Magsaya Kayo kay Jehova at Magalak
ANG matagumpay na pagtatapos ng anumang mahalagang proyekto ay laging isang panahon para sa pagsasaya. Ang gradwasyon na ginanap noong Marso 13, 1999, sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, ay tiyak na isang masayang okasyon para sa 48 estudyante ng ika-106 na klase ng Watchtower Bible School of Gilead.
Itinampok ng pambukas na pahayag ni Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, nagtapos sa ikapitong klase ng Gilead, at tsirman ng programa sa gradwasyon, ang mga pananalita sa Awit 32:11: “Magsaya kayo kay Jehova at magalak, kayong mga matuwid.” Sa pagpapaliwanag kung bakit angkop para sa lahat na magsaya sa okasyong ito, aniya: “Dahil sa lahat ng ginagawa ni Jehova sa mga matuwid ang puso, kasali na ang ating mga estudyante ng Gilead, tayo’y nagsasaya sa mga okasyong gaya nito.” Yamang ang mga estudyante ay nagplanong magtungo sa Paaralang Gilead at puspusang nagsikap na maging kuwalipikado para sa paglilingkod bilang misyonero, si Jehova ang siyang nagpangyaring maging posible na ang lahat ng bagay ay matapos nang matagumpay. (Kawikaan 21:5; 27:1) Idiniin ni Brother Jaracz na iyan ang dahilan para sa ‘pagsasaya kay Jehova.’
Kabilang sa mga naroon sa awditoryum ng Patterson ang mga miyembro ng pamilya at ang mga panauhin ng mga estudyante na galing sa 12 bansa upang saksihan ang nakagagalak na okasyong ito. Gaya ng inaasahan ng 5,198 na dumalo—pati na ang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn, Patterson, at Wallkill, na nakaugnay sa pamamagitan ng audio at video—maliwanag na namayani ang nakagagalak na espiritu sa programa na kasunod nito.
Pinayuhan na Panatilihin ang Isang Nagagalak na Espiritu
Bilang pagtatapos ni Brother Jaracz sa kaniyang pambukas na pahayag, ipinakilala niya ang una sa limang tagapagsalita, na naghanda ng nakapagpapatibay-loob na mga paalaala mula sa Kasulatan hindi lamang para sa mga nagtapos sa Gilead kundi rin naman sa lahat ng dumalo.
Ang unang nagsalita ay si William Malenfant, isang nagtapos sa ika-34 na klase ng Gilead, na ngayo’y naglilingkod bilang isang katulong ng Komite sa Pagtuturo ng Lupong Tagapamahala. May kaugnayan sa kaniyang paksa na “ ‘Lahat ng Bagay’ ay Hindi Walang Kabuluhan!” batay sa Eclesiastes 1:2, nagbangon siya ng tanong: “Ibig bang sabihin ni Solomon na talagang walang kabuluhan ang lahat ng bagay sa ganap na diwa ng salita?” Ang sagot ay: “Hindi. Tinutukoy niya na ang mga gawain ng tao na nagwawalang-bahala sa kalooban ng Diyos, ang mga pagsisikap na hiwalay sa kalooban ng Diyos—ang lahat ng mga bagay na ito ay walang kabuluhan.” Kung ihahambing, ang pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova, ay hindi walang kabuluhan; ni ang pag-aaral man ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at ang pagtuturo nito sa iba. Hindi kinalilimutan ng Diyos ang mga pagsisikap na ito ng kaniyang mga lingkod. (Hebreo 6:10) Sa katunayan, kahit na may mangyaring kalamidad sa mga nakasumpong ng pabor sa Diyos, sila’y “tiyak ba mababalot sa supot ng buhay na taglay ni Jehova.” (1 Samuel 25:29) Anong nakapagpapasigla-sa-puso na kaisipan! Makatutulong sa lahat ng mananamba ni Jehova ang pag-alaala sa mga puntong ito upang mapanatili ang isang nagagalak na espiritu.
Pinasigla ni John Barr, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang klase ng nagtapos sa pamamagitan ng kaniyang pahayag na “Makasumpong ng Kaluguran sa Inyong Atas Misyonero.” Ipinakita niya na ang paglilingkod bilang misyonero ay isang bagay na laging malapít sa puso ng Diyos na Jehova. “Isang bagay ito na mahalagang bahagi na ng kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova sa sanlibutan. Isinugo niya ang kaniyang bugtong na Anak sa lupang ito. Si Jesus ang pinakadakilang misyonero, ang pinakamagaling na misyonero.” Habang binubulay-bulay ng mga nagtapos ang mga pagbabagong kinailangang gawin ni Jesus upang maging matagumpay sa kaniyang atas sa lupa, bukás pa rin ang mga pakinabang ng paglilingkod misyonero ni Jesus sa lahat ng magsasamantala rito. Ito’y dahilan sa, gaya ng binanggit ni Brother Barr, si Jesus ay nalugod sa paggawa ng gawain ng Diyos, at inibig din niya ang mga anak ng sangkatauhan. (Kawikaan 8:30, 31) Hinimok ni Brother Barr ang mga nagtapos na manatili sa kanilang mga atas, hindi lamang bilang pagbabata, kundi dahil sa nalulugod silang gawin ito. “Manalig kay Jehova; hindi ka niya pababayaan,” ang samo niya sa klase.—Awit 55:22.
