Matagumpay na mga Estudyante na Naging Matagumpay na mga Misyonero
“HINDI pa rin ako makapaniwalang nagkapribilehiyo kami ng ganito!” bulalas ni Will, nang tinutukoy ang pagsasanay na natapos niya at ng kaniyang asawang si Patsy bilang mga estudyante ng ika-103 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Sumang-ayon sina Zahid at Jeni. “Itinuturing naming isang karangalan ang mapunta rito,” sabi nila. Lahat ng estudyante ay nag-aral na mabuti sa paaralan. Ngayon ay sabik silang simulan ang kanilang karera bilang mga misyonero. Ngunit una muna, sa programa ng pagtatapos noong Setyembre 6, 1997, tumanggap sila ng maibiging payo na tutulong sa kanila na magtagumpay sa kanilang mga atas bilang misyonero.
Ang tsirman ng programa ay si Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Sinabi niya na—kasama ng pamilyang Bethel at mga kinatawan ng 48 sangay ng Samahang Watch Tower—ang mga kaibigan at kamag-anak mula sa Canada, Europa, Puerto Rico, at Estados Unidos ay naroroon upang tiyakin sa mga estudyante ang kanilang pagtangkilik at ang kanilang pag-ibig. Binanggit ni Brother Jaracz na ang mga misyonerong isinugo ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay malimit na lumilihis sa gawaing pagmimisyonero at nagsimulang magtaguyod ng akademikong mga tunguhin o nasangkot pa man din sa pulitika. Sa kabaligtaran, ginagawa ng mga nagtapos sa Gilead kung ano ang sinanay sila na gawin. Itinuturo nila ang Bibliya sa mga tao.
Pagkatapos, si Robert Butler mula sa tanggapan ng Samahan sa Brooklyn ay nagsalita tungkol sa temang “Gawing Matagumpay ang Inyong Daan.” Ipinaliwanag niya na bagaman sinusukat ng mga tao ang tagumpay batay sa pinansiyal o iba pang personal na pakinabang, ang talagang mahalaga ay kung paano sinusukat ng Diyos ang tagumpay. Naging matagumpay ang ministeryo ni Jesus, hindi dahil sa marami siyang nakumberte, kundi dahil sa tapat siya sa kaniyang atas. Niluwalhati ni Jesus si Jehova, at siya’y nanatiling walang-bahid dungis sa sanlibutan. (Juan 16:33; 17:4) Ito ang mga bagay na maaaring gawin ng bawat Kristiyano.
“Maging Alipin ng Lahat ng Tao,” ang payo ni Robert Pevy, dating misyonero sa Silangan. Naging isang matagumpay na misyonero si apostol Pablo. Ano ang kaniyang lihim? Ginawa niyang alipin ng lahat ng tao ang kaniyang sarili. (1 Corinto 9:19-23) Ipinaliwanag ng tagapagsalita: “Hindi mamalasin ng isang nagtapos sa Gilead na may ganiyang saloobin ang paglilingkurang pangmisyonero bilang isang uri ng pag-angat sa karera, anupat isang batong-tuntungan tungo sa mas mahahalagang posisyon sa organisasyon. Nagtutungo ang isang misyonero sa kaniyang atas taglay ang isa lamang motibo—ang maglingkod, sapagkat iyan ang ginagawa ng mga alipin.”
Sa pagbatay ng kaniyang payo pangunahin na sa 2 Corinto kabanata 3 at 4, pinayuhan ni Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala ang mga estudyante na “Ipaaninaw Tulad ng mga Salamin ang Kaluwalhatian ni Jehova.” Ipinaalaala niya sa kanila na ang kaalaman sa Diyos ay tulad ng isang liwanag na nagpapaningning sa isang Kristiyano kapag tinatanggap niya ito nang buong-puso. Ipinaaaninaw natin ang liwanag na iyan sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita at pag-iingat ng mainam na paggawi. “Kung minsan ay madarama ninyong hindi kayo karapat-dapat,” inamin niya. “Kapag bumangon ang gayong damdamin, umasa kay Jehova, ‘upang ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos.’ ” (2 Corinto 4:7) Bilang pag-ulit sa mga salita ni Pablo na nasa 2 Corinto 4:1, namanhik si Brother Lösch sa mga estudyante: “Huwag ninyong iwan ang inyong atas bilang misyonero. Panatilihing makintab ang inyong salamin!”
