Arko ni Tito sa Roma
Makikita sa kaliwa ang arko ng tagumpay na nasa Forum sa Roma, Italya. Itinayo ito para alalahanin ang tagumpay ng Romanong heneral na si Tito nang sakupin niya ang Jerusalem at Judea noong 70 C.E. Noong Hunyo 71 C.E., ipinagdiwang ni Tito at ng kaniyang ama na si Emperador Vespasian ang tagumpay na ito sa kabisera ng Imperyo ng Roma. Si Tito ang pumalit kay Vespasian bilang emperador noong 79 C.E. Pagkalipas ng dalawang taon, biglang namatay si Tito, at di-nagtagal, itinayo ang arkong ito para sa kaniya. Inukit sa magkabilang panig ng arko ang prusisyon ng tagumpay ni Tito, at may makukulay na pinta ito noong una. Sa isang panig (1), makikita ang mga sundalong Romano na buhat-buhat ang banal na mga kagamitan ng templo sa Jerusalem. Malinaw na makikitang kasama sa mga samsam ang kandelero na may pitong sanga at ang mesa para sa tinapay na pantanghal, kung saan nakapatong ang banal na mga trumpeta. Sa kabilang panig naman (2), makikita si Tito na nakatayo sa karwaheng hinihila ng apat na kabayo. Makikita sa mga ukit na ito ang ilustrasyong binanggit ni apostol Pablo sa dalawang liham niya. (2Co 2:14; Col 2:15) Siguradong pamilyar sa prusisyon ng tagumpay ng mga Romano ang mga nakabasa ng mga liham ni Pablo. Noon, ang ganitong mga ritwal ay inaaprobahan ng emperador ng Roma o ng pamilya niya. Pinapatunayan ng Arko ni Tito na natupad ang hula ni Jesus na mabibihag ang lunsod ng Jerusalem at magiging tapon ang mga tagaroon.—Luc 21:24.
Credit Lines:
Classic Image/Alamy Stock Photo; Su concessione del Ministero per i beni e le attività culturali e per il turismo - Parco Archeologico del Colosseo; Todd Bolen/BiblePlaces.com; Su concessione del Ministero per i beni e le attività culturali e per il turismo - Parco Archeologico del Colosseo; Jozef Sedmak/Alamy Stock Photo; Su concessione del Ministero per i beni e le attività culturali e per il turismo - Parco Archeologico del Colosseo
Kaugnay na (mga) Teksto: