Nagtapos na mga Estudyante ng Salita ng Diyos
BILANG pagtulad sa unang-siglong mga Kristiyano, kilala sa buong daigdig ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang pangangaral sa bahay-bahay. Itinampok ang gawaing ito sa pambungad na mga salita ng programa sa pagtatapos ng ika-102 klase ng Watchtower Bible School of Gilead.
Noong Marso 1, 1997, itinawag-pansin ni Albert Schroeder, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang isang kamakailang artikulo sa pahayagang Pranses na Le Point. Binanggit nito ang Romano Katolikong mga plano na simulan ang bahay-bahay na pangangaral sa Italya. “Upang [ang mga misyonero ng Batikano] ay hindi dumating na walang dala habang nakikipagkompetensiya sila sa teritoryo ng mga Saksi ni Jehova,” sabi ng artikulo, “isinaayos pa man din ng Batikano na mag-imprenta ng isang milyong kopya ng Ebanghelyo ni San Marcos, yamang napapaharap ang kanilang mga sugo sa mga eksperto [mga Saksi] sa ‘pagpapasakamay’ ng mabuting salita sa bahay-bahay.”
Kabilang ang 48 nagtapos sa mga tumulad sa ekspertong pamamaraan ng pangangaral ni Jesus sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Nanggaling sila sa walong lupain tungo sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. Sa loob ng kanilang limang-buwang pag-aaral, pinag-aralan nila ang buong Bibliya. Kalakip din sa kanilang kurso ang kasaysayan ng organisasyon ng Diyos, praktikal na mga pitak ng buhay misyonero, at ang mga bunga ng espiritu ng Diyos. Lahat ng ito ay may isang layunin—ang ihanda sila para sa kanilang paglilingkuran sa ibang bansa bilang mga misyonero sa 17 lupain na pagsusuguan sa kanila. Sa kanilang pagtatapos, 5,015 na tagapakinig mula sa iba’t ibang bansa ang nakibahagi sa kagalakan ng okasyon. Anong panghuling praktikal na payo ang natanggap ng mga estudyanteng iyon sa Gilead?
Napapanahong Pampatibay-loob sa mga Bagong Misyonero
Pagkatapos ng pambungad na mga salita ng tsirman, si Ralph Walls, isang katulong sa Personnel Committee ng Lupong Tagapamahala, ay nagbigay ng unang maikling pahayag taglay ang praktikal na payo sa mga bagong misyonero. Ang tema niya ay “Huwag Kalimutang Umibig.” Ipinakita niya na inihula ng Bibliya, sa 2 Timoteo kabanata 3, na ang sanlibutan ay magiging lalo nang walang-pag-ibig. Ibinigay niya ang napapanahong paalaalang ito sa mga bagong misyonero, kasuwato ng paglalarawan sa pag-ibig na masusumpungan sa 1 Corinto 13:1-7: “Kayo, bilang mga misyonero, ay maaaring makalampas pa sa oras na kahilingan sa inyo. Maaaring taglay ninyo ang saganang kaalaman mula sa inyong pagsasanay sa Gilead. O baka masigasig na gumawa tayo sa loob ng mahahabang oras sa ating mga atas sa sangay. Ngunit walang kabuluhan ang lahat ng ating pagsisikap at sakripisyo kung kinalilimutan nating umibig.”
Ang sumunod sa programa ay si Carey Barber, ng Lupong Tagapamahala, na tumalakay sa paksang “Inaakay Tayo ni Jehova Patungo sa Tagumpay.” Sapol sa kanilang maliit na pasimula pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, inakay na ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod tungo sa tagumpay sa paghahayag ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian, sa kabila ng pag-uusig. Noong 1931 ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala sa kanila noon, ay tumanggap sa pangalang mga Saksi ni Jehova, na siya namang ikinahapis ng klero ng Sangkakristiyanuhan. “Ang ika-102 klase ng sinanay-sa-Gilead na mga misyonero ay may dakilang pribilehiyo ngayon na makibahagi nang lubusan sa maluwalhating gawain ng pagbibigay sa pinakamarami hangga’t maaari ng pagkakataong malaman ang sagradong pangalang iyan,” sabi ni Brother Barber. Naparagdag sila sa mahabang talaan ng 7,131 misyonero na sinanay sa Paaralang Gilead at nakatulong na mapalawak ang pangangaral ng Salita ng Diyos mula sa 54 na lupain noong 1943 hanggang sa 233 lupain ngayon.
Ang sumunod na tagapagsalita, si Lloyd Barry, na miyembro rin ng Lupong Tagapamahala, ay nagtapos sa ika-11 klase ng Gilead at naglingkod bilang isang misyonero sa Hapon sa loob ng 25 taon. Naglaan siya ng pampatibay-loob sa kaniyang tema, “Mamalagi Ka sa mga Bagay na Ito.” “Ang malaking bahagi ng inyong kagalakan ay masusumpungan sa pagbabata,” sabi niya sa mga estudyante. Anong mga gantimpala ang ibinubunga ng pagbabata sa gawaing pagmimisyonero o sa anumang teokratikong atas? “Higit sa lahat, ang ating pagbabata ay nagpapagalak sa puso ni Jehova . . . May malaking kasiyahan sa pag-iingat ng integridad sa ilalim ng pagsubok . . . Gawing inyong bokasyon sa buhay ang paglilingkuran bilang misyonero . . . Ang inyong gantimpala ay isang nakapagpapasigla-sa-pusong ‘mahusay.’ ” (Mateo 25:21; Kawikaan 27:11) Sa pagtatapos ng kaniyang presentasyon, buong-kataimtimang inirekomenda ni Brother Barry sa mga bagong misyonero na ‘mamalagi sa mga bagay na ito’ sa pamamagitan ng pagiging determinado na gawing kanila mismong buhay ang larangang pagmimisyonero.—1 Timoteo 4:16.
“Ano ang Makikita Ninyo?” ang tanong na ibinangon ni Karl Adams, na nakibahagi sa pagtuturo sa maraming klase sa Gilead. Binanggit niya na ang makikita ng mga bagong misyonero sa kanilang mga atas ay depende hindi lamang sa kanilang pisikal na paningin kundi gayundin sa mga mata ng kanilang puso. (Efeso 1:18) Inilarawan ito ng nakita ng mga Israelitang espiya nang kanilang pagmasdan ang Lupang Pangako. Nakita ng lahat ng 12 espiya ang parehong mga bagay sa isang pisikal na pangmalas, ngunit dalawa lamang ang nakakita sa Lupang Pangako mula sa pangmalas ng Diyos. Maaari ring malasin ng mga misyonero ang mga bagay sa iba’t ibang paraan. Sa ilang lupain na kanilang paglilingkuran, baka mamalas nila ang kahirapan, pagdurusa, at kawalang-pag-asa. Ngunit hindi sila dapat tumugon nang negatibo at iwan ang lupain. Binanggit ni Brother Adams ang tungkol sa isang misyonero sa isang nakaraang klase na nagsabi: “Natanto ko sa mga karanasang ito na kailangang manatili ako rito. Kailangan ng mga taong ito ang pag-asa sa hinaharap. Gusto kong mapabuti ang kanilang buhay.” Nagtapos si Brother Adams sa pamamagitan ng pagpapasigla sa mga bagong misyonero na masdan ang mga lupain na pag-aatasan sa kanila bilang mga lugar na determinadong gawin ni Jehova na bahagi ng Kaniyang pangglobong Paraiso at malasin ang mga tao roon bilang inaasahang mga miyembro ng bagong sanlibutang lipunan.
Ang panghuling diskurso sa bahaging ito ng programa ay yaong kay Wallace Liverance, na naglingkod nang maraming taon sa isang larangang pangmisyonero bago maging isang instruktor sa Gilead. “Kumilos Nang May Malalim na Unawa sa Kagila-gilalas na mga Gawa ng Diyos” ang kaniyang tema. Sa pagkilos nang may malalim na unawa ay nasasangkot ang pagkilos nang may katalinuhan, pag-iingat, at katinuan. Iyan ang isang bagay na nabigong gawin ni Haring Saul ng Israel.—1 Samuel 13:9-13; 15:1-22.
Ang isang paraan upang makakilos nang may malalim na unawa ay sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga hamon ng pakikibagay sa isang bagong paraan ng pamumuhay, kasali na ang pag-aaral ng isang bagong wika at pagkilala sa mga tao. Ang mga karanasan ng mga misyonero sa pagharap sa mga hamon at pagtatagumpay sa mga hadlang ay magpapalakas sa kanila sa espirituwal na paraan kung paanong sina Josue at Caleb ay pinatibay habang kanilang sinasakop ang lupain na iniatas ng Diyos sa kanila.
Mga Panayam
Ang kasunod na bahagi ng programa ay sunud-sunod na panayam. Kinapanayam ni Harold Jackson ang tagapagrehistro at matagal-na-panahong instruktor sa Paaralang Gilead, si Ulysses Glass, na ngayon ay 85 taóng gulang na. Ang kaniyang mga taon ng tapat na pagtuturo at pagsasanay ay nagugunita ng maraming misyonero na naroon pa rin sa larangan. Ang sumunod ay si Mark Noumair, isang instruktor sa Gilead na gumugol ng mga taon sa paglilingkuran sa ibang bansa sa Aprika bago naging bahagi ng mga tauhan sa Paaralang Gilead. Kinapanayam niya ang mga estudyante tungkol sa kanilang ministeryo sa loob ng limang buwan ng kanilang pag-aaral. Maliwanag na ipinakikita ng kanilang mga karanasan na may mga taong interesado sa Salita ng Diyos sa lokal na teritoryo.
Pagkatapos ay nakipag-usap sina Robert Ciranko at Charles Molohan sa makaranasang mga lalaki na nag-aaral sa isa pang paaralan sa pasilidad, isang paaralan para sa mga tauhan sa sangay. Kasali sa kanilang payo sa nagtapos na klase ang pangangailangang maging mapagpakumbaba at tumulong para sa pagkakaisa ng kongregasyon. Iminungkahi nila na ang mga nagtapos ay hindi dapat magkaroon ng patiunang mga ideya ng mangyayari sa gawaing pagmimisyonero kundi, sa halip, basta maging handa na tanggapin ang anumang situwasyong mapaharap sa kanila. Ang pagkakapit ng payong ito ay tiyak na makatutulong sa mga bagong misyonero na tuparin ang kanilang mga atas bilang mga guro ng Salita ng Diyos.
Sa wakas, nagpahayag sa mga tagapakinig si Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, sa paksang “Ano ang Umiimpluwensiya Kanino?” Ipinaliwanag niya na kapag tayo bilang mga Kristiyano ay nagpapamalas ng mga bunga ng espiritu, maaari tayong maging isang mabuting impluwensiya sa ibang tao. “Ang mga misyonerong isinugo ng organisasyon ni Jehova ay nakagawa ng isang kapuri-puring rekord ng pag-impluwensiya sa mga tao sa isang nakabubuti, espirituwal na paraan,” sabi niya. Pagkatapos ay binanggit niya ang ilang komento ng mga indibiduwal na natulungang maglingkod sa Diyos bunga ng mabubuting halimbawa na ipinakita ng mga misyonero. “Panatilihin sana ninyo ang reputasyong natamo ng bayan ni Jehova at patuloy na kumatok sa mga pintuang iyon sa inyong atas sa ibang bansa sa paghahanap ng mga karapat-dapat . . . Gayundin, sa inyong matuwid, malinis na paggawi, tanggihan ang espiritu ng sanlibutang ito, at maging isang impluwensiya sa ikabubuti ukol sa kapurihan at karangalan ni Jehova,” ang pagtatapos niya.
Sa pagtatapos ng programa, ibinahagi ng tsirman ang mga pagbati mula sa iba’t ibang lugar at saka ipinagkaloob ang mga diploma at ipinahayag ang atas ng mga misyonero. Pagkatapos nito, binasa ng isa sa mga nagtapos ang isang resolusyon ng klase na nagpapasalamat sa inilaang pagtuturo. Maliwanag, pinukaw ng programa sa pagtatapos ng ika-102 klase ang lahat ng dumalo upang maging higit na determinadong humayo sa paghahayag ng Salita ng Diyos.
[Larawan sa pahina 31]
Ika-102 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan palikod, at ang mga pangalan ay nakatala mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Duffy, C.; Alexis, D.; Harff, R.; Lee, J.; Corey, V.; Nortum, T.; Mora, N.; Journet, F. (2) Djupvik, L.; Singh, K.; Hart, B.; Kirkoryan, M.; Lee, S.; Rastall, S.; Zoulin, K.; Kollat, K. (3) Singh, D.; Pitteloud, J.; Pitteloud, F.; Bokoch, N.; Torma, C.; Muxlow, A.; Richardson, C.; Nortum, D. (4) Harff, J.; Journet, K.; Barber, A.; Loberto, J.; Loberto, R.; Muxlow, M.; Mora, R.; Hart, M. (5) Torma, S.; Rastall, A.; Diaz, R.; Diaz, H.; Weiser, M.; Weiser, J.; Kirkoryan, G.; Zoulin, A. (6) Alexis, R.; Barber, D.; Djupvik, H.; Duffy, C.; Kollat, T.; Richardson, M.; Bokoch, S.; Corey, G.