Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
© 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
ENERO 5-11
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ISAIAS 17-20
“Ang Mangyayari sa mga Nananamsam sa Atin”
“Ang Kaharian Ko ay Hindi Bahagi ng Sanlibutang Ito”
16 At napakahalaga ng mga pagbabagong ito! Ang sangkatauhan ay inihahalintulad ng Bibliya sa isang dagat na patuloy na umaalimbukay, isang dagat na hindi humuhupa. (Isa. 17:12; 57:20, 21; Apoc. 13:1) Habang ang mga isyu sa politika ay nagdudulot ng galit, pagkakabaha-bahagi, at karahasan, napananatili naman natin ang kapayapaan at pagkakaisa. At habang pinagmamasdan ni Jehova ang ating nababahaging daigdig, tiyak na natutuwa naman siyang makita na nagkakaisa ang kaniyang bayan.—Basahin ang Zefanias 3:17.
Manatiling Neutral sa Nababahaging Daigdig
4 Posibleng payapa naman ang kalagayan ng politika sa lugar natin at may kalayaan tayo sa pagsamba. Pero habang papalapít ang wakas ng sistema ni Satanas, aasahan natin na lalong magiging hamon ang pananatiling neutral. Ang mundo ay punô ng mga taong “hindi bukás sa anumang kasunduan” at “matigas ang ulo,” kaya lalo pang magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi at pagkakasalungatan. (2 Tim. 3:3, 4) Sa ilang lupain, dahil sa mabilis na pagbabago ng kalagayan sa politika, may mga kapatid tayo na biglang napaharap sa isyu ng neutralidad. Nakikita mo ba kung bakit ngayon pa lang ay kailangan na nating patibayin ang ating determinasyon na manatiling neutral? Kung maghihintay tayo hanggang sa may dumating na pagsubok, baka maikompromiso natin ang ating neutralidad. Kaya paano tayo maghahanda para makapanatiling neutral sa nababahaging daigdig na ito? Talakayin natin ang apat na bagay na makatutulong.
Ang Pasiya ni Jehova Laban sa mga Bansa
20 Ano ang resulta? Sinabi ni Isaias: “Sa oras ng gabi, aba, narito! may biglaang kakilabutan. Bago mag-umaga—iyon ay wala na. Ito ang bahagi ng mga nananamsam sa atin, at ang kahinatnan na nauukol sa mga nandarambong sa atin.” (Isaias 17:14) Marami ang nandarambong sa bayan ni Jehova, na nakikitungo sa kanila nang may kabagsikan at kawalang-galang. Sapagkat sila’y hindi—at hindi nagnanais na maging—bahagi ng pangunahing mga relihiyon sa daigdig, ang mga tunay na Kristiyano ay minamalas ng may kinikilingang mga kritiko at panatikong mga kaaway bilang mga biktimang walang kalaban-laban. Subalit ang bayan ng Diyos ay nagtitiwala na ang ‘umaga’ ng pagtatapos ng kanilang mga kapighatian ay mabilis na dumarating.—2 Tesalonica 1:6-9; 1 Pedro 5:6-11.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Isaias—I
20:2-5—Talaga bang naglakad nang hubad si Isaias sa loob ng tatlong taon? Malamang na panlabas na kasuutan lamang ang hinubad ni Isaias at naglakad nang halos walang suot.
ENERO 12-18
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ISAIAS 21-23
Mga Matututuhan sa Nangyari kay Sebna
Disiplina—Katunayan ng Pag-ibig ng Diyos
7 Para makita ang kahalagahan ng disiplina, tingnan natin ang dalawang indibiduwal na dinisiplina ni Jehova: si Sebna, na nabuhay noong panahon ni Haring Hezekias, at si Graham, isang brother sa panahon natin. Bilang katiwalang “namamahala sa bahay”—malamang na sa sambahayan ni Hezekias—si Sebna ay may malaking awtoridad. (Isa. 22:15) Pero nakalulungkot, naging mapagmataas siya at naghangad ng sariling kaluwalhatian. Nagpagawa pa nga siya ng marangyang libingan para sa kaniyang sarili, at sumasakay siya sa maluwalhating mga karo!—Isa. 22:16-18.
8 Dahil naghangad si Sebna ng sariling kaluwalhatian, ‘ibinagsak siya ng Diyos mula sa kaniyang opisyal na katayuan’ at ipinalit sa kaniya si Eliakim. (Isa. 22:19-21) Nangyari ito noong nagbabalak si Haring Senakerib ng Asirya na salakayin ang Jerusalem. Nang maglaon, nagpadala ang haring iyon ng matataas na opisyal sa Jerusalem, kasama ang isang malaking hukbo, para pahinain ang loob ng mga Judio at takutin si Hezekias na sumuko. (2 Hari 18:17-25) Isinugo si Eliakim para kausapin ang mga opisyal, pero may kasama siyang dalawa. Isa rito si Sebna, na naglilingkod ngayon bilang kalihim. Ipinahihiwatig nito na hindi naghinanakit si Sebna kundi mapagpakumbaba niyang tinanggap ang mas mababang posisyon. May tatlong aral tayong matututuhan sa ulat na ito.
9 Una, inalis si Sebna sa kaniyang posisyon. Nagkatotoo sa kaniya ang babala na “ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.” (Kaw. 16:18) Kung may mga pribilehiyo ka sa kongregasyon, at baka prominente pa nga, mananatili ka bang mapagpakumbaba? Ibibigay mo ba kay Jehova ang kapurihan sa mga naisagawa mo o sa anumang kakayahang taglay mo? (1 Cor. 4:7) Isinulat ni apostol Pablo: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin; kundi mag-isip upang magkaroon ng matinong kaisipan.”—Roma 12:3.
Disiplina—Katunayan ng Pag-ibig ng Diyos
10 Ikalawa, sa matinding pagsaway niya kay Sebna, ipinakita ni Jehova na naniniwala siyang magbabago pa si Sebna. (Kaw. 3:11, 12) Magandang aral ito para sa mga nawalan ng pribilehiyo sa kongregasyon! Sa halip na magalit at maghinanakit, patuloy sana nilang gawin ang lahat ng makakaya nila para paglingkuran ang Diyos sa kanilang bagong sitwasyon, at ituring ang disiplina bilang katibayan ng pag-ibig ni Jehova. Tandaan, para sa ating Ama, may pag-asa pa rin tayo kung magpapakumbaba tayo sa harap niya. (Basahin ang 1 Pedro 5:6, 7.) Ang maibiging disiplina ay isang paraan ng Diyos para hubugin tayo, kaya manatili tayong gaya ng malambot na luwad sa kaniyang mga kamay.
Disiplina—Katunayan ng Pag-ibig ng Diyos
11 Ikatlo, sa pakikitungo ni Jehova kay Sebna, nagpakita siya ng magandang halimbawa para sa mga awtorisadong magbigay ng disiplina, gaya ng mga magulang at mga tagapangasiwang Kristiyano. Paano? Masasalamin sa pagdidisiplina ni Jehova ang kaniyang pagkapoot sa kasalanan, pero makikita rin dito ang pagmamalasakit niya sa nagkasala. Kung kailangan mong magbigay ng disiplina bilang isang magulang o tagapangasiwa, tutularan mo ba si Jehova? Kapopootan mo ba ang pagkakamali pero titingnan pa rin ang mabubuting katangian ng iyong anak o kapananampalataya?—Jud. 22, 23.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Isaias—I
21:1—Anong rehiyon ang tinatawag na “ilang ng dagat”? Kahit na hindi talaga tabing-dagat ang Babilonya, tinukoy itong ilang ng dagat. Ito’y dahil sa taun-taon, umaapaw sa rehiyon ang mga ilog ng Eufrates at Tigris, anupat lumilikha ito ng malusak na “dagat.”
ENERO 19-25
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ISAIAS 24-27
“Siya ang Ating Diyos!”
“Siya ang Ating Diyos!”
21 Nakakita ka na ba ng isang bata na itinuturo ang kaniyang ama sa kaniyang mga kaibigan at pagkatapos ay tuwang-tuwa at buong pagmamalaking nagsasabi, “Iyan ang tatay ko”? Taglay ng mga mananamba ng Diyos ang lahat ng dahilan upang madama ang gayundin kay Jehova. Inihula ng Bibliya na darating ang panahon na ang tapat na mga tao ay magsasabi: “Siya ang ating Diyos!” (Isaias 25:8, 9) Habang nagtatamo ka ng higit na kaunawaan sa mga katangian ni Jehova, lalo mong madarama na ikaw ay may pinakamahusay na Ama na mailalarawan sa isip.
Mga Aral Mula sa Makahimalang Paglalaan ni Jesus ng Tinapay
14 Nang ituro ni Jesus na hingin natin sa Diyos ang “pagkain para sa araw na ito,” sinabi rin niya na ipanalangin natin na mangyari nawa ang kalooban niya “kung paano sa langit, gayon din sa lupa.” (Mat. 6:9-11) Ano kaya ang magiging buhay natin kapag nangyari na iyan? Ipinapakita ng Bibliya na kalooban ng Diyos na maging sagana sa lupa ang masarap at masustansiyang pagkain. Sinasabi ng Isaias 25:6-8 na mangyayari iyan sa ilalim ng Kaharian ni Jehova. Inihula rin sa Awit 72:16: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; mag-uumapaw ito sa tuktok ng mga bundok.” Excited ka na bang gamitin ang saganang ani na iyan para maluto ang paborito mong pagkain o sumubok ng bago? Hindi lang iyan, puwede mo ring ma-enjoy ang bunga ng sarili mong ubasan. (Isa. 65:21, 22) Masisiyahan ang lahat ng tao sa saganang mga paglalaang ito.
Kung Paano Tayo Nakikinabang sa Pag-ibig ni Jehova
11 Isipin mong nasa Paraiso ka na. Hindi ka na mag-aalalang magkakasakit ka o mamamatay. (Isa. 25:8; 33:24) Ibibigay ni Jehova ang lahat ng mabubuting bagay na gusto mo. Mahilig ka ba sa mga halaman o hayop? Gusto mo bang matutong mag-drawing o tumugtog ng isang instrument? Sa Paraiso, kailangan ng mga architect, tagapagtayo, at magsasaka. Kailangan din ng mga marunong magluto, gumawa ng mga tool, at mag-aalaga at magpapaganda sa lupa. (Isa. 35:1; 65:21) Mayroon tayong buhay na walang hanggan para matuto ng anumang bagay na gusto natin malaman.
12 Siguradong masayang-masaya rin tayo kapag binuhay-muli ang mga mahal natin! (Gawa 24:15) Mag-e-enjoy ka rin na matuto pa tungkol kay Jehova habang pinag-aaralan mo ang napakaraming nilalang niya. (Awit 104:24; Isa. 11:9) At higit sa lahat, masasamba na natin si Jehova nang hindi nakokonsensiya kasi hindi na tayo magkakasala. Ipagpapalit mo ba ang magagandang pagpapalang ito para “pansamantalang magpakasaya sa kasalanan” ngayon? (Heb. 11:25) Siguradong hindi! Sulit ang anumang sakripisyong gagawin natin ngayon para sa mga pagpapalang ito. Tandaan, hindi laging mananatiling pag-asa ang Paraiso kasi darating ang panahon na magiging totoo na ito. Posible ang lahat ng ito dahil mahal na mahal tayo ni Jehova at ibinigay niya ang Anak niya!
Espirituwal na Hiyas
Ang 2013 Nirebisang Edisyon ng New World Translation
Bakit mas maraming kabanata ang nakaformat ngayon na gaya ng tula? Maraming bahagi ng Bibliya ang orihinal na isinulat nang patula. Sa makabagong mga wika, ang tula ay kadalasang makikilala dahil sa magkakatunog na salita. Pero sa tulang Hebreo, ang pinakamahalagang elemento ay paralelismo at pagkakasalungatan. Lohikal na pinagsusunod-sunod nito ang mga ideya sa halip na gumamit ng magkakatunog na salita.
Sa naunang mga edisyon ng New World Translation, ang Job at Mga Awit ay nakaformat na gaya ng tula para ipakitang nilayon itong awitin o bigkasin. Nakatulong ang format na ito para maidiin at madaling matandaan ang elementong patula. Sa 2013 rebisyon, ang Mga Kawikaan, Awit ni Solomon, at maraming kabanata ng makahulang mga aklat ay nakaformat na rin ngayon na gaya ng tula para ipakitang ang mga talata ay orihinal na isinulat nang patula at para itampok ang paralelismo at pagkakasalungatan. Ang isang halimbawa nito ay ang Isaias 24:2. Ang bawat linya ay naglalaman ng pagkakasalungatan at sumusuporta sa isa’t isa para idiin na lahat ng uri ng tao ay hahatulan ng Diyos. Kapag nakita ng mga mambabasa na patula ang gayong mga talata, mauunawaan nilang hindi lang basta inuulit ng manunulat ng Bibliya ang sinasabi niya kundi paraan niya iyon para idiin ang mensahe ng Diyos.
Hindi laging madaling makita sa Hebreo kung alin ang prosa at alin ang tula, kaya nagkakaiba-iba ang mga salin ng Bibliya pagdating sa mga talatang patula. May mahalagang papel ang mga tagapagsalin sa pagpapasiya kung aling mga talata ang gagawing patula. Ang ilan ay naglalaman ng mga prosang patula ang mga salita, anupat gumagamit ng paglalarawan, wordplay, at paralelismo para idiin ang punto.
ENERO 26–PEBRERO 1
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ISAIAS 28-29
Parangalan si Jehova sa Pamamagitan ng mga Labi at Puso Mo
Inihula ni Isaias ang ‘Kakaibang Gawa’ ni Jehova
23 Ang mga pinunong relihiyoso ng Juda ay nag-aangking maingat sa paraang espirituwal, subalit iniwan nila si Jehova. Sa halip, itinuturo nila ang kanilang sariling pilipit na mga ideya ng tama at mali, ipinagmamatuwid ang kanilang kawalan ng pananampalataya at imoral na mga gawain at inaakay ang mga tao tungo sa kawalang paglingap ng Diyos. Sa pamamagitan ng “isang bagay na kamangha-mangha”—ang kaniyang ‘kakaibang gawa’—sila’y pagsusulitin ni Jehova dahil sa kanilang pagpapaimbabaw. Sinabi niya: “Sa dahilang lumapit ang bayang ito sa pamamagitan ng kanilang bibig, at niluwalhati nila ako sa pamamagitan lamang ng kanilang mga labi, at lubusan nilang inilayo sa akin ang kanilang puso, at ang kanilang pagkatakot sa akin ay utos ng mga tao na itinuturo, kaya narito ako, ang Isa na muling kikilos nang kamangha-mangha sa bayang ito, sa kamangha-manghang paraan at taglay ang isang bagay na kamangha-mangha; at ang karunungan ng kanilang mga taong marurunong ay maglalaho, at ang mismong pagkaunawa ng kanilang mga taong maiingat ay magkukubli.” (Isaias 29:13, 14) Ang sariling istilo ng karunungan at kaunawaan ng Juda ay mawawala kapag minaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay upang ang kaniyang buong apostatang relihiyosong sistema ay mapalis ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya. Gayundin ang nangyari noong unang siglo pagkatapos na iligaw ng matatalinong pinuno ng mga Judio na may sariling istilo ang bansa. Gayundin ang mangyayari sa Sangkakristiyanuhan sa ating kaarawan.—Mateo 15:8, 9; Roma 11:8.
Walang Makakatisod sa mga Matuwid
7 Walang takot na kinondena ni Jesus ang pakitang-taong mga gawain ng mga relihiyon noong panahon niya. Halimbawa, inilantad niya ang pagiging mapagkunwari ng mga Pariseo; mas mahalaga pa sa kanila ang paghuhugas ng mga kamay nila kaysa sa pag-aalaga sa mga magulang nila. (Mat. 15:1-11) Nagulat siguro ang mga alagad ni Jesus sa sinabi niya. Kaya tinanong nila siya: “Alam mo bang hindi nagustuhan ng mga Pariseo ang sinabi mo?” Sumagot si Jesus: “Bawat pananim na hindi itinanim ng Ama kong nasa langit ay bubunutin. Pabayaan ninyo sila. Sila ay bulag na mga tagaakay. At kung isang taong bulag ang umaakay sa taong bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” (Mat. 15:12-14) Hindi hinayaan ni Jesus ang negatibong reaksiyon ng mga lider ng relihiyon na mapahinto siya sa pagsasalita ng katotohanan.
Maging Panauhin ni Jehova Magpakailanman!
8 Ang isang taong “nagsasabi ng totoo sa puso niya” ay hindi nagkukunwaring masunurin kapag nakikita siya ng iba pero sumusuway naman sa mga utos ng Diyos kapag walang nakakakita sa kaniya. (Isa. 29:13) Hindi siya nanlilinlang. Paano ba nagiging mapanlinlang, o mapagkunwari, ang isang tao? Sa umpisa, baka pagdudahan niya kung tama bang sundin ang ilan sa mga utos ni Jehova. (Sant. 1:5-8) Baka suwayin niya ang ilang utos na sa tingin niya, hindi naman ganoon kahalaga. Pagkatapos, kapag nakikita niya na parang wala namang masamang epekto ang mga ginagawa niya, baka lumakas ang loob niya na suwayin ang iba pang utos ng Diyos. Bandang huli, magiging mapagkunwari na ang pagsamba niya. (Ecles. 8:11) Pero tayo, gusto nating magsabi ng totoo sa puso natin. Kaya magiging tapat tayo sa lahat ng bagay.
Espirituwal na Hiyas
it “Ariel” ¶1; it “Ariel” Blg. 3
Ariel
[Apuyan ng Altar ng Diyos; o, Leon ng Diyos].
3. Isang mahiwagang pangalan na ikinapit sa Jerusalem sa Isaias 29:1, 2, 7. Ang Jerusalem ang lokasyon ng templo ng Diyos na kinaroroonan ng altar na pinaghahainan. Dahil dito, ang lunsod, sa diwa, ay apuyan ng altar ng Diyos. Dapat din sanang ito ang maging sentro ng dalisay na pagsamba kay Jehova. Gayunman, ang mensahe sa Isaias 29:1-4 ay nagbabadya ng lagim at humuhula ng pagkapuksa na nakatakdang sumapit sa Jerusalem sa pamamagitan ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E., kung kailan siya ay magiging isang “apuyan ng altar” sa naiibang diwa: bilang isang lunsod na inaagusan ng ibinubong dugo at tinupok ng apoy at punô ng mga bangkay ng mga biktima ng maapoy na pagkapuksa. Ang pinakasanhi ng kapahamakang ito ay binabanggit sa mga talata 9 hanggang 16. Gayunman, ipinakikita ng Isaias 29:7, 8 na ang mga bansang magdudulot ng gayong pagkapuksa sa Jerusalem ay mabibigo sa kanilang ultimong layunin o tunguhin.
PEBRERO 2-8
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ISAIAS 30-32
Magtiwalang Poprotektahan Ka ni Jehova
Si Jehova ang Ating Kanlungan
7 Yamang kanlungan natin si Jehova, nagtatamo tayo ng kaaliwan mula sa mga salitang: “Sa pamamagitan ng kaniyang mga bagwis ay haharangan niya ang lalapit sa iyo, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay manganganlong ka. Ang kaniyang katapatan ay magiging isang malaking kalasag at balwarte.” (Awit 91:4) Ipinagsasanggalang tayo ng Diyos, kung paanong umaali-aligid ang isang magulang na ibon upang ipagsanggalang ang mga inakáy nito. (Isaias 31:5) ‘Sa pamamagitan ng kaniyang mga bagwis ay hinaharangan niya ang lumalapit sa atin.’ Karaniwan na, ang “mga bagwis” ng ibon ay ang mga pakpak nito. Sa pamamagitan ng mga ito ay nilililiman ng isang ibon ang kaniyang mga inakáy, anupat ipinagsasanggalang sila mula sa mga maninila. Tulad ng mga inakáy, tayo ay tiwasay sa ilalim ng makasagisag na mga bagwis ni Jehova dahil nanganlong tayo sa kaniyang tunay na Kristiyanong organisasyon.—Ruth 2:12; Awit 5:1, 11.
Tutulungan Ka ni Jehova sa Mahihirap na Panahon
13 Ang kailangan nating gawin. Sikaping huwag ibukod ang sarili mo. Kung gagawin natin iyan, baka magpokus lang tayo sa sarili natin at sa mga problema natin. Makakaapekto iyan sa mga desisyon natin. (Kaw. 18:1) Siyempre, may mga pagkakataong kailangan nating mapag-isa, lalo na kapag may mabigat tayong pinagdadaanan. Pero paano natin matatanggap ang pag-alalay ni Jehova kung matagal nating ibubukod ang ating sarili? Kaya kahit mahirap, tanggapin ang tulong ng mga kapamilya at kaibigan mo at ng mga elder. Sila ang ginagamit ni Jehova para alalayan ka.—Kaw. 17:17; Isa. 32:1, 2.
“Palalakasin Niya Kayo”
19 Paano mo gagawing mas totoo sa iyo ang pag-asa mo? Halimbawa, kung may pag-asa kang mabuhay sa lupa magpakailanman, basahin mo ang mga sinasabi ng Bibliya tungkol sa Paraiso at bulay-bulayin ito. (Isa. 25:8; 32:16-18) Pag-isipan kung ano ang magiging buhay doon. Isipin kung sino ang makikita mo, ano ang maririnig mo, at ano ang mararamdaman mo kapag nandoon ka na. Para mas ma-imagine mo ang Paraiso, tingnan mo ang mga larawan sa mga publikasyon natin. Puwede ka ring manood ng music video, gaya ng Malapit Na, Ito’y Nalalapit Na, o Pag-asa na Hinihintay. Kung lagi nating iisipin ang pag-asa natin, magiging “panandalian at magaan” ang mga problema natin. (2 Cor. 4:17) Makakatulong sa iyo ang pag-asang ibinigay ni Jehova para makapagtiis.
Espirituwal na Hiyas
it “Tinapay” ¶15
Tinapay
Makasagisag na Paggamit. Ang terminong “tinapay,” gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ay may iba’t ibang makasagisag na pagkakapit. Halimbawa, sinabi nina Josue at Caleb sa nagkakatipong mga Israelita na ang mga tumatahan sa Canaan ay “tinapay sa atin,” maliwanag na nangangahulugang madaling matalo ang mga iyon at na mapalalakas o mapatitibay ang Israel ng karanasang iyon. (Bil 14:9) Waring ipinahihiwatig naman ng Awit 80:5 ang matinding lumbay na dulot ng di-pagsang-ayon ng Diyos, anupat sinasabi roon tungkol sa Pastol ng Israel na si Jehova: “Pinakain mo sila ng tinapay na mga luha.” Tinutukoy rin si Jehova bilang ang nagbibigay sa kaniyang bayan ng “tinapay sa anyo ng kabagabagan at ng tubig sa anyo ng paniniil,” maliwanag na tumutukoy sa mga kalagayang daranasin nila kapag kinubkob sila anupat magiging pangkaraniwan sa kanila ang mga iyon gaya ng tinapay at tubig.—Isa 30:20.
PEBRERO 9-15
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ISAIAS 33-35
“Siya ang Magpapatatag sa Iyo”
Tutulungan Ka ni Jehova sa Mahihirap na Panahon
7 Ang problema. Kapag may mabigat tayong pinagdadaanan, baka mahirapan tayong kontrolin ang nararamdaman, iniisip, at reaksiyon natin. Baka maging pabago-bago ang emosyon natin. Ganiyan ang naranasan ni Ana nang mamatay ang asawa niyang si Luis. Sinabi niya: “Kapag nade-depress ako, naaawa ako sa sarili ko. Nagagalit din ako kasi wala na siya.” Isa pa, nalulungkot din si Ana at naiinis kapag kailangan niyang magdesisyon sa ilang bagay. Dati kasi, si Luis ang gumagawa nito, at mahusay siyang magdesisyon. Minsan, pakiramdam ni Ana, para siyang binabagyo sa gitna ng dagat. Paano tayo tinutulungan ni Jehova kapag nadadaig tayo ng emosyon natin?
8 Ang tulong ni Jehova. Tinitiyak niya sa atin na patatatagin niya tayo. (Basahin ang Isaias 33:6.) Kapag may bagyo, puwedeng tumaob ang isang barko dahil sa malalakas na hampas ng alon. Kaya maraming barko ang may mga stabilizer sa magkabilang gilid. Nasa ilalim ito ng tubig, at nakakatulong ito para mabawasan ang pag-alog ng barko. Kaya mas ligtas ang mga pasahero at mas komportable ang biyahe. Pero marami sa mga stabilizer ang magagamit lang nang husto kung patuloy na umaandar ang barko. Ganiyan din ang ginagawa ni Jehova. Patatatagin niya tayo kung patuloy tayong maglilingkod nang tapat kahit may mga problema.
Panatilihin ang Kagalakan Kahit May mga Pagsubok
10 Solusyon: Humingi ng karunungan kay Jehova. Para matiis ang mga pagsubok nang may kagalakan, dapat tayong manalangin kay Jehova at humingi ng karunungan para makagawa tayo ng tamang desisyon. (Basahin ang Santiago 1:5.) Pero paano kung pakiramdam natin, hindi agad sinagot ni Jehova ang panalangin natin? Sinabi ni Santiago na dapat tayong ‘patuloy na humingi’ sa Diyos. Hindi makukulitan sa atin si Jehova kahit paulit-ulit tayong hihingi ng karunungan. Hindi rin siya magagalit sa atin. Kung ipapanalangin natin na bigyan tayo ng karunungan para makapagtiis, ‘sagana itong ibibigay’ ng ating Ama sa langit. (Awit 25:12, 13) Nakikita niya ang mga pagsubok na dinadanas natin at nalulungkot siya dahil dito, kaya gustong-gusto niya tayong tulungan. Hindi ba dahilan iyan para maging masaya tayo? Pero paano tayo binibigyan ni Jehova ng karunungan?
11 Gamit ang kaniyang Salita, binibigyan tayo ni Jehova ng karunungan. (Kaw. 2:6) Para magkaroon ng karunungan, dapat nating pag-aralan ang Salita ng Diyos at ang salig-Bibliyang mga publikasyon. Pero hindi sapat na basta magkaroon ng kaalaman. Dapat nating isabuhay ang karunungan ng Diyos. Magagawa natin iyan kung susundin natin ang mga payo niya. Sinabi ni Santiago: “Maging tagatupad kayo ng salita at hindi tagapakinig lang.” (Sant. 1:22) Kapag sinunod natin ang payo ng Diyos, mas nagiging mapagpayapa tayo, makatuwiran, at maawain. (Sant. 3:17) Makakatulong ang mga katangiang iyon para hindi mawala ang kagalakan natin kahit may pagsubok.
“Walang Sinumang Tumatahan ang Magsasabi: ‘Ako ay May Sakit’”
21 Gayunman, ang hula ni Isaias ay may makabagong katuparan. Ang bayan ni Jehova sa ngayon ay nagtatamasa rin ng espirituwal na pagpapagaling. Sila’y pinalaya mula sa huwad na mga turong tulad ng imortalidad ng kaluluwa, ng Trinidad, at maapoy na impiyerno. Sila’y tumatanggap ng moral na patnubay, na nagpapalaya sa kanila mula sa imoral na mga gawain at tumutulong sa kanila na makagawa ng mabubuting pagpapasiya. At dahil sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, sila’y nagtatamasa ng isang malinis na katayuan sa harapan ng Diyos at nagtatamasa ng isang malinis na budhi. (Colosas 1:13, 14; 1 Pedro 2:24; 1 Juan 4:10) Ang espirituwal na pagpapagaling na ito ay may pisikal na mga kapakinabangan. Halimbawa, ang pag-iwas sa imoral na sekso at paggamit ng mga produkto ng tabako ay nagsasanggalang sa mga Kristiyano laban sa sakit na naililipat ng pagtatalik at sa ilang anyo ng kanser.—1 Corinto 6:18; 2 Corinto 7:1.
22 Bukod dito, magkakaroon ng mas malaking katuparan ang mga salita ng Isaias 33:24 pagkatapos ng Armagedon, sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyanikong Kaharian, ang mga tao ay makararanas ng isang dakilang pisikal na pagpapagaling kasama ng kanilang espirituwal na pagpapagaling. (Apocalipsis 21:3, 4) Di-magtatagal pagkatapos na mawasak ang sistema ng mga bagay ni Satanas, ang mga himalang gaya ng ginawa ni Jesus nang siya’y nasa lupa ay walang pagsalang magaganap sa buong globo. Ang mga bulag ay makakakita, ang mga bingi ay makaririnig, ang mga pilay ay makalalakad! (Isaias 35:5, 6) Ito’y magpapangyaring ang lahat ng mga makaliligtas sa malaking kapighatian ay makikibahagi sa dakilang gawain upang ang lupa ay gawing paraiso.
Espirituwal na Hiyas
Patuloy na Maglakbay sa “Daan ng Kabanalan”
8 Baka isipin ng ilan, ‘Magandang punto iyan, pero may kinalaman ba sa atin ang nangyari sa mga Judio noon?’ Oo, kasi naglalakbay din tayo sa isang makasagisag na “Daan ng Kabanalan.” Kasama man tayo sa mga pinahiran o sa “ibang mga tupa,” kailangan nating manatili sa daang ito. Kasi dinadala tayo nito sa espirituwal na paraiso at sa mga pagpapala ng Kaharian sa hinaharap. (Juan 10:16) Mula 1919 C.E., milyon-milyong lalaki, babae, at mga bata ang lumabas sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at naglakbay sa “Daan ng Kabanalan.” Isa ka ba sa kanila? Binuksan ang daang ito mga 100 taon na ang nakakalipas. Pero bago noon, maraming siglo na itong inihahanda.
PEBRERO 16-22
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ISAIAS 36-37
“Huwag Kang Matakot Dahil sa mga Salitang Narinig Mo”
it “Hezekias” Blg. 1 ¶14
Hezekias
Ang Pagkabigo ni Senakerib sa Jerusalem. Gaya ng inaasahan ni Hezekias, ipinasiya ni Senakerib na salakayin ang Jerusalem. Habang kinukubkob ni Senakerib kasama ng kaniyang hukbo ang matibay na nakukutaang lunsod ng Lakis, isinugo niya ang isang bahagi ng kaniyang hukbo kasama ng inatasang mga pinuno ng militar upang hingin ang pagsuko ng Jerusalem. Ang tagapagsalita para sa pangkat ay si Rabsases (hindi pangalan ng lalaking iyon, kundi ang kaniyang titulo sa militar), na matatas magsalita ng Hebreo. Kinutya niya si Hezekias sa malakas na tinig at tinuya si Jehova, anupat naghambog na hindi maililigtas ni Jehova ang Jerusalem kung paanong hindi nailigtas ng mga diyos ng iba pang mga bansa ang mga lupain ng kanilang mga mananamba mula sa hari ng Asirya.—2Ha 18:13-35; 2Cr 32:9-15; Isa 36:2-20.
