1999-2000 “Makahulang Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon
1 Nang malapit nang pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, hinimok sila ni Moises na magpahalaga sa tagubilin ng Diyos. Sinabi niya sa kanila: “Hindi ito walang kabuluhang salita para sa inyo, kundi nangangahulugan ito ng inyong buhay.” (Deut. 32:45-47) Hindi ba tayo nagpapasalamat kay Jehova na ang ating buhay ay napakahalaga sa kaniya anupat tayo’y patuloy niyang pinapatnubayan sa pamamagitan ng kaniyang walang kasing-halagang Salita? Tayo kung gayon ay may pananabik na naghihintay sa tatlong-araw na “Makahulang Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon at sa kung ano ang inilaan ni Jehova para sa atin.
2 Sa taóng ito, 52 pandistritong kombensiyon ang kombinyenteng isinaplano sa 46 na iba’t ibang lunsod at mga bayan sa buong Pilipinas. Ang programa ng kombensiyon ay isasagawa sa Bicol, Cebuano, Ingles, Hiligaynon, Iloko, Pangasinan, Pilipinong Sign Language, Samar-Leyte, at Tagalog. Nais naming pasiglahin ang lahat na dumalo sa kombensiyong iniatas sa kanila maliban na lamang kung kailangang gumawa ng eksepsiyon dahilan sa totoong pambihirang kalagayan. Ito’y mahalaga lalo na sa mga kombensiyong Tagalog sa Quezon City, kung saan ang upuan at paradahan ay limitado. Ang bilang ng mga sirkitong inatasan sa bawat kombensiyong Tagalog sa Assembly Hall ay sapat lamang para sa kapasidad ng bulwagan, kaya kung napakarami pa ang mapaparagdag, ito’y magdudulot ng kahirapan para sa mga inatasang dumalo roon. Ang inyong maibiging pakikipagtulungan sa bagay na ito ay lubhang pahahalagahan.
3 Walang pagsalang nakagawa na kayo ng mga kaayusan upang makadalo sa bawat araw ng kombensiyon sapagkat kayo’y naniniwala na inaasahan ni Jehova na kayo’y naroroon. Manalig kayo na nakikita niya ang pagsisikap at sakripisyo na ginagawa ng bawat isa sa mga lingkod niya upang makadalo, at iyon ay natatandaan niya taglay ang pagpapahalaga. (Heb. 6:10) Sa pagdalo sa bawat araw ng kombensiyon mula sa pambukas na awit hanggang sa pansarang panalangin, ating ipinakikita kay Jehova na pinahahalagahan natin ang kaniyang mga salita para sa atin. (Deut. 4:10) Tayo’y nagpapakita rin ng pagpapahalaga sa pagpapagal ng marami sa ating mga kapatid na kasangkot sa paghahanda para sa kombensiyon.
4 Ang pagsasaayos para tipunin ang libu-libo sa bayan ng Diyos sa bawat lugar ng kombensiyon ay nangangailangan ng patiunang pagpaplano at mabuting organisasyon. Ang pagkaalam na ang mga kaayusan sa kombensiyon ay maibiging isinagawa ay dapat magpakilos sa atin na makipagtulungan, upang ‘ang lahat ng bagay ay maganap nang disente at ayon sa kaayusan.’ (1 Cor. 14:40) Ang sumusunod na impormasyon at mga paalaala ay inilaan upang kayo’y makarating sa kombensiyon nang handang-handa para tamasahin ang espirituwal na pagkain at Kristiyanong pagsasamahan.
Bago ang Kombensiyon
5 Nangangailangan ba ng tulong ang mga tinuturuan ninyo sa Bibliya at iba pang mga taong interesado sa paggawa ng personal na mga kaayusan upang makadalo sa kombensiyon? Ang kanilang makikita at maririnig samantalang naroroon ay maaaring magpakilos sa kanila na maging mga mananamba ni Jehova. (1 Cor. 14:25) Dapat mabatid ng matatanda kung may nangangailangan ng tulong sa transportasyon, lalo na ang may edad na mga miyembro ng kongregasyon, at maibiging tiyakin na ang kanilang mga pangangailangan ay natutugunan.—Gal. 6:10.
6 Yamang ang First Aid Department sa kombensiyon ay isinaayos upang asikasuhin lamang ang mga kalagayang emerhensiya, aming inirerekomenda na kayo’y magdala sa kombensiyon ng inyong sariling aspirin, gamot sa tiyan, at iba pang nakakatulad na mga bagay kung inaakala ninyong maaaring kailanganin ang mga iyon. Kung kayo o ang inyong minamahal ay may seryosong karamdaman, tulad ng sakit sa puso, diyabetis, o nanganganib na sumpungin ng sakit, pakisuyong magdala ng kinakailangang gamot sa kombensiyon upang matugunan ang mga pangangailangang ito na para bang kayo’y nasa tahanan o nasa bakasyon. Katalinuhan para sa isang miyembro ng pamilya o matalik na kaibigan na nakauunawa sa kalagayan na manatiling kasama ng taong iyon, yamang siya ang nasa pinakamabuting kalagayan upang makapagbigay ng kinakailangang tulong.
7 Ang mga pagkakataong gumawa ng di-pormal na pagpapatotoo ay malamang na lumitaw habang kayo ay naglalakbay patungo o pauwi mula sa kombensiyon. Magiging handa ba kayo na ibahagi ang katotohanan sa iba? Tayong lahat, lakip na ang mga munting bata, ay maaaring mag-alok ng mga tract sa mga nagtatrabaho sa gasolinahan at sa iba pa na matatagpuan ninyo sa inyong mga paglalakbay. Magkakaroon ng mga pagkakataon upang makapagpasakamay ng mga magasin, brosyur, o iba pang literatura sa mga taong interesado. Maging handang magpatotoo nang di-pormal sa mga taong maaaring hindi masumpungan sa mas karaniwang paraan ng pangangaral.
Sa Panahon ng Kombensiyon
8 Maaari kayong magreserba ng mga upuan para lamang sa malapit na mga miyembro ng inyong pamilya o mga kasama sa sasakyan. Hangga’t maaari, ang mga kombinyenteng upuan ay irereserba sa may edad na mga kapatid na lalaki at babae, at may mga lugar na ilalaan para sa mga may kapansanan at sa mga may silyang-de-gulong. Bawat araw sa inyong pag-alis sa lugar na inyong inupuan, pakisuyong tiyaking dala ninyo ang lahat ng inyong kagamitan.
9 Kayo ba’y magpapabautismo sa pandistritong kombensiyon? Sa pang-umagang sesyon ng Sabado, isang seksiyon ng mga upuan ang irereserba para sa mga kandidato sa bautismo, at ituturo sa inyo ng mga attendant ang lugar na ito. Hangga’t maaari, pakisuyong umupo roon bago pa magsimula ang sesyon. Dalhin ang inyong Bibliya, aklat-awitan, tuwalya, at isang mahinhing pambasa. Ang mga kamiseta na may mga islogan at ang kahawig na mga kasuutan ay hindi angkop sa gayong marangal na okasyon. Dapat tiyakin ng matatandang nagrerepaso ng mga katanungang nasa aklat na Ating Ministeryo sa mga kandidato sa bautismo na nauunawaan ng bawat isa ang mga puntong ito. Yamang ang bautismo ay sagisag ng personal na pag-aalay sa Diyos na Jehova, hindi magiging angkop para sa mga kandidato na maghawakan ng kamay habang binabautismuhan.
10 Maaari kayong gumamit ng mga kamera, camcorder, at mga audiocassette recorder sa kombensiyon. Gayunman, ang posisyon o paggamit nito ay hindi dapat makasagabal sa mga daanan, makahadlang sa paningin ng iba, o makasira ng pansin mula sa programa. Ang mga ito ay dapat na napapaandar sa ganang sarili—alalaong baga, hindi nakakabit sa mga electrical o sound system.
11 Palibhasa’y dumarami ang gumagamit ng mga cellular phone at mga pager, pakisuyong maging maingat na ang mga kagamitang ito ay hindi makagagambala ng inyong pansin sa programa o sa pagbubuhos ng pansin niyaong mga nakaupo sa palibot ninyo. Ang mga kagamitang ito ay hindi dapat hayaang tumunog o mag-beep sa paraang maririnig ng iba habang kayo ay nakaupo sa lugar ng mga tagapakinig. Kung kinakailangang gumamit kayo ng cellular phone habang may programa, pakisuyong gawin iyon sa labas ng awditoryum.