Si Karl Adams, isang miyembro ng pakultad ng Gilead, ay nagsalita sa kawili-wiling tema na “Nasaan si Jehova?” Ang tanong ay tumutukoy, hindi sa kinaroroonan ng Diyos sa sansinukob, kundi sa pangangailangang isaalang-alang ang pangmalas ni Jehova at ang mga indikasyon ng kaniyang patnubay. “Sa ilalim ng kaigtingan,” sabi niya, “maaaring makalimutan iyan maging ng isang tao na may mahabang rekord ng paglilingkuran kay Jehova.” (Job 35:10) Kumusta sa ating modernong panahon? Noong 1942, nangailangan ng patnubay ang bayan ng Diyos. Matatapos na kaya ang gawaing pangangaral, o marami pang dapat gawin? Ano kaya ang kalooban ni Jehova para sa kaniyang bayan? Habang pinag-aaralan nila ang Salita ng Diyos, naging maliwanag ang kasagutan. “Bago natapos ang taon,” pahayag ni Brother Adams, “naihanda na ang mga plano para sa Watchtower Bible School of Gilead.” Tiyak na pinagpala ni Jehova ang gawain ng mga misyonerong isinugo ng paaralang ito.
Si Mark Noumair ang pangalawang instruktor na nagsalita. Sa kaniyang pahayag, na pinamagatang “Paano Ninyo Gagamitin ang Inyong Talento?,” pinasigla niya ang mga estudyante na ikapit kaagad ang pagsasanay na tinanggap nila sa Gilead pagdating nila sa kanilang bagong mga atas. “Sikaping maging interesado sa iba,” sabi niya. “Makihalubilo kayo sa mga tao. Maging sabik na matutuhan ang mga kaugalian, ang kasaysayan, ang mga bagay na ikinatutuwa ng mga tao sa bansa. Kung matututuhan ninyo kaagad ang wika, mas magiging madali ito para sa inyo.”
Nakasusumpong ng Kagalakan sa Ministeryo ang Masisigasig na Estudyante
Bukod pa sa pagbubuhos ng kanilang sarili sa kanilang pag-aaral samantalang nasa Gilead, ang mga estudyante ay iniatas sa 11 lokal na kongregasyon. Sa mga dulo ng sanlinggo, masigasig silang nakibahagi sa gawaing pangangaral. Inanyayahan ni Wallace Liverance ng pakultad ng Gilead ang ilan sa kanila upang ibahagi sa mga tagapakinig ang ilan sa kanilang mga karanasan. Kitang-kita ang kanilang kagalakan habang inilalahad nila ang kanilang mga karanasan sa pangangaral sa mga shopping mall, sa mga paradahan, sa lugar ng negosyo, sa lansangan, at sa bahay-bahay. Ang ilan sa kanila ay humanap ng mga paraan upang maabot ang mga taong nagsasalita ng banyagang wika na nakatira at nagtatrabaho sa teritoryo ng kanilang kongregasyon. Di-kukulangin sa sampung pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan at naidaos ng mga miyembro ng ika-103 klase sa loob ng limang buwan ng kanilang pagsasanay.
Ibinahagi ng Matatagal Nang Misyonero ang Lihim ng Tagumpay
Kasunod ng kasiya-siyang bahaging ito ng programa, inanyayahan nina Patrick Lafranca at William Van de Wall ang pitong miyembro ng Komite ng Sangay upang balangkasin para sa kapakinabangan ng klase ang mga aral na kanilang natutuhan sa kanilang mga karera bilang misyonero. Pinaalalahanan nila ang mga nagtapos na malasin na galing kay Jehova ang kanilang atas pangmisyonero at maging determinado na manatili sa atas na ito. Nagpahayag sila tungkol sa mga positibong epekto ng sinanay-sa-Gilead na mga misyonero sa gawain sa ibang lupain.
Ano ang nakatulong sa mga miyembrong ito ng Komite ng Sangay na makapaglingkod bilang maliligaya at mabungang mga misyonero sa loob ng mga dekada? Nakipagtulungan sila sa lokal na mga kapatid at natuto mula sa kanila. Nagsikap silang pag-aralan ang wika pagkarating na pagkarating nila sa kanilang atas. Natutuhan nilang magbago at makibagay sa lokal na mga kaugalian. Ibinahagi ni Charles Eisenhower, na nagtapos sa unang klase ng Gilead at isang misyonero sa loob ng 54 taon, ang limang “lihim” na natutuhan ng matagumpay na mga misyonero: (1) Pag-aralan ang Bibliya nang regular, (2) pag-aralan ang wika, (3) maging aktibo sa ministeryo, (4) sikaping mapanatili ang kapayapaan sa tahanang pangmisyonero, at (5) manalangin kay Jehova nang regular. Humanga ang mga estudyante hindi lamang sa praktikal na payong kanilang natanggap kundi sa kitang-kitang kagalakan na taglay ng makaranasang mga misyonerong ito sa paglilingkuran kay Jehova. Gaya ng pagkasabi nina Armando at Lupe, “masaya sila habang nagkukuwento tungkol sa kanilang buhay.”
