Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr24 Marso p. 1-12
  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2024
  • Subtitulo
  • MARSO 4-10
  • MARSO 11-17
  • MARSO 18-24
  • MARSO 25-31
  • ABRIL 1-7
  • ABRIL 8-14
  • ABRIL 15-21
  • ABRIL 22-28
  • ABRIL 29–MAYO 5
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2024
mwbr24 Marso p. 1-12

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2023 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

MARSO 4-10

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 16-17

Kay Jehová Galing ang Lahat ng Mabubuting Bagay

w18.12 26 ¶11

Mga Kabataan, Maaari Kayong Magkaroon ng Kasiya-siyang Buhay

MAGKAROON NG TUNAY NA MGA KAIBIGAN

11 Basahin ang Awit 16:3. Alam ni David ang sekreto para makahanap ng tunay na mga kaibigan. Nakadama siya ng “kaluguran” sa pakikipagsamahan sa mga umiibig kay Jehová. Inilarawan sila bilang “mga banal”​—malinis sa moral at matapat. Ganiyan din ang nadama ng isang salmista tungkol sa pinipili niyang mga kaibigan. Isinulat niya: “Kasamahan ako ng lahat ng natatakot sa iyo, at ng mga tumutupad ng iyong mga pag-uutos.” (Awit 119:63) Gaya ng nakita natin sa nakaraang artikulo, puwede ka ring makahanap ng maraming mabuting kaibigan na may-takot at sumusunod kay Jehová. Siyempre, kabilang dito ang mga taong may iba’t ibang edad.

w14 2/15 29 ¶4

‘Masdan ang Kaigayahan ni Jehová’

“Si Jehová ang sukat ng aking takdang bahagi at ng aking kopa,” ang sabi ni David. “Hinahawakan mong mahigpit ang aking kahinatnan. Ang mga pising panukat ay nahulog para sa akin sa mga kaiga-igayang dako.” (Awit 16:​5, 6) Ipinagpapasalamat ni David ang kaniyang “takdang bahagi,” ibig sabihin, ang pagkakaroon niya ng mabuting kaugnayan kay Jehová at ng pribilehiyong maglingkod sa Kaniya. Gaya ni David, maaaring dumaranas tayo ng mga problema, pero napakarami naman nating espirituwal na pagpapala. Kaya patuloy sana tayong masiyahan sa tunay na pagsamba at “tumingin nang may pagpapahalaga” sa espirituwal na templo ni Jehová.

w08 2/15 3 ¶2-3

Panatilihin si Jehová sa Harap Mo

2 Marami tayong matututuhan sa karanasan ng kilalang mga tauhan sa Bibliya​—sina Abraham, Sara, Moises, Ruth, David, Esther, apostol Pablo, at iba pa. Gayunman, makikinabang din tayo sa mga ulat hinggil sa di-gaanong kilalang mga indibiduwal. Ang pagbubulay-bulay sa mga salaysay ng Bibliya ay makatutulong sa atin na kumilos kasuwato ng pananalita ng salmista: “Lagi kong inilalagay si Jehová sa harap ko. Sa dahilang siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.” (Awit 16:8) Ano ang kahulugan ng mga salitang ito.

3 Karaniwan nang kanang kamay ang ipinanghahawak ng sundalo sa kaniyang tabak, anupat hindi napoprotektahan ng kalasag na hawak ng kaniyang kaliwang kamay ang kaniyang kanan. Pero mapoprotektahan ito kung pupuwesto roon ang isang kaibigan habang nakikipaglaban. Gayundin naman, kung palagi nating isasaisip si Jehová, o pananatilihin siya sa harap natin wika nga, at gagawin ang kaniyang kalooban, makaaasa tayo sa kaniyang proteksiyon. Kaya tingnan natin kung paano mapapatibay ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga ulat ng Bibliya upang ‘mapanatili natin si Jehová sa harap natin.’​—Byington.

Espirituwal na Hiyas

it-1 308

Balintataw

Ang salitang Hebreo na ʼi·shohnʹ (Deu 32:10; Kaw 7:2), kapag ginagamit kasama ang ʽaʹyin (mata), ay literal na nangangahulugang “maliit na tao ng mata”; sa katulad na paraan, ang bath (anak na babae) ay ginagamit sa Panaghoy 2:18 taglay ang ideya ng “anak na babae ng mata,” anupat ang mga pananalitang ito ay kapuwa tumutukoy sa balintataw. Bilang pagdiriin, ang dalawang ito ay pinagtatambal sa Awit 17:8 (ʼi·shohnʹ bath-ʽaʹyin), sa literal, “maliit na tao, anak na babae ng mata” (“balintataw ng mata,” NW). Maliwanag na ang tinutukoy nito ay ang maliit na larawan ng isang tao na masasalamin sa balintataw ng mata ng ibang tao.

Napakaselan at napakasensitibo ng mata; kahit isang maliit na buhok o butil ng alikabok na nasa pagitan ng talukap at ng bilog ng mata ay madaling maramdaman. Ang malinaw na bahagi ng mata (ang kornea) na tumatakip sa balintataw ay kailangang bantayan at ingatan, dahil kung masugatan ang bahaging ito dahil sa pinsala o lumabo dahil sa sakit, maaaring ang resulta ay diperensiya sa paningin o pagkabulag. Sa pamamagitan ng mapuwersa ngunit maingat na pananalita, ginagamit ng Bibliya ang “balintataw ng iyong mga mata” upang tukuyin ang bagay na dapat bantayan nang ubod-ingat. Ganito ang dapat na gawing pagsunod sa kautusan ng Diyos. (Kaw 7:2) Nang banggitin ang makaamang pangangalaga ng Diyos sa Israel, sinasabi ng Deuteronomio 32:10 na iningatan Niya ang bansang iyon “gaya ng balintataw ng kaniyang mata.” Ipinanalangin naman ni David na ingatan at pangalagaan siya ng Diyos gaya ng “balintataw ng mata.” (Aw 17:8) Ninais niyang magmadali si Jehová sa pagkilos alang-alang sa kaniya kapag sinasalakay siya ng kaaway. (Ihambing ang Zac 2:8; kung saan ginagamit ang Hebreong ba·vathʹ ʽaʹyin, ‘itim ng mata.’)​—Tingnan ang MATA, PANINGIN.

MARSO 11-17

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 18

“Si Jehová ang Aking . . . Tagapagligtas”

w09 5/1 14 ¶3-4

Mga Ilustrasyon sa Bibliya​—Nauunawaan Mo ba ang mga Ito.

Inihahalintulad din ng Bibliya si Jehová sa mga bagay na walang buhay. Inilalarawan siya bilang “ang Bato ng Israel,” “malaking bato,” at “moog.” (2 Samuel 23:3; Awit 18:2; Deuteronomio 32:4) Ano ang pagkakatulad. Kung paanong tiyak na hindi makikilos ang isang malaking bato, ang Diyos na Jehová ay isang tiyak na Pinagmumulan ng katiwasayan.

5 Ang aklat ng Mga Awit ay punung-punô ng mga ilustrasyong naglalarawan sa iba’t ibang katangian ni Jehová. Halimbawa, tinutukoy ng Awit 84:11 si Jehová bilang ang “araw at kalasag” sapagkat siya ang Pinagmumulan ng liwanag, buhay, enerhiya, at proteksiyon. Sa kabilang dako, sinasabi ng Awit 121:5 na “si Jehová ang iyong lilim sa iyong kanan.” Kung paanong ang isang lilim ay maaaring magbigay sa iyo ng proteksiyon mula sa matinding sikat ng araw, ang mga naglilingkod kay Jehová ay maaaring proteksiyunan niya mula sa matinding kalamidad, anupat pinoproteksiyunan sila sa ilalim ng kaniyang “kamay” o “mga pakpak.”​—Isaias 51:16; Awit 17:8; 36:7.

it-2 1319 ¶4

Tinig

Naririnig ng Diyos ang tinig ng kaniyang mga lingkod. Yaong mga naglilingkod sa Diyos sa espiritu at katotohanan ay maaaring tumawag sa Diyos taglay ang katiyakan na naririnig niya ang kanilang tinig, anuman ang wikang ginagamit nila sa pagtawag sa kaniya. Bukod diyan, kahit pa nga walang kalakip na literal na tinig, anupat ang pakiusap sa Diyos ay tahimik lamang, ang Diyos, na nakakakilala sa mga puso ng mga tao, ay “dumirinig” o nagbibigay-pansin. (Aw 66:19; 86:6; 116:1; 1Sa 1:13; Ne 2:4) Naririnig ng Diyos ang mga napipighati na humihingi ng tulong sa kaniya, at naririnig din niya ang tinig at nalalaman ang mga intensiyon ng mga taong sumasalansang sa kaniya at nagpapakana ng kasamaan laban sa kaniyang mga lingkod.​—Gen 21:17; Aw 55:​18, 19; 69:33; 94:​9-11; Jer 23:25.

w22.04 3 ¶1

Kung Paano Makakayanan ang Sobrang Pag-aalala

2. Magbulay-bulay. May naiisip ka bang mga pagsubok noon na nakayanan mo dahil sa tulong ni Jehová. Kapag binubulay-bulay natin kung paano tayo tinulungan ni Jehová pati na ang mga lingkod niya noon, mas napapanatag tayo at lalong tumitibay ang pagtitiwala natin sa kaniya. (Awit 18:​17-19) “May listahan ako ng mga panalangin ko na sinagot ni Jehová,” ang sabi ng elder na si Joshua. “Nakatulong ito sa akin para maalala ko ang mga pagkakataon na nanalangin ako kay Jehová nang espesipiko at ibinigay niya sa akin kung ano ang talagang kailangan ko.” Oo, kapag binubulay-bulay natin kung paano tayo tinulungan ni Jehová noon, nagkakaroon tayo ng lakas na makayanan ang sobrang pag-aalala.

Espirituwal na Hiyas

it-2 82

Kerubin

Di-tulad ng paniwala ng ilan, ang mga disenyong kerubin na ito ay hindi nakatatakot na mga pigurang kinopya sa dambuhalang may-pakpak na mga imaheng sinasamba noon ng mga bansang pagano. Ayon sa sinaunang tradisyong Judio (walang sinasabi ang Bibliya tungkol dito), ang mga kerubing ito ay may anyong tao. Ang mga ito’y mahuhusay na mga likhang-sining, na naglalarawan sa mga anghelikong nilalang na may maluwalhating kagandahan, at ang bawat detalye ng mga ito ay ginawa “ayon sa . . . parisan” na tinanggap ni Moises mula kay Jehová mismo. (Exo 25:9) Inilalarawan ng apostol na si Pablo ang mga ito bilang “maluwalhating mga kerubin na lumililim sa panakip na pampalubag-loob.” (Heb 9:5) Ang mga kerubing ito’y iniugnay sa presensiya ni Jehová: “At doon ako haharap sa iyo at magsasalita ako sa iyo mula sa ibabaw ng takip, mula sa pagitan ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo.” (Exo 25:22; Bil 7:89) Kaya naman sinasabing si Jehová ay “nakaupo sa [o, sa pagitan ng] mga kerubin.” (1Sa 4:4; 2Sa 6:2; 2Ha 19:15; 1Cr 13:6; Aw 80:1; 99:1; Isa 37:16) Sa makasagisag na paraan, ang mga kerubin ay nagsilbing “kawangis ng karo” na sinasakyan ni Jehová (1Cr 28:18), at ang mga pakpak ng mga kerubin ay naglalaan ng proteksiyon at mabilis na paglalakbay. Kaya naman, sa matulaing awit, inilarawan ni David kung gaano kabilis siya sinaklolohan ni Jehová, na gaya ng isa na ‘dumating na nakasakay sa isang kerubin at dumating na lumilipad’ at “nasa mga pakpak ng isang espiritu.”​—2Sa 22:11; Aw 18:10.

MARSO 18-24

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 19-21

“Ang Langit ay Naghahayag ng Kaluwalhatian ng Diyos”

w04 1/1 8 ¶1-2

Ihayag ng Lahat ang Kaluwalhatian ni Jehová

SI David, ang anak ni Jesse, ay lumaki bilang isang binatilyong pastol sa kapaligiran ng Betlehem. Malamang na madalas niyang masdan ang pagkalawak-lawak at mabituing kalangitan sa katahimikan ng gabi habang binabantayan ang mga kawan ng kaniyang ama sa malungkot na mga pastulang iyon ng tupa. Walang alinlangan, naalaala niya ang gayong malilinaw na larawan nang kathain at awitin niya, sa ilalim ng pagkasi ng banal na espiritu ng Diyos, ang magagandang pananalita sa ika-19 na Awit: “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan. Sa buong lupa ay lumabas ang kanilang pising panukat, at ang kanilang mga pananalita ay hanggang sa dulo ng mabungang lupain.”​—Awit 19:​1, 4.

2 Bagaman walang pananalita, walang mga kataga, at walang tinig, ang langit na nilalang ni Jehová sa kagila-gilalas na paraan ay naghahayag ng kaniyang kaluwalhatian, araw-araw, gabi-gabi. Hindi humihinto ang sangnilalang sa paghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos, at nakapanliliit na muni-munihin na itinatanghal ang tahimik na patotoong ito sa “buong lupa” para makita ng lahat ng naninirahan dito. Gayunman, hindi sapat ang tahimik na patotoo ng sangnilalang. Hinihimok ang tapat na mga tao na sumali sa pagpapatotoo na ginagamit ang kanilang tinig. Sinabi ng isang di-pinanganlang salmista sa tapat na mga mananamba ang kinasihang mga salitang ito: “Mag-ukol kayo kay Jehová ng kaluwalhatian at lakas. Mag-ukol kayo kay Jehová ng kaluwalhatiang nararapat sa kaniyang pangalan.” (Awit 96:​7, 8) Yaong mga may malapít na kaugnayan kay Jehová ay nananabik na tumugon sa paghimok na iyan. Subalit ano ba ang nasasangkot sa pag-uukol ng kaluwalhatian sa Diyos.

w04 6/1 11 ¶8-10

Inihahayag ng Sangnilalang ang Kaluwalhatian ng Diyos.

8 Sumunod ay inilarawan ni David ang isa pang kababalaghan ng sangnilalang ni Jehová: “Sa kanila [ang nakikitang kalangitan] ay naglagay siya ng tolda para sa araw, at ito ay gaya ng kasintahang lalaki kapag lumalabas mula sa kaniyang silid-pangkasalan; nagbubunyi ito gaya ng makapangyarihang lalaki sa pagtakbo sa isang landas. Ang paglabas nito ay mula sa isang dulo ng langit, at ang tapos ng pag-ikot nito ay sa kabilang mga dulo niyaon; at walang anumang nakakubli mula sa init nito.”​—Awit 19:​4-6.

9 Kung ihahambing sa ibang mga bituin, katamtaman lamang ang laki ng araw. Subalit ito ay isang kapansin-pansing bituin, anupat ang mga planetang umiikot sa palibot nito ay napakaliit kung ihahambing dito. Sinasabi ng isang reperensiya na ang araw ay may kimpal (mass) na “2 bilyong bilyong bilyong tonelada”​—99.9 porsiyento ng kimpal ng ating sistema solar. Dahil sa grabidad ng araw, ang lupa ay nakaiikot dito sa layong 150 milyong kilometro nang hindi napapalayo o nahihigop ng araw. Katiting lamang ng enerhiya ng araw ang nakaaabot sa ating planeta, ngunit sapat na ito upang tustusan ang buhay.

10 Binabanggit ng salmista ang araw sa makasagisag na pananalita, anupat inilalarawan ito bilang isang “makapangyarihang lalaki” na tumatakbo mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo nito kapag araw at natutulog naman kapag gabi sa isang “tolda.” Kapag lumulubog ang makapangyarihang bituing iyon, waring pumapasok ito sa isang “tolda,” kung titingnan mula sa lupa, anupat parang magpapahinga na ito. Sa umaga naman, waring bigla itong lumalabas, sumisikat at nagliliwanag “gaya ng kasintahang lalaki kapag lumalabas mula sa kaniyang silid-pangkasalan.” Bilang isang pastol, alam ni David ang matinding lamig sa gabi. (Genesis 31:40) Naaalaala niya kung paanong mabilis na napaiinit siya at ang tanawin sa paligid niya ng mga sinag ng araw. Maliwanag, hindi ito napapagod sa “paglalakbay” mula silangan hanggang kanluran kundi sa halip ay kagaya ng isang “makapangyarihang lalaki,” na handang ulitin ang paglalakbay.

g95 11/8 7 ¶2

Ang Lubhang Di-napapansing Dalubsining sa Ating Panahon

Habang pinasisidhi natin ang ating pagpapahalaga sa kasiningan sa kalikasan makatutulong ito sa atin upang makilala ang ating Maylikha, na ang gawang-kamay ay nakapalibot sa atin. Sa isang pagkakataon sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na masdang maigi ang mga ligaw na bulaklak na tumutubo sa palibot ng Galilea. “Kumuha kayo ng aral mula sa mga liryo sa parang,” aniya, “kung paano sila tumutubo; hindi sila nagpapagal, ni nag-iikid; ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon man sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nagayakan na gaya ng isa sa mga ito.” (Mateo 6:​28, 29) Ang kagandahan ng isang walang-halagang ligaw na bulaklak ay maaaring magpagunita sa atin na ang Diyos ay nagmamalasakit sa mga pangangailangan ng sambahayan ng tao.

Espirituwal na Hiyas

it-1 936

Hebreo, II

Nariyan din ang paralelismong synthetic (o, formal, constructive) kung saan hindi lamang basta inuulit ng ikalawang bahagi ang katulad na kaisipan niyaong nauna o basta nagbibigay ng kasalungat na kaisipan. Sa halip, nagpapalawak ito at nagdaragdag ng bagong kaisipan. Isang halimbawa nito ay ang Awit 19:​7-9:

Ang kautusan ni Jehová ay sakdal,

na nagpapanauli ng kaluluwa.

Ang paalaala ni Jehová ay mapagkakatiwalaan,

na nagpaparunong sa walang-karanasan.

Ang mga pag-uutos mula kay Jehová ay matuwid,

na nagpapasaya ng puso;

Ang utos ni Jehová ay malinis,

na nagpapaningning ng mga mata.

Ang pagkatakot kay Jehová ay dalisay,

na nananatili magpakailanman.

Ang mga hudisyal na pasiya ni Jehová ay totoo;

ang mga iyon ay lubos na matuwid.

