1987 “Magtiwala kay Jehova” na Pandistritong Kombensiyon
1 Ang tema ng 1987 kombensiyon ay tunay na naglalarawan sa damdamin ng mga Saksi ni Jehova! Ang “Magtiwala kay Jehova” para sa atin ay higit pa kaysa isa lamang tema; ito ay naglalarawan sa ating malalim na pananalig. Maraming mga tao ang nagtitiwala sa karunungan ng tao; may kamangmangang nagtitiwala sila sa kanilang sarili. (Awit 49:6, 7, 10; Kaw. 18:11) Sa kabaligtaran, tayo ay nagtitiwala kay Jehova, ang Soberano ng sansinukob, upang tuparin ang kaniyang mga pangako sa masunuring sangkatauhan. Tayo ay kombinsido na paglalaanan niya ang lahat nating pangangailangan at pangangalagaan tayo sa anumang pinsala kapag sumapit na ang katapusan ng sistema ni Satanas. Hindi ba kayo sasang-ayon na ang “Magtiwala kay Jehova” ay isang napakaangkop na tema para sa ating 1987 serye ng kombensiyon? Maipakikita natin na tayo ay nagpapahalaga sa espirituwal na paglalaang ito sa pamamagitan ng pagdalo sa buong tatlong-araw na kombensiyon.
2 Yamang ang kombensiyon para sa 1987 ay para lamang sa tatlong araw sa halip na apat, ang bawa’t araw ay puno ng eskedyul. Ang programa ay magkakaroon ng mga pahayag, mga pagtatanghal, at mga drama. Hindi magkakaroon ng kaayusan para sa paglilingkod sa larangan sa kombensiyon sa taóng ito.
3 Yamang ang kombensiyon ay tatlong araw lamang, malamang na magiging madali para sa lahat na makadalo. Lumapit na ba kayo sa inyong pinapasukan, kung kinakailangan, upang hilinging hindi muna kayo pumasok upang kayo ay makadalo sa loob ng tatlong araw? Ang buong programa, mula sa pambukas na tugtugin sa unang araw sa 9:10 n.u. hanggang sa pangwakas na panalangin sa ikatlong araw sa bandang 4:00 n.h. ay puno ng mayamang praktikal na espirituwal na tagubilin at pampatibay-loob na hindi natin nais makaligtaan.
4 ANG PROGRAMA: Ang bawa’t araw ay magkakaroon ng kaniyang espirituwal na tema na kaugnay ng pangkalahatang temang “Magtiwala kay Jehova.” May ihaharap na impormasyon tungkol sa pagpapayunir, paghahayag ng mabuting balita sa lahat ng pagkakataon, mga anak at mga kabataan, at tapat na pagpapasakop kay Jehova. Sa ikalawang araw ay itatampok ang kahalagahan ng masikap na pag-aaral at lubusang paggamit sa ating sarili sa ministeryo sa larangan. Gayundin, ang mga matatanda ay matutulungan sa pamamagitan ng napapanahong payo.
5 BAUTISMO: Ang pahayag sa bautismo ay sa ikalawang araw sa 10:50 n.u. Nakapagpapatibay pakinggan ang pahayag sa bautismo at malasin ang mga kandidato na nagsasagawa ng pangmadlang pagpapahayag na sila rin ay lubos na nagtitiwala ngayon kay Jehova. Kahit na ang pahayag ay pantangi para doon sa mga magpapabautismo, tayong lahat ay maaaring makinabang sa pamamagitan ng pakikinig nang maingat at pagsasaalang-alang ng ating sariling kaugnayan kay Jehova, gaano mang katagal na tayo sa katotohanan.
6 Ang lahat ng nagpaplanong magpabautismo sa isa sa mga pandistritong kombensiyon ay dapat na magsabi sa punong tagapangasiwa bago pa ang kombensiyon upang magkaroon ng sapat na panahon upang marepaso ang mga katanungan sa aklat na Ating Ministeryo. Ang Hunyo 1, 1985 na Watchtower, pahina 30, (Disyembre 1, 1985 sa Tagalog) ay nagbibigay ng payong ito tungkol sa wastong pananamit ng mga magpapabautismo: “Kahinhinan ang dapat manaig sa dapat isuot na damit-pambasa. Ito’y mahalaga ngayon na ang uso ay ang pagbibilad ng katawan at halos paghuhubo’t-hubad na. Dapat isaalang-alang na mayroong mga pambasa na animo’y mahinhin kung hindi pa basa pero hindi gayon kung mabasa na. Hindi gusto ng sinumang pababautismo na siya’y makatawag ng pansin o katisuran sa mga sandaling iyon na napakahalaga.” (Fil. 1:10) Ito ay kumakapit sa mga kapatid na lalake at babae.
7 Ang mga kandidato sa bautismo ay dapat na magsikap na nasa kanilang mga upuan sa isang itinalagang lugar bago pa magpasimula ang programa sa ikalawang araw. Pagkatapos ng pahayag sa bautismo kayo ay hihilingang tumayo samantalang kinakanta ang pansarang awit. Pagkatapos na awitin ang ikatlong stanza, aakayin ng mga attendant ang mga kandidato sa bautismo sa dakong pagbabautismuhan o sa mga sasakyang magdadala sa kanila doon.
8 TINURUAN NI JEHOVA: Inihula: “At ang lahat mong mga anak ay tuturuan ni Jehova at magiging malaki ang kapayapaan ng inyong mga anak.” (Isa. 54:13) Ang mga salitang iyon ay patungkol sa makasagisag na asawa ni Jehova, ang kaniyang makalangit na organisasyon. Ang kaniyang mga “anak” ay tinuruang magtiwala kay Jehova. Ang pandistritong kombensiyon ay isa sa mga paraan na ginagamit ni Jehova upang turuan tayo ngayon. Gayon ba ang pangmalas ninyo rito? Maaaring sagutin kaagad ninyo ng, ‘siyempre pa.’ Subali’t habang nasa kombensiyon, ginagawa ba ninyo ang lahat ng makakaya upang maintindihan ang buong programa? Maliwanag na para sa ilan, ito’y hindi gayon. Ano ang magagawa natin, bilang indibiduwal at bilang isang sambahayan, upang matiyak na tatamuhin natin ang pinakamalaking kapakinabangan mula sa programa ng kombensiyon?
9 Malaking pagsisikap at gastos ang kakailanganin sa ating bahagi upang makadalo sa kombensiyon. Karagdagan pa, ang Samahan at ang mga kapatid sa lugar ng kombensiyon ay gumugol ng maraming oras upang paglaanan tayo hangga’t maaari ng pinakamabuting pasilidad. Idagdag pa rito ang libu-libong oras na ginamit ng Samahan at ng mga tagapagsalita sa paghahanda ng programa, anupa’t maliwanag na maraming bagay ang dapat nating ipagpasalamat. Ang inyo bang pagpapahalaga ay magpapakilos sa inyo upang kunin ang pinakamalaking kapakinabangan mula sa buong kombensiyon?
10 Mahalaga na magkaroon ng sapat na pamamahinga bawa’t gabi. Nais nating mapasa kombensiyon na alisto at nasasabik na tamasahin ang bawa’t bahagi ng programa. Kung kayo’y darating nang pagod, makikita ninyong hindi madali ang manatiling gising at nakikinig, at ang inyong kakayahan na lubusang makinabang sa programa ay mababawasan nang malaki. Kaya, ang pagdating sa kombensiyon na nakapahinga nang lubusan sa bawa’t araw ay magdaragdag sa kasiyahan ninyo sa espirituwal na kapistahan.
11 Matutulungan tayong lubusang makapakinig kung paaalalahanan natin ang ating sarili kung bakit tayo nagtutungo sa kombensiyon—upang “makinig at kumuha ng higit pang tagubilin.” (Kaw. 1:5) Gaya ng nakatala sa Isaias 55:1, si Jehova ay nag-aanyaya sa kaniyang bayan upang kumuha ng nagbibigay-buhay na paglalaan na ipinagkakaloob niya nang walang bayad. Subali’t upang makuha iyon, kailangan silang “lubusang makinig.” Idinagdag niya ang payong ito: “Ikiling ninyo ang inyong pakinig at lumapit sa akin. Makinig, at ang inyong kaluluwa ay patuloy na mabubuhay.” (Isa. 55:2, 3) Kagaya nito, atin bang tatanggapin ang saganang alok ni Jehova ng nagbibigay-buhay na espirituwal na pagkain sa makabagong espirituwal na paraiso kung tayo ay inaantok anupa’t hindi makuha ang sinasabi ng tagapagsalita? Maliwanag, nanaisin nating ipakita ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng ating makakaya upang maging handa ang isip at katawan upang hindi malibanan ang anumang programa.
12 Ang isang kasiyasiyang bahagi ng pandistritong kombensiyon na ating tinatamasa ay ang pakikisama sa ating mga kapatid. Nasasabik tayong makita muli ang dating mga kaibigan, magkaroon ng panibagong mga kakilala, at ibahagi ang mga karanasan sa isa’t isa. Isinasaayos ng iba na dalawin ang mga pamilya at kaibigan pagkatapos ng sesyon sa bawa’t araw. Ang pagsasama-samang ito ay maaaring maging tunay na kasiyasiya at nakapagpapasigla sa espirituwal. Subali’t tiyakin na ang gayong pagdadalawan ay hindi magpapatuloy hanggang sa kalaliman ng gabi anupa’t hindi kayo lubusang makapagpahinga.
13 PAGKUHA NG NOTA: Bukod pa sa inyong Bibliya at songbook, huwag kalimutang magdala ng sulatan at ng lapis o pluma. Maaaring hindi natin ugaling kumuha ng nota sa mga pulong ng kongregasyon dahilan sa ang karamihan sa mga pahayag ay kinuha sa mga materyal na taglay ng lahat sa kongregasyon. Ang pagkuha ng impormasyon sa pandistritong kombensiyon ay kakaibang bagay. Bagaman ang ilan sa mga pahayag ay lilitaw sa takdang panahon sa mga publikasyon, ang iba ay hindi. Kahit na ang lahat ng mga pahayag ay ilalathala sa dakong huli, may malaking kapakinabangan pa rin kung kayo ay kukuha ng maikli at makahulugang mga nota.
14 Ang pagkuha ng mga nota ay nagsisilbing tulong sa matamang pakikinig. Taglay ang panulat at papel sa kamay, ibukod ang mga susing punto ng tagapagsalita at ang mga susing teksto o ang isang bagong ideya na maaaring iharap. Pagkatapos ay gumawa ng maikling nota para dito. Kadalasang ang isa o dalawang pangungusap ay sasapat na para sa isang susing punto. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mungkahing ito, ang inyong matamang pakikinig ay susulong nang walang pagsala. Malamang na hindi maglakbay ang inyong isip o masira ang inyong pansin ng mga ilang nangyayari sa palibot ninyo. Masasangkapan din kayo upang makabahagi sa repaso ng mga tampok na bahagi sa kombensiyon sa inyong kongregasyon sa susunod na linggo.
15 May makakasama ba kayong mga kabataan o tin-edyer? Kung gayon bakit hindi isaayos na sila rin ay kumuha ng nota ayon sa kanilang kakayahan at edad? Ipabatid sa pamilya na may plano kayong repasuhin ang ilang pangunahing punto na pinalitaw ng mga tagapagsalita kapag kayo ay bumalik sa inyong tinutuluyan o habang naglalakbay pauwi sa bahay. Ang mga anak na nakababata ay maaaring pasiglahin na isulat ang lahat ng kasulatang binasa o isulat kung ilang ulit nilang narinig na binanggit ng tagapagsalita ang mga susing salita o tema sa kaniyang pahayag. Sa paggawa nito, malaki ang makukuha nila sa mga pahayag. Makabubuti sa mga bata na matutong makinig sa mga pagpupulong na Kristiyano. Matutulungan ninyo silang magtayo ng isang matibay na saligan para sa hinaharap.—1 Tim. 6:19.
