Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
SETYEMBRE 5-11
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 9-10
“Purihin si Jehova Dahil sa Karunungan Niya”
Isang Pagdalaw na Saganang Pinagpala
Nang makilala si Solomon, sinubok siya ng reyna sa pamamagitan ng “mga palaisipang tanong.” (1 Hari 10:1) Ang salitang Hebreong ginamit dito ay maisasalin na “mga bugtong.” Subalit hindi ito nangangahulugan na nakipagtagisan ng talino ang reyna kay Solomon sa walang halagang mga bagay. Kapansin-pansin, sa Awit 49:4, ito ring salitang Hebreo ang ginamit upang ilarawan ang seryosong mga tanong may kinalaman sa kasalanan, kamatayan, at katubusan. Kung gayon, malamang na ipinakipag-usap ng reyna ng Sheba ang malalalim na bagay kay Solomon na sumubok sa lalim ng kaniyang karunungan. Binabanggit ng Bibliya na “pinasimulang salitain [niya] sa kaniya ang lahat ng malapit sa kaniyang puso.” “Sinabi naman ni Solomon sa kaniya ang lahat ng kaniyang ipinakipag-usap. Walang bagay na nalilingid sa hari ang hindi niya sinabi sa kaniya.”—1 Hari 10:2b, 3.
Kapag Umapaw ang Pagkabukas-palad
Palibhasa’y namangha sa kaniyang narinig at nakita, ang reyna ay may kapakumbabaang nagsabi: “Maligaya ang mga lingkod mong ito na palaging tumatayo sa harapan mo, na nakikinig sa iyong karunungan!” (1 Hari 10:4-8) Hindi niya ipinahayag na maliligaya ang mga lingkod ni Solomon dahil sa sila ay napalilibutan ng kasaganaan—bagaman totoo naman. Sa halip, ang mga lingkod ni Solomon ay pinagpala dahil maaari silang palaging makapakinig sa bigay-Diyos na karunungan ni Solomon. Kay inam na halimbawa ang reyna ng Sheba para sa bayan ni Jehova ngayon, na nasisiyahan sa mismong karunungan ng Maylalang at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo!
Isang Pagdalaw na Saganang Pinagpala
Gayon na lamang ang paghanga ng reyna ng Sheba sa karunungan ni Solomon at sa kasaganaan ng kaniyang kaharian anupat “nawalan siya ng espiritu.” (1 Hari 10:4, 5) Sinasabi ng ilan na ang pariralang ito ay nangangahulugan na ang reyna ay “halos di-makahinga.” Sinabi pa nga ng isang iskolar na ito’y hinimatay! Anuman ang nangyari, namangha ang reyna sa kaniyang nakita at narinig. Sinabi niyang maligaya ang mga lingkod ni Solomon sa pagkarinig sa karunungan ng haring ito, at pinagpala niya si Jehova sa pagluluklok kay Solomon sa trono. Pagkatapos ay binigyan niya ang hari ng mamahaling mga regalo, ang ginto lamang ay nagkakahalaga sa kabuuan, sa halaga ngayon, ng mga $40,000,000. Nagregalo rin si Solomon, anupat ibinigay sa reyna “ang lahat ng kaniyang kinalugdan na hiniling niya.”—1 Hari 10:6-13.
Espirituwal na Hiyas
Alam Mo Ba?
Gaano karaming ginto ang pag-aari ni Haring Solomon?
Sinasabi ng Kasulatan na nagpadala si Hiram, hari ng Tiro, ng apat na toneladang ginto kay Solomon, nagbigay ang reyna ng Sheba kay Solomon ng ganoon din karaming ginto, at ang pangkat ng mga barko ni Solomon ay nagdala nang mahigit 15 toneladang ginto mula sa Opir. “Ang timbang ng ginto na dumarating kay Solomon sa isang taon,” ang sabi ng ulat, “ay nagkakahalaga ng anim na raan at animnapu’t anim na talento na ginto,” o mahigit 25 tonelada. (1 Hari 9:14, 28; 10:10, 14) Posible ba ito? Gaano ba karaming ginto ang pag-aari ng mga hari noong panahong iyon?
Sa isang sinaunang inskripsiyon, na sinasabi ng mga iskolar na mapananaligan, mababasa na si Paraon Thutmose III ng Ehipto (mga 3,500 taon na ang nakalipas) ay nagbigay ng mga 13.5 toneladang ginto sa templo ni Amun-Ra sa Karnak. Noong ikawalong siglo B.C.E., tumanggap ang hari ng Asirya na si Tiglat-pileser III ng mahigit 4 na toneladang ginto na tributo mula sa Tiro, at si Sargon II ay nagbigay ng ganoon din karaming ginto bilang kaloob sa mga diyos ng Babilonya. Si Haring Felipe II ng Macedonia (359-336 B.C.E.) ay iniulat na nakakakuha ng mahigit 28 toneladang ginto taun-taon mula sa mga minahan ng Pangaeum sa Tracia.
Nang sakupin ng anak ni Felipe na si Alejandrong Dakila (336-323 B.C.E.) ang Persianong lunsod ng Susa, sinasabing nakakuha siya ng mga 1,180 toneladang ginto mula rito at halos 7,000 tonelada mula sa buong Persia. Kaya kapag inihambing sa mga ulat na ito, hindi pagmamalabis ang paglalarawan ng Bibliya sa mga ginto ni Haring Solomon.
SETYEMBRE 12-18
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 11-12
“Maging Matalino sa Pagpili ng Mapapangasawa”
“Sino ang Nasa Panig ni Jehova?”
7 Marami tayong matututuhan sa halimbawa ni Haring Solomon. Noong nasa kabataan pa siya, umasa siya kay Jehova para sa patnubay. Binigyan siya ng Diyos ng dakilang karunungan at sa kaniya ipinagkatiwala ang pagtatayo ng maringal na templo sa Jerusalem. Pero naiwala ni Solomon ang pakikipagkaibigan kay Jehova. (1 Hari 3:12; 11:1, 2) Ipinagbabawal ng Kautusan ng Diyos sa isang haring Hebreo na ‘magparami ng asawa para sa kaniyang sarili, upang ang kaniyang puso ay hindi malihis.’ (Deut. 17:17) Sumuway si Solomon, at nag-asawa ng 700 babae. Nagdala pa siya sa kaniyang sambahayan ng 300 pang babae. (1 Hari 11:3) Karamihan sa kaniyang mga asawa ay hindi Israelita, na sumasamba sa huwad na mga diyos. Kaya sinuway rin ni Solomon ang kautusan ng Diyos na huwag mag-asawa ng banyaga.—Deut. 7:3, 4.
Paano Mo Maiingatan ang Iyong Puso?
6 Gusto ni Satanas na maging gaya niya tayo—isang rebelde na makasarili at bumabale-wala sa mga pamantayan ni Jehova. Hindi tayo mapipilit ni Satanas na mag-isip at kumilos na gaya niya. Kaya gumagamit siya ng ibang paraan para magawa ito. Halimbawa, pinapalibutan niya tayo ng mga taong naimpluwensiyahan na niya. (1 Juan 5:19) At gusto niyang piliin nating makasama ang gayong mga tao, kahit pa alam natin na ang masasamang kasama ay makasasamâ, o makaiimpluwensiya, sa ating pag-iisip at pagkilos. (1 Cor. 15:33) Epektibo ang taktikang iyan kay Haring Solomon. Nag-asawa siya ng maraming babae na hindi sumasamba sa Diyos. Talagang naimpluwensiyahan nila si Solomon, “at sa kalaunan ay ikiniling ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso” palayo kay Jehova.—1 Hari 11:3.
“Sino ang Nasa Panig ni Jehova?”
9 Pero hinding-hindi binabale-wala ni Jehova ang pagkakasala. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay nagalit kay Solomon, sapagkat ang kaniyang puso ay kumiling upang lumayo kay Jehova . . . , na siyang nagpakita sa kaniya nang makalawang ulit. At may kaugnayan sa bagay na ito ay nag-utos siya sa kaniya na huwag sumunod sa ibang mga diyos; ngunit hindi niya tinupad ang iniutos ni Jehova.” Bilang resulta, inalis ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon at suporta. Nawala sa mga inapo ni Solomon ang pamamahala sa nagkakaisang kaharian ng Israel at dumanas sila ng maraming kapahamakan.—1 Hari 11:9-13.
Espirituwal na Hiyas
Nakamit Niya Sana ang Pagsang-ayon ng Diyos
Dahil sa paghihimagsik na iyon, tinipon ni Rehoboam ang kaniyang hukbo. Pero namagitan si Jehova sa pamamagitan ni propeta Semaias, sa pagsasabi: “Huwag kayong umahon at makipaglaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel. Bumalik kayo sa kani-kaniyang bahay, sapagkat dahil nga sa utos ko kung kaya nangyari ang bagay na ito.”—1 Hari 12:21-24.
Huwag makipaglaban? Naiisip mo bang napakahirap nito para kay Rehoboam? Ano na lang ang iisipin ng bayan sa isang hari na nagbantang parurusahan ng “mga hagupit” ang mga sakop niya, pero ngayon ay wala man lang siyang ginawa sa mga nagrerebelde sa kaniya? (Ihambing ang 2 Cronica 13:7.) Gayunman, “sinunod [ng hari at ng kaniyang hukbo] ang salita ni Jehova, at umuwi sila sa kani-kanilang tahanan ayon sa salita ni Jehova.”
Ang aral? Isang katalinuhang sundin ang Diyos kahit pa tuyain tayo ng iba. Kung susundin natin ang Diyos, makakamit natin ang pagsang-ayon at pagpapala niya.—Deut. 28:2.
Ano ang nangyari kay Rehoboam? Hindi niya itinuloy ang plano niyang makipagdigma sa bagong tatag na bansa gaya ng iniutos sa kaniya, sa halip, nagpokus siya sa pagtatayo ng mga lunsod sa teritoryo ng Juda at Benjamin na pinamamahalaan pa rin niya. “Lubha” niyang pinatibay ang maraming lunsod. (2 Cro. 11:5-12) At mas mahalaga, sinunod niya ang mga kautusan ni Jehova sa loob ng ilang panahon. Nang mahulog sa idolatriya ang 10-tribong kaharian ng Israel sa ilalim ng pamamahala ni Jeroboam, marami sa kanila ang naglakbay papuntang Jerusalem para suportahan si Rehoboam at ang tunay na pagsamba. (2 Cro. 11:16, 17) Dahil sa pagsunod ni Rehoboam, naging matatag ang kaniyang paghahari.
SETYEMBRE 19-25
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 13-14
“Bakit Dapat Tayong Maging Kontento at Mapagpakumbaba?”
Manatiling Tapat Taglay ang Pinagkaisang Puso
4 Pagkatapos ay sinabi ni Jeroboam sa lingkod ng tunay na Diyos: “Sumama ka sa akin sa bahay at kumain ka, at bibigyan kita ng isang kaloob.” (1 Hari 13:7) Ano na ngayon ang gagawin ng propeta? Tatanggapin kaya niya ang paanyaya ng hari matapos niyang ipahayag ang mensahe ng kahatulan sa kaniya? (Awit 119:113) O tatanggihan niya ang paanyaya ng hari kahit na mukhang nagsisisi naman ito? Kayang-kaya ni Jeroboam na bigyan ng mamahaling mga kaloob ang kaniyang mga kaibigan. Kung ang propeta ng Diyos ay lihim na naghahangad ng materyal na mga bagay, malamang na magiging isang malaking tukso ang alok ng hari sa kaniya. Gayunman, ito ang utos ni Jehova sa propeta: “Huwag kang kumain ng tinapay o uminom ng tubig, at huwag kang bumalik sa daan na pinanggalingan mo.” Kaya matatag na sumagot ang propeta: “Kung ibigay mo man sa akin ang kalahati ng iyong bahay ay hindi ako sasama sa iyo at kakain ng tinapay o iinom ng tubig sa dakong ito.” At ang propeta ay lumisan sa Bethel sa pamamagitan ng ibang daan. (1 Hari 13:8-10) Anong aral ang itinuturo sa atin ng desisyon ng propeta may kinalaman sa taos-pusong katapatan?—Roma 15:4.
Manatiling Tapat Taglay ang Pinagkaisang Puso
15 Ano pa ang matututuhan natin sa pagkakamali ng propetang nagmula sa Juda? Sinasabi ng Kawikaan 3:5: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.” Sa halip na patuloy na umasa kay Jehova gaya ng ginawa niya noong una, sa pagkakataong ito, nagtiwala sa kaniyang sariling pagpapasiya ang propetang nagmula sa Juda. Naiwala niya ang kaniyang buhay at mabuting pangalan sa harap ng Diyos dahil sa kaniyang pagkakamali. Binibigyang-diin ng kaniyang karanasan ang kahalagahan ng mahinhin at tapat na paglilingkod kay Jehova!
Manatiling Tapat Taglay ang Pinagkaisang Puso
10 Dapat sana’y nahalata ng propetang nagmula sa Juda ang panlilinlang ng matandang propeta. Tinanong niya sana ang kaniyang sarili, ‘Bakit sa ibang tao magpapadala si Jehova ng isang anghel para magbigay ng bagong mga tagubilin para sa akin?’ Hiniling sana ng propeta kay Jehova na linawin ang tagubilin, pero walang ipinahihiwatig ang Kasulatan na ginawa niya iyon. Sa halip, “bumalik siyang kasama [ng matandang lalaki] upang siya ay makakain ng tinapay sa kaniyang bahay at makainom ng tubig.” Hindi nalugod si Jehova. Nang sa wakas ay pabalik na sa Juda ang nalinlang na propeta, nasalubong niya ang isang leon at pinatay siya. Isa ngang kalunus-lunos na wakas ng kaniyang pagiging propeta!—1 Hari 13:19-25.
Espirituwal na Hiyas
Hinahanap Niya ang Mabuti sa Atin
Gayunman, may napakagandang bagay tayong matututuhan mula sa 1 Hari 14:13 tungkol kay Jehova at sa hinahanap niya sa bawat isa sa atin. Tandaan, may “nasumpungan” kay Abias na isang bagay na mabuti. Lumilitaw na sinaliksik ni Jehova ang puso ni Abias hanggang sa makasumpong Siya rito ng kaunting kabutihan. Kung ihahambing sa kaniyang pamilya, si Abias ang nag-iisang perlas “sa bunton ng mga bato,” ayon sa isang iskolar. Pinahalagahan ni Jehova ang kabutihang ito at pinagpakitaan ng awa ang miyembrong ito ng isang masamang pamilya.
SETYEMBRE 26–OKTUBRE 2
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 15-16
“Tularan ang Lakas ng Loob ni Asa”
“May Gantimpala Para sa Inyong mga Gawa”
Sa loob ng 20 taon mula nang mahati ang Israel sa dalawang kaharian, ang Juda ay lubusang pinasamâ ng mga paganong gawain. Nang maging hari si Asa noong 977 B.C.E., pati ang maharlikang korte ay nabahiran na ng pagsamba sa mga diyos ng pag-aanak ng mga Canaanita. Pero sinasabi ng kinasihang ulat tungkol sa paghahari ni Asa: “Gumawa [siya] ng mabuti at tama sa paningin ni Jehova na kaniyang Diyos. . . . Inalis niya ang mga banyagang altar at ang matataas na dako at pinagdurug-durog ang mga sagradong haligi at pinagpuputol ang mga sagradong poste.” (2 Cro. 14:2, 3) Inalis din ni Asa mula sa kaharian ng Juda ang “mga lalaking patutot sa templo,” na nagsasagawa ng sodomiya sa ngalan ng relihiyon. Pero hindi lang paglilinis ang ginawa ni Asa. Hinimok din niya ang bayan na “hanapin si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno” at sundin ang “kautusan at ang utos” ng Diyos.—1 Hari 15:12, 13; 2 Cro. 14:4.
Maglingkod kay Jehova Nang May Sakdal na Puso!
7 Puwede nating suriin ang ating puso kung lubos ang debosyon natin sa Diyos. Tanungin ang sarili, ‘Determinado ba akong palugdan si Jehova, ipagtanggol ang tunay na pagsamba, at protektahan ang kaniyang bayan mula sa masasamang impluwensiya?’ Isipin ang lakas ng loob na kinailangan ni Asa para makapanindigan kay Maaca, ang inang reyna! Malamang na wala ka namang kilalá na katulad ni Maaca, pero baka may pagkakataong matutularan mo ang sigasig ni Asa. Halimbawa, paano kung isang kapamilya mo o isang malapít na kaibigan ang nagkasala pero hindi nagsisisi, at itiniwalag? Kikilos ka ba para putulin na ang pakikisama sa taong iyon? Ano talaga ang sinasabi ng puso mo?
it-1 216
Asa
Bagaman kung minsan ay nagpapamalas siya ng kakulangan ng karunungan at espirituwal na kaunawaan, maliwanag na ang mabubuting katangian ni Asa at ang pagiging malaya niya sa apostasya ay mas matimbang kaysa sa kaniyang mga kamalian, kung kaya itinuturing siya bilang isa sa tapat na mga hari sa linya ni Juda. (2Cr 15:17) Ang 41-taóng paghahari ni Asa ay nagpang-abot o sumaklaw sa mga paghahari ng walong hari ng Israel: sina Jeroboam, Nadab, Baasa, Elah, Zimri, Omri, Tibni (na namahala sa isang bahagi ng Israel bilang katunggali ni Omri), at Ahab. (1Ha 15:9, 25, 33; 16:8, 15, 16, 21, 23, 29) Pagkamatay ni Asa, ang kaniyang anak na si Jehosapat ang naging hari.—1Ha 15:24.
Espirituwal na Hiyas
Tunay ba ang Diyos Para sa Iyo?
Halimbawa, basahin mo ang hula tungkol sa naging kabayaran sa muling-pagtatayo ng Jerico at saka mo isaalang-alang ang katuparan nito. Sabi sa Josue 6:26: “Ipinabigkas ni Josue ang isang sumpa nang partikular na panahong iyon, na nagsasabi: ‘Sumpain nawa ang tao sa harapan ni Jehova na titindig at itatayo niya ang lunsod na ito, ang Jerico nga. Sa pagkamatay ng kaniyang panganay ay ilatag niya ang pundasyon nito, at sa pagkamatay ng kaniyang bunso ay ilagay niya ang mga pinto nito.’” Nagkaroon ito ng katuparan makalipas ang mga 500 taon, sapagkat mababasa natin sa 1 Hari 16:34: “Nang mga araw [ni Haring Ahab], itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Sa pagkamatay ni Abiram na kaniyang panganay ay inilatag niya ang pundasyon nito, at sa pagkamatay ni Segub na kaniyang bunso ay itinayo niya ang mga pinto nito, ayon sa salita ni Jehova na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.” Tanging isang tunay na Diyos lamang ang maaaring kumasi sa gayong mga hula at tumiyak sa katuparan ng mga ito.
OKTUBRE 3-9
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 17-18
“Hanggang Kailan Kayo Magpapaika-ika sa Dalawang Magkaibang Opinyon?”
Manampalataya—Magdesisyon Nang Tama!
6 Noong nakatira na sila sa Lupang Pangako, kailangang gumawa ang mga Israelita ng isang simple pero napakahalagang pagpili: Sambahin si Jehova o maglingkod sa ibang (mga) diyos. (Basahin ang Josue 24:15.) Mukhang napakadali ng desisyong iyon. Pero buhay nila ang nakataya rito. Noong panahon ng mga Hukom, paulit-ulit na gumawa ng maling desisyon ang mga Israelita. Tinalikuran nila si Jehova at sumamba sa huwad na mga diyos. (Huk. 2:3, 11-23) Nang maglaon, kinailangang magpasiya ang bayan ng Diyos. Sinabi ni propeta Elias ang mapagpipilian: Maglingkod kay Jehova o sa huwad na diyos na si Baal. (1 Hari 18:21) Sinaway ni Elias ang bayan dahil hindi sila makapagpasiya. Baka isipin mong madali lang naman ang desisyong iyon dahil laging tama at kapaki-pakinabang ang maglingkod kay Jehova. Sa katunayan, walang makatuwirang tao ang maaakit na sumamba kay Baal. Pero ang mga Israelitang iyon ay “iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon.” Kaya pinasigla sila ni Elias na piliin ang nakahihigit na paraan ng pagsamba—ang pagsamba kay Jehova.
Ipinagtanggol Niya ang Tunay na Pagsamba
15 Dahil sa panlilibak ni Elias, lalong nataranta ang mga saserdote ni Baal kaya ‘sumigaw sila sa sukdulan ng kanilang tinig at naghiwa ng kanilang sarili ayon sa kanilang kaugalian sa pamamagitan ng mga sundang at sa pamamagitan ng mga sibat, hanggang sa mapadanak nila ang kanilang dugo.’ Wala ring nangyari! “Walang tinig, at walang sinumang sumasagot, at walang nagbibigay-pansin.” (1 Hari 18:28, 29) Hindi talaga totoo si Baal. Inimbento lang siya ni Satanas upang italikod ang mga tao mula kay Jehova. Ang totoo, ang paglilingkod sa ibang panginoon maliban kay Jehova ay nauuwi sa kabiguan o kahihiyan pa nga.—Basahin ang Awit 25:3; 115:4-8.
Ipinagtanggol Niya ang Tunay na Pagsamba
18 Bago manalangin si Elias, maaaring iniisip ng mga pulutong kung si Jehova ay isa ring huwad na diyos gaya ni Baal. Pero pagkatapos ng panalangin, naglaho ang kanilang pag-aalinlangan. Sinasabi ng ulat: “Sa gayon ay bumulusok ang apoy ni Jehova at inubos ang handog na sinusunog at ang mga piraso ng kahoy at ang mga bato at ang alabok, at ang tubig na nasa trinsera ay hinimod nito.” (1 Hari 18:38) Isa ngang kagila-gilalas na sagot! At paano tumugon ang bayan?
Espirituwal na Hiyas
w08 4/1 19, kahon
Naghintay Siya at Naging Mapagbantay
Gaano Katagal ang ‘Tagtuyot’ Noong Panahon ni Elias?
Inihayag kay Haring Ahab ng propeta ni Jehova na si Elias na malapit nang matapos ang mahabang tagtuyot. Nangyari iyan “nang ikatlong taon”—kung bibilangin mula noong unang ihayag ni Elias ang tungkol sa tagtuyot. (1 Hari 18:1) Matapos sabihin ni Elias na magpapaulan si Jehova, di-nagtagal ay umulan nga. Kaya naman iniisip ng ilan na natapos ang tagtuyot sa loob ng yugto ng ikatlong taon, at lumilitaw na wala pang tatlong taon ang haba ng tagtuyot. Gayunman, sinasabi sa atin nina Jesus at Santiago na tumagal ang tagtuyot nang “tatlong taon at anim na buwan.” (Lucas 4:25; Santiago 5:17) Nagkakasalungatan ba ang mga ulat ng Bibliya hinggil sa bagay na iyan?
Hindi. Alam mo kasi, mahaba ang tag-init sa sinaunang Israel, at maaaring umabot nang anim na buwan. Walang-alinlangang masyado nang nagtatagal at tumitindi ang tag-init nang ipahayag ni Elias kay Ahab na magkakaroon ng tagtuyot. Lumilitaw na halos kalahating taon na rin silang sinasalanta ng ‘tagtuyot.’ Kaya naman nang ipahayag ni Elias ang pagtatapos ng tagtuyot sa “ikatlong taon” mula nang panahong banggitin niya ang pagkakaroon ng tagtuyot, ang totoo ay halos tatlo’t kalahating taon nang nananalanta ang ‘tagtuyot.’ Nang magtipon ang mga Israelita upang masaksihan ang napakahalagang pagtutuos sa Bundok Carmel, “tatlong taon at anim na buwan” na ang lumipas.
Noong panahong mag-aanim na buwan na ang tag-init, umaasa ang bayan na matatapos na ito. Naniniwala sila na si Baal, ang isa na “nakasakay sa mga ulap,” ang diyos na tatapos sa tag-init. Pero yamang masyado nang tumatagal ang tag-init, malamang ay nag-iisip na ang mga tao: ‘Nasaan na si Baal? Hindi pa ba siya magpapaulan?’ Tiyak na naging malaking sampal sa mga mananamba ni Baal ang mensahe ni Elias na hindi magkakaroon ng ulan ni ng hamog man malibang iutos ng propeta na umulan.—1 Hari 17:1.
OKTUBRE 10-16
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 19-20
“Humingi ng Tulong kay Jehova Kapag Pinanghihinaan ng Loob”
Umasa kay Jehova Kapag Nai-stress
5 Basahin ang 1 Hari 19:1-4. Pero natakot si Elias nang pagbantaan ni Reyna Jezebel ang buhay niya. Kaya tumakas siya papuntang Beer-sheba. Nawalan na siya ng pag-asa at “hiniling niya na mamatay na sana siya.” Bakit? Hindi perpekto si Elias, “isang taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Sant. 5:17) Baka sobra na ang stress niya at pagod na pagod na siya. Baka naisip ni Elias na nawalan ng saysay ang pagtataguyod niya ng dalisay na pagsamba, na wala siyang naitulong sa Israel, at nag-iisa na lang siya sa paglilingkod kay Jehova. (1 Hari 18:3, 4, 13; 19:10, 14) Baka magulat tayo sa naging reaksiyon ng tapat na propetang ito. Pero naintindihan ni Jehova ang nadarama ni Elias.
Tumanggap Siya ng Kaaliwan Mula sa Kaniyang Diyos
13 Ano kaya ang nadama ni Jehova nang makita niya mula sa langit ang kaniyang minamahal na propeta na nakahiga sa ilalim ng puno sa ilang at nagmamakaawang mamatay na sana siya? Hindi na natin kailangang hulaan. Nang makatulog si Elias, nagsugo si Jehova ng isang anghel. Marahang hinipo ng anghel si Elias para gisingin at sinabi: “Bumangon ka, kumain ka.” Gayon nga ang ginawa ni Elias dahil ipinaghanda siya ng anghel ng simpleng pagkain—tinapay na bagong luto at tubig. Nagpasalamat ba siya sa anghel? Sinasabi lang sa ulat na ang propeta ay kumain, uminom, at natulog uli. Dahil ba sa sobrang lungkot kung kaya hindi siya nakapagsalita? Anuman ang nangyari, ginising siyang muli ng anghel, marahil nang magbukang-liwayway na. Sinabi niyang muli kay Elias, “Bumangon ka, kumain ka,” at idinagdag pa niya, “sapagkat ang paglalakbay ay napakahirap para sa iyo.”—1 Hari 19:5-7.
Tumanggap Siya ng Kaaliwan Mula sa Kaniyang Diyos
21 Sa bawat pangyayari, ipinaaalaala sa atin ng ulat na si Jehova ay wala sa mga kamangha-manghang puwersang ito ng kalikasan. Alam ni Elias na si Jehova ay hindi isang kathang-isip na diyos ng kalikasan gaya ni Baal, na sinasamba bilang ang “nakasakay sa mga ulap,” o tagapagbigay ng ulan. Si Jehova ang tunay na Pinagmumulan ng lahat ng kamangha-manghang puwersa sa kalikasan, pero di-hamak na mas makapangyarihan siya kaysa sa lahat ng kaniyang ginawa. Kahit nga sa langit ay hindi siya magkasya! (1 Hari 8:27) Paano nakatulong kay Elias ang lahat ng ito? Tandaan na natatakot siya. Kung ang kakampi niya ay isang Diyos na tulad ni Jehova, ang Diyos na may gayon kalakas na kapangyarihan, wala siyang dapat ikatakot kina Ahab at Jezebel!—Basahin ang Awit 118:6.
Tumanggap Siya ng Kaaliwan Mula sa Kaniyang Diyos
22 Nang maglaho ang apoy, naghari ang katahimikan at nakarinig si Elias ng “isang kalmado at mahinang tinig.” Hinimok nito si Elias na muling ibuhos ang kaniyang niloloob, kaya sinabi niya sa ikalawang pagkakataon ang kaniyang mga ikinababahala. Malamang na lalong gumaan ang kaniyang pakiramdam. Pero tiyak na lalo pang naaliw si Elias sa sumunod na sinabi ng “kalmado at mahinang tinig.” Tiniyak ni Jehova kay Elias na napakahalaga niya. Paano? Sinabi ng Diyos kay Elias ang iba pang nilalayon niyang gawin para alisin sa Israel ang pagsamba kay Baal. Maliwanag na hindi nawalan ng saysay ang ginawa ni Elias dahil tiyak na matutupad ang layunin ni Jehova. Bukod diyan, bahagi pa rin si Elias ng layuning iyon dahil muli siyang binigyan ni Jehova ng atas at ilang espesipikong tagubilin.—1 Hari 19:12-17.
Espirituwal na Hiyas
Isang Halimbawa ng Pagsasakripisyo-sa-Sarili at Pagkamatapat
Marami sa mga lingkod ng Diyos ngayon ang nagpapamalas ng gayunding espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili. Iniwan ng ilan ang kanilang “bukid,” ang kanilang kabuhayan, upang mangaral ng mabuting balita sa malalayong teritoryo o upang maglingkod bilang mga miyembro ng isang pamilyang Bethel. Ang iba ay naglakbay sa banyagang mga lupain upang magtrabaho sa mga proyekto ng Samahan sa pagtatayo. Marami ang tumanggap sa maituturing na hamak na mga gawain. Subalit, walang sinuman na nagpapaalipin kay Jehova ang gumagawa ng isang walang-kabuluhang paglilingkod. Pinahahalagahan ni Jehova ang lahat ng kusang-loob na naglilingkod sa kaniya, at pagpapalain niya ang kanilang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili.—Marcos 10:29, 30.
OKTUBRE 17-23
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 21-22
“Tularan ang Paggamit ni Jehova ng Awtoridad”
it-1 1164
Jehova ng mga Hukbo
Nang makita ni Josue ang isang panauhing anghel malapit sa Jerico at tanungin niya ito kung ito’y panig sa Israel o sa kalaban, sumagot ito, “Hindi, kundi ako—bilang prinsipe ng hukbo ni Jehova ang pagparito ko ngayon.” (Jos 5:13-15) Sinabi ng propetang si Micaias sa mga haring sina Ahab at Jehosapat, “Nakikita ko nga si Jehova na nakaupo sa kaniyang trono at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya, sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa,” maliwanag na ang tinutukoy ay ang mga espiritung anak ni Jehova. (1Ha 22:19-21) Angkop na gamitin ang anyong pangmaramihan sa pananalitang “Jehova ng mga hukbo,” yamang ang mga anghelikong hukbo ay hindi lamang inilalarawan na pangkat-pangkat bilang mga kerubin, mga serapin, at mga anghel (Isa 6:2, 3; Gen 3:24; Apo 5:11) kundi inilalarawan din bilang organisadong mga grupo, anupat masasabi ni Jesu-Kristo na maaari siyang tumawag ng “mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel.” (Mat 26:53) Nang magsumamo si Hezekias na tulungan siya ni Jehova, tinawag niya siyang “Jehova ng mga hukbo, na Diyos ng Israel, na nakaupo sa mga kerubin,” anupat maliwanag na tinutukoy ang kaban ng tipan at ang mga pigura ng mga kerubin na nasa takip nito, na sumasagisag sa makalangit na trono ni Jehova. (Isa 37:16; ihambing ang 1Sa 4:4; 2Sa 6:2.) Ang matatakuting lingkod ni Eliseo ay napatibay-loob ng isang makahimalang pangitain kung saan nakita niyang ang mga bundok sa palibot ng kinubkob na lunsod na tinatahanan ni Eliseo ay “punô ng mga kabayo at mga pandigmang karo ng apoy,” na isang bahagi ng mga anghelikong hukbo ni Jehova.—2Ha 6:15-17.
“Ang Ulo ng Bawat Lalaki ay ang Kristo”
9 Kapakumbabaan. Si Jehova ang pinakamarunong na Persona; pero pinapakinggan niya ang opinyon ng mga lingkod niya. (Gen. 18:23, 24, 32) Pinapayagan niyang magmungkahi ang mga sakop ng awtoridad niya. (1 Hari 22:19-22) Perpekto si Jehova, pero hindi siya perfectionist sa mga inaasahan niya sa atin. Sa halip, tinutulungan niyang magtagumpay ang mga di-perpektong tao na naglilingkod sa kaniya. (Awit 113:6, 7) Inilalarawan pa nga si Jehova sa Bibliya bilang isa na “tumutulong.” (Awit 27:9; Heb. 13:6) Inamin ni Haring David na ang malaking gawaing ibinigay sa kaniya ay nagawa lang niya dahil sa kapakumbabaan ni Jehova.—2 Sam. 22:36.
it-2 27
Kasinungalingan
Hinahayaan ng Diyos na Jehova na “ang pagkilos ng kamalian” ay mapasa mga taong mas pumipili sa kabulaanan “upang mapaniwalaan nila ang kasinungalingan” sa halip na ang mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo. (2Te 2:9-12) Ang simulaing ito ay inilalarawan ng pangyayari may kinalaman sa Israelitang si Haring Ahab maraming siglo bago nito. Tiniyak ng nagsisinungaling na mga propeta kay Ahab na magtatagumpay siya sa digmaan laban sa Ramot-gilead, samantalang ang propeta ni Jehova na si Micaias ay humula naman ng kasakunaan. Gaya ng isiniwalat kay Micaias sa pangitain, pinahintulutan ni Jehova ang isang espiritung nilalang na maging isang “espiritung mapanlinlang” sa bibig ng mga propeta ni Ahab. Samakatuwid nga, ginamit ng espiritung nilalang na ito ang kaniyang kapangyarihan sa kanila upang kanilang salitain, hindi ang katotohanan, kundi ang nais nilang sabihin at ang nais ni Ahab na marinig mula sa kanila. Bagaman binabalaan na, mas pinili ni Ahab na magpalinlang sa kanilang mga kasinungalingan, at buhay niya ang naging kabayaran nito.—1Ha 22:1-38; 2Cr 18.
Espirituwal na Hiyas
Ano ang Tunay na Pagsisisi?
4 Dumating ang panahon na nagdesisyon nang kumilos si Jehova. Ipinadala niya si Elias para sabihin ang hatol niya kina Ahab at Jezebel. Lilipulin ang buong pamilya nila. Natauhan si Ahab sa mga sinabi ni Elias! At bigla na lang, “nagpakumbaba” ang mayabang na haring ito.—1 Hari 21:19-29.
5 Kahit nagpakumbaba si Ahab, makikita na hindi siya totoong nagsisi. Hindi niya inalis ang pagsamba kay Baal sa kaharian niya. Hindi rin niya itinaguyod ang pagsamba kay Jehova. Makikita rin sa ibang ginawa ni Ahab na hindi talaga siya nagsisi.
6 Nang magsabi si Ahab kay Haring Jehosapat ng Juda na samahan siya nito sa pakikipagdigma sa mga Siryano, sinabi ni Jehosapat na sumangguni muna sila sa isang propeta ni Jehova. Ayaw ni Ahab noong una. Sinabi niya: “May isa pa na puwede nating lapitan para makasangguni tayo kay Jehova; pero galit ako sa kaniya, dahil hindi siya humuhula ng mabubuting bagay tungkol sa akin, kundi laging masasama.” Pero kumonsulta rin sila kay propeta Micaias. At masamang balita nga para kay Ahab ang inihula nito! Imbes na magsisi at humingi ng tawad kay Jehova, ipinakulong ni Ahab ang propeta. (1 Hari 22:7-9, 23, 27) Kahit naipakulong ng masamang hari ang propeta ni Jehova, natupad pa rin ang hula tungkol sa kaniya. Napatay si Ahab sa digmaan.—1 Hari 22:34-38.
OKTUBRE 24-30
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 1-2
“Isang Magandang Halimbawa ng Pagsasanay sa Iba”
Kung Paano Sinasanay ng mga Elder ang Iba Para Maging Kuwalipikado
15 Ipinahihiwatig din sa ulat tungkol kay Eliseo kung paano maipakikita ng mga sinasanay ang kanilang paggalang sa makaranasang mga elder. Matapos dumalaw sina Elias at Eliseo sa isang grupo ng mga propeta sa Jerico, nagpunta silang dalawa sa Ilog Jordan. Pagkatapos, “kinuha ni Elias ang kaniyang opisyal na kasuutan at tiniklop iyon at hinampas ang tubig, at unti-unting nahati iyon.” Tumawid sila sa tuyong sahig ng ilog at patuloy na ‘nag-usap habang naglalakad.’ Maliwanag na hindi inisip ni Eliseo na alam na niya noon ang lahat. Hanggang noong papaalis na si Elias, patuloy na isinapuso ni Eliseo ang lahat ng sinasabi ng kaniyang tagapagsanay. Pagkatapos, tinangay na si Elias ng isang buhawi. Nang maglaon, bumalik si Eliseo sa Jordan, inihampas niya sa tubig ang kasuutan ni Elias, at sinabi: “Nasaan si Jehova na Diyos ni Elias?” Muli, nahati ang tubig.—2 Hari 2:8-14.
Kung Paano Sinasanay ng mga Elder ang Iba Para Maging Kuwalipikado
16 Napansin mo ba na ang unang himala ni Eliseo ay kaparehong-kapareho ng huling himala ni Elias? Ano ang itinuturo nito sa atin? Lumilitaw na hindi nadama ni Eliseo na yamang pinalitan na niya si Elias, babaguhin na rin niya ang pamamaraan nito. Sa halip, patuloy niyang tinularan ang pamamaraan ni Elias sa ministeryo, sa gayo’y nagpakita ng paggalang sa kaniyang tagapagsanay. Dahil dito, nagtiwala kay Eliseo ang mga kapuwa niya propeta. (2 Hari 2:15) Nang maglaon, sa 60-taóng paglilingkod ni Eliseo bilang propeta, pinakilos siya ni Jehova na gumawa ng mas maraming himala kaysa sa ginawa ni Elias. Ano ang matututuhan dito ng mga sinasanay?
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Ikalawang Hari
2:11—Ano ang “langit” na ‘inakyat ni Elias sa pamamagitan ng buhawi’? Hindi ito ang malalayong bahagi ng pisikal na uniberso ni ang espirituwal na dako kung saan naninirahan ang Diyos at ang kaniyang mga anak na anghel. (Deuteronomio 4:19; Awit 11:4; Mateo 6:9; 18:10) Ang “langit” na inakyat ni Elias ay ang himpapawid. (Awit 78:26; Mateo 6:26) Habang humahagibis sa atmospera ng lupa, lumilitaw na ang maapoy na karo ang naglipat kay Elias sa ibang bahagi ng lupa, kung saan siya nagpatuloy na mabuhay nang ilang panahon. Sa katunayan, pagkalipas ng ilang taon, lumiham si Elias kay Jehoram, ang hari ng Juda.—2 Cronica 21:1, 12-15.
OKTUBRE 31–NOBYEMBRE 6
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 HARI 3-4
“Kunin Mo Na ang Anak Mo”
“Alam Kong Babangon Siya”
7 Ang ikalawang pagkabuhay-muli na nakaulat sa Kasulatan ay isinagawa ni propeta Eliseo, na kahalili ni Elias. Isang kilaláng babaeng Israelita sa Sunem ang malugod na nagpatulóy kay Eliseo. Kaya naman, ang babaeng ito at ang may-edad niyang asawa, na walang anak, ay pinagpala ng Diyos ng isang anak na lalaki. Pero pagkalipas ng ilang taon, namatay ang bata. Isip-isipin ang pamimighati ng babae! Sa pahintulot ng kaniyang asawa, naglakbay ang babae nang mga 30 kilometro para puntahan si Eliseo sa Bundok Carmel. Pinauna ng propeta ang tagapaglingkod niyang si Gehazi pabalik ng Sunem. Pero hindi nito kayang buhayin ang bata. Pagkatapos, dumating ang nagdadalamhating ina kasama si Eliseo.—2 Hari 4:8-31.
“Alam Kong Babangon Siya”
8 Pumasok si Eliseo sa bahay sa Sunem, kung saan naroon ang patay na bata, at nanalangin. Makahimalang nabuhay ang bata at nakapiling muli ng kaniyang ina! (Basahin ang 2 Hari 4:32-37.) Posibleng naalaala ng babae ang panalangin ng dating baog na si Hana nang dalhin nito si Samuel sa tabernakulo: “Si Jehova ay . . . nagbababa sa Sheol, at Siya ay nag-aahon.” (1 Sam. 2:6) Maliwanag, iniahon ng Diyos ang batang lalaki mula sa Sheol, o Libingan, at pinatunayan ang Kaniyang kakayahang bumuhay-muli ng patay.
Espirituwal na Hiyas
Propeta
“Mga Anak ng mga Propeta.” Ayon sa Gesenius’ Hebrew Grammar (Oxford, 1952, p. 418), ang Hebreong ben (anak ng) o benehʹ (mga anak ng) ay maaaring tumukoy sa “pagiging miyembro ng isang samahan o kapisanan (o ng isang tribo, o anumang partikular na grupo).” (Ihambing ang Ne 3:8, kung saan ang pananalitang “isang miyembro ng mga tagapaghalo ng ungguento” sa literal na Hebreo ay “isang anak ng mga tagapaghalo ng ungguento.”) Kaya naman, malamang na “ang mga anak ng mga propeta” ay tumutukoy sa isang samahang naglalaan ng pagsasanay sa mga tinawag sa bokasyong ito, o isang asosasyon ng mga propeta. Iniulat na may gayong pangkat ng mga propeta sa Bethel, Jerico, at Gilgal. (2Ha 2:3, 5; 4:38; ihambing ang 1Sa 10:5, 10.) Pinangasiwaan ni Samuel ang pangkat na nasa Rama (1Sa 19:19, 20), at waring ganito rin ang katayuan ni Eliseo noong panahon niya. (2Ha 4:38; 6:1-3; ihambing ang 1Ha 18:13.) Binanggit ng ulat na nagtayo sila ng kanilang sariling tahanan at gumamit ng isang kasangkapang hiniram, na nagpapahiwatig na namuhay sila nang simple. Bagaman kadalasa’y sama-sama sila sa iisang tirahan at magkakasalo sa pagkain, maaaring mayroon silang kani-kaniyang atas na maglingkod sa ibang mga lugar bilang mga propeta.—1Ha 20:35-42; 2Ha 4:1, 2, 39; 6:1-7; 9:1, 2.