Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yb07 p. 66-175
  • Timog Aprika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Timog Aprika
  • 2007 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Subtitulo
  • MAGANDANG TANAWIN
  • DUMAMI MULA SA IILANG BINHI
  • TEOKRATIKONG PAGSULONG NOONG MGA TAON NG DIGMAAN
  • WALANG-TAKOT NA IPINAGLABAN ANG KATOTOHANAN
  • PAGHAHASIK NG BINHI SA IBANG MGA KOMUNIDAD
  • TEOKRATIKONG PAGSULONG SA MAHIHIRAP NA PANAHON
  • HIGIT PANG PAGLAWAK
  • BAGONG TANGGAPANG PANSANGAY
  • MALAKING PAGSULONG NOONG MGA TAON NG DIGMAAN
  • PAGSULONG SA KABILA NG SENSURA
  • MGA PAKINABANG SA TEOKRATIKONG PAGSASANAY
  • NAGLAAN NG MAIBIGING TULONG
  • LUBUSANG IBINIGAY ANG KANILANG SARILI
  • KAUNA-UNAHANG PANSIRKITONG ASAMBLEA
  • NAKAPAGPAPASIGLANG PAGTUGON SA MGA KOMUNIDAD NG MGA INDIAN
  • NAGBUBUNGA ANG PAG-IBIG AT TIYAGA
  • ISANG MALAKING PROYEKTO
  • PAGPAPANATILI NG KRISTIYANONG PAGKAKAISA SA PANAHON NG APARTHEID
  • ISANG BOMBANG ASUL ANG NAGPAALAB NG PAGSULONG
  • PAGSUBOK SA NEUTRALIDAD
  • SANGKAKRISTIYANUHAN AT NEUTRALIDAD
  • ANG KATAPATAN NG MGA KAPATID NA ITIM
  • PAGSALANSANG SA LOOB NG MGA PAARALAN
  • IBA PANG PROBLEMA SA MGA PAARALAN
  • ANG APARTHEID AT ANG AMING MGA KOMBENSIYON
  • PAGTITIPON SA KABILA NG PAGTATANGI
  • NAGTATAG NG LEGAL NA ASOSASYON
  • MALALAKING PAGBABAGO SA PAGLILIMBAG
  • PATIUNANG PAGPAPLANO PARA SA HIGIT PANG PAGSULONG
  • NATUGUNAN ANG MAHALAGANG PANGANGAILANGAN
  • MAPAGSAKRIPISYONG ESPIRITU
  • NAPAPANSIN DIN NG IBA
  • NATUGUNAN ANG KINAKAILANGANG MGA KINGDOM HALL SA APRIKA
  • MGA EPEKTO NG PAGBABAGO SA PULITIKA
  • PAGSULONG SA PUSO
  • “HABAAN MO ANG IYONG MGA PANALING PANTOLDA”
  • ANGKOP NA MGA DAKO PARA SA ASAMBLEA
  • HINDI NAPAGHIWALAY NG BATAS NG TAO
  • NAKINABANG ANG TERITORYO SA ISANG PAGBABAGO
  • SUMULONG ANG PAGSASALIN
  • PANGANGARAL SA TAHIMIK NA TERITORYO
  • MGA BUNGA NG KAHARIAN SA IBANG BANSA
  • MGA INAASAHAN
2007 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
yb07 p. 66-175

Timog Aprika

KUNG maglalakad ka sa mataong lansangan ng isang lunsod sa Timog Aprika, makakakita ka ng mga taong may iba’t ibang kulay ng balat mula sa pinakamaitim hanggang sa pinakamaputi. Kasabay ng ingay ng trapiko, mauulinigan mo ang mga pag-uusap sa iba’t ibang wika. Malililiman ka ng nagtataasang gusali ng mga opisina mula sa napakainit na sikat ng araw habang dumaraan ka sa mga nagtitinda ng prutas, dekorasyon, at mga damit. Kung gusto mo, puwede ka ring magpagupit ng buhok sa bangketa.

Sa gitna ng gayong pagkakaiba-iba sa populasyong mahigit 44 na milyon, napakahirap tukuyin ang isang tipikal na taga-Timog Aprika. Ang mga katutubong itim ang kulay, mga 75 porsiyento ng buong populasyon, ay binubuo ng Zulu, Xhosa, Sotho, Pedi, at Tswana, bukod pa sa ilang mas maliliit na grupo. Ang malaking bahagi ng populasyon ng mga puti ay nagsasalita ng Ingles at Afrikaans. Kasama rito ang mga inapo ng nakipamayang mga Olandes noong kalagitnaan ng ika-17 siglo na sinundan ng mga Pranses na Huguenot. Dumating naman ang mga nakipamayang Ingles noong unang bahagi ng ika-19 na siglo.

Mayroon ding malaking komunidad ng mga Indian, mga inapo ng mga manggagawa na nagtrabaho sa mga taniman ng tubo sa Natal (ngayo’y nasa KwaZulu-Natal). Dahil iba-iba ang mga lahi at kultura, angkop lamang na tawaging Bansang Bahaghari ang Timog Aprika.

Nagkaroon noon ng problema sa ugnayan ng mga lahi. Binatikos ng mga bansa ang patakarang apartheid. Nitong nakalipas na mga taon, binigyan ng magandang publisidad ang pagbuwag sa apartheid at ang inagurasyon ng isang pamahalaang inihalal sa demokratikong paraan.

Puwede na ngayong magsama-sama ang lahat ng lahi—puwede na silang pumunta sa lahat ng pampublikong lugar, gaya ng sinehan o restawran. Anuman ang lahi ng isang tao, puwede na siyang manirahan saanman niya gusto, basta kaya ng bulsa niya.

Gayunman, nang humupa ang panimulang pagsasaya, ibinangon ang di-maiiwasang mga tanong. Hanggang saan malulunasan ng bagong pamahalaan ang kawalang-katarungan ng apartheid? Gaano naman ito katagal? Sa nakalipas na mahigit isang dekada, nananatili pa rin ang malulubhang problema. Kabilang sa malalaking problemang kinakaharap ng pamahalaan ay ang paglaganap ng krimen, 41 porsiyento na ang walang trabaho, at tinatayang limang milyong indibiduwal na ang positibo sa HIV. Nakikita na ng marami na hindi kayang alisin ng pamahalaan ng tao ang mga problemang ito kung kaya sa iba sila bumaling para sa solusyon.

MAGANDANG TANAWIN

Sa kabila ng mga problema ng bansa, nabibighani pa rin ang mga turista sa likas na kagandahan ng lupain. Kabilang sa maraming pasyalan ng turista ang magagandang dalampasigan na nasisikatan ng araw, ang mariringal na hanay ng mga bundok, at ang napakaraming uri ng landas na puwedeng taluntunin. Sa mga lunsod naman, makikita mo ang pinakakilalang mga tindahan at restawran sa daigdig. Nakaragdag pa sa pang-akit ng Timog Aprika ang katamtamang klima nito.

Pangunahing atraksiyon nito ang sari-saring buhay-iláng. Ipinagmamalaki ng bansa ang mga 200 uri ng mamalya, 800 uri ng ibon, at 20,000 uri ng namumulaklak na mga halaman. Dinaragsa ng mga tao ang mga parke nito kung saan malayang nakakagala ang mga hayop, gaya ng bantog na Kruger National Park. Sa likas na tirahan ng mga hayop, makikita mo ang “limang pinakamalaki” sa Aprika: elepante, rinoseros, leon, leopardo, at bupalo.

Ang pamamasyal sa isa sa ilang katutubong kagubatan ng Timog Aprika ay isang di-malilimot na karanasan. Sa mapayapang kapaligiran, hahangaan mo ang kakaibang mga pakô, lumot, at mga bulaklak, gayundin ang pambihirang mga ibon at kulisap. Kapag tiningala mo ang napakataas na punong yellowwood, mamamangha ka kapag nalaman mong galing lamang pala sa isang napakaliit na binhi ang higanteng punong ito. Ang ilan sa mga punong ito ay tumataas nang 50 metro at umaabot nang isang libong taon.

Gayunman, sa loob ng isang siglo na ngayon, isang kakaibang uri ng binhi ang itinatanim at nililinang sa bansang ito. Ito ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, na inihahasik sa puso ng mga tao. Ang mga tumutugon ay inihalintulad ng salmista sa malalaking puno nang sumulat siya: “Ang matuwid ay mamumukadkad na gaya ng puno ng palma; gaya ng sedro sa Lebanon, siya ay lálakí.” (Awit 92:12) Ang mga matuwid na ito ay mabubuhay nang mas mahaba kaysa sa pinakamatatandang yellowwood, sapagkat pinangakuan sila ni Jehova ng buhay na walang hanggan.—Juan 3:16.

DUMAMI MULA SA IILANG BINHI

Noong ika-19 na siglo, ang bansa ay niligalig ng digmaan at alitan sa pulitika. Ang pagkatuklas sa brilyante at ginto noong huling bahagi ng siglong iyon ay nagdulot ng malaking epekto. Sa aklat na The Mind of South Africa, ipinaliwanag ni Allister Sparks: “Sa isang iglap, ginawa nitong industriyalisado ang isang bukiring bansa, anupat inakit ang mga tagalalawigan na dumayo sa lunsod at baguhin ang kanilang buhay.”

Noong 1902, dumating sa Timog Aprika ang unang binhi ng katotohanan sa Bibliya na nasa bagahe ng isang klerigong taga-Holland. Nasa loob ng isa sa kaniyang mga kahon ang ilang publikasyon ng mga Estudyante ng Bibliya, na tawag sa mga Saksi ni Jehova noon. Sa Klerksdorp nakuha nina Frans Ebersohn at Stoffel Fourie ang mga publikasyong ito. Nabatid nila na ang kanilang nabasa ay ang katotohanan at nagsimula silang magpatotoo sa iba. Mahigit 80 kamag-anak ng pamilya Fourie na umabot sa limang henerasyon at ilang inapo ng pamilya Ebersohn ang naging nakaalay na mga lingkod ni Jehova. Isa sa mga inapo ng pamilya Fourie ang naglilingkod ngayon sa Bethel sa Timog Aprika.

Noong 1910, dumating sa Timog Aprika si William W. Johnston na taga-Glasgow, Scotland, para magbukas ng tanggapang pansangay ng mga Estudyante ng Bibliya. Si Brother Johnston, marahil wala pang 35 anyos noon, ay seryoso at maaasahan. Ang tanggapang pansangay na isinaayos niya ay isang maliit na kuwarto sa isang gusali sa Durban. Pinangasiwaan ng opisinang ito ang napakalaking teritoryo, halos ang buong Aprika sa timog na bahagi ng ekwador.

Noong mga taóng iyon, nag-ugat ang mabuting balita pangunahin na sa mga komunidad ng mga puti. Ang mga literatura ng mga Estudyante ng Bibliya nang panahong iyon ay nasa wikang Olandes at Ingles lamang, at lumipas pa ang maraming taon bago naisalin ang ilang publikasyon sa katutubong mga wika. Nang maglaon, sumulong ang gawain sa apat na grupo—puti, itim, mulato (colored),a at Indian.

Ayon sa rekord, sumulong ang mga komunidad ng mga itim sa bansa mula 1911 patuloy. Si Johannes Tshange ay bumalik sa kaniyang sariling bayan sa Ndwedwe, malapit sa Durban. May kaalaman siya tungkol sa katotohanan sa Bibliya, at ibinahagi niya iyon sa iba. Nagdaos siya ng regular na mga pag-aaral sa Bibliya sa isang maliit na grupo na ginagamit ang Studies in the Scriptures sa wikang Ingles. Maliwanag na ang grupong ito ang naging unang kongregasyon ng mga itim sa Timog Aprika.

Ang grupo ay napansin ng klero sa lugar na iyon. Tinanong sila ng mga miyembro ng Wesleyan Methodist Church kung sinusunod nila ang mga turo ng simbahan. Sumagot ang grupo na itinuturo nila kung ano ang nasa Bibliya. Pagkaraan ng mahabang diskusyon, ang mga miyembro ng grupong ito ay itiniwalag sa simbahan. Nakipag-ugnayan naman si Brother Johnston sa grupo at regular niya silang dinalaw upang magdaos ng mga pulong at magbigay ng tulong. Kahit iilan lamang ang mga Estudyante ng Bibliya noon, malaki pa rin ang nagawa nila sa pangangaral. Ipinakikita ng isang ulat noong 1912 na lahat-lahat, 61,808 tract ang naipamahagi. Gayundin, sa pagtatapos ng 1913, may 11 pahayagan sa Timog Aprika na naglalathala sa apat na wika ng mga sermon ni C. T. Russell, isang kilaláng Estudyante ng Bibliya.

TEOKRATIKONG PAGSULONG NOONG MGA TAON NG DIGMAAN

Ang taóng 1914 ay napakahalaga sa maliit na grupo ng mga lingkod ni Jehova sa Timog Aprika, gaya rin sa bayan ng Diyos sa buong daigdig. Marami ang nag-akalang tatanggapin na nila noon ang kanilang makalangit na gantimpala. Sa taunang ulat na ipinadala ni Brother Johnston sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, isinulat niya: “Sa taunang ulat noong nakaraang taon, sinabi kong umaasa ako na sa punong-tanggapan sa langit ko na ihaharap ang susunod na ulat. Hindi natupad ang pag-asang iyon.” Ngunit idinagdag niya: “Ang taóng nagdaan ang pinakaabalang taon sa kasaysayan ng pag-aani sa Aprika.” Napag-unawa ng karamihan na napakarami pang dapat gawin, at natutuwa silang makibahagi rito. Ang ibayong sigla ay napansin sa ulat para sa taóng 1915, na nagpapakitang 3,141 kopya ng Studies in the Scriptures ang naipamahagi, halos doble sa nakaraang taon.

Ang isang nakasumpong ng katotohanan noon ay si Japie Theron, isang mahusay na abogado. Nabasa niya ang isang artikulo sa pahayagan sa Durban tungkol sa mga literaturang inilalathala ng mga Estudyante ng Bibliya ilang dekada na ang nakalilipas. Ipinakita ng artikulo sa pahayagan na ang mga nangyayari mula noong 1914 ay inihula na sa serye ng mga aklat na Studies in the Scriptures, na nagpapaliwanag sa hula ng Bibliya. Isinulat ni Japie: “Dapat akong magkaroon ng mga aklat na ito, at nang wala akong makitang kopya matapos kong isa-isahin ang lahat ng tindahan ng libro, sumulat ako sa adres ng sangay sa Durban at sa wakas nakakuha rin ako ng isang set nito. Namulat ang aking mga mata! Nakatutuwa ngang maunawaan ang ‘nakakubling mga bagay’ na nakaulat sa Bibliya!” Nang maglaon, nagpabautismo si Japie, at masigasig niyang ibinahagi sa iba ang katotohanan sa Bibliya hanggang sa kaniyang maagang kamatayan dahil sa sakit noong 1921.

Noong Abril 1914, ang kauna-unahang South Africa Convention of the International Bible Students ay ginanap sa Johannesburg. Sa 34 na dumalo, 16 ang nabautismuhan.

Noong 1916, dumating ang “Photo-Drama of Creation” at maganda ang naging pagtanggap dito ng mga tao sa buong bansa. Ganito ang iniulat ng pahayagang Cape Argus: “Dahil sa naging tagumpay ng pagkakagawa ng kahanga-hangang seryeng ito ng mga Pelikula ng Bibliya, sulit na sulit ang ginawang pagpapagal at ang pagiging maagap ng International Bible Students Association sa pagdadala nito sa bansa.” Hindi agad nahalata ang naging epekto ng “Photo-Drama” sa larangan, subalit napakaraming tao ang naakit sa pelikula at maraming lugar ang nabigyan ng magandang patotoo sa loob lamang ng maikling panahon. Mga 8,000 kilometro ang nalakbay ni Brother Johnston sa buong bansa upang ipalabas ito.

Nang mamatay si Brother Russell nang taon ding iyon, pansamantalang naapektuhan ang pangangaral sa Timog Aprika, gaya rin sa iba pang lugar. Hindi nagustuhan ng ilan ang mga pagbabagong ginawa pagkamatay niya, at nagdulot ito ng pagkakabaha-bahagi sa mga kongregasyong dinadaluhan nila. Halimbawa sa Durban, ang karamihan sa mga miyembro ng kongregasyon ay humiwalay at nagdaos ng sarili nilang mga pulong. Tinawag nila ang kanilang sarili na “Associated Bible Students.” Labindalawang miyembro lamang ang natira sa orihinal na kongregasyon at karamihan ay mga kapatid na babae. Dahil dito, napalagay sa mahirap na kalagayan ang kababautismong tin-edyer na si Henry Myrdal. Ang tatay niya ay sumama sa oposisyon, samantalang ang nanay naman niya ay nanatili sa lumiit na kongregasyon. Matapos mag-isip na mabuti at manalangin, nagpasiya si Henry na manatili sa kongregasyon. Gaya nang madalas mangyari, di-gaanong nagtagal ang humiwalay na grupo.

Noong 1917, inilipat sa Cape Town ang tanggapang pansangay sa Durban. Patuloy na dumami ang mga mamamahayag. Nang panahong iyon, tinatayang may 200 hanggang 300 Estudyante ng Bibliya mula sa lahi ng mga Europeo at may ilang sumusulong na kongregasyong dinadaluhan ng mga itim.

Noong 1917, iniulat ng tanggapang pansangay ng Timog Aprika: “Bagaman wala kaming literatura sa aming katutubong mga wika, kahanga-hanga ang pagkaunawa ng mga katutubong kapatid na ito sa kasalukuyang katotohanan. Ang tanging masasabi namin, ‘Ang Panginoon ang may gawa nito at ito’y kahanga-hanga sa aming paningin.’” Dumating ang mga kapatid na taga-Nyasaland (ngayo’y Malawi) upang magtrabaho sa Timog Aprika at tumulong sa maraming itim na maging mga alagad. Kabilang sa mga datihan ay sina James Napier, at McCoffie Nguluh.

WALANG-TAKOT NA IPINAGLABAN ANG KATOTOHANAN

Noong mga taóng iyon, walang-takot na ipinaglaban ng maliit na grupo ng mga ebanghelisador ang katotohanan. Sa Nylstroom, Hilagang Transvaal (ngayo’y Lalawigan ng Limpopo), dalawang batang lalaking mag-aaral ang nakabasa ng buklet na What Say the Scriptures About Hell? Tuwang-tuwa sila nang malaman nila ang katotohanan tungkol sa mga patay. Isa sa kanila, si Paul Smit,b ay nagsabi: “Nagkagulo at parang binagyo ang Nylstroom nang buong-liwanag na ipamalita naming dalawang mag-aaral na mali ang mga doktrina ng simbahan. Di-nagtagal, naging usap-usapan na ng lahat ng tao ang tungkol sa bagong relihiyong ito. Mangyari pa, ginampanan na naman ng klero ang kanilang dating papel ng paninirang-puri at pag-uusig sa bayan ng Diyos. Ilang buwan o mga taon pa ngang paksa ng mga sermon nila linggu-linggo ang tungkol sa diumano’y ‘huwad na relihiyong’ ito.” Gayunman, pagsapit ng 1924, mayroon nang maliit na grupo ng 13 aktibong mamamahayag sa Nylstroom.

Noong 1917, nag-aaral ng teolohiya si Piet de Jager sa isang unibersidad sa Stellenbosch. Isang kaeskuwela niya ang nagbabasa at nagkukuwento noon tungkol sa mga literaturang inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya. Nabahala ang simbahan kaya hinilingan nila si Piet na kausapin ang estudyanteng ito at anyayahang dumalo sa lingguhang pag-aaral ng Bibliya na inorganisa ng Christian Students Association. Taliwas sa inaasahan ng mga awtoridad ang naging resulta. Si Piet mismo ang tumanggap ng katotohanan. Matapos mawalan ng saysay ang pakikipagdebate niya sa kaniyang mga propesor tungkol sa kaluluwa, impiyerno, at iba pang mga bagay, iniwan niya ang unibersidad.

Nang maglaon, isinaayos ang isang pampublikong debate ni Piet at ni Dwight Snyman, isang doktor ng teolohiya sa Dutch Reformed Church, sa harap ng 1,500 estudyante. Inilarawan ni Brother Attie Smit ang pangyayari: “Napasinungalingan ni Piet ang bawat punto ng ekspertong doktor na ito at napatunayan niya mula sa Bibliya na ang mga doktrina ng simbahan ay wala sa Bibliya. Ibinuod ng isa sa mga estudyante ang kaniyang pananaw, ‘Kung hindi lang ako naniniwalang mali si Piet de Jager, iisipin kong tama siya dahil napatunayan niya ang lahat sa pamamagitan ng Bibliya!’”

PAGHAHASIK NG BINHI SA IBANG MGA KOMUNIDAD

Sa pagdalaw ni Brother Johnston sa isang maliit na bayan ng Franschhoek, malapit sa Stellenbosch, nakipag-ugnayan siya sa ilang mulato na naninirahan doon. Ilang taon bago nito, isang titser sa lugar na iyon, si Adam van Diemen, ang tumiwalag sa Dutch Reformed Church at nagtayo ng isang maliit na relihiyosong grupo. Dinalaw siya ni Brother Johnston, at tumanggap si Mr. van Diemen ng mga literatura para sa kaniya at sa kaniyang mga kaibigan.

Tinanggap ni van Diemen at ng ilan sa kaniyang mga kaibigan ang katotohanan at masiglang ibinahagi ang kanilang kaalaman sa iba. Ito ang naging magandang pasimula ng paglaganap ng mabuting balita ng Kaharian sa grupo ng mga mulato. Nalaman ng 17-anyos na si G. A. Daniels ang katotohanan noong panahong iyon at iniukol ang natitirang bahagi ng kaniyang buhay sa paglilingkod kay Jehova.

Nang sumunod na mga taon, si David Taylor, isang kapatid na mulato, ay masigasig ding nakibahagi sa pagpapalaganap ng katotohanan sa Bibliya sa teritoryong ito. Nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Estudyante ng Bibliya sa edad na 17. Noong 1950, nahirang siyang tagapangasiwa ng sirkito at inatasang dumalaw sa lahat ng kongregasyon ng mga mulato at sa nakabukod na mga grupo sa bansa, na noon ay umabot na sa 24. Nangahulugan ito ng madalas na paglalakbay sakay ng tren at bus.

TEOKRATIKONG PAGSULONG SA MAHIHIRAP NA PANAHON

Noong 1918, inatasan si Brother Johnston na mangasiwa sa pangangaral ng Kaharian sa Australia, at si Henry Ancketill naman ay hinilingang maglingkod bilang tagapangasiwa ng sangay sa Timog Aprika. Dati siyang mambabatas sa Natal. Retirado na siya, at bagaman may-edad na, nagampanan pa rin niyang lubos ang kaniyang atas nang sumunod na anim na taon.

Sa kabila ng magugulong taon ng digmaan at mga pagbabago sa organisasyon, patuloy pa rin ang paglago dahil marami ang masiglang tumugon sa katotohanan sa Bibliya. Noong 1921, napansin ni Christiaan Venter, superbisor ng pangkat ng mga lalaking nagmamantini ng riles ng tren, ang isang piraso ng papel na nakaipit sa ilalim ng riles. Iyon ay isang tract na inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya. Binasa niya ito at dali-daling nilapitan ang kaniyang manugang na si Abraham Celliers. Ang sabi ni Christiaan, “Abraham, nakita ko na ang katotohanan!” Ang dalawang lalaking ito ay kumuha pa ng karagdagang salig-Bibliyang literatura at pinag-aralan itong mabuti. Pareho silang naging nakaalay na Saksi at nakatulong sa marami na matutuhan ang katotohanan. Mahigit sandaan sa kanilang mga inapo ang mga Saksi ni Jehova.

HIGIT PANG PAGLAWAK

Pagsapit ng 1924, isang makinang panlimbag ang ipinadala sa Cape Town. Dumating din ang dalawang kapatid na lalaki mula sa Britanya para tumulong—si Thomas Walder, na naging tagapangasiwa ng sangay, at si George Phillips,c na humalili sa kaniya bilang tagapangasiwa ng sangay pagkalipas ng ilang taon. Halos 40 taóng ginampanan ni Brother Phillips ang tungkuling ito at malaki ang naitulong niya sa pagpapasulong at pagtatatag ng gawaing pang-Kaharian sa Timog Aprika.

Higit pang sumigla ang pag-eebanghelyo noong 1931 dahil sa resolusyon na gamitin ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Inilabas nang taóng iyon ang buklet na The Kingdom, the Hope of the World, na naglalaman ng kabuuan ng resolusyong iyon. Ipinamahagi ito sa buong bansa, at pinagsikapang mabigyan ng kopya ang bawat klerigo, pulitiko, at prominenteng negosyante sa kanilang teritoryo.

BAGONG TANGGAPANG PANSANGAY

Noong 1933, inilipat ang tanggapang pansangay sa mas malaking paupahang lugar sa Cape Town at nanatili roon hanggang 1952. Noon ay 21 na ang miyembro ng pamilyang Bethel. Ang mga Bethelite na iyon ay nakikituloy noon sa bahay ng mga kapatid at nagbibiyahe sila araw-araw patungo sa opisina at palimbagan. Bago magtrabaho tuwing umaga, nagtitipon muna sila sa isang kuwartong bihisan sa palimbagan para talakayin ang pang-araw-araw na teksto. Pagkatapos nito, sabay-sabay nilang binibigkas ang Panalangin ng Panginoon.

Napakalayo ng tinitirhan ng ilan para umuwi pa tuwing tanghalian. Binibigyan sila noon ng isang shilling at sixpence (15 sentimos ng Timog Aprika) para pambili ng pagkain. Sa halagang iyon ay nakakabili sila ng isang platong dinurog na patatas at ng isang maliit na longganisa sa restawran sa istasyon ng tren o nakakabili sila ng prutas at isang malaking tinapay.

Noong 1935, si Andrew Jack, kuwalipikadong tagaimprenta, ay ipinadala upang tumulong sa paglilimbag sa sangay sa Cape Town. Siya ay taga-Scotland, balingkinitan, at palangiti. Nakapaglingkod na siya nang buong-panahon sa mga estadong Baltic na Lithuania, Latvia, at Estonia. Pagdating sa Timog Aprika, kumuha pa si Andrew ng karagdagang kasangkapan sa paglilimbag, at di-nagtagal, gumagana na ang palimbagan sa pinakamabilis na takbo nito sa pamamagitan ng iisang tao. Noong 1937, natapos ang instalasyon ng Frontex, ang kauna-unahang awtomatikong makinang panlimbag. Sa mahigit na 40 taon, nakagawa ito ng milyun-milyong handbill at form gayundin ng mga magasin sa wikang Afrikaans.

Ginugol ni Andrew ang natitirang bahagi ng buhay niya sa paglilingkod sa Bethel sa Timog Aprika. Kahit matanda na siya noon, nakapagpakita pa rin siya ng magandang halimbawa sa pamilyang Bethel sa pamamagitan ng regular at lubusang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Natapos ng tapat na pinahirang kapatid na si Andrew ang kaniyang makalupang landasin noong 1984 sa edad na 89, matapos ang 58 taon ng puspusang paglilingkod.

MALAKING PAGSULONG NOONG MGA TAON NG DIGMAAN

Ang ikalawang digmaang pandaigdig ay di-gaanong nakaapekto sa Timog Aprika di-gaya sa Europa, bagaman maraming taga-Timog Aprika ang nakipaglaban sa digmaan sa Aprika at Italya. Binigyan ng malaking publisidad ang digmaan upang makakuha ng suporta at makapangalap ng mga sundalo. Sa kabila ng matinding pagkamakabayang nadarama ng mga tao noon, nagkaroon pa rin ng bagong pinakamataas na bilang na 881 mamamahayag sa pagtatapos ng 1940 taon ng paglilingkod—mas mataas nang 58.7 porsiyento kaysa sa pinakamataas na bilang na 555 noong nakaraang taon!

Noong Enero 1939, inilathala ang Consolation (ngayo’y Gumising!) sa wikang Afrikaans sa kauna-unahang pagkakataon. Ito rin ang kauna-unahang magasin na inilimbag ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika. Ang tipo sa magasing ito ay inaayos nang manu-mano, na isang mabagal na proseso. Di-nagtagal, napagpasiyahang ilathala Ang Bantayan sa wikang Afrikaans. Bagaman hindi pa ito natatanto ng mga kapatid noon, napapanahon pala ang desisyong iyon dahil sa mangyayari sa Europa. Nag-instala sila ng isang Linotype at makinang tagatiklop. Lumabas ang unang isyu noong Hunyo 1, 1940.

Bago nito, ang mga kapatid ay tumatanggap ng Bantayan sa wikang Olandes mula sa Netherlands para sa mga mambabasang Afrikaans, dahil magkapareho ang dalawang wikang ito. Pero noong Mayo 1940, dahil sa paglusob ni Hitler sa Netherlands, biglang nagsara ang sangay. Gayunman, nagsimula na sa Timog Aprika ang paglilimbag ng Ang Bantayan sa wikang Afrikaans, kaya walang nalaktawang isyu ng magasing ito ang mga kapatid. Ang buwanang naipamamahaging magasin ay dumami at umabot ng hanggang 17,000.

PAGSULONG SA KABILA NG SENSURA

Dahil sa panggigipit ng mga lider ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at sa pagkabahala ng pamahalaan sa ating neutral na paninindigan, kinumpiska ng mga awtoridad sa sensura ang mga kopya ng Ang Bantayan at Consolation na para sa mga suskritor noong 1940. Opisyal na ipinatalastas ang pagbabawal sa mga publikasyong ito. Kinukumpiska nila noon ang dumarating na mga magasin at literatura mula sa ibang bansa.

Gayunpaman, nakatatanggap pa rin ang mga kapatid ng kanilang espirituwal na pagkain sa tamang panahon. Sa paanuman, laging may nakararating na isang kopya ng Ang Bantayan sa wikang Ingles sa tanggapang pansangay, kung saan ito ay itina-typeset at iniimprenta. Sumulat si George Phillips: “Sa panahon ng pagbabawal, nakita namin . . . ang pinakakahanga-hangang katibayan ng maibiging pangangalaga at proteksiyon ni Jehova sa kaniyang bayan. Wala kaming nalaktawan kahit isang isyu ng Ang Bantayan. Maraming beses na isang kopya lamang ng isang isyu ang naipupuslit. Kung minsan, ang suplay na kailangan ay nanggagaling sa isang suskritor sa isa sa mga Rhodesia [ngayo’y Zambia at Zimbabwe] o sa Portuguese East Africa [ngayo’y Mozambique] o sa malungkot na kabukiran ng Timog Aprika o sa isang panauhin na sakay ng bapor na dumadaong sandali sa Cape Town.”

Noong Agosto 1941, lahat ng ipinadadalang liham mula sa tanggapang pansangay ay basta na lamang kinumpiska ng mga awtoridad ng sensura nang walang paliwanag. Sa pagtatapos ng taóng iyon, nagpalabas ng utos ang ministro ng ugnayang panloob na kumpiskahin ang lahat ng publikasyon ng organisasyon sa bansa. Isang araw, mga alas diyes ng umaga noon, dumating sa tanggapang pansangay ang Criminal Investigation Department (CID) na may mga trak para hakutin ang lahat ng literatura. Sinuri muna ni Brother Phillips ang warrant at nakita niyang hindi ito kaayon ng mga regulasyon. Hindi nakalista ang pangalan ng mga aklat, na kahilingan ayon sa Government Gazette.

Hiniling ni Brother Phillips sa mga opisyal ng CID na maghintay muna para matawagan niya ang abogado at makagawa ng mabilisang aplikasyon sa korte suprema para makakuha ng mandato na pipigil sa ministro ng ugnayang panloob sa pagkumpiska sa mga literatura. Naaprubahan naman ang kaniyang aplikasyon. Kinatanghalian, nakuha ang mandato, at umalis ang mga pulis nang walang dala. Makalipas ang limang araw, binawi ng ministro ang utos at binayaran ang lahat ng gastos sa abogado.

Ilang taon ding nagpatuloy ang pakikipaglaban sa korte tungkol sa pagbabawal sa ating mga literatura. Itinago ng mga kapatid ang mga literatura sa kani-kanilang bahay. Yamang limitado ang mga literaturang ginagamit nila sa larangan, hindi nila ito sinasayang. Ipinahihiram nila ang mga aklat sa mga interesadong mag-aral ng Bibliya. Marami ang tumanggap ng katotohanan nang panahong iyon.

Sa pagtatapos ng 1943, hinirang ang bagong ministro ng ugnayang panloob. Nagsumite ng aplikasyon upang maalis ang pagbabawal, at naaprubahan naman ito. Sa pagsisimula ng 1944, inalis na ang pagbabawal at ibinalik sa tanggapang pansangay ang maraming suplay ng literatura na kinumpiska ng mga awtoridad.

Gaano katagumpay ang pagtatangka ng mga salansang sa tunay na pagsamba na mapatigil ang pangangaral ng Kaharian? Ang estadistika para sa 1945 taon ng paglilingkod ay nagpapakitang pinagpala ni Jehova ang puspusang paglilingkod ng kaniyang tapat na bayan, at sumulong ang gawain higit kailanman. Isang katamtamang bilang na 2,991 mamamahayag ang nakapagpasakamay ng 370,264 na literatura at nakapagdaos ng 4,777 pag-aaral sa Bibliya. Napakalaking pagsulong kung ihahambing sa pinakamataas na bilang na 881 mamamahayag noong 1940.

MGA PAKINABANG SA TEOKRATIKONG PAGSASANAY

Ang pagpapasimula ng Course in Theocratic Ministry (tinatawag ngayong Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo) noong 1943 ay naglaan ng pagsasanay na nakatulong sa maraming kapatid na lalaki upang maging kuwalipikadong tagapagsalita sa publiko. Natulungan din nito ang marami na maging mabisa sa ministeryo sa larangan. Pagsapit ng 1945, nagkaroon na ng sapat na bilang ng nasanay na tagapagsalita, at pinasimulan na ang kampanya ng mga Pulong Pangmadla. Inianunsiyo ng mga kapatid ang mga pahayag, gamit ang mga handbill at plakard.

Si Piet Wentzeld ay isang kabataang payunir noon. Sa paggunita sa mga taóng iyon, sinabi niya: “Inilipat ako sa Vereeniging, at si Frans Muller ang naging kapareha ko sa pagpapayunir. Bago kami magsimula ng aming kampanya ng mga Pulong Pangmadla noong Hulyo 1945, inihanda ko muna ang dalawa sa apat na pahayag. Bumababa ako noon sa ilog tuwing tanghalian, at isang oras kong kinakausap ang ilog at mga puno, anupat isang buwan kong sinanay ang aking mga pahayag bago ako nagkaroon ng sapat na kumpiyansa na humarap sa mga tagapakinig.” Nang ibigay ang kauna-unahang pahayag sa Vereeniging, 37 interesado ang dumalo. Mula rito, nailatag ang pundasyon para sa isang kongregasyon na nabuo nang maglaon.

Makalipas ang maraming taon bilang naglalakbay na tagapangasiwa, si Piet at ang kaniyang asawang si Lina ay inanyayahan sa Bethel. Bilang miyembro ngayon ng Komite ng Sangay, napanatili niya ang kaniyang sigasig sa ministeryo at masugid na estudyante pa rin siya ng Bibliya. Namatay si Lina noong Pebrero 12, 2004, matapos ang 59 na taon bilang buong-panahong lingkod ni Jehova.

NAGLAAN NG MAIBIGING TULONG

Ang isa pang pagsulong na naganap sa ilalim ng patnubay ng punong-tanggapan sa Brooklyn ay ang paghirang sa mga lalaking tinawag na mga lingkod sa mga kapatid. Sila ang nauna sa tinatawag sa ngayon na mga tagapangasiwa ng sirkito. Ang hinihirang noon ay mga binatang malalakas at may mabuting kalusugan upang magampanan nila ang abalang iskedyul.

Noong una, dalawa o tatlong araw na dinadalaw ang malalaking kongregasyon; isang araw naman ang maliliit na grupo. Dahil dito, madalas na naglalakbay ang inatasang mga kapatid na ito. Karaniwan nang sumasakay sila sa pampublikong transportasyon, madalas na sa mga tren o bus sa alanganing mga oras. Sa kanilang pagdalaw, sinusuri nilang mabuti ang rekord ng mga kongregasyon. Gayunman, ang kanilang pangunahing layunin ay ang makasama ang mga kapatid sa larangan at sanayin sila sa ministeryo.

Ang isang lingkod sa mga kapatid na hinirang noong 1943 ay si Gert Nel, na nakaalam ng katotohanan noong 1934 habang nagtuturo sa paaralan sa Hilagang Transvaal. Marami siyang natulungang mamamahayag, at naaalaala pa ng marami sa kanila ang kaniyang tapat na paglilingkod. Siya ay matangkad, balingkinitan, mukhang istrikto, at isang masugid na tagapagtanggol ng katotohanan. Nakilala siya sa kaniyang kahanga-hangang memorya, at mahal na mahal niya ang mga tao. Naglilingkod siya mula alas siyete ng umaga hanggang alas siyete o alas otso ng gabi, nang walang pahinga. Sa kaniyang paglalakbay bilang tagapangasiwa ng sirkito, sumasakay siya sa tren kahit anong oras sa umaga o sa gabi; namamalagi nang ilang araw sa isang kongregasyon, depende sa laki nito; at saka lilipat sa susunod na kongregasyon. Ganiyan ang kaniyang ginagawa linggu-linggo. Tinawag siya sa Bethel noong 1946 bilang tagapagsalin sa wikang Afrikaans, at patuloy siyang naglingkod doon nang tapat hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1991. Siya ang pinakahuli sa mga pinahirang kapatid na naglingkod sa Bethel sa Timog Aprika. Sa pagitan ng 1982 at 1985, natapos ng iba pang tapat na pinahiran—sina George Phillips, Andrew Jack, at Gerald Garrard—ang kanilang makalupang landasin.

LUBUSANG IBINIGAY ANG KANILANG SARILI

Pinahahalagahan ng mga lingkod ni Jehova ang paglilingkod ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng kani-kanilang asawa, na lubusang nagbibigay ng kanilang sarili habang pinalalakas nila sa espirituwal ang mga kongregasyon. Halimbawa, si Luke Dladla ay hinirang na tagapangasiwa ng sirkito noong 1965 at ngayon ay isang regular pioneer. Ang sabi niya: “Ngayong 2006, 81 anyos na ako at ang aking asawa naman ay 68, pero akyat-baba pa rin kami sa mga bundok at tumatawid sa mga ilog para mapalaganap ang mabuting balita sa aming teritoryo. Mahigit 50 taon na kami sa larangan.”

Si Andrew Masondo ay hinirang na tagapangasiwa ng sirkito noong 1954. Ang sabi niya: “Noong 1965, idinestino ako sa Botswana, at iyon ay para na ring atas bilang misyonero. Taggutom noon sa lupain, dahil tatlong taon nang hindi umuulan. Naranasan namin ng aking asawang si Georgina kung ano ang pakiramdam ng matulog nang hindi naghahapunan at maglingkod sa larangan nang hindi nag-aalmusal. Madalas na tanghalian lamang ang aming kinakain sa maghapon.

“Pagbalik namin sa Timog Aprika, hinirang akong tagapangasiwa ng distrito at sinanay ako ni Ernest Pandachuk. Bago kami maghiwalay, ito ang bilin niya sa akin, ‘Huwag na huwag mong itataas ang iyong ulo nang mas mataas sa ulo ng mga kapatid, kundi maging gaya ka ng uhay ng palay na yumuyukod kapag hinog na ito, na nagpapakitang marami itong bunga.’”

KAUNA-UNAHANG PANSIRKITONG ASAMBLEA

Noong Abril 1947, ang kauna-unahang pansirkitong asamblea sa Timog Aprika ay ginanap sa Durban. Ikinuwento ni Milton Bartlett, nagtapos sa ikalimang klase ng Gilead at unang misyonerong dumating sa Timog Aprika, ang kaniyang impresyon sa mga kapatid na dumalo sa asambleang ito: “Nakatutuwang pagmasdan ang mga itim na Saksi. Napakalilinis nila, tahimik, masinop, napakataimtim at sabik na sabik na matuto pang higit hinggil sa katotohanan at maglingkod sa larangan.”

Habang sumusulong ang interes sa populasyon ng mga itim, higit pang tulong ang ibinigay sa kanila. Ang unang isyu ng Ang Bantayan sa wikang Zulu ay may petsang Enero 1, 1949. Inimprenta ito sa isang maliit na manu-manong mimyograp sa tanggapang pansangay sa Cape Town. Hindi ito kasingkulay at kasingganda ng ating mga magasin sa ngayon, subalit nakapaglaan ito ng mahalagang espirituwal na pagkain. Noong 1950, nagkaroon ng mga klase sa pagbasa’t pagsulat sa anim na wika. Natulungan ng mga klaseng ito ang daan-daang sabik na kapatid upang mabasa nila mismo ang Salita ng Diyos.

Habang sumusulong ang gawaing pag-eebanghelyo, nangailangan naman ng angkop na mga dakong pulungan. Noong 1948, isang payunir ang naatasan sa Strand, malapit sa Cape Town, kung saan nagkapribilehiyo siyang mag-organisa para maitayo ang kauna-unahang Kingdom Hall sa Timog Aprika. Isang sister na tagaroon ang gumastos sa proyekto. Sinabi ni George Phillips: “Kung puwede nga lang sanang malagyan ko ng mga gulong ang bagong bulwagang ito at mailibot sa buong bansa para mahikayat ang mga kapatid na magtayo ng mas marami pang Kingdom Hall.” Ilang taon pa rin ang lumipas bago nagkaroon ng organisadong pagtatayo ng Kingdom Hall sa buong bansa.

NAKAPAGPAPASIGLANG PAGTUGON SA MGA KOMUNIDAD NG MGA INDIAN

Sa pagitan ng mga taóng 1860 at 1911, ang mga kinontratang manggagawa ay dinala mula sa India upang magtrabaho sa taniman ng tubo sa Natal. Marami ang nagpaiwan pagkatapos ng kanilang kontrata, at malaki-laking populasyon ng mga Indian—mahigit isang milyon na nang panahong iyon—ang nanirahan sa bansa. Sa pagsisimula ng dekada ng 1950, unti-unting umusbong sa mga komunidad na Indian ang interes sa katotohanan sa Bibliya.

Si Velloo Naicker ay isinilang noong 1915, pang-apat na anak na lalaki sa siyam na magkakapatid. Ang kaniyang mga magulang ay nagtatrabaho noon sa taniman ng tubo at mga debotong Hindu. Napukaw ang interes niya dahil sa mga klase tungkol sa Bibliya sa kanilang paaralan, at nang magbinata si Velloo, may nagbigay sa kaniya ng Bibliya. Binasa niya ito araw-araw, at natapos niya ito sa loob ng apat na taon. Sumulat siya: “Nagustuhan ko ang Mateo 5:6. Nang mabasa ko ito, napag-isip-isip kong natutuwa pala ang Diyos kapag ang isa ay naghahangad ng katotohanan at ng kung ano ang tama.”

Sa wakas ay nasumpungan si Velloo ng isang Saksi at nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya. Isa siya sa unang mga Indian sa Timog Aprika na nabautismuhan noong 1954. Masyadong salansang sa mga Saksi ni Jehova ang komunidad ng mga Hindu sa kanilang lugar sa Actonville, Gauteng, at pinagbantaan pa nga ng isang kilalang tao ang buhay ni Velloo. Tinanggal si Velloo sa kaniyang trabaho bilang manedyer ng isang negosyong dry cleaning dahil sa kaniyang matatag na paninindigan sa katotohanan sa Bibliya. Gayunman, nagpatuloy siya sa tapat na paglilingkod kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1981. Nagbunga ang kaniyang magandang halimbawa, dahil mahigit 190 kamag-anak niya (pati na mga kamag-anak ng asawa niya) hanggang apat na henerasyon ang kasalukuyang naglilingkod kay Jehova.

Si Gopal Coopsammy ay 14 anyos nang una niyang marinig ang katotohanan mula sa kaniyang Tiyo Velloo. “Kasama ako sa ilang kabataang kinakausap noon ni Tiyo Velloo tungkol sa Bibliya, pero hindi pa ako nag-aaral ng Bibliya noon,” nagugunita pa niya. “Dahil isa akong Hindu, bago sa akin ang Bibliya. Pero makatuwiran naman ang ilang nabasa ko roon. Isang araw, nakita kong papunta si Tiyo Velloo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Tinanong ko siya kung puwede akong sumama. Pumayag siya, at mula noon, palagi na akong dumadalo sa mga pulong. Gusto kong matuto pa sa Bibliya, kaya pumunta ako sa pampublikong aklatan at nakakita ako ng ilang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Sinalansang ako nang husto ng aming pamilya, pero lagi kong naaalaala ang mga salita sa Awit 27:10: ‘Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.’ Nabautismuhan ako noong 1955, sa edad na 15.”

Si Gopal ang punong tagapangasiwa sa kongregasyong pinaglilingkuran niya ngayon, kasama ang kaniyang asawang si Susila. Mga 150 katao na ang natulungan nilang maging nakaalay na lingkod ni Jehova. Nang tanungin kung paano nila nagawa ito, ipinaliwanag niya: “Marami kasi akong kamag-anak sa aming lugar, at nakapagpatotoo ako sa kanila. Marami sa kanila ang tumugon. Ako rin mismo ang nagpapatakbo ng aking negosyo, kaya mas marami akong panahon para sa ministeryo. Apat na taon akong nagpayunir. Nagsikap akong mabuti sa ministeryo at matiyaga kong binalikan ang mga taong nagpakita ng interes.”

NAGBUBUNGA ANG PAG-IBIG AT TIYAGA

Si Doreen Kilgour ay nagtapos sa Gilead noong 1956 at si Isabella Elleray naman ay noong 1957. Naglingkod sila nang 24 na taon sa komunidad ng mga Indian sa Chatsworth, sa labas ng Durban.

Inilarawan ni Doreen ang kanilang paglilingkod sa teritoryong iyon: “Kailangan naming maging matiyaga. Noon lamang narinig ng ilan sa kanila ang tungkol kina Adan at Eva. Mapagpatuloy naman sila. Para sa mga Hindu, hindi ka dapat hayaang nakatayo lamang sa may pinto. Sinasabi nila, ‘Magtsa muna kayo bago umalis,’ na ang ibig sabihin ay dapat muna kaming uminom ng tsa bago kami pumunta sa susunod na bahay. Pagkatapos ng ilang bahay, para nang nakalutang sa tsa ang mga mata namin. Para sa amin, isang himala kapag tumalikod ang isang Indian sa kaniyang relihiyosong paniniwala na malalim ang pagkakaugat at naging mananamba ni Jehova.”

Ikinuwento ni Isabella ang karanasang ito: “Habang naglilingkod sa larangan, nakausap ko ang isang lalaki na tumanggap ng mga magasin. Ang kaniyang asawang si Darishnie, na kagagaling lamang sa simbahan, ay lumapit sa kaniya. Buhat-buhat niya ang kanilang sanggol. Maganda ang aming pag-uusap, at isinaayos kong balikan sila. Pero palaging wala sa bahay si Darishnie. Nang maglaon, sinabi niya sa akin na sinabihan pala siya ng kanilang pastor na dapat siyang umalis tuwing dadalaw ako. Kung gagawin niya ito, sabi ng pastor, iisipin kong hindi siya interesado. Pumunta ako sa Inglatera para dalawin ang aking pamilya. Habang naroroon ako, palagi kong naaalaala si Darishnie. Nang bumalik ako sa Timog Aprika, pinuntahan ko siya. Itinanong niya kung saan ako galing. Ang sabi niya: ‘Tiyak kong inisip mong hindi nga ako interesado. Tuwang-tuwa akong makita ka uli.’ Sinimulan namin ang pag-aaral, bagaman hindi sumali ang kaniyang asawa. Isa siyang masugid na estudyante at nabautismuhan siya nang maglaon.

“Itinuturo ng kanilang relihiyon na ang isang babaing may asawa ay dapat nakakuwintas ng dilaw na pisi na may gintong hiyas. Ang tawag dito ay tali. Aalisin lamang niya ito kapag namatay na ang kaniyang asawa. Nang gusto nang makibahagi ni Darishnie sa pangangaral, alam niyang dapat muna niyang alisin ang tali. Tinanong niya ako kung ano ang dapat niyang gawin. Pinayuhan ko siya na kausapin muna niya ang kaniyang asawa at tingnan ang reaksiyon nito. Kinausap naman niya ito, pero ayaw nitong pumayag. Sinabi ko sa kaniyang magtiyaga siya, maghintay at, kapag maganda ang araw ng asawa niya, makiusap siya uli. Sa wakas ay pumayag na rin siyang alisin ito. Pinasigla namin ang aming mga estudyante sa Bibliya na maging mataktika at magpakita ng paggalang sa mga turo ng Hindu habang naninindigan sa katotohanan sa Bibliya. Sa gayon ay naiiwasan ang di-kinakailangang pagsama ng loob ng mga kaibigan at kamag-anak, at nagiging madali sa kanila na tanggapin ang pagbabago ng relihiyon ng estudyante ng Bibliya.”

Nang tanungin kung ano ang nakatulong sa kanila upang makapagbata nang maraming taon bilang mga misyonera, sinabi ni Doreen: “Napamahal na sa amin ang mga tao. Subsob kami sa paggawa sa aming teritoryo at gustung-gusto namin ito.” Dagdag pa ni Isabella: “Nagkaroon kami ng maraming mahal na kaibigan. Ayaw sana naming iwan ang aming teritoryo, pero mahina na ang aming pangangatawan. Masaya naming tinanggap ang maibiging paanyaya na maglingkod sa Bethel.” Namatay si Isabella noong Disyembre 22, 2003.

Nadama rin ng iba pang misyonerong naglingkod sa Chatsworth na hindi na nila kayang magpatuloy pa sa kanilang mga atas at pangasiwaan ang tahanan ng mga misyonero dahil matatanda na sila, kaya tinawag din sila sa Bethel. Sila ay sina Eric at Myrtle Cooke, Maureen Steynberg, at Ron Stephens, na namatay na rin.

ISANG MALAKING PROYEKTO

Nang dumalaw sa Timog Aprika noong 1948 sina Nathan Knorr at Milton Henschel, naglilingkod noon sa punong-tanggapan ng Brooklyn, napagpasiyahang bumili ng lupa para sa tahanang Bethel at palimbagan sa Elandsfontein, malapit sa Johannesburg. Natapos ang proyekto noong 1952. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkasama-sama rin sa iisang bubong ang pamilyang Bethel. Nagdagdag pa ng maraming makinang panlimbag, kabilang na ang isang flatbed press. Ang Bantayan ay inilathala sa walong wika, at ang Gumising! naman ay sa tatlo.

Noong 1959, pinalawak pa ang tahanang Bethel at ang palimbagan. Mas malaki pa sa orihinal na gusali ang idinagdag. Isang bagong Timson na makinang panlimbag ang ininstala, ang kauna-unahang rotary press sa sangay.

Para makatulong sa pagpapatakbo ng palimbagan, inanyayahan ni Brother Knorr na lumipat sa Timog Aprika ang apat na kabataang brother mula sa Canada: sina Bill McLellan, Dennis Leech, Ken Nordin, at John Kikot. Dumating sila noong Nobyembre 1959. Sina Bill McLellan at ang kaniyang asawang si Marilyn ay naglilingkod pa rin sa Bethel sa Timog Aprika, samantalang si John Kikot naman at ang kaniyang asawang si Laura ay naglilingkod ngayon sa Bethel sa Brooklyn, New York. Sina Ken Nordin at Dennis Leech ay nasa Timog Aprika pa rin, may kani-kaniya nang asawa at pamilya. Malaking tulong pa rin sila sa pagpapasulong sa kapakanan ng Kaharian. Ang dalawang anak ni Ken ay kasalukuyang naglilingkod sa Bethel sa Timog Aprika.

Ang pinalawak na Bethel at ang mga bagong kagamitan ay lubusang ginamit sa pangangalaga sa lumalagong interes sa bansa. Noong 1952, lumampas na sa 10,000 ang mamamahayag sa Timog Aprika. Pagsapit ng 1959, ang bilang na iyan ay naging 16,776.

PAGPAPANATILI NG KRISTIYANONG PAGKAKAISA SA PANAHON NG APARTHEID

Upang maunawaan ang mga problemang kinaharap ng mga kapatid sa ilalim ng sistemang apartheid, makatutulong na malaman muna kung paano ipinatupad ang apartheid. Ipinahintulot ng batas na ang mga itim, puti (na lahing Europeo), mulato (mula sa haluang lahi), at mga Indian ay sama-samang magtrabaho sa mga lunsod sa iisang gusali, gaya ng mga pabrika, opisina, at restawran. Pero pagsapit ng gabi, bawat grupo ng lahi ay kailangang umuwi sa kani-kanilang lugar. Sa gayon, bukud-bukod ang mga lahi pagdating sa tirahan nila. Lahat ng gusali ay kailangang may bukod na kainan at paliguan para sa mga puti at sa ibang mga lahi.

Nang itayo ang kauna-unahang sangay sa Elandsfontein, hindi pumayag ang mga awtoridad na patirahin ang mga itim, mulato, at mga Indian sa gusaling kinaroroonan ng mga kapatid na puti. Noon ay halos puro puti ang nasa Bethel dahil mahirap makakuha ng permit para makapagtrabaho sa lunsod ang ibang lahi. Gayunman, may 12 kapatid na itim at mulato sa Bethel, karamihan ay mga tagapagsalin sa kani-kanilang katutubong wika. Pumayag ang pamahalaan na magtayo ng limang kuwarto sa likod na hiwalay sa pangunahing tuluyan para sa mga kapatid na ito. Subalit binawi rin ang pahintulot nang lalong higpitan ang pagpapatupad ng mga batas sa apartheid, kung kaya kinailangang magbiyahe ang mga kapatid natin tungo sa pinakamalapit na komunidad ng mga Aprikano, mga 20 kilometro ang layo, at manuluyan sa isang hostel na para lamang sa mga lalaki. Ang dalawang sister na itim naman ay pinatuloy sa pribadong bahay ng mga Saksi sa komunidad.

