Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 3/22 p. 19-22
  • Bakit Labis Akong Pinangangalagaan ng mga Magulang Ko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Labis Akong Pinangangalagaan ng mga Magulang Ko?
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “May Hapis”
  • Lakas Laban sa Karanasan
  • Unawain ang Damdamin ng Iyong mga Magulang
  • Papaano Ko Magagawang Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan ng Aking mga Magulang?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Bakit Ayaw Akong Unawain ng Aking mga Magulang?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Ko Kaya Makikilala Nang Higit ang mga Magulang Ko?
    Gumising!—2009
  • Paano Kung Nag-aaway Sina Tatay at Nanay?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 3/22 p. 19-22

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Labis Akong Pinangangalagaan ng mga Magulang Ko?

“Ikaw” ang may sabi na may husto ka nang gulang para magdibersiyon sa labas hanggang hatinggabi kung mga dulo ng sanlinggo. “Sila” naman ang nagsasabi na dapat kang umuwi nang maaga.

“Ikaw” ang may gustong manood ng bagong palabas sa sine na pinag-uusap-usapan ng mga ibang kababata mo. “Sila” naman ang nagsasabi sa iyo na hindi ka puedeng manood.

“Ikaw” ang nagsasabi na may nakilala kang mga ilang mababait na kababata mo at ibig mong mamasyal na kasama nila. “Sila” naman ang nagsasabi na ibig nilang makilala muna ang iyong mga kaibigan.

NANG ikaw ay isang teenager, kung minsan ay nadarama mo noon na ang iyong mga magulang ay sobra naman kung manghimasok sa iyong buhay. Sa bawa’t sabihin mong “Gusto ko po ng ganoo’t-ganito” ay tila baga sinusundan iyon ng di-maiiwasang “Hindi, hindi puede.” Ganito ang sabi ng isang dalagita: “Nang ako’y maging isang teenager na, kinulong na ako ng aking mga magulang ng lahat ng uri ng pagbabawal, tulad baga ng huwag daw akong uuwi nang hatinggabi. Talagang ayaw ko nito.”

Walang bahagi ng iyong buhay ang waring hindi ‘pinanghihimasukan’ ng iyong mga magulang. “Inuusisa ako ni itay kung paano raw ako nagkakapera at kung saan ko ginagasta iyon,” ang riklamo ng 18-anyos na si Billy. “Kung ako ang kumita niyaon, sa palagay ko’y ako ang dapat magpasiya kung paano ko gagastahin iyon.” Ganiyan din ang riklamo ng kinse-anyos na si Debbie: “Lagi nang gustong maalaman ni itay kung saan ako naroroon, kung anong oras uuwi ako sa bahay. Ganiyan ang gawa ng karamihan ng mga magulang. Kailangan ba namang alam nila ang lahat ng bagay? Dapat na bigyan nila ako ng higit pang kalayaan.”

Gayunman, karamihan ng kabataan ay medyo pinagbibigyan kung tungkol sa libreng panahon, at marahil ay isa ka na rito. Subali’t, baka may panahon na parang nakakalimutan ng iyong mga magulang na ikaw ay malaki na at ang trato nila sa iyo ay isang maliit na bata imbis na isang teenager. Saan ba nanggagaling ang udyok na ito na pangalagaan ka?

“May Hapis”

Walang alinlangan na noong una pa’y napag-iisip mo na na ang gayong paghahangad na pangalagaan ka ay kalakip ng pagiging isang magulang. Nang si Inay at si Itay ay hindi abala ng pag-aasikaso ng tirahan, ng pananamit o ng pagkain mo, sila naman ay nakikipagpunyagi sa kung paano ka tuturuan, sasanayin at, oo, pangangalagaan ka. At kung ang mga magulang mo ay mga Kristiyano, kanilang dinidibdib ang utos ng Bibliya na ‘palakhin ka sa disiplina at pangkaisipang payo ni Jehova.’ (Efeso 6:4) Kaya’t talaga namang interesado sila sa iyo. Sila’y may pananagutan sa harap ng Diyos kung tungkol sa paraan ng kanilang pagpapalaki sa iyo. At pagka mayroong waring nagsasapanganib ng iyong kapakanan, sila ay nababalisa.

