Helmet ng mga Romano
Makikita sa larawan ang dalawang klase ng helmet na ginagamit ng mga sundalong Romano noong unang siglo. Ang ganitong mga helmet ay gawa sa bronse o bakal. Hugis-mangkok ang mga ito at may pamprotekta sa batok; may nakaturnilyong piraso rin ito na nakatakip sa pisngi. Karamihan sa mga helmet ay may bahaging nakatakip sa noo ng sundalo para masalag ang mga pag-atake sa mukha niya. May tela sa loob ang lahat ng helmet, at kadalasan nang malambot ito para hindi agad mapagod ang mga sundalo sa pagsusuot nito. Lumilitaw na ang mga sundalo mismo ang bumibili ng sarili nilang kasuotang pandigma, kasama na ang helmet. Ginamit ni Pablo ang helmet para ilarawan ang proteksiyong naibibigay ng pag-asa. Kung paanong pinoprotektahan ng helmet ang ulo ng sundalo para hindi siya mamatay, ang ‘pag-asang maligtas’ ay makakaprotekta sa kakayahang mag-isip ng isang Kristiyano at sa pagkakataon niyang magkaroon ng buhay na walang hanggan sa hinaharap.—1Te 5:8, 9; Tit 1:2.
Kaugnay na (mga) Teksto: