Pagtugon sa Panawagan—Para sa Higit Pang mga Misyonero
“KAMI ay naghihintay sa kartero araw-araw,” ang sabi ni Andrew Reed, “laging umaasa at umaasa.” Para kay Andrew at sa kaniyang maybahay, si Miriam, ang hinihintay-hintay na liham ay dumating—isang paanyaya na makabilang sa mga mag-aarál ng ika-77 klase ng Paaralang Gilead, ang sanayang paaralan ng mga misyonero ng Watchtower Society sa Brooklyn, New York. Sila’y handa nang pumunta roon.
Sina Paul at Pamela Worcester ay handa na rin na magpunta roon. “Kami’y nasa akto na ng paglipat kung saan lalong malaki ang pangangailangan,” ang sabi ni Paul, at ipinaliwanag niya na sila’y lilipat na sana sa isang maliit na kongregasyon sa Kansas. Ang sabi pa ni Pamela, “Kami’y naghahanda na noon, aming ipinagbibili at inaalis ang mga bagay na hindi na namin kailangan. Kaya’t nang tanggapin namin ang imbitasyon sa Gilead, tinapos na lamang namin iyon, at sa halip na magtungo sa Kansas ay dini kami naparoon.”
Ano ba mayroon ang lahat ng mga lalaki at babaing kabataang ito na nag-aral kamakailan sa Paaralang Gilead? Sila, tulad ng kanilang mga kaklase—37 mga estudyante lahat-lahat—ay handa, oo, sabik na pumaroon sa Brooklyn para sa pagsasanay misyonero. Lahat sila, walang natatangi, ay handang gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay para sila makatugon sa panawagan.
Ganiyan ang tiyak na nadama nina Mark at Patricia Noumair nang anyayahan sila sa Gilead. “Subali’t,” ang sabi ni Patricia, “hindi naman naging mahirap iyon sapagka’t nagsasanay na kami antimano para roon. Simple lamang ang aming pamumuhay. Kami’y nagtatrabaho bilang janitor at tama lamang ang trabaho para magampanan naming dalawa. Pagka mayroon pang mga nag-alok at hindi namin kayang gampanan, tinatanggihan namin iyon.” Hindi natapos ang dalawang linggo at kanilang ipinagbili ang kanilang mobile home (tahanang palipat-lipat) pati kanilang negosyo. Ani Mark: “Kami noon ay handa nang lumakad.”
Ganiyan ang damdaming taglay ng mga 6,100 ministro na nag-aral sa Paaralang Gilead magmula na noong 1943, nang magsimula ang paaralang ito. Subali’t bakit ang hahangarin nila’y ang pagmimisyonero gayong maaari naman silang magkaroon ng lalong maginhawang karera, o maaari naman silang mangaral nang buong panahon kahit doon sa kanilang sariling bansa?
“Magandang tanong iyan,” ang sabi ni Karen Enns, isa sa anim na dalaga sa ika-77 klase, na nagpaalam sa kaniyang matatalik na kaibigan sa Alma, Quebec, Canada. “Mahal ko ang mga tao sa Alma, at gusto ko ang teritoryo. Lahat doon ay talagang mainam. Subali’t naisip ko, ‘Mas malaki ang magagawa mo.’ Hindi ako nasisiyahan noon.”
Sina Terry at Karen Medley ay nasisiyahan na rin sa kanilang ministeryo bago naanyayahan sa Paaralang Gilead. Subali’t isang bagong hamon ang hinangad nilang harapin. Ang sabi ni Terry, “Ayaw ko naman ng labis-labis na kaginhawahan.” Ganiyan din ang nadama nina Michael at Tracy Berkeley. “Hindi maamin ng aming konsiyensiya na basta maupo na lamang,” ang sabi ni Michael. Tulad ng maraming tapat na mga Kristiyano noong unang siglo, ibig nilang ihandog ang kanilang sarili para sa higit pang paglilingkod sa Diyos.
Handa Silang Pumaroon Saanman
Lahat ng mga klaseng iyon ay naparoon sa Gilead na hindi alam kung saan sila ididistino pagkatapos. Bakit hindi napigilan ang mga estudyanteng ito ng posibilidad na sila’y idistino sa isang malayong bansa na baka may mga palsong kalagayan ng kalinisan? “Kailangang mapakinggan ng mga tao ang katotohanan,” ang tugon ng karamihan ng mag-aarál sa klaseng ito.
Sabihin pa, mayroon ding iba sa klaseng iyon, tulad nina Mark at Patricia Noumair, ang medyo nag-aatubili nang sila’y mag-aplay para magsanay sa Gilead. Subali’t napag-isip din nila, ani Mark, na “mayroong hirap at ginhawa sa bawa’t asainment.” Sina Mark at Denise Brandon man ay nagbubulay-bulay noon kung ano kayang mga kalagayan ang kanilang haharapin. “Subali’t,” ang sabi ni Mark, “nakausap namin ang mga ilang misyonero.” Sila’y takang-taka nang makita nila ang laki ng pagtitiwala kay Jehova ng mga misyonerong ito. Ang apat na mga estudyanteng ito ay galak na galak na maglingkod ngayon sa Aprika bilang mga misyonero.
Tiyak iyan, ang kabataang mga lalaki at babaing ito ay may pananampalataya na sila’y hindi pababayaan ni Jehova. Oo, sa gayong paghahandog ng kanilang paglilingkod, kanilang hinahanap, hindi ang sariling kapakanan, kundi lalo na yaong sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:33) Subali’t paano sila nagkaroon ng hangaring magmisyonero, unang-una?
“Sapol sa pagkabata,” ang sabi ng mga ibang estudyante. Nariyan, halimbawa, si Miriam Reed, na kasama ng kaniyang asawa na idinistino sa Peru. “Nang ilathala sa magasing Watchtower ang sunud-sunod na mga artikulo na nag-aanyaya sa mga tao na pumaroon sa Sentral Amerika,” aniya, “ang itay ko ay lumipat doon, at naparoon kami bilang isang pamilya.” Ang pamilya—na may anim na anak—ay doon nanirahan sa Nicaragua. Sabi pa ni Miriam: “Nang unang dumating kami roon, laging kasa-kasama ako sa paglilingkod ng mga sister na misyonera. Sa palagay ko, ang paglilingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan at ang paggawang kasama ng mga misyonera ang nag-udyok sa akin na maging misyonera.
Hindi lahat na nasa ika-77 klase ng Gilead ay lumaki sa poder ng mga magulang na nagpatibay-loob sa kanila na maging buong-panahong mga mangangaral, at lalo pa mga misyonero. Ang iba, tulad ni Mark Noumair at Mark Brandon, ay nagpahalaga sa ministeryong Kristiyano nang kahit walang maagang suporta ng kanilang pamilya. Sila kapuwa ay nagsabi na sa pamamagitan ng mga programa sa kombensiyon na taguyod ng Watchtower Society ay sumigla ang kanilang interes sa pagmimisyonero. Ang mga iba, tulad ni Tracy Berkeley at Larisa Krysuik, ay nahikayat ng masisigasig na kasama sa kongregasyon. Maliwanag, walang nag-iisang dahilan ang sigasig ng ika-77 klase ng mga misyonero. Talagang malaki ang pag-ibig nila sa ministeryo at handa silang pumaroon sa kadulu-duluhan ng lupa upang tulungan ang kanilang mga kapuwa tao.
Ang sabi ni Andrew Reed, “Marami, marami pa ang nagnanais na gawin ang aming ginagawa. Subali’t dahilan sa katandaan, sa pamilya o iba pang makatuwirang mga dahilan, hindi sila puedeng magmisyonero.” Subali’t puede iyan para sa mga estudyante ng ika-77 klase. Sila’y tumugon sa panawagan. At samantalang ang 37 mga estudyanteng ito ay gumaganap ng kanilang atas sa 13 mga bansa, tayo’y nagtitiwala na pagpapalain ni Jehova ang kanilang pagsisikap.
[Kahon sa pahina 17]
ULAT NG KLASE
Bilang ng estudyante ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․ 37
Bilang ng mga bansang may kinatawan․․․․․․․․․․․․․․․․ 7
Bilang ng mga bansang pinagdistinuhan․․․․․․․․․․․․․․ 13
Bilang ng mga binata ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․ 7
Bilang ng mga dalaga ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․ 6
Bilang ng mga mag-asawa ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․ 12
Katamtamang edad ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․ 30.9
Katamtamang bilang ng mga taon ng pagkabautismo ․ 13.9
Katamtamang bilang ng mga taon sa buong panahong
paglilingkod ․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․ 8.7
[Larawan sa pahina 16]
Watchtower Bible School of Gilead Ika-77 Klase—Setyembre 1984
Sa talaan sa ibaba, ang numero ng mga hanay ay mula sa harap patungo sa likod at ang mga pangalan ay nakatala mula sa kaliwa patungo sa kanan sa bawa’t hanay.
(1) Joe, L.; Noumair, P.; Simms, M.; McCaslin, R.; Berkeley, T.; Sahuque, B. (2) Enns, K.; Medley, K.; Brandon, D.; Reed, M.; Sauvageau, S.; Näslund, M.; Krysuik, D. (3) Porter, J.; Deering, D.; Magnusson, K.; McCaslin, R.; Thomas, A.; Noumair, M.; Pole, H.; Krysuik, L. (4) Worcester, P.; Worcester, P.; Medley, T.; Thompson, S.; Woodson, A.; Pole, N.; Brandon, M.; Turner, M. (5) van Bussel, H.; Sauvageau, C.; Berkeley, M.; Reed, A.; Thompson, K.; Deering, J.; Rogers, S.; Berry, E.