Nariyan halimbawa ang mga magulang ni Jesu-Kristo. Minsan, pagkatapos ng pagdalaw sa Jerusalem, hindi nila namamalayan na hindi pala nila kasama siya nang sila’y pauwi na. Nang kanilang mahalata iyon, gumawa sila ng puspusan​—kung hindi man balisang-balisa​—na paghahanap sa kaniya nang tatlong araw! At nang sa wakas ay kanilang “masumpungan siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila,” ang ina ni Jesus ay bumulalas, “Anak, bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Ang iyong ama at ako ay may hapis ng kahahanap sa iyo.” (Lucas 2:41-48) Ngayon kung ang mga magulang ni Jesus ay nagdanas ng pagkabahala, isip-isipin kung gaanong kadalas nababahala tungkol sa iyo ang iyong mga magulang!

Lakas Laban sa Karanasan

Ang isa pang dahilan kung bakit masikap na mangalaga sa iyo ang iyong mga magulang ay sapagka’t yaong pagkaunawa nila sa mga bagay-bagay ay naiiba ng sa iyo, sa iyong mga kaibigan at sa sanlibutan na ating kinabubuhayan. Gaya ng sinabi minsan ni Salomon, ang kabataan ay puno ng “lakas” at sigla. (Kawikaan 20:29) Ang tingin nila sa sanlibutan ay punung-puno ito ng mga pagkakataon na maaaring samantalahin at matupad ang kanilang pangarap. Subali’t sa paggawa ng gayon ay hindi nila laging ginagamit ang pinakamatalinong pagpapasiya sapagka’t sila ay “walang karanasan” at kulang ng “katalinuhan.” (Kawikaan 1:4) Ang maygulang na mga tao, bagaman marahil kulang ng “lakas,” ay kadalasan may karanasan naman at ibinabatay nila rito ang pagmamasid at pakikitungo sa sanlibutan. Alam na alam nila ang mga silo at panganib sa buhay at ibig nilang matulungan ka na “lumayo sa kapahamakan.”​—Eclesiastes 11:10.

Kunin na pinaka-halimbawa ang nagkakasalungatang paniwala ninyo tungkol sa kung anong oras ka dapat umuwi sa tahanan. Marahil ay wala kang makitang dahilan kung bakit dapat kang higpitan sa bagay na ito. Subali’t minalas mo ba ang bagay na iyan buhat sa pangmalas ng iyong mga magulang? Ganiyan ang ginawa ng mga autor ng librong The Kids’ Book About Parents, anupa’t ang edad ng mga autor na ito ay edad ng mga mag-aarál. Kanilang inamin ang ganito: “Alam namin na ang mga magulang ay nababalisa at nagagalit pagka ang kanilang mga anak ay nasa labas pa pagkalampas ng curfew.”

Oo, ang mga kabataang ito ay gumawa ng isang listahan ng kanilang tinatawag na “mga guniguni na sumisilid sa isip ng mga magulang kung ano baga ang ginagawa ng kanilang mga anak pagka ang mga ito ay wala pa sa tahanan sa oras na dapat na naroroon na sila.” Kasali sa listahang ito ang mga bagay na gaya ng ‘pagdodroga, pagkaaksidente sa kalye, pag-iistambay sa mga dakong pasyalan, pagkaaresto, pagpasok sa mga sineng mahahalay, pagbibile ng dope, pagkagahasa o pagkabugbog, kung hindi man ay nadakip sila at kinulong, at kanilang inilalagay sa kahihiyan ang kanilang pamilya.’

Sa biglang tingin, parang katawa-tawa nga na ang mga ibang magulang ay mag-iisip ng ganiyan. ‘Hindi ako gagawa ng anuman diyan,’ marahil ay sasabihin mong may pagmamalaki. Subali’t hindi ba totoo na maraming kabataan​—marahil ang ilan sa iyong mga kamag-aral​—ang gumagawa ng mismong mga bagay na iyan? Kung gayon ay dapat mo bang ipagdamdam kung sabihin man sa iyo na ang pag-uwi nang gabing-gabi at ang pakikibarkada sa masasamang kasama ay maaaring makasama sa iyo? Aba kahit na ang mga magulang ni Jesus ay laging sumusubaybay sa kaniya!

Unawain ang Damdamin ng Iyong mga Magulang

Totoo, hindi lahat ng pagbabawal sa iyo ng iyong mga magulang ay waring totoong makatuwiran. May mga kabataang nagsasabi pa na hindi raw isang katinuan ng isip ang pangangamba ng kanilang mga magulang na sila’y madisgrasya! Subali’t may mga dahilan ito. Ang Bibliya’y may sinasabi tungkol sa isang binatang nagngangalang Benjamin at kung paanong siya at ang kaniyang mga kapatid ay kinailangan na maglakbay upang pumaroon sa Ehipto. Ang naging pasiya ng kaniyang ama? Ang sabi ng Bibliya: “Nguni’t hindi pinasama ni Jacob si Benjamin, na kapatid ni Jose, para makasama ng kaniyang iba pang mga kapatid, sapagka’t ang sabi niya: ‘Sapagka’t baka may mangyari sa kaniya na ano mang kapahamakan.’ ”​—Genesis 42:4.