Ni ayaw ipahintulot ng batas na makisalo ang mga Bethelite na ito sa kanilang mga kapatid na puti sa silid-kainan, at ang mga inspektor sa munisipalidad doon ay nakaabang sa anumang paglabag sa batas. Gayunman, hindi maatim ng mga kapatid na puti na magkahiwalay sila sa pagkain. Kaya pinalitan nila ng madilim na salamin ang bintana upang magkasama-sama ang buong pamilya sa pagkain nang walang gambala.

Noong 1966, napag-isip-isip ni George Phillips na kailangan na nilang lumabas ng Bethel dahil sa mahinang pangangatawan ng kaniyang asawang si Stella. Si Harry Arnott, isang may-kakayahang kapatid, ang inatasan bilang tagapangasiwa ng sangay, at dalawang taon siyang naglingkod sa tungkuling ito. Mula noong 1968, naglilingkod na si Frans Mullere bilang tagapangasiwa ng sangay at nang maglaon ay naging koordineytor ng Komite ng Sangay.

ISANG BOMBANG ASUL ANG NAGPAALAB NG PAGSULONG

Ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan ay inilabas sa pandistritong kombensiyon noong 1968. Binansagan itong bombang asul at nagkaroon ng malaking epekto sa larangan. Nagpapadala noon ang Shipping Department ng mga 90,000 aklat sa mga kongregasyon taun-taon pero, noong 1970 taon ng paglilingkod, nakapagpadala sila ng 447,000 aklat.

Noong 1971, muling dumalaw si Brother Knorr sa Timog Aprika. Sa panahong ito, napakaliit na uli ng Bethel. Mayroon na noong 68 miyembro sa pamilya. Nagplanong magdagdag ng mga bagong gusali, at ang mga kapatid ay kusa namang nag-alok ng serbisyo o nag-abuloy ng salapi para sa proyekto. Natapos ang konstruksiyon noong Enero 30, 1972. Isa pang gusali ang naitayo noong 1978. Ang lahat ng pagpapalawak na ito ay nagsilbing pampatibay-loob at katiyakan ng suporta ni Jehova, dahil napapaharap noon ang bayan ng Diyos sa tumitinding panggigipit ng mga awtoridad ng gobyerno.

PAGSUBOK SA NEUTRALIDAD

Humiwalay ang Timog Aprika sa British Commonwealth at naging republika noong Mayo 1961. Panahon ito ng magulong pulitika at tumitinding karahasan sa bansa. Sa pagtatangkang kontrolin ang situwasyon, pinag-alab ng kasalukuyang gobyerno ang nasyonalismo, at nagdulot ito ng problema sa mga Saksi ni Jehova nang sumunod na mga taon.

Hindi inobligang magsundalo ang mga Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon. Nagbago ito noong huling bahagi ng dekada ng 1960 nang patuloy na makialam ang bansa sa mga operasyon ng militar sa Namibia at Angola. Itinakda ng bagong batas na lahat ng malulusog na puting kabataang lalaki ay dapat magsundalo. Ang mga kapatid na hindi sumunod ay sinentensiyahang makulong nang 90 araw sa mga baraks ng militar.

Kabilang si Mike Marx sa grupo ng ikinulong na mga kapatid na inutusang magsuot ng uniporme at helmet ng sundalo. Nagugunita pa niya: “Dahil ayaw naming lumitaw na bahagi kami ng militar, tumanggi kami. Iniutos ng kumandante, isang kapitan, na alisan kami ng ilang karapatan, ibartolina, at bawasan ng rasyong pagkain.” Nangangahulugan ito na ang mga kapatid ay hindi na puwedeng dalawin, magpadala o tumanggap ng sulat, o magkaroon ng anumang babasahin maliban sa Bibliya. Ang kaunting pagkain—na para sana sa mga pusakal na bilanggo—ay tubig at kalahati ng isang buong tinapay bawat araw sa loob ng dalawang araw na susundan ng karaniwang rasyon sa sundalo sa loob ng pitong araw bago maulit ang dalawang araw na tinapay at tubig. Maging ang diumano’y karaniwang pagkain ay hindi pa nga masarap at kulang na kulang.

Lahat ng paraan ay ginawa upang sirain ang katapatan ng mga kapatid. Bawat isa ay ikinulong sa isang maliit na selda. May panahon na hindi sila pinapayagang maligo. Sa halip, ang bawat kapatid ay binibigyan ng isang balde para gamiting palikuran at isa pa para sa paghuhugas. Nang maglaon, pinayagan na uli silang maligo.

“Isang araw,” nagugunita pa ni Keith Wiggill, “matapos kaming maligo ng malamig na tubig sa panahon ng taglamig, kinuha ng mga guwardiya ang aming mga kutson at kumot. Hindi nila kami pinagbihis, kaya naka-short at kamiseta lamang kami. Natulog kami sa pagkalamig-lamig na semento na sinapnan namin ng mamasa-masang tuwalya. Kinaumagahan, gulat na gulat ang sergeant major nang makita kaming masayang-masaya at masigla-masigla. Aminado siyang inalagaan kami ng Diyos noong napakalamig na gabing iyon.”

Kapag malapit nang matapos ang 90-araw na sentensiya, nililitis uli ang mga kapatid dahil ayaw nilang magsuot ng uniporme o magsanay kasama ng iba pang bilanggong militar. Pagkatapos, ikinukulong uli sila. Niliwanag ng mga awtoridad na paulit-ulit nilang sesentensiyahan ang mga kapatid hanggang sa sumapit sila sa edad na 65, kung kailan hindi na sila puwedeng magsundalo.

Noong 1972, matapos ang matinding panggigipit ng mga mamamayan at mga pulitiko, binago ang batas. Minsan na lamang sesentensiyahan ng pagkabilanggo ang mga kapatid na kasintagal ng pagsasanay sa militar. Noong una, 12 hanggang 18 buwan ang sentensiya. Pagkatapos, naging tatlong taon at nang bandang huli ay naging anim na taon. Dumating naman ang panahon na pinayagan na ng mga awtoridad na magpulong ang mga kapatid minsan sa isang linggo.

Habang nakakulong sa baraks, hindi nakalimot ang mga kapatid sa utos ni Kristo na gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Nakipag-usap sila sa mga kapuwa bilanggo, sa mga opisyal, at sa sinumang makaharap nila. Pansamantala silang pinahintulutang gamitin ang Sabado ng hapon para ibahagi ang mabuting balita sa pamamagitan ng pagliham.

May pagkakataon na inutusan ng mga opisyal ng militar ang 350 Saksi na kumaing kasabay ng 170 iba pang bilanggo. Ang baraks ang naging tanging teritoryo na may katumbasang 2 Saksi sa 1 di-Saksi, at di-nagtagal ipinasiya ng mga awtoridad na ihiwalay ang mga kapatid sa ibang bilanggo sa panahon ng pagkain.

SANGKAKRISTIYANUHAN AT NEUTRALIDAD

Paano tumugon ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan sa isyu ng sapilitang pagsusundalo? Inaprubahan ng South African Council of Churches (SACC) ang isang resolusyon tungkol sa pagtutol udyok ng budhi noong Hulyo 1974. Gayunman, sa halip na maging isyung panrelihiyon lamang, ang resolusyon ay maliwanag na may implikasyong pulitikal. Sinuportahan nito ang pagtutol sa pagsusundalo udyok ng budhi dahil ang ipinagtatanggol ng militar ay isang “lipunang di-makatuwiran at may kinikilingan” at dahil dito, ang pakikidigma ay di-makatuwiran. Tinutulan ng mga simbahang Afrikaans at ng iba pang grupo ng relihiyon ang resolusyon ng SACC.

Sinuportahan naman ng Dutch Reformed Church ang pamahalaan sa militar na mga adhikain nito. Hindi ito sumang-ayon sa resolusyon ng SACC dahil itinuring nila itong paglabag sa kabanata 13 ng Roma. Ang isa pang grupong tumutol sa SACC ay ang mga kapelyan ng relihiyon na naglilingkod sa South African Defense Force, kabilang na ang mga klerigo ng mga simbahang miyembro ng SACC. Sa pinagsamang pahayag, kinondena ng mga kapelyan ng mga simbahang gumagamit ng wikang Ingles ang resolusyon at sinabi nila: “Hinihimok namin . . . ang bawat miyembro ng ating mga simbahan at lalo na ang mga kabataang lalaki na personal na tumulong sa pagtatanggol sa ating bayan.”

Isa pa, ang bawat simbahang miyembro ng SACC ay walang malinaw na paninindigan sa neutralidad. Inamin ng aklat na War and Conscience in South Africa: “Hindi nilinaw ng karamihan [sa simbahan] . . . sa kanilang mga miyembro ang posisyon nila, at hindi nila hinimok ang kanilang mga miyembro na tumutol sa pagsusundalo udyok ng budhi.” Ipinakikita ng aklat na dahil sa matinding reaksiyon ng pamahalaan sa resolusyon ng SACC na pinagtibay ng mahigpit na batas, nag-atubili ang mga simbahan na panindigan ang kanilang paniniwala: “Nabigo ang mga pagtatangkang pakilusin ang simbahan.”

Sa kabaligtaran, inamin ng aklat na ito: “Ang karamihan sa mga nabilanggo dahil tumutol silang magsundalo udyok ng budhi ay mga Saksi ni Jehova.” Dagdag pa nito: “Idiniin ng mga Saksi ni Jehova ang karapatan ng mga indibiduwal na tutulan ang lahat ng digmaan udyok ng budhi.”

Ang paninindigan ng mga Saksi ay dahil talaga sa relihiyon. Bagaman kinikilala nila na “ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon,” ang mga Saksi ay nananatiling neutral sa pulitika. (Roma 13:1) Ang kanilang katapatan ay nauukol lamang kay Jehova, ang isa na nagsasabi sa kaniyang Salita, ang Bibliya, na hindi makikibahagi ang kaniyang tunay na mga mananamba sa mga digmaan.—Isa. 2:2-4; Gawa 5:29.

Matapos ang maraming taon ng ganitong sistema ng pagbibilanggo, naging maliwanag na hindi tatalikuran ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang neutral na paninindigan para lamang makaiwas sa malupit na pagtrato. Bukod diyan, napakasikip na ng mga baraks at nagkakaroon ito ng negatibong publisidad. Iginiit ng ilang opisyal ng pamahalaan na dalhin ang mga kapatid sa mga bilangguang sibil.

Hindi pumayag ang ilang nakikisimpatiyang opisyal ng militar. Iginagalang nila ang ating mga kabataang kapatid dahil sa matataas na pamantayang moral ng mga ito. Kung makukulong ang mga kapatid sa bilangguang sibil, magkakaroon sila ng kriminal na rekord. Pusakal na mga kriminal ang makakasama nila at manganganib silang halayin. Kaya isinaayos na maglingkod sila sa pamayanan sa mga departamento ng pamahalaan na walang kinalaman sa militar. Nang magbago ang kalagayan ng pulitika sa bansa noong dekada ng 1990, inalis na ang sapilitang pagsusundalo.

Paano kaya nakaapekto sa ating mga kabataang kapatid ang matagal na pagkakabilanggo sa panahong iyon na nasa kasibulan pa ang kanilang buhay? Marami ang nagkaroon ng magandang rekord ng tapat na paglilingkod kay Jehova at matalino nilang sinamantala ang pagkakataong ito upang pag-aralan ang Salita ng Diyos at sumulong sa espirituwal. “Ang pagkakabilanggo ko sa baraks ay nagdulot ng malaking pagbabago sa aking buhay,” ang sabi ni Cliff Williams. “Ang maliwanag na katibayan ng proteksiyon at pagpapala ni Jehova habang nakabilanggo ako ay nag-udyok sa akin na magsikap para mapasulong pa ang mga kapakanan ng Kaharian. Di-nagtagal matapos akong palayain noong 1973, naglingkod ako bilang regular pioneer, at nang sumunod na taon, pumasok ako sa Bethel, kung saan naglilingkod ako hanggang ngayon.”

Si Stephen Venter, nabilanggo sa baraks noong 17 anyos, ay nagsabi: “Isa akong di-bautisadong mamamahayag noon na kakaunti lamang ang kaalaman sa katotohanan. Dahil sa tinatanggap kong espirituwal na pampatibay mula sa pagtalakay ng pang-araw-araw na teksto sa Bibliya—na ginaganap namin tuwing umaga habang naglalampaso ng sahig—regular na mga pulong, at pakikipag-aral ng Bibliya sa mas makaranasang kapatid, napagtiisan ko ang lahat. Bagaman may mga panahong napakahirap talaga, nakapagtatakang halos hindi ko maalaala ang mga iyon! Sa katunayan, marahil ang tatlong-taóng pagkakabilanggo ko ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Natulungan ako ng karanasang iyon na sumulong sa pagkamaygulang. Nakilala ko si Jehova, at ito ang nag-udyok sa akin na pumasok sa buong-panahong paglilingkod.”

Maganda ang naging resulta ng di-makatuwirang pagkakabilanggo ng ating mga kapatid. Ganito ang isinulat ni Gideon Benade, na dumalaw sa mga kapatid sa baraks, “Kung gugunitain ang nakaraan, makikita mo ang napakabisang patotoo na naibigay.” Ang pagbabata ng ating mga kapatid at ang maraming balita tungkol sa mga paglilitis at pagsentensiya sa kanila ay nagsilbing permanenteng rekord ng neutral na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova, na hinangaan kapuwa ng militar at ng buong bansa.

ANG KATAPATAN NG MGA KAPATID NA ITIM

Noong mga unang taon ng pamamahalang apartheid, ang pagsubok sa neutralidad na napaharap sa mga kapatid na itim ay iba kaysa sa napaharap sa mga kapatid na puti. Halimbawa, hindi kinalap ang mga itim para magsundalo. Gayunman, nang labanan ng makapulitikang mga grupong itim ang pamamahalang apartheid, napaharap ang mga Saksing itim sa matitinding pagsubok. Ang ilan ay pinatay, ang iba ay binugbog, ang iba naman ay tumakas nang sunugin ang kanilang mga bahay at ari-arian—dahil lamang sa ayaw nilang labagin ang kanilang neutralidad. Oo, determinado silang sundin ang utos ni Jesus na ‘huwag maging bahagi ng sanlibutan.’—Juan 15:19.

Ipinag-utos ng ilang grupo sa pulitika na lahat ng nasa kanilang lugar ay dapat bumili ng kard ng pulitikal na partido. Isa-isang pinuntahan ng mga kinatawan ng mga grupong ito ang mga tao sa bahay para humingi ng perang pambili ng mga sandata o pampalibing sa mga kasamahan nilang napatay sa pakikipaglaban sa mga sundalong puti. Bagaman magalang na tumangging magbigay ng pera ang mga kapatid na itim, inakusahan pa rin silang mga espiya para sa gobyernong apartheid. Habang naglilingkod sa larangan, ang ilang kapatid ay sinugod at inakusahang nagkakalat ng mga propaganda ng mga puting Afrikaans.

Ang isang halimbawa nito ay si Elijah Dlodlo, na iniwan ang isang magandang kinabukasan sa isport upang maging nakaalay na lingkod ni Jehova. Dalawang linggo bago ang kauna-unahang demokratikong eleksiyon sa Timog Aprika, tumindi ang tensiyon sa pagitan ng magkalabang komunidad ng mga itim. Ipinasiya ng kongregasyon nina Elijah na mangaral sa isang teritoryong bihira nilang magawa, na ilang kilometro ang layo. Naatasan si Elijah, dadalawang buwan pa lamang nababautismuhan, na samahan ang dalawang batang lalaki na parehong di-bautisadong mamamahayag. Habang nakikipag-usap sa isang babae sa pinto, sinugod sila ng isang grupo ng mga kabataang miyembro ng isang pulitikal na kilusan. Iwinasiwas ng lider ang sjambok, makapal na latigong katad. “Ano’ng nangyayari dito?” tanong niya.

“Nag-uusap kami tungkol sa Bibliya,” sagot ng may-bahay.

Hindi ito pinansin ng galít na lalaki at sa halip, sinabi nito kay Elijah at sa dalawa niyang kasama: “Kayong tatlong lalaki, sumapi kayo sa amin. Hindi ito panahon para sa Bibliya; panahon ngayon para ipaglaban ang ating mga karapatan.”

Walang-takot na sumagot si Elijah, “Hindi namin magagawa iyan dahil naglilingkod kami kay Jehova.”

Itinulak ng lalaki si Elijah at hinagupit nang hinagupit ng sjambok. Sa bawat hagupit, isinisigaw ng lalaki: “Sumapi kayo sa amin!” Pagkatapos ng unang hagupit, wala nang naramdamang sakit si Elijah. Pinalakas siya ng mga salita ni apostol Pablo, na nagsasabing lahat ng tunay na Kristiyano ay “pag-uusigin.”—2 Tim. 3:12.

Napagod at tumigil din ang lalaki. Hindi nagustuhan ng isa sa mga sumugod ang ginawa ng lalaking may latigo, at sinabing hindi naman nakatira si Elijah sa komunidad nila. Nahati ang grupo at naglaban-laban, anupat nakatikim din ng masasakit na hagupit ng sjambok ang lider. Samantala, nakatakas naman si Elijah at ang kaniyang dalawang kasama. Pinalakas ng pagsubok na ito ang pananampalataya ni Elijah, at patuloy siyang sumulong bilang walang-takot na mángangarál ng mabuting balita. Sa ngayon, siya ay may asawa na, may mga anak, at naglilingkod bilang elder sa kanilang kongregasyon.

Nagpakita rin ng matinding lakas ng loob ang ating mga sister na itim sa kabila ng panggigipit sa kanila para huminto na sa pangangaral. Pansinin ang halimbawa ni Florah Malinda. Ang kaniyang bautisadong anak na babae, si Maki, ay sinunog ng mang-uumog na mga kabataan hanggang sa mamatay dahil sa pagtatanggol sa kaniyang kuya na ayaw sumapi sa pulitikal na kilusan ng mga ito. Sa kabila ng trahedyang ito, hindi naghinanakit si Florah kundi nagpatuloy siya sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos sa kanilang komunidad. Isang araw, inutusan siya ng mga kinatawan ng pulitikal na kilusang pumatay sa kaniyang anak na sumapi sa kanila at kung hindi ay may mangyayari sa kaniya. Tinulungan siya ng kanilang mga kapitbahay, anupat ipinaliwanag nila na wala siyang kinakampihan sa pulitika kundi ang pinagkakaabalahan niya ay ang pagtulong sa mga tao na mag-aral ng Bibliya. Dahil dito, nagtalu-talo ang mga aktibista, at sa wakas ay hinayaan na nilang makaalis si Florah. Sa mahirap na panahong iyon at hanggang sa ngayon, patuloy pa rin si Florah sa tapat na paglilingkod bilang regular pioneer.

Isang regular pioneer na brother ang nagkuwento ng nangyari sa kaniya habang sakay ng bus patungo sa kaniyang teritoryo. Itinulak siya ng isang kabataang aktibista at tinanong kung bakit may dala siyang literaturang gawa ng mga nagsasalita ng Afrikaans at ipinagbibili ito sa mga itim. Isinalaysay ng brother ang sumunod na nangyari: “Ipinatatapon niya sa akin sa labas ng bintana ng bus ang literatura. Nang tumanggi ako, sinampal niya ako at pinaso ng sigarilyo ang pisngi ko. Hindi ako kumibo. Saka niya inagaw ang aking bag ng literatura at inihagis iyon sa bintana. Hinila rin niya ang aking kurbata at sinabing ganito magdamit ang mga puti. Patuloy siya sa pang-iinsulto at pangungutya sa akin, na sinasabing dapat daw sunugin nang buháy ang mga taong tulad ko. Iniligtas ako ni Jehova dahil nakababa ako sa bus nang buháy. Hindi nakahadlang sa aking patuloy na pangangaral ang karanasang iyon.”

Tumanggap ang sangay sa Timog Aprika ng maraming liham mula sa mga indibiduwal at kongregasyon na nagkukuwento hinggil sa integridad ng mga kapatid na itim. Ang isa sa mga liham na ito ay galing sa elder ng isang kongregasyon sa KwaZulu-Natal. Ang sabi nito: “Lumiham po kami upang ipagbigay-alam sa inyo ang pagkamatay ng ating mabait na kapatid na si Moses Nyamussua. Ang trabaho niya ay maghinang at magkumpuni ng kotse. Minsan, pinahihinangan sa kaniya ng isang pulitikal na grupo ang kanilang sariling-gawang mga baril ngunit tumanggi siya. Pagkatapos, noong ika-16 ng Pebrero 1992, nagsagawa ang grupong ito ng pulitikal na rali, kung saan napalaban sila sa kaaway na grupo. Nang gabing iyon, habang pauwi sila mula sa labanán, nakita nila ang ating kapatid na papuntang shopping center. Sinibat nila siya at namatay. Ang kanilang dahilan? ‘Hindi mo kasi hininangan ang aming mga baril, namatay tuloy sa labanán ang aming mga kasamahan.’ Isa itong napakalaking dagok sa mga kapatid, pero tuloy pa rin kami sa aming ministeryo.”

PAGSALANSANG SA LOOB NG MGA PAARALAN

Bumangon ang mga problema sa mga paaralan sa aming komunidad dahil hindi nakikibahagi ang mga batang Saksi sa pagdarasal at pag-awit ng relihiyosong mga himno tuwing magtitipon sila sa umaga. Hindi ito naging problema ng mga puting mag-aarál. Ipinaliliwanag lamang ng mga magulang sa liham ang kanilang paninindigan, at eksemted na ang kanilang mga anak. Pero sa paaralan ng mga itim, itinuturing na paglaban sa awtoridad ng paaralan ang pagtangging makibahagi sa mga relihiyosong seremonya. Hindi sanáy ang mga titser sa ganitong pagtanggi. Kapag dumarating ang mga magulang upang ipaliwanag ang paninindigan ng mga Saksi, sinasabi ng mga titser na hindi sila makapagbibigay ng eksepsiyon.

Iginiit ng awtoridad ng paaralan na dapat sumama ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova sa pagtitipon tuwing umaga dahil doon ipinatatalastas ang mga bagay-bagay tungkol sa paaralan. Sumasama naman ang mga bata ngunit tahimik lamang silang nakatayo at hindi nakikibahagi sa pag-awit at pagdarasal. May ilang titser na gumagala sa mga hanay para tingnan kung nakapikit ang mga batang ito sa pagdarasal at kung umaawit sila ng relihiyosong mga himno. Nakatutuwang malaman na buong-tapang na nakapagpanatili ng integridad ang mga batang ito, na napakababata pa ng ilan.

Matapos patalsikin sa mga paaralan ang napakaraming anak ng Saksi, nagpasiya ang mga kapatid na umapela sa korte. Noong Agosto 10, 1976, ibinaba ng Korte Suprema ng Johannesburg ang desisyon sa mahalagang kasong kinasasangkutan ng 15 mag-aarál sa isang paaralan. Ganito ang isinasaad ng rekord: “Inamin . . . ng mga nakahabla na may karapatan ang mga anak ng mga aplikante na hindi makibahagi sa pagdarasal at pag-awit ng mga himno, at . . . inamin din nila na ang pagsuspinde at pagpapatalsik . . . ay labag sa batas.” Ito ay isang mahalagang tagumpay sa korte, at nang maglaon, pinagtibay ang bagay na ito sa lahat ng kasangkot na paaralan.

IBA PANG PROBLEMA SA MGA PAARALAN

Maraming anak ng Saksing pumapasok sa mga paaralan ng mga puti ang napaharap naman sa ibang pagsubok sa kanilang integridad na naging dahilan upang patalsikin sila sa mga paaralan. Gusto ng gobyernong apartheid na maging aktibo ang mga kabataang puti sa pagsuporta sa ideolohiya nito. Noong 1973, pinasimulan ng pamahalaan ang isang programang tinatawag na Pagiging Handa ng mga Kabataan. Kalakip dito ang pagmamartsa, pagtatanggol sa sarili, at iba pang gawaing makabayan.

Sumangguni sa mga abogado ang ilang magulang na Saksi, at iniharap naman ito sa ministro ng edukasyon ngunit nabigo sila. Sinabi ng ministro na ang programang Pagiging Handa ng mga Kabataan ay bahagi lamang ng pagtuturo. Ang pamahalaan ay gumawa ng maraming di-magandang publisidad laban sa mga Saksi ni Jehova tungkol sa isyung ito. Sa ilang paaralan, naging maunawain ang mga prinsipal at pinayagan ang mga bata na huwag nang sumali sa di-makakasulatang mga bahagi ng programa, ngunit sa ibang paaralan naman, pinatalsik ang mga bata.

Ilang Kristiyanong magulang lamang ang may kakayahang magpaaral ng mga anak sa mga pribadong paaralan. Isinaayos naman ng ilang magulang na mag-enrol ang kanilang mga anak sa correspondence school. Ang mga Saksing titser ay nag-alok ng home schooling. Ngunit marami sa mga batang pinatalsik ay hindi na nakatapos ng haiskul. Magkagayunman, nakinabang naman sila nang husto sa maka-Kasulatang pagsasanay sa bahay at sa kanilang kongregasyon. (Isa. 54:13) Ang ilan sa kanila ay pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Natutuwa ang malalakas-loob na kabataang ito na nabata nila ang mga pagsubok, anupat lubos silang nagtiwala kay Jehova. (2 Ped. 2:9) Nang dakong huli, nagbago naman ang kalagayan ng pulitika sa bansa, at hindi na pinatatalsik ang aming mga anak kahit hindi sila nakikibahagi sa mga gawaing makabayan.

ANG APARTHEID AT ANG AMING MGA KOMBENSIYON

Upang makasunod sa batas ng Timog Aprika, kailangang magsaayos ang mga kapatid ng magkakahiwalay na kombensiyon para sa bawat grupo ng lahi. Ang kauna-unahang pagkakataon na nagsama-sama sa iisang lugar ang lahat ng lahi ay sa nasyonal na asambleang ginanap sa Wembley Stadium, Johannesburg, noong 1952. Dumalaw noon sina Brother Knorr at Brother Henschel sa Timog Aprika at nagpahayag sa kombensiyong ito. Bilang pagsunod sa mga regulasyon ng apartheid, dapat na hiwa-hiwalay ang upuan ng bawat lahi. Ang mga puti ay nakaupo sa gawing kanluran ng istadyum, ang mga itim ay nasa gawing silangan, at ang mga Mulato at Indian naman ay nasa gawing hilaga. Isinaayos na hiwa-hiwalay rin ang mga lahi sa kapitirya. Sa kabila ng mga restriksiyong ito, ganito ang isinulat ni Brother Knorr tungkol sa kombensiyong iyon: “Ang nakatutuwa rito, magkakasama kaming lahat sa isang istadyum at sumasamba kay Jehova sa banal na kagayakan.”

Noong Enero 1974, nagkaroon ng tatlong kombensiyon sa Johannesburg, isa para sa mga itim, isa para sa mga Mulato at Indian, at isa para sa mga puti. Gayunman, gumawa ng espesyal na kaayusan sa huling araw ng kombensiyon: Lahat ng lahi ay magsasama-sama sa Rand Stadium sa Johannesburg sa sesyon sa hapon. Humugos sa istadyum ang kabuuang bilang na 33,408. Napakasayang okasyon iyon! Sa pagkakataong iyon, lahat ng lahi ay nagsama-sama at naupong magkakatabi. Naroroon din ang maraming bisita mula sa Europa, kung kaya lalong naging espesyal ito. Paano ito nangyari? Hindi alam noon ng mga tagapag-organisa ng kombensiyon na ang inarkila nilang istadyum ay para pala sa mga okasyong internasyonal na dinadaluhan ng iba’t ibang lahi, at hindi na kailangan ng permit sa isang sesyong ito.

PAGTITIPON SA KABILA NG PAGTATANGI

Ilang taon bago nito, gumawa ng mga kaayusan para sa nasyonal na kombensiyon sa Johannesburg. Subalit isang kinatawan ng pamahalaan mula sa Pretoria ang dumalaw sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Johannesburg may kinalaman sa mga gawain ng mga Bantu (mga itim) at napansin nito sa ulat ng kanilang miting na inarkila pala ng mga Saksi ni Jehova ang Mofolo Park para sa isang kombensiyon ng mga kapatid na itim.

Isinumbong niya ito sa punong-tanggapan nila sa Pretoria, at agad na kinansela ng Bantu Affairs Department ang pagpapaarkila, dahil hindi raw “kinikilalang relihiyon” ang mga Saksi. Kasabay nito, naarkila na ng mga kapatid na puti ang Milner Park Show Grounds na nasa sentro ng Johannesburg para sa kanilang kombensiyon, at ang mga kapatid na mulato naman ay magpupulong sa Union Stadium, sa karatig-pook ng lunsod sa kanluran.

Pinuntahan ng dalawang brother mula sa Bethel ang nasabing ministro, na dati palang klerigo ng Dutch Reformed Church. Ipinaliwanag nila na maraming taon nang nagdaraos ng mga kombensiyon sa Mofolo Park ang mga Saksi at magdaraos na nga ng kanilang kombensiyon ang mga kapatid na puti at mga mulato, kaya bakit naman hahadlangan ang mga kapatid na itim sa karapatan nilang magtipon? Nagmatigas pa rin ang ministro.

Yamang nasa gawing kanluran ng Johannesburg ang Mofolo Park, ipinasiya ng dalawang brother na ito na subukang ilipat ang kombensiyon sa gawing silangan ng Johannesburg, kung saan may malalaking komunidad din ng mga itim. Nakipagkita sila sa nangangasiwang direktor, pero hindi nila sinabing nakausap na nila ang ministro sa Pretoria. Pumayag agad siya nang humiling sila ng isang lugar para sa kombensiyon. Ipinagamit niya sa kanila ang Wattville Stadium. Ang pasilidad na ito ay may mga dakong mauupuan na wala sa Mofolo Park.

Ipinaalam agad sa lahat ng mga kapatid ang tungkol sa bagong lugar. Naging matagumpay ang kanilang kombensiyon na dinaluhan ng mga 15,000 at wala nang nagawang panghihimasok mula sa Pretoria. Sa loob ng ilang taon pagkatapos nito, nakapagdaos ang mga kapatid ng mga kombensiyon sa Wattville Stadium nang walang problema.

NAGTATAG NG LEGAL NA ASOSASYON

Noong Enero 24, 1981, sa tagubilin ng Lupong Tagapamahala, binuo ang isang legal na asosasyon na may 50 miyembro: Jehovah’s Witnesses of South Africa. Nakatulong ang legal na asosasyong ito sa pagpapasulong ng espirituwal na mga kapakanan sa maraming paraan.

Napakatagal nang hindi maaprubahan ang hinihiling ng mga kapatid mula sa sangay na magkaroon ang mga Saksi ni Jehova ng sarili nilang tagapagkasal. Nagugunita pa ni Frans Muller: “Palagi kaming tinatanggihan ng mga opisyal ng gobyerno at sinasabing wala pa raw sa kalagayan at hindi pa matatag ang ating relihiyon para magkaroon ng sariling tagapagkasal.”

Isa pa, imposible ring makakuha ng permit para makapagpatayo ng mga Kingdom Hall sa mga komunidad ng mga itim kung walang legal na asosasyon. Palaging tinatanggihan ang mga kapatid dahil sinasabi ng mga opisyal: “Hindi kinikilala ang relihiyon ninyo.”

Subalit di-nagtagal matapos maitatag ang asosasyon, pinahintulutan na ring magkaroon ng sariling mga tagapagkasal ang mga kapatid. Pinayagan na rin silang magtayo ng mga Kingdom Hall sa mga komunidad ng mga itim. Mayroon na ngayong mahigit 100 elder na tagapagkasal sa Timog Aprika. Puwede silang magkasal sa Kingdom Hall, kaya hindi na kailangang pumunta pa sa korte ang ikakasal para sa seremonyang sibil.

MALALAKING PAGBABAGO SA PAGLILIMBAG

Mabilis ang mga pagbabago sa paglilimbag, at napag-iwanan na ng panahon ang mga makinang letterpress. Bukod diyan, kakaunti na ang mga piyesa nito at mahal pa. Kaya napagpasiyahang panahon na para palitan ito ng computerized phototypesetting at offset printing. Bumili ng mga stand-alone unit para sa data-capturing at phototypesetting, at nag-instala ng TKS rotary offset press noong 1979—isang napakalaking regalo mula sa sangay sa Hapon.

Dahil naglilimbag ang mga Saksi ni Jehova ng mga literatura sa napakaraming wika, nakita nilang dapat na silang gumawa ng sariling phototypesetting system. Noong 1979, pinasimulan ng mga kapatid sa Brooklyn, New York ang tinatawag na MEPS (akronim para sa multilanguage electronic phototypesetting system). Ininstala ang MEPS sa Timog Aprika noong 1984. Dahil computer na ang ginagamit sa pagsasalin at phototypesetting, nailalathala na nang sabay-sabay ang mga literatura sa iba’t ibang wika.

PATIUNANG PAGPAPLANO PARA SA HIGIT PANG PAGSULONG

Sa pagsisimula ng dekada ng 1980, ang pasilidad ng Bethel sa Elandsfontein ay maliit na para masapatan ang lumalaking pangangailangan sa larangan. Dahil dito, bumili ng lupa sa bayan ng Krugersdorp, mga 30-minutong biyahe mula sa Johannesburg. Ang 87-ektaryang lupa ay isang maganda at maburol na lugar, na napaliligiran ng nakarerepreskong batis. Maraming kapatid ang nagbitiw sa kanilang trabaho upang tumulong sa proyekto ng pagtatayo, at ang iba naman ay tumutulong kung bakasyon nila. May dumating na ilang boluntaryo mula sa ibang bansa, gaya ng New Zealand at Estados Unidos, at natapos ang konstruksiyon sa loob ng anim na taon.

Mahirap pa ring makakuha ng pahintulot noon para makatira sa gusali ng sangay ang mga itim na Saksi, na karamihan ay mga tagapagsalin. Nakakuha ng pahintulot, ngunit para lamang sa 20 katao, at kailangang ipagtayo sila ng hiwalay na tirahan. Gayunman, nang maglaon, naging maluwag ang pamahalaan sa patakaran nito tungkol sa apartheid, at puwede nang tumuloy saanmang kuwarto sa Bethel ang mga kapatid anuman ang kanilang lahi.

Tuwang-tuwa ang pamilya sa napakahusay na pagkakagawa sa Bethel at sa mga kuwarto nito na malalaki at magaganda. Ang tatlong-palapag na gusaling ito na napapalamutian ng pulang laryo ay napalilibutan ng naggagandahang hardin. Nang magsimula ang konstruksiyon sa Krugersdorp, 28,000 ang aktibong Saksi sa Timog Aprika. Pagsapit ng pag-aalay, noong Marso 21, 1987, umabot ito sa 40,000. Gayunman, iniisip ng ilan kung talaga nga bang kailangan pang magtayo ng gayon kalaking pasilidad. Wala namang gumagamit sa isang palapag ng gusaling pang-opisina, at bakante ang isang bahagi ng gusaling tirahan. Sinikap ng mga kapatid na magplano nang patiuna upang matiyak na handa na sila sa pagsulong sa hinaharap.

NATUGUNAN ANG MAHALAGANG PANGANGAILANGAN

Kailangang-kailangan noon ang dagdag na mga Kingdom Hall para sa dumaraming kongregasyon. Ang mga kapatid sa mga lugar na maraming itim ay nagpupulong noon sa mahirap na kalagayan. Nagpupulong sila sa mga garahe, bodega, at mga silid-aralan, kung saan nakaupo sila sa maliliit na upuang pambata. Nagiging problema rin nila ang ibang mga grupo ng relihiyon na nagpupulong sa mga silid-aralan sa paaralan ding iyon dahil sa kanilang malakas na pag-awit at pagtugtog ng mga tambol, na talaga namang nakabibingi.

Sa pagtatapos ng dekada ng 1980, sinubukan ng mga Regional Building Committee ang mga bagong pamamaraan ng pagtatayo upang mapabilis ang konstruksiyon ng mga Kingdom Hall. Noong 1992, 11 Saksing taga-Canada na may karanasan sa mga proyekto ng pinabilis na pagtatayo ang nagboluntaryong tumulong sa konstruksiyon ng dalawahang Kingdom Hall—isang gusaling may dalawang palapag—sa Hillbrow, Johannesburg. Itinuro ng mga lalaking ito ang kanilang kasanayan sa mga kapatid na tagaroon at tinulungan silang pasulungin ang kanilang paraan ng pagtatayo.

Noong 1992, natapos sa Diepkloof, Soweto ang kauna-unahang Kingdom Hall na itinayo sa mabilis na paraan. Noon pa mang 1962, naghahanap na ang mga kapatid ng mapagtatayuan ng Kingdom Hall sa lugar na ito. Si Zechariah Sedibe, kabilang sa naghanap ng mapagtatayuan, ay dumalo sa pag-aalay ng Kingdom Hall noong Hulyo 11, 1992. Ngiting-ngiti siya nang sabihin niya: “Akala namin ay hindi na kami magkakaroon ng Kingdom Hall. Bata pa kami noon. Retirado na ako ngayon, pero mayroon na kaming sariling bulwagan, ang kauna-unahang itinayo sa Soweto nang ilang araw lamang.”

Mayroon na ngayong 600 Kingdom Hall sa mga bansang pinangangasiwaan ng sangay sa Timog Aprika. Ang mga bulwagang ito ay mga sentro ng dalisay na pagsamba kay Jehova. Gayunman, may natitira pang mga 300 kongregasyon na may 30 o higit pang mamamahayag na nangangailangan ng kani-kanilang sariling Kingdom Hall.

Sa pangangasiwa ng tanggapang pansangay, may 25 Regional Building Committee na nagbibigay ng praktikal na tulong sa mga kongregasyon na gustong magpatayo ng bulwagan. Ang mga kongregasyon ay puwedeng umutang nang walang interes para gamitin sa kanilang mga proyekto. Si Peter Butt, mahigit nang 18 taóng tumutulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall, ang tsirman ng Regional Building Committee sa Gauteng. Sinabi niya na ang mga kapatid na kabilang sa mga komiteng ito ay karaniwan nang mga padre-de-pamilyang naghahanapbuhay, ngunit maligayang nagsasakripisyo ng kanilang panahon alang-alang sa kanilang mga kapatid.

Ipinaliwanag naman ng isa pang miyembro ng regional commitee, si Jakob Rautenbach, na karaniwan nang nagtatrabaho ang mga miyembro ng komite sa lugar ng konstruksiyon sa buong panahon ng pagtatayo. Sila rin ang nagpaplano ng lahat ng gagawin bago ang konstruksiyon. Masigla niyang inilarawan ang kaligayahan at pagtutulungan ng mga boluntaryong manggagawa. Sa sariling gastos nila, nagbibiyahe sila patungo sa lugar ng konstruksiyon na kung minsan ay napakalayo.

Ayon kay Jakob, maraming kapatid ang masayang naglalaan ng kanilang panahon at salapi para sa pagtatayo ng Kingdom Hall at ibinigay niya ang halimbawang ito: “Dalawang magkapatid na babae na may sariling kompanya ng mga sasakyang panghakot ang naghahatid ng aming 13-metrong container ng mga kagamitan sa mga lugar ng konstruksiyon sa buong bansa—at maging sa kalapit na mga bansa—at ginagawa na nila ito mula pa noong 1993. Napakalaking donasyon ito! Karamihan sa mga kompanyang binibilhan namin ay nagbibigay ng donasyon o diskuwento kapag nakikita nila ang aming ginagawa.”

Matapos ang maingat na pagpaplano at pag-oorganisa ng mga pangkat na magtatrabaho, madalas na naitatayo ng mga kapatid ang isang bulwagan sa loob lamang ng tatlong araw. Natamo nito ang paggalang ng maraming nakakakita. Nang malapit nang matapos ang unang araw ng konstruksiyon sa isang lugar, dalawang lalaking naglasingan sa kalapit na beer house ang lumapit sa mga kapatid. Sinabi nila na sa bakanteng loteng ito sila dating dumaraan pauwi pero ngayon ay may nakatayo nang gusali. Nagtanong sila ng daan, dahil tiyak daw na naliligaw sila.

MAPAGSAKRIPISYONG ESPIRITU

Ang mga pagbabago sa pulitika noong pasimula ng dekada ng 1990 ay hindi nakapagdulot ng kapayapaan at katatagan. Sa kabaligtaran, lalo pa ngang tumindi ang karahasan. Naging komplikado ang situwasyon, at maraming ibinibigay na dahilan ang mga tao kung bakit lalong tumitindi ang karahasan, karamihan sa mga ito ay iniuugnay nila sa labanan sa pulitika at di-pagkakontento sa ekonomiya.

Gayunman, patuloy pa rin ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Ang mga boluntaryo na iba’t iba ang lahi ay inihahatid ng mga kapatid na tagaroon papasok sa mga komunidad. May mga boluntaryo noon na sinusugod ng galít na mga mang-uumog. Habang itinatayo ang isang bulwagan sa Soweto noong 1993, pinagbabato ng galít na mga mang-uumog ang tatlong kapatid na puti habang nagbibiyahe sila patungo sa itinatayong Kingdom Hall dala ang mga materyales sa pagtatayo. Nabasag ang lahat ng salamin ng sasakyan, at nasaktan ang mga kapatid. Nakarating naman sila sa lugar ng konstruksiyon. Saka sila isinugod ng mga kapatid na tagaroon sa ospital, pero sa mas ligtas na lugar sila dumaan.

Hindi naman naabala ang pagtatrabaho sa proyekto. Gumawa sila ng mga pag-iingat, at daan-daan mula sa lahat ng lahi ang nagtrabaho sa konstruksiyon nang sumunod na Sabado’t Linggo. Ang mga payunir na tagaroon ay nagpapatotoo sa lansangan sa teritoryong malapit sa bulwagan. Kapag nahahalata nilang may problema, binabalaan nila ang mga kapatid sa konstruksiyon. Pagkaraan ng ilang araw, magaling na ang mga nasugatang kapatid at nagpatuloy na uli sa pagtatayo ng bulwagan.

Pinahalagahan ng mga kongregasyon ang kasigasigan at pagsasakripisyo ng mga kapatid na nagboluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall. Sa loob ng 15 taon, ang mag-asawang Fanie at Elaine Smit, na madalas na nagbibiyahe nang malayo sa sariling gastos nila, ay nakatulong na sa 46 na kongregasyon na makapagpatayo ng sariling Kingdom Hall.

Ganito ang isinulat ng isang kongregasyon sa KwaZulu-Natal sa Regional Building Committee: “Isinakripisyo ninyo ang pagtulog, ang kasiyahang makasama ang inyong pamilya, ang paglilibang—at marami pang iba—para lamang pumarito at magtayo ng isang bulwagan para sa amin. Bukod diyan, alam naming isinakripisyo rin ninyo ang malaking halaga ng inyong salapi sa ikatatagumpay ng proyekto. Alalahanin sana kayo ni Jehova ‘sa ikabubuti.’—Nehemias 13:31.”

Kapag may sariling Kingdom Hall ang kongregasyon, maganda ang epekto nito sa pamayanan. Ang komentong ito ng isang kongregasyon ay karaniwan nang naririnig: “Napakarami nang dumadalo mula nang maitayo ang Kingdom Hall anupat kailangan nang hatiin ang kongregasyon sa dalawang grupo para sa pahayag pangmadla at Pag-aaral sa Bantayan. Kailangan na naming bumuo agad ng isa pang kongregasyon.”

Kung minsan, ang maliliit na kongregasyon sa mga liblib na lugar ay walang perang pampatayo ng bulwagan. Ngunit marami ang nakagawa ng paraan upang makaipon ng pondo. Sa isang kongregasyon, nagbenta ng mga baboy ang mga kapatid. Nang mangailangan pa sila ng pera, nagbenta naman sila ng isang barakong baka at isang kabayo. Pagkatapos ay nagbenta sila ng 15 tupa, isa pang barakong baka, at isa pang kabayo. Isang sister ang sumagot sa lahat ng gagamiting pintura, isa pang sister ang bumili ng alpombra, at isa pa ring sister ang nagbayad para sa mga kurtina. Pinakahuli, nagbenta pa ng isang barakong baka at limang tupa para mabayaran ang mga upuan.

Nang matapos ang kanilang Kingdom Hall, ganito ang isinulat ng isang kongregasyon sa Gauteng: “Sa loob ng di-kukulangin sa dalawang linggo matapos maitayo ang bulwagan, binabalik-balikan namin ito tuwing matatapos kaming maglingkod sa larangan para lamang pagmasdan ito. Hindi kami umuuwi pagkatapos maglingkod sa larangan hangga’t hindi muna namin nakikita ang aming Kingdom Hall.”

NAPAPANSIN DIN NG IBA

Madalas ding napapansin ng pamayanan ang pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na magkaroon ng angkop na mga dako ng pagsamba. Tumanggap ang kongregasyon sa Umlazi, KwaZulu-Natal ng isang liham na ganito ang sinasabi sa isang bahagi: “Pinahahalagahan ng Keep Durban Beautiful Association ang inyong pagsisikap na mapanatiling malinis ang inyong lugar at pinasisigla rin kayo na ipagpatuloy ito. Gumanda ang lugar na ito dahil sa inyong sipag. Adhikain ng asosasyong ito na sugpuin ang pagkakalat at panatilihing malinis ang kapaligiran. Naniniwala kami na mabuting kalusugan ang idinudulot sa pamayanan ng isang malinis na kapaligiran. Kaya naman pinupuri namin ang ating mga mamamayan dahil pinananatili nilang malinis ang ating lugar. Salamat sa inyong magandang halimbawa. Pinasisigla namin kayong panatilihing malinis ang lugar ng Umlazi anuman ang inyong ginagawa.”

Isang kongregasyon naman ang sumulat: “Nang pasukin ng magnanakaw ang aming bagong Kingdom Hall, sinugod siya ng mga taong nakatira sa paligid ng bulwagan. Sinabi nilang sinisira nito ang ‘kanilang simbahan’ palibhasa’y ito lamang ang nag-iisang gusaling panrelihiyon sa lugar na iyon. Binugbog muna nila siya bago ibigay sa mga pulis.”

NATUGUNAN ANG KINAKAILANGANG MGA KINGDOM HALL SA APRIKA

Noong 1999, isinaayos ng organisasyon ni Jehova ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi. Nagtatag ng Regional Kingdom Hall Office sa sangay sa Timog Aprika para organisahin ang gawaing ito sa iba’t ibang bansa sa Aprika. Isang kinatawan mula sa tanggapan ang ipinadala sa bawat sangay upang tulungan ang mga kapatid na bumuo ng Kingdom Hall Construction Desk. Ang departamentong ito ang bumibili ng lupa at nag-oorganisa ng mga Kingdom Hall Construction Group. Nagpadala rin ng internasyonal na mga lingkod para tumulong at magsanay sa lokal na mga kapatid.

Ang Regional Office sa Timog Aprika ay nakabuo ng 25 Kingdom Hall Construction Desk sa Aprika, na nangangasiwa sa konstruksiyon ng mga Kingdom Hall sa 37 bansa. Mula noong Nobyembre 1999, nakapagtayo na ng 7,207 Kingdom Hall sa mga bansang saklaw ng kaayusang ito. Sa kalagitnaan ng 2006, napag-alaman na kailangan pa ng karagdagang 3,305 Kingdom Hall sa mga bansang ito.

MGA EPEKTO NG PAGBABAGO SA PULITIKA

Dahil sa tumitinding reklamo sa mga patakarang panlahi ng dating pamahalaan, sumiklab ang kaguluhan at karahasan, at tuwirang naapektuhan ang ilan sa mga Saksi ni Jehova. Laganap ang mararahas na labanan sa komunidad ng mga itim at marami ang namatay. Gayunman, sa kalakhang bahagi, nag-ingat ang mga kapatid at nagpatuloy sa tapat na paglilingkod kay Jehova sa mahirap na panahong ito. Malalim na ang gabi noon nang hagisan ng gasolinang bomba ang bahay ng isang brother at ng kaniyang pamilya habang natutulog sila. Nakatakas sila, at pagkaraan ay sumulat ang brother na ito sa sangay: “Lalo pang lumakas ngayon ang pananampalataya ng aming pamilya. Nawala ngang lahat ang aming materyal na mga ari-arian, pero lalo naman kaming napalapit kay Jehova at sa kaniyang bayan. Tinulungan kami ng mga kapatid sa materyal na paraan. Inaasam namin ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay at pinasasalamatan si Jehova sa ating espirituwal na paraiso.”

Noong Mayo 10, 1994, nanumpa sa tungkulin si Nelson Mandela, ang kauna-unahang itim na presidente. Siya rin ang kauna-unahang presidente ng bansa na nahalal sa demokratikong paraan, at noon lamang sa kauna-unahang pagkakataon pinaboto ang mga itim. Nangibabaw ang nasyonalismo at labis na katuwaan. Nagharap ito ng naiibang hamon sa ilan nating kapatid.

Nakalulungkot banggitin, nilabag ng ilang kabilang sa bayan ni Jehova ang kanilang Kristiyanong neutralidad, pero nanatili namang neutral ang karamihan. Marami sa nakipagkompromiso ang natauhan, taimtim na nagsisi, at tumugon sa pampatibay-loob mula sa Kasulatan.

PAGSULONG SA PUSO

Ang pagtatayo ng karagdagang mga Kingdom Hall ay katibayan ng pagpapala ni Jehova, ngunit ang tunay na makahimalang pagsulong ay nagaganap sa puso ng mga tao. (2 Cor. 3:3) Naaakit sa katotohanan ang mga indibiduwal na may iba’t ibang pinagmulan. Pansinin ang ilang halimbawa.

Si Ralson Mulaudzi ay ibinilanggo noong 1986 at sinentensiyahan ng kamatayan sa salang pagpatay. Nakita niya ang adres ng sangay sa isa sa ating brosyur at sumulat upang humingi ng tulong na matuto tungkol sa Bibliya. Pinahintulutan si Les Lee, isang special pioneer, na dumalaw sa kaniya at nagsimula silang mag-aral ng Bibliya. Di-nagtagal, ipinakikipag-usap na ni Ralson sa ibang bilanggo at mga warden ang kaniyang natututuhan. Nabautismuhan siya sa bilangguan noong Abril 1990. Regular na dinadalaw ng mga miyembro ng lokal na kongregasyon si Ralson at nakalalabas siya sa kaniyang selda sa loob ng isang oras araw-araw. Ginugugol niya ang oras na ito sa pangangaral sa ibang mga bilanggo. Natulungan ni Ralson ang tatlong tao hanggang sa magpabautismo ang mga ito at nagdaraos siya ngayon ng dalawang pag-aaral sa Bibliya. Ang kaniyang sentensiyang kamatayan ay ibinaba sa habambuhay na pagkabilanggo na may posibilidad na mapalaya.

Ibang-iba naman ang karanasan ng ilang nápalapít kay Jehova. Si Queenie Rossouw na isang interesado ay dumalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at nakisuyo sa tagapangasiwa ng pag-aaral sa aklat na dalawin ang kaniyang 18-taóng-gulang na anak na lalaki, na naghahanda para sa katesismo. Maganda ang naging pag-uusap ng kapatid at ng binata, na nagsimula nang dumalo sa mga pulong kasama ng kaniyang nanay. Pagkatapos, nakisuyo uli ang nanay na ito na dalawin naman ang kaniyang asawang si Jannie na isang matanda sa Dutch Reformed Church at tsirman ng lupon ng simbahan; may mga gusto itong itanong. Nakipag-usap ang kapatid sa asawang lalaki at sumang-ayon naman itong mag-aral ng Bibliya.

Noon ay linggo ng pandistritong kombensiyon, at inanyayahan ng kapatid si Queenie na dumalo. Nagulat ang kapatid nang dumating din si Jannie at dinaluhan ang buong apat na araw. Hangang-hanga ang asawang lalaki sa programa ng kombensiyon at sa pag-ibig na nakikita sa mga Saksi. Nagsimula nang makisali sa pag-aaral ng Bibliya ang kanilang 18-taóng-gulang na anak na lalaki at ang kanilang panganay na anak na lalaki na isang diyakono sa simbahan.

Nagbitiw silang lahat sa simbahan at agad nang dumalo sa mga pulong. Dumalo rin sila sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Ipinaliwanag ng kapatid kay Jannie na hindi pa siya puwedeng maglingkod sa larangan kasama ng mga Saksi dahil hindi pa naman siya kuwalipikado bilang di-bautisadong mamamahayag. Lumuluha niyang sinabi na buong buhay niyang hinanap ang katotohanan, at gustung-gusto na sana niya itong masabi sa iba.

Ang mga Rossouw ay may isa pa 22-taóng-gulang na anak na lalaking estudyante sa teolohiya na nasa ikatlong taon. Sinulatan ni Jannie ang anak niyang ito at pinauwi na dahil hindi na niya pag-aaralin pa ang anak. Tatlong araw pa lamang nakauuwi ang anak na lalaking ito, si Jannie at ang tatlo sa kaniyang mga anak na lalaki ay sumama sa kongregasyon sa isang araw na pagtatrabaho sa Bethel sa Krugersdorp. Ang estudyanteng ito sa teolohiya ay humanga sa nakita niya sa Bethel, kaya pumayag siya na mag-aral ng Bibliya kasama ng kaniyang mga kapatid. Matapos ang ilang panahong pag-aaral, sinabi niyang mas marami siyang natutuhan sa Bibliya sa loob ng isang buwan kaysa sa dalawa at kalahating taon sa unibersidad.

Nang maglaon, nabautismuhan ang buong pamilya. Isa na ngayong elder ang ama, at ang ilan sa mga anak ay mga elder na rin o mga ministeryal na lingkod. Regular pioneer naman ang isang anak na babae.

“HABAAN MO ANG IYONG MGA PANALING PANTOLDA”

Sa kabila ng pagsisikap na maglaan ng sapat na lugar para sa panghinaharap na pagpapalawak sa Bethel, kinailangan agad ang malakihang pagpapalawak 12 taon lamang matapos ialay ang pasilidad sa Krugersdorp. (Isa. 54:2) Nang panahong iyon, dumami nang 62 porsiyento ang mamamahayag sa Timog Aprika at sa mga bansang sakop ng sangay. Nagtayo ng isang bodega at tatlong bagong gusaling tirahan. Nagdagdag din ng labahan at mga opisina, at isa pang silid-kainan. Noong Oktubre 23, 1999, ang mga karagdagang gusaling ito ay inialay kay Jehova. Si Daniel Sydlik ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay.

Kamakailan lamang, pinalaki pa nang 8,000 metro kuwadrado ang palimbagan. Dito inilagay ang bagong rotary press na MAN Roland Lithoman. Ang sangay ay tumanggap din ng makina na awtomatikong tumatabas, nagbibilang, at nagsasalansan ng mga magasin. Nagbigay ang sangay ng Alemanya ng isang bindery line upang makagawa ang Timog Aprika ng mga aklat at Bibliya na may malambot na pabalat para sa buong timugang bahagi ng Sahara sa Aprika.

ANGKOP NA MGA DAKO PARA SA ASAMBLEA

Nagplano ng higit pang pagtatayo upang matugunan ang kinakailangang mga Assembly Hall. Unang nakapagtayo nito sa Eikenhof, timog ng Johannesburg, na inialay noong 1982. Isa pang Assembly Hall ang itinayo sa Bellville, Cape Town, at si Milton Henschel ang nagpahayag sa pag-aalay noong 1996. Noong 2001, isa pang bulwagan ang natapos sa Midrand, sa pagitan ng Pretoria at Johannesburg.

Nagbago ng saloobin ang mga kapitbahay na dating tutol sa proyekto ng pagtatayo sa Midrand nang makilala nila ang mga kapatid at makita ang ginagawa ng mga ito. Isang kapitbahay ang nagdadala ng kahun-kahong prutas at gulay tuwing ikalawang linggo sa loob ng mahigit isang taon. Napakilos din ang ilang kompanya na magbigay ng donasyon. May nagpadala ng libreng abono para sa hardin. May nagbigay sa mga kapatid ng tsekeng nagkakahalaga ng 10,000 rand (mga $1,575, U.S.) para sa proyekto. Mangyari pa, malaki rin ang donasyon ng mga kapatid para sa Assembly Hall.

Maganda at maayos ang disenyo ng gusali. Idiniin ni Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala na nagpahayag sa pag-aalay, ang tunay na kagandahan ng bulwagan—gagamitin ito para parangalan ang ating Dakilang Ama, si Jehova.—1 Hari 8:27.

HINDI NAPAGHIWALAY NG BATAS NG TAO

Sa loob ng maraming taon, napakahirap kumuha ng angkop na dako para sa mga asamblea sa lugar ng mga itim. Sa Probinsiya ng Limpopo, ang mga kapatid ay nakatira sa tinatawag na reserve, na hindi puwedeng pasukin ng mga puti nang panahong iyon. Hindi makakuha ng permit si Corrie Seegers, tagapangasiwa ng distrito, para makapasok sa lugar na iyon, at hindi rin siya makakita ng lugar para sa asamblea.

Kinausap ni Brother Seegers ang isang lalaking may bukid na katabi lamang ng reserve, pero ayaw ng lalaki na sa kaniyang bukid ganapin ang asamblea. Gayunman, pumayag itong doon iparada ni Brother Seegers ang kaniyang treyler (caravan). Nang dakong huli, ginanap ng mga kapatid na itim ang asamblea sa isang di-masukal na lugar sa kagubatan sa reserve. Ito ang hangganan ng lupa ng magsasaka, na nababakuran ng alambreng may tinik upang ihiwalay sa di-masukal na lugar na iyon. Ipinarada ni Brother Seegers ang kaniyang treyler sa lupa ng magsasaka na malapit sa di-masukal na lugar at doon siya nagbigay ng kaniyang mga pahayag. Nakahiwalay ang mga kapatid sa “plataporma” dahil sa bakod, subalit napakinggan naman nila ang programa ng asamblea, at nakapagpahayag si Brother Seegers sa mga kapatid nang walang nilalabag na batas.

NAKINABANG ANG TERITORYO SA ISANG PAGBABAGO

Itinagubilin ng Lupong Tagapamahala na mula sa taóng 2000, lahat ng kongregasyon sa Timog Aprika ay magiging sakop na ng kaayusan ng pamamahagi ng literatura nang walang bayad sa lahat ng nagpapakita ng tunay na interes. Pinasisigla naman ng mga mamamahayag ang mga indibiduwal na magbigay ng kaunting donasyon para sa pandaigdig na pag-eebanghelyo.

Naging kapaki-pakinabang ang kaayusang ito ng kusang-loob na donasyon hindi lamang sa mga nasa teritoryo kundi pati na rin sa mga kapatid. Dati, marami ang walang pambayad sa mga publikasyong ginagamit sa Pag-aaral ng Bantayan at sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Sa ilang kongregasyon na may 100 mamamahayag, mga 10 lamang ang may sariling kopya ng Ang Bantayan. Sa ngayon, lahat ay maaari nang magkaroon ng kanilang sariling kopya.

Lumaki nang husto ang trabaho ng Export Department sa Bethel nitong nakalipas na mga taon. Noong Mayo 2002, 432 toneladang materyales sa kabuuan ang ipinadala sa iba pang bansa sa Aprika, karamihan ay mga literatura sa Bibliya.

May bodega na ngayon ng mga literatura sa sangay sa Timog Aprika para sa mga sangay sa Malawi, Mozambique, Zambia, at Zimbabwe. Kabilang na rito ang lahat ng literatura sa iba’t ibang wika na ginagamit ng mga bansang ito. Ang mga order ng bawat kongregasyon ay ikinakarga nang maayos sa mga trak anupat kapag inihatid sa mga sangay, madaling naililipat ang mga order sa mga sasakyan ng sangay para ihatid sa mga depo.

Mula nang ipatupad ang kaayusan sa donasyon, lumaki na nang husto ang pangangailangan sa mga literatura. Ang paggawa ng magasin sa Timog Aprika ay tumaas mula isang milyon hanggang 4.4 milyon sa isang buwan. Dumami nang hanggang 3,800 tonelada taun-taon ang order na literatura, kung ihahambing sa 200 tonelada noong 1999.

Nagpapadala rin ng mga materyales sa konstruksiyon para sa ibang bansa sa Aprika. Bukod dito, nagsaayos din ang Timog Aprika ng materyal na tulong para sa mga kapatid na nangangailangan. Maraming beses na nagpadala ng tulong sa mga kapatid na taga-Malawi na umalis sa kani-kanilang tahanan at nanirahan sa mga kampo dahil sa matinding pag-uusig. Nagpadala rin ng tulong sa Angola, na dumanas ng matinding tagtuyot noong 1990. Dahil sa digmaang sibil sa bansang iyon, naghirap ang maraming kapatid, kaya naman trak-trak na pagkain at damit ang ipinadala sa kanila. Noong taóng 2000, binigyan ng tulong ang mga kapatid sa Mozambique na sinalanta ng malalaking baha. Mahigit 800 toneladang mais ang ipinadala sa mga kapatid sa Zimbabwe na naapektuhan ng matinding tagtuyot noong 2002 at sa pasimula ng 2003.

SUMULONG ANG PAGSASALIN

Ang sangay sa Timog Aprika ay may malaking Departamento sa Pagsasalin. Ilang taon na ang nakalilipas nang palakihin ito upang masapatan ang lumalaking pangangailangan sa pagsasalin ng Bibliya. Sa kasalukuyan, 102 tagapagsalin ang nagtatrabaho upang makagawa ng literatura sa 13 wika.

Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ay makukuha na ngayon sa pitong lokal na wika. Tungkol sa Bibliyang Tswana, ganito ang sabi ng isang kapatid: “Madali itong basahin at maganda sa paningin at pandinig. Nagpapasalamat ako kay Jehova at sa kaniyang organisasyong pinapatnubayan ng espiritu dahil sa paraan ng pagpapakain sa atin sa espirituwal.”

Napakalaking tulong sa mga tagapagsalin ang modernong teknolohiya. Habang gumagawa ng software ang mga kapatid sa Timog Aprika upang tulungan ang mga tagapagsalin, isang departamento naman na may gayunding tunguhin ang itinatag sa Brooklyn. Nang maglaon, tinipon ang ginawang mga programa at tinawag itong Watchtower Translation System. Malaki ang naitulong ng mga programmer sa Timog Aprika sa pagbuo ng software na ginamit sa sistemang ito.

Ang mga kapatid ay hindi umimbento ng mga programa sa computer na gagawa ng aktuwal na pagsasalin, na sinubok ng ilang sekular na mga kompanya ngunit hindi gaanong nagtagumpay. Sa halip, pinagtuunan nila ng pansin na mabigyan ng mga pantulong ang mga tagapagsalin. Halimbawa, may magagamit nang mga Bibliya sa computer. Ang mga tagapagsalin ay makagagawa na rin sa computer ng kanilang sariling diksyunaryo sa pagsasalin. Napakahalaga nito dahil may mga wikang walang sapat na diksyunaryo.

PANGANGARAL SA TAHIMIK NA TERITORYO

Sinisikap ng mga mamamahayag ng mensahe ng Kaharian na makapangaral sa lahat. Mahirap makipagtalastasan sa mga bingi, ngunit nakatutuwa naman ang mga resulta. Noong dekada ng 1960, pinasimulan ni June Carikas ang pag-aaral ng Bibliya sa isang binging babae. Ang babaing ito at ang kaniyang asawang bingi rin ay sumulong at nagpabautismo.

Mula noon, dumami na nang dumami ang mga binging tumatanggap ng katotohanan, at bumuo na ng mga grupo para sa mga bingi sa mga lunsod sa buong bansa. Nasanay na ang mga kapatid sa pagkakaroon ng isang seksiyon para sa wikang pasenyas sa mga kombensiyon. Nakaaantig makita ang mga naroroong umaawit nang pasenyas at “pumapalakpak,” kasabay ng iba pang mga tagapakinig, sa pamamagitan ng pagwagayway ng kanilang mga kamay.

Ang kauna-unahang grupo para sa mga bingi ay itinatag sa Kongregasyon ng Brixton sa Johannesburg sa pangangasiwa ng asawa ni June, si George, na isang elder. Nagkaroon ng pagsasanay sa mga kapatid sa kongregasyon na gustong matuto ng wikang pasenyas, pati na sa ilang Bethelite. Mayroon na ngayong isang kongregasyon sa wikang pasenyas at limang grupo sa teritoryong pinangangasiwaan ng sangay ng Timog Aprika.

MGA BUNGA NG KAHARIAN SA IBANG BANSA

Pinangangasiwaan ng sangay sa Timog Aprika ang pag-eebanghelyo sa lima pang bansa. Ang sumusunod ay isang maikling sumaryo ng pagsulong ng gawaing pang-Kaharian sa mga teritoryong ito.

Namibia

Ang bansang ito ay umaabot mula sa Karagatang Atlantiko hanggang sa kanlurang hangganan ng Botswana. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, iniutos ng Liga ng mga Bansa na ipasailalim ang Namibia sa pamamahala ng Timog Aprika. Nang dakong huli, matapos ang pagkakagulo at pagdanak ng dugo, natamo rin ng Namibia ang kasarinlan noong 1990. Bagaman tigang at kakaunti lamang ang populasyon sa kalakhang bahagi ng bansang ito, may mga lugar din namang magaganda ang tanawin at maraming maiilap na hayop at kakaibang mga pananim. Ang Disyerto ng Namib ay gustung-gusto ng mga turista, na marahil ay nagugulat sa napakagagandang iba’t ibang buhay-iláng na nakatatagal sa mahihirap na kalagayan. Bagay na bagay sa kahanga-hangang tanawin ng Namibia ang mga taong may iba’t ibang lahi at nagsasalita ng siyam na pambansang wika.

Masikap na pinalaganap ang mensahe ng Kaharian sa Namibia sa unang pagkakataon noong 1928. Nang taóng iyon, nagpadala ang sangay sa Timog Aprika ng napakaraming literatura sa Bibliya sa mga taong hindi talaga mapuntahan. Nang mga panahon ding ito, nakaalam ng katotohanan sa kakaibang paraan ang unang lalaking naging nakaalay na Kristiyano sa Namibia. Bumili si Bernhard Baade ng mga itlog na nakabalot sa mga pahinang pinilas sa isa sa ating mga publikasyon. Buong-pananabik niyang binasa ang mga pahina, bagaman hindi niya alam ang pinanggalingan ng mga ito. Nang dakong huli, nakita niyang ang isa sa mga itlog ay nakabalot sa huling pahina ng publikasyon, na may adres ng sangay sa Alemanya. Sumulat siya rito para humingi ng mga literatura. Ayon sa tagapangasiwa ng sirkito na dumalaw nang maglaon sa kongregasyon ni Bernhard, kahit isang buwan ay hindi lumiban si Bernhard sa kaniyang ministeryo sa lahat ng mga taon hanggang sa kaniyang kamatayan.

Noong 1929, ipinadala si Lenie Theron sa Windhoek, ang kabisera ng Namibia. Ang sister na ito na isang payunir ay nagpatotoo sa lahat ng pangunahing bayan sa Namibia, sakay ng tren at ng sasakyang naghahatid ng mga sulat. Sa loob ng apat na buwan, nakapagpasakamay siya ng 6,388 aklat at buklet sa wikang Afrikaans, Aleman, at Ingles. Bagaman sa pana-panahon ay nangangaral ang mga payunir sa Namibia, walang namalagi roon para maglinang ng interes. Nabago ito noong 1950 nang dumating ang ilang misyonero. Kabilang dito sina Gus Eriksson, Fred Hayhurst, at George Koett, na pawang nagkaroon ng mainam na rekord ng tapat na paglilingkod hanggang kamatayan.

Pagsapit ng 1953, mayroon nang walong misyonero sa bansa, kabilang na si Dick Waldron at ang kaniyang asawang si Coralie.f Kailangan nilang harapin ang matinding pagsalansang ng klero ng Sangkakristiyanuhan at ng mga awtoridad doon. Bagaman gustong ibahagi ng mag-asawang Waldron ang mensahe ng Bibliya sa mga katutubo, kailangan muna silang kumuha ng permit para makapasok sa lugar ng mga itim. Nag-aplay si Dick pero hindi siya nabigyan.

Pagkasilang sa kanilang anak na babae noong 1955, kinailangan nang iwan ng mga Waldron ang paglilingkod bilang misyonero, ngunit nagpatuloy si Dick sa pagpapayunir nang ilang panahon. Noong 1960, nabigyan din si Dick ng permit na makapasok sa isa sa mga komunidad ng mga itim, ang Katutura. Nagugunita pa niya, “Interesadung-interesado ang mga tao.” Sa loob lamang ng maikling panahon, marami na ang dumadalo sa mga pulong mula sa komunidad na ito. Sa ngayon, pagkalipas ng mahigit 50 taon, patuloy pa rin sina Dick at Coralie sa tapat na paglilingkod sa Namibia. Napakalaki ng naitulong nila sa pagpapasulong sa mga kapakanan ng Kaharian sa teritoryong ito.

Isang hamon ang pagdadala ng katotohanan ng Bibliya sa iba’t ibang grupo ng lahi sa Namibia. Walang mga literatura sa Bibliya na makukuha sa sarili nilang wika, gaya ng Herero, Kwangali, at Ndonga. Noong una, isinasalin ng mga edukadong tagaroon na nag-aaral ng Bibliya ang ilang tract at brosyur sa pangangasiwa ng mga Saksing tagaroon. Si Esther Bornman, special pioneer noon, ay nag-aral ng Kwanyama, at nang maglaon ay nakapagsasalita na siya nito at ng isa pang wika roon. Silang dalawa ni Aina Nekwaya, sister na nagsasalita ng Ndonga, ang nagsalin ng Ang Bantayan, na inilalathala sa magkahalong Kwanyama at Ndonga. Ang dalawang wikang ito ay ginagamit sa Ovamboland at naiintindihan ng karamihan sa mga tagaroon.

Noong 1990, isang kumpletong opisina sa pagsasalin ang itinayo sa Windhoek. Nagdagdag pa ng mga tagapagsalin, at ngayon, bukod sa nabanggit na mga wika, isinasalin na ang mga literatura sa Herero, Kwangali, Khoekhoegowab, at Mbukushu. Sina André Bornman at Stephen Jansen ang nangangasiwa sa opisinang ito.

Ang Namibia ay pangunahing pinagmumulan ng diamante. Tinukoy ito sa Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1999, sa artikulong “May mga Buháy na Hiyas sa Namibia!” Inihalintulad nito ang tapat-pusong mga tao sa “mga buháy na hiyas” at sinabing bagaman malaki na ang nagagawa sa pag-eebanghelyo, may ilang lugar pa ring hindi halos napangangaralan. Ganito ang paanyaya ng artikulo: “Nasa kalagayan ka bang maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan para sa masigasig na mga tagapaghayag ng Kaharian? Kung gayon, pakisuyong magtungo ka sa Namibia at tulungan mo kami na maghanap at magpakinis ng mas marami pang espirituwal na mga batong hiyas.”

Nakatutuwa ang naging pagtugon. Sandaan at tatlumpung kapatid mula sa iba’t ibang bansa, kasali na ang Australia, Alemanya, at Hapon, at ilan sa Timog Amerika, ang nagtanong hinggil dito. Bilang resulta, 83 Saksi ang pumunta sa Namibia at, sa mga ito, 18 ang namalagi roon. Ang 16 sa kanila ay mga regular pioneer nang dumating, at ang ilan ay naatasan bilang mga special pioneer nang maglaon. Nakahahawa ang espiritung ipinakita ng mga boluntaryong ito. Hanggang sa ngayon, tumatanggap pa rin ang tanggapang pansangay ng mga liham na nagtatanong tungkol sa paanyayang lumabas sa Ang Bantayan. Sina William at Ellen Heindel ay naglilingkod na bilang mga misyonero sa hilagang Namibia mula pa noong 1989. Kinailangan nilang pag-aralan ang wikang Ndonga na ginagamit ng mga Ovambo na nakatira sa lugar na iyon. Malaking gantimpala ang natamo nila sa pagbabata at pagpapagal sa naiibang teritoryong ito. Ang sabi ni William: “Nakita namin ang paglaki ng mga batang lalaki, ilan sa kanila ay naging mga estudyante namin sa Bibliya, tungo sa pagiging espirituwal na mga adulto. Ang ilan ay naglilingkod bilang mga elder at ministeryal na lingkod sa kongregasyon. Nag-uumapaw sa tuwa ang aming puso kapag nakikita namin silang nagpapahayag sa mga asamblea at kombensiyon.”

Nitong nakalipas na mga taon, ilang nagtapos sa Ministerial Training School ang ipinadala sa Namibia, at napakahusay ng kanilang nagawa sa paglilinang ng interes at paglilingkod sa mga kongregasyon. Noong 2006, mayroon nang 1,264 na mamamahayag sa Namibia, isang 3 porsiyentong pagsulong kaysa noong nakaraang taon.

Lesotho

Ang maliit na bansang Lesotho, may populasyon na 2.4 milyon, ay nasa gitna ng Timog Aprika. Ito ay nasa Kabundukan ng Drakensberg, na kinawiwilihan ng matitipunong mang-aakyat ng bundok dahil sa kahanga-hangang tanawin nito.

Sa kabila ng payapang kapaligiran nito, dumaranas din ang bansang ito ng kaguluhan sa pulitika. Noong 1998, ang di-pagkakasundo sa eleksiyon ay humantong sa paglalaban ng mga sundalo at ng mga pulis sa kabisera sa Maseru. Nang panahong iyon, misyonero doon sina Veijo Kuismin at ang kaniyang asawang si Sirpa. Nagugunita pa niya: “Mabuti naman at iilang kapatid lamang ang nasaktan sa panahon ng labanan, at nagsaayos kami na matustusan ng pangunahing pagkain at panggatong ang mga nangangailangan. Lalong tumibay ang buklod ng kongregasyon, at dumami ang mga dumadalo sa mga pulong sa buong bansa.”

Ang pangunahing pinagkakakitaan sa Lesotho ay ang pagsasaka at pag-aalaga ng hayop. Dahil sa mahinang ekonomiya, marami sa mga kalalakihan ang nandayuhan sa Timog Aprika para magtrabaho sa minahan. Bagaman hiráp ang bansa sa materyal, may masusumpungan namang mahahalagang espirituwal na kayamanan sa kahariang ito sa kabundukan, at marami ang tumutugon sa katotohanan ng Bibliya. Noong 2006, mayroon nang 3,101 tagapaghayag ng Kaharian, 2 porsiyentong pagsulong kaysa noong nakaraang taon. Tatlong mag-asawang misyonero—mga Hüttinger, mga Nygren, at mga Paris—ang kasalukuyang naglilingkod sa Maseru.

Naglingkod si Abel Modiba sa Lesotho bilang tagapangasiwa ng sirkito sa pagitan ng 1974 at 1978. Sa ngayon, siya at ang kaniyang asawang si Rebecca ay nasa Bethel sa Timog Aprika. Mahinahon at kalmado siyang nagkuwento tungkol sa Lesotho: “Karamihan sa mga liblib na lugar ay walang kalsada. Kung minsan, pitong oras akong naglalakad para marating ang isang grupo ng nakabukod na mga mamamahayag. Madalas na nagdadala ang mga kapatid ng dalawang kabayo, isa para sakyan ko at isa para sa mga dala-dalahan ko. Kung minsan, may dala pa nga kaming slide projector at isang 12-boltaheng batirya. Kapag umaapaw ang ilog, naghihintay kami nang ilang araw hanggang sa humupa ito. Sa ilang nayon, inaanyayahan ng pinuno ang lahat ng taganayon na dumalo sa pahayag pangmadla.

“Ang ilan ay kailangang maglakad nang maraming oras bago makarating sa mga pulong, at dahil dito, ang mga nanggagaling sa malayo ay karaniwan nang nakikituloy sa mga kapatid na nakatira malapit sa Kingdom Hall sa isang-linggong dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Nagiging espesyal na okasyon tuloy iyon. Sa gabi, nagsasama-sama sila para magkuwentuhan ng mga karanasan at mag-awitan ng mga awiting pang-Kaharian. Kinabukasan, naglilingkod sila sa larangan.”

Sina Per-Ola at Birgitta Nygren ay naglilingkod na sa Maseru bilang mga misyonero mula pa noong 1993. Ikinuwento ni Birgitta ang karanasang ito na nagpapakita ng kahalagahan ng mga magasin sa pagtulong sa iba: “Noong 1997, sinimulan kong makipag-aral ng Bibliya sa isang babaing nagngangalang Mapalesa. Nagsimula siyang dumalo sa mga pulong. Pero palagi siyang wala sa bahay sa panahon ng aming pag-aaral, at madalas niya kaming pinagtataguan. Tinigilan ko na ang pakikipag-aral sa kaniya pero regular ko pa rin siyang dinadalhan ng magasin. Makalipas ang ilang taon, dumating siya sa isa sa aming mga pulong. Ipinaliwanag niya na may nabasa siyang artikulo sa Ang Bantayan tungkol sa pagkontrol ng galit. Inisip niyang sagot iyon ni Jehova sa kaniyang problema, dahil lagi silang nag-aaway ng kaniyang mga kamag-anak. Nasimulan muli ang pag-aaral, at hindi na siya lumiban sa pulong mula noon. Naging aktibo na rin siya sa pakikibahagi sa ministeryo sa larangan.”

Sa loob ng maraming taon, ang mga kapatid sa Lesotho ay nagpupulong lamang sa mga pansamantalang Kingdom Hall. Subalit nitong nakaraang mga taon, tinulungan ng sangay sa Timog Aprika ang mga kongregasyon sa Lesotho na makapagpatayo ng Kingdom Hall.

Ang Kingdom Hall sa bayan ng Mokhotlong ang pinakamataas sa Aprika sapagkat nasa altitud ito na mga 3,000 metro. Dumating ang mga boluntaryong manggagawa na nagmula pa sa Australia at California, E.U.A. para itayo ang bulwagang ito. Ang mga kapatid naman sa Probinsiya ng KwaZulu-Natal sa Timog Aprika ay nagbigay ng pinansiyal na tulong at mga sasakyan para ihatid ang mga kagamitan at materyales sa lugar ng konstruksiyon. Simpleng-simple lamang ang tirahan ng mga boluntaryong manggagawa. Kailangan nilang magdala ng sariling gamit sa pagtulog at kasangkapan sa pagluluto. Natapos ang bulwagan sa loob ng sampung araw. Isang matanda nang brother na tagaroon, isinilang noong 1910, ang araw-araw na dumarating sa lugar ng konstruksiyon para panoorin ang mga nangyayari. Napakatagal na niyang hinihintay na magkaroon ng isang bulwagan mula pa nang maging lingkod siya ni Jehova noong dekada ng 1920, at tuwang-tuwa siya sa nagaganap na pagtatayo ng “kaniyang” Kingdom Hall.

Dumanas ng taggutom ang Lesotho noong taóng 2002. Nagpadala rito ng mais at iba pang produkto at ipinamahagi sa mga Saksi sa apektadong mga lugar. Ganito ang sabi sa isang liham ng pasasalamat: “Nagulat ako nang dumating sa aming bahay ang mga kapatid na may dalang mais. Paano kaya nila nalamang kailangan ko ito? Nagpasalamat ako kay Jehova sa tulong na talaga namang hindi ko inaasahan. Nagpalakas ito sa aking pananampalataya sa Diyos na Jehova at sa kaniyang organisasyon, at determinado akong paglingkuran siya nang buong kaluluwa.”

Botswana

Sakop ng bansang ito ang kalakhang bahagi ng Disyerto ng Kalahari at may populasyong mahigit 1.7 milyon. Karaniwan nang mainit at tuyo ang klima. Maraming parke at reserbasyon para sa maiilap na hayop na umaakit ng mga turista. Ang magandang Okavango Delta ay popular dahil sa likas na katahimikan at saganang buhay-iláng nito. Ang tradisyonal na sasakyang dumaraan sa delta ay ang mokoro, bangkang ginawa mula sa pinutol na punungkahoy roon. Napakaganda ng ekonomiya sa Botswana, pangunahin nang dahil sa pagmimina ng diamante. Mula nang makatuklas ng diamante sa Disyerto ng Kalahari noong 1967, ang Botswana ay naging isa sa mga nangungunang tagapagluwas ng diamante sa daigdig.

Lumilitaw na unang nakarating sa Botswana ang mensahe ng Kaharian ng Diyos noong 1929, nang makibahagi ang isang brother sa pagpapatotoo roon sa loob ng ilang buwan. Si Joshua Thongoana ay inatasan bilang tagapangasiwa ng sirkito sa Botswana noong 1956.g Natatandaan pa niya na bawal noon ang literaturang inililimbag ng mga Saksi ni Jehova.

Ang masisigasig na misyonero ay umani ng magagandang resulta sa mabungang teritoryong ito. Sina Blake at Gwen Frisbee kasama sina Tim at Virginia Crouch ay nagsikap mag-aral ng wikang Tswana. Sa gawing hilaga naman, masikap na naglaan sina Veijo at Sirpa Kuismin ng espirituwal na tulong sa mga tagaroon.

Sa gawing timog ng bansa, sina Hugh at Carol Cormican ay nagpamalas ng marubdob na espiritu bilang mga misyonero. Nagkuwento si Hugh: “Sa aming kongregasyon, may isang 12-anyos na brother na nagngangalang Eddie. Sa napakamurang edad, gusto niyang matuto agad na bumasa upang makapagpatala siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at makibahagi sa ministeryo sa larangan. Nang maging kuwalipikado na siya bilang di-bautisadong mamamahayag, gumugol siya ng maraming panahon sa larangan at nakapagpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isa sa kaniyang mga kaklase. Mula nang mabautismuhan siya, madalas nang mag-auxiliary pioneer si Eddie.”

Karamihan sa mga kongregasyon sa Botswana ay naroroon mismo o malapit sa maunlad na kabisera, ang Gaborone, na karatig ng silanganing hangganan. Napakalaki ng populasyon sa bahaging iyon ng bansa. Ang iba sa populasyon ay nakatira sa mga nayon sa kanluran at sa Disyerto ng Kalahari, kung saan gumagala pa rin ang ilang pamilyang San, na umaasa sa anumang makakain sa lupain at nangangaso gamit ang panà. Nagsisikap nang husto ang mga mamamahayag sa panahon ng espesyal na mga kampanya sa pangangaral sa nakabukod na teritoryo, anupat naglalakbay nang libu-libong kilometro upang madala ang mga katotohanan ng Bibliya sa mga pagala-galang tagapag-alaga ng baka sa mga kabukiran. Ang mga taong ito ay abala sa pagtatanim, pagtatayo ng mga masisilungan gamit ang lokal na mga materyales, at sa pangangahoy. Halos wala na silang panahon para sa ibang gawain. Gayunman, kapag dumating ang isang estrangherong may nakagiginhawang mensahe mula sa Bibliya, pumapayag silang makipag-usap sa buhanginan sa labas.

Ganito ang sabi ni Stephen Robbins, kabilang sa grupo ng anim na pansamantalang special pioneer: “Palaging nagpapalipat-lipat ang mga tao rito. Para lamang silang tumatawid sa kalye kapag tumatawid sa mga hangganan. Nakasabay namin ang isa sa aming mga estudyante sa Bibliya, si Marks, sa isang ferry patawid sa Ilog Okavango. Natuwa kami nang malaman naming nagbakasyon muna siya sa trabaho para makapagbiyahe at maibahagi ang katotohanan sa Bibliya sa kaniyang mga kaibigan at kamag-anak. Ginugugol ni Marks ang lahat ng kaniyang libreng panahon sa pag-eebanghelyo.”

Nakapagpapasigla ang pagtugon sa mabuting balita sa Botswana. Noong 2006, 1,497 ang nakibahagi sa pangangaral, 6 na porsiyentong pagsulong kaysa noong nakaraang taon.

Swaziland

Ang maliit na monarkiyang ito ay may populasyong mga 1.1 milyon. Pagsasaka at pag-aalaga ng hayop ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao rito, bagaman maraming kalalakihan ang naghahanap ng trabaho sa Timog Aprika. Magaganda ang tanawin sa Swaziland at may ilang reserbasyon para sa maiilap na hayop doon. Ang mga Swazi ay palakaibigan at sumusunod pa rin sa karamihan sa kanilang mga tradisyon.

Nagustuhan ng dating hari, si Sobhuza II, ang mga Saksi ni Jehova at marami siyang literatura natin. Taun-taon, inaanyayahan niya sa kaniyang palasyo hindi lamang ang klero kundi pati isa sa mga Saksi ni Jehova para magpaliwanag tungkol sa Bibliya. Noong 1956, ipinaliwanag ng inanyayahang Saksi ang tungkol sa doktrina ng imortalidad ng kaluluwa at ang paggamit ng mga lider ng relihiyon sa mararangal na titulo. Pagkaraan, tinanong ng hari ang mga lider ng relihiyon kung tama ang mga nabanggit. Hindi nila mapasinungalingan ang sinabi ng kapatid.

Kinailangang manindigan ang mga kapatid laban sa nakaugaliang pagluluksa na nauugnay sa pagsamba sa ninuno. Sa ilang bahagi ng Swaziland, pinalayas ng mga pinuno ng tribo ang mga Saksi ni Jehova sa kani-kanilang tahanan dahil ayaw nilang sumunod sa tradisyonal na mga kaugalian sa pagluluksa. Palagi naman silang kinukupkop ng kanilang espirituwal na mga kapatid sa ibang lugar. Ang Mataas na Hukuman ng Swaziland ay pumanig sa mga Saksi ni Jehova sa bagay na ito at nagsabing dapat silang pahintulutang makabalik sa kani-kanilang tahanan at lupain.

Sina James at Dawne Hockett ay mga misyonero sa Mbabane, kabisera ng Swaziland. Nagtapos sa Gilead ang isa noong 1971 at ang isa naman ay noong 1970. Ginamit ni James ang sumusunod na halimbawa upang ipakita na mahalagang makibagay ang mga misyonero sa iba’t ibang kaugalian: “Gumagawa kami noon sa di-nakaatas na teritoryo, at gusto ng pinuno na magbigay ako ng pahayag pangmadla. Tinawag niya ang mga tao. Nakaupo kami sa isang lugar kung saan kasalukuyan noong may konstruksiyon, at nakakalat ang mga bloke ng semento. Mamasa-masâ ang lupa noon, kaya kinuha ko ang isang bloke ng semento para upuan, at naupo naman si Dawne sa tabi ko. Nilapitan ng isa sa mga sister na Swazi si Dawne at niyaya siyang maupo sa tabi niya. Sinabi ni Dawne na komportable na siya sa kinauupuan niya, pero nagpumilit pa rin ang sister. Pagkaraan, ipinaliwanag sa amin na dahil may ilang lalaking nakaupo sa lupa, hindi puwedeng maupo ang babae nang mas mataas sa mga lalaki. Iyan ang kaugalian sa probinsiya.”

Pumunta sina James at Dawne sa isang paaralan para kausapin ang isang titser na nagpakita noon ng interes. Inutusan niya ang isang batang lalaki para sabihin sa kanila na hindi siya puwedeng makausap sa pagkakataong iyon. Naisipan nilang kausapin ang batang si Patrick, at tinanong nila siya kung alam niya ang dahilan ng kanilang pagdalaw. Matapos ang pag-uusap, binigyan nila siya ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas at nagsimula silang mag-aral ng Bibliya. Ulilang lubos si Patrick at nakikituloy lamang siya sa isang kuwartong kadikit ng bahay ng kaniyang tiyuhin. Siya ang nag-aasikaso sa kaniyang sarili, naghahanda ng kaniyang pagkain, at part-time na nagtatrabaho para matustusan ang kaniyang pag-aaral. Mahusay ang pagsulong niya, nabautismuhan, at naglilingkod siya ngayon bilang elder sa kongregasyon.

Nagkaroon na ng nakapagpapatibay na pagtugon sa pag-eebanghelyo sa Swaziland mula nang pasimulan ang gawain noong dekada ng 1930. Noong 2006, umabot sa 2,292 ang aktibong nakibahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa teritoryong ito, at 2,911 ang idinaos na pag-aaral sa Bibliya.

St. Helena

Ang maliit na islang ito, 17 kilometro ang haba at 10 kilometro ang luwang, ay nasa kanluran ng timog-kanlurang baybayin ng Aprika. Karaniwan nang banayad at maganda ang klima rito. Ang populasyon ng St. Helena ay mga 4,000, pinaghalu-halong mamamayan mula sa Europa, Asia, at Aprika. Ang wikang Ingles nila ay may kakaibang punto. Wala ritong paliparan; isang kompanya ng pangkomersiyong barko ang nagbibiyahe paroo’t parito sa Timog Aprika at Inglatera. Nagkaroon lamang ng telebisyon noong kalagitnaan ng dekada ng 1990, sa pamamagitan ng hook-up sa satelayt.

Unang nakarating sa St. Helena ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos noong unang mga taon ng dekada ng 1930, nang dumalaw sandali ang dalawang payunir. Si Tom Scipio, isang pulis at diyakono sa simbahan ng Baptist, ay kumuha ng ilang literatura mula sa kanila. Sinimulan na niyang sabihin sa iba ang tungkol sa mga natututuhan niya, at mula sa pulpito, nilinaw niya na walang Trinidad, walang apoy ng impiyerno, at walang imortal na kaluluwa. Siya at ang iba pang nanindigan sa katotohanan ng Bibliya ay pinalayas sa simbahan. Di-nagtagal, naglilingkod na sa larangan si Tom at ang isang maliit na grupo, sa tulong ng tatlong ponograpo. Naglalakad sila at sumasakay ng buriko sa pagpunta sa iba’t ibang lugar sa isla. Tinulungan din ni Tom ang kaniyang malaking pamilya na binubuo ng anim na anak upang magkaroon ng matibay na pundasyon sa katotohanan.

Noong 1951, ipinadala si Jacobus van Staden mula sa Timog Aprika upang patibayin at tulungan ang grupo ng tapat na mga Saksi sa isla. Tinulungan niya silang maging mas mabisa sa ministeryo at nag-organisa siya ng regular na mga pulong sa kongregasyon. Nagugunita pa ni George Scipio,h isa sa mga anak ni Tom, ang isa sa mga naging problema nila para makarating ang lahat sa mga pulong: “Dadalawa lamang ang may kotse sa lahat ng mga interesado. Baku-bako at maburol ang lugar na iyon, at iilan lamang ang magandang kalye noon. . . . Madaling-araw pa ay naglalakad na ang ilan. Nagsasakay ako ng tatlo sa aking maliit na kotse at ibinababa ko sila kapag nakalayu-layo na. Patuloy sila sa paglakad. Bumabalik ako para magsakay uli ng tatlo at kapag nakalayu-layo na kami, ibinababa ko sila, at saka uli ako babalik. Sa wakas, lahat ay nakararating sa pulong sa ganitong paraan.” Nang maglaon, bagaman si George ay may asawa at apat na anak, nakapaglingkod siya bilang payunir sa loob ng 14 na taon. Tatlo sa kaniyang mga anak ang naglilingkod bilang mga elder. Si Jannie Muller ay ilang ulit na nakadalaw sa St. Helena bilang tagapangasiwa ng sirkito noong dekada ng 1990 kasama ang kaniyang asawang si Anelise. Ang sabi niya: “Kapag sinasamahan mo sa larangan ang isang mamamahayag, palagi niyang sasabihin sa iyo kung sino ang nakatira sa susunod na bahay at kung ano ang magiging reaksiyon nito. Nang dumalaw kami sa isla at mamahagi ng Kingdom News na pinamagatang “Mag-iibigan Pa Kaya sa Isa’t Isa ang Lahat ng Tao?” nasaklaw ang buong isla sa loob ng maghapon, mula alas 8:30 n.u. hanggang alas 3:00 n.h.”

Tandang-tanda pa noon ni Jannie kapag dumarating at umaalis sila. Ang sabi niya: “Kapag dumarating ang aming bangka, nagtitipon na sa pantalan ang mga kapatid para salubungin kami. Kapag paalis na kami, nakikita namin silang umiiyak habang nakatayo sa pantalan at kumakaway bilang pamamaalam sa amin.”

Noong 2006, 125 ang nakibahagi sa pagpapalaganap ng katotohanan sa Bibliya sa buong isla. Ang dumalo sa Memoryal ay 239. Ang isla ay may proporsiyon na 1 mamamahayag sa 30 katao, ang pinakamaganda sa buong daigdig.

MGA INAASAHAN

Sa gitna ng pagkakagulo ng lahi sa Timog Aprika, ang mga Saksi ni Jehova mula sa lahat ng lahi ay nagtatamasa ng pambihirang “bigkis ng pagkakaisa.” (Col. 3:14) Nagkomento ang iba tungkol dito. Noong 1993, dumating ang maraming panauhin mula sa iba’t ibang bansa para sa internasyonal na mga kombensiyon. Mga 2,000 Saksi ang pumunta sa paliparan sa Durban para salubungin ang mga delegado mula sa Estados Unidos at Hapon. Umawit sila ng mga awiting pang-Kaharian nang lumabas ang mga panauhin. Tuwang-tuwang nagbatian at nagyakapan ang mga kapatid. Kabilang sa mga nagmamasid ang isang prominenteng pulitiko. Sa pakikipag-usap sa ilang kapatid, sinabi niya, “Kung nagkakaisa kaming tulad ninyo, nalutas na sana namin noon pa man ang aming mga problema.” Ang “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga Internasyonal na Kombensiyon noong 2003 ay nagbigay ng espirituwal na pampasigla sa lahat ng dumalo. Sa Timog Aprika, ginanap ang mga internasyonal na kombensiyon sa malalaking sentro, gayundin ang maraming mas maliliit na pandistritong kombensiyon. Dalawang miyembro ng Lupong Tagapamahala, sina Samuel Herd at David Splane, ang naglingkod sa mga internasyonal na kombensiyon. Dumalo ang mga delegado mula sa 18 bansa. Ang ilan ay nagsuot ng kanilang tradisyonal na kasuutan na lalong nagpatingkad sa pagiging internasyonal nito. Lahat-lahat, ang dumalo sa mga kombensiyon ay 166,873, at 2,472 naman ang nabautismuhan.

Si Janine, isa sa mga dumalo sa internasyonal na kombensiyon sa Cape Town, ay nagpasalamat sa paglalabas ng publikasyong Matuto Mula sa Dakilang Guro: “Hindi ko malaman kung paano ko pasasalamatan ang regalong ito. Sinadya ang aklat na ito para maabot ang puso ng aming mga anak. Alam ni Jehova kung ano ang kailangan ng kaniyang bayan, at nakikita ni Jesus, na Ulo ng kongregasyon, ang pakikipagpunyagi natin sa di-makadiyos na sanlibutang ito. Buong-puso akong nagpapasalamat kay Jehova at sa kaniyang mga lingkod dito sa lupa.”

Kapag ginugunita ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika noong nakaraang siglo, natutuwa tayo sa ipinakitang pagbabata at katatagan ng mga tapat. Noong 2006, may 78,877 mamamahayag na nagdaraos ng 84,903 pag-aaral sa Bibliya. Ang dumalo sa Memoryal noong 2006 ay 189,108. May mga indikasyon na kapit pa rin ang mga salita ni Jesus sa bahaging ito ng pandaigdig na teritoryo: “Narito! Sinasabi ko sa inyo: Itingin ninyo ang inyong mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Napakarami pang dapat gawin. Dahil sa saganang katibayan ng patnubay ni Jehova, nauudyukan tayong bumulalas, kasama ng ating mga kapatid sa bawat sulok ng lupa: “May-pagbubunyi kayong sumigaw kay Jehova, lahat kayong mga tao sa lupa. Maglingkod kayo kay Jehova na may pagsasaya”!—Awit 100:1, 2.

[Mga talababa]

a Sa Timog Aprika, ang salitang mulato ay ginagamit upang tukuyin ang mga tao mula sa haluang lahi.

b Lumabas ang talambuhay ni Paul Smit sa Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1985, pahina 10-13.

c Lumabas ang talambuhay ni George Phillips sa Ang Bantayan, Disyembre 1, 1956, pahina 712-19.

d Lumabas ang talambuhay ni Piet Wentzel sa Ang Bantayan, Hulyo 1, 1986, pahina 9-13.

e Lumabas ang talambuhay ni Frans Muller sa Ang Bantayan, Abril 1, 1993, pahina 19-23.

f Lumabas ang talambuhay ng mga Waldron sa Ang Bantayan, Disyembre 1, 2002, pahina 24-8.

g Lumitaw ang talambuhay ni Joshua Thongoana sa Ang Bantayan, Pebrero 1, 1993, pahina 25-9.

h Ang talambuhay ni George Scipio ay lumabas sa Ang Bantayan, Pebrero 1, 1999, pahina 25-9.

[Blurb sa pahina 174]

Ang St. Helena ay may proporsiyon na 1 mamamahayag sa 30 katao, ang pinakamaganda sa buong daigdig

[Kahon sa mga pahina 68, 69]

Ano ba ang Apartheid?

Ang salitang apartheid ay literal na nangangahulugang “pagiging hiwalay” at unang ginamit ng National Party noong pulitikal na halalan ng 1948. Naipanalo ng partidong ito ang halalan nang taóng iyon, at ang pagiging ganap na hiwalay ng iba’t ibang grupo ng lahi sa Timog Aprika ay naging opisyal na patakaran ng pamahalaan na matinding sinuportahan naman ng Dutch Reformed Church. Dahil sa patakarang ito na ginawa upang matiyak ang pangingibabaw ng mga puti, nagkaroon ng mga batas na kumontrol sa mga pangunahing pitak ng buhay—tirahan, trabaho, edukasyon, pampublikong mga pasilidad, at pulitika.

Ang klasipikasyon ng mga pangunahing grupo ng lahi ay ang sumusunod: puti, Bantu (mga Aprikanong itim), mulato (yaong mga haluang lahi), at Asiano (mga Indian). Idineklara ng mga tagapagtaguyod ng apartheid na ang mga lahi ay dapat magkaroon ng kani-kanilang sariling lugar, tinatawag na lupang tinubuan, at doon sila maninirahan at magpapaunlad ayon sa kani-kanilang kultura at kostumbre. Ang ideya na inaakala ng ilan na maaaring ipatupad ay hindi nagtagumpay. Dahil sa takot sa mga baril, tear gas, at umaangil na mga aso, maraming itim ang napilitang umalis sa kani-kanilang tahanan at lumipat sa ibang lugar dala lamang ang iilang kagamitan. Karamihan sa mga pampublikong pasilidad, gaya ng bangko at koreo, ay may magkabukod na lugar para sa puti at di-puti. Ang mga restawran at sinehan ay reserbado sa mga puti.

Nakadepende pa rin ang mga puti sa mga trabahador na itim na mababa ang sahod, sa negosyo man o bilang katulong sa bahay. Nagkakahiwa-hiwalay tuloy ang mga pamilya dahil dito. Halimbawa, pinapayagang pumunta sa mga lunsod ang mga lalaki para magtrabaho sa mga minahan o pabrika at pinatitira sila sa mga hostel na para lamang sa mga lalaki samantalang naiiwan naman sa lugar nila ang kani-kanilang asawa. Nakasira ito sa buhay ng pamilya at humantong sa paglaganap ng imoralidad. Ang mga itim na katulong sa bahay ng mga puti ay karaniwan nang pinatitira sa isang kuwarto sa tahanan ng kanilang amo. Hindi puwedeng tumira ang kanilang pamilya sa lugar ng mga puti, kaya matagal na panahong hindi nakikita ng mga magulang ang kanilang mga anak. Dapat na palaging dala ng mga itim ang kanilang passbook na pagkakakilanlan sa kanila.

Apektado ng apartheid ang maraming pitak ng buhay, kabilang na ang edukasyon, pag-aasawa, trabaho, at pagkakaroon ng ari-arian. Bagaman kilala ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagkakaisa ng mga lahi, sumusunod din naman sila sa mga batas ng pamahalaan hangga’t hindi ito nakahahadlang sa kanilang sagradong paglilingkod sa Diyos. (Roma 13:1, 2) Hangga’t maaari, humahanap sila ng mga pagkakataong makasama ang mga kapuwa nila mananamba mula sa iba’t ibang grupo ng lahi.

Simula noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, ang pamahalaan ay gumawa ng ilang pagbabago, anupat hindi na gaanong mahigpit sa kanilang mga patakaran tungkol sa lahi. Noong Pebrero 2, 1990, ipinatalastas ng presidente noon na si F. W. de Klerk ang mga ordinansang bubuwag sa apartheid, gaya ng opisyal na pagkilala sa mga makapulitikang organisasyon ng mga itim at ang pagpapalaya kay Nelson Mandela mula sa bilangguan. Nang magkaroon ng demokratikong eleksiyon at mahalal ang nakararaming itim noong 1994, opisyal na nagwakas ang apartheid.

[Kahon/​Mga Mapa sa pahina 72, 73]

MAIKLING IMPORMASYON—Timog Aprika

Lupain

Ang baybaying lupain ng Timog Aprika ay isang makitid at mababang lupain na ang hangganan ay mga bundok na nasa napakalawak na talampas sa interyor na bumubuo ng kalakhang bahagi ng bansa. Ang talampas na ito ang pinakamataas sa gawing silangan sa panig ng Karagatang Indian, kung saan ang Bundok Drakensberg ay umaabot nang mahigit 3,400 metro. Ang lupain ng Timog Aprika ay mga apat na ulit ang laki sa British Isles.

Mamamayan

Ang 44 na milyong mamamayan sa bansa ay may iba’t ibang pinagmulan. Noong 2003, inilathala ng pamahalaan ang resulta ng isang sensus kung saan ang mga mamamayan ay hinati sa sumusunod na apat na grupo: Aprikanong itim, 79 na porsiyento; puti, 9.6 porsiyento; mulato, 8.9 porsiyento; at Indian o Asiano, 2.5 porsiyento.

Wika

May 11 opisyal na wika, bagaman marami ang nagsasalita ng Ingles. Ang nakatala ayon sa pinakamalawak na ginagamit ay Zulu, Xhosa, Afrikaans, Sepedi, Ingles, Tswana, Sesotho, Tsonga, Siswati, Venda, at Ndebele.

Kabuhayan

Ang bansa ay may napakalawak na likas-yaman at siyang pinakamalaking pinagkukunan ng ginto at platino sa buong daigdig. Milyun-milyong taga-Timog Aprika ang nagtatrabaho sa mga minahan, bukid, o sa mga pabrikang nagpoproseso ng pagkain, gumagawa ng kotse, makinarya, tela, at iba pang mga produkto.

Klima

Ang dulong bahagi ng bansa sa timog, pati na ang Cape Town, ay may klimang tulad sa Mediteraneo na may maulang taglamig at tuyong tag-araw. Kakaiba naman ang klima sa talampas sa interyor; nagbibigay ng maginhawang lamig ang makulog na mga bagyo kung tag-araw, at kung taglamig naman, medyo mainit ang panahon at maaliwalas ang langit.

[Mga mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NAMIBIA

DISYERTO NG NAMIB

Katutura

WINDHOEK

BOTSWANA

DISYERTO NG KALAHARI

GABORONE

SWAZILAND

MBABANE

LESOTHO

MASERU

Teyateyaneng

TIMOG APRIKA

Kruger National Park

Nylstroom

Bushbuckridge

PRETORIA

Johannesburg

Klerksdorp

Dundee

Ndwedwe

Pietermaritzburg

Durban

DRAKENSBERG KBDK.

Strand

Cape Town

PRETORIA

Midrand

Krugersdorp

Kagiso

Johannesburg

Elandsfontein

Soweto

Eikenhof

Heidelberg

[Mga larawan]

Cape Town

Cape of Good Hope

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 80, 81]

Ang Una Kong Pagsisikap na Maging Saksi

ABEDNEGO RADEBE

ISINILANG 1911

NABAUTISMUHAN 1939

MAIKLING TALAMBUHAY Naglingkod sa kauna-unahang kongregasyon ng mga itim sa Pietermaritzburg, KwaZulu-Natal, at namatay nang tapat noong 1995.

AKO ay isinilang at lumaki malapit sa Pietermaritzburg. Isang Metodistang mángangarál ang tatay ko. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, nakatanggap ako ng ilang literaturang inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman sang-ayon ako sa nabasa ko, hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makasama ang mga Saksi.

Sa hostel na tinutuluyan ko, may nakapagbigay sa akin ng buklet na Heaven and Purgatory. Ngayon lamang ako nakabasa ng katulad nito. Natulungan ako nitong maunawaan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli at sa makalupang pag-asa. Sumulat ako sa tanggapang pansangay sa Cape Town at umorder ng ilang aklat.

Atubili akong lumapit sa mga Saksing nakita ko sa bayan. Ang kaugalian naming mga Zulu ay, “Huwag maunang lumapit sa puti. Hintaying siya ang lumapit sa iyo.”

Isang gabi pagkagaling ko sa trabaho, nakita ko ang sound car ng mga Saksi na nakaparada sa labas ng hostel na tinutuluyan ko. Nang malapit na ako sa trangkahan, isang malaki at may-edad nang lalaki na nakaamerikanang pantag-araw ang lumapit sa akin. Nagpakilala siya bilang si Daniel Jansen. Ipinasiya kong samantalahin na ang pagkakataong ito para makilala ang mga Saksi, kaya hiniling kong mapakinggan ang isa sa mga lektyur ni Brother Rutherford. Maraming tao ang nagkakatipon noon. Nang matapos ang lektyur, ibinigay ni Jansen sa akin ang mikropono at sinabi, “Sabihin mo sa mga taong ito sa wikang Zulu ang sinabi ng rekording na ito para makinabang din sila.”

Sumagot ako, “Hindi ko natatandaang lahat ang sinabi ng tagapagsalita.”

Sinabi ni Jansen, “Basta sabihin mo lang kung ano ang natatandaan mo.”

Habang nanginginig ang kamay ko, pautal akong nagsalita sa mikropono. Iyon ang una kong pagsisikap na maging Saksi ni Jehova. Pagkaraan, inanyayahan ako ni Jansen na samahan siya sa pangangaral. Sinubok muna niya ang aking pagkaunawa sa mga saligang paniniwala upang makatiyak kung tama nga ang pagkaunawa ko sa mga turo ng Bibliya. Nasiyahan naman siya. Apat na taon akong umugnay sa company, o kongregasyon, ng mga puti, at ako lamang ang nag-iisang itim noon. Maliit na grupo lamang kami, at sa bahay ng isang kapatid kami nagpupulong.

Noon, bawat mamamahayag ay binibigyan ng testimony card upang maiharap sa may-bahay ang mensahe ng Bibliya. May dala rin kaming ponograpo, ilang rekording ng apat-na-minutong lektyur, at isang bag ng literatura.

Para makatipid ng oras, pinipihit na kaagad ng mamamahayag ang kuwerdas ng ponograpo at inihahanda na ito gamit ang bagong karayom. Kapag nagbukas ng pinto ang may-bahay, binabati siya ng mamamahayag at iniaabot ang card na magsasabi ng tungkol sa nakarekord na lektyur. Kapag lampas na sa kalagitnaan ang lektyur, binubuksan na ng mamamahayag ang kaniyang bag, nang sa gayon, kapag natapos na ito, maiaalok na niya ang nabanggit na aklat sa may-bahay.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 88, 89]

Tapat na Halimbawa

GEORGE PHILLIPS

ISINILANG 1898

NABAUTISMUHAN 1912

MAIKLING TALAMBUHAY Naging regular pioneer noong 1914. Naglingkod bilang tagapangasiwa ng sangay sa Timog Aprika sa loob ng halos 40 taon at namatay nang tapat noong 1982.

SI George Phillips ay isinilang at lumaki sa Glasgow, Scotland. Nagsimula siyang magpayunir noong 1914, sa edad na 16. Noong 1917, nabilanggo siya dahil sa panghahawakan niya sa Kristiyanong neutralidad. Noong 1924, personal siyang inanyayahan ni Brother Rutherford upang maglingkod sa Timog Aprika. Ang sabi niya, “George, baka abutin ka nang isang taon, o maaaring mas matagal nang kaunti.”

Ganito ang naging impresyon ni George pagdating niya sa Timog Aprika: “Kung ihahambing sa Britanya, ibang-iba ang mga kalagayan dito at lahat ng bagay na may kaugnayan sa gawain ay napakaliit lamang. Noon ay 6 lamang ang nasa buong-panahong paglilingkod at wala pang 40 ang nakikibahagi sa pangangaral paminsan-minsan. Ang teritoryo namin ay mula sa Cape hanggang sa Kenya. Paano kaya ito mapupuntahang lahat at mabibigyan ng mabisang patotoo sa loob ng isang taon? Bakit ko naman kaya ito poproblemahin? Ang dapat kong gawin ay pasimulan ito, gamitin ang mga instrumentong mayroon kami, at ipaubaya kay Jehova ang magiging resulta.

“Ang Timog Aprika ay isang masalimuot na bansa na maraming iba’t ibang lahi at wika. Nakatutuwa ngang makilala ang iba’t ibang taong ito. Ang pag-oorganisa ng gawain sa ganito kalaking teritoryo at paglalatag ng kinakailangang pundasyon na pagtatayuan ay hindi madali.

“Sa paglipas ng mga taon, kitang-kita ang maibiging probisyon ni Jehova sa lahat ng aking pangangailangan, ang kaniyang proteksiyon, patnubay, at pagpapala. Natutuhan kong ‘ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking pakinabang’ at na kung gusto ng isa na manatili sa ‘lihim na dako ng Kataas-taasan,’ dapat siyang manatili sa kaniyang organisasyon at magpagal sa paggawa ng kaniyang gawain sa paraan niya.”—1 Tim. 6:6, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino; Awit 91:1.

[Kahon/Larawan sa mga pahina 92-94]

Pagtulong sa Aking Pamilya sa Espirituwal na Paraan

JOSEPHAT BUSANE

ISINILANG 1908

NABAUTISMUHAN 1942

MAIKLING TALAMBUHAY Isang padre de-pamilya na nakabatid ng katotohanan habang nagtatrabaho sa Johannesburg, malayo sa kanilang tahanan sa Zululand, KwaZulu-Natal.

ISINILANG ako sa Zululand, Timog Aprika, noong 1908. Bagaman kontento na ang aming pamilya sa simpleng buhay sa bukid, nagtrabaho ako sa edad na 19 bilang kawani sa isang tindahan sa bayan ng Dundee. Nabalitaan ko na maraming kabinataan ang kumikita nang malaki sa Johannesburg, ang sentro ng industriya ng pagmimina ng ginto sa Timog Aprika. Kaya lumipat ako roon at maraming taon akong nagtrabaho bilang tagapaskil ng mga anunsiyo. Labis akong naengganyo sa magagandang lugar, libangan at oportunidad, pero di-nagtagal ay napag-isip isip kong pinabababa lamang ng buhay sa lunsod ang tradisyonal na moralidad naming mga Zulu. Bagaman maraming ibang kabinataan ang nakalimot na sa pamilya nila sa nayon, hinding-hindi ako nakalimot sa aming pamilya at regular akong nagpapadala sa kanila ng pera. Noong 1939, pinakasalan ko ang isang babaing taga-Zululand, si Claudina. Kahit may-asawa na ako, nagtatrabaho pa rin ako sa Johannesburg na 400 kilometro ang layo. Katulad ko rin ang kalagayan ng karamihan sa aking mga kasamahan. Bagaman masakit mapalayo nang matagal sa aking pamilya, nadama ko ang obligasyong tulungan silang umangat sa buhay.

Habang nasa Johannesburg, naipasiya namin ng kaibigan kong si Elias na hanapin ang tunay na relihiyon. Pumunta kami sa mga simbahan sa aming komunidad pero hindi kami nasiyahan sa mga ito. Pagkatapos ay nakausap ni Elias ang mga Saksi ni Jehova. Sumama ako kay Elias sa regular niyang pakikipagsamahan sa kauna-unahang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Johannesburg na dinadaluhan ng mga itim. Noong 1942, matapos kong ialay ang aking buhay kay Jehova, nabautismuhan ako sa Soweto. Kapag umuuwi ako sa Zululand, sinisikap kong ibahagi kay Claudina ang aking mga paniniwala, pero aktibong-aktibo siya sa mga gawain sa kanilang simbahan.

Gayunman, sinimulan niyang ihambing ang ating mga literatura sa kaniyang Bibliya, at unti-unting nakaabot sa puso niya ang katotohanan ng Salita ng Diyos. Nabautismuhan siya noong 1945. Siya ay naging masigasig na ministrong Kristiyano, anupat ibinabahagi niya sa aming mga kapitbahay ang katotohanan sa Bibliya at ikinikintal ito sa puso ng aming mga anak. Samantala, nadama ko ang kagalakan ng pagtulong sa ilan na matutuhan ang katotohanan sa Bibliya sa Johannesburg. Pagsapit ng 1945, nagkaroon ng apat na kongregasyon ng mga itim sa Johannesburg, at naglingkod ako bilang company servant sa Kongregasyon ng Small Market. Nang maglaon, ang mga lalaking may asawa na nagtatrabahong malayo sa kanilang tahanan ay tinagubilinan mula sa Kasulatan na umuwi na sa kani-kanilang pamilya upang higit na maasikaso ang kanilang mga pananagutan bilang ulo ng pamilya.—Efe. 5:28-31; 6:4.

Kaya noong 1949, iniwan ko ang aking trabaho sa Johannesburg para pangalagaan ang aking pamilya ayon sa paraan ni Jehova. Sa aming lugar, namasukan ako sa isang inspektor ng mga alagang hayop bilang katulong na tagalubog ng hayop sa tangke. Nahirapan akong tustusan ang aming anim na anak mula sa aking maliit na sahod. Kaya para makasapat sa gastusin, nagtinda rin ako ng mga gulay at mais na sariling tanim namin. Bagaman hindi mayaman sa materyal ang aming pamilya, mayroon naman kaming espirituwal na kayamanan dahil sa pagsunod sa tagubilin ni Jesus sa Mateo 6:19, 20.

Kailangan ang sipag upang makamit ang espirituwal na kayamanang ito, kung paanong kailangan ang sipag sa paghuhukay ng ginto sa mga minahan sa Johannesburg. Gabi-gabi, binabasahan ko ang aming mga anak ng isang teksto sa Bibliya at isa-isa ko silang tinatanong kung ano ang natutuhan nila. Kung Sabado’t Linggo naman, halinhinan ko silang isinasama sa pangangaral. Habang naglalakad kami patungo sa mga bahay sa bukid, ipinakikipag-usap ko sa kanila ang tungkol sa Kasulatan at sinisikap na ikintal sa kanilang puso ang matataas na pamantayang moral ng Bibliya.—Deut. 6:6, 7.

Sa loob ng maraming taon, kami lamang ang pamilyang may kakayahang magpatulóy sa mga naglalakbay na tagapangasiwa. Malaki ang naging impluwensiya ng mga kapatid na ito at ng kanilang asawa sa aming mga anak anupat naikintal sa kanila ang hangaring maging mga buong-panahong ebanghelisador. Lahat-lahat, nagkaanak kami ng limang lalaki at isang babae. Silang anim ay malalaki nang lahat at malalakas sa espirituwal. Napakalaki ng pasasalamat ko sa tagubilin ng organisasyon ni Jehova na humimok sa mga tulad ko na magbigay ng higit na pansin sa espirituwal na mga pangangailangan ng aming pamilya! Ang mga pagpapalang ibinubunga nito ay hindi maitutumbas sa anumang bagay na mabibili ng salapi.—Kaw. 10:22.

Nagpatuloy si Brother Josephat Busane sa tapat na paglilingkod kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1998. Patuloy ring pinahalagahan ng kaniyang naiwang mga anak ang kanilang espirituwal na pamana. Ang isa sa kaniyang anak na lalaki, si Theophilus, ay naglilingkod ngayon bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Mababasa ang higit pang detalye tungkol kay Brother Busane sa “Gumising!” ng Oktubre 8, 1993, pahina 19 hanggang 22.

[Kahon/Larawan sa pahina 96, 97]

“Naging Malapít Ako kay Jehova Dahil sa Paglilingkod sa Kaharian”

THOMAS SKOSANA

ISINILANG 1894

NABAUTISMUHAN 1941

MAIKLING TALAMBUHAY Nag-aral ng limang wika upang matulungan sa espirituwal ang mga tao sa kaniyang naging mga teritoryo bilang payunir.

NOONG 1938, isang titser sa paaralan ang nagbigay sa akin ng ilang buklet na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Isa ako noong mángangarál ng simbahang Wesleyan sa Delmas, mga 60 kilometro sa silangan ng Johannesburg. Matagal na akong interesado sa Bibliya. Itinuturo ng simbahan na ang kaluluwa ay imortal at na ang masasama ay pinahihirapan sa impiyerno. Pero ipinakikita ng mga buklet na iyon mula sa Bibliya na hindi ito totoo. (Awit 37:38; Ezek. 18:4) Nakita ko rin na sa halip na pumunta sa langit, karamihan sa bayan ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman sa lupa.—Awit 37:29; Mat. 6:9, 10.

Tuwang-tuwa ako nang malaman ko ang mga katotohanang ito at gustung-gusto ko sanang maipangaral ito sa kongregasyon sa aming simbahan, pero tumutol ang aking kapuwa mga mángangarál at nagpakana silang patalsikin ako. Kaya tumiwalag ako sa simbahan at nakisama sa maliit na grupo ng mga Saksi ni Jehova sa Delmas. Nabautismuhan ako noong 1941, at nagsimulang magpayunir noong 1943.

Lumipat ako sa Rustenburg, dahil kailangan doon ang mga tagapaghayag ng Kaharian. Bilang dayuhan, kailangan ko munang mag-aplay sa lokal na pinuno para humiling ng matutuluyan at permit na makapanirahan doon. Sinabi niyang kailangan kong magbayad ng 12 pounds para sa permit. Hindi ko kayang bayaran ito, pero isang mabait na puting kapatid na tagaroon ang nagbayad nito at tumulong sa akin sa pinansiyal upang makapagpatuloy ako sa pagpapayunir. Sumulong ang isa sa mga lalaking tinuturuan ko sa Bibliya, at nang umalis ako sa teritoryong iyon, hinirang siyang lingkod sa kongregasyon.

Pagkaraan ay lumipat naman ako pakanluran sa Lichtenburg. Sa pagkakataong ito ay kinailangan kong mag-aplay sa isang puting superintendente para makapanirahan sa lugar ng mga itim sa lunsod. Hindi niya ako binigyan ng permit. Nagpatulong ako sa isang kapatid na puti sa Mafikeng, na hindi kalayuan. Magkasama kaming pumunta sa superintendente, pero sinabi nito: “Ayokong manirahan ka rito. Itinuturo ninyo na walang impiyerno. Kaya paano gagawa ng mabuti ang mga tao kung hindi sila natatakot sa impiyerno?”

Dahil sa pagtangging ito, lumipat na lamang ako sa Mafikeng, kung saan naglilingkod pa rin ako bilang regular pioneer. Ang aking wika ay Zulu, pero di-nagtagal nang matutuhan ko ang katotohanan, ipinasiya kong mag-aral ng Ingles para mabasa kong lahat ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Tumulong ito sa akin upang sumulong sa espirituwal.

Upang maging mabisa sa aking ministeryo, pinag-aralan ko rin ang wikang Sesotho, Xhosa, Tswana, at kaunting Afrikaans. Sa paglipas ng mga taon, marami akong natulungang mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova, kabilang na ang apat na mga elder na ngayon. Nakatulong din sa aking kalusugan ang buong-panahong paglilingkod.

Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagpapahintulot niya sa akin na maabot ko ang ganitong edad sa paglilingkod sa kaniya. Nagtamo ako ng kaalaman at naging matagumpay sa larangan hindi dahil sa aking sariling lakas. Tinulungan ako ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Higit sa lahat, ang regular at buong-panahong paglilingkod sa Kaharian ay nakatulong sa akin na maging malapít kay Jehova, at natuto akong umasa sa kaniya.

Ito ay panayam noong 1982. Bilang isa sa mga pinahiran ng Diyos, si Brother Skosana ay nagpatuloy sa kaniyang tapat na landasin. Namatay siya noong 1992.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 100, 101]

Unang Tagapangasiwa ng Distrito sa Timog Aprika

MILTON BARTLETT

ISINILANG 1923

NABAUTISMUHAN 1939

MAIKLING TALAMBUHAY Kauna-unahang misyonerong sinanay sa Gilead na inatasan sa Timog Aprika. Nagpagal siya sa pagpapasulong sa kapakanan ng Kaharian, lalo na sa mga pamayanan ng mga itim.

NOONG Disyembre 1946, dumating si Milton Bartlett sa Cape Town bilang kauna-unahang misyonerong sinanay sa Gilead na maglilingkod sa Timog Aprika. Ang atas niya ay ang pasimulan ang gawaing pansirkito at pandistrito, at gayon nga ang ginawa niya. Nang panahong iyon, naglingkod si Brother Bartlett bilang kaisa-isang tagapangasiwa ng distrito. Nang sumunod na mga taon, malaki ang nagawa ng mga naglalakbay na tagapangasiwa sa pagtataguyod sa mga kapakanan ng Kaharian sa Timog Aprika, lalo na sa mga itim na tagaroon.

Mahal na mahal si Milton ng mga kapatid sa Timog Aprika. Matiyaga siyang nakikinig sa mga kapatid kapag sinasabi nila sa kaniya ang kanilang mga problema. Kaya naman naipadadala niya sa sangay sa Timog Aprika ang detalyado at eksaktong ulat tungkol sa mga problemang kinakaharap ng mga kapatid sa kabuuan. Nakatulong ito upang higit na makasuwato ng mga simulain ng Bibliya ang paggawi at paraan ng pagsamba ng mga kapatid.

Nakatulong si Milton sa mga kapatid dahil mahusay siyang gumamit ng Kasulatan at isa siyang magaling na guro. Mayroon din siyang determinasyon at tiyaga na kailangan upang siya, isang puti, ay makakuha ng permit mula sa mga opisyal ng apartheid para makapasok sa mga komunidad ng mga itim. Madalas na ayaw siyang bigyan ng permit ng mga may-kinikilingang opisyal, kaya nilalapitan ni Milton ang mas nakatataas na mga awtoridad, gaya ng mga konseho ng bayan, para humingi ng tulong. Pagkatapos, hihintayin niya ang susunod na miting ng konseho at ang pagbaligtad nito sa naunang di-paborableng desisyon. Sa paanuman, nakapapasok siya sa karamihan sa mga lugar ng mga itim.

Paminsan-minsan, may ipinadadalang sekreta upang obserbahan ang nilalaman ng mga pahayag ni Milton. Ginagawa nila ito dahil sa maling paratang ng mga ministro ng Sangkakristiyanuhan na ang mga Saksi ni Jehova raw ay mga Komunistang manunulsol. Minsan, may ipinadalang itim na pulis para kumuha ng nota sa asamblea. “Nakabuti pa nga ito,” ang isinulat ni Milton pagkaraan ng mga 20 taon, “yamang tinanggap ng pulis na iyon ang tunay na pagsamba dahil sa narinig niya noong dulo ng sanlinggong iyon, at masiglang-masigla pa rin siya hanggang ngayon sa kaniyang pananampalataya.”

Nang dumating sa bansa ang 23-anyos na binatang si Milton, ang mamamahayag noon ay 3,867. Matapos ang 26-na-taóng paglilingkod ni Milton sa Timog Aprika, ang mamamahayag ay umabot sa 24,005. Noong 1973, si Milton at ang kaniyang asawang si Sheila, at ang kanilang isang-taóng-gulang na anak na lalaking si Jason, ay kinailangang bumalik sa Estados Unidos para alagaan ang may-edad nang magulang ni Milton. Makikita sa larawan sa pahinang ito si Milton at Sheila nang bumalik sila sa Timog Aprika noong 1999 at dumalo sa pag-aalay ng pinalawak na sangay sa Timog Aprika. Tuwang-tuwa sila—makalipas ang 26 na taóng di-pagkikita—nang makapiling nilang muli ang maraming dating kasamahan na nakagugunita pa ng kanilang mga gawa ng pag-ibig!

[Larawan]

Sina Milton at Sheila Bartlett, 1999

[Kahon/Larawan sa pahina 107]

Kakaibang Tanawin

Ang Table Mountain, isang kapansin-pansing palatandaan, ay nagbibigay ng isang napakagandang tanawin sa lunsod ng Cape Town. Para sa ilan, ang Cape Town ang pinakamagandang lunsod sa Aprika.

Kung tag-araw, ang patag na talampas nito ay maayos na nalalatagan kung minsan ng makapal na ulap na angkop sa kanilang bansag na “mantel.” Ito ay dahil sa malakas na hanging itinutulak pataas sa mga dalisdis ng bundok, at ang halumigmig nito ay nagiging ulap na waring lumalatag sa Table Mountain.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 114-117]

Pananatiling Tapat sa Loob ng Bilangguan

ISANG PANAYAM KAY ROWEN BROOKES

ISINILANG 1952

NABAUTISMUHAN 1969

MAIKLING TALAMBUHAY Nabilanggo mula Disyembre 1970 hanggang Marso 1973 dahil sa Kristiyanong neutralidad. Nagsimulang maglingkod bilang regular pioneer noong 1973 at naging Bethelite noong 1974. Ngayon ay miyembro na ng Komite ng Sangay.

Ano ang kalagayan sa mga baraks na bilangguan?

Ang mga baraks ay mahahabang gusali, na bawat isa ay may dalawang hilera ng 34 na seldang nakaharap sa pasilyo na may kanal sa gitna. Isa-isa kaming nakakulong sa dos-por-uno-punto-otso metrong selda. Dalawang beses lamang sa maghapon kami pinalalabas: tuwing umaga para maghilamos, mag-ahit, at maglinis ng aming baldeng ginagamit na palikuran at tuwing hapon para naman maligo. Hindi kami puwedeng tumanggap o magpadala ng sulat. Hindi kami puwedeng magkaroon ng mga aklat maliban sa Bibliya at wala kaming bolpen o lapis. Hindi kami puwedeng tumanggap ng dalaw.

Bago pumasok sa baraks, nilakipan na ng karamihan sa mga kapatid ang kanilang Bibliya ng ibang aklat, gaya ng Aid to Bible Understanding. Hindi ito nahalata ng mga guwardiya dahil katulad din ito ng kanilang malaking pampamilyang Bibliya sa wikang old Afrikaans o Olandes.

Nakakuha ba kayo ng mga literatura sa Bibliya?

Oo, nagpupuslit kami ng mga literatura kapag may pagkakataon. Ang lahat ng aming ari-arian ay nasa isang maleta na nakalagay sa isa sa mga bakanteng selda. Naroon din ang aming mga gamit sa pag-aayos ng katawan. Minsan sa isang buwan, pinapayagan kami ng guwardiya na puntahan ang aming maleta para kumuha ng mga gamit namin. Mayroon din kaming mga literatura sa mga maletang ito.

Habang nililibang ng isa sa amin ang guwardiya sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya, itinatago naman ng isang kapatid ang aklat sa ilalim ng kaniyang short o kamiseta. Pagbalik namin sa selda, hinahati-hati namin ang aklat sa mga seksiyon nito para mas madaling itago. Pinagpapasa-pasahan namin ito para mabasa ng lahat. Marami kaming napagtataguan. Ang ilang selda ay napabayaan na, at maraming butas kung saan-saan.

Madalas halughugin ang aming selda at kung minsan, kahit hatinggabi. Palaging may nakikitang literatura ang mga guwardiya pero hindi lahat. Madalas na ibinubulong sa amin ng isa sa nakikisimpatiyang sundalo kung kailan maghahalughog. Kaya ibinabalot na namin sa plastik ang mga literatura at isinisiksik ito sa alulod. Isang araw, nagkaroon ng napakalakas na bagyo, at natakot kami nang lumutang sa kanal sa loob ng gusali ng mga selda ang isa sa mga paketeng ito. Pinaglaruan ito ng mga bilanggong militar at ginawang bola ng soccer. Biglang may dumating na sundalo at pinapasok sila sa kanilang selda. Mabuti na lamang at wala nang pumansin sa paketeng iyon, at nakuha naming muli iyon nang palabasin kami sa aming selda.

Nasubok ba ang inyong katapatan habang nakabilanggo kayo?

Palagi. Iba’t iba ang mga pakana ng mga opisyal ng bilangguan. Halimbawa, kung minsan, ang bait-bait nila sa amin—binibigyan kami ng ekstrang pagkain, pinalalabas kami para mag-ehersisyo, at pinapayagan pa nga kaming magbilad sa araw. Pagkalipas naman ng ilang araw, bigla nila kaming pagsusuutin ng uniporme ng militar. Kapag tumanggi kami, balik na naman sa dati ang trato nila sa amin.

Pagkaraan nito, ipinasuot naman sa amin ang plastik na mga helmet ng sundalo, pero tumanggi kami. Galit na galit ang kapitan kaya mula noon, hindi na niya kami pinayagang makapaligo man lamang. Binigyan kami ng tig-iisang balde para maglinis ng katawan sa loob ng selda.

Wala kaming sapatos. Nagdurugo na ang mga paa ng ilang kapatid, kaya gumawa kami ng sapatos. Inipon namin ang mga piraso ng mga lumang kumot na panlampaso ng sahig. Pagkatapos ay nakakuha kami ng alambreng tanso, pinalapad namin ang isang dulo nito at pinatulis ang kabila. Binutasan namin ng aspili ang malapad na dulo at ginamit ang alambreng ito na parang karayom. Humugot kami ng mga sinulid sa aming mga kumot at nanahi ng mga mokasin gamit ang mga piraso ng kumot.

Minsan, bigla na lamang kaming pinagtatlu-tatlo sa isang selda. Bagaman siksikan kami, nakabuti naman ito. Isinaayos namin na ang mahihina sa espirituwal ay isama sa mga mas makaranasan. Nagdaos kami ng mga pag-aaral sa Bibliya at nagkaroon ng mga sesyon sa pagsasanay sa paglilingkod sa larangan. Nabahala ang kapitan nang makitang lalo kaming sumigla.

Nang mapag-isip-isip niyang bigo ang pakanang ito, nag-utos ang kapitan na isama ang isang Saksi sa dalawang di-Saksing bilanggo. Bagaman mahigpit silang pinagbawalang makipag-usap sa amin, nagsimula silang magtanong, at malaya kaming nakapagpatotoo. Dahil dito, isa o dalawa sa mga bilanggong ito ang ayaw nang makibahagi sa ilang gawaing militar. Pinag-isa-isa uli kami sa bawat selda.

Nakapagdaos ba kayo ng mga pulong?

Regular kaming nagpupulong. Sa itaas ng pinto ng bawat selda ay may bintana na may iskrin at pitong patayong rehas. Ibinubuhol namin ang dalawang dulo ng kumot sa dalawang patayong rehas para maging maliit na duyan na mauupuan namin. Nakikita namin mula roon ang kapatid sa katapat na selda, at sumisigaw kami para marinig ng ibang nasa gusali. Araw-araw naming tinatalakay ang pang-araw-araw na teksto, at kung may magasin kami, isinasagawa namin ang Pag-aaral sa Bantayan. Nagtatapos kami araw-araw sa pamamagitan ng halinhinang pangunguna sa panalangin. Gumawa pa nga kami ng sarili naming programa sa asamblea.

Hindi namin tiyak kung makakakuha ng permit ang isang elder para makasama namin sa pagdiriwang ng Memoryal. Kaya gumawa kami ng sarili naming paghahanda. Ibinabad namin ang mga pasas sa tubig para gawing alak, at pinipi at pinatuyo ang ilan sa aming rasyong tinapay. Minsan, pinayagan kaming tumanggap ng isang maliit na bote ng alak at ilang piraso ng tinapay na walang lebadura mula sa mga kapatid sa labas.

Nagbago ba ang kalagayan nang maglaon?

Nang maglaon, gumanda naman ang kalagayan. Nagbago ang batas, at nakalaya ang aming grupo. Mula noon, itinakda na ang haba ng sentensiya ng mga tumatangging magsundalo dahil sa relihiyon, at hindi na sila puwedeng sentensiyahan pa uli. Pagkaraan, matapos palayain ang aming grupo na binubuo ng 22 kapatid, ang naiwang 88 kapatid naman ay binigyan ng karaniwang pribilehiyo sa bilangguan. Puwede na silang dalawin minsan sa isang buwan at puwede nang tumanggap at magpadala ng sulat.

Nang palayain kayo, nahirapan ba kayong makibagay sa labas?

Oo, nangailangan kami ng panahon para masanay sa buhay sa labas. Halimbawa, medyo naaasiwa kaming makisalamuha sa maraming tao. Buong-kabaitang tinulungan kami ng aming mga magulang at ng mga kapatid na unti-unting humawak ng higit pang mga pananagutan sa kongregasyon.

Bagaman nahirapan kami noon, nakinabang naman kami sa aming naranasan. Ang pagsubok sa pananampalataya ay nakapagpalakas sa aming espirituwalidad at nagturo sa amin ng pagbabata. Talagang napahalagahan namin ang Bibliya, at natutuhan namin ang kahalagahan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay rito araw-araw. At talagang natuto kaming magtiwala kay Jehova. Matapos naming magawa ang mga sakripisyong iyon upang makapanatiling tapat kay Jehova, naging determinado kaming magpatuloy anupat ibinibigay sa kaniya ang aming buong makakaya, sa buong-panahong paglilingkod hangga’t maaari.

[Kahon/Larawan sa pahina 126-128]

Nagtiwala Kami kay Jehova sa Mapanganib na Panahon

ZEBLON NXUMALO

ISINILANG 1960

NABAUTISMUHAN 1985

MAIKLING TALAMBUHAY Isang Rastafarian bago nakaalam ng katotohanan. Di-nagtagal matapos mabautismuhan, naglingkod siya nang buong panahon. Kasalukuyang naglilingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito, kasama ang kaniyang asawang si Nomusa.

MATAPOS tumulong sa pagtatayo ng Bethel sa Krugersdorp, kami ng kapareha kong payunir ay naatasang maglingkod sa komunidad ng KwaNdengezi, malapit sa daungang lunsod ng Durban kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ilang araw pagdating namin, pinapunta sa aming bahay ng isang grupo sa pulitika ang lima sa kanilang mga kabataan upang magsiyasat. Hiningi nila ang aming suporta sa pagtatanggol sa komunidad mula sa kalabang grupo sa pulitika. Dahil sa pag-aaway ng dalawang grupong ito na nagsasalita ng wikang Zulu, dumanak ang dugo sa rehiyong iyon ng Timog Aprika. Tinanong namin sila kung ano sa palagay nila ang solusyon sa karahasang ito. Sinabi nila na ang pamumuno ng mga puti ang pangunahing dahilan nito. Binanggit namin ang ibang bansa sa Aprika na ginigiyagis ng digmaan at ang mga mamamayan ay sinasalot ng matinding karalitaan. Saka namin ipinaalaala sa kanila ang kasabihang, Paulit-ulit lamang ang kasaysayan. Sang-ayon sila na magpapatuloy ang krimen, karahasan, at sakit kahit na mga itim pa ang mamuno sa bansa. Pagkatapos ay binuksan namin ang Bibliya at ipinakita sa kanila na ang Kaharian ng Diyos lamang ang tanging pamahalaan na makalulutas sa problema ng tao.

Makalipas ang ilang gabi, narinig namin ang mga kabataan na umaawit ng mga awitin tungkol sa kalayaan at nakita rin namin ang mga lalaking may hawak na mga sandata. Sinusunog ang mga bahay at pinapatay ang mga tao. Dahil sa matinding takot, nanalangin kami kay Jehova na huwag sanang hayaan na ang pagbabanta at pananakot ay magpahina ng aming loob at sumira sa aming katapatan. Naalaala rin namin ang mga martir na sa gayong mga kalagayan ay hindi nagtatwa kay Jesus. (Mat. 10:32, 33) Biglang kumatok sa aming pinto ang isang grupo ng mga kabataan at mga adulto. Wala man lamang pasintabing hiningan kami ng perang pambili raw ng intelezi, wikang Zulu para diumano sa pangontrang gamot na ipinagbibili ng mga doktor-kulam. Pinakiusapan namin silang maghunusdili sabay tanong, “Tama kaya sa palagay ninyo ang ginagawang panghihimok ng mga doktor-kulam na pumatay sa pamamagitan ng pangkukulam?” Itinanong din namin: “Halimbawa, nabiktima ng pangkukulam ang inyong minamahal na kamag-anak. Ano ang madarama ninyo?” Sumang-ayon silang lahat na masama iyon. Saka namin binuksan ang Bibliya at ipinabasa sa kanilang lider ang pananaw ng Diyos tungkol sa pangkukulam, gaya ng nakaulat sa Deuteronomio 18:10-12. Pagkabasa niya ng mga talata, hiningi namin ang opinyon ng grupo. Hindi sila makapagsalita. Sinamantala namin ang pananahimik na iyon upang tanungin sila kung isang katalinuhan ba na makinig kami kay Jehova o sa kanila. Walang imik silang umalis.

Nalampasan namin ang maraming situwasyong katulad nito at natiyak namin na tinutulungan kami ni Jehova. Halimbawa, isang gabi, ibang grupo naman ang dumating sa aming bahay at humihingi ng perang pambili naman ng mga sandata upang “protektahan” daw ang mga residente. Sinabi nilang nanganganib sila dahil sa kalabang grupo sa pulitika at kailangan nilang sumalakay bilang ganti gamit ang mas malalakas na sandata. Iniutos nila na magbigay kami ng pera, at kung hindi, may mangyayari. Ipinaalaala namin sa kanila na pumirma ang kanilang organisasyon ng isang karta na gumagarantiya sa mga karapatang pantao at paggalang sa budhi ng iba. Tinanong namin sila kung dapat bang maging handa ang isang tao na mamatay sa halip na lumabag sa konstitusyong pinaniniwalaan nila. Sinabi nilang oo. Saka namin ipinaliwanag na kabilang kami sa organisasyon ni Jehova, ang Bibliya ang aming “konstitusyon,” at hinahatulan nito ang pagpatay. Nang bandang huli, sinabi ng lider ng grupo sa kaniyang mga kasamahan: “Nauunawaan ko ang paninindigan ng mga lalaking ito. Ipinaliwanag nila na kung ang pera ay gagamitin sa pagpapasulong ng ating komunidad—gaya ng pagpapatayo ng tahanan para sa matatanda—o kung ang kanilang kapuwa ay nangangailangan ng perang pang-ospital, handa silang magbigay. Pero hindi sila magbibigay sa atin ng pera para pumatay.” Pagkasabi nito, tumayo na ang grupo mula sa kanilang kinauupuan at nagkamayan kami, sabay pasasalamat sa kanilang paghuhunusdili.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 131-134]

Mga Dalagang 100 Taóng Naglingkod Bilang Tagapagsalin

Ginamit ng ilang kapatid sa pamilyang Bethel ng Timog Aprika ang kanilang kaloob ng pagiging walang asawa para sa mahalagang paglilingkod sa Kaharian. (Mat. 19:11, 12) Ang sumusunod na tatlong sister ay nakagugol ng kabuuang bilang na 100 taon sa pagsasalin ng espirituwal na pagkain mula sa “tapat at maingat na alipin.”—Mat. 24:45.

Maria Molepo

Isinilang ako sa Probinsiya ng Limpopo sa Timog Aprika na pinamumunuan ni Molepo. Si Ate Aletta ang nagturo sa akin ng katotohanan noong pumapasok pa ako sa paaralan. Nang makatapos ako ng pag-aaral, inalok ako ng isa ko pang ate, hindi Saksi ni Jehova, na babayaran daw niya ang tatlong-taóng kurso sa kolehiyo para maging kuwalipikadong titser ako. Tinanggihan ko ang magandang alok niya dahil gusto kong maglingkod kay Jehova kasama ng aking dalawa pang ate, sina Aletta at Elizabeth, na parehong payunir. Nabautismuhan ako noong 1953 at nakapag-uulat paminsan-minsan ng oras na gaya ng iniuulat ng mga payunir sa loob ng anim na taon bago ako nag-aplay at pormal na hinirang bilang regular pioneer noong 1959.

Noong 1964, inanyayahan ako ng sangay sa Timog Aprika na part-time na magsalin ng espirituwal na pagkain sa wikang Sepedi. Isinabay ko ito sa aking pagpapayunir. At noong 1966, inanyayahan akong maging miyembro ng pamilyang Bethel sa Timog Aprika. Ang paglilingkod sa Bethel ay hindi pala gaya ng nasa isip ko. Hinanap-hanap ko ang araw-araw na paglilingkod sa larangan. Subalit hindi naman nagtagal at nabago na rin ang aking pananaw, anupat inisip kong ang mga dulo ng sanlinggo, mula Sabado ng hapon hanggang Linggo ng gabi, ay panahon para makapagpayunir ako bagaman hindi ko na kayang abutin ang oras ng mga payunir. Wiling-wili ako sa paglilingkod sa larangan tuwing Sabado’t Linggo kaya madalas na hindi na ako umaabot sa hapunan. Nang hindi na kailangang magtrabaho tuwing Sabado ng umaga ang mga may-edad nang sister sa Bethel, tuwang-tuwa akong magamit ang ekstrang panahong ito sa paglilingkod sa larangan.

Sa unang walong taon ko sa Bethel, nakasama ko sa kuwarto sa gusaling hiwalay sa tahanang Bethel ang isa ring tagapagsalin. Noong una, pumapayag ang mga awtoridad ng apartheid na tumira kami malapit sa aming mga kapatid na puti, pero noong 1974, hindi na nila ito pinahintulutan. Ang mga itim na tagapagsaling tulad ko ay napilitang tumira sa mga lugar na para lamang sa mga itim. Nanuluyan ako sa isang pamilyang Saksi sa Tembisa at kinailangan kong magbiyahe nang malayo papunta’t pauwi mula sa Bethel araw-araw. Nang itayo ang bagong Bethel sa Krugersdorp, maluwag na noon ang mga patakaran ng gobyernong apartheid, at puwede na ako muling tumira kasama ng pamilyang Bethel.

Kaylaki ng pasasalamat ko kay Jehova dahil naririto pa rin ako sa Bethel bilang tagapagsalin hanggang sa araw na ito. Oo, ginantimpalaan niya ako dahil ginamit ko ang kaloob ng pagiging walang asawa sa paglilingkod sa kaniya anupat pinili rin ng aking nakababatang kapatid na si Annah na manatiling dalaga at hanggang ngayon ay maligaya pa rin sa buong-panahong pag-eebanghelyo sa nakalipas na 35 taon.

Tseleng Mochekele

Isinilang ako sa bayan ng Teyateyaneng, sa bansang Lesotho. Relihiyosa si Inay kung kaya pinipilit niya kaming magkakapatid na isama sa pagsisimba. Ayaw na ayaw kong magsimba. Samantala, naging Saksi ni Jehova naman ang aming tiyahin, at ibinahagi niya kay Inay ang kaniyang paniniwala. Natuwa ako nang tigilan na ni Inay ang pagsisimba, pero hindi ko pinansin ang katotohanan dahil gustung-gusto ko ang sanlibutan at ang mga libangan dito.

Noong 1960, lumipat ako sa Johannesburg para magtapos ng pag-aaral. Nang paalis na ako ng bahay, nakiusap si Inay, “Tseleng, pagdating mo sa Johannesburg, sana hanapin mo ang mga Saksi at maging Saksi ka rin.” Pagdating ko sa Johannesburg, natuwa ako sa napakaraming puwedeng paglibangan. Pero nang suriin ko ang buhay ng mga tao, nagulat ako sa seksuwal na imoralidad na ginagawa ng karamihan. Saka ko naalaala ang sinabi ni Inay at nagsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Soweto. Sa unang pagdalo ko, natatandaan ko pang nanalangin ako, “Amang Jehova, tulungan po sana ninyo ako na maging Saksi ninyo.” Hindi nga nagtagal, nakibahagi na ako sa ministeryo at nabautismuhan noong Hulyo ng taon ding iyon. Pagkatapos ng aking pag-aaral, bumalik ako kay Inay sa Lesotho. Bautisado na rin siya noon.

Noong 1968, inanyayahan ako ng sangay sa Timog Aprika na maging buong-panahong tagapagsalin sa wikang Sesotho. Sa loob ng maraming taon, ginawa ko ang atas na ito habang nakatira sa amin kasama ni Inay. Noong nagigipit kami sa pinansiyal, iminungkahi ko sa aming pamilya na dapat na siguro akong tumigil sa buong-panahong paglilingkod at magtrabaho para makatulong sa kanila. Pero hindi pumayag si Inay at ang aking bautisadong bunsong kapatid na babaing si Liopelo. Napakahalaga sa kanila ng pribilehiyong suportahan ako sa aking atas bilang buong-panahong tagapagsalin.

Noong 1990, naging miyembro ako ng pamilyang Bethel sa Timog Aprika sa mga bagong pasilidad ng sangay sa Krugersdorp, kung saan patuloy pa rin ako sa aking pribilehiyo ng pagsasalin. Hindi ko pinagsisisihan ang aking pasiya na manatiling dalaga. Sa halip, lubos kong pinasasalamatan si Jehova sa pagbibigay sa akin ng maligaya at makabuluhang buhay.

Nurse Nkuna

Isinilang ako sa hilagang-silangang bahagi ng Timog Aprika sa bayan ng Bushbuckridge. Bilang Saksi ni Jehova, pinalaki ako ni Inay sa katotohanan habang buong-panahon siyang nagtatrabaho para makaragdag sa kinikita ni Itay. Tinuruan na akong bumasa ni Inay bago pa man ako mag-aral. Nakatulong ito sa akin na makibahagi sa pangangaral kung simpleng araw kasama ng may-edad nang sister na regular pioneer. Malabo na ang mata niya, kaya nakatulong sa kaniyang ministeryo ang kakayahan kong bumasa. Kahit nag-aaral na ako noon, patuloy pa rin akong sumasama sa kaniya sa paglilingkod sa larangan tuwing hapon. Dahil sa aking pakikisama sa buong-panahong mga lingkod, napamahal sa akin ang ministeryo. Natutuwa ako kapag nakikita kong naninindigan sa katotohanan ang mga tao. Noong magsasampung taóng gulang na ako, nanalangin ako kay Jehova hinggil sa pagnanais kong gamitin ang buhay ko sa buong-panahong pangangaral. Nabautismuhan ako noong 1983 at ilang taon ding nagtrabaho upang makatulong sa materyal na pangangailangan ng aming pamilya. Upang matiyak na hindi ako magkakaroon ng pag-ibig sa salapi na hahadlang sa akin upang maabot ang aking tunguhing makapasok sa buong-panahong paglilingkod, ipinaubaya ko kay Inay ang aking suweldo. Noong 1987, nagbitiw ako sa trabaho nang matanggap ko ang aking aplikasyon na maging tagapagsalin sa wikang Zulu kasama ng pamilyang Bethel sa Timog Aprika.

Nagdulot sa akin ng malaking kagalakan ang paglilingkod sa Bethel bilang isang dalaga. Dahil sa mga komento sa pang-umagang pagsamba, sumulong ako sa ministeryo sa larangan. Dahil sa paglilingkod kasama ng mga kapuwa mananamba na may iba’t ibang pinagmulan, sumulong ang aking Kristiyanong personalidad. Oo nga’t wala akong sariling mga anak, pero nagkaroon naman ako ng maraming espirituwal na anak at apo na hindi ko mararanasan kung pinili kong mag-asawa at magpamilya.

Habang masikap na ginagampanan ang kanilang atas sa Bethel bilang mga tagapagsalin, ang tatlong dalagang kapatid na ito sa kabuuan ay nakatulong din sa 36 na indibiduwal na mag-alay at maging bautisadong mananamba ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 146, 147]

Maririlag na Kabundukan

Ang Kabundukan ng Drakensberg ay umaabot ng mga 1,050 kilometro sa kahabaan ng Timog Aprika. Gayunman, ang seksiyong nagsisilbing likas na hangganan ng KwaZulu-Natal at ng Lesotho ang pinakamagandang bahagi ng kabundukan. Madalas itong tawaging Switzerland ng Timog Aprika.

Ang mga taluktok na mahirap akyatin—gaya ng taluktok ng napakataas na Sentinel; ng madulas at mapanganib na Monk’s Cowl; at ng traidor na Devil’s Tooth na may matatarik na gilid—ang umaakit sa mga abenturerong mahilig umakyat ng bundok. Maaaring mapanganib ang pag-akyat sa mga bundok na ito. Bagaman matatarik ang ilang daan sa dalisdis, ligtas namang dumaan dito at hindi na kailangan ang espesyal na mga gamit sa pag-akyat. Mangyari pa, mahalagang sumunod sa mga patakaran ng kabundukan. Napakahalaga ng mainit na kasuutan, tolda, at reserbang pagkain. Posibleng manuot hanggang buto ang lamig sa dalisdis, na may kasamang napakalakas na hangin sa gabi.

Taun-taon, libu-libong naglalakad, nagkakamping, at umaakyat ng bundok ang tumatakas sa tensiyon at polusyon sa mga lunsod at pumupunta rito upang lumanghap ng sariwang hangin-bundok, tumikim ng nakagiginhawa at matamis na tubig-bundok, at mapagmasdan ang karingalan ng napakagandang kabundukan.

[Larawan]

Mga larawan sa bato na iginuhit ng mga “Bushman”

[Kahon/Larawan sa pahina 158, 159]

Nakalaya sa Espiritismo at Poligamya

ISAAC TSHEHLA

ISINILANG 1916

NABAUTISMUHAN 1985

MAIKLING TALAMBUHAY Nawalan siya ng tiwala sa Sangkakristiyanuhan at naging mayamang doktor-kulam bago nakaalam ng katotohanan.

SI Isaac at ang tatlo sa kaniyang mga kaibigan—sina Matlabane, Lukas, at Phillip—ay lumaki sa Kabundukan ng Sekhukhune na nasa hilagang-silangang bahagi ng Timog Aprika. Nagpasiya ang apat na kabataang lalaking ito na tumiwalag na sa Simbahang Apostoliko dahil sa nakita nilang pagpapaimbabaw ng mga miyembro ng simbahan. Sama-sama nilang hinanap ang tunay na relihiyon. Nang maglaon, nagkahiwa-hiwalay sila.

Tatlo sa apat na magkakaibigang ito ang naging Saksi ni Jehova, pati na ang kani-kanilang asawa. Pero ano kaya ang nangyari kay Isaac? Sinundan niya ang yapak ng kaniyang ama na isang kilalang doktor-kulam. Ang motibo ni Isaac ay para kumita, at yumaman naman siya. Mayroon siyang sandaang baka at malaking pera sa bangko. Gaya ng karaniwang inaasahan sa mayayaman, si Isaac ay may dalawang asawa. Samantala, ipinasiya ni Matlabane na hanapin si Isaac at sabihin sa kaniya kung paano natuklasan ng kaniyang dating tatlong kaibigan ang tunay na relihiyon.

Tuwang-tuwa si Isaac nang makitang muli si Matlabane at gustung-gusto niyang malaman kung bakit naging mga Saksi ni Jehova ang kaniyang dating mga kaibigan. Nagsimulang makipag-aral ng Bibliya si Isaac sa brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Sa edisyon ng brosyur sa kanilang wika, makikita sa larawan bilang 17 ang isang Aprikanong doktor-kulam na naghahagis ng mga buto sa lupa upang mahulaan ang sagot sa tanong ng isang nagpapahula. Nagulat si Isaac nang malaman mula sa binanggit na teksto, sa Deuteronomio 18:10, 11, na hindi pala nalulugod ang Diyos sa gayong espiritistikong mga gawain. Nabahala siya nang makita niya ang isang lalaki at ang mga asawa nito sa larawan bilang 25. Kasama sa larawan ang 1 Corinto 7:1-4 upang ipakita na hindi dapat magkaroon ng higit sa isang asawa ang isang tunay na Kristiyano.

Gustung-gustong sundin ni Isaac ang Kasulatan. Sa edad na 68, iniwan niya ang kaniyang ikalawang asawa at pinakasalan ang kaniyang unang asawa, si Florina. Inihinto na rin niya ang panggagamot bilang doktor-kulam at itinapon ang mga butong ginagamit niya sa panghuhula. Minsan, habang nag-aaral si Isaac ng Bibliya, dumating ang dalawang lalaki mula pa sa malayong lugar. Magbabayad sana sila ng utang nila na 550 rand ($140, U.S., nang panahong iyon) para sa kaniyang serbisyo bilang doktor-kulam. Hindi tinanggap ni Isaac ang pera at nagpatotoo siya sa mga lalaki, anupat ipinaliwanag na inihinto na niya ang dati niyang trabaho at nag-aaral na siya ngayon ng Bibliya para maging Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, naabot ni Isaac ang kaniyang tunguhin. Noong 1985, siya at si Florina ay nabautismuhan, at sa nakalipas na ilang taon, si Isaac na 90 taóng gulang na ngayon, ay naglilingkod bilang elder sa Kristiyanong kongregasyon.

[Chart/Graph sa pahina 124, 125]

TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI—Timog Aprika

1900

1902 Dumating sa Timog Aprika ang salig-Bibliyang mga literatura.

1910 Binuksan ni William W. Johnston ang tanggapang pansangay sa Durban.

1916 Dumating ang “Photo-Drama of Creation.”

1917 Inilipat sa Cape Town ang tanggapang pansangay.

1920

1924 Ipinadala sa Cape Town ang makinang panlimbag.

1939 Inilimbag ang unang Consolation sa wikang Afrikaans.

1940

1948 Itinayo ang Kingdom Hall malapit sa Cape Town.

1949 Inilimbag ang Bantayan sa wikang Zulu.

1952 Natapos ang Bethel sa Elandsfontein.

1979 Instalasyon ng TKS rotary offset press.

1980

1987 Itinayo ang bagong Bethel sa Krugersdorp; pinalawak ito noong 1999.

1992 Itinayo sa Soweto ang kauna-unahang Kingdom Hall na itinayo sa mabilis na paraan.

2000

2004 Pinalawak ang palimbagan. Nag-iimprenta na ng mga literatura ang MAN Roland Lithoman press.

2006 Pinakamataas na bilang ng mamamahayag ay 78,877.

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag

Kabuuang Bilang ng mga Payunir

80,000

40,000

1900 1920 1940 1980 2000

[Chart/Mga larawan sa pahina 148, 149]

Napakaraming Wika

Ang palimbagan sa Timog Aprika ay nag-iimprenta ng “Ang Bantayan” sa 33 wika.

Sari-saring Moda

Makikita mo sa Aprika ang makukulay at sari-saring etnikong damit, alahas, at mga disenyo ng tela.

Zulu

PAGBATI “Sanibona”

INANG WIKA NG 10,677,000i

MAMAMAHAYAG 29,000j

Sesotho

PAGBATI “Lumelang”

INANG WIKA NG 3,555,000

MAMAMAHAYAG 10,530

Sepedi

PAGBATI “Thobela”

INANG WIKA NG 4,209,000

MAMAMAHAYAG 4,410

Tsonga

PAGBATI “Xewani”

INANG WIKA NG 1,992,000

MAMAMAHAYAG 2,540

Xhosa

PAGBATI “Molweni”

INANG WIKA NG 7,907,000

MAMAMAHAYAG 10,590

Afrikaans

PAGBATI “Hallo”

INANG WIKA NG 5,983,000

MAMAMAHAYAG 7,510

Tswana

PAGBATI “Dumelang”

INANG WIKA NG 3,677,000

MAMAMAHAYAG 4,070

Venda

PAGBATI “Ri a vusa”

INANG WIKA NG 1,021,800

MAMAMAHAYAG 480

[Talababa]

i Tinantiya lamang ang lahat ng bilang.

j Tinantiya lamang ang lahat ng bilang.

[Buong-pahinang larawan sa pahina 66]

[Larawan sa pahina 71]

Punong “yellowwood”

[Larawan sa pahina 74]

Stoffel Fourie

[Larawan sa pahina 74]

“Studies in the Scriptures”

[Larawan sa pahina 74]

Kongregasyon ng Durban kasama si William W. Johnston, 1915

[Larawan sa pahina 74, 75]

Si Johannes Tshange at ang kaniyang pamilya

[Larawan sa pahina 75]

Isang maliit na kuwarto sa gusaling ito ang kauna-unahang tanggapang pansangay

[Larawan sa pahina 77]

Japie Theron

[Larawan sa pahina 79]

Henry Myrdal

[Larawan sa pahina 79]

Piet de Jager

[Larawan sa pahina 82]

Henry Ancketill, 1915

[Larawan sa pahina 82]

Sina Grace at David Taylor

[Larawan sa pahina 82]

Nasa buklet na ito ng 1931 ang resolusyon na gamitin ang pangalang mga Saksi ni Jehova

[Mga larawan sa pahina 84]

Pamilyang Bethel noong 1931 sa Cape Town, kasama sina George at Stella Phillips

[Larawan sa pahina 87]

Pagrerekord sa wikang Xhosa

[Larawan sa pahina 87]

Si Andrew Jack at ang makinang panlimbag na Frontex, 1937

[Larawan sa pahina 87]

Kauna-unahang “Consolation” at “Ang Bantayan” sa wikang Afrikaans

[Larawan sa pahina 90]

Mga delegado sa asamblea, Johannesburg, 1944

[Larawan sa pahina 90]

Pag-aanunsiyo ng pahayag gamit ang mga plakard, 1945

[Larawan sa pahina 90]

Sina Frans Muller at Piet Wentzel dala ang mga ponograpo, 1945

[Larawan sa pahina 95]

Si Gert Nel, lingkod sa mga kapatid, 1943

[Larawan sa pahina 95]

Nagpapatotoo sa baryo, 1948

[Larawan sa pahina 99]

Si Andrew Masondo at ang kaniyang pangalawang asawa, si Ivy

[Larawan sa pahina 99]

Sina Luke at Joyce Dladla

[Larawan sa pahina 99]

Kauna-unahang “Bantayan” sa wikang Zulu

[Larawan sa pahina 102]

Ang halimbawa ni Velloo Naicker ay nakatulong sa 190 kamag-anak niya para maakay sa katotohanan

[Larawan sa pahina 102]

Si Gopal Coopsammy noong 21 anyos siya at ngayon kasama ang kaniyang asawang si Susila. Natulungan nilang mag-alay ang 150 katao

[Mga larawan sa pahina 104, 105]

Isabella Elleray

Doreen Kilgour

[Larawan sa pahina 108, 109]

orihinal, 1952

Bethel, Elandsfontein, 1972

[Mga larawan sa pahina 110]

Mga Tampok na Bahagi sa Kombensiyon

(Itaas) Paglalabas ng aklat na “Children,” 1942; (gitna) mga kandidato sa bautismo, 1959; (ibaba) Koro ng mga Xhosa habang malugod na tinatanggap ang mga delegado, 1998

3,428 ang nabautismuhan noong nakaraang taon!

[Larawan sa pahina 120]

Tiniis ni Elijah Dlodlo ang mga hagupit

[Larawan sa pahina 121]

Florah Malinda, regular pioneer. Walang-awang pinaslang ang kaniyang anak na babae

[Larawan sa pahina 122]

Si Moses Nyamussua na pinatay ng mga mang-uumog

[Mga larawan sa pahina 140, 141]

Pinabilis na Konstruksiyon ng Kingdom Hall

Tinulungang magkaroon ng bagong dako ng pagsamba ang kongregasyon sa Kagiso

Bago ang pagtatayo

Habang itinatayo

Pagkatapos

Gustung-gusto ng Kongregasyon ng Rathanda sa Heidelberg ang kanilang bagong Kingdom Hall

Sa 37 bansa sa Aprika, 7,207 bulwagan ang natapos na, 3,305 pa ang kailangang itayo!

[Larawan sa pahina 147]

Ang pamilya Rossouw sa ngayon

[Mga larawan sa pahina 150]

Assembly Hall sa Midrand

[Larawan sa pahina 155]

Tulong sa Zimbabwe, 2002

[Larawan sa pahina 155]

Naglaan ng mga “computer software” para matulungan ang mga tagapagsalin

[Mga larawan sa pahina 156, 157]

Sangay sa Timog Aprika, 2006

Mga gusaling tirahan at mga opisina, bagong makinang panlimbag, at Shipping Department

[Mga larawan sa pahina 156, 157]

Komite ng Sangay

Piet Wentzel

Loyiso Piliso

Rowen Brookes

Raymond Mthalane

Frans Muller

Pieter de Heer

Jannie Dieperink

[Mga larawan sa pahina 161, 162]

Namibia

Sina William at Ellen Heindel

Sina Coralie at Dick Waldron, 1951

Opisina sa pagsasalin sa Namibia

[Mga larawan sa pahina 167]

Lesotho

(Dulong itaas) Si Abel Modiba sa pansirkitong gawain; (itaas) nakapalibot sa misyonero ang mga nakatira sa kuweba; (kaliwa) Per-Ola at Birgitta Nygren

[Mga larawan sa pahina 168]

Botswana

Mag-asawang Thongoana na nagpapatotoo sa isang tindero sa kalye

Pangangaral sa mga kubo

[Mga larawan sa pahina 170]

Swaziland

Sina James at Dawne Hockett

Pangangaral ng katotohanan sa isang palengke ng mga panindang gawang-sining, Mbabane

[Mga larawan sa pahina 170]

St. Helena

Natapos sa maghapon ang kampanya sa “Kingdom News”; (ibaba) daungang lunsod ng Jamestown

[Larawan sa pahina 175]

Internasyonal na kombensiyon noong 1993

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share