Ang Isopo sa Bibliya
Ang Hebreo at Griegong termino na isinasaling “isopo” sa maraming Bibliya (ʼe·zohvʹ sa Hebreo at hysʹso·pos sa Griego) ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang uri ng halaman. Makikita rito ang marjoram (Origanum maru; Origanum syriacum), ang halamang iniisip ng maraming iskolar na tinutukoy ng terminong Hebreo. Ang halamang ito na mula sa pamilyang yerbabuena (mint) ay karaniwan sa Gitnang Silangan. Puwede itong tumaas nang 0.5 hanggang 0.9 m (1.5 hanggang 3 ft). Sa Bibliya, ang isopo ay madalas iugnay sa kalinisan. (Exo 12:21, 22; Lev 14:2-7; Bil 19:6, 9, 18; Aw 51:7) Dalawang beses lang binanggit ang “isopo” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Inilalarawan sa Heb 9:19 ang pagpapasinaya sa lumang tipan, at ang “isopo” sa kontekstong iyon ay maliwanag na ang isopo ring binabanggit sa Hebreong Kasulatan. Sa Ju 19:29, sinabing inilapit sa bibig ni Jesus ang isang espongha na punô ng maasim na alak na nasa “isang tangkay ng isopo.” Iba-iba ang opinyon ng mga iskolar sa kung anong halaman ang tinutukoy ng salitang Griego na hysʹso·pos sa kontekstong ito. Iniisip ng ilan na dahil maikli ang tangkay ng marjoram para umabot ang espongha sa bibig ni Jesus, ang terminong ito ay tumutukoy sa isa pang halaman na mas mahaba ang tangkay, posibleng sa durra, na isang uri ng karaniwang sorghum (Sorghum vulgare). Pero kahit na maiksi ang tangkay ng marjoram, iniisip pa rin ng ilan na ito ang isopong binabanggit sa ulat. Sinasabi nila na posibleng ikinabit ang isang bungkos ng marjoram sa “tambo” na binabanggit sa Mateo at Marcos.—Mat 27:48; Mar 15:36.
Kaugnay na (mga) Teksto: