Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 12/1 p. 25-28
  • Mayamang Gantimpala sa Sagradong Paglilingkod

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mayamang Gantimpala sa Sagradong Paglilingkod
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Natutuhan Ko ang Katotohanan sa Bibliya
  • Espirituwal na mga Pagpapala
  • Mga Saligan Para sa Pagpapalawak
  • Malalaking Kombensiyon sa Panahon ng Digmaan
  • Ang Pambihirang Taunang Pagpupulong sa Leicester
  • Mga Kombensiyon—Katunayan ng Ating Pagkakapatiran
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • 1987 “Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong Kombensiyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
  • 1998-99 “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Pandistritong Kombensiyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 12/1 p. 25-28

Mayamang Gantimpala sa Sagradong Paglilingkod

Ayon sa Pagkalahad ni Harry Bloor

Mga sandaang taon na ang nakalipas, ang aking lolo ay isang matapat na miyembro ng Simbahang Metodista. Siya rin ay isang iginagalang na legong mangangaral, na bukas-palad na nag-aabuloy upang tustusan ang maraming kapilya sa Stoke-on-Trent, ang palayukang bayan ng Inglatera. Pagkatapos ay naghirap ang kaniyang buhay. Upang makatulong kay Lolo, isinaayos ng aking ama na si Lolo ay makapagbukas ng isang maliit na tindahan sa nayon. Ang tindahan ay may lisensiya na magbenta ng serbesa, at nang malaman ito ng mga Metodista, agad nilang itiniwalag si Lolo.

SI ITAY ay galit na galit at sumumpa na hindi na siya muling makikipag-ugnayan kailanman sa relihiyon​—at pinanindigan niya ang kaniyang sinabi. Siya ay dating pulis, ngunit nang maglaon ay naging may-ari ng isang taberna. Kaya ako ay pinalaki sa gitna ng amoy at usok ng lugar na iyon. Hindi nagkaroon ng bahagi ang relihiyon sa aking buhay, subalit naging mahusay ako sa paglalaro ng maraming board game! Subalit dahil sa maagang impluwensiya ni Lolo, napanatili ko ang malaking paggalang sa Bibliya, bagaman kaunti lamang ang alam ko tungkol dito.

Natutuhan Ko ang Katotohanan sa Bibliya

Noong 1923, nang ako ay 24 anyos, lumipat ako sa silangan sa Nottingham at nagsimulang manligaw kay Mary, na naninirahan sa nayon ng Whetstone na mga 40 kilometro ang layo, patimog-kanluran ng Leicester. Ang kaniyang ama, si Arthur Rest, ay dating organista sa isang kapilya sa lugar na iyon, subalit ngayon siya ay isa nang masigasig na Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Lagi akong kinakausap ni Arthur tungkol sa kaniyang bagong nasumpungang pananampalataya​—nang hindi gaanong matagumpay. Gayunpaman, ang aking interes ay napukaw nang samahan ko siya sa isang kapilyang Baptist sa lugar na iyon noong hapon ng Linggo, Hulyo 13, 1924, upang makinig sa isang lektiyur ng isang miyembro ng parlamento na isang kilalang Baptist. Ang kaniyang paksa, “Sinuri ang mga Turo ni Pastor Russell sa Liwanag ng Kasulatan,” ay nakaintriga sa akin. Nasa akin pa rin ang mga nota ko noon.

Ang mga Baptist ay tumanggi sa kahilingan ng mga Estudyante ng Bibliya na sagutin ang mga pag-atake sa kanilang paniniwala. Ikinagalit ko ito at ipinasiya na maghanap ng ibang lugar na pagdarausan ng gayong pulong. Isang kamalig sa di-kalayuan ang napatunayang angkop. Nilinis namin ito, inalisan ng mga sapot, itinulak ang makinang panggiik sa isang tabi, at pagkatapos ay handa na kaming lahat. Kumuha kami ng 70 upuan, at naglimbag kami ng mga pulyeto.

Nang dumating si Frank Freer buhat sa Leicester upang magpahayag, puno na ang mga upuan, at 70 katao pa ang nakatayo! Ang malinaw na pangangatuwiran ni Frank buhat sa Kasulatan ay nakaakit sa akin, gayundin sa iba pang dumalo. Mula noon, ang maliit na kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Blaby malapit sa Leicester ay mabilis na lumago. Ito rin ang panahon na nagkaroon ng malaking pagbabago sa aking buhay​—gayundin kay Mary. Noong 1925 ay kapuwa kami nag-alay kay Jehova, nagpabautismo, at nagpakasal.

Espirituwal na mga Pagpapala

Nang sumunod na taon, nahirang ako bilang direktor sa paglilingkod para sa Blaby Congregation. Gusto naming mag-asawa na sumunod sa yapak ng mga colporteur at maging buong-panahong ebanghelisador, ngunit di-nagtagal ay naging maliwanag na hindi puwede sa kalusugan ni Mary ang manatili sa gayong magawaing iskedyul. Bagaman mahina ang kaniyang kalusugan hanggang sa siya’y mamatay noong 1987, siya ay isang mabuting kasama at mahusay na ministro na sanay sa di-pormal na pagpapatotoo at pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Halos gabi-gabi ay dumadalo kami sa mga pulong o kaya ay namamahagi ng mga katotohanan sa Bibliya sa aming mga kapitbahay.

Ako ay isang inhinyero at nagtatrabaho sa isang kompanya na gumagawa ng makina sa paglalagari ng mga troso. Kasali sa trabaho ko ang malawakang paglalakbay sa palibot ng Britanya, gayundin sa Pransiya, at kadalasan ay kasama ko si Mary. Ang mga paglalakbay na ito ay nagbigay sa amin ng pagkakataon na magpatotoo nang malawakan.

Mga Saligan Para sa Pagpapalawak

Noong 1925 ay nagtayo kami ng isang magandang gusali para sa aming mga pulong sa Blaby, at mula roon ay nag-organisa kami ng isang epektibong programa sa pagpapatotoo. Tuwing umaga ng Linggo, nag-aarkila kami ng bus na nagdadala sa amin sa kalat-kalat na mga nayon at maliliit na bayan. Sa ilang lugar na nadaraanan ay ibinababa ang mga mamamahayag upang mangaral, at pagkatapos ay sinusundo sila ng bus sa pabalik na biyahe nito. Sa panahon ng maalinsangang mga buwan ng tag-araw, nagdaraos kami ng pag-aaral ng Bibliya sa bandang dapit-hapon ng Linggo, na ginagamit ang isang bagong isyu ng Ang Bantayan. Pagkatapos, pagsapit ng alas otso, nagtatagpo kami sa palengke ng Leicester para sa isang pahayag pangmadla sa labas. Isang gabi ay 200 katao ang nakinig. Ang gawaing ito ang naglatag ng saligan para sa maraming kongregasyon na umiiral ngayon sa loob at sa palibot ng Leicester.

Noong 1926 ay isang makasaysayang kombensiyon ang magkasabay na idinaos sa Alexandra Palace at sa Royal Albert Hall ng London. Sa okasyong iyon ay inilabas ni Joseph F. Rutherford, ang presidente noon ng Samahang Watch Tower, ang aklat na Deliverance. Ang resolusyon na “Isang Patotoo sa mga Tagapamahala ng Sanlibutan” at ang mapuwersang pahayag pangmadla ni Brother Rutherford na “Kung Bakit Sumusuray-suray ang mga Kapangyarihang Pandaigdig​—Ang Lunas” ay inilimbag nang buo sa isang nangungunang pahayagan kinabukasan pagkatapos na iharap ang mga ito. Mahigit sa 10,000 ang nakarinig sa pangmadlang lektiyur, at 50,000,000 kopya ng resolusyon ang ipinamudmod sa buong daigdig pagkatapos nito. Ang kombensiyong iyon ay nagpabilis sa gawaing pangangaral sa Britanya.

Malalaking Kombensiyon sa Panahon ng Digmaan

Sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig noong Setyembre 1939, at pagsapit ng 1941 ay nasa kainitan na ang digmaan. Araw at gabi ay lumulusob ang mga eroplanong pambomba ng mga Aleman, at ipinatupad ang pagpatay ng ilaw sa gabi sa buong bansa. Kaunti ang pagkain, at ang suplay ay mahigpit na inirarasyon. Napakadalang ng transportasyon, maging sa pamamagitan ng tren. Sa kabila ng waring napakalaking hadlang na ito, nagdaos kami ng limang-araw na pambansang kombensiyon noong Setyembre 3-7, 1941.

Napili ang De Montfort Hall ng Leicester bilang dako ng kombensiyon dahil ang Leicester ay nasa sentro ng Inglatera. Yamang ako ay nasa kalakalan ng troso, nakatulong ako sa konstruksiyon ng mga karatula sa pag-aanunsiyo. Isinaayos ko rin ang lokal na transportasyon para sa mga kombensiyonista. Sa pamamagitan ng patiunang pagbabayad ng tiket at pagbabayad nang higit sa regular na halaga, napangyari naming gumana ang mga trambiya ng Leicester kahit na Linggo.

Dahil sa may mga pagbabawal sa paglalakbay, inaasahan namin na mga 3,000 Saksi ang makakarating. Gunigunihin ang tuwa nang mahigit sa 10,000 delegado ang nagsabi na sila’y darating! Subalit saan sila manunuluyan? Ang mga mamamayan ng Leicester ay may-kabaitang nag-anyaya sa marami na manuluyan sa kanilang tahanan. Karagdagan pa, mga sanlibo ang nanuluyan sa mga tolda na itinayo sa isang parang na tatlong kilometro ang layo mula sa dako ng kombensiyon. Ang Camp Gideon, gaya ng tawag namin dito, ay pumukaw ng di-birong pansin sa komunidad.

Malalaking puting tolda ang inarkila upang gamitin para sa mga departamento ng kombensiyon at upang bigyang-lugar ang malaking pulutong na lumabis sa tagapakinig. Nang mapagtanto na sa maliwanag na sinag ng buwan, ang mga tolda ay magsisilbing puntirya ng mga eroplanong pambomba ng mga Nazi, dali-daling iniba ang anyo ng mga ito upang makapanlinlang. Ang digmaan, at lalo na ang hindi pakikibahagi rito ng mga Saksi, ay isang bagay na ikinababahala ng publiko. Nang panahong iyon ay daan-daang libong Saksi ang nakabilanggo dahil sa kanilang salig-Bibliyang paninindigan sa neutralidad.​—Isaias 2:4; Juan 17:16.

Ang Sunday Pictorial, ng Setyembre 7, 1941, ay nag-ulat: “Nakapagtataka na masumpungan ang 10,000 tao, karamihan ay kabataan, na gumugugol ng isang linggo sa pag-uusap tungkol sa relihiyon nang hindi binabanggit ang digmaan, liban na lamang bilang pangalawahing isyu.

“Nagtanong ako kung ang mga Saksi ay may mga miyembro sa Alemanya. Oo, ang sagot sa akin, at halos lahat sila, mga 6,000, ay nasa mga kampong piitan.”

Idinagdag pa ng reporter: “Ah, oo, kaaway nga ang mga Nazi, pero walang gaanong ginagawa ang mga Saksi laban sa kanila, kundi ang magbenta ng mga tract at makinig sa mga talumpati.”

Negatibo ang karamihang komento ng mga pahayagan tungkol sa amin, at bumaling pa nga sa karahasan ang mga mananalansang dahil sa bigong pagtatangkang guluhin ang aming kombensiyon. Gayunman, inamin naman ng Daily Mail ng London, na para bang napipilitan: “Ang organisasyon ay maayos, tahimik, at mahusay.”

Kami ang inakusahang may pananagutan sa kakapusan ng suplay ng sigarilyo sa lunsod. Subalit ipinaliwanag ng The Daily Mail: “Kahit ang Leicester ni ang Tobacco Controller ay hindi makapagrereklamo na inuubos ng mga Saksi ang mga sigarilyo sa Leicester. Hindi sila naninigarilyo.” Gayundin, ang reklamo na napagkakaitan ng pagkain ang mga mamamayan doon dahil sa mga Saksi ay napabulaanan nang ipaliwanag na dala ng mga Saksi ang halos lahat ng kanilang sariling rasyon. Sa katunayan, sa katapusan ng kombensiyon, 150 tig-apat-na-librang tinapay ang iniabuloy sa Leicester Royal Infirmary​—isang malaking kontribusyon noong panahong iyon ng kakapusan sa pagkain.

Ang kombensiyon ay nagbigay ng maraming espirituwal na pampatibay para sa mga 11,000 Saksi sa Britanya. Tuwang-tuwa sila na mga 12,000 ang dumalo! Ang mga delegado ay nakibahagi sa isang wala-pang-katulad na dami ng pagpapatotoo sa lansangan sa Leicester, at dinalaw nila ang malalayong nayon anupat ginamit ang mga presentasyon sa ponograpo.

Ang mga pangunahing pahayag sa kombensiyon ay mga rekording ng mga pahayag noong nakaraang buwan na ibinigay sa limang-araw na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa St. Louis, Missouri, E.U.A. Ang rekording ng pahayag ni Brother Rutherford na “Mga Anak ng Hari” ang siyang tampok na bahagi ng kombensiyon. Yamang hindi posible na mag-angkat ng mga kopya ng aklat na Children na inilabas sa St. Louis, isang pantanging edisyon na may malambot na pabalat ang ginawa nang maglaon sa Britanya. Binigyan ng isang kopya ang lahat ng mga bata na dumalo sa kombensiyon.

Ang Pambihirang Taunang Pagpupulong sa Leicester

Kamangha-mangha ang pagsulong ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa Britanya pagkatapos ng digmaan! Sa maagang mga taon ng dekada ng 1980, ang bilang ng mga kongregasyon sa Leicester ay naging sampu. Pagkatapos ay ipinabatid sa amin na ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagpasiya na idaos sa Leicester ang taunang pagpupulong ng Watch Tower Bible and Tract Society noong 1983. Bilang tagapangasiwa ng lunsod ng Leicester, di-nagtagal ay nasangkot ako sa paghahanda, kasali na ang muling pag-aarkila sa De Montfort Hall.

Labintatlong miyembro ng Lupong Tagapamahala buhat sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn ang dumating sa okasyon. Isang kabuuang 3,671 delegado​—sa pagkakataong ito ay mula sa palibot ng daigdig, at halos matatagal nang Saksi​—ang pumuno sa awditoryum. May karagdagang 1,500 ang nakinig sa programa sa kalapit na Assembly Hall.

Si Albert D. Schroeder, na siyang nangasiwa sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa London nang magdaos ng kombensiyon sa Leicester noong panahon ng digmaan, ang nanguna sa taunang pagpupulong na ito. Sa pagbabalik-tanaw sa kombensiyon noong 1941, nagtanong si Brother Schroeder: “Ilan sa inyo na kasama natin ngayon ang naroroon nang panahong iyon?” Mahigit sa kalahati ng tagapakinig ang nagtaas ng kanilang kamay. “Aba! Isang muling pagkikita para sa inyong lahat na mga tapat at totoo!” ang bulalas niya. Talaga namang hindi malilimutan ang karanasang iyon.

Sa edad na 98, naglilingkod pa rin ako bilang kalihim sa aming kongregasyon at patuloy na nagbibigay ng mga pahayag pangmadla, bagaman ginagawa ko ngayon ito nang nakaupo. Pagkamatay ni Mary noong 1987, pinakasalan ko si Bettina, isang biyuda na matagal na naming kilala ni Mary. Nagpapasalamat ako na ako ay lubos na inaalagaan, kapuwa sa pisikal at sa espirituwal na paraan. Sa kabila ng mga limitasyon na dulot ng mahinang kalusugan ni Mary at ngayon ay bunga mismo ng aking katandaan, nasumpungan ko na ang pagkakaroon ng maraming ginagawa sa sagradong paglilingkod ay laging mayamang pinagpapala.​—1 Corinto 15:58.

[Larawan sa pahina 26]

Handang makibahagi sa ministeryo noong dekada ng 1920

[Larawan sa pahina 26]

Mga tagpo mula sa kombensiyon sa Leicester

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share