Si Benjamin ay isang lalaking may gulang na, marahil mahigit na 30 anyos na. Maaari siguro siyang mayamot sa gayong trato sa kaniya. Bakit mapapatangi siya sa kaniyang sampung nakatatandang kapatid kung sa pagdaranas ng ano mang “kapahamakan”? Gayunman, maliwanag na naintindihan niya ang damdamin ng kaniyang ama. Si Benjamin ang pangalawang anak ni Jacob sa kaniyang minamahal na asawang si Rachel. Si Rachel ay namatay dahil sa panganganak sa kaniya. (Genesis 35:17, 18) Kung gayo’y maguguniguni mo na ang matimyas na pagmamahal ni Jacob sa kaniyang anak na ito! Isa pa, nasa isip pa rin ni Jacob ang maling guniguni na ang isa pa niyang anak kay Rachel, si Jose, ay dumanas ng isang “kapahamakan.” Bagaman marahil hindi lubusang makatuwiran, humigit-kumulang ay mauunawaan kung bakit ganoon ang pasiya ni Jacob.

Kung minsan ang iyong mga magulang ay baka waring lumalabis naman sa kanilang pagsisikap na mapangalagaan ka. Nguni’t tandaan, sila’y namuhunan sa iyo ng napakalaking panahon, lakas at emosyon. Ang pag-iisip nila na ikaw ay lálaki na​—at marahil aalis na sa kanilang piling balang araw​—ay baka gumagambala at nakasisindak sa iyong mga magulang.a Ganito ang isinulat ng isang magulang: “Ang aking bugtong na anak, isang lalaki, ay disenuebe anyos na ngayon, at halos hindi ko mabata ang isip-isipin na siya’y aalis sa piling ko balang araw.”

Oo, ang paglaki mo ay baka waring isang malupit na tagapagpaalaala sa iyong mga magulang na sila’y tumatanda na, at na ang kanilang tungkulin bilang mga magulang ay waring patapos na (bagaman ang totoo’y hindi!). Isang magulang ang nagsabi: “Sa primero’y inaakala mong tapos na ang iyong buhay at ngayo’y handa ka nang maging basura na lamang.”

Kaya naman, ang hilig ng mga ibang magulang ay labis na protektahan o pangalagaan ang kanilang mga anak. Subali’t, isang malaking pagkakamali na magmalabis dito. Isang dalaga ang nakakaalaala pa ng kaniyang karanasan at ang sabi: “Nang wala pa akong 18 anyos, kami ni inay ay totoong malapit sa isa’t-isa. . . . [Subali’t] habang ako’y nagkakaedad ay nagkaroon kami ng mga problema. Ibig kong magkaroon ako ng mga ilang kalayaan, na sa palagay niya’y maaaring sumira ng aming relasyon. Kaya’t sinikap niyang lalong higpitan ang kaniyang pigil sa akin, at ako naman ay lalong nagsikap na magpumiglas. Natatalos ko ngayon na ako’y masisisi rin.” Mas mabuting “makiisang-damdamin” sa kanila at unawain ang iyong mga magulang. (1 Pedro 3:8) Sang-ayon sa isang dalagita ang paggawa niya ng gayon ay ‘tumulong sa kaniya na maging lalong makonsiderasyon sa kaniyang mga magulang.’

Ikaw man ay makikinabang din kung magiging higit na makonsiderasyon ka sa iyong mga magulang, at magsisikap na pasulungin ang pakikipag-unawaan sa kanila. Tandaan, hindi lahat ng kabataan ay may mga magulang na sapat na nangangalaga sa kanila upang asikasuhin ang kanilang kapakanan. At kung ang mga magulang mo’y kabilang sa ganitong uri, matuwa ka. Ang ibig sabihin nito’y ikaw ay minamahal.

[Talababa]

a Tingnan ang serye ng mga artikulo sa paksang “Paglaki Nila at Umalis Na ng Bahay​—Kung Bakit Napakahirap para sa mga Magulang na Payagan Silang ‘Bumukod’” sa Hulyo 8, 1983, Gumising!

[Larawan sa pahina 20]

Inaakala ng maraming teenager na sila’y kinukulong ng bakod ng kanilang mga magulang

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share