1998-99 “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Pandistritong Kombensiyon
1 Ang Kawikaan 10:29 ay nagpapaalaala sa atin na “ang daan ni Jehova ay isang matibay na moog.” Kay angkop ng tema na taglay ng kombensiyon sa taóng ito—“Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay”! Paano nga ba ipaliliwanag ang temang ito sa loob ng tatlong araw na programa? Tayong lahat ay nag-aasam nang may masidhing pananabik sa mga inihanda para sa atin.
2 Ang mga misyonero, internasyonal na mga lingkod, o iba pang mga naglilingkod sa ibang bansa ay maaaring nasa ilan sa mga kombensiyon sa taóng ito. Maaaring kapanayamin ang mga ito sa programa. Ang programa ng kombensiyon ay magtatampok din ng mga ulat kung paano pinagpapala ni Jehova ang gawain sa iba’t ibang teritoryo.
3 Sulit ang Pagsisikap na Dumalo: Marami sa ating mga kapatid sa Aprika ang nakaranas ng mga kahirapan dahilan sa digmaan at kaligaligang nagaganap sa ilang bahagi ng kontinenteng iyon. Minamalas nila ang mga kombensiyon ng bayan ni Jehova na napakahalaga sa kanilang buhay. Ang ilan ay kailangang maglakad nang malayo upang makadalo sa isang kombensiyon, subalit hindi man nila iniisip na libanan ang isa rito. Isang 73-taóng-gulang na kapatid na lalaki sa Demokratikong Republika ng Congo (dating Zaire) ang naglakad ng humigit-kumulang sa 450 kilometro upang makadalo sa isang kombensiyon. Siya’y dumating doon makalipas ang 16 na araw na paglalakad, namamaga ang mga paa, subalit maligaya sa pagkanaroroon. Pagkatapos ng kombensiyon, puspos ng kagalakan at napalakas sa espirituwal, siya’y umuwi nang naglalakad. Ito ang kaniyang naging rutin sa loob ng maraming taon!
4 Sa Mozambique, ang isang tagapangasiwa ng distrito at ang kaniyang asawa ay umakyat sa isang mataas na bundok at tumawid sa isang malawak na tulad-disyertong lugar nang naglalakad upang dumalo sa isang pansirkitong asamblea. Nilakad nila ang 90 kilometro sa loob ng 45 oras. Ang lahat ng dumalo ay pawang napatibay nang lubusan sa mainam na halimbawa ng mag-asawang ito. Marami sa pamilyang naroroon ang gumawa ng gayunding pagsisikap upang makadalo. Iniulat ng tagapangasiwa ng distrito na ang ilang kapatid, lakip na ang isang 60 taóng gulang, ay naglakad ng 200 kilometro!
5 Kayo ba’y nakagawa na ng tiyak na mga plano upang makadalo sa kombensiyon sa taóng ito? Marahil ay hindi naman kayo maglalakad nang malayo, subalit kakailanganing gumawa ng pagsisikap at pagsasakripisyo upang kayo at ang inyong pamilya ay makadalo. Isaayos na madaluhan ang buong programa mula sa umpisa hanggang sa katapusan. Maraming estudyante sa Bibliya ang sumusulong tungo sa pag-aalay. Ang kanilang pagdalo sa kombensiyon ay tutulong sa kanila na gumawa ng tamang pagpapasiya. Inanyayahan na ba ninyo ang inyong mga estudyante sa Bibliya at ang iba pang mga interesado na dumalong kasama ninyo?
6 Tatlong-Araw na Programa: Sa taóng ito, ang programa ay ihaharap sa 51 kombensiyon sa Pilipinas. Ang mga petsa at lugar ng mga ito ay nakalista sa bandang dulo ng insert na ito. Sa panahong ito’y batid na ninyo kung saang kombensiyon inatasan ang inyong kongregasyon.
7 Pantanging Patalastas: Lubhang mahalaga na sa mga kombensiyon sa Metro Manila sa taóng ito, lahat ng nasa dakong ito ay kailangang dumalo lamang sa kombensiyon na doo’y inatasan ang kanilang kongregasyon. Magdaraos tayo ng anim na sunud-sunod na kombensiyon sa Assembly Hall sa Quezon City. Limitado lamang ang upuan sa bulwagan anupat ang mga inatasan lamang sa isang partikular na dulong sanlinggo ang dapat na dumalo sa panahong iyon upang maiwasan ang pagsisiksikan. Ang mga sirkito na inatasan sa bawat kombensiyon ay inilathala sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Setyembre. Ang inyong paggalang at pakikipagtulungan sa mga kaayusang ito ay titiyak na ang lahat ng bagay ay maisasagawa nang disente at ayon sa kaayusan.—1 Cor. 14:33, 40.
8 Sa Biyernes at Sabado, ang programa ay magsisimula sa 8:30 n.u. Sa Linggo, ito ay magsisimula sa 9:00 n.u. Sa Biyernes at Sabado, ang programa ay magtatapos sa 5:00 n.h., at sa Linggo, sa 4:00 n.h.
9 Samantalang tayo’y naglalakbay nang paroo’t parito sa kombensiyon, dapat tayong humanap ng mga pagkakataon upang makapagpatotoo nang di-pormal. Ang mga nagsisilbi sa mga gasolinahan, mga nagtitinda, at mga weyter ay maaaring interesado sa mensahe ng Kaharian. Paghandaan ito sa pamamagitan ng pagdadala ninyo ng mga tract, bagong mga magasin, mga brosyur, o iba pang literatura, upang masamantala ninyo ang mga pagkakataon na magpatotoo sa mga tao na sa ibang paraan ay hindi napapaabutan ng mabuting balita.—2 Tim. 3:17.
10 “Bigyang Pansin Ninyo Kung Paano Kayo Nakikinig”: Katalinuhan para sa mga delegado ng kombensiyon na sundin ang payong masusumpungan sa Lucas 8:18. Ang lahat ay pinasisiglang magdala ng Bibliya, ng aklat-awitan at ng kuwaderno. Pakinggang mabuti ang mga susing punto sa bawat presentasyon, at gumawa ng maiikling nota. Tanungin ang inyong sarili kung paano ninyo ikakapit sa sarili ang materyal. Bawat gabi ng kombensiyon, bago kayo matulog, bakit hindi repasuhin ang inyong mga nota at maingat na suriin kung gaano kahusay ang pagsunod ninyo sa daan ni Jehova ukol sa buhay.—Kaw. 4:10-13.
11 Napansin na samantalang may mga sesyon, ang ilan ay umaalis sa awditoryum at umuupo sa kanilang mga sasakyan, anupat nalalaktawan ang presentasyon ng programa. Napansin na ang iba naman ay palakad-lakad lamang sa mga pasilyo sa halip na maupo sa awditoryum at makinig. Nakita na ang mga grupo ng kabataan ay umaalis sa lugar ng kombensiyon sa bandang pahapon. Malaking panahon at pagsisikap ang ginugol ng “tapat at maingat na alipin” sa paglalaan ng mainam na tagubilin, na kailangan nating lahat. (Mat. 24:45) Makabubuting sundin natin ang payo ni Pablo: “Kailangan nating magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod palayo.” (Heb. 2:1) Ang ilan sa mga lingkod ni Jehova noong una ay nakagawa ng malulubhang pagkakamali sa kanilang buhay dahilan sa hindi nila pinakinggang mabuti ang mga paalaala ni Jehova. Tiyak na nanaisin nating makaiwas sa paggawa ng gayunding pagkakamali.—2 Hari 17:13-15.
12 Kagayakan na Nagpaparangal kay Jehova: Sa mapanganib na mga panahong ito, kailangan nating magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin upang hindi tayo maimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutang ito. (1 Cor. 2:12) Ang ating pananamit at pag-aayos ay dapat na maging mahinhin at dapat na magpaaninag sa dignidad ng Diyos na ating sinasamba. (1 Tim. 2:9, 10) Hindi kailangan ang mamahaling damit upang mapabilang sa mga taong ‘nagagayakan ng turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos.’ (Tito 2:10) Pansinin ang mahusay na pag-aayos ng pamilyang nakalarawan sa harapan ng Setyembre 15, 1997, labas ng Ang Bantayan. Walang alinlangan kung sino ang kanilang kinakatawanan! Huwag kailanman maliitin ang mabisang patotoo na maibibigay natin sa pamamagitan ng paraan ng pananamit na nagpaparangal kay Jehova.
13 Isang 16 na taóng gulang na babaing Saksi ang nagsabi na isang gabi noong siya at ang kaniyang kapatid na lalaki ay nagtungo sa isang restawran pagkatapos ng mga sesyon, napansin nilang ang ilang kapatid na naroroon ay nagpalit ng hindi angkop na kasuutan. Gayunpaman, marami sa mga suki ng restawran ang nalugod nang makita ang mga Saksing may masinop at angkop na pananamit at suot ang kanilang badge card. Ito’y nagbukas ng daan para makapagpatotoo sa ilan sa mga suki.
14 Paggawi na Pumupuri kay Jehova: Nalalaman natin na ang ating Kristiyanong paggawi ay nakaaapekto sa iba kung paano nila minamalas ang tunay na pagsamba. Kung gayon, nais nating gumawi sa lahat ng panahon sa paraan na karapat-dapat sa mabuting balita at nagbibigay ng kapurihan kay Jehova.—Fil. 1:27.
15 Noong nakaraang taon, isang pandistritong kombensiyon ang idinaos sa kauna-unahang pagkakataon sa hilaga ng Angola. Nang ikalawang araw ng kombensiyon, dalawang lokal na pulis ang ipinadala sa lugar ng kombensiyon upang mangalaga sa kapayapaan. Maghapon silang namalagi roon. Sa katapusan ng maghapon, nagpahayag sila ng paghanga sa kanilang napakinggan at sa maayos na paggawi na kanilang napagmasdan. Ang isa sa kanila ay nagkomento: “Bakit pa kami ipinadala rito? Alam namin na pinananatili ng mga Saksi ni Jehova ang kaayusan sa kanilang mga pagtitipon.”
16 Isang miyembro ng isang partido pulitikal sa isang bansang Aprikano ang tumakas patungong Europa nang mapatay ang lahat ng iba pang miyembro ng kaniyang partido. Siya’y nakaranas ng maraming personal na mga problema anupat lubhang nasiraan ng loob. Sa wakas ay tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya. Samantalang dumadalo sa kaniyang unang pandistritong kombensiyon, lubha siyang humanga na nagtitipong sama-sama sa kapayapaan at pagkakaisa ang mga tao na may iba’t ibang pinagmulan. Kumbinsido siyang nasumpungan na niya ang katotohanan, at sa kombensiyong iyon siya’y nagpasiyang putulin na ang lahat ng kaniyang kaugnayan sa pulitika. Nang maglaon siya’y nabautismuhan, at ngayon siya at ang kaniyang mga anak ay naglilingkod kay Jehova.
17 Paanong ang ating paggawi sa mga kombensiyon sa taóng ito ay makaaapekto sa mga magsisidalo sa unang pagkakataon? Mapapansin kaya nila ang espiritu ng pagtutulungan na kapansin-pansin kapag tayo ay gumagawang sama-sama bilang mga boluntaryo? Hahanga kaya sila sa kalinisan ng ating kapaligiran at sa pagkakita na bago lumisan sa dako ng kombensiyon ay pinupulot natin at ng ating mga anak ang anumang kalat na maaaring naipon sa ating mga upuan? Makikita kaya nila ang ating mainam na paggawi habang tayo’y naglalakbay ng paroo’t parito sa ating mga tuluyan at sa lugar ng kombensiyon? Mapapansin kaya nila na pinangangasiwaang mabuti ng mga magulang ang kanilang mga anak sa lahat ng panahon? Tiyakin natin na lumikha tayo ng pinakamabuting impresyon sa lahat ng nagmamasid sa atin.
18 Pagbalikat sa mga Gastusin ng Kombensiyon: Ang isang tiket para sa upuan sa isang palaro o iba pang pagtatanghal sa isang istadyum o bulwagan ng kombensiyon ay maaaring magastos sa panahong ito. Ito’y dahilan sa mahal ang bayad sa arkila sa mga pangunahing lunsod. Ang laging patakaran ng Samahan sa mga kombensiyon ay “libreng mga upuan, walang mga koleksiyon.” Paano kung gayon mababayaran ang upa sa arkila at iba pang kagastusan sa kombensiyon? Sa pamamagitan ng bukas-palad na mga kontribusyon ng mga dumadalo. Nakatitiyak kami na magpapakita kayo ng espiritu ng pagkabukas-palad gaya ng ipinakita ng mga lingkod ng Diyos noong una bilang pagtulad sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. (2 Cor. 8:7) Malaking pag-iingat ang isinasagawa upang matiyak na ang lahat ng kontribusyon ay napangangalagaan, naitatala, at nagagamit sa pinag-uukulan nito.
19 Upuan: Ang direksiyong ibinigay sa loob ng ilang taon ay patuloy na ikakapit, alalaong baga’y ANG MGA UPUAN AY MAAARI LAMANG IRESERBA PARA SA INYONG KASAMBAHAY AT SA SINUMANG NAGLALAKBAY NA KASAMA NINYO SA INYONG SASAKYAN. Napakabuting makita ang pagsulong sa bagay na ito, at ito’y nagpapatingkad sa maibiging saloobing nakikita sa mga kombensiyon. Sa maraming lugar, may ilang upuan na mas madaling okupahan kaysa sa iba. Pakisuyong magpakita ng konsiderasyon, at iwan ang mas kombinyenteng upuan para sa matatanda at sa iba pa na ang mga kalagayan ay nangangailangan nito. Tandaan na ‘ang pag-ibig ay hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito.’—1 Cor. 13:4, 5; Fil. 2:4.
20 Mga Kamera, Camcorder, at mga Audiocassette Recorder: Ang mga kamera at kasangkapan sa pagre-rekord ay maaaring gamitin sa mga kombensiyon. Gayunpaman, ang paggamit ninyo nito ay hindi dapat na makagambala sa iba. Ang paglakad-lakad upang kumuha ng mga larawan sa panahon ng mga sesyon ay makagagambala sa iba na nagsisikap na matamang makinig sa programa. Walang anumang uri ng kasangkapan sa pagre-rekord ang ikakabit sa sistema ng kuryente o sound, ni dapat mang makahadlang ang kasangkapang ito sa mga pasilyo, daanan, o sa paningin ng iba.
21 First Aid: Ang Departamento ng First Aid ay para sa mga pangkagipitang kaso lamang. Pakisuyong magdala kayo ng sariling aspirin, pantulong sa panunaw, mga benda, aspile, at mga bagay na katulad nito, yamang ang mga bagay na ito ay hindi makukuha sa kombensiyon. Ang sinumang mayroong epilepsi, panginginig dahilan sa insulin, sakit sa puso, at iba pa, ay dapat magdala ng kanilang kinakailangang gamot. Sila’y dapat samahan ng isang miyembro ng kanilang pamilya o ng isang kakongregasyon na nakaaalam ng kanilang kalagayan at maaaring makatugon sa pangkagipitang kalagayan, kapag nangyari ito. Nagkaroon ng mga suliranin sa mga kombensiyon nang ang mga indibiduwal na dati nang may problema sa kalusugan ay napabayaan at nagkasakit. Kung ang sinuman na may pantanging pangangailangan sa kalusugan ay walang makakasamang miyembro ng pamilya na makatutulong sa kanila, kakailanganing ipabatid sa matatanda ang situwasyon at dapat na gumawa ng kinakailangang kaayusan upang makatulong. Hindi posibleng makagawa ng mga paglalaan sa mga kombensiyon para sa pantanging mga silid upang paglagyan ng mga may sakit na pangkapaligiran o mga allergy.
22 Pagkain sa Kombensiyon: Ang bawat dadalo ay dapat magdala ng sariling pagkain sa halip na lumisan sa pasilidad sa maikling pahinga sa tanghali upang bumili ng makakain sa labas. Ang isang simpleng meryenda na masustansiya at madaling dalhin ay malamang na sapat na. Ang insert ng Nobyembre 1995 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, parapo 27, ay nagbibigay ng ilang ideya kung ano ang maaaring dalhin. Hindi pinahihintulutan ang mga lalagyang babasagin at inuming de-alkohol sa mga pasilidad ng kombensiyon. Ang mga cooler ng pagkain ay dapat na maliit lamang upang hindi makahadlang sa mga pasilyo o sa mga upuang karatig ninyo. Ang ilan sa mga tagapakinig ay napansing kumakain at umiinom sa panahon ng programa, subalit ito’y nagpapakita ng kawalang-galang sa okasyon.
23 Mga Gawaing Komersiyal: Hindi magiging wasto para sa sinumang kapatid na magsamantala sa malalaking pagtitipon upang gumawa ng maititindang mga bagay, tulad ng mga takip ng aklat o mga T-shirt, mga pamaypay, o mga kalendaryo na may tema ng kombensiyon na nakatatak sa mga ito. Ang lugar ng kombensiyon ay nagiging isang malaking Kingdom Hall na doo’y walang dako ang mga komersiyal na gawain.
24 Anong ligaya natin na ang 1998-1999 na “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Pandistritong Kombensiyon ay malapit nang magsimula! Naisagawa na ba ninyo ang inyong mga plano para makadalo? Maging ligtas nawa ang inyong paglalakbay at makauwi na naginhawahan, anupat determinadong ipagpatuloy ang mahalagang paglilingkuran kay Jehova at laging itaguyod “ang daan ng Diyos ukol sa buhay” sa ikapagpapala ninyo nang walang hanggan.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
▪Bautismo: Dapat maupo ang mga kandidato sa bautismo sa itinalagang seksiyon bago magsimula ang programa sa Sabado ng umaga. Ang bawat nagpaplanong magpabautismo ay kailangang magdala ng isang mahinhing pambasa at isang tuwalya. Dapat tiyakin ng matatandang nagrerepaso ng mga katanungan sa mga kandidato sa bautismo, sa aklat na Ating Ministeryo, na nauunawaan ng bawat isa ang mga puntong ito. Ang bautismo na sagisag ng pag-aalay ng isa ay isang malapit at personal na bagay sa pagitan ng indibiduwal at ni Jehova. Kaya, hindi angkop na magyakapan sa isa’t isa ang mga kandidato o maghawakan ng kamay habang binabautismuhan.
▪Mga Badge Card: Pakisuyong isuot ang 1998 badge card sa lahat ng panahon habang nasa lugar ng kombensiyon at kapag naglalakbay nang paroo’t parito. Ang mga badge card at ang mga lalagyan nito ay dapat kunin sa inyong kongregasyon, yamang ang mga ito ay hindi makukuha sa kombensiyon. Alalahaning dalhin ang inyong bagong Advance Medical Directive/Release card.
▪Boluntaryong Paglilingkod: Makapaglalaan ba kayo ng ilang panahon sa kombensiyon upang tumulong sa isa sa mga departamento? Kung makatutulong kayo, pakisuyong mag-report sa Volunteer Service Department sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 na taóng gulang ay maaari ring tumulong sa pamamagitan ng paggawa sa ilalim ng patnubay ng isang magulang o ng mga iba pang responsableng adulto.
▪Isang Babala: Tiyaking ang inyong sasakyan ay nakasusi sa lahat ng panahon, at huwag kailanman mag-iiwan ng nakikitang bagay na makatutukso sa kaninuman upang puwersahang pumasok. Ang mga magnanakaw at mandurukot ay nagtutuon ng kanilang pansin sa malalaking pagtitipon. Hindi katalinuhan na mag-iwan ng anumang mahahalagang bagay sa inyong upuan. Hindi kayo makatitiyak na ang bawat nasa palibot ninyo ay isang Kristiyano. Bakit nga magbibigay ng anumang sanhi ng ikatutukso? Nakatanggap ng mga ulat hinggil sa pagtatangka ng ilang tagalabas na kunin ang mga bata. LAGING BANTAYAN ANG INYONG MGA ANAK SA LAHAT NG PANAHON.