Pansinin na ang diwa ay kinukumpleto ng ikalawang bahagi ng bawat pangungusap o sugnay; kaya naman, ang buong talata ay isang sintesis, samakatuwid nga, resulta ng paglalahok ng dalawang elemento. Tanging sa pamamagitan ng pumapangalawang mga kalahating taludtod, gaya ng “na nagpapanauli ng kaluluwa” at “na nagpaparunong sa walang-karanasan,” natututuhan ng mambabasa kung paanong ‘sakdal ang kautusan’ at kung paanong ang “paalaala ni Jehová ay mapagkakatiwalaan.” Sa gayong magkakasunod na paralelismong synthetic, ang hati sa pagitan ng una at ng ikalawang bahagi ay nagsisilbing isang paghinto sa ritmo. Sa gayon, habang napalalawak ang diwa, napananatili rin ang isang tiyak na kayarian ng tula, isang paralelismo ng anyo [form]. Kaya naman kung minsan ay tinatawag itong paralelismong formal o constructive.

MARSO 25-31

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 22

Inihula ang mga Detalye ng Kamatayan ni Jesus

w11 8/15 15 ¶16

Nasumpungan Nila ang Mesiyas.

16 Magtitinging pinabayaan ng Diyos ang Mesiyas. (Basahin ang Awit 22:1.) Kasuwato ng hulang iyan, “nang ikasiyam na oras na [mga alas tres ng hapon] ay sumigaw si Jesus sa malakas na tinig: ‘Eli, Eli, lama sabaktani.’ na kapag isinalin ay nangangahulugang: ‘Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan.’ ” (Mar. 15:34) Hindi naman nawalan ng pananampalataya si Jesus sa kaniyang Ama sa langit. Pinabayaan ng Diyos si Jesus, sa diwa na inalis Niya ang Kaniyang proteksiyon para lubusang masubok ang katapatan ni Kristo. At ang pagsigaw ni Jesus ay katuparan ng Awit 22:1.

w11 8/15 14 ¶13

Nasumpungan Nila ang Mesiyas.

13 Inihula ni David na lalaitin ang Mesiyas. (Basahin ang Awit 22:​7, 8.) Nilait si Jesus habang nagdurusa sa pahirapang tulos, gaya ng iniulat ni Mateo: “Ang mga nagdaraan ay nagsimulang magsalita sa kaniya nang may pang-aabuso, na iniiiling ang kanilang mga ulo at nagsasabi: ‘O ikaw na diumano’y tagapagbagsak ng templo at tagapagtayo nito sa tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili. Kung ikaw ay anak ng Diyos, bumaba ka mula sa pahirapang tulos.’ ” Pinasimulan din siyang gawing katatawanan ng mga punong saserdote, eskriba, at matatandang lalaki, na nagsabi: “Ang iba ay iniligtas niya; ang kaniyang sarili ay hindi niya mailigtas. Siya ay Hari ng Israel; bumaba siya ngayon mula sa pahirapang tulos at maniniwala kami sa kaniya. Inilagak niya sa Diyos ang kaniyang tiwala; sagipin Niya siya ngayon kung ibig Niya siya, sapagkat sinabi niya, ‘Ako ang Anak ng Diyos.’ ” (Mat. 27:​39-43) Kahit nagdurusa si Jesus, nanatili siyang kalmado at hindi nagsalita ng masama. Napakahusay niyang huwaran.

w11 8/15 15 ¶14

Nasumpungan Nila ang Mesiyas.

14 Pagpapalabunutan ang damit ng Mesiyas. Isinulat ng salmista: “Pinaghahati-hatian nila sa kanilang sarili ang aking mga kasuutan, at ang aking damit ay pinagpapalabunutan nila.” (Awit 22:18) Iyan mismo ang nangyari dahil nang ibayubay ng mga sundalong Romano si Jesus, “binaha-bahagi [nila] ang kaniyang mga panlabas na kasuutan sa pamamagitan ng palabunutan.”​—Mat. 27:35; basahin ang Juan 19:​23, 24.

Espirituwal na Hiyas

w06 11/1 29 ¶7

Pagpapakita ng Paggalang sa Ating Sagradong mga Pagtitipon

7 May mga paraan upang maipakita natin ang paggalang sa ating mga pagtitipon. Ang isa ay sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian. Marami sa mga liriko nito ay nasa anyong panalangin at dahil dito, dapat itong awitin nang may pagpipitagan. Sa pagsipi sa Awit 22, sumulat si apostol Pablo bilang pagtukoy sa sinabi ni Jesus: “Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita ng awit.” (Hebreo 2:12) Kaya dapat nating gawing kaugalian na naroroon na tayo sa ating mga upuan bago pa magpaawit ang tsirman at pagkatapos ay ituon natin ang ating pansin sa kahulugan ng mga liriko ng awit habang tayo’y umaawit. Makita nawa sa ating pag-awit ang damdamin ng salmista na sumulat: “Dadakilain ko si Jehová nang aking buong puso sa matalik na kapisanan ng mga matuwid at sa kapulungan.” (Awit 111:1) Oo, ang pag-awit ng mga papuri kay Jehová ay isang napakainam na dahilan upang dumating nang maaga sa ating mga pagpupulong at manatili hanggang sa matapos ang pulong.

w03 9/1 20 ¶1

Purihin si Jehová “sa Gitna ng Kongregasyon”

Sa ngayon, gaya rin noong una, ang bawat mananampalataya ay binibigyan ng pagkakataon na magpahayag ng kaniyang pananampalataya “sa gitna ng kongregasyon.” Isang pagkakataong bukás para sa lahat ang pagbibigay ng mga komento bilang sagot sa mga tanong na inihaharap sa tagapakinig sa mga pulong ng kongregasyon. Huwag maliitin ang mga kapakinabangang maidudulot nito. Halimbawa, ang mga komento na nagtatanghal kung paano mapagtatagumpayan o maiiwasan ang mga suliranin ay magpapatibay sa determinasyon ng ating mga kapatid na sundin ang mga simulain ng Bibliya. Ang mga komento na nagpapaliwanag sa mga binanggit subalit hindi siniping mga teksto sa Bibliya o naglalakip ng mga impormasyong natamo sa personal na pagsasaliksik ay maaaring magpasigla sa iba na magkaroon ng mas mabuting mga kaugalian sa pag-aaral.

ABRIL 1-7

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 23-25

“Si Jehová ang Aking Pastol”

w11 5/1 31 ¶3

“Si Jehová ang Aking Pastol”

Inaakay ni Jehová ang kaniyang mga tupa. Ang mga tupang walang pastol ay maaaring maligaw. Sa katulad na paraan, kailangan natin ng tulong upang masumpungan ang tamang landas sa buhay. (Jeremias 10:23) Sinabi ni David na pinapatnubayan ni Jehová ang kaniyang mga lingkod sa “madamong pastulan” at sa “mga pahingahang-dako na natutubigang mainam.” Inaakay niya sila “sa mga landas ng katuwiran.” (Talata 2, 3) Ang mga paglalarawang ito ay tumitiyak sa atin na makapagtitiwala tayo sa Diyos. Kung susundin natin ang pag-akay ng Diyos sa pamamagitan ng Bibliya, tayo ay magiginhawahan, magiging kontento at panatag.

w11 5/1 31 ¶4

“Si Jehová ang Aking Pastol”

Ipinagsasanggalang ni Jehová ang kaniyang mga tupa. Ang mga tupa ay natatakot at nanghihina kapag wala ang kanilang pastol. Sinasabi ni Jehová sa kaniyang mga lingkod na hindi sila dapat matakot, kahit na kapag sila ay ‘lumalakad sa libis ng matinding karimlan’​—sa waring pinakamadilim na sandali ng kanilang buhay. (Talata 4) Binabantayan sila ni Jehová, anupat laging handang tumulong sa kanila. Maaari niyang bigyan ang mga sumasamba sa kaniya ng karunungan at lakas na kailangan nila upang maharap ang mga pagsubok.​—Filipos 4:13; Santiago 1:​2-5.

w11 5/1 31 ¶5

“Si Jehová ang Aking Pastol”

Pinakakain ni Jehová ang kaniyang mga tupa. Ang mga tupa ay umaasa sa kanilang pastol para sa pagkain. Mayroon tayong espirituwal na pangangailangan na matutugunan lamang sa tulong ng Diyos. (Mateo 5:3) Mabuti na lang at bukas-palad na Tagapaglaan si Jehová. Naghahanda siya ng saganang pagkain sa kaniyang mga lingkod. (Talata 5) Ang Bibliya at mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, gaya ng magasing binabasa mo ngayon, ay pinagmumulan ng espirituwal na pagkain na nakasasapat sa ating pangangailangan upang malaman ang kahulugan ng buhay at ang layunin ng Diyos para sa atin.

Espirituwal na Hiyas

w11 2/15 24 ¶1-3

Ibigin ang Katuwiran Nang Buong Puso

SA PAMAMAGITAN ng kaniyang Salita at banal na espiritu, inaakay ni Jehová ang kaniyang bayan sa “mga landas ng katuwiran.” (Awit 23:3) Pero dahil hindi tayo sakdal, may tendensiya tayong lumihis sa landas na iyon. Para makabalik sa paggawa ng tama, kailangan ang determinasyon at pagsisikap. Ano ang tutulong sa atin para magtagumpay. Gaya ni Jesus, dapat nating ibigin ang tama.​—Basahin ang Awit 45:7.

2 Ano ang “mga landas ng katuwiran”. Ang landas ay isang makitid na daang nilalakaran. Ang “mga landas” na iyon ay nakasalig sa pamantayan ng katuwiran na itinakda ni Jehová. Sa Hebreo at Griego, ang “katuwiran” ay tumutukoy sa isang bagay na “matuwid”; nagpapahiwatig ito ng mahigpit na panghahawakan sa mga simulain hinggil sa moral. Yamang si Jehová ang “tinatahanang dako ng katuwiran,” sa kaniya umaasa ang kaniyang mga mananamba para magtakda ng matuwid na landas na dapat lakaran.​—Jer. 50:7.

3 Ang tanging paraan para lubos nating mapalugdan ang Diyos ay ang buong-pusong pagsunod sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. (Deut. 32:4) Para magawa ito, kailangan muna ang masigasig na pag-aaral tungkol sa Diyos na Jehová sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Habang dumarami ang ating natututuhan tungkol sa kaniya at mas nápapalapít sa kaniya, lalo nating iniibig ang kaniyang katuwiran. (Sant. 4:8) Dapat din nating tanggapin ang patnubay ng kinasihang Salita ng Diyos kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon sa buhay.

ABRIL 8-14

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 26-28

Ang Ginawa ni David Para Patibayin ang Determinasyon Niyang Manatiling Tapat

w04 12/1 14 ¶8-9

Lumakad sa Daan ng Katapatan

8 Nanalangin si David: “Suriin mo ako, O Jehová, at ilagay mo ako sa pagsubok; dalisayin mo ang aking mga bato at ang aking puso.” (Awit 26:2) Matatagpuan ang mga bato natin sa kaloob-loobang bahagi ng ating katawan. Sa makasagisag na paraan, kumakatawan ang mga bato sa kaibuturan ng isip at damdamin ng isang tao. At ang makasagisag na puso naman ay kumakatawan sa buong panloob na pagkatao​—sa kaniyang motibo, damdamin, at talino. Nang hilingin ni David kay Jehová na suriin siya, idinadalangin niya na saliksikin at siyasatin ang kaibuturan ng kaniyang isip at damdamin.

9 Nakiusap si David na dalisayin sana ang kaniyang mga bato at ang kaniyang puso. Paano dinadalisay ni Jehová ang ating panloob na pagkatao. Umawit si David: “Pagpapalain ko si Jehová, na nagpapayo sa akin. Tunay nga, kapag gabi ay itinutuwid ako ng aking mga bato.” (Awit 16:7) Ano ang kahulugan nito. Nangangahulugan ito na ang payo ng Diyos ay nanuot sa kaloob-loobang mga bahagi ng pagkatao ni David at namalagi roon, anupat itinutuwid ang kaibuturan ng kaniyang isip at damdamin. Mangyayari rin ito sa atin kung may-pagpapahalaga nating bubulay-bulayin ang payong tinatanggap natin sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, ng mga kinatawan niya, at ng kaniyang organisasyon at hahayaan itong manuot sa kaibuturan ng ating kalooban. Ang regular na pananalangin kay Jehová upang dalisayin tayo sa ganitong paraan ay tutulong sa atin na lumakad sa katapatan.

w04 12/1 15-16 ¶12-13

Lumakad sa Daan ng Katapatan

12 Sa pagtukoy sa isa pang salik na nagpatibay sa kaniyang katapatan, sinabi ni David: “Hindi ako umupong kasama ng mga taong bulaan; at hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari. Kinapopootan ko ang kongregasyon ng mga manggagawa ng kasamaan, at hindi ako umuupong kasama ng mga balakyot.” (Awit 26:​4, 5) Hindi talaga uupo si David kasama ng mga balakyot. Kinapopootan niya ang masasamang kasama.

13 Kumusta naman tayo. Tumatanggi ba tayong makisama sa mga taong bulaan sa mga programa sa telebisyon, video, pelikula, site sa Internet, o sa iba pang paraan. Lumalayo ba tayo sa mga mapagpakunwari. Ang ilan na kasama natin sa paaralan o sa dakong pinagtatrabahuhan natin ay maaaring magkunwaring nakikipagkaibigan sa atin para sa tusong mga layunin. Talaga bang gusto nating maging malapít sa mga hindi lumalakad sa katotohanan ng Diyos. Bagaman nag-aangkin silang taimtim, maaari ring ikubli ng mga apostata ang kanilang intensiyon na ilayo tayo sa paglilingkod kay Jehová. Paano naman kung may ilan sa kongregasyong Kristiyano na nagtataguyod ng dobleng pamumuhay. Nagkukunwari rin sila. Si Jayson, na naglilingkod na ngayon bilang ministeryal na lingkod, ay may gayong mga kaibigan noong kabataan pa siya. Tungkol sa kanila, sinabi niya: “Isang araw, sinabi sa akin ng isa sa kanila: ‘Hindi importante kung ano ang ginagawa natin ngayon dahil kapag dumating ang bagong sistema, mamamatay lang naman tayo. Hindi na natin malalaman kung ano ang hindi natin naranasan.’ Ang gayong uri ng pananalita ang nagmulat ng aking mata. Ayaw kong mamatay kapag dumating ang bagong sistema.” May-katalinuhang pinutol ni Jayson ang kaniyang pakikisama sa gayong mga indibiduwal. “Huwag kayong palíligaw,” ang babala ni apostol Pablo. “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Napakahalaga nga na iwasan natin ang masasamang kasama.

w04 12/1 16 ¶17-18

Lumakad sa Daan ng Katapatan

17 Ang tabernakulo, pati na ang altar nito para sa mga hain, ang sentro ng pagsamba kay Jehová sa Israel. Sa pagpapahayag sa kaniyang pagkalugod sa dakong iyon, nanalangin si David: “Jehová, iniibig ko ang tahanan sa iyong bahay at ang dako na tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.”​—Awit 26:8.

18 Gustung-gusto ba nating magtipon sa mga lugar kung saan natututo tayo tungkol kay Jehová. Bawat Kingdom Hall, pati na ang regular na programa nito sa espirituwal na pagtuturo, ay nagsisilbing sentro ng tunay na pagsamba sa komunidad. Bukod dito, mayroon tayong taunang mga kombensiyon, pansirkitong asamblea, at araw ng pantanging asamblea. Tinatalakay sa gayong mga pulong ang “mga paalaala” ni Jehová. Kung natututuhan nating ‘lubhang ibigin ang mga iyon,’ masasabik tayong dumalo sa mga pulong at magiging atentibo tayo habang naroroon. (Awit 119:167) Tunay ngang nakagiginhawa na makasama ang mga kapananampalatayang interesado sa ating personal na kapakanan at tumutulong sa atin na manatiling lumalakad sa katapatan.​—Hebreo 10:​24, 25.

Espirituwal na Hiyas

w06 7/15 28 ¶15

Inililigtas ni Jehová ang Napipighati

15 Umawit ang salmistang si David: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehová mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Nakaaaliw ngang malaman na ang pag-ibig ni Jehová ay nakahihigit sa pag-ibig ng sinumang magulang na tao. Gaano man kasakit ang itakwil, maltratuhin, o iwan ng isang magulang, bale-wala ito sa laki ng pagmamalasakit sa iyo ni Jehová. (Roma 8:​38, 39) Tandaan na inilalapit ng Diyos ang mga iniibig niya. (Juan 3:16; 6:44) Anuman ang naging pagtrato sa iyo ng mga tao, iniibig ka ng iyong makalangit na Ama.

ABRIL 15-21

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 29-31

Disiplina​—Kapahayagan ng Pag-ibig ng Diyos

it-2 426 ¶2

Mukha

Ang ‘pagkukubli ng mukha’ ay may iba’t ibang kahulugan, depende sa kalagayan. Ang pagkukubli ng Diyos na Jehová ng kaniyang mukha ay kadalasang nangangahulugan ng pagkakait ng kaniyang lingap o ng kaniyang umaalalay na kapangyarihan. Maaaring resulta ito ng pagsuway ng isang indibiduwal o ng isang kalipunan ng mga tao, gaya ng bansang Israel. (Job 34:29; Aw 30:​5-8; Isa 54:8; 59:2) Sa ilang kalagayan, maaari itong mangahulugan na si Jehová ay nagpipigil na isiwalat ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagkilos o pagsagot, anupat hinihintay ang kaniyang takdang panahon. (Aw 13:​1-3) Nang hilingin ni David na, “Ikubli mo ang iyong mukha mula sa aking mga kasalanan,” siya’y namamanhik sa Diyos na pagpaumanhinan o isaisantabi ang gayong mga pagsalansang.​—Aw 51:9; ihambing ang Aw 10:11.

w07 3/1 19 ¶1

Maligayang Naghihintay kay Jehová

Ang mga pakinabang sa disiplina mula kay Jehová ay maaari nating ihalintulad sa pagkahinog ng isang prutas. Sinasabi ng Bibliya hinggil sa disiplina mula sa Diyos: “Doon sa mga sinanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.” (Hebreo 12:11) Kung paanong kailangan ng panahon para mahinog ang isang prutas, kailangan din ang panahon para mabago ang ating saloobin bilang tugon sa pagsasanay ng Diyos. Halimbawa, kung mawalan tayo ng ilang pribilehiyo sa kongregasyon dahil sa nagawa nating pagkakamali, hindi tayo masisiraan ng loob at susuko kung handa tayong maghintay sa Diyos. Sa ganitong mga kalagayan, nakapagpapatibay ang kinasihang mga salita ni David: “Ang mapasailalim sa galit [ng Diyos] ay sandali lamang, ang mapasailalim sa kaniyang kabutihang-loob ay panghabang-buhay. Sa gabi ay maaaring manuluyan ang pagtangis, ngunit sa umaga ay may hiyaw ng kagalakan.” (Awit 30:5) Kung magkakaroon tayo ng mapaghintay na saloobin at tatanggapin ang payo ng Salita ng Diyos at ng Kaniyang organisasyon, darating ang panahong ‘hihiyaw tayo sa kagalakan.’

w21.10 6 ¶18

Ano ang Tunay na Pagsisisi.

18 Para ipakitang talagang nagsisisi siya, regular na dadalo sa pulong ang isang natiwalag at susundin niya ang payo ng mga elder na regular na manalangin at mag-aral ng Bibliya. Sisikapin din niyang iwasan ang mga sitwasyon na puwedeng makatukso sa kaniya na magkasala ulit. Kung gagawin niya ang lahat para maayos ang kaugnayan niya kay Jehová, makakatiyak siya na lubusan siyang papatawarin ni Jehová at ibabalik siya ng mga elder sa kongregasyon. Alam ng mga elder na magkakaiba ang mga kaso ng malulubhang pagkakasala kaya maingat nilang sinusuri ang bawat kaso at iniiwasang humatol nang padalos-dalos.

Espirituwal na Hiyas

w06 5/15 19 ¶13

Mga Tampok na Bahagi sa Unang Aklat ng mga Awit

31:23​—Paano lubos na ginagantihan ang isang palalo. Ang ganti rito ay kaparusahan. Ang matuwid ay ginagantihan ng disiplina mula kay Jehová dahil sa kaniyang di-sinasadyang pagkakamali. Yamang hindi binabago ng isang palalo ang kaniyang maling landasin, lubos siyang gagantihan ng matinding kaparusahan.​—Kawikaan 11:31; 1 Pedro 4:18.

ABRIL 22-28

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 32-33

Bakit Dapat Ipagtapat ang Malubhang Kasalanan.

w93 3/15 9 ¶7

Ang Awa ni Jehová ang Nagliligtas sa Atin sa Kawalang-Pag-asa

7 Kung nagkakasala ng malulubhang pagsalansang sa kautusan ng Diyos, maaaring nahihirapan tayo na ipagtapat ang ating mga kasalanan, kahit kay Jehová. Ano ang maaaring mangyari sa ilalim ng gayong mga kalagayan. Sa Awit 32, inamin ni David: “Nang ako’y tumahimik [sa halip na magtapat] ang aking mga buto ay nanlumo dahil sa aking pagdaing buong araw. Sapagkat sa araw at gabi ang kamay mo [Jehová] ay nagpapabigat sa akin. Ang halumigmig ng aking buhay ay nagbago na gaya sa tigang na init ng tag-araw.” (Talatang 3, 4) Ang pagsisikap na ikubli ang kaniyang kasalanan at sansalain ang budhing nagkasala ay nagbigay ng panlulumo sa suwail na si David. Dahil sa dalamhati ay nawalan siya ng sigla anupat siya’y mistulang isang punungkahoy sa tagtuyot na walang nagbibigay-buhay na halumigmig. Sa katunayan, malamang na siya’y nakaranas ng masasamang epektong iyon sa isip at sa pangangatawan. Sa papaano man, napawi ang kaniyang kagalakan. Kung sakaling ang sinuman sa atin ay mapalagay sa gayong kalagayan, ano ang dapat nating gawin.

cl 314 ¶8

Isang Diyos na “Handang Magpatawad”

8 Ang nagsisising si David ay nagsabi: “Sa wakas ay ipinagtapat ko sa iyo ang kasalanan ko; hindi ko itinago ang pagkakamali ko. . . . At pinatawad mo ang mga pagkakamali ko.” (Awit 32:5) Ang terminong “pinatawad” ang siyang pagkasalin sa isang salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “buhatin” o “dalhin.” Ang pagkagamit dito ay nangangahulugang alisin ang “panunumbat ng konsensiya, kasalanan, pagsalansang.” Kaya sa diwa, binuhat ni Jehová ang mga kasalanan ni David at inilayo ang mga ito. Walang pagsalang naibsan nito ang panunumbat ng konsensiya na nagpapahirap kay David. (Awit 32:3) Tayo man ay lubos na makapagtitiwala sa isang Diyos na naglalayo ng mga kasalanan niyaong mga humihiling ng kaniyang kapatawaran salig sa kanilang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus.​—Mateo 20:28.

w01 6/1 30 ¶1

Ang Pagtatapat na Umaakay sa Paggaling

Pagkatapos na magtapat si David, hindi siya nagpadaig sa isang negatibong pagkadama ng kawalang-kabuluhan. Ang kaniyang mga pananalita sa mga awit na isinulat niya tungkol sa pagtatapat ay nagpapakita ng ginhawang nadama niya at ng kaniyang determinasyon na maglingkod sa Diyos nang may katapatan. Halimbawa, tingnan ang Awit 32. Sa talata 1, mababasa natin: “Maligaya siya na ang kaniyang pagsalansang ay pinagpapaumanhinan, na ang kaniyang kasalanan ay tinatakpan.” Gaano man kalubha ang pagkakasala, posibleng maging maligaya ang kalalabasan kung taimtim ang isang tao sa kaniyang pagsisisi. Ang isang paraan upang maipakita ang kataimtimang ito ay sa pamamagitan ng pagtanggap ng buong pananagutan sa mga pagkilos ng isa, gaya ng ginawa ni David. (2 Samuel 12:13) Hindi niya tinangkang ipagmatuwid ang kaniyang sarili sa harap ni Jehová o sinubukan mang ipasa sa iba ang sisi. Sinasabi sa talata 5: “Ang aking kasalanan ay ipinagtapat ko sa iyo sa wakas, at ang aking kamalian ay hindi ko pinagtakpan. Sinabi ko: ‘Ipagtatapat ko ang tungkol sa aking mga pagsalansang kay Jehová.’ At pinagpaumanhinan mo ang kamalian ng aking mga kasalanan.” Ang tunay na pagsisisi ay nagdudulot ng ginhawa, anupat ang isang tao ay hindi na babagabagin ng kaniyang budhi dahil sa nakalipas na mga pagkakamali.

Espirituwal na Hiyas

w06 5/15 20 ¶1

Mga Tampok na Bahagi sa Unang Aklat ng mga Awit

33:6​—Ano ang “espiritu” ng bibig ni Jehová. Ang espiritu ay ang aktibong puwersa, o banal na espiritu, ng Diyos na ginamit niya sa paglalang sa pisikal na mga langit. (Genesis 1:​1, 2) Tinatawag itong espiritu ng kaniyang bibig sapagkat, gaya ng makapangyarihang hininga, maaari itong paratingin sa malayong lugar upang maisakatuparan ang mga bagay-bagay.

ABRIL 29–MAYO 5

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 34-35

‘Purihin si Jehová sa Lahat ng Panahon’

w07 3/1 22 ¶11

Itanyag Nating Sama-sama ang Pangalan ni Jehová

11 “Pagpapalain ko si Jehová sa lahat ng panahon; ang papuri sa kaniya ay laging sasaaking bibig.” (Awit 34:1) Palibhasa’y itinakwil, tiyak na nababalisa si David sa kaniyang materyal na mga pangangailangan, pero gaya ng ipinakikita ng kaniyang mga salita, hindi ito nakapigil sa kaniyang determinasyon na purihin si Jehová. Napakainam ngang halimbawa kapag naghihirap tayo. Nasa paaralan man tayo, nasa trabaho, kasama ng mga kapuwa Kristiyano, o nasa pangmadlang ministeryo, ang dapat na pangunahing hangarin natin ay purihin si Jehová. Isip-isipin na lamang ang napakaraming dahilan para gawin natin ito. Halimbawa, napakarami ang maaari nating kasiya-siyang tuklasin sa kamangha-manghang mga nilalang ni Jehová. At isaalang-alang ang mga naisagawa niya sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon dito sa lupa. Bagaman hindi sila sakdal, ginagamit ni Jehová sa makapangyarihang paraan ang tapat na mga tao sa modernong panahon. Paano naman kung ihahambing ang mga gawa ni Jehová sa mga gawa ng mga taong iniidolo ng sanlibutan. Tiyak na sasang-ayon ka kay David, na sumulat din: “Walang katulad mo sa gitna ng mga diyos, O Jehová, ni mayroon mang mga gawa na tulad ng sa iyo.”​—Awit 86:8.

w07 3/1 22 ¶13

Itanyag Nating Sama-sama ang Pangalan ni Jehová

13 “Si Jehová ay ipaghahambog ng aking kaluluwa; maririnig ng maaamo at magsasaya sila.” (Awit 34:2) Hindi ipinaghahambog dito ni David ang anumang tagumpay niya. Halimbawa, hindi niya ipinaghambog kung paano niya nalinlang ang hari ng Gat. Alam niyang ipinagsanggalang siya ni Jehová noong nasa Gat siya at nakatakas siya sa tulong ni Jehová. (Kawikaan 21:1) Kaya ipinaghahambog ni David si Jehová, hindi ang kaniyang sarili. Dahil dito, naaakit ang maaamo na lumapit kay Jehová. Dinadakila rin ni Jesus ang pangalan ni Jehová, kaya nagaganyak na lumapit sa Kaniya ang mga taong mapagpakumbaba at madaling turuan. Sa ngayon, ang maaamo mula sa lahat ng bansa ay napapalapit sa internasyonal na kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, na ang Ulo ay si Jesus. (Colosas 1:18) Naaantig ang maaamong iyon kapag naririnig nilang niluluwalhati ng kaniyang mapagpakumbabang mga lingkod ang pangalan ng Diyos at kapag naririnig nila ang mensahe ng Bibliya, na nauunawaan nila sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos.​—Juan 6:44; Gawa 16:14.

w07 3/1 23 ¶15

Itanyag Nating Sama-sama ang Pangalan ni Jehová

15 “Nagtanong ako kay Jehová, at sinagot niya ako, at mula sa lahat ng aking pagkatakot ay iniligtas niya ako.” (Awit 34:4) Mahalaga kay David ang karanasang ito. Kaya sinabi pa niya: “Ang napipighating ito ay tumawag, at dininig ni Jehová. At mula sa lahat ng kaniyang mga kabagabagan ay iniligtas Niya siya.” (Awit 34:6) Kapag kasama ang ating mga kapananampalataya, marami tayong pagkakataon para magkuwento ng nakapagpapatibay na mga karanasan kung paano tayo tinulungan ni Jehová na tiisin ang mahihirap na kalagayan. Nakapagpapatibay ito ng pananampalataya ng ating Kristiyanong mga kapatid, kung paanong napatibay ng mga pananalita ni David ang pananampalataya ng kaniyang mga tagasuporta. Ang mga kasamahan ni David ay “tumingin [kay Jehová] at nagningning, at ang kanilang mga mukha ay talagang hindi mapapahiya.” (Awit 34:5) Bagaman tumatakas sila kay Haring Saul, wala silang ikinahihiya. Nagtitiwala silang sinusuportahan ng Diyos si David, at mababakas sa kanilang mukha ang kaligayahan. Sa katulad na paraan, ang mga baguhang interesado pati ang matatagal nang tunay na Kristiyano ay umaasa sa suporta ni Jehová. Yamang nararanasan nila mismo ang kaniyang tulong, makikita sa kanilang mukha ang kaligayahan at determinasyon na manatiling tapat.

Espirituwal na Hiyas

w06 5/15 20 ¶2

Mga Tampok na Bahagi sa Unang Aklat ng mga Awit

35:19​—Ano ang kahulugan ng kahilingan ni David na huwag nawang magkindat ng mata ang mga napopoot sa kaniya. Ang pagkindat ng mata ay nagpapahiwatig ng pagsasaya ng mga kaaway ni David dahil sa tagumpay ng kanilang masamang balak laban sa kaniya. Hiniling ni David na huwag sanang mangyari ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share