Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 5/22 p. 10-12
  • “Pagsesenso: 500 Taon ng Pagpupunyagi”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Pagsesenso: 500 Taon ng Pagpupunyagi”
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ganti sa Pagsesenso
  • Martin Luther—Ang Lalaki at ang Kaniyang Pamana
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Ang Repormasyon—Ang Paghahanap ay Nagbago ng Direksiyon
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Si Luther—Isang Bagong Puwersa sa Pagkakaisa?
    Gumising!—1985
  • William Tyndale—Isang Taong may Pangarap
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 5/22 p. 10-12

“Pagsesenso: 500 Taon ng Pagpupunyagi”

NANG nakaraang tag-araw at taglagas na ito ang New York Public Library ay nagtanghal ng isang edukasyonal na eksibisyon sa binanggit na tema, “Pagsesenso: 500 Taon ng Pagpupunyagi.” Sa iniskedyul na mga oras isang giya ang nangunguna sa isang tour o pamamasyal sa palibot at nagbibigay ng interesanteng paliwanag tungkol sa mga bagay na naroroon. Dumalaw ako sa tanyag sa daigdig na library o aklatan sa New York sa 5th Avenue at 42nd Street noong nakaraang Hulyo at sinamantala ko ang isa sa mga pamamasyal na iyon.

Nagsimula ang pamamasyal na iyon sa isang malaking silid. Naroon sa kuwartong napapaibabawan ng kisameng uso pa noong panahon ng Renaissance ang pambihirang mga aklat at mga limbag mula pa noong ika-15 siglo hanggang sa kasalukuyan. Ang mga lathalain ay pawang makikitaan ng isang bagay​—yaong kahihiyan ng pagsenso sa mga ito nang nakalipas na panahon.

Sa pagsisimula ng paglilibot na iyon, ganito ang sabi ng aming giya: ‘Gunigunihin ninyo na kayo’y nakaupo nang maalwan sa inyong salas at nagbabasa ng isang paboritong aklat nang biglang-biglang sa-sisipot sa bahay ninyo ang mga pulis, sinunggaban ang aklat na hawak ninyo at pinagpunit-punit. Bakit? Dahilan sa inaakala ng mga pinuno na hindi dapat na basahin iyon ng mga tao para rin sa ikabubuti ng mga tao. Sa mga sandaling ito’y naranasan ninyo ang kilabot ng pagsesenso.’

Ang pagsesenso ay matagal nang umiiral di pa malay ilathala ang mga aklat na nakadispley. Pinatutunayan iyan ng pinaka-titulong pahina ng isa sa mga aklat na nakita namin. Ang aklat ay Alle Propheten Teutsch (Lahat ng Propeta sa Aleman), na isinalin sa Aleman ni Martin Luther noong 1534. Ang pinaka-titulong pahina ay nahahati-hati sa siyam na bahagi, at bawa’t isa’y may ilustrasyon ng isang paglalarawan buhat sa Bibliya. Isa sa mga paglalarawan ay yaong pagsunog sa mga aklat na isinagawa ng haring Israelita na si Jehoiakim mga 2,500 taon na ngayon ang nakalipas. Si Jehoiakim ay pinagalit ng nakasulat na hula ng kapahamakan na sinalita ni Jeremias, kaya’t kaniyang sinenso ang mensaheng dala niyaon sa pamamagitan ng pagsunog doon.​—Jeremias 36:9-27.

Dahilan sa gayong paglalarawan ang Alle Propheten Teutsch ay napalagay sa ipinagbabawal ng Iglesyang Katolika na mga aklat. Bakit? Bueno, ang mga repormistang Protestante ay malimit na naglalakip ng ilustrasyon sa mga teksto sa Kasulatan na naglalahad ng tungkol sa pagbagsak ng mapagmataas at mayayamang mga pinuno. At ang sabi pa ng aming giya, ‘Sa gayong mga teksto sa Bibliya ay nakita ng mga pintor na Protestante na yao’y babala sa papado.’

Ang Ganti sa Pagsesenso

Nang may katapusan ng ika-15 at ika-16 na siglo ay nasaksihan ang pag-atake ng mga repormista sa Iglesya Katolika. At ang palimbagan, na imbento ni Johann Gutenberg mga taóng 1440, ay naging isang makapangyarihang armas ng mga repormista. Sa eksibit na iyon ay nakatuon ang pansin sa pagpupunyagi sa kalayaan ng nakalimbag na salita at larawan sapol nang maimbento ang paglimbag.

Nagpaliwanag ang aming giya: ‘Si Martin Luther ay nagtagumpay lalo na dahilan sa kaniyang mahusay na paggamit sa palimbagan para mapalaganap nang mabilis ang kaniyang mensahe, samantalang ang mga repormista na tulad baga ni John Wycliffe at John Huss, na nabuhay bago nagkaroon ng palimbagan, at tinalo ng Iglesya Katolika.’

Mga nakalimbag na impormasyon laban sa mga turo ng simbahan ang lumaganap sa buong Europa sa loob lamang ng mga ilang buwan pagkatapos na makipagkasira si Luther sa simbahan. Halimbawa, sa ating pagsusuri sa sinulat ni Luther na Gnade unde Frede in Christo (Grasya at Kapayapaan kay Kristo), noong 1523, dagling makikita natin kung bakit nagpasiklab iyon ng galit ng simbahan. Hinimok ni Luther ang mga tao na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng asal Kristiyano ayon sa inihahayag ng Bibliya imbis na ang sundin ay mga tuntunin ng asal na itinatag ng simbahan. ‘Naging mahirap para sa mga tagasenso na pahintuin ang sirkulasyon ng gayong mga nakalimbag na pilyego,’ ang sabi ng aming giya.

Ang New Testament (Bagong Tipan) sa Ingles na salin ng masigasig na kontemporaryo ni Luther na si Tyndale ang susunod na napagbalingan namin ng pansin. Ito’y ibinawal ng simbahan noong mga taóng 1525 at doon nilimbag sa Alemanya at ipinuslit sa Inglatera. Bakit ba ito ipinagbawal? Unang-una, ang pagkasalin ni Tyndale sa Colosas 1:24 ay naiiba sa turong Katoliko. Tama ang pagkasalin niya sa salitang Griego na ekklesia, na sa talatang iyan ay “kongregasyon” sa halip na “iglesya.” Sa ganitong paraan ay iniwasan ni Tyndale na ipangahulugan na ang kalipunan ng mga mananampalatayang Kristiyano ay yaong Iglesya Katolika. Ang resulta? Pagsesenso!

Naipakita rin ng mga ibang eksibit na hindi lamang ang mga autoridad na Katoliko ang nagkakasala ng pagsenso. Nang mapasa-kapangyarihan ang mga Protestante, ginamit din nila ang kanilang kapangyarihan upang maipagbawal ang mga lathalain ng mga Katoliko at ng mga iba pang Protestante.

Ang isang modernong halimbawa ng pagsesenso ay kinaligtaan at ito kung isinama ay nakatawag sana ng pansin ng mga mag-aarál ng Bibliya​—ang pagbabawal sa Estados Unidos at sa Canada noong 1918 ng relihiyosong aklat na The Finished Mystery, na lathala ng International Bible Students. Ibinunyag ng aklat na iyan ang mga maling turo ng mga pangunahing relihiyon. Ang nilalaman nito ay nakasakit na mainam sa mga klerigo; sila’y gumanti. Sa pamamagitan ng balat-kayong nasyonalismo noong kalagitnaan ng Digmaang Pandaigdig I, inudyukan ng mga klerigo ang mga pamahalaan upang ipagbawal ang aklat. Sila’y nagtagumpay, nguni’t pansamantala lamang. Inalis noong 1920 ang pagbabawal na iyon.

Gaano mang kalaki ang pagsisikap ng tao na sugpuin ang mga kaisipan ng mga ibang tao, ang katotohanan, lalo na ang katotohanan ng Bibliya, ay hindi kailanman napagtagumpayan na sensuhin. Nang subukin ng mga lider ng relihiyon na sarhan ang bibig ng mga alagad ni Jesus, sinabi niya: “Kung ang mga ito’y tatahimik, ang mga bato ang sisigaw.” (Lucas 19:40)​—Isinulat.

[Larawan sa pahina 10]

Ang palimbagan, na imbento ni Johann Gutenberg, ay naging isang makapangyarihang armas ng mga repormista

[Larawan sa pahina 11]

Binigti at sinunog si Tyndale, na ang mga sinulat ay sinenso ng simbahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share