1986 “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kumbensiyon
1 Tumitingin sa hinaharap ang mga Saksi ni Jehova taglay ang pananabik sa 1986 “Banal na Kapayapaan” na mga Pandistritong Kumbensiyon na nakatakdang idaos sa katapusan ng taong ito o sa pagsisimula ng 1987. Ang listahan ng mga kumbensiyon ay lumilitaw sa pahina 6 ng insert na ito. Magnanais ang lahat na magplano upang makadalo.
2 Mula pa sa sinaunang panahon, ang mga lingkod ni Jehova ay nagtitipon na sa mga asamblea. Halimbawa, samantalang ang mga Israelita ay nasa Ehipto, tinipon nina Moises at Aaron ang mga matatandang lalaki upang maibigay sa kanila ang pantanging tagubilin. (Exo. 4:27-31) Pagkatapos, gaya ng iniutos ng Diyos, ang mga Israelita ay nagtipon sa paanan ng Bundok ng Sinai. Sa pagkakataong iyon ay nasaksihan nila ang kagilagilalas na kapangyarihan ni Jehova at noon nila tinanggap ang kaniyang mga kautusan. (Exo. 19:10-19) Nang maitayo ang templo, tinipon ni Salomon ang bayan sa Jerusalem para sa pag-aalay ng gusaling iyon. Ang kumbensiyon ay tumagal ng maraming araw, at nang ang bayan ay umuwi sila’y “nagagalak at may masayang puso dahil sa kabutihang ipinakita ni Jehova kay David at kay Salomon at sa Israel na kaniyang bayan.” (2 Cron. 5:1-7:10) Ang bayan ay palagiang nagtitipon upang ipagdiwang ang taunang mga kapistahan, at bilang bunga, sila ay nakaranas ng maraming pagpapala.
3 Ang sinaunang mga Kristiyano ay patuloy na sumunod sa kaugaliang ito. Sa maraming pagkakataon, malalaking pulutong ang nagtipon upang makinig kay Jesus. Isipin na lamang ang mga pagpapala na tinanggap niyaong mga dumalo nang ibigay ni Jesus ang Sermon sa Bundok! (Mat. 5:1-7:29) Pagkatapos ng kamatayan ni Jesus, patuloy na nagtipon ang kaniyang mga tagasunod kagaya noong araw ng Pentecostes, 33 C.E. nang ibuhos ang banal na espiritu. (Gawa 2:1-4) Si Pablo ay nagpayo: “At tayo’y mangagtinginan upang tayo’y mangaudyok sa pag-iibigan at mabubuting gawa, na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangag-aralan sa isa’t isa, at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.”—Heb. 10:24, 25.
4 Sa nakaraang mga panahon, ang mga kumbensiyon ay nagkaroon din ng isang pantanging dako sa ating teokratikong kaayusan. Ang mga ito ay hindi lamang isang sosyal na okasyon kundi dinisenyo upang turuan at pagkaisahin ang mga lingkod ni Jehova. Ang lahat ng dumadalo ay tumatanggap ng magkakatulad na tagubilin sa gayunding panahon. Ito ay umaakay sa kapayapaan at pagkakaisa. Ang gayong mga pagtitipon ay nagbubunga ng maraming mayamang espirituwal na mga pagpapala at nagsisilbing okasyon para sa malaking kagalakan.
DALUHAN ANG LAHAT NG SESYON
5 Ang mga kumbensiyon na nakatakda sa pagkakataong ito ay magtatampok sa temang “Banal na Kapayapaan.” Si Jehova ay Diyos ng kapayapaan, at kaniyang pinagpapala ang kaniyang bayan ng kapayapaan din. (Awit 29:11) Iba’t ibang bahagi ng temang ito ang itatampok bawa’t araw.
6 Pagsikapang daluhan ang apat na araw. Ang pambukas na sesyon ay magsisimula sa 1:30 n.h. ng Huwebes. Ito ay magbibigay ng sapat na panahon sa maraming mga kapatid na makapaglakbay patungo sa kumbensiyon sa Huwebes ng umaga.
7 Hinihimok namin kayong muli na dumalo sa kumbensiyon kung saan inatasan ang inyong kongregasyon bilang pagsunod sa kaayusan sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Setyembre. Gayumpaman, nauunawaan na maaaring magkaroon ng iba’t ibang mga kalagayan tulad ng pangangailangan na matulungan ang mga kamag-anak na nakatira sa ibang lugar. Anuman ang kalagayan, mangyari lamang na makipagtulungan sa tagubilin na ibibigay ng inyong coordinator ng kumbensiyon.
MGA KAAYUSAN SA BAUTISMO
8 Ang bautismo ay karaniwang isa sa mga tampok na bahagi ng pandistritong kumbensiyon. Ang pahayag sa mga kandidato sa bautismo ay sa umaga ng Sabado. Yaong mga nagbabalak magpabautismo ay dapat na magrepaso sa mga katanungan sa aklat na Ating Ministeryo, pahina 173-5 sa pamamagitan ng lokal na matatanda. Isang angkop na pampaligo at isang tuwalya ang dapat dalhin ng bawa’t isa na magpapabautismo.
9 Pakisuyong pansinin na nais ng Samahan na ang lahat ng mga kandidato sa bautismo ay manatiling nakatayo sa seksiyon na nakalaan para sa kanila para sa pag-awit ng unang tatlong stanza ng awit sa pagtatapos ng sesyon pagkatapos ng pahayag sa bautismo. Ang mga inatasang attendant ay tutulong sa mga kandidato na lumabas samantalang inaawit ang ikaapat na stanza. Ang tagapakinig ay dapat na manatili sa pag-awit ng buong awitin upang makalabas ang mga kandidato sa bautismo.
MAGING ISANG MABUTING TAGAPAKINIG
10 Nais nating lahat na maging mabuting tagapakinig. Sa sinaunang Israel ang pag-uutos ay ibinigay: “Pisanin mo ang bayan, ang mga lalake at ang mga babae at mga bata. . . , upang sila ay makinig at upang sila ay matuto.” (Deut. 31:12) Tayo ay nagtitipong samasama upang turuan ni Jehova. Ang Kawikaan 1:5 ay nagsasabi: “Ang pantas na tao ay nakikinig upang magtamo ng magagaling na payo.”
11 Napakainam na tagubilin ang inilaan sa Watchtower noong Pebrero 1, 1986, pahina 30, hinggil sa pangangailangang makinig na mabuti sa mga kumbensiyon. Isang bahagi nito ang nagsasabi: “Ang marami sa atin ay gugugol ng malaking panahon at pera upang makadalo. Kaya tiyakin natin na tayo ay laging nasa panahon at nasa mabuting kalagayang pisikal. Yao’y nangangahulugan na tayo ay di dapat na lumabis sa pagkain at pag-inom o magpuyat. Sa halip, tiyakin natin na maging katamtaman lamang sa mga ito at maagang matutulog upang makapahingang mabuti at maging handa sa pagkuha ng lahat na inilaang espirituwal na pagkain. Habang may programa, manatiling nakikinig sa ating mga upuan at huwag magpagalagala o makipag-usap. . . . Ang panahon para makipag-usap sa mga kaibigan ay bago o pagkatapos ng sesyon. Oo, maging lubusang determinado na mapatibay sa espirituwal.” Sisikapin ba nating ikapit ang mainam na payong ito?
12 Ikinagagalak natin na sa kalakhang bahagi, ang mga dumadalo sa kumbensiyon ay nagsisikap na lubusang makinig sa programa. Ang mga pamilya ay nauupong magkakasama, kumukuha ng nota, at sumusubaybay sa mga Kasulatan sa kanilang sariling Bibliya. Ang isang reporter ng pahayagan na dumalo sa kumbensiyon sa Nairobi, Kenya ay may ganitong obserbasyon: “Silang lahat ay waring nagpipitagan kay Jehova. Ang lahat, pati na ang mga bata ay matiyagang nakikinig sa bawa’t tagapagsalita. Sila ay nakaupo mula 1:30 hanggang 5:10 n.h.” Ang isang pahayagan sa Arhentina ay nagsabi na “ang kaayusan, kalinisan, at katahimikan” ng mga nagsidalo ay katangian ng kumbensiyon na idinaos sa Buenos Aires kamakailan.
13 Gaya ng nabanggit na, hindi natin nais gambalain.ang iba sa pamamagitan ng pag-uusap o paglalakad samantalang may programa. Dapat na balikatin ng mga magulang ang pananagutan na pamahalaan ang kanilang mga pamilya, na tinitiyak na ang kanilang mga anak ay nakikinig at natututo. Iminumungkahi na repasuhin ng mga ulo ng pamilya sa kanilang sambahayan ang tagubilin na nasa insert na ito bago dumalo sa kumbensiyon. Sa pamamagitan ng pagsunod dito, makapaglalaan kayo ng mabuting halimbawa sa iba lalo na sa mga baguhan. Napansin sa isang kumbensiyon na isang grupo ng mga tin-edyer ang nauupong magkakasama na hiwalay sa kanilang mga magulang. Hindi sila nakikinig sa programa o nakikibahagi kahit na sa awit at panalangin. Sa halip, sila ay nag-uusap at nagmimeryenda hanggang matapos ang sesyon. Ang kanilang inugali ay nakagambala sa mga nakapalibot sa kanila. Ipinakikita nito ang nalilikhang suliranin kapag ang mga magulang ay naging maluwag at hindi nauupong kasama ng kanilang mga anak.
PAGRERESERBA NG MGA UPUAN
14 Ang insert noong Oktubre, 1985 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagsasabi: “ANG MGA UPUAN AY MAAARING IRESERBA LAMANG PARA SA MIYEMBRO NG INYONG PAMILYA AT SA SINUMANG KASAMA NG INYONG GRUPO SA PAGLALAKBAY.” Pakisuyong huwag maglagay ng anumang bagay sa katabing upuan sa lahat ng pagkakataon. Sa ganitong paraan ay madaling makikita ito ng mga naghahanap ng upuan. Huwag nating hanapin ang sarili lamang kapakanan kundi ang kapakanan din ng iba.—Gal. 6:10; 1 Cor. 13:5.
15 Bagaman ang karamihan ay sumusunod sa tagubiling ito, mayroon pa ring ulat ng tungkol sa sobrang pagrereserba ng mga upuan sa ilang dako. Ano ba ang ginagawa natin at ng ating pamilya sa bagay na ito? Tayo ba ay nangunguna sa pagpapakita ng pagpapakumbaba, pagdamay sa kapuwa, at habag sa iba?—Luk. 14:7-11; Fil. 2:3; 1 Ped. 3:8.
PANANAMIT AT PAG-AAYOS
16 Ang pasilidad ng kumbensiyon ay nagiging “Kingdom Hall” natin sa panahon ng kumbensiyon, kaya tayo ay dapat na kumilos at manamit ng nababagay doon. Ang ating mga kapatid na lalake at babae ay mabuting halimbawa sa bagay na ito anupa’t isang mabuting patotoo ang naibigay nito. Ang isang babae na nagmamasid sa mga kumbensiyonista sa kanilang pagtungo sa stadium ang nagsabi sa isang kapatid na babae na katabi niya: “Ang mga taong ito ay namumukod-tangi sa kanilang paraan ng pananamit sa pagtungo sa kumbensiyon. Napakaganda ng kanilang pananamit, napakalinis at masinop. Kamangha-mangha ang ayos ng kanilang mga kabataan. Wala man lamang sa kanilang nagsusuot ng maong! Tunay na kamangha-mangha para sa mga kabataan.” Madaling tinanggap ng taong ito ang paanyaya na dumalo sa kumbensiyon at siya ay humanga sa kaniyang nakita.
17 Kumusta naman ang ating anyo samantalang nasa ating tuluyan o samantalang naglalakbay patungong kumbensiyon? Tayo ay laging magnanais manamit sa paraang magdudulot ng karangalan sa pangalan ni Jehova, kahit na sa panahon ng ating pagpapahinga at paglalakbay. Maging matalino tayo na hindi nagiging sanhi ng anumang ikatitisod.—2 Cor. 6:3.
PAGGAWI SA KUMBENSIYON
18 Dapat na maging alisto tayong lahat na mapanatili ang mataas na pamantayan ng paggawing Kristiyano sa dako ng kumbensiyon. Dapat nating ipamalas ang espirituwal na kalagayan ng isipan at gumawi bilang mga ministro. Ito’y nangangahulugan na hindi natin sasamantalahin ang kumbensiyon upang kumita. Sa nakaraan ang ilan ay talagang naghanda ng mga bag, takip ng libro, kalendaryo, abp. upang itinda sa kumbensiyon. Wasto na namang paalalahanan ang lahat na walang pahihintulutang magtinda ng personal na bagay sa loob ng kumbensiyon, kundi ang mga bagay mula sa Samahan ang pahihintulutan lamang sa bookroom o sa iba pang departamento. Pansamantala nating itabi ang personal na bagay at ilaan ang buong apat na araw sa pagkuha ng espirituwal na tagubilin mula kay Jehova, na ipinamamalas na tayo ay “nangingilag sa pag-ibig sa salapi” at “nasisiyahan sa mga bagay na tinatangkilik.”—Heb. 13:5.
19 Upang ang lahat ay makapakinig na mabuti sa programa, ang mga tagapangasiwa ay tinagubilinan na isara ang kanilang mga departamento sa panahon ng sesyon. Lakip na rito ang refreshment department. Pinasisigla namin kayong lahat na makipagtulungan sa kaayusang ito upang ang lahat lakip na ang mga kapatid na nagtatrabaho sa mga departamento ay makapakinig nang walang pagkagambala sa espirituwal na payo mula sa plataporma.
20 Bagaman totoo na mayroon tayong mga boluntaryo upang maglinis sa stadium bawa’t gabi, nanaisin nating lahat na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng hindi pagkakalat ng papel, balat ng candy o lalagyan ng pagkain sa inyong mga upuan. Pupulutin ng bawa’t pamilya ang kanilang ginamit na papel bago umalis anupa’t ito’y makatutulong nang malaki sa mga tagapaglinis. Ang bayan ni Jehova ay kilala sa pagiging malinis at masinop, kaya gumawi tayong lahat sa paraang magbibigay ng kabanalan kay Jehova.—1 Ped. 1:15, 16.
MGA KAAYUSAN SA PAGLILINGKOD SA LARANGAN
21 Ang mga taong naninirahan sa mga lugar ng kumbensiyon ay kadalasang nakakaalam na mayroon tayong kumbensiyon dahilan sa malaking pulutong o kung minsan ay dahilan sa larangan ng pagbabalita. Napupukaw ang kanilang interes at sila’y nagkakaroon ng maraming katanungan. Kaya tayo ay nakapagbibigay ng patotoo hindi lamang sa pamamagitan ng ating mainam na paggawi kundi sa pamamagitan din ng tuwiran nating pakikipag-usap sa mga tao. Humanap ng mga pagkakataon na makapagbigay ng di pormal na patotoo samantalang namimili, naglalakbay mula at patungo sa lugar ng kumbensiyon, at iba pa.
22 Bilang karagdagan, may mga kaayusan na namang gagawin sa bawa’t kumbensiyon para sa paglilingkod sa larangan sa Biyernes, pagkatapos ng sesyon sa alas 3:00 n.h. Ito ay magbibigay ng pagkakataon sa ating lahat na makabahagi sa paglilingkod sa loob ng isa o dalawang oras. Pakisuyong magdala ng suplay ng bagong magasin para sa gawaing ito. Ang pakikibahagi sa ministeryo sa larangan ay magpapalaki ng inyong pagpapahalaga sa kumbensiyon.
BOLUNTARYONG PAGLILINGKOD
23 Malaking gawain ang kailangan sa pagpapatakbo ng isang kumbensiyon at pangangalaga sa pangangailangan ng mga nagsisidalo. Maraming boluntaryong manggagawa ang kailangan. Ang inyong convention coordinator ay tatanggap ng impormasyon na nagtatala ng mga departamento na nangangailangan ng mga boluntaryo at ito’y ipagbibigay-alam niya sa kongregasyon. Maaari ninyong isaayos sa pamamagitan niya ang inyong pagboboluntaryo. Ang mga bata na wala pang 16 na taong gulang ay dapat na gumawa kasama ng kanilang mga magulang o ng mga maygulang sa lahat ng pagkakataon. Hinihimok namin ang mga magulang at ang kanilang mga anak na magboluntaryo at gumawang magkakasama hangga’t maaari.
24 Maaaring mangailangan ng karagdagang boluntaryo. Kung nais ninyong tumulong, mangyari lamang na magtungo sa Volunteer Service desk kapag kayo’y dumating sa kumbensiyon. Ang inyong kusang loob na paglilingkod ay lubos na pahahalagahan at makatutulong sa matagumpay na pagkilos ng kumbensiyon.—Awit 110:3.
PANGANGAILANGAN SA PAGKAIN
25 Ang mga kaayusan ay isinasagawa na naman upang matugunan ang ating pisikal na pangangailangan. Ang paglalaan para sa pagkain at inumin ay katulad din sa mga pandistritong kumbensiyon nang nakaraang taon. Di ba’t pinahahalagahan natin ang pagsisikap ng ating mga kapatid sa Food Service Department sa paglalaan nila sa atin ng sapat na pagkain sa makatuwirang halaga?
26 Ang mga tiket sa kumbensiyon ay makukuha sa halagang ₱5.00 bawa’t pohas, na hinati-hati sa 10 sentimos ang bawa’t bahagi. Maaari ninyong bilhin ito mula sa mga kahera sa pagpapasimula ng araw ng kumbensiyon, malibang ang inyong kongregasyon ay magsaayos na bumili ng ilan sa mga ito nang patiuna mula sa pangulong tanggapan ng kumbensiyon.
KONKLUSYON
27 Maging kapasiyahan nawa natin at ng ating mga pamilya na madaluhan ang lahat ng sesyon sa 1986 “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kumbensiyon at lubusang makinig sa programs. Hindi tayo mabibigo. Bilang karagdagan, maging palaisip sa kapakanan ng ating mga kapatid na lalake at babae, na ginagawa ang lahat upang maipamalas ang pagkamaalalahanin at pag-ibig Kristiyano. (Gal. 6:10) Sa sanlibutang puno ng sigalot at karahasan, anong laking pribilehiyo natin na sumamba sa Diyos ng kapayapaan at mapayapang magtipon kasama ng ating mga kapatid. Patuloy nawa nating “maipakita ang pagkakaisa sa espiritu at tali ng kapayapaan.”—Efe. 4:3.