Ginantimpalaan ang Pananampalataya ng Isang Hari
10 Sumunod ay ipinaalaala ni Rabsases sa mga Judio na sa paraang militar sila’y nahihigitan nila sa lahat ng paraan. Siya’y nagpahayag ng ganitong hambog na paghamon: “Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo upang tingnan kung ikaw, sa ganang iyo, ay makapaglalagay ng mga sasakay sa mga iyon.” (Isaias 36:8) Gayunman, sa katunayan, mahalaga ba kung marami o kakaunti man ang sanay na mangangabayo ng Juda? Hindi, sapagkat ang kaligtasan ng Juda ay hindi nakasalalay sa nakahihigit na kalakasang militar. Ang Kawikaan 21:31 ay nagpapaliwanag sa mga bagay-bagay sa ganitong paraan: “Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng pagbabaka, ngunit ang kaligtasan ay kay Jehova.” Pagkatapos ay inangkin ni Rabsases na ang pagpapala ni Jehova ay nasa mga Asiryano, wala sa mga Judio. Kung hindi ganoon, ang pangangatuwiran niya, disin sana’y hindi kailanman nakapasok ang mga Asiryano nang gayon na lamang sa teritoryo ng Juda.—Isaias 36:9, 10.
Ginantimpalaan ang Pananampalataya ng Isang Hari
13 Mula sa kaniyang taglay na mga argumento, si Rabsases ay gumamit ng iba pang nakamamatay na mga salita. Siya’y nagbabala sa mga Judio na huwag maniwala kay Hezekias kapag sinabi niya: “Si Jehova ang magliligtas sa atin.” Ipinaalaala ni Rabsases sa mga Judio na hindi nahadlangan ng mga diyos ng Samaria nang talunin ng mga Asiryano ang sampung tribo. At kumusta ang mga diyos ng iba pang mga bansa na nilupig ng Asirya? “Nasaan ang mga diyos ng Hamat at ng Arpad?” ang tanong niya. “Nasaan ang mga diyos ng Separvaim? At nailigtas ba nila ang Samaria mula sa aking kamay?”—Isaias 36:18-20.
14 Sabihin pa, hindi nauunawaan ni Rabsases, isang mananamba ng mga huwad na diyos, na may malaking pagkakaiba sa pagitan ng apostatang Samaria at ng Jerusalem sa ilalim ni Hezekias. Ang huwad na mga diyos ng Samaria ay walang kapangyarihang magligtas sa sampung-tribong kaharian. (2 Hari 17:7, 17, 18) Sa kabilang panig, ang Jerusalem sa ilalim ni Hezekias ay tumalikod sa huwad na mga diyos at bumalik sa paglilingkod kay Jehova. Gayunman, ang tatlong kinatawang Judeano ay hindi nagtangkang magpaliwanag nito kay Rabsases. “Sila ay nanatiling tahimik at hindi sumagot sa kaniya ng isa mang salita, dahil sa utos ng hari, na nagsasabi: ‘Huwag ninyo siyang sagutin.’” (Isaias 36:21) Sina Eliakim, Sebna, at Joa ay bumalik kay Hezekias at gumawa ng opisyal na ulat hinggil sa mga sinabi ni Rabsases.—Isaias 36:22.
Espirituwal na Hiyas
it “Renda” ¶5
Renda
Sinabi ni Jehova kay Haring Senakerib ng Asirya: “Ilalagay ko nga ang aking pangawit sa iyong ilong at ang aking renda sa pagitan ng iyong mga labi, at dadalhin nga kitang pabalik sa daan na iyong pinanggalingan.” (2Ha 19:28; Isa 37:29) Hindi kusang-loob kundi dahil sa kamay ni Jehova, napilitan si Senakerib na talikuran ang pagkubkob sa Jerusalem at bumalik sa Nineve, kung saan nang maglaon ay pinaslang siya ng kaniyang sariling mga anak. (2Ha 19:32-37; Isa 37:33-38) Ipinahihiwatig ng paglalagay ni Jehova ng renda sa mga panga ng mga kaaway na bayan na mapapasailalim sila sa lubusang pagkontrol kung paanong nasusupil ang mga hayop sa pamamagitan ng renda.—Isa 30:28.
PEBRERO 23–MARSO 1
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ISAIAS 38-40
“Gaya ng Isang Pastol, Aalagaan Niya ang Kawan Niya”
Ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Awtor Nito
3 Basahin ang Isaias 40:8. Libo-libong taon nang nagbibigay ng mahuhusay na payo ang Salita ng Diyos sa tapat na mga lalaki at babae. Paano iyan naging posible? Ang totoo, isinulat ang Kasulatan sa mga materyales na nasisira, matagal na matagal na panahon na. Kaya wala ka nang makikitang orihinal na kopya nito ngayon. Pero tiniyak ni Jehova na makakagawa ng mga kopya nito. Kahit hindi perpekto ang mga tagakopya, naging sobrang ingat nila sa pagkopya. Halimbawa, tungkol sa Hebreong Kasulatan, isang iskolar ang sumulat: “Hindi kalabisang sabihin na walang ibang sinaunang akda ang naitawid sa atin nang may gayong katumpakan.” Kaya kahit matagal na panahon na ang lumipas, nasisira ang mga materyales na ginamit, at hindi perpekto ang mga tagakopya, makakapagtiwala pa rin tayo na ang mga nababasa natin sa Bibliya ay ang kaisipan ni Jehova, ang Awtor nito.
4 Si Jehova ang Pinagmumulan ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat perpektong regalo.’ (Sant. 1:17) Ang Bibliya ang isa sa pinakamagandang regalo ni Jehova sa atin. Ang isang regalo ay may sinasabi tungkol sa nagbigay nito—na kilala niya tayo at alam niya ang mga pangangailangan natin. Totoo rin iyan sa nagbigay sa atin ng Bibliya. Kapag sinuri nating mabuti ang regalong ito, marami tayong matututuhan tungkol kay Jehova. Malalaman natin na kilalang-kilala niya tayo at alam niya ang mga pangangailangan natin. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano makikita sa Bibliya ang tatlong katangian ni Jehova: karunungan, katarungan, at pag-ibig. Talakayin muna natin kung paano ipinapakita ng Bibliya ang karunungan ng Diyos.