Pagkatapos ng mga panayam, may isa na lamang pahayag na natitira. Pinili ni Albert Schroeder, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, bilang kaniyang tema ang “Nagsisiwalat ng Mahahalagang Hiyas ng Katotohanan ang Tapat na Katiwala ng Salita ng Diyos.” Yamang ang Bibliya ang siyang pangunahing aklat-aralin ng Paaralang Gilead, interesado ang mga estudyante sa sasabihin niya. Sinabi ni Brother Schroeder na noong magsimula ang gawain para sa New World Translation of the Holy Scriptures 50 taon na ang nakaraan, hindi hinangad ng mga pinahirang miyembro ng New World Bible Translation Committee ang pagsang-ayon ng mga tao kundi umasa sila sa patnubay ng banal na espiritu. (Jeremias 17:5-8) Subalit kamakailan, kinilala ng ilang awtoridad ang mataas na pamantayang ipinakita ng New World Translation. Sa isang liham sa Samahan, ganito ang isinaad ng isang iskolar: “Kilala ko ang isang de-kalidad na publikasyon kapag nakita ko ito, at mahusay ang ginawa ng inyong ‘New World Bible Translation Committee.’ ”
Pagkatapos ng pahayag na ito, tinanggap ng mga estudyante ang kanilang diploma, at ang kanilang atas ay ipinatalastas sa mga tagapakinig. Iyon ay isang madamdaming sandali para sa mga miyembro ng klase. Habang binabasa ng isang kinatawan ng klase ang isang liham ng pasasalamat, marami ang naantig ang kalooban at lumuha. Ang ilan sa mga estudyante ay maraming taon nang naghahanda sa gawaing pagmimisyonero. Palibhasa’y natanto na ang kurso sa Gilead ay idaraos sa Ingles, ang ilan ay kinailangang lumipat sa mga kongregasyong nagsasalita ng Ingles upang mapasulong ang kanilang kakayahan sa wikang ito. Ang iba naman ay lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga payunir, alinman sa kanilang sariling bansa o sa ibang bansa. Ang iba pa ay naghanda sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga karanasan, pagsasaliksik, o paulit-ulit na panonood ng videocassette ng Samahan na To the Ends of the Earth.
Lubhang naantig sina Will at Patsy, na binanggit sa pasimula, sa personal na interes na ipinakita sa mga estudyante. “Niyakap at kinunan kami ng litrato ng mga taong hindi man lamang namin kilala. Kinamayan kami ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala at ang sabi, ‘Ipinagmamalaki namin kayo!’ ” Walang-alinlangan, lubhang minamahal ang mga estudyante ng ika-103 klase. Sila’y sinanay nang husto. Ang pag-aaral nila sa Gilead ay magpapangyaring maisagawa nila ang pagbabago mula sa pagiging matagumpay na mga estudyante tungo sa pagiging matagumpay na mga misyonero.
[Kahon sa pahina 22]
Estadistika ng Klase
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 9
Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan: 18
Bilang ng mga estudyante: 48
Bilang ng mga mag-asawa: 24
Katamtamang edad: 33
Katamtamang taon sa katotohanan: 16
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12
[Larawan sa pahina 23]
Ika-103 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Bunn, A.; Dahlstedt, M.; Campaña, Z.; Boyacioglu, R.; Ogando, G.; Nikonchuk, T.; Melvin, S. (2) May, M.; Mapula, M.; Lwin, J.; Hietamaa, D.; Hernandez, C.; Boyacioglu, N.; Sturm, A.; Melvin, K. (3) Thom, J.; Mapula, E.; Nault, M.; Teasdale, P.; Wright, P.; Pérez, L.; Shenefelt, M.; Pak, H. (4) Murphy, M.; Campaña, J.; Stewart, S.; Cereda, M.; Reed, M.; Pérez, A.; Teasdale, W.; Pak, J. (5) Stewart, D.; Wright, A.; Cereda, P.; Nikonchuk, F.; Reed, J.; Hietamaa, K.; Ogando, C.; Shenefelt, R. (6) Murphy, T.; Hernandez, J.; Nault, M.; Bunn, B.; Thom, R.; Dahlstedt, T.; Lwin, Z.; May, R.; Sturm, A.
[Larawan sa pahina 24]
Saan kaya tayo pupunta?