Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 3/22 p. 29-31
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinag-uusig sa Turkey
  • Pinagalitan ng Vaticano ang mga Liberationists
  • Malungkot ang Kinabukasan ng UN
  • Krisis ng mga Bangko
  • Panawagan sa Pagkakaisa sa Europa
  • Sumusulong ang Krimen sa Hapon
  • Pinagmamalupitang mga Bata
  • Pinawalang-Saysay ang “Kasal” ng mga Tomboy
  • 42 Milyon ang Bulag
  • Mga Pagdakip sa mga Nambubugbog ng Asawang Babae
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1994
  • Ang Iyo Bang Relihiyon ay Dapat na Nakikilahok sa Pulitika?
    Gumising!—1988
  • Bahagi 22—1900 patuloy—Huwad na Relihiyon—Nililigalig ng Kaniyang Kahapon!
    Gumising!—1989
  • ‘Pagtatanggol at Legal na Pagtatatag ng Mabuting Balita’
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 3/22 p. 29-31

Pagmamasid sa Daigdig

Pinag-uusig sa Turkey

● Noong Hunyo 16 dalawa sa mga Saksi ni Jehova ang inaresto sa Ankara, Turkey, samantalang nakikipag-usap tungkol sa kanilang mga paniwala bilang mga Kristiyano. At marami pa ang inaresto at ang resulta’y 23 ang ibinilanggo sa Ankara at ayon sa huling balita ay naghihintay sila ng paglilitis. Sila’y pinaratangan ng “pagpopropaganda . . . na ang layunin ay baguhin ang politikal, sosyal at ekonomikal na sistema ng estado na naaalinsunod sa mga alituntunin ng relihiyon.” Ito’y walang saligan sapagka’t noong Marso 24, 1980, ang Supreme Court of Appeals sa Turkey ay nagbaba ng hatol na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi maaaring parusahan, sapagka’t ang kanilang relihiyon ay hindi naman lumalabag sa batas.​—Tingnan ang Awake! ng Hunyo 8, 1981, pahina 25-7.

Dahilan sa katunayan na ang desisyon ng Supreme Court of Appeals ay katapusan na, na hindi na maaaring iyapela pa, at dapat sundin ng lahat ng hukuman, ang mga bagong pag-arestong ito ay nagbabangon ng mga tanong tungkol sa mga karapatan na sinusuhayan ng konstitusyon sa Turkey. Ang mga pag-aresto ay naganap pagkatapos na ang mga ilang pahayagan ay magsimula ng isang malisyosong kampanya laban sa mga Saksi. Ang “Mataas na Konsilyo ng Relihiyon sa Departamento ng Pamamalakad Relihiyoso” sa pagpapahayag tungkol sa mga Saksi ay nagsabi, “Ang kilusang ito, na sa alin mang bansa ay hindi kinikilala na isang relihiyon . . . ay isang Kristiyanong kaayusan na nasa-ilalim ng impluwensiyang Judio.” Subali’t, ipinakikita ng mga katibayan na ang mga Saksi ni Jehova ay tinatanggap na isang relihiyong Kristiyano na puspusang nagsasagawa ng kanilang pagsamba, ngayon sa mahigit na 200 bansa at isla sa karagatan sa buong daigdig. Sa kabila nito, 23 sa mga Saksi ni Jehova ang patuloy na nagdurusa, dahil sa ang trato sa kanila ay karaniwang mga kriminal.

Pinagalitan ng Vaticano ang mga Liberationists

● Sa isang matatalim-salitang sanaysay na ipinalabas noong Setyembre, tinuligsa ng Iglesya Katolika Romana ang radikal na mga bersiyon ng doktrinang kilala sa tawag na “liberation theology.” Sa lumipas na 15 taon ang mga pari at mga madreng Romano Katoliko, lalo na yaong mga nasa Latin Amerika, ay iyang doktrinang iyan ang ginagamit para ipagmatuwid ang kanilang aktibong pakikialam sa politika. Ang “liberation theology.” Sa lumipas na 15 taon ang mga pari at mga madreng Romano Katoliko, lalo na yaong mga nasa Latin Amerika, ay iyang doktrinang iyan ang ginagamit para ipagmatuwid ang kanilang aktibong pakikialam sa politika. Ang “liberation theology” ay nagtataguyod ng hustisya para sa mga dukha, subali’t nakasalig ito sa mga kuru-kurong hiniram sa ateyisikong teoryang politikal​—ang Marxismo. Bagaman sa sanaysay na iyon ay minasama ng Vaticano ang mga pang-aapi sa Latin Amerika, hindi minabuti niyaon ang paggamit ng mga klerigo ng mga patakaran ng Marxismo bilang lunas para sa mga inaapi at binanggit na ito’y pagtalikod sa Katolisismo.

Sa kabilang panig, nariyan naman ang Concilium, isang grupo ng prominenteng mga teologong Romano Katoliko sa Europa, Latin Amerika at Estados Unidos. Nang sila’y magpulong sa Netherlands noong Hunyo, sila’y nanawagan ukol sa lalong malawak na paglahok ng simbahan sa politika at nagprotesta sila laban sa matataas na opisyales ng simbahan na laban sa “liberation theology.” Sa gayon, lumilitaw na nagsisimula na ang labanan ng Vaticano at ng dumaraming prominenteng mga liberal na Katoliko.

Malungkot ang Kinabukasan ng UN

● “Ang United Nations ay bigo sa mga araw ng kagipitan,” ang isinulat ng dating Secretary-General Kurt Waldheim sa lathalaing Foreign Affairs. Sa paghahanda ng UN para sa kaniyang ika-40 anibersaryo sa taong ito, isang malungkot na kinabukasan ang nakikini-kinita niya para sa organisasyon. “Ito’y dumaraan sa mga yugtu-yugtong rutina sa araw-araw na hindi binibigyang-pansin o kaya’y minamasama at patuloy na nawawalang-kabuluhan sa isang tunay na daigdig,” ang sabi ng dating lider ng UN. “Ito’y patungo sa patuluyang pagkilos na kung saan ang nagkakasalu-salungatang mga intereses ang magwawasak nito.”

Krisis ng mga Bangko

● Ang mga bangko sa Estados Unidos ay mabilis na bumabagsak sapol noong mga taon ng 1930’s, sang-ayon sa pag-uulat ng Los Angeles Times. “Bagaman ang sistema ng mga bangko sa E.U. ay karaniwan nang matatag,” ang sabi ng artikulo, “dahil sa mga pangyayari noong nakalipas na mga taon ang sistemang ito ay patuloy na napapaharap sa panganib.” Walo sa pinakamalalaking bangko sa Estados Unidos ang nagpautang sa Mexico, Brazil, Argentina at Venezuela ng halagang mahigit pa sa kanilang buong net worth (kapital pagkatapos maawas ang lahat ng gastos). Kung ang mga bansang ito’y papalya ng patuloy na paghuhulog sa kanilang pagkakautang baka tuluyang hindi na sila makabayad. Pagka patuloy na lumubha ang kagipitang ito sa pagkakautang, nangangamba ang mga eksperto na ito’y humantong sa masalimuot na kaguluhan sa larangang pinansiyal, politikal o sosyal sa mga bansang may pagkakautang.

● Bagaman noong Marso ay naabot ng Brazil ang kaniyang pinakamataas na positibong trade surplus (mga tinubo sa pangangalakal)​—isang bilyong dolar​—gayunpaman ay hindi pa rin sapat ito upang bayaran kahit lamang ang interes sa pagkakautang nito na $100 bilyon. Sang-ayon sa presidente ng Bank of Brazil, si Oswaldo Colin, sa Jornal da Tarde, ang kamakailang dagdag na 1 porciento sa internasyonal na interes ay “nakakaltas na sa trade surplus na kinita sa isang buwan.” Ang patuloy na tumataas na interes ang isa pang nagpapalubha sa malubha na ngang problema ng mga bansang nagsisikap na magbayad ng kanilang utang. May mga espesyalista sa pananalapi na nagsasabing ang “problema ng pagkakautang na ito sa mga ibang bansa ay hindi na masusupil.”

Panawagan sa Pagkakaisa sa Europa

● Isang panawagan sa pagkakaisa sa Europa ang nanggagaling sa tanyag na mga tao sa daigdig ng panitikan at sining, kasali na rito ang 1979 Nobel Prize winner sa Literatura, si Odysseas Elytis, ayon sa ulat ng Athens News Agency. Sila’y umaasang ang isang nagkakaisang Europa ay “hindi na magiging isa lamang tahimik na tagapagmasid ng mga pangyayari sa daigdig at magkakaroon ng kinakailangang pagtitiwala at lakas upang gumanap ng mahalagang bahagi sa pagtatatag ng pandaigdig na kapayapaan.”

Sumusulong ang Krimen sa Hapon

● “Krimen, Delingkuwensiya Pinakamataas Sapol noong 1940’s,” ang nakapamumulagat na balita sa pahayagan ng Hapon na The Daily Yomiuri. Ang taunang report ng NPA (National Police Agency) ng Hapon ay nag-anunsiyo na ang krimen sa nakaririwasang bansang ito ay patuloy ng pasulong sa 1983. Isang Justice Ministry’s Research Institute for General Legal Affairs group ang nakatuklas na mahigit na kalahati ng mga delingkuwente sa Hapon ang galing sa watak-watak na mga tahanan. Ang karamihan ng delingkuwenteng kabataan ay nasa pagitan ng 14 at 15 anyos. Sang-ayon sa NPA, sa mga lugar na kung saan matibay ang kinaugalian nang mga ugnayan sa pamayanan, ang bilang ng gayong mga delingkuwente ay mas mababa.

Pinagmamalupitang mga Bata

● Ang karahasan laban sa mga bata ay naging “di-inaasahang bugso ng kabalakyutan” na lumalaganap sa buong Italya, ang sabi ng lingguhang L’Espresso. Mayroong 15,000 mga gawang kalupitan laban sa mga bata sa taun-taon, kasali na rito ang 600 seksuwal na mga panggagahasa. Sa nasabing bilang ay hindi nahahayag ang lawak ng problema, sang-ayon kay Judge Dosi ng Juvenile Court sa Roma. Sabi niya: “Ang mga ulat tungkol dito ay walang gaanong isinisiwalat sa atin kung kaya’t ang tawag natin sa mga iyan ay ‘ang malabong numero,’ malabo dahilan sa ikinukubli nito ang isang lalong masalimuot at laganap na katunayan.” Ano ang humihila sa mga magulang na pagmalupitan ang kanilang mga anak? “Una sa lahat ay ang hindi pagkakasundo ng mag-asawa; pagkatapos ay ang hirap na matugunan ang kahilingan tungkol sa pagkamagulang,” ang dalawang pangunahing dahilan na ibinibigay ng report.

Pinawalang-Saysay ang “Kasal” ng mga Tomboy

● Ang 41-anyos na pastor ng Altonaer Peace Church sa Hamburg, Germany, ay gumanap ng seremonya ng kasal noong nakaraang Abril para sa dalawang babaing tomboy. Ang resulta, palagiang kumukuliling ang mga telepono ng mga simbahang Lutherano sa buong Northern Germany. “Ang nagugulumihanang mga Lutherano ay tumelepono sa kanilang mga pastor, at nagbanta na sila’y magdidimiti na bilang mga Lutherano,” ang pag-uulat ng pahayagang Aleman na Schwäbische Zeitung. Sang-ayon sa isang opisyal na pahayag ng Lutheran Church of Northern Germany ang “kasal” ay hindi aprobado ng iglesyang ito, sapagka’t “ang Iglesya ay hindi makapagkakasal ng dalawang babaing tomboy.” Ang kasal ay pinawalang-saysay.

42 Milyon ang Bulag

● Ang WHO (World Health Organization) ay nag-ulat na mayroong mahigit na 42 milyong mga taong bulag sa daigdig, kasali na ang 28 milyon na ang mga mata’y walang sapat na linaw upang mabilang ang mga daliri ng kamay ng isang taong tatlong metro (9 piye) ang layo sa kanila. Tinataya na pagsapit ng taóng 2000 ang bilang na ito ay madodoble pa. Sang-ayon sa WHO, 75 porciento ng mga kaso ng pagkabulag ay maaaring maiwasan “sa pamamagitan ng mga hakbang na pangkalusugan ukol sa madla.” Sinasabi ng O Estado de S. Paulo, isang pahayagan sa Brazil, na “sa bawa’t isang libong bulag, 36 ang mga taga-Brazil.”

Mga Pagdakip sa mga Nambubugbog ng Asawang Babae

● Noong una, inakala ng pulisya ng Minneapolis na ang pagdakip sa mga lalaking nambubugbog ng kani-kanilang asawa ay “pag-aaksaya ng panahon ng lahat,” ang sabi ng Hepe ng Pulisya na si Anthony Bouza. Subali’t magmula nang puspusang gumawa ang mga pulis ng mga pagdakip sa mga lalaking nambubugbog ng kanilang asawa, kumaonti ang bilang ng mga lalaking patuloy na nambubugbog ng kani-kanilang asawa. Ang nasa-likod ng bagong patakaran, sabi ng The Express ng Easton, Pennsylvania, ay yaong pag-aaral na isinagawa ng mga mananaliksik na sina Lawrence W. Sherman at Richard Beck. Ang huling bahagi ng pag-aaral ay nagsasabi na ang inulit na pag-aabuso sa mga asawang babae ay 10 porciento lamang nang gumawa ng mga pagdakip ang mga pulis, 19 porciento nang payuhan ng pulisya ang mag-asawa at 24 porciento nang ang nambugbog ay paalisin para lumayo nang mga ilang oras.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share