16 DI MAPUPULAANG PAGGAWI: Sa bawa’t taon sa pagtatapos ng ating mga pandistritong kombensiyon, kadalasan tayong nakakatanggap ng mga kanaisnais na komento hinggil sa kaayusan at mabuting paggawi na maliwanag na namamalas. Ang mga nagmamasid ay kadalasang nagkokomento tungkol sa masinop na anyo ng mga matatanda at bata. Hindi natatangi ang 1986. Subali’t bakit natin binabanggit ito? Sapagka’t nakapagpapatibay na malaman na, kapag tayo ay nagbibigay ng mabuting halimbawa, ito ay nakikita at pinahahalagahan ng iba. (1 Cor. 4:9) Higit pang mahalaga, ito ay nagdudulot ng papuri sa Diyos. Nais nating parangalan si Jehova sa salita at sa gawa, at yamang ang mga tao ay maaaring humatol sa organisasyon batay sa ating paggawi, nais nating maging palaisip kung paano tayo gumagawi.
17 Ang manedyer ng isang hotel ay sumulat: “Ang lahat ng inyong mga delegado ay napakagiliw at magalang, at kaming lahat ay nalugod na makasama sila.” Ang isang opisyal ng pamahalaan na nakatira sa malapit sa estadiyum na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ay nagsabi: “Bilang isang kapitbahay masasabi kong ako ay naniniwala sa inyong samahan, sa paraan ng inyong paglilinis sa estadiyum. . . . Ako’y naniniwala sa inyong disiplina.” Isang opisyal ng polisya ang nagsabi: “Kayong mga tao ay tunay na nagkakaisa at maliligaya. Walang suliranin sa kapayapaan at katiwasayan kapag kayo ay naririto. Ang lahat ay tahimik at disiplinado.” Isang manedyer ng banko ang nagkomento: “Ang lahat ay kumikilos nang maayos. Kapag kayo’y kasama nila [mga Saksi ni Jehova] walang dapat na ikabahala. Sila ay tunay na tagapagsagawa ng banal na kapayapaan. Ang uring ito ng saloobin ay wala sa iba pang grupo ng mga tao.”
18 Gayumpaman, may mga ilang larangan na doo’y nangangailangan pa na bigyan ng atensiyon upang tayo ay lubusang ‘lumiwanag bilang mga tagapagdala ng liwanag,’ lalo na kung tayo ay malayo sa lugar ng kombensiyon. (Fil. 2:15) Una, kumusta ang ating ginagawa kung tungkol sa pagrereserba ng di kinakailangang upuan?
19 Ang pagsulong ay napansin sa bagay na ito, at dahilan dito ay pinupuri namin kayo. Gayumpaman, pakisuyong ingatan sa isipan na ang MGA UPUAN AY MAAARING IRESERBA LAMANG PARA SA INYONG MALAPIT NA KAMAG-ANAK AT SA SINUMANG NAGLALAKBAY NA KASAMA NINYO. Likas lamang na naisin nating umupo kapiling ng mga kasama natin, at inaasahan na ang malalapit na magkamag-anak ay mauupong magkakasama. Subali’t pakisuyong huwag magrereserba ng upuan para sa iba. Kadalasan ang mga magkakaibigan ay humahanap ng sarili nilang upuan at ang ekstrang inyong inireserba ay hindi nagagamit. Ang pagtitiwala kay Jehova ay maipakikita sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tagubiling ito.
20 Dapat tayong gumawi sa isang huwarang paraan SA LAHAT NG PANAHON. Ang ilan ay nag-ulat na ang ilang mga kapatid ay umalis sa lugar ng kombensiyon bago pa matapos ang programa upang mauna sa pagsakay pauwi sa bahay. Ito ay nagdudulot ng gambala sa iba na nagnanais na makinig sa buong programa. Ang iba ay nagmamadaling umuwi upang mag-aliw sa makasanlibutang paraan. Ito’y nagdiriin sa pangangailangan na panatilihin ang di mapupulaang paggawi sa lahat ng panahon.—1 Ped. 2:12.
21 Pagkatapos ng programa ng kombensiyon, marami ang nagsasamasama para sa pagkain at pagsasamahan. Kapag ginamit nang wasto ang panahon, ito ay magsisilbing pampasigla sa espirituwal habang bumabahagi tayo sa mga karanasan at nirerepaso ang mga tampok na bahagi ng kombensiyon. Ang pagsasagawa nito ay hindi magdudulot ng anumang reklamo, yamang tayo ay gumagawi “sa paraang karapatdapat sa mabuting balita.”—Fil. 1:27.
22 Sa mismong kombensiyon, ingatan ang ating isipan sa espirituwal na mga bagay. Noong nakaraan ay ginamit ng ilan ang kombensiyon ukol sa pakinabang sa materyal, paghahanda ng mga bagay na maititinda sa kombensiyon. Nais naming muling ipagunita sa lahat na walang pagtitinda ng personal na bagay ang pahihintulutan sa loob ng lugar ng kombensiyon, at ang mga bagay na nagmumula lamang sa Samahan ang pahihintulutan sa bookroom o sa iba pang departamento ng kombensiyon.
23 Ingatan din sa isipan na ang departamento ng refreshment ay magsasara sa panahon ng sesyon, kaya dapat na kumuha na kayo ng kailangan ninyo sa pagitan ng mga sesyon upang walang magambala sa panahon ng programa.
24 Napansin sa ilang mga kombensiyon na, pagkatapos na umalis ang tagapakinig, maraming pirasong papel, balat ng kendi, at mga lalagyan ang nagkalat sa palibot ng estadiyum. Atin bang ikakalat ang gayong mga bagay sa ating Kingdom Hall? Kung gayon di ba’t kailangan tayong maging malinis at masinop, na pinupulot ang ating mga basura at itinatapon iyon sa wastong lalagyan o dinadala iyon sa ating tahanan upang itapon doon? Hinihimok ang mga magulang na wastong sanayin ang kanilang mga anak upang iwasan ang pagkakalat sa estadiyum o sa bulwagan.
25 Ang isang pangwakas at mabait na paalaala ay may kinalaman sa pag-uusap sa panahon ng sesyon. Kung ang programa ay nagpasimula na at kayo ay nasa inyong upuan na pero nakita ninyo ang isang kapatid na hindi ninyo nakikita sa matagal na panahon, ano ang gagawin ninyo? Tatayo ba kayo, kakaway at tatawagin ang kapatid, o mananatili kayong nakaupo at sisikaping hanapin na lamang siya pagkatapos ng sesyon? Kung kailangang kayo ay umalis sa upuan upang magtungo sa palikuran o dalhin doon ang inyong mga anak, magiging maibigin kung kayo ay babalik sa iyong upuan karakaraka hangga’t maaari nang hindi na nakikipag-usap pa sa iba sa mga daanan. Naipagunita na sa atin na ang pagiging nasa kombensiyon ay hindi dapat na maging kakaiba kaysa kung tayo ay nasa ating lokal na Kingdom Hall.
26 KAILANGANG PAGKAIN: Ang mga paglalaan para sa pagkain at inumin ay makakatulad din sa mga pandistritong kombensiyon nang nakaraang mga taon. Magkakaroon ng mga tiket sa kombensiyon. Sa taóng ito ang bawa’t tiket sa kombensiyon ay magkakahalaga ng ₱10.00, na binaha-bahagi sa tig-25 sentimos. Mabibili ninyo ang mga ito sa mga kahera pasimula sa pagbubukas ng unang araw ng kombensiyon.
27 BOLUNTARYONG PAGLILINGKOD: Bagaman iilan na lamang boluntaryo ang kailangan upang gumawa dahilan sa pinaging-payak na kaayusan sa kombensiyon, gayunman ang tulong mula sa mga boluntaryo ay kailangan pa rin para sa maayos na pagkilos ng kombensiyon. Puwede bang magkaroon kayo ng bahagi? Ang inyong convention coordinator ay tatanggap ng impormasyon hinggil sa mga departamento na nangangailangan ng tulong, at ipapabatid niya ito sa kongregasyon. Maaari kayong magboluntaryo sa pamamagitan niya. Ang mga bata na kulang pa sa 16 anyos na magtatrabaho ay dapat na kasama ng magulang o ng iba pang matanda sa lahat ng panahon.
28 Magkakaroon pa rin ng biglang pangangailangan para sa mga boluntaryo. Makipag-ugnayan kaagad sa Volunteer Service Department pagdating ninyo sa kombensiyon. Kahit na maaari lamang kayong magtrabaho ng ilang panahon sa kombensiyon, ang inyong paglilingkuran ay pahahalagahan.
29 KONKLUSYON: Nalalapit na ang panahon ng kombensiyon. Kami ay umaasa na makikita kayong lahat doon. Ang Pamilyang Bethel ay nananabik na makasama kayo sa iba’t ibang kombensiyon. Inorganisa ni Jehova ang kaniyang bayan sa paraang teokratiko at nalalaman niya kung ano ang ating kailangan sa mga huling araw na ito. Sa pamamagitan ng mga kombensiyon, tayo ay pinalalakas at pinatitibay ni Jehova upang makapagtiis nang may katapatan hanggang sa katapusan. Kung gayon tayo ay pagpapalain ng buhay sa kaniyang bagong sistema. (Isa. 40:29; 41:10; 1 Juan 5:14) Tinitiyak ito sa atin habang patuloy tayong “nagtitiwala kay Jehova.”
[Kahon sa pahina 6]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
TULUYAN: Kami ay nagpapadala ng isang suplay ng Room Request forms sa bawa’t kongregasyon. Ang mga nangangailangan ng tuluyan ay dapat na punan ang isa sa mga pormang ito at ibigay sa convention coordinator ng inyong kongregasyon. Kaniyang susuriin ito at pipirmahan, at pagkatapos ay ipadadala sa Watch Tower Convention sa isa sa mga direksiyon sa ibaba.
MGA ORAS NG PROGRAMA: Landas ng karunungan at pagpapakita ng pagpapahalaga na tayo ay nasa upuan na kapag nagpasimula ang programa. Ito ay sa 9:10 n.u. sa unang araw at sa bandang 9 n.u. sa ibang mga araw. Gumawa ng plano na manatili hanggang sa katapusan ng mga sesyon. Ang katapusang awit at panalangin ay sa 5:35 n.h. sa unang araw, 5:00 n.h. sa ikalawang araw, at 4:00 n.h. sa katapusang araw.
MGA PANTANGING PAGPUPULONG: Isang pulong ang gaganapin kasama ang lahat ng mga regular at espesyal payunir at mga naglalakbay na tagapangasiwa sa 11:45 n.u. sa unang araw, samantalang isang pulong kasama ng mga matatanda ang idaraos sa 11:45 n.u. sa ikalawang araw. Ang lugar para sa mga pulong na ito ay ipatatalastas sa plataporma.
PIONEER IDENTIFICATION: Ang lahat ng mga regular at espesyal payunir at ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ay dapat na magdala ng kanilang Identification and Assignment card (S-202) sa kombensiyon. Ang mga nasa talaan mula pa noong Hulyo 1, 1987 o bago pa ng petsang ito ay maaaring tumanggap ng mga tiket ng kombensiyon na nagkakahalaga ng ₱50.00 kapag iniharap nila ang kanilang ID card sa isa lamang kombensiyon. Maingat ninyong pangalagaan ang card tulad sa pera. Hindi ninyo maaaring makuha itong muli sa kombensiyon. Anumang ipagkakaloob na releases o iba pang literatura sa halaga ng payunir ay makukuha ng mga payunir sa bookroom kapag ipakita nila ang kanilang ID card.
LAPEL CARDS: Inilaan ang mga card na ito upang ilathala ang kombensiyon at upang makilala ang ating mga kapatid na dumadalo. Dahilan dito, pakisuyong isuot ang lapel card sa kombensiyon at habang naglalakbay mula at patungo sa lugar ng kombensiyon. Dapat ninyong kunin ang mga ito sa inyong kongregasyon yamang ang mga ito ay hindi makukuha sa kombensiyon. Ang lapel card ay 15¢ ang isa at ang celluloid na lalagyan ay ₱1.00 ang bawa’t isa. (Pansinin ng kalihim: Ang mga lapel card ay dapat na pinidido sa Special Order Blank for Forms. Kung hindi ito nagawa, magpadala ngayon ng mga pidido para sa mga ito sa isang regular na S-14.)
ISANG BABALA: Saan man kayo dadalo, bantayan ang inyong mga dala-dalahan sa lahat ng panahon. Kung mayroon kayong sasakyan, tiyaking ito ay nakasusi at huwag kayong mag-iiwan ng mahahalagang bagay sa loob ng isang nakaparadang sasakyan. Bantayan din ang mga magnanakaw at mandurukot na naaakit ng malalaking pagtitipon. Lakip na dito ang hindi pag-iiwan ng anumang bagay na mahalaga kung walang nagbabantay sa mga upuan sa kombensiyon.
Disyembre 25-27, 1987
Ilagan, Isabela: c/o Isidro Balmaceda, Baculod, Ilagan, Isabela 1301.
Vigan, Ilocos Sur: Kingdom Hall, 54 Quirino Blvd., Vigan, Ilocos Sur 0401.
Baguio City: c/o Macario Parrocha, 278 Magsaysay Avenue, Baguio City 0201.
Binalonan, Pangasinan: c/o Santiago Partido, Assembly Hall of Jehovah’s Witnesses, Binalonan, Pangasinan 0714.
Lingayen, Pangasinan: c/o Rufo Macaraeg, 71 Tonton, Lingayen, Pangasinan 0702.
Mabalacat, Pampanga: c/o Generoso D. Canlas, 142 MacArthur Highway, Dau, Mabalacat, Pampanga 2024.
Quezon City (1): P.O. Box 2044, Manila 2800.
Cavite City: Kingdom Hall, 700 Captain Novales Street, Caridad, Cavite City 2705.
Marikina, MM: Kingdom Hall, 5 Malvar Street, J. dela Peña, Marikina, Metro Manila 3121.
Pili, Camarines Sur: c/o Emilio Briñas, Sagrada, Pili, Camarines Sur 4730.
Iloilo City: 65 Escarilla Subdivision, Mandurriao, Iloilo City 5901.
Cebu City: 828-B Mercado Compound, Tres de Abril St., Punta Princesa, Cebu City 6401.
Davao City (1): Kingdom Hall, Corner Lopez Jaena and F. Torres Streets, Davao City 9501.
Cagayan de Oro City: c/o Nicolas Reymundo, Jr., 52 Vamenta Blvd., Carmen, Cagayan de Oro City 8401.
Zamboanga City: 541 San Jose Road, Baliwasan, Zamboanga City 7801.
Tantangan, South Cotabato: c/o Oscar Presas, Mangilala, Tantangan, South Cotabato 9326.
Disyembre 29-31, 1987
Quezon City (2): P.O. Box 2044, Manila 2800.
Davao City (2): Kingdom Hall, Corner Lopez Jaena and F. Torres Streets, Davao City 9501.
Enero 1-3, 1988
Tuguegarao, Cagayan: c/o Catalino Mabanglo, 17 A. Bonifacio Street, Tuguegarao, Cagayan 1101.
Bayombong, Nueva Vizcaya: c/o Mrs. Trinidad V. Bunuan, Market Site, Diversion Road, Bayombong, Nueva Vizcaya 1501.
Bauang, La Union: c/o Romeo Acosta, Calumbaya, Bauang, La Union 0515.
Alaminos, Pangasinan: c/o Bonifacio Rancudo, 20 Don Carlos Garcia Street, Alaminos, Pangasinan 0709.
Tarlac, Tarlac: c/o Gregorio Ibarra, Aguso, Tarlac, Tarlac 2101.
Lucena City: c/o Emilio Pascua, Employees Subdivision, Gate 1, Lucena City 3901.
Masbate, Masbate: c/o Philip Shoe Shop, 43 Zurbito Street, Masbate, Masbate 5101.
Puerto Princesa City: c/o Antero B. Garcia, B-Tre Studio, Malvar Street, Puerto Princesa City 2901.
Bacolod City: c/o Serafin Sabordo, 68 Mabini Street, Bacolod City 6001.
Tagbilaran City: c/o Felix Acma, 44 R. Palma Street, Tagbilaran City 6301.
Tacloban City: 185 M. H. del Pilar Street, Tacloban City 7101.
Buenavista, Agusan del Norte: c/o Samuel Tabinas, Montillano Street, Buenavista, Agusan del Norte 8002.
General Santos City: Kingdom Hall, 8 Siniguelas Street, General Santos City 9701.
Oroquieta City: c/o Marcos Evangelista, c/o Rosario Bugahod, Capitol Site, Oroquieta City 9108.