Pagbibigay ng Proteksiyon—“Ang Diyos ang Ating Kanlungan”
7 Sa paghahalintulad ng kaniyang sarili sa isang pastol, tinitiyak sa atin ni Jehova ang kaniyang taos-pusong pagnanais na protektahan tayo. (Ezekiel 34:11-16) Alalahanin ang paglalarawan kay Jehova na masusumpungan sa Isaias 40:11, na tinalakay sa Kabanata 2 ng aklat na ito: “Gaya ng isang pastol, aalagaan niya ang kawan niya. Titipunin ng kaniyang bisig ang mga kordero, at bubuhatin niya sila sa kaniyang dibdib.” Paano mapupunta ang maliit na kordero sa “dibdib” ng pastol—sa mga tupi sa bandang itaas ng damit niya? Ang kordero ay maaaring lumapit sa pastol at marahan pa ngang dumampi sa kaniyang binti. Gayunman, ang pastol ang siyang kailangang yumuko, bumuhat sa kordero, at marahang maglagay nito sa kaniyang dibdib. Isa ngang tunay na mapagmahal na larawan ng pagnanais ng ating Dakilang Pastol na ikubli at protektahan tayo!
“Siya ay Nagbibigay ng Lakas sa Pagod”
4 Basahin ang Isaias 40:26. Hindi mabibilang ninuman ang lahat ng bituin sa uniberso. Naniniwala ang mga siyentipiko na sa Milky Way galaxy pa lang, mayroon nang 400 bilyong bituin. Pero binigyan ni Jehova ng pangalan o katawagan ang bawat bituin. Anong aral ang matututuhan natin dito? Kung may personal na interes si Jehova sa mga bagay na walang buhay, lalo na sa iyo! Naglilingkod ka kay Jehova, hindi dahil nakaprograma kang gawin iyon, kundi dahil mahal mo siya! (Awit 19:1, 3, 14) Kilalang-kilala ka ng ating Ama. ‘Ang mismong mga buhok ng iyong ulo ay biláng niya lahat.’ (Mat. 10:30) Tinitiyak din sa atin ng salmista: “Batid ni Jehova ang mga araw [o, pinagdaraanan] ng mga walang pagkukulang.” (Awit 37:18) Oo, nakikita niya ang mga pagsubok na dinaranas mo, at mabibigyan ka niya ng lakas na matiis ang bawat pagsubok.
5 Basahin ang Isaias 40:28. Si Jehova ang Pinagmumulan ng dinamikong lakas. Halimbawa, pag-isipan ang dami ng enerhiya na isinusuplay niya sa ating araw. Si David Bodanis, isang manunulat tungkol sa siyensiya, ay nagsabi: “Ang mass na pinasasabog ng ating Araw bawat segundo para maging enerhiya ay katumbas ng [bilyon-bilyong atomic bomb].” Sa kalkulasyon ng isa pang mananaliksik, ang araw ay “kasalukuyang naglalabas [ng] enerhiya kada segundo na makasasapat sa pangangailangan ng sangkatauhan para sa 200,000 taon”! Tiyak na ang Isa na naglalaan ng enerhiya sa araw ay makapagbibigay sa atin ng lakas para maharap natin ang anumang problema.
6 Basahin ang Isaias 40:29. Ang paglilingkod kay Jehova ay nagbibigay sa atin ng kagalakan. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Pasanin ninyo ang aking pamatok.” At idinagdag niya: “Masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mat. 11:28-30) Totoong-totoo iyan! Kung minsan, pagód tayong umaalis ng bahay para dumalo sa pulong o maglingkod sa ministeryo. Pero ano ang pakiramdam natin pagkauwi? Naginhawahan tayo at mas handa nang harapin ang mga problema. Napakabait nga ng pamatok ni Jesus!
Espirituwal na Hiyas
“Aliwin Ninyo ang Aking Bayan”
7 Ang pagsasauli noong ikaanim na siglo B.C.E. ay hindi lamang siyang katuparan ng hulang ito. Nagkaroon din ito ng katuparan noong unang siglo C.E. Si Juan na Tagapagbautismo ang naging tinig ng isa na “sumisigaw sa ilang,” bilang katuparan ng Isaias 40:3. (Lucas 3:1-6) Sa ilalim ng pagkasi, ikinapit ni Juan ang mga salita ni Isaias sa kaniyang sarili. (Juan 1:19-23) Sapol noong 29 C.E., pinasimulang ihanda ni Juan ang daan para kay Jesu-Kristo. Ang patiunang paghahayag ni Juan ay pumukaw sa mga tao na hanapin ang ipinangakong Mesiyas upang sila naman ay makinig sa kaniya at sumunod sa kaniya. (Lucas 1:13-17, 76) Sa pamamagitan ni Jesus, aakayin ni Jehova ang mga nagsisisi tungo sa kalayaan na mailalaan lamang ng Kaharian ng Diyos—paglaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. (Juan 1:29; 8:32) Ang mga salita ni Isaias ay mayroong mas malaking katuparan sa katubusan ng nalabi ng espirituwal na Israel mula sa Babilonyang Dakila noong 1919 at sa pagsasauli sa kanila sa tunay na pagsamba.