paghahandog ukol sa kapayapaan.” Sa Hebreo, ang salitang “kapayapaan” ay hindi lamang nangangahulugang malaya sa digmaan o kaguluhan. “Sa Bibliya, ito ang ibinibigay na kahulugan nito, at gayundin ang kalagayan o kaugnayan ng pakikipagpayapaan sa Diyos, kasaganaan, kagalakan, at kaligayahan,” sabi ng aklat na Studies in the Mosaic Institutions. Kaya naman, inihandog ang mga haing pansalu-salo, hindi upang makamit ang pakikipagpayapaan sa Diyos, na sa wari’y upang paglubagin siya, kundi upang ipagpasalamat o ipagdiwang ang pinagpalang kalagayan ng pakikipagpayapaan sa Diyos na tinatamasa niyaong mga sinang-ayunan niya. Ang mga saserdote at ang tagapaghandog ay nagsasalo sa hain matapos ihandog kay Jehova ang dugo at taba. (Levitico 3:17; 7:16-21; 19:5-8) Sa isang maganda at simbolikong paraan, ang tagapaghandog, ang mga saserdote, at ang Diyos na Jehova ay nagsasalo sa pagkain, na nagpapahiwatig ng mapayapang kaugnayan na umiiral sa gitna nila.
(Levitico 7:20) “‘Pero kung ang isang maruming tao ay kumain ng karne ng haing pansalo-salo na para kay Jehova, ang taong iyon ay dapat patayin.
Mga Hain ng Papuri na Nakalulugod kay Jehova
Kumusta naman ang taong naghahandog? Sinasabi ng Batas na sinumang lumalapit kay Jehova ay dapat na maging malinis at walang-dungis. Ang sinumang naging marungis sa anumang dahilan ay dapat munang maghandog ng isang handog ukol sa kasalanan o pagkakasala upang mapanauli ang kaniyang malinis na katayuan sa harap ni Jehova nang sa gayon ay maging kaayaaya sa Kaniya ang kaniyang handog na sinusunog o haing pansalu-salo. (Levitico 5:1-6, 15, 17) Kung gayon, nauunawaan ba natin ang kahalagahan ng patuloy na pagkakaroon ng malinis na katayuan sa harap ni Jehova? Kung nais nating maging kaayaaya ang ating pagsamba sa Diyos, dapat na iwasto agad natin ang anumang paglabag sa mga batas ng Diyos. Dapat na maging mabilis tayo sa pagsasamantala sa bigay-Diyos na paraan ng pagtulong—“ang mga nakatatandang lalaki ng kongregasyon” at ang “pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan,” si Jesu-Kristo.—Santiago 5:14; 1 Juan 2:1, 2.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Levitico 6:13) Pananatilihing nagniningas ang apoy sa ibabaw ng altar. Hindi ito dapat mamatay.
Apoy
Ang kaugnayan nito sa tabernakulo at sa templo. Ang apoy ay nagkaroon ng bahagi sa pagsambang isinagawa sa tabernakulo at, nang maglaon, maging sa templo. Bawat umaga at sa pagitan ng dalawang gabi, nagsusunog ng insenso ang mataas na saserdote sa ibabaw ng altar ng insenso. (Exo 30:7, 8) Kahilingan sa kautusan ng Diyos na panatilihing nagniningas ang apoy sa altar ng handog na sinusunog. (Lev 6:12, 13) Bagaman marami ang naniniwala sa tradisyonal na pangmalas ng mga Judio na ang Diyos ang makahimalang nagpaningas sa unang apoy ng altar, hindi talaga ito sinusuportahan ng Kasulatan. Ayon sa unang mga tagubilin ni Jehova kay Moises, ang mga anak ni Aaron ay “maglalagay ng apoy sa ibabaw ng altar at mag-aayos ng kahoy sa apoy” bago nila ilagay ang hain sa ibabaw ng altar. (Lev 1:7, 8) Pagkatapos na maitalaga ang Aaronikong pagkasaserdote, at samakatuwid ay pagkatapos na maihandog ang mga hain ukol sa pagtatalaga, saka lamang tinupok ng apoy na nagmula kay Jehova ang handog na nasa ibabaw noon ng altar, anupat malamang na ang apoy ay nanggaling sa ulap na nasa ibabaw ng tabernakulo. Kaya naman, nakita ang makahimalang apoy, hindi dahil pinagningas nito ang kahoy na nasa ibabaw ng altar, kundi dahil ‘tinupok nito ang handog na sinusunog at ang matatabang bahagi sa ibabaw ng altar.’ Sabihin pa, malamang na ang apoy na patuloy na nagningas sa ibabaw ng altar pagkatapos nito ay resulta kapuwa ng apoy na nagmula sa Diyos at ng apoy na dati nang nasa altar. (Lev 8:14–9:24) Gayundin, noong ialay ang templo, isang makahimalang apoy na nagmula kay Jehova ang tumupok sa mga hain karaka-raka pagkatapos ng panalangin ni Solomon.—2Cr 7:1; tingnan din ang Huk 6:21; 1Ha 18:21-39; 1Cr 21:26 para sa iba pang halimbawa ng paggamit ni Jehova ng makahimalang apoy kapag tinatanggap niya ang mga handog ng kaniyang mga lingkod.
(Levitico 6:25) “Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niya, ‘Ito ang kautusan tungkol sa handog para sa kasalanan: Sa lugar kung saan pinapatay ang handog na sinusunog, doon din papatayin sa harap ni Jehova ang handog para sa kasalanan. Ito ay kabanal-banalang bagay.
Aklat ng Bibliya Bilang 3—Levitico
(3) Ang hain ukol sa pagkakasala ay para sa mga kasalanang di-sinasadya, o dahil sa pagkakamali. Ang hayop na ihahandog ay depende sa kung sino ang nagkasala—ang saserdote, ang bayan sa kabuuan, isang pinunò, o karaniwang tao. Di-gaya ng kusang-loob na handog na susunugin at pangkapayapaan para sa mga indibiduwal, ang hain ukol sa pagkakasala ay sapilitan.—4:1-35; 6:24-30.
Pagbabasa ng Bibliya
(Levitico 6:1-18) Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Kung ang sinuman ay magkasala at gumawi nang di-tapat kay Jehova dahil nilinlang niya ang kapuwa niya may kinalaman sa isang bagay na ipinagkatiwala sa kaniya o inilagak sa kaniya, o ninakawan o dinaya niya ang kapuwa niya, 3 o may nakita siyang nawawalang bagay at nagsinungaling tungkol dito, at kung sumumpa siya nang may kasinungalingan na hindi niya ginawa ang alinman sa mga kasalanang ito, ganito ang dapat niyang gawin: 4 Kung nagkasala siya, dapat niyang ibalik ang ninakaw niya, ang kinikil niya, ang kinuha niya nang may pandaraya, ang ipinagkatiwala sa kaniya, o ang nakita niyang nawawalang bagay, 5 o ang anumang bagay na may kinalaman doon ay nanumpa siya nang may kasinungalingan; dapat niyang ibalik ang buong halaga nito at magdaragdag pa siya ng sangkalima ng halaga nito. Ibibigay niya iyon sa may-ari sa araw na mapatunayang nagkasala siya. 6 At bilang handog para sa pagkakasala kay Jehova, magdadala siya sa saserdote ng isang malusog na lalaking tupa mula sa kawan; ang halaga nito ay ayon sa tinatayang halaga ng handog para sa pagkakasala. 7 Ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova, at mapatatawad siya sa anumang pagkakasalang nagawa niya.” 8 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 9 “Utusan mo si Aaron at ang mga anak niya, ‘Ito ang kautusan tungkol sa handog na sinusunog: Ang handog na sinusunog ay mananatili sa apuyan sa ibabaw ng altar nang buong gabi hanggang umaga, at pananatilihing nagniningas ang apoy sa altar. 10 Isusuot ng saserdote ang kaniyang opisyal na damit na lino, at isusuot niya ang panloob na lino. Pagkatapos, kukunin niya ang abo ng handog na sinusunog na natupok ng apoy sa ibabaw ng altar at ilalagay iyon sa tabi ng altar. 11 At huhubarin niya ang mga kasuotan niya, magpapalit ng damit, at dadalhin ang abo sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. 12 Pananatilihing nagniningas ang apoy sa altar. Hindi ito dapat mamatay. Dapat magsunog doon ng kahoy ang saserdote tuwing umaga at aayusin niya ang handog na sinusunog sa ibabaw nito, at susunugin niya ang taba ng mga haing pansalo-salo para pumailanlang ang usok. 13 Pananatilihing nagniningas ang apoy sa ibabaw ng altar. Hindi ito dapat mamatay. 14 “‘At ito ang kautusan tungkol sa handog na mga butil: Kayong mga anak ni Aaron ang magdadala nito sa altar, sa harap ni Jehova. 15 Ang isa sa kanila ay kukuha ng sandakot ng magandang klase ng harina ng handog na mga butil at ng langis nito, kasama ang lahat ng olibano nito na nasa ibabaw ng handog na mga butil, at pauusukin niya iyon sa ibabaw ng altar, isang nakagiginhawang amoy bilang alaalang handog kay Jehova. 16 Kakainin ni Aaron at ng mga anak niya ang matitira dito. Gagawin itong tinapay na walang pampaalsa at kakainin sa isang banal na lugar. Kakainin nila ito sa looban ng tolda ng pagpupulong. 17 Hindi ito hahaluan ng pampaalsa kapag niluto. Ibinigay ko ito bilang bahagi nila mula sa mga handog para sa akin na pinaraan sa apoy. Ito ay kabanal-banalang bagay, tulad ng handog para sa kasalanan at ng handog para sa pagkakasala. 18 Bawat lalaki sa mga anak ni Aaron ay kakain nito. Sa lahat ng inyong henerasyon, ito ang magiging permanenteng paglalaan para sa kanila mula sa mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy. Ang lahat ng madidikit sa mga ito ay magiging banal.’”
NOBYEMBRE 30–DISYEMBRE 6
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 8-9
“Katibayan ng Pagpapala ni Jehova”
(Levitico 8:6-9) Kaya si Aaron at ang mga anak niya ay iniharap ni Moises sa Diyos at inutusan silang maligo. 7 Pagkatapos, isinuot niya rito ang mahabang damit, ang pamigkis, at ang walang-manggas na damit, at isinuot niya rito ang epod at ibinigkis dito nang mahigpit ang hinabing sinturon ng epod. 8 Sumunod, isinuot niya rito ang pektoral, at inilagay niya sa pektoral ang Urim at ang Tumim. 9 Pagkatapos, inilagay niya ang espesyal na turbante sa ulo nito at inilagay sa harapan ng turbante ang makintab na laminang ginto, ang banal na tanda ng pag-aalay, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
(Levitico 8:12) Bilang panghuli, binuhusan niya ng langis para sa pag-aatas ang ulo ni Aaron para atasan ito at pabanalin.
it-2 724
Pagtatalaga
Hinugasan ni Moises si Aaron at ang mga anak ni Aaron na sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar (o, inutusan niya silang maghugas ng kanilang sarili) sa tansong hugasan na nasa looban at pagkatapos ay isinuot niya kay Aaron ang maluwalhating mga kasuutan ng mataas na saserdote. (Bil 3:2, 3) Sa pagsusuot kay Aaron ng magandang kasuutang ito, ipinagkatiwala sa kaniya ang mga kasuutang kumakatawan sa mga katangian at mga pananagutan ng kaniyang katungkulan. Pagkatapos nito ay pinahiran ni Moises ang tabernakulo, ang lahat ng mga kasangkapan at mga kagamitan nito, at ang altar ng handog na sinusunog, gayundin ang hugasan at ang mga kagamitang ginamit may kaugnayan sa mga iyon. Sa gayon ay pinabanal ang lahat ng ito upang bukod-tanging gamitin sa paglilingkod sa Diyos. Bilang panghuli, pinahiran ni Moises si Aaron sa pamamagitan ng pagbubuhos ng langis sa ulo nito.—Lev 8:6-12; Exo 30:22-33; Aw 133:2.
(Levitico 9:1-5) Noong ikawalong araw, tinawag ni Moises si Aaron, ang mga anak nito, at ang matatandang lalaki ng Israel. 2 Sinabi niya kay Aaron: “Kumuha ka para sa iyong sarili ng isang malusog na guya bilang handog para sa kasalanan at isang malusog na lalaking tupa bilang handog na sinusunog, at ialay mo ang mga iyon sa harap ni Jehova. 3 Pero sasabihin mo sa mga Israelita, ‘Kumuha kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan at ng isang guya at isang batang lalaking tupa, na bawat isa ay isang taóng gulang at malusog, bilang handog na sinusunog, 4 at ng isang toro at isang lalaking tupa bilang mga haing pansalo-salo, para ialay ang mga iyon sa harap ni Jehova, at ng handog na mga butil na hinaluan ng langis, dahil magpapakita si Jehova sa inyo sa araw na ito.’” 5 Kaya dinala nila ang lahat ng iyon sa harap ng tolda ng pagpupulong, gaya ng iniutos ni Moises. Pagkatapos, lumapit ang buong bayan at tumayo sa harap ni Jehova.
Pagtatalaga
Noong ikawalong araw, palibhasa’y lubusan nang nasangkapan at naitalaga sa katungkulan, ang mga saserdote ay nanungkulan sa unang pagkakataon (nang hindi na kasama si Moises). Sila ay nagsagawa ng serbisyo ng pagbabayad-sala para sa bansang Israel, na noo’y lalo nang nangangailangan ng paglilinis hindi lamang dahil sa kanilang likas na pagkamakasalanan kundi dahil na rin sa kalilipas nilang pagsuway may kaugnayan sa ginintuang guya, na ikinagalit ni Jehova. (Lev 9:1-7; Exo 32:1-10) Sa pagtatapos ng unang serbisyong ito ng bagong-itinalagang mga saserdote, ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon at pagtitibay sa kanilang katungkulan sa pamamagitan ng pagpapadala ng makahimalang apoy, na tiyak na nagmula sa haliging ulap na nasa ibabaw ng tabernakulo, anupat tinupok nito ang natitirang hain sa ibabaw ng altar.—Lev 9:23, 24.
(Levitico 9:23, 24) Nang dakong huli, pumasok sina Moises at Aaron sa tolda ng pagpupulong at pagkatapos ay lumabas at pinagpala ang bayan. At ipinakita ngayon ni Jehova ang kaluwalhatian niya sa buong bayan, 24 at nagpadala si Jehova ng apoy na nagsimulang tumupok sa handog na sinusunog at sa mga piraso ng taba na nasa ibabaw ng altar. Nang makita iyon ng buong bayan, nagsigawan sila at sumubsob sa lupa.
Mga Aral na Matututuhan Natin sa Aklat ng Levitico
Ikaapat na aral: Pinagpapala ni Jehova ang makalupang bahagi ng organisasyon niya. Pag-isipan ang nangyari noong 1512 B.C.E. nang itayo ang tabernakulo sa paanan ng Bundok Sinai. (Ex. 40:17) Pinangunahan ni Moises ang seremonya sa pag-aatas kay Aaron at sa mga anak nito bilang mga saserdote. Nagtipon ang bayang Israel para masaksihan ang unang pag-aalay ng mga saserdote ng mga handog na hayop. (Lev. 9:1-5) Paano ipinakita ni Jehova na sinasang-ayunan niya ang mga inatasang saserdote? Habang pinagpapala nina Aaron at Moises ang bayan, nagpadala si Jehova ng apoy na tumupok sa handog na nasa altar.—Basahin ang Levitico 9:23, 24.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Levitico 8:6) Kaya si Aaron at ang mga anak niya ay iniharap ni Moises sa Diyos at inutusan silang maligo.
Kung Bakit Dapat Tayong Magpakabanal
May matututuhan ang mga lingkod ni Jehova ngayon sa kahilingan sa mga saserdote sa Israel na maging malinis sa pisikal. Madalas na napapansin ng mga nakikipag-aral ng Bibliya na malinis ang ating mga lugar ng pagsamba, at na malinis tayo sa katawan at maayos manamit. Gayunman, ipinahihiwatig din ng kalinisan ng mga saserdote na ang sinumang umaakyat sa bundok ng pagsamba kay Jehova ay dapat na may ‘malinis na puso.’ (Basahin ang Awit 24:3, 4; Isa. 2:2, 3.) Dapat na malinis ang ating isip, puso, at katawan habang nag-uukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos. Para magawa ito, dapat nating suriin nang madalas ang ating sarili, na maaaring mangahulugan ng paggawa ng malalaking pagbabago. (2 Cor. 13:5) Halimbawa, kung ang isang bautisadong kapatid ay sadyang nanonood ng pornograpya, dapat niyang tanungin ang kaniyang sarili, ‘Sinisikap ko bang magpakabanal?’ Pagkatapos, dapat siyang humingi ng tulong para maihinto ang napakaruming bisyong ito.—Sant. 5:14.
(Levitico 8:14-17) Kinuha niya ang toro na handog para sa kasalanan, at ipinatong ni Aaron at ng mga anak niya ang mga kamay nila sa ulo ng toro na handog para sa kasalanan. 15 Pinatay iyon ni Moises at isinawsaw ang daliri niya sa dugo at ipinahid iyon sa lahat ng sungay ng altar, at dinalisay niya ang altar mula sa kasalanan, pero ibinuhos niya sa paanan ng altar ang natirang dugo, para mapabanal ito at sa gayon ay makapagbayad-sala sa ibabaw nito. 16 Pagkatapos, kinuha niya ang lahat ng taba na nasa mga bituka, ang lamad ng atay, at ang dalawang bato at ang taba ng mga ito, at sinunog ni Moises ang mga iyon para pumailanlang mula sa altar ang usok. 17 At ang lahat ng natira sa toro, ang balat, ang karne, at ang dumi nito, ay sinunog sa labas ng kampo, gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises.
Moises
Inatasan ng Diyos si Moises na maging tagapamagitan ng tipang Kautusan sa Israel, isang natatanging posisyon na hindi pa kailanman hinawakan ng sinumang tao sa harap ng Diyos maliban kay Jesu-Kristo, ang Tagapamagitan ng bagong tipan. Winisikan ni Moises ng dugo ng mga haing hayop ang aklat ng tipan, na kumakatawan kay Jehova bilang isang “partido,” at ang bayan (walang alinlangang kinakatawanan ng matatandang lalaki) bilang ang kabilang “partido.” Binasa niya ang aklat ng tipan sa bayan, na tumugon naman, “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin at maging masunurin.” (Exo 24:3-8; Heb 9:19) Bilang tagapamagitan, nagkapribilehiyo si Moises na pangasiwaan ang pagtatayo ng tabernakulo at ang paggawa ng mga kagamitan nito, na ang parisan ay ibinigay ng Diyos sa kaniya, at italaga ang pagkasaserdote sa katungkulan nito, anupat pinahiran ng langis na may pantanging halo ang tabernakulo at si Aaron na mataas na saserdote. Pagkatapos ay pinangasiwaan niya ang unang opisyal na mga paglilingkod ng bagong-itinalagang pagkasaserdote.—Exo kab 25-29; Lev kab 8, 9.
Pagbabasa ng Bibliya
(Levitico 8:31–9:7) Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak nito: “Pakuluan ninyo ang karne sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, at doon ninyo iyon kakainin pati ang tinapay na nasa basket para sa pag-aatas, gaya ng iniutos sa akin, ‘Kakainin iyon ni Aaron at ng mga anak niya.’ 32 Ang matitira sa karne at sa tinapay ay susunugin ninyo. 33 Huwag kayong lalabas mula sa pasukan ng tolda ng pagpupulong sa loob ng pitong araw, hanggang sa matapos ang mga araw ng pag-aatas sa inyo, dahil pitong araw ang kailangan sa pag-aatas sa inyo bilang mga saserdote. 34 Iniutos ni Jehova na gawin natin sa natitira pang mga araw ang ginawa natin sa araw na ito bilang pagbabayad-sala para sa inyo. 35 Sa loob ng pitong araw, araw at gabi, mananatili kayo sa pasukan ng tolda ng pagpupulong at tutuparin ninyo ang obligasyon ninyo kay Jehova para hindi kayo mamatay; dahil iyan ang iniutos sa akin.” 36 At ginawa ni Aaron at ng mga anak niya ang lahat ng iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.
9 Noong ikawalong araw, tinawag ni Moises si Aaron, ang mga anak nito, at ang matatandang lalaki ng Israel. 2 Sinabi niya kay Aaron: “Kumuha ka para sa iyong sarili ng isang malusog na guya bilang handog para sa kasalanan at isang malusog na lalaking tupa bilang handog na sinusunog, at ialay mo ang mga iyon sa harap ni Jehova. 3 Pero sasabihin mo sa mga Israelita, ‘Kumuha kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan at ng isang guya at isang batang lalaking tupa, na bawat isa ay isang taóng gulang at malusog, bilang handog na sinusunog, 4 at ng isang toro at isang lalaking tupa bilang mga haing pansalo-salo, para ialay ang mga iyon sa harap ni Jehova, at ng handog na mga butil na hinaluan ng langis, dahil magpapakita si Jehova sa inyo sa araw na ito.’” 5 Kaya dinala nila ang lahat ng iyon sa harap ng tolda ng pagpupulong, gaya ng iniutos ni Moises. Pagkatapos, lumapit ang buong bayan at tumayo sa harap ni Jehova. 6 Sinabi ni Moises: “Ito ang iniutos ni Jehova na dapat ninyong gawin, para ipakita sa inyo ni Jehova ang kaluwalhatian niya.” 7 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron: “Lumapit ka sa altar, at ialay mo ang iyong handog para sa kasalanan at handog na sinusunog, at magbayad-sala ka para sa iyong sarili at sa iyong sambahayan; at ialay mo ang handog ng bayan, at magbayad-sala ka para sa kanila, gaya ng iniutos ni Jehova.”