12 Dahilan sa bentaha ng panahon at ng pagiging simple, hinilingan tayo ng Samahan na magdala ng ating sariling tanghalian sa kombensiyon sa bawat araw. Marami sa mga kapatid ang sumunod sa tagubiling ito at nakasumpong na pagkatapos na sila’y papagpahingahin para mananghali, sila ay maaaring umupo kasama ng kanilang pamilya at kainin ang kanilang dala sa araw na iyon. Marami ang nagsabi na ang pagkakataong magpahingalay sa panahon ng pamamahinga sa tanghali at gumugol ng karagdagang oras kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki at babae ay naging kasiya-siya. Ito’y nangangahulugan na kailangang bumili ng pagkain at inumin nang patiuna at ilagay ang mga iyon sa isang maliit na sisidlan o cooler na magkakasya sa ilalim ng upuan. Hinihiling namin na ang lahat ng dadalo ay sumunod sa tagubiling ito. Kamakailan, napansin na ang ilang mga kapatid ay umaalis sa awditoryum upang bumili ng pagkain sa mga nagtitinda sa kalye at sa kalapit na mga karinderya. Nakahihikayat ito ng mas maraming nagtitinda sa kalye na magkumpul-kumpol sa labas ng istadyum, na nagiging dahilan ng pagsisiksikan at di-magandang tanawin. Kaya, hinihiling namin na pagsikapan ng bawat isa na magdala ng kaniyang sariling pagkain at inumin sa kombensiyon sa bawat araw. Ang mga taong interesado na kasama ninyo sa kombensiyon ay dapat na magdala rin ng kanilang sariling pagkain. Ang mga lalagyang yari sa kristal at mga inuming de-alkohol ay hindi ipinahihintulot sa mga pasilidad ng kombensiyon.
13 Kasuwato ng nasa itaas, maliwanag na hindi angkop para sa sinumang kapatid na samantalahin ang kombensiyon upang gumawa ng mga bagay na ititinda, tulad ng mga takip ng aklat o mga T-shirt, pamaypay, o mga kalendaryo na may nakatatak na tema ng kombensiyon. Ang lugar ng kombensiyon ay nagiging isang malaking Kingdom Hall na doo’y walang dako ang gawaing komersiyal.
14 Maaari ba kayong magboluntaryo upang tumulong sa paglilinis ng pasilidad pagkatapos ng sesyon sa bawat araw? O maaari ba kayong magtrabaho sa iba pang departamento ng kombensiyon? Kung kayo’y makatutulong, pakisuyong magtungo sa Volunteer Service Department sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 na taóng gulang ay maaaring gumawang kasama ng isang magulang o ng iba pang responsableng adulto. Sabihin pa, ang bawat isa ay makatutulong sa paglilinis sa pasilidad sa pamamagitan ng pagtiyak na pinupulot at wastong itinatapon ang anumang basura.
15 Tumanggap na tayo ng maiinam na tagubilin hinggil sa kung ano ang angkop na pananamit at pag-aayos sa ating mga kombensiyon. Halimbawa: May tagubilin tayo sa bagay na ito sa mga insert ng Ating Ministeryo sa Kaharian, may mga ilustrasyon at mga larawan tayo sa ating literatura, at pinakamahalaga sa lahat, taglay natin kung ano ang sinasabi ni Jehova sa Bibliya. (Roma 12:2; 1 Tim. 2:9, 10) Kilala ng mga tao kung sino tayo at kung bakit tayo nagtitipon sa kanilang lunsod. Kaya, ang ating pananamit at pag-aayos ay isang mabisang patotoo sa ganang sarili. Ang karamihan sa bayan ni Jehova ay nagbibigay ng mabuting halimbawa sa bagay na ito. Gayunman, sa pana-panahon, nakikita nating naipababanaag ang espiritu ng sanlibutan sa pananamit at pag-aayos ng ilang dumadalo sa ating mga kombensiyon. Ang anumang pananamit na naglalantad ng katawan ay lumilikha ng pag-aalinlangan sa pag-aangkin ng indibiduwal na siya’y isang espirituwal na persona. Ang isang mahinhin, malinis, at maayos na hitsura ang siyang higit na kalugud-lugod. Kung gayon, dapat alamin ng mga ulo ng pamilya kung ano ang pinaplanong isuot ng mga miyembro ng kanilang pamilya. Kumakapit din ito kahit na tayo’y wala sa lugar ng kombensiyon. Ang pagsusuot ng ating mga lapel badge bago at pagkatapos ng sesyon sa maghapon ay higit na nagpapakita ng ating kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang malinis na bayan.—Ihambing ang Marcos 8:38.
16 Ang pantas na si Haring Solomon ay kinasihang magsabi na “ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata” at “ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.” (Kaw. 22:15; 29:15) Sa panahon ng mga sesyon, ang napabayaang mga kabataang Saksi ay nakagambala sa mga kapatid na lalaki at babae na nagsisikap na makinabang mula sa programa. Sa mga kombensiyon sa Estados Unidos noong nakaraang taon, ang ilang kabataan ay nasumpungang nakaupo sa upuan sa pang-itaas na seksiyon, anupat mabilis na nagpapasinag ng mga laser pointer sa palibot ng mga tagapakinig. Ang liwanag mula sa mga pointer na ito ay matindi at maaaring makapinsala sa mata, kahit na sa malayo. Maliwanag na ang mga kabataang ito ay hindi nakikinabang mula sa espirituwal na programa na inihanda para sa kanila. Yamang ang mga magulang ang nananagot kay Jehova para sa paggawi ng kanilang mga anak, makatitiyak ang isang ina o ama na ang mga bata ay kumikilos nang wasto at nakikinig sa tagubilin ni Jehova tangi lamang kung ang mga bata ay nakaupong katabi nila. Lalapitan ng mga attendant ang sinumang nagiging sanhi ng pagkagambala at hihilinging itigil nila ang paggawa niyaon, anupat may-kabaitang ipaaalaala sa kanila na makinig sa programa.
17 Dahilan sa tinatanggap natin ang publiko sa ating mga kombensiyon, isang katalinuhan na mag-ingat may kinalaman sa mga bata at sa personal na mga kagamitan. Ang ating mga anak ay isang mahalagang kaloob mula kay Jehova. Subalit batid natin na tinutularan ng sanlibutan ang pagiging mapanila ni Satanas. Kaya, pakisuyong alamin kung nasaan ang inyong mga anak sa lahat ng panahon. Gayundin, ang mga kamera, pitaka, at iba pang mahahalagang bagay ay dapat na ingatan ninyo sa lahat ng panahon at hindi dapat iwan sa inyong upuan. Tiyaking ang inyong sasakyan ay nakakandado, at ilagay ang inyong mga personal na kagamitan sa sisidlan sa likod ng awto o dalhin ninyo ang mga ito. Nababawasan nito ang tuksong pasukin ng sinuman ang inyong sasakyan.
18 Nakapagpapasiglang makita ang mga kapatid na lalaki at babae na kumukuha ng mga nota sa panahon ng mga sesyon sa kombensiyon. Ang maiikling nota ay makatutulong sa inyo na magbuhos ng pansin sa programa at maalaala ang mga pangunahing punto. Ang pagrerepaso sa inyong mga nota sa dakong huli kasama ng inyong pamilya o mga kaibigan ay magpapangyaring mabulay-bulay ninyo ang mga tampok na bahagi ng kombensiyon upang ang mga ito ay hindi makalimutan.
19 Ang bayan ni Jehova ay laging nag-aabuloy nang sagana ukol sa teokratikong mga kapakanan. (Ex. 36:5-7; 2 Cron. 31:10; Roma 15:26, 27) Ang inyong boluntaryong mga kontribusyon para sa pambuong daigdig na gawain ay ginagamit upang matakpan ang mga gastos may kaugnayan sa pag-arkila ng malalaking pasilidad na pinagdarausan ng mga kombensiyon. Kung ang inyong kontribusyon ay ibibigay sa pamamagitan ng tseke, pakisuyong ilagay na ito’y payable sa “Watchtower.”
20 Gaya ng nakatala sa Amos 3:7, sinabi ni Jehova na siya’y “hindi gagawa ng anumang bagay malibang naisiwalat na niya ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.” Bilang ang “Tagapagsiwalat ng mga lihim,” ipinatala ni Jehova sa Bibliya ang daan-daang hula na nagkaroon nang tumpak at ganap na katuparan. (Dan. 2:28, 47) Ang dakilang mga pangako ay matutupad pa. Ang 1999-2000 “Makahulang Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon ay magpapatibay ng inyong pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. Pakinggang mabuti ang salita ni Jehova sa inyo. Ikapit kung ano ang inyong makikita at maririnig—sa inyong ministeryo, sa kongregasyon, at sa inyong personal na buhay. Idinadalangin namin na mayamang pagpalain ni Jehova ang lahat ng inyong mga kaayusan upang makadalo sa bawat araw ng mayamang espirituwal na kapistahang ito!
[Blurb sa pahina 3]
Planuhing daluhan ang buong araw ng Biyernes, Sabado, at Linggo!