Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr23 Nobyembre p. 1-11
  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2023
  • Subtitulo
  • NOBYEMBRE 6-12
  • NOBYEMBRE 13-19
  • NOBYEMBRE 20-26
  • NOBYEMBRE 27–DISYEMBRE 3
  • DISYEMBRE 4-10
  • DISYEMBRE 11-17
  • DISYEMBRE 18-24
  • DISYEMBRE 25-31
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2023
mwbr23 Nobyembre p. 1-11

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2023 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

NOBYEMBRE 6-12

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 13-14

“Kung Mamatay ang Isang Tao, Mabubuhay Pa Ba Siyang Muli?”

w99 10/15 3 ¶1-3

Ang Ating Paghahanap Ukol sa Mas Mahabang Buhay

KAHIT ngayon, kakaunti ang tututol sa ideyang ito hinggil sa kaiklian ng buhay, bagaman isinulat ito mga 3,500 taon na ang nakalilipas. Laging nasusumpungan ng mga tao na di-kasiya-siyang maranasan nang sandali ang kasariwaan ng buhay at pagkatapos ay tumanda na at mamatay. Kaya naman, ang mga pamamaraan ng pagpapahaba ng buhay ay dumami sa buong kasaysayan.

Noong panahon ni Job, kinakain ng mga Ehipsiyo ang mga bayag ng mga hayop sa bigong pagtatangkang mapanauli ang kanilang kabataan. Ang isa sa mga pangunahing layunin ng alchemy noong edad medya ay ang gumawa ng isang eliksir na mas magpapahaba ng buhay. Marami sa mga alchemist ang naniwala na ang ginto na artipisyal ang pagkakagawa ay makapagdudulot ng imortal na buhay at ang pagkain mula sa ginintuang mga plato ay magpapahaba ng buhay. Inakala ng sinaunang mga Tsinong Taoista na mababago nila ang kemistri ng katawan sa pamamagitan ng paggamit ng mga pamamaraan na gaya ng pagbubulay-bulay, mga ehersisyo sa paghinga, at pagdidiyeta at sa gayo’y matamo ang imortalidad.

Ang manggagalugad na Kastila na si Juan Ponce de León ay kilala sa kaniyang walang-pagod na paghahanap sa bukal ng kabataan. Inirekomenda ng isang ika-18-siglong doktor sa kaniyang aklat na Hermippus Redivivus na ikulong ang mga kabataang birhen sa isang maliit na silid sa panahon ng tagsibol at ipunin sa mga bote ang kanilang inilalabas na hininga at gamitin bilang isang sangkap na nagpapahaba ng buhay. Sabihin pa, wala sa mga pamamaraang ito ang nagtagumpay.

w15 4/15 32 ¶1-2

Sisibol Pa Ba ang Pinutol na Puno?

KUNG ikukumpara sa maringal na sedro ng Lebanon, ang punong olibo ay parang hindi gaanong maganda dahil sa nakapilipít ang katawan nito. Pero kaya nitong mabuhay kahit sa mahihirap na kalagayan. May mga punong olibo pa nga na tinatayang 1,000 taon na. Dahil tumatagos nang malalim sa lupa at gumagapang ang mga ugat nito, tumutubo ito uli kahit putól na ang pinakakatawan. Hangga’t buháy ang mga ugat nito, muli itong sisibol.

Kumbinsido ang patriyarkang si Job na kahit mamatay siya, mabubuhay siyang muli. (Job 14:​13-15) Ginamit niyang halimbawa ang isang puno—marahil punong olibo—para ipakitang nagtitiwala siya sa kakayahan ng Diyos na buhayin siyang muli. “May pag-asa maging para sa isang punungkahoy,” ang sabi ni Job. “Kung ito ay puputulin, sisibol pa itong muli.” Kapag umulan matapos ang matinding tagtuyot, puwedeng mabuhay uli ang tuyong tuod ng olibo at magsibol ng mga “sanga na tulad ng bagong tanim.”​—Job 14:​7-9.

w11 3/1 22 ¶5

“Mimithiin Mo”

Ang mga pananalita ni Job ay nagtuturo sa atin ng magandang aral tungkol kay Jehova: Malapít sa puso niya ang mga taong gaya ni Job na umaasa at nagpapahubog sa Kaniya para maging kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. (Isaias 64:8) Pinahahalagahan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga mananamba. ‘Minimithi’ niyang makita ang mga tapat na namatay na. Ang salitang Hebreo na ginamit para sa “mimithiin” ay “walang-dudang isa sa pinakamakahulugang salita para ipahayag ang damdamin ng masidhing pananabik,” ang sabi ng isang iskolar. Oo, hindi lang basta naaalaala ni Jehova ang kaniyang mga mananamba. Nananabik din siyang buhayin silang muli.

Espirituwal na Hiyas

it-1 30 ¶4

Abo

Ang abo ay nagsilbi ring sagisag ng bagay na walang halaga o walang kabuluhan; halimbawa, kinilala ni Abraham sa harap ni Jehova, “Ako ay alabok at abo.” (Gen 18:27; tingnan din ang Isa 44:20; Job 30:19.) At inihalintulad ni Job ang mga pananalita ng kaniyang mga bulaang mang-aaliw sa “mga kawikaang abo.”​—Job 13:12.

NOBYEMBRE 13-19

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 15-17

“Huwag Tularan si Elipaz Kapag Nagpapatibay”

w05 9/15 26 ¶4-5

Labanan ang Maling Kaisipan!

Sa lahat ng tatlong pahayag ni Elipaz, iniharap niya ang ideya na ang Diyos ay labis na mapaghanap anupat lahat ng gawin ng mga lingkod niya ay hindi nakalulugod sa kaniya. “Narito! Sa kaniyang mga lingkod ay wala siyang pananampalataya,” ang sabi ni Elipaz kay Job, “at ang kaniyang mga anghel ay pinararatangan niya ng pagkakamali.” (Job 4:​18, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Nang dakong huli ay sinabi ni Elipaz tungkol sa Diyos: “Sa kaniyang mga banal ay wala siyang tiwala, at maging ang langit ay hindi malinis sa kaniyang paningin.” (Job 15:15) At nagtanong siya: “May anumang kaluguran ba ang Makapangyarihan-sa-lahat kung ikaw ay matuwid?” (Job 22:3) Sang-ayon si Bildad sa pangmalas na ito, sapagkat sinabi niya: “May buwan nga, at hindi ito maliwanag; at ang mga bituin man ay hindi malinis sa . . . paningin [ng Diyos].”​—Job 25:5.

Dapat tayong magbantay na huwag maimpluwensiyahan ng gayong kaisipan. Maaari tayong akayin nito na madamang labis-labis ang hinihiling ng Diyos sa atin. Sinisira ng pangmalas na ito ang mismong kaugnayan natin kay Jehova. Bukod diyan, kung magpapadaig tayo sa ganitong uri ng pangangatuwiran, paano pa tayo tutugon kapag nilapatan tayo ng kinakailangang disiplina? Sa halip na mapagpakumbaba nating tanggapin ang pagtutuwid, ang ating puso ay baka ‘magngalit laban kay Jehova mismo,’ at baka maghinanakit tayo sa kaniya. (Kawikaan 19:3) Talaga ngang makapipinsala ito sa ating kaugnayan sa Diyos!

w15 2/15 9 ¶16

Tularan ang Kapakumbabaan at Pagkamagiliw ni Jesus

16 Magiliw na pananalita natin. Inuudyukan tayo ng magiliw na pagmamahal sa iba na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tes. 5:14) Paano natin sila mapatitibay? Maaari nating sabihin na talagang nagmamalasakit tayo sa kanila. Magbigay ng taimtim na komendasyon para makita nila ang magagandang katangian nila at kakayahan. Puwede rin nating ipaalaala sa kanila na inilapit sila ni Jehova sa kaniyang Anak, kaya tiyak na napakahalaga nila sa kaniya. (Juan 6:44) Tiyakin natin sa kanila na talagang nagmamalasakit si Jehova sa mga lingkod niya na “wasak ang puso” o “may espiritung nasisiil.” (Awit 34:18) Ang magiliw na pananalita natin ay makapagpapaginhawa sa mga nangangailangan ng tulong.​—Kaw. 16:24.

Espirituwal na Hiyas

w06 3/15 14 ¶11

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Job

7:​9, 10; 10:21; 16:22—Ipinahihiwatig ba ng mga pananalitang ito na hindi naniniwala si Job sa pagkabuhay-muli? Mga komento ito tungkol sa malapit nang mangyari kay Job. Kung gayon, ano ang ibig niyang sabihin? Ang isang posibleng kahulugan ay na kung mamamatay siya, hindi na siya makikita ng kaniyang mga kapanahon. Sa pananaw nila, hindi na siya babalik sa kaniyang bahay ni kikilalanin man hanggang sa itinakdang panahon ng Diyos. Baka ibig ding sabihin ni Job na walang sinumang makababalik mula sa Sheol sa ganang sarili niya. Maliwanag na ipinakikita ng Job 14:​13-15 na umaasa si Job sa pagkabuhay-muli sa hinaharap.

NOBYEMBRE 20-26

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 18-19

“Huwag Talikuran ang Ating mga Kapatid”

w22.01 16 ¶9

Mga Aral Mula sa Pagluha ni Jesus

9 Matutulungan mo ang mga nagdadalamhati. Hindi lang umiyak si Jesus kasama nina Marta at Maria, pinakinggan din niya sila at pinatibay. Magagawa rin natin iyan. Sinabi ni Dan, isang elder sa Australia: “Nang mamatay ang asawa ko, kailangang-kailangan ko ng tulong. May ilang mag-asawa na araw at gabing nakinig sa akin. Hinayaan lang nila akong umiyak at ilabas ang nararamdaman ko. Tinulungan nila ako sa ilang gawain, gaya ng paglilinis ng kotse, paggo-grocery, at pagluluto kapag wala akong ganang gawin ang mga ito. At madalas silang nananalanging kasama ko. Talagang tunay silang kaibigan at kapatid na ‘maaasahan kapag may problema.’”—Kaw. 17:17.

w21.09 30 ¶16

Kapag Iniwan ng Mahal Natin sa Buhay si Jehova

16 Patuloy na tulungan ang tapat na mga kapamilya ng natiwalag. Kailangan nila ang pagmamahal at pampatibay lalong-lalo na ngayon. (Heb. 10:​24, 25) Kung minsan, napapansin nila na iniiwasan sila ng ilang kapatid na para bang natiwalag din sila. Ayaw natin na mangyari iyon! Ang mga kabataan na may mga magulang na natiwalag ang lalo nang nangangailangan ng komendasyon at pampatibay. Sinabi ni Maria, na natiwalag ang asawa at iniwan ang pamilya nila: “Pumunta ang ilang kaibigan namin sa bahay, nagluto ng pagkain, at sinamahan kami sa aming pampamilyang pagsamba. Dinamayan nila ako at umiyak kasama ko. Ipinagtanggol nila ako noong may kumalat na tsismis tungkol sa akin. Talagang napatibay nila ako!”—Roma 12:​13, 15.

w90 9/1 22 ¶20

Ikaw ba ay Nagsisikap Makaabot?

20 Dapat matalos ng isang lupon ng matatanda na ang pag-aalis sa isang dating tagapangasiwa o ministeryal na lingkod ay maaaring magdala sa kaniya ng kaigtingan ng kalooban, kahit na kung kusang nagbitiw siya sa pribilehiyo. Kung siya’y hindi naman itiniwalag, ngunit nakikita ng matatanda na ang kapatid na iyon ay nanlulumo, sila’y dapat maglaan ng mapagmahal na tulong sa espirituwal. (1 Tesalonica 5:14) Dapat nilang tulungan siya na matantong siya’y kinakailangan sa kongregasyon. Kahit na kung sakaling kinailangan na bigyan siya ng payo, marahil ay hindi kakailanganin ang isang napakahabang panahon bago ang isang mapagpakumbaba at mapagpasalamat na lalaki’y muling tumanggap ng karagdagang mga pribilehiyo ng paglilingkod sa kongregasyon.

Espirituwal na Hiyas

w94 10/1 32

Ang Nagagawa ng Isang Salitang May Kabaitan

Gayunman, nang si Job mismo ang nangangailangan ng pampatibay-loob, si Eliphaz at ang kaniyang mga kasamahan ay hindi bumigkas ng mga salitang may kabaitan. Kanilang sinisi si Job dahil sa kaniyang kahirapan, anupat ipinahihiwatig na baka siya ay may lihim na kasamaan. (Job 4:8) Ganito ang komento ng The Interpreter’s Bible: “Ang kailangan ni Job ay isang madamaying pusong makatao. Ang nakukuha niya ay sunud-sunod na ganap na ‘totoo’ at ganap na magagandang relihiyosong bukambibig at mga sawikain sa moral.” Gayon na lamang ang pagkabalisa ni Job nang marinig ang mga pananalita ni Eliphaz at ng kaniyang mga kasamahan anupat siya’y napilitang humiyaw: “Hanggang kailan ninyo patuloy na pahihirapan ang aking kaluluwa at patuloy na babagabagin ako ng mga salita?”—Job 19:2.   

Kailanman ay huwag nawa tayong maging sanhi ng paghiyaw sa paghihirap ng isang kapuwa lingkod ng Diyos dahil sa ating walang-ingat, nakasasakit na mga salita. (Ihambing ang Deuteronomio 24:15.) Ganito ang babala ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang sinasabi mo ay maaaring mag-ingat ng buhay o magwasak niyaon; kaya dapat mong tanggapin ang ibubunga ng iyong mga salita.”​—Kawikaan 18:​21, TEV.

NOBYEMBRE 27–DISYEMBRE 3

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 20-21

“Kayamanan—Hindi Sukatan ng Pagiging Matuwid”

w07 8/1 29 ¶12

Ikaw ba ay “Mayaman sa Diyos”?

12 Pinaghambing ni Jesus ang pagiging mayaman sa Diyos at ang pag-iimbak ng materyal na kayamanan para sa sarili, o pagpapayaman. Kaya ipinakikita ni Jesus na ang dapat na pangunahin sa ating buhay ay hindi ang pagkakamal ng kayamanan o pagpapakasasa sa materyal na mga pag-aari. Sa halip, dapat nating gamitin ang ating mga tinatangkilik sa paraang magpapabuti, o magpapatibay, ng ating kaugnayan kay Jehova. Kung gagawin natin ito, tiyak na magiging mayaman tayo sa Diyos. Bakit? Sapagkat nagbubukas ito ng daan para magkamit ng maraming pagpapala mula sa kaniya. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”​—Kawikaan 10:22.

Espirituwal na Hiyas

w95 1/1 9 ¶19

Pananagumpay kay Satanas at sa Kaniyang mga Gawa

19 Kapansin-pansin na kinailangang paglabanan ng lingkod ng Diyos na si Job ang “mga kaisipang nakababagabag” na idinulot ni Satanas sa pamamagitan nina Eliphaz at Sophar. (Job 4:​13-18; 20:​2, 3) Sa gayon ay nakaramdam si Job ng “pagkayamot,” na naging dahilan upang siya’y magbigay-daan sa “pabigla-biglang salita” tungkol sa “pagkasindak” na nagpapahirap sa kaniyang isip. (Job 6:​2-4; 30:​15, 16) Matamang nakinig kay Job si Elihu at buong-katapatang tinulungan siyang makita ang pinakamatalinong pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay. Gayundin sa ngayon, ipinamamalas ng maunawaing matatanda na sila’y nagmamalasakit sa mga nahahapis sa pamamagitan ng hindi pagdaragdag ng higit pang “pabigat” sa kanila. Sa halip, gaya ni Elihu, matiyaga nilang pinakikinggan sila at pagkatapos ay hinahaplusan ng nakagiginhawang langis ng Salita ng Diyos. (Job 33:​1-3, 7; Santiago 5:​13-15) Samakatuwid, sinuman na ang emosyon ay binabagabag ng mapapait na karanasan, totoo man ito o guniguni, o “tinatakot . . . ng mga panaginip, at ng mga pangitain” gaya ni Job, ay maaaring makasumpong ng nakagiginhawang maka-Kasulatang kaaliwan sa loob ng kongregasyon.​—Job 7:14; Santiago 4:7.

DISYEMBRE 4-10

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 22-24

“May Silbi Ba ang Tao sa Diyos?”

w05 9/15 27 ¶1-3

Labanan ang Maling Kaisipan!

Ang pangmalas na walang silbi sa Diyos ang mga tao ay may malapit na kaugnayan sa ideya na Siya ay labis na mapaghanap. Ang ikatlong pahayag ni Elipaz ay may ganitong tanong: “Mayroon bang silbi sa Diyos ang isang matipunong lalaki, anupat ang sinumang may kaunawaan ay may silbi sa kaniya?” (Job 22:2) Ipinahihiwatig ni Elipaz na walang silbi sa Diyos ang tao. Sa katulad na paraan, nangatuwiran si Bildad: “Paanong malalagay sa tama ang taong mortal sa harap ng Diyos, o paanong magiging malinis ang isang ipinanganak ng isang babae?” (Job 25:4) Ayon sa pangangatuwirang iyan, paano masasabi ni Job, isang tao lamang, na mayroon siyang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos?

Ang ilang tao sa ngayon ay sinasalot ng negatibong damdamin tungkol sa kanilang sarili. Maaaring ito’y dahil sa paraan ng pagpapalaki sa loob ng pamilya, pagkahantad sa mga panggigipit sa buhay, o pagiging biktima ng pagkapoot dahil sa lahi o etnikong pinagmulan. Ngunit natutuwa rin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo na pahinain ang loob ng isang tao. Kung maiimpluwensiyahan nila ang isang indibiduwal para makadamang hindi kalugud-lugod sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang lahat ng ginagawa niya, mas madali siyang mawawalan ng pag-asa. Sa kalaunan, ang gayong tao ay maaanod papalayo, o tuwiran pa ngang lalayo, mula sa Diyos na buháy.​—Hebreo 2:1; 3:12.

Limitado ang ating nagagawa dahil sa pagtanda at mga problema sa kalusugan. Ang naibabahagi natin sa paglilingkod sa Kaharian ay maaaring maliit lamang kung ihahambing sa nagagawa natin noong tayo ay mas bata, mas malusog, at mas malakas. Napakahalaga ngang maunawaan na nais ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo na madama nating hindi kalugud-lugod sa Diyos ang ating ginagawa! Dapat nating labanan ang gayong kaisipan!

w95 2/15 27 ¶6

Isang Aral Kung Papaano Haharapin ang mga Suliranin

Lalo pang sinira ang loob ni Job ng kaniyang tatlong kasamahan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng personal na mga idea sa halip ng maka-Diyos na karunungan. Sinabi pa nga ni Eliphaz na ‘ang Diyos ay walang tiwala sa kaniyang mga lingkod’ at na hindi naman talagang mahalaga kay Jehova kung si Job ay matuwid man o hindi. (Job 4:18; 22:​2, 3) Mahirap isipin ang isang mas nakasisira ng loob—o mas di-totoong—pangungusap kaysa riyan! Di-nakapagtataka, nang dakong huli ay sinaway ni Jehova si Eliphaz at ang kaniyang mga kasamahan dahil sa pamumusong na ito. “Kayong mga lalaki ay hindi nagsalita ng katotohanan tungkol sa akin,” ang sabi niya. (Job 42:7) Subalit ang pinakamapaminsalang kapahayagan ay sa bandang huli pa.

w03 4/15 14-15 ¶10-12

Mga Kabataang Nagpapasaya sa Puso ni Jehova

10 Gaya ng isiniwalat sa ulat ng Bibliya, kinuwestiyon ni Satanas hindi lamang ang katapatan ni Job kundi pati rin ang katapatan ng lahat ng naglilingkod sa Diyos—kasama ka. Sa katunayan, ganito ang sinabi ni Satanas kay Jehova hinggil sa sangkatauhan sa pangkalahatan: “Ang lahat ng pag-aari ng isang tao [hindi lamang ni Job kundi ng kahit sino] ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 2:4) Nakikita mo ba ang iyong papel sa mahalagang isyung ito? Gaya ng ipinahihiwatig sa Kawikaan 27:​11, sinasabi ni Jehova na mayroon kang maibibigay sa kaniya—isang saligan upang may maisagot siya sa kaniyang manunuya, si Satanas. Gunigunihin—tinatawag ka ng Soberano ng Sansinukob na makibahagi sa pagsagot sa pinakadakilang isyu sa buong kasaysayan. Tunay ngang kasindak-sindak na pananagutan at pribilehiyo ang taglay mo! Magagawa mo ba ang hinihiling sa iyo ni Jehova? Nagawa iyon ni Job. (Job 2:​9, 10) Gayundin ang ginawa ni Jesus at ng iba pang di-mabilang na mga tao sa buong kasaysayan, pati na ng maraming kabataan. (Filipos 2:8; Apocalipsis 6:9) Magagawa mo rin iyon. Gayunman, tiyak na walang sinuman ang maaaring maging neutral sa bagay na ito. Sa iyong pagkilos, maipakikita mo kung sinusuportahan mo ang panunuya ni Satanas o ang pagsagot ni Jehova. Alin ang pipiliin mong itaguyod?   

Si Jehova ay Nagmamalasakit sa Iyo!

11 Talaga bang mahalaga kay Jehova kung alin ang pipiliin mo? Hindi pa ba sapat ang dami ng taong nanatiling tapat sa kaniya upang may maibigay siyang sapat na sagot kay Satanas? Totoo, iginiit ng Diyablo na walang sinuman ang maglilingkod kay Jehova nang dahil sa pag-ibig, at napatunayan nang mali ang paratang na iyon. Gayunpaman, nais ni Jehova na pumanig ka sa kaniya sa isyu ng pagkasoberano dahil nagmamalasakit siya sa iyo bilang indibiduwal. Sinabi ni Jesus: “Hindi kanais-nais na bagay sa aking Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay malipol.”​—Mateo 18:14.

12 Maliwanag, interesado si Jehova sa landas mong pipiliin. Higit pa riyan, apektado siya nito. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na lubhang naaantig ang damdamin ni Jehova sa mabuti o masamang pagkilos ng mga tao. Halimbawa, nang paulit-ulit na maghimagsik ang mga Israelita, ‘nasaktan’ si Jehova. (Awit 78:​40, 41) Bago ang Delubyo noong panahon ni Noe, nang “ang kasamaan ng tao ay laganap,” si Jehova ay “nasaktan sa kaniyang puso.” (Genesis 6:​5, 6) Isip-isipin kung ano ang ibig sabihin nito. Kung tatahakin mo ang maling landas, sasaktan mo ang kalooban ng iyong Maylalang. Hindi ito nangangahulugang mahina ang Diyos o nadaraig siya ng emosyon. Sa halip, mahal ka niya at nagmamalasakit siya sa iyong kapakanan. Sa kabilang dako naman, kapag ginawa mo ang tama, napasasaya mo ang puso ni Jehova. Natutuwa siya hindi lamang dahil sa mayroon pa siyang maisasagot kay Satanas kundi dahil maaari mo na siyang maging Tagapagbigay-gantimpala. At iyan ang gusto niyang gawin. (Hebreo 11:6) Tunay na mayroon kang isang maibiging Ama, ang Diyos na Jehova!

Espirituwal na Hiyas

w04 7/15 21

Gamitin ang Espirituwal na mga Tunguhin Upang Luwalhatiin ang Iyong Maylalang

Isaalang-alang kung paano isinagawa ni Jehova ang paglalang ng uniberso. Sa pananalitang “nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga,” ibinukod ni Jehova ang sunud-sunod na mga yugto ng paglalang. (Genesis 1:​5, 8, 13, 19, 23, 31) Sa pasimula ng bawat yugto ng panahon ng paglalang, alam na alam niya ang kaniyang tunguhin, o layunin, para sa araw na iyon. At isinagawa ng Diyos ang kaniyang layunin na lumalang ng mga bagay. (Apocalipsis 4:11) “Ang . . . kaluluwa [ni Jehova] ay may ninanasa, at gagawin niya iyon,” ang sabi ng patriyarkang si Job. (Job 23:13) Tiyak na nagbigay-kasiyahan kay Jehova na makita “ang bawat bagay na ginawa niya” at ipahayag na ito ay “napakabuti”!—Genesis 1:31.

Upang magkatotoo ang ating mga tunguhin, dapat din tayong magkaroon ng masidhing hangarin na matamo ang mga ito. Ano ang tutulong sa atin na magkaroon ng gayong matinding hangarin? Kahit na ang lupa noon ay walang anyo at tiwangwang, patiunang nakikita ni Jehova ang kalalabasan nito—isang magandang hiyas sa kalawakan, na nagbibigay sa kaniya ng kaluwalhatian at karangalan. Sa katulad na paraan, maaaring malinang ang ating hangaring magawa ang ating binabalak gawin sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga resulta at kapakinabangan sa pag-abot ng tunguhin. Iyan ang naging karanasan ng 19-anyos na si Tony. Hinding-hindi niya nakalimutan ang kaniyang unang impresyon sa pagdalaw sa isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Kanlurang Europa. Mula noon, ang katanungang laging nasa isipan ni Tony ay, ‘Ano kaya ang pakiramdam ng tumira at maglingkod sa isang lugar na gaya nito?’ Hindi maalis sa isipan ni Tony ang posibilidad, at nagpatuloy siyang abutin ito. Tuwang-tuwa siya nang pagkaraan ng ilang taon, ang kaniyang aplikasyon na maglingkod sa sangay ay inaprobahan!

DISYEMBRE 11-17

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 25-27

“Puwede Pa Ring Maging Tapat Kahit Hindi Perpekto”

it-2 34

Katapatan

Si Job. Si Job, na maliwanag na nabuhay sa loob ng yugto sa pagitan ng kamatayan ni Jose at ng panahon ni Moises, ay inilalarawan bilang isang lalaking “walang kapintasan [sa Heb., tam] at matuwid, at natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.” (Job 1:1; tingnan ang JOB.) Kalakip sa usapin sa pagitan ng Diyos na Jehova at ni Satanas ang katapatan ng tao at malinaw na makikita ito mula sa pagtatanong ng Diyos sa kaniyang Kalaban tungkol kay Job nang dumating si Satanas noong panahon ng pagtitipon ng mga anghel sa mga korte ng langit. Pinaratangan ni Satanas ng maling motibo ang pagsamba ni Job sa Diyos, anupat sinabi niyang naglilingkod si Job hindi udyok ng dalisay na debosyon kundi para sa sakim na mga pakinabang. Sa gayon ay kinuwestiyon niya ang katapatan ni Job sa Diyos. Nang pahintulutan siyang alisan si Job ng napakarami nitong pag-aari at kunin maging ang mga anak nito, nabigo si Satanas na sirain ang katapatan ni Job. (Job 1:6–2:3) Pagkatapos ay inangkin niya na hangga’t maililigtas ni Job ang kaniyang sarili, may-kasakiman nitong babatahin ang pagkawala ng kaniyang mga pag-aari at mga anak. (Job 2:​4, 5) Pagkatapos nito, nang pasapitan siya ng isang makirot, anupat nakauupos na sakit at udyukan siya ng kaniyang sariling asawa na tumalikod na sa Diyos at gayundin batikusin siya nang may paghamak at siraang-puri ng kaniyang mga kasamahan na nagbigay ng maling impresyon sa mga pamantayan at layunin ng Diyos (Job 2:​6-13; 22:​1, 5-11), si Job ay tumugon na hindi niya itatakwil ang kaniyang pagiging isang taong nagpapakita ng katapatan. “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan! Sa aking pagkamatuwid ay nanghahawakan ako, at hindi ko ito bibitiwan; hindi ako tutuyain ng aking puso sa lahat ng aking mga araw.” (Job 27:​5, 6) Dahil sa pagpapanatili niya ng katapatan, ang Kalaban ng Diyos ay napatunayang isang sinungaling.

w19.02 3 ¶3-5

Manatiling Tapat!

3 Para sa mga lingkod ng Diyos, ang katapatan ay ang buong-pusong pag-ibig at di-natitinag na debosyon kay Jehova. Kaya naman inuuna natin ang kalooban niya sa mga desisyon natin. Isa sa literal na kahulugan ng salitang ginamit ng Bibliya para sa “katapatan” ay ganap, walang kapintasan, o buo. Halimbawa, ang mga Israelita ay naghahandog ng hayop kay Jehova, at sinasabi ng Kautusan na dapat na wala itong kapintasan. (Lev. 22:​21, 22) Ang bayan ng Diyos ay hindi puwedeng maghandog ng hayop na may sakit o kulang ang paa, tainga, o mata. Mahalaga kay Jehova na buo o walang kapintasan ang handog sa kaniya. (Mal. 1:​6-9) Para maintindihan natin kung bakit, ipagpalagay nang bumili ka ng prutas, libro, o isang gamit. Hindi ba ayaw mo ng isa na may sira? Gusto natin na buo ito at walang depekto. Ganiyan din ang nadarama ni Jehova pagdating sa pag-ibig at katapatan natin sa kaniya. Dapat na ganap ito, walang kapintasan, at buo.

4 Dapat bang perpekto tayo para maging tapat? Baka iniisip nating mahirap na maging tapat dahil nagkakamali tayo at marami pa ngang kapintasan. Ano ang makakatulong sa atin para hindi natin maisip iyan? Una, tandaan na hindi nagpopokus si Jehova sa mga kapintasan natin. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Alam niyang makasalanan tayo at di-perpekto, at lagi siyang nakahanda na patawarin tayo. (Awit 86:5) Ikalawa, alam ni Jehova ang mga limitasyon natin, at hindi niya inaasahan ang isang bagay na hindi natin kayang gawin. (Basahin ang Awit 103:​12-14.) Kung gayon, paano tayo magiging ganap, o buo, sa paningin niya?

5 Pag-ibig ang sekreto para manatiling tapat ang mga lingkod ni Jehova. Ang pag-ibig natin sa Diyos at ang di-natitinag na debosyon natin sa ating Ama sa langit ay dapat na ganap, walang kapintasan, at buo. Kung ganiyan ang pag-ibig natin kahit sa harap ng mga pagsubok, makapananatili tayong tapat. (1 Cro. 28:9; Mat. 22:37) Balikan natin ang tatlong Saksi na binanggit sa simula. Bakit ganoon ang naging desisyon nila? Ayaw bang mag-enjoy ng batang babae sa school? Gusto bang mapahiya ng kabataang brother? Gusto ba ng pamilyadong brother na mawalan ng trabaho? Siyempre hindi. Alam nila ang matuwid na pamantayan ni Jehova, at gusto nilang pasayahin ang kanilang Ama sa langit. Dahil sa pag-ibig nila sa kaniya, inuna nila ang Diyos sa kanilang mga desisyon. Sa ganitong paraan, napatunayan nilang tapat sila.

Espirituwal na Hiyas

w16.11 9 ¶3

Organisado Kaayon ng Sariling Aklat ng Diyos

3 Pinatutunayan ng paglalang na si Jehova ang pinakamahusay na Organisador. “Itinatag ni Jehova ang lupa sa pamamagitan ng karunungan,” ang sabi ng Bibliya. “Ang langit ay inilagay niya nang matibay sa pamamagitan ng kaunawaan.” (Kaw. 3:19) Ang alam lang natin ay “mga gilid ng kaniyang mga daan” at “bulong lamang . . . ang narinig” natin tungkol sa Diyos. (Job 26:14) Pero kahit kaunti lang ang nalalaman natin tungkol sa mga planeta, bituin, at mga galaksi, alam nating napakaorganisado ng mga bagay na ito. (Awit 8:​3, 4) Ang mga galaksi ay binubuo ng milyon-milyong bituin, na lahat ay gumagalaw sa kalawakan sa maayos na paraan. At ang mga planeta sa ating solar system ay umiikot sa palibot ng araw na para bang sumusunod sa batas-trapiko! Tiyak na ang kamangha-manghang kaayusang ito sa uniberso ay ebidensiya na karapat-dapat si Jehova sa ating papuri, katapatan, at pagsamba dahil siya ang “lumikha ng mga langit” at ng lupa “sa pamamagitan ng unawa.”​—Awit 136:​1, 5-9.

DISYEMBRE 18-24

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 28-29

“May Reputasyon Ka Bang Gaya ng kay Job?”

w02 5/15 22 ¶19

Magpakita ng Maibiging-Kabaitan sa mga Nangangailangan

19 Ang mga ulat sa Bibliya na ating tinalakay ay nagdiriin din sa bagay na ang maibiging-kabaitan ay dapat ipakita sa mga may pangangailangan na hindi nila masapatan sa ganang sarili. Upang magpatuloy ang kaniyang angkan, kinailangan ni Abraham ang pakikipagtulungan ni Betuel. Upang madala ang kaniyang mga labí sa Canaan, kinailangan ni Jacob ang tulong ni Jose. At upang makapagluwal ng isang tagapagmana, kinailangan ni Noemi ang tulong ni Ruth. Hindi masasapatan nina Abraham, Jacob, at Noemi ang mga pangangailangang iyon nang walang tumutulong. Gayundin naman sa ngayon, ang maibiging-kabaitan ay kailangang ipakita lalo na sa mga nangangailangan. (Kawikaan 19:17) Kailangan nating tularan ang patriyarkang si Job, na nagbigay-pansin sa “napipighati na humihingi ng tulong, at [sa] batang lalaking walang ama at [sa] sinumang walang katulong” gayundin sa “isa na mamamatay na.” ‘Pinasaya [rin ni Job] ang puso ng babaing balo’ at naging ‘mga mata para sa bulag at mga paa para sa pilay.’—Job 29:​12-15.

it-1 549 ¶5

Damit

Marami pang ibang makasagisag na pagtukoy sa pananamit ang binabanggit sa Bibliya. Kung paanong sa pamamagitan ng uniporme o pantanging kasuutan ay maaaring malaman kung anong organisasyon ang kinaaaniban ng isang tao o ang kilusang sinusuportahan niya, gayundin naman, ayon sa makasagisag na pagkakagamit dito ng Bibliya, ang pananamit ay maaaring magpakilala sa isang tao at magpahiwatig kung ano ang kaniyang paninindigan at kung ano ang mga ginagawa niya para suportahan iyon, gaya halimbawa sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa kasuutang pangkasal. (Mat 22:​11, 12; tingnan ang PUTONG, PANAKIP SA ULO; SANDALYAS.) Sa Apocalipsis 16:​14, 15, nagbababala ang Panginoong Jesu-Kristo laban sa panganib na makatulog ang isa sa espirituwal na paraan at mahubaran ng kaniyang pagkakakilanlan bilang isang tapat na saksi ng tunay na Diyos. Maaari itong maging kapaha-pahamak sa panahong malapit na ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”

w09 2/1 15 ¶3-4

Ano ang Kahulugan ng Isang Pangalan?

Hindi natin mapipili ang pangalang ibinigay sa atin noong isilang tayo. Pero nakadepende lamang sa atin ang magiging reputasyon natin. (Kawikaan 20:11) Bakit hindi mo tanungin ang iyong sarili: ‘Kung papipiliin si Jesus o ang mga apostol, ano kayang pangalan ang ibibigay nila sa akin? Anong pangalan ang angkop na lumalarawan sa aking katangian o reputasyon?’

Kailangang pag-isipang mabuti ang mga tanong na ito. Bakit? “Ang pangalan ay mas mabuting piliin sa halip na saganang kayamanan,” ang isinulat ng matalinong haring si Solomon. (Kawikaan 22:1) Isa ngang napakahalagang bagay ang taglay natin kung tayo ay may mabuting pangalan, o reputasyon, sa ating lugar. Pero higit sa lahat, kung may mabuting pangalan tayo sa harap ng Diyos, magkakaroon tayo ng namamalaging kayamanan. Bakit natin nasabi iyon? Nangangako ang Diyos na isusulat niya sa kaniyang “aklat ng alaala” ang lahat ng pangalan ng mga natatakot sa kaniya at pagkakalooban sila ng pag-asang buhay na walang hanggan.​—Malakias 3:16; Apocalipsis 3:5; 20:​12-15.

Espirituwal na Hiyas

g00 7/8 11 ¶3

Ngiti—Makabubuti Ito Para sa Iyo!

Talaga nga bang may nagagawa ang pagngiti? Buweno, natatandaan mo ba nang ang ngiti ng isang tao ay nagpaginhawa sa iyo o nagpapanatag sa iyo? O nang ang di-pagngiti ay nagpakaba o nagpadama pa nga sa iyo na ikaw ay tinanggihan? Oo, talagang may nagagawa ang ngiti. Apektado nito ang ngumingiti at ang nginitian. Ganito ang sabi ng tauhan sa Bibliya na si Job tungkol sa kaniyang mga kaaway: “Nginingitian ko sila—hindi nila pinaniniwalaan iyon—at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila iwinawaksi.” (Job 29:24) “Ang liwanag” ng mukha ni Job ay maaaring naging palatandaan ng kaniyang pagiging magalakin o masayahin.

DISYEMBRE 25-31

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 30-31

“Kung Paano Nakapanatiling Malinis sa Moral si Job”

w10 4/15 21 ¶8

Huwag Tumingin sa mga Bagay na Walang Kabuluhan!

8 Ang mga tunay na Kristiyano ay apektado rin ng pagnanasa ng mga mata at ng laman. Kaya naman hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na disiplinahin ang ating sarili may kinalaman sa ating tinitingnan at hinahangad. (1 Cor. 9:​25, 27; basahin ang 1 Juan 2:​15-17.) Alam ng matuwid na si Job na talagang magkaugnay ang pagtingin at ang paghahangad. Sinabi niya: “Nakipagtipan ako sa aking mga mata. Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga?” (Job 31:1) Hindi lang iniwasan ni Job na humawak sa isang babae nang may malisya; ni hindi niya hinayaang maglaro sa isip niya ang bagay na ito. Idiniin ni Jesus na dapat panatilihing malinis ang isipan mula sa imoral na mga bagay nang sabihin niya: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.”​—Mat. 5:28.

w08 9/1 11 ¶4

Pag-isipan ang “Huling Wakas”

Bago mo ihakbang ang iyong paa sa gayong landas, tanungin ang iyong sarili, ‘Saan ako aakayin nito?’ Kung pag-iisipan mo muna ang posibleng maging “huling wakas” o kahihinatnan ng iyong gagawin, maiiwasan mong tumahak sa landasing maaaring humantong sa masasaklap na resulta. Ang AIDS at iba pang sakit na nakukuha sa pagtatalik, di-inaasahang pagbubuntis, aborsiyon, nasirang relasyon, at inuusig na budhi ay ilan lamang sa napakaraming ‘lubak’ sa daan ng mga nagwawalang-bahala sa direksiyon o mga babala ng Diyos. Malinaw na binanggit ni apostol Pablo ang patutunguhan ng mga nagsasagawa ng imoralidad. Sila ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”​—1 Corinto 6:​9, 10.

w10 11/15 5-6 ¶15-16

Mga Kabataan—Gawing Gabay ang Salita ng Diyos

15 Sa palagay mo, kailan lalo nang nasusubok ang katapatan mo sa Diyos—kapag may kasama ka o kapag nag-iisa? Kapag nasa paaralan o nasa trabaho, malamang na ingat na ingat kang makagawa ng masama. Alisto ka sa anumang bagay na magsasapanganib sa iyong espirituwalidad. Pero kapag nagrerelaks ka at hindi alisto, mas madali kang madala ng tukso.

16 Bakit dapat mong sundin si Jehova kahit nag-iisa ka? Tandaan: Puwede mong saktan ang damdamin ni Jehova o pasayahin ang puso niya. (Gen. 6:​5, 6; Kaw. 27:11) Apektado si Jehova ng iyong mga ginagawa dahil “siya ay nagmamalasakit sa [iyo].” (1 Ped. 5:7) Gusto niyang makinig ka sa kaniya para sa iyong kapakinabangan. (Isa. 48:​17, 18) Nang bale-walain ng ilang sinaunang lingkod ni Jehova ang kaniyang payo, nasaktan siya. (Awit 78:​40, 41) Sa kabilang dako naman, minahal ni Jehova si propeta Daniel anupat tinawag siya ng isang anghel bilang “lubhang kalugud-lugod na lalaki.” (Dan. 10:11) Bakit? Dahil nanatiling tapat si Daniel hindi lang kapag may nakakakita kundi kahit nag-iisa siya.​—Basahin ang Daniel 6:10.

Espirituwal na Hiyas

w05 11/15 11 ¶3

Ang Sining ng Pakikinig Nang May Pag-ibig

Napakinggan ng mga kasamahan ng lalaking si Job ang di-kukulangin sa sampu sa kaniyang mga pahayag. Gayunman, ibinulalas ni Job: “O kung sana ay may nakikinig sa akin.” (Job 31:35) Bakit? Dahil ang kanilang pakikinig ay hindi nakaaaliw. Hindi sila nagmalasakit kay Job ni nagnais mang maunawaan ang kaniyang nadarama. Talagang wala silang pakikipagkapuwa-tao na gaya ng sa madamaying mga tagapakinig. Ngunit nagpapayo si apostol Pedro: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, mahabagin na may paggiliw, mapagpakumbaba sa pag-iisip.” (1 Pedro 3:8) Paano natin maipakikita ang pakikipagkapuwa-tao? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagkabahala sa nadarama ng ibang tao at pagsisikap na maunawaan ang mga ito. Ang may-pagkamadamaying pagkokomento na gaya ng “nakakainis nga naman iyon” o “hindi ka nga siguro naintindihan” ay isang paraan upang ipakita na nababahala tayo. Ang isa pang paraan ay ang ulitin ang sinasabi ng isang tao sa ating sariling pananalita upang ipakitang nauunawaan natin ang kaniyang sinasabi. Ang pakikinig nang may pag-ibig ay nangangahulugan ng pagbibigay-pansin hindi lamang sa mga salita kundi maging sa damdamin na ipinahihiwatig ng mga ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share