“Paglakad sa Pangalan ni Jehova Magpakailanman” ang paksang napili ng sumunod na tagapagsalita, si Lloyd Barry, isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Palibhasa’y naglingkod bilang isang misyonero sa loob ng mahigit na 25 taon sa Hapón nang magtapos sa ika-11 klase ng Gilead, inilahad ni Brother Barry ang ilang karanasan ng unang mga misyonero at inilarawan ang mga hamon na kinailangang harapin nila. Ano ang praktikal na payo niya para sa klase ng mga nagtapos? “Higit sa lahat, panatilihin ninyo ang inyong espirituwalidad. Gayundin, pag-aralan ninyo ang wika at ang kultura. Panatilihin ninyo ang inyong ugaling mapagpatawa. At manatili kayo sa gawain; huwag manghina o manghimagod.” Sinabi ni Brother Barry sa mga nagtapos na makakaharap nila sa kanilang atas sa ibang bansa, ang maraming tao na lumalakad sa pangalan ng iba’t ibang diyos at mga bathala, at ipinaalaala niya sa kanila ang pananalita ni Mikas: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan kailanman.” (Mikas 4:5) Ang halimbawa ng dating mga misyonero ay tiyak na isang malakas na pangganyak sa lahat ng lingkod ng Diyos na patuloy na lumakad sa pangalan ni Jehova at maglingkod sa kaniya nang may katapatan.
Sumunod sa programa ang tagapagturo sa Gilead na si Lawrence Bowen. Ang tema ng kaniyang presentasyon ay nagbangon ng tanong na, “Magiging Ano Ka Kaya?” Ipinakita niya na ang tagumpay sa paglilingkod sa Diyos ay depende sa pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova. Ang lubos na pananalig kay Jehova ay nagdulot kay Haring Asa ng ganap na tagumpay sa isang hukbo ng kaaway na binubuo ng isang milyong lalaki. Gayunman ay pinaalalahanan siya ni propeta Azarias ng pangangailangan na patuloy na manalig sa Diyos: “Si Jehova ay sumasainyo hangga’t kayo ay sumasakaniya.” (2 Cronica 14:9-12; 15:1, 2) Yamang ang pangalan ng Diyos, si Jehova, ay nagtatawid ng ideya na siya ay nagiging anuman na kinakailangan upang matupad ang kaniyang layunin—ito man ay nangangahulugan ng pagiging isang Tagapaglaan, isang Tagapangalaga, o isang Tagapuksa pa nga—ang mga misyonerong nananalig kay Jehova at gumagawang kasuwato ng kaniyang layunin ay magtatagumpay sa kanilang mga atas. (Exodo 3:14) “Huwag kailanman kalimutan,” pagtatapos ni Brother Bowen, “na hangga’t ginagawa ninyong inyong layunin ang layunin ni Jehova, pangyayarihin niya kayo na maging anuman na kinakailangan upang matupad ang inyong atas.”
Ang panghuling tagapagsalita sa bahaging ito ng programa ay si Wallace Liverance, dating misyonero at ngayo’y registrar ng paaralan. Ang kaniyang diskurso, na pinamagatang “Panatilihing Buháy at Mabisa ang Salita ng Diyos sa Inyo,” ay tumawag ng pansin sa hindi nabibigong mensahe, o pangako, ng Diyos na laging sumusulong hanggang sa katuparan nito. (Hebreo 4:12) Naiimpluwensiyahan nito ang mga buhay niyaong nagpapahintulot na maimpluwensiyahan nito. (1 Tesalonica 2:13) Paano mapananatiling buháy at mabisa ang salitang iyan sa ating mga buhay? Sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Bibliya. Ipinaalaala ni Brother Liverance sa mga nagtapos ang mga paraan ng pag-aaral sa Bibliya na natutuhan sa Gilead na kasali rito ang pagbabasa at pagpapaliwanag sa diwa at pagkakapit ng Salita ng Diyos. Sinipi niya ang pananalita ni Albert Schroeder, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala na naglingkod bilang tsirman ng komite na nagtatag ng Paaralang Gilead mahigit na 50 taon na ang nakalipas: “Sa pamamagitan ng paggamit ng konteksto, nakukuha ng isa ang buo, tumpak at espirituwal na puwersa na ibinibigay ng Diyos sa kaniyang Salita.” Ang Salita ng Diyos ay pinananatiling buháy at mabisa ng paraang ito sa pag-aaral ng Bibliya.
Nakagagalak na mga Karanasan at mga Panayam
Kasunod ng mga pahayag, nasiyahan ang mga tagapakinig sa ilang nakagagalak na mga karanasan mula sa mga estudyante. Sa ilalim ng pangunguna ni Mark Noumair, dating misyonero at kasalukuyang tagapagturo sa Gilead, inilahad at itinanghal ng isang pangkat ng mga estudyante kung paano nila sinikap na magpatotoo sa iba’t ibang situwasyon. Ang ilan ay nakapagpasimula at nakapagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga tao sa teritoryo sa pagiging mapagmasid sa kanilang mga kalagayan at mga sinasabi at sa pagpapakita ng personal na interes. Sa gayon ang mga estudyante ay ‘nagbibigay ng palagiang pansin sa kanilang sarili at sa kanilang turo’ at talagang interesado sa pagtulong sa iba upang magkamit ng kaligtasan.—1 Timoteo 4:16.
Maraming praktikal na mga mungkahi ang ibinigay, at kitang-kita rin ang kagalakan ng paglilingkod misyonero sa pamamagitan ng maraming makaranasang mga kapatid na tumatanggap ng pagsasanay sa paaralan para sa mga miyembro ng komite sa sangay na idinaraos sa Watchtower Educational Center. Sina Brother Samuel Herd at Robert Johnson na mga kawani sa punong-tanggapan ay nagsagawa ng masiglang mga panayam sa mga kinatawan mula sa mga tanggapang pansangay ng Samahan sa Bolivia, Zimbabwe, Nicaragua, Central African Republic, Dominican Republic, Papua New Guinea, at Cameroon.
Kasunod ng mga karanasan at mga panayam, si Gerrit Lösch, isang nagtapos sa ika-41 klase ng Gilead at ngayo’y miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng panghuling pahayag tungkol sa nakapupukaw-kaisipang tema na “Ikaw ba’y Isang ‘Kanais-nais na Tao’?” Ipinaalaala muna ni Brother Lösch sa mga nagtapos na si Jesus, ang sakdal na Anak ng Diyos, ay hindi itinuring na kanais-nais ng mga tao, kundi “siya ay hinamak at iniwasan ng mga tao.” (Isaias 53:3) Kaya hindi kataka-taka na sa maraming bahagi ng daigdig ngayon, ang mga misyonero ay itinuturing na mga taong kinaiinisan, personal na hindi tinatanggap o inaayawan. Sa kabilang dako naman, noong matagal na panahon ng paglilingkod ni Daniel sa Babilonya, tatlong ulit na tinawag ng Maylalang sa pamamagitan ng isang anghel si Daniel na “lubhang kanais-nais.” (Daniel 9:23; 10:11, 19) Bakit naging gayon si Daniel? Hindi niya kailanman ikinompromiso ang mga simulain ng Bibliya kapag nakikibagay sa kultura ng Babilonya; tapat siya sa lahat ng paraan, anupat hindi niya kailanman ginamit ang kaniyang katungkulan para sa personal na pakinabang; at isa siyang masigasig na estudyante ng Salita ng Diyos. (Daniel 1:8, 9; 6:4; 9:2) Regular din siyang nanalangin kay Jehova at laging handang luwalhatiin ang Diyos para sa kaniyang mga nagawa. (Daniel 2:20) Sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Daniel, mapatutunayan ng mga lingkod ng Diyos na sila’y kanais-nais, hindi lamang sa sanlibutan, kundi sa Diyos na Jehova.
Upang wakasan ang programang nakapagpapasigla sa espirituwal na paraan, binasa ng tsirman ang ilang telegrama at mga mensahe na galing sa buong daigdig. Pagkatapos, tinanggap ng bawat isa sa 24 na mag-asawa ang kanilang mga diploma, at ipinatalastas ang bansang pinag-atasan sa kanila. Sa wakas, binasa ng isang kinatawan ng klase ang isang liham para sa Lupong Tagapamahala at sa pamilyang Bethel, na nagpapahayag ng pagpapahalagang nadama ng klase para sa pagsasanay at paghahanda na tinanggap nila sa nakalipas na limang buwan.
Nang matapos na ang programa, “pagsasaya na may mga pasasalamat” ang maririnig sa paalis na pulutong.—Nehemias 12:27.
[Kahon sa pahina 27]
Estadistika ng Klase
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 10
Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan: 19
Bilang ng mga estudyante: 48
Bilang ng mga mag-asawa: 24
Katamtamang edad: 33
Katamtamang taon sa katotohanan: 16
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13
[Larawan sa pahina 25]
Ika-106 na Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay may bilang mula sa unahan, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Deakin, D.; Puopolo, M.; Laguna, M.; Davault, S.; Dominguez, E.; Burke, J. (2) Gauter, S.; Vazquez, W.; Seabrook, A.; Mosca, A.; Helly, L.; Breward, L. (3) Brandon, T.; Olivares, N.; Coleman, D.; Scott, V.; Petersen, L.; McLeod, K. (4) McLeod, J.; Thompson, J.; Luberisse, F.; Speta, B.; Lehtimäki, M.; Laguna, J. (5) Gauter, U.; Dominguez, R.; Helly, F.; Smith, M.; Beyer, D.; Mosca, A. (6) Scott, K.; Seabrook, V.; Speta, R.; Coleman, R.; Breward, L.; Davault, W. (7) Smith, D.; Lehtimäki, T.; Petersen, P.; Thompson, G.; Vazquez, R.; Beyer, A. (8) Luberisse, M.; Deakin, C.; Brandon, D.; Puopolo, D.; Olivares, O.; Burke, S.