Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • foa artikulo 6
  • Nagkakaisa sa Isang Nababahaging Bansa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagkakaisa sa Isang Nababahaging Bansa
  • Mula sa Aming Archive
  • Subtitulo
  • Pagharap sa Delikadong Sitwasyon Noong Apartheid
  • Sama-samang Nagpupulong sa Nababahaging Bansa
  • Pangangaral sa mga Teritoryo Noong May Apartheid
  • Pinagkakaisa ng Pag-ibig Kahit Napapalibutan ng Galit
Mula sa Aming Archive
foa artikulo 6
Si Milton Bartlett kasama ang ilang itim na brother na nangangaral sa lugar ng mga itim noong panahon ng apartheid.

MULA SA AMING ARCHIVE

Nagkakaisa sa Isang Nababahaging Bansa

Mula 1948 hanggang 1994, may apartheid sa South Africa.a Noong mga panahong iyon, hindi maganda ang tingin ng marami sa mga hindi nila kalahi. Sinabi ni Kallie, na itinuturing na “colored” (may ninunong magkaiba ang lahi) noong panahong iyon: “May diskriminasyon din ang mga non-white sa isa’t isa.”

Iba-iba ang lahi ng mga Saksi ni Jehova sa South Africa. Ano ang ginawa nila noong panahon ng apartheid? At ano ang matututuhan natin sa kanila?

Pagharap sa Delikadong Sitwasyon Noong Apartheid

Sa South Africa, nag-organisa ng mga protesta ang ilan sa mga hindi sang-ayon sa ginagawang paghihiwalay ng mga lahi. Marami sa kanila ang ikinulong, at pinatay pa nga ang iba. Kaya lalong naging marahas ang mga kumokontra sa gobyerno. Pero sinunod ng mga Saksi ni Jehova ang batas. Hindi sila sumali sa mga protesta o mga pagtatangkang baguhin ang gobyerno. ‘Nagpasakop sila sa nakatataas na mga awtoridad,’ gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo.​—Roma 13:1, 2.

Madalas masubok ang pagiging neutral ng mga Saksi ni Jehova. Kung may kakampihan sila, puwede silang mapasama sa mararahas na away sa politika o kaya naman labanan ang mismong mga kapananampalataya nila. Halimbawa, “nang magkaroon ng mga pag-aaklas noong 1976, pinilit ang maraming estudyante ng high school na sumali sa mga riot sa politika,” ang sabi ni Thembsie. “Y’ong mga estudyanteng sumali sa riot, nagbabahay-bahay sila para kumbinsihin ang iba pang estudyante na sumama sa kanila. Kapag tumanggi ka, puwede nilang sunugin ang bahay mo, o kaya naman bugbugin ka hanggang sa mamatay ka.” Sinabi ng isang lider ng partidong kontra sa gobyerno kay Theophilus, na isang Saksi, “Kapag natalo namin ang puting ’yon, papatayin ka namin kasi hindi ka lumaban para sa bansa natin.”

Sama-samang Nagpupulong sa Nababahaging Bansa

Napakahirap ng sitwasyon noon dahil sa apartheid, pero patuloy pa ring nagpupulong ang mga Saksi sa South Africa. (Hebreo 10:24, 25) Hindi makapagtayo ng Kingdom Hall ang ilang kongregasyon kasi napakahirap ng buhay.b “Ilang taon din kaming umuupa ng mga pasilidad kahit hindi maayos ang mga iyon,” ang sabi ni Enver. “Kaya ipinagamit ni Tatay ang bahay namin para sa mga pulong. Dalawang beses sa isang linggo, inaayos namin ’yon na parang Kingdom Hall. Minsan, mahigit 100 ang nagsisiksikan sa bahay namin. Pagkatapos ng mga pulong, madalas kaming mag-alok ng mga pagkain at inumin sa mga dumalo.”

Magkakasama sa pulong ang mga itim at puting Saksi, Abril 1950

Magkakasama ang iba’t ibang lahi sa Rand Stadium, Johannesburg, 1980

Dahil sa apartheid, nagkaroon ng mga hadlang sa gawain ng mga Saksi pero nakagawa sila ng mga paraan. Halimbawa, sa Limpopo Province, isang puting brother ang naatasang magpahayag sa isang circuit assembly. Pero dahil gaganapin iyon sa lugar ng mga itim, hindi siya pinayagang pumasok doon. Kaya nakiusap siya sa isang puti na may-ari ng farm na katabi lang ng lugar ng mga itim. Nagkasundo sila na sa farm siya magpapahayag habang nasa kabilang bakod naman ang mga tagapakinig.

Pangangaral sa mga Teritoryo Noong May Apartheid

Noong panahon ng apartheid, pinagsasama-sama sa isang lugar ang magkakalahi. Kaya karaniwan nang pare-pareho ng lahi ang matatagpuan sa teritoryo ng kongregasyon. Dahil sa apartheid, kailangang maging flexible ng mga Saksi sa mga kaayusan sa pangangaral. Halimbawa, nahirapan ang mga kapatid sa pangangaral sa mga unassigned territory. “May mga lugar na hindi puwedeng makitulog ang mga non-white. Kaya natutulog kami sa kotse namin o sa ilalim ng mga puno,” ang sabi ni Krish, na itinuturing na “Indian” noong panahon ng apartheid. “Kinabukasan, maghihilamos kami at makikigamit sa restroom ng gasolinahan. Kaya lang kung minsan, may nakapaskil na ‘Whites Only’ sa mga restroom. Pero kahit gano’n ang kalagayan, patuloy pa rin ang mga kapatid sa masayang pangangaral at pagtuturo sa mga interesado sa mga lugar na iyon.”

Magkakasamang nangangaral sa unassigned territory ang mga Saksi na iba’t iba ang lahi, 1981

Mahirap ang sitwasyon noon, pero patuloy pa ring dumami ang mga lingkod ni Jehova. Nang gawing legal noong 1948 ang apartheid, 4,831 lang ang Saksi ni Jehova sa South Africa. Pero nang matapos iyon noong 1994, naging 58,729 ang mga mamamahayag doon. At mas dumami pa iyon. Noong 2021, umabot sa 100,112 ang pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag sa South Africa.

Pinagkakaisa ng Pag-ibig Kahit Napapalibutan ng Galit

Isang puting brother na nangangaral sa isang itim na babae at anak nito.

Pinagbubukod-bukod ang mga lahi sa South Africa noong panahon ng apartheid. Pero sinikap pa rin ng mga Saksi ni Jehova na magpakita ng pag-ibig at pagkakaisa sa lahat ng lahi. Itinuro nila at sinunod ang mga prinsipyo sa Bibliya. (Gawa 10:34, 35) Kahit napapalibutan sila ng galit, pinagkakaisa sila ng pag-ibig.​—Juan 13:34, 35.

Noong 1993, nagkaroon ng kombensiyon ang mga Saksi ni Jehova sa South Africa na dinaluhan ng iba’t ibang lahi. Nang dumating ang mga international delegate sa airport, masaya silang binati at niyakap ng mga Saksi na taga-South Africa. At nakita iyon ng isang kilalang lider sa politika, kaya nasabi niya: “Kung nagkakaisa kaming tulad ninyo, nalutas na sana namin noon pa man ang aming mga problema.”

Si Milton Henschel, mula sa Pandaigdig na Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, na nagpapahayag sa isang malaking pagtitipon ng mga Saksi na iba’t iba ang lahi, 1955

Magkasamang nag-aayos ng sasakyan ang dalawang brother na magkaiba ang lahi.

Magkasamang nagtatrabaho ang itim at puting staff sa sangay ng mga Saksi ni Jehova sa South Africa, 1986

Si Thomas Skosana (kaliwa) at si Alfred Steynberg, matatagal nang Saksi, sa isang kombensiyon, 1985

Mga Saksi na iba-iba ang lahi na nagse-serve ng pagkain sa isang kombensiyon, 1985

Malaking grupo ng mga Saksi na iba-iba ang lahi na nagtipon-tipon sa FNB Stadium, Johannesburg, 2011

a Ang apartheid ay isang sistema sa politika kung saan pinaghihiwa-hiwalay ang mga lahi. Nakadepende sa lahi ng isa kung anong edukasyon ang puwedeng niyang kunin, ano ang puwede niyang maging trabaho, saan siya puwedeng tumira, at sino ang puwede niyang mapangasawa. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Ano Ba ang Apartheid?” sa 2007 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova.

b Mula noong 1999, ang mga donasyon mula sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ay ginagamit para magtayo at mag-renovate ng mga Kingdom Hall kung saan may pangangailangan.

Pagsisikap na Magkaisa sa Nababahaging Bansa

Puwede nating tularan ang magagandang halimbawa ng mga kapatid na naglingkod nang tapat noong panahon ng apartheid. Tingnan ang sumusunod na mga karanasan:

Si Minki.

Sikaping labanan ang diskriminasyon. (Colosas 3:10, 11)

“Lumaki kami sa lugar na mataas ang tingin sa mga puti,” ang sabi ni Minki. Nalaman niya at ng asawa niya ang katotohanan noong mga adulto na sila. “Nag-volunteer kami sa isang non-white na teritoryo. Sinikap namin na maalis ang anumang diskriminasyon sa sarili namin at talagang ipinanalangin namin iyon kay Jehova.” Napaglabanan nilang mag-asawa ang diskriminasyon at pinagpala sila. “Sa loob lang ng tatlong taon, naging kongregasyon na ang dating maliit na grupong pinaglilingkuran namin. At mahigit 100 ang dumadalo.”

Si Braaf.

“Huwag kang maghinanakit agad.” (Eclesiastes 7:9)

“Kapag may nasabi o nagawa ang isang kapatid na parang may diskriminasyon, iniisip ko, ‘si Jehova nga, napakamatiisin,’” ang sabi ni Braaf. “Kailangan talaga ng panahon para maisuot ang bagong personalidad.” (Efeso 4:23, 24) “Ipinapanalangin ko kay Jehova na tulungan akong maging matiisin gaya niya at patuloy sana akong makapagpakita ng pag-ibig.”

Si Loyiso.

Iwasan ang politikal na mga propaganda para manatiling neutral. (Juan 17:16)

“Ang daming ipinapamahaging magasin noon na kontra sa apartheid,” ang sabi ni Loyiso. “Gusto kong manatiling neutral, kaya hindi ko binasa ang mga ’yon.”

Si Ronnie.

Magpokus sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (1 Juan 2:17)

“Dahil bahagi ako ng organisasyon ni Jehova, may layunin na ang buhay ko at alam kong may mga kasama ako,” ang sabi ni Ronnie. “Hindi ko masyadong naiisip ang mga problema noong panahon ng apartheid kasi lagi akong nangangaral at abala sa espirituwal na mga gawain.”

Si Ernest.

Sundin ang mga tagubilin ng organisasyon ni Jehova, hindi ang ideya ng mga tao. (Santiago 3:13, 17, 18)

“Naging circuit overseer ako noong 26 years old ako,” ang sabi ni Ernest, na itinuturing na “colored” noong panahon ng apartheid. “Parang tatay ko na y’ong mga puting elder sa ilang kongregasyon na nadalaw ko. Pero hindi nila ipinadamang mas mataas sila. Mapagpakumbaba sila. Tinanggap nila ang mga tagubilin ng organisasyon, pati na ang mga payo ko sa kanila.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share