1997 “Pananampalataya sa Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon
1 Pinaalalahanan ni apostol Pablo si Timoteo na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Tim. 3:16) Yamang ang Salita ng Diyos ay kinasihan, taglay natin ang lahat ng dahilan upang sampalatayanan ito. Ang tema ng pandistritong kombensiyon sa taóng ito ay “Pananampalataya sa Salita ng Diyos.” Ang programa ay magpapatibay sa ating pananampalataya sa Bibliya, kahiman tayo’y maraming taon nang nakaalam ng katotohanan o kamakailan lamang nagkaroon ng kaugnayan sa organisasyon ni Jehova. Kailangang isaayos nating lahat na madaluhan ang buong programa.
2 Tatlong-Araw na Kombensiyon: Sa taóng ito ang tatlong-araw na programa ng pandistritong kombensiyon ay isinaayos para sa ating kapakinabangan. Ang 49 na kombensiyon sa Pilipinas ay nakalista sa katapusan ng insert na ito. Sa pagkakataong ito’y alam na ninyo kung saang kombensiyon dadalo ang inyong kongregasyon, at dapat na kayo’y nakagawa na ng tiyak na mga plano upang daluhan ang tatlong araw na programa. Nilapitan na ba ninyo ang inyong pinapasukan upang makakuha ng kinakailangang bakasyon?
3 Ang programa ay magpapasimula sa Biyernes at Sabado ng 8:30 n.u. at sa Linggo ng 9:00 n.u. Magplanong umalis sa bahay nang maaga upang makarating sa lugar ng kombensiyon bago magpasimula ang programa.
4 Gumawang Mahusay sa Pamamagitan ng Pagbibigay ng Pansin: Ipinaalaala ni apostol Pedro sa unang-siglong mga Kristiyano na mahusay ang kanilang magagawa sa pagbibigay ng pansin sa makahulang salita bilang isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim. (2 Ped. 1:19) Totoo rin ito sa atin. Ang pamumuhay sa matandang sanlibutang ito na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas ay kagaya ng pagiging nasa isang madilim na dako. Tayo’y nagpapasalamat na tayo’y tinawag mula sa espirituwal na kadiliman. (Col. 1:13; 1 Ped. 2:9; 1 Juan 5:19) Upang makapanatili sa liwanag, kailangang panatilihin nating matibay ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa kinasihang Salita ni Jehova.
5 Kakailanganin ang pagsisikap sa ating bahagi upang matamang makapakinig sa programa ng kombensiyon, subalit tiyak na tayo’y pagpapalain sa paggawa nito. Dapat nating pagsikapang magkaroon ng mabuting pamamahinga bago pumunta sa kombensiyon upang maging gising sa panahon ng mga sesyon. Maglaan ng sapat na panahon sa pagpunta sa lugar ng kombensiyon araw-araw, upang kayo’y makaupo na bago magsimula ang programa. Pagkatapos ay sumali sa pambukas na awit at panalangin sa pagsisimula ng programa bawat araw. Dapat na magbigay ng halimbawa ang mga adulto, at dapat sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak.—Efe. 6:4.
6 Kung ating susuriin ang mga pamagat ng mga bahagi bago magpasimula ang programa sa bawat araw, maaari nating asamin kung anong mga punto ang maaaring iharap sa sesyong iyon. Ito’y magpapalaki ng ating interes sa materyal kapag inihaharap na ito. Inirerekomenda na tayo’y kumuha ng maiikling nota upang tumulong sa atin na maalaala ang mga pangunahing punto sa programa. Kung kukuha tayo ng napakaraming nota, maaaring malibanan natin ang ilang susing punto dahilan sa masyado tayong abala sa pagsusulat.
7 Noong nakaraang taon maraming adulto at kabataan ang napansin na namang naglalakad-lakad sa mga pasilyo, nagtitipun-tipon sa labas, at dumadalaw sa iba samantalang ginaganap ang programa, sa halip na makinig sa inilaan ng “tapat at maingat na alipin” para sa ating kapakinabangan. Ipinangako ni Jesus na bibigyan tayo ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Mat. 24:45-47) Kaya, dapat tayong presente upang makinabang sa pagkaing iyon sa halip na magpakita ng kawalan ng pagpapahalaga. (2 Cor. 6:1) Gayundin waring kapag may mga bata na di-mapalagay, kadalasang nagpapaalam ang mga ito na pupunta sa palikuran upang magkaroon ng dahilan na tumayo at maglakad-lakad. Ang wastong pagsasanay sa tahanan ay kalimitang nakatutulong upang hindi maging madalas ang pagpunta sa palikuran nang di kinakailangan. Kung minsan, ang mga nakatatandang kabataan ay magkakasamang umuupo nang grupu-grupo, nag-uusap at nagbubulungan sa isa’t isa. Ang ating mga kabataan, na napapaharap sa maraming panggigipit ngayon, ay kailangang matamang makinig sa inihaharap na materyal, hindi ang gumawa ng ibang mga bagay sa panahon ng programa. Ang mga pagnanasa ng kabataan na hindi kaayon ng mga simulain ng Bibliya ay dapat iwasan. (Ihambing ang 2 Timoteo 2:22.) Ang pagbibigay-pansin ng lahat, mga adulto at mga kabataan, ay magpaparangal kay Jehova at magpapaligaya sa kaniya.
8 Kung kakailanganin para sa isang attendant na magbigay sa kaninuman ng payo sa bagay na ito, dapat tanggapin ito bilang isang maibiging paglalaan ni Jehova. (Gal. 6:1) Kailangang tandaan ng lahat na ang dahilan kung bakit tayo nagsisikap dumalo sa kombensiyon ay upang tayo’y ‘makinig at matuto.’ (Deut. 31:12) Gayundin, ang “taong pantas ay makikinig at kukuha ng higit pang turo.” (Kaw. 1:5) Sa natitirang panahon bago kayo dumalo sa kombensiyon, talakayin bilang isang pamilya ang pangangailangang umupong magkakasama sa lugar ng tagapakinig, manatiling nakaupo sa panahon ng programa, at lubos na magbigay ng pansin, upang tamuhin ang ganap na kapakinabangan sa programa.
9 Kagayakan na Nakalulugod kay Jehova: Ang bayan ni Jehova ay nasa tanghalan upang makita ng buong sanlibutan. (1 Cor. 4:9) Tayo ay kilala sa pangkalahatan dahilan sa ating mainam na pamantayan ng pananamit at pag-aayos. Ang pagkakapit ng maka-Kasulatang mga simulain na masusumpungan sa 1 Timoteo 2:9, 10 at sa 1 Pedro 3:3, 4 ay nagbunga ng malalaking pagbabago sa anyo ng marami kung ihahambing sa ayos nila nang sila’y pasimula pa lamang nakikisama sa Kristiyanong kongregasyon. Nais nating bantayan na hindi tayo nagiging gaya ng sanlibutan sa ating anyo—nagsusuot ng kakatwang pananamit, na nagtataguyod sa makasanlibutang kausuhan sa mga istilo ng buhok, o nagdaramit nang walang kahinhinan. Ang ating pagiging huwaran sa pananamit at pag-aayos ay dapat na makatulong sa mga baguhang dumadalo sa kombensiyon na makita kung paano dapat gumayak ang mga Kristiyano.
10 Bagaman ang pangkalahatang impresyong naiwan ng kombensiyon nang nakaraang taon ay napakabuti, ang makasanlibutang pananamit at pag-aayos ay patuloy pa ring isang problema sa ilang mga kapatid na lalaki at babae, lalo na sa panahon ng pagpapahingalay. Mga magulang, may katalinuhang subaybayan kung ano ang isusuot ng inyong mumunting mga anak at mga tin-edyer. Tiyaking hindi natin pinahihintulutan ang makasanlibutang istilo at kausuhan na magdulot ng masamang epekto sa ating Kristiyanong kaanyuan.
11 Panatilihin ang Mainam na Paggawi: Ang mainam na paggawi ay isang tanda ng tunay na mga Kristiyano. (1 Ped. 2:12) Ang ating pagkilos saanman tayo naroroon—sa kombensiyon, sa mga restawran, at sa ating mga tuluyan, gayundin kapag tayo’y naglalakbay—ay makapagbibigay ng mainam na patotoo at maaaring magpakilos sa ilan na makilala si Jehova. (Ihambing ang 1 Pedro 3:1, 2.) Taglay natin ang pribilehiyo na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng ating paggawi. Kapag tayo’y nakatatanggap ng mabubuting ulat hinggil sa ating paggawi, tayo’y nagagalak, hindi ba? Gayunman, may pangangailangang manatiling nagbabantay upang mapanatili natin ang mabuting reputasyon ng bayan ni Jehova.
12 Marami nang paalaala ang naibigay hinggil sa pagkontrol sa ating mga anak, na hindi hinahayaang tumakbo sila sa mga lansangan sa palibot ng lugar ng kombensiyon, anupat nakagagambala sa iba. Bagaman ang mga kombensiyon ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong dumalaw at makisama sa ating kapatiran, dapat pa ring tandaan ng mga magulang na pananagutan nilang subaybayan ang kanilang mga anak sa lahat ng panahon. Ito’y pananagutang inilagay ni Jehova sa bawat magulang. (Kaw. 1:8; Efe. 6:4) Ang hindi nasusubaybayang pagkilos ng mga anak ay makasisira sa mabuting reputasyon na pinagpagalang itayo ng ibang mga Saksi ni Jehova.—Kaw. 29:15.
13 Tandaan na ang pagbibigay ng tip sa mga restawran ay angkop kapag tumatanggap ng personal na paglilingkod mula sa mga tagapagsilbi. Bilang mga Saksi ni Jehova, nais din nating magpakita ng mabuting pag-uugali sa bagay na ito.—Tingnan ang Awake! ng Hunyo 22, 1986, pahina 24-7.
14 Pagkubre sa mga Gastos ng Kombensiyon: Tayong lahat ay gagastos may kaugnayan sa pagdalo sa mga kombensiyon. May isa pang gastos na kailangan din nating isaalang-alang. Ang mga pasilidad na ginagamit sa mga kombensiyon ay binabayaran nang malaki, lalo na sa malalaking lunsod. May mga karagdagan pa ring gastusing kailangang asikasuhin. Ang ating saganang boluntaryong kontribusyon sa mga kombensiyon ay lubos na pinahahalagahan.—Gawa 20:35; 2 Cor. 9:7, 11, 13.
15 Upuan: Ang direksiyong ibinigay sa loob ng ilang taon ay patuloy na ikakapit, alalaong baga’y, ANG MGA UPUAN AY MAAARI LAMANG IRESERBA PARA SA INYONG KASAMBAHAY AT SA SINUMANG NAGLALAKBAY NA KASAMA NINYO SA INYONG SASAKYAN. Napakabuting makita na higit na marami ang sumusunod sa direksiyong ito sa nakaraang mga taon, at ito’y nagpapatingkad sa maibiging kapaligirang nakikita sa mga kombensiyon. Sa maraming lugar may ilang upuan na mas madaling okupahan kaysa iba. Pakisuyong magpakita ng konsiderasyon, at iwan ang mas kombinyenteng upuan para sa matatanda o may kapansanan.
16 Mga Camera, Camcorder, at Audiocassette Recorder: Ang mga camera at kasangkapan sa pagre-rekord ay maaaring gamitin sa mga kombensiyon. Gayunpaman, ang paggamit natin nito ay dapat na hindi makagambala sa ibang dumadalo. Hindi tayo dapat lumakad-lakad sa panahon ng sesyon sa pagkuha ng mga larawan, yamang ito’y makagagambala sa iba na nagsisikap na matamang makinig sa programa. Walang kasangkapan anumang uri sa pagre-rekord ang ikakabit sa sistema ng kuryente o sound, ni dapat mang makahadlang ang kasangkapang ito sa mga pasilyo, daanan, o sa paningin ng iba.
17 First Aid: Ang First Aid Department ay para sa mga pangkagipitang kaso lamang. Hindi nito mapangangalagaan ang matagal nang may sakit. Kaya dapat na isaalang-alang ninyo nang patiuna ang kalusugan ninyo at ng inyong pamilya. Pakisuyong magdala kayo ng sariling aspirin, pantulong sa panunaw, mga benda, aspile, at mga bagay na katulad nito, yamang ang mga ito ay hindi makukuha sa kombensiyon. Ang sinumang taong kilala sa pagkakaroon ng epilepsi, sakit sa puso, at iba pa, ay dapat maglaan ng kanilang mga pangangailangan hangga’t magagawa nila. Dapat na mayroon silang kinakailangang gamot, at ang isang miyembro ng pamilya o ang kongregasyon na nakakaunawa sa kanilang kalagayan ay dapat na kasama nila sa lahat ng panahon upang maglaan ng anumang kinakailangang tulong. Kung ang sinuman na may pantanging pangangailangan sa kalusugan ay walang makakasamang miyembro ng pamilya na makatutulong sa kanila, ang matatanda sa kanilang kongregasyon ay kailangang gumawa ng kinakailangang kaayusan upang makatulong. Walang ilalaang pantanging mga silid sa mga kombensiyon upang paglagyan ng mga may allergy.
18 Pagkain sa Kombensiyon: Ang hindi pagpapakain sa kombensiyon ay naging dahilan upang higit na marami ang makadalo sa lahat ng sesyon at matamang makapagtuon ng pansin sa espirituwal na pagkain. Maraming kapahayagan ng pagpapahalaga para sa simplipikasyong ito ang natanggap mula nang simulan ang kaayusang ito. Dapat magplano ang lahat na magdala ng kanilang sariling pagkain para sa pahinga sa tanghali, gaya ng iminungkahi sa insert ng Mayo 1995 ng Ating Ministeryo ng Kaharian, parapo 11-14. Walang lalagyang babasagin at walang alak na dadalhin sa pasilidad ng kombensiyon. Ang mga cooler ng pagkain ay dapat na maliit lamang upang hindi makasagabal sa mga pasilyo at hindi dapat ilagay sa ibabaw ng mga upuan. May ilan sa tagapakinig ang napansing kumakain at umiinom sa panahon ng programa. Ang paggawa nito ay kawalang-galang. Kapag may mga nagtitinda sa labas ng pasilidad ng kombensiyon, nakikitang ang mga ito’y tinatangkilik ng ilang mga kapatid sa panahon ng programa. Ang gayong kaugalian ay hindi angkop.
19 Tunay na pinahahalagahan natin ang ating espirituwal na kapistahan at ang panatag, mapayapang kapaligiran ng pagkakapatiran sa panahon ng ating maiikling pahinga sa tanghali. Kasuwato sa layunin ng kaayusang ito, sa halip na umalis sa pasilidad sa pahinga sa tanghali upang bumili ng pagkain, pakisuyong magdala na kayo nito. Sa ganito, kayo’y magkakaroon ng higit na panahong tamasahin ang pakikipagsamahan ng inyong mga kapatid na lalaki at babae.
20 Mga Gawaing Komersiyal: Hindi magiging wasto para sa sinumang kapatid na magsamantala sa malalaking pagtitipon upang gumawa ng mga maititindang bagay, tulad ng mga takip ng aklat o mga T-shirt, mga pamaypay, at mga kalendaryo na may nakatatak na tema ng kombensiyon. Ang lugar ng kombensiyon ay nagiging isang malaking Kingdom Hall na doo’y walang dako ang mga komersiyal na gawain.
21 Anong ligaya natin na ang “Pananampalataya sa Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon ay malapit nang magpasimula! Nanaisin nating lahat na makatiyak na ang ating mga paghahanda ay naisagawa na para makadalo sa buong programa, upang ating tamasahin nang lubusan ang mainam na espirituwal na piging na inihanda ni Jehova para sa atin sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Sa ganitong paraan tayo’y nagiging “lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa” para sa mga dumarating na araw.—2 Tim. 3:17.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
Bautismo: Dapat maupo ang mga kandidato sa bautismo sa itinalagang seksiyon bago magsimula ang programa sa Sabado ng umaga. Isang mahinhing pambasa at tuwalya ang dapat na dalhin ng bawat nagpaplanong magpabautismo. Dapat tiyakin ng matatandang nagrerepaso ng mga katanungan sa aklat na Ating Ministeryo sa mga kandidato sa bautismo na nauunawaan ng bawat isa ang mga puntong ito. Ang bautismo na sagisag ng pag-aalay ng isa ay isang malapit at personal na bagay sa pagitan ng indibiduwal at ni Jehova. Kaya, hindi angkop na magyakapan sa isa’t isa ang mga kandidato o maghawakan ng kamay habang binabautismuhan.
Badge Cards: Pakisuyong isuot ang 1997 badge card sa lahat ng panahon habang nasa lugar ng kombensiyon at habang naglalakbay nang paroo’t parito. Ang mga badge card at ang lalagyan nito ay dapat kunin sa pamamagitan ng inyong kongregasyon, yamang ang mga ito ay hindi makukuha sa kombensiyon. Alalahaning dalhin ang inyong bagong Advance Medical Directive/Release card.
Boluntaryong Paglilingkod: Makapaglalaan ba kayo ng ilang panahon sa kombensiyon upang tumulong sa isa sa mga departamento? Kung makatutulong kayo, pakisuyong mag-report sa Volunteer Service Department sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 na taóng gulang ay maaari ring tumulong sa pamamagitan ng paggawa sa ilalim ng patnubay ng isang magulang o ng mga iba pang responsableng adulto.
Isang Babala: Maging alisto sa maaaring maging problema upang maiwasan ang di-kinakailangang suliranin. Kadalasang ang mga magnanakaw ay bumibiktima sa mga taong malayo sa kanilang tahanan. Tiyaking ang inyong sasakyan ay nakasusi sa lahat ng panahon, at huwag kailanman mag-iiwan ng nakikitang bagay na makatutukso sa kaninuman upang puwersahang pumasok. Hindi katalinuhang mag-iwan ng anumang mahahalagang bagay sa inyong upuan. Hindi kayo makatitiyak na ang bawat nasa palibot ninyo ay isang Kristiyano. Bakit magbibigay ng anumang ikatutukso? Nakatanggap ng mga ulat hinggil sa pagtatangka ng ilang tagalabas na kunin ang mga bata. LAGING BANTAYAN ANG INYONG MGA ANAK SA LAHAT NG PANAHON.