Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 7/8 p. 3-6
  • Mag-asawang Nagtatrabaho—Isang Mahabang Kasaysayan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mag-asawang Nagtatrabaho—Isang Mahabang Kasaysayan
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Saguting Pangkabuhayan”
  • ‘Kailangan Namin ang Higit na Salapi’
  • Ang Bumuting Kalagayan ng mga Babae sa Modernong Panahon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Mga Babaing Lubhang Nagpapagal sa Panginoon”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Respeto at Dignidad sa Ilalim ng Pangangalaga ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Anong Kinabukasan ang Naghihintay sa Kababaihan?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 7/8 p. 3-6

Mag-asawang Nagtatrabaho​—Isang Mahabang Kasaysayan

SI Richard ay hindi nahihiya na magsuot ng epron. Nagtatrabaho sa kusina, siya ay naglilinis ng mesa, nagwawalis ng sahig, naghuhugas ng pinggan​—isang larawan ng kakayahang pantahanan. “Toka kong maglinis,” paliwanag niya. “Si Carol ay naiidlip lamang ng mga ilang oras sapagkat mamayang gabi siya ay magtatrabaho.”a

Sina Richard at Carol ay nakikibahagi sa isang istilo ng pamumuhay na naging kausuhan na sa maraming dako: Ang mag-asawang nagtatrabaho. Sa Estados Unidos ang bilang ng mga asawang babae na nagtatrabaho ay totoong tatlong ibayo ang itinaas mula noong 1950. At sang-ayon sa mga tantiya kamakailan, mahigit sa tatlong ikalima ng mga mag-asawa sa Estados Unidos ang parehong nagtatrabaho. Ang mga bansa na gaya ng Pransiya, Australia, Canada, Belgium, Sweden, at Hapon ay sumunod sa gayong istilo.

Mangyari pa, ang mga mambabasa sa maraming tinatawag na umuunlad na mga bansa ay maaaring nagtataka kung ano ba itong pinagkakaguluhan. Sapagkat doon, ang mga babae ay dati nang may malaking bahagi sa paghahanapbuhay. (Tingnan ang pahina 4.) Gayumpaman, ang pagdami ng mga pamilya na doon ang mag-asawa ay nagtatrabaho ay tila man din di-karaniwang bagay sa Kanluran. Bakit ganito?

“Saguting Pangkabuhayan”

Na ang mga lalaki lamang ang dapat na maghanapbuhay ay hindi lamang totoong Kanluranin kundi lubhang moderno. Ang aklat na The Individual, Marriage, and the Family ay nagsasabi na sa buong kasaysayan ng tao “ang mga babae ay katuwang ng mga lalaki sa paglalaan ng mga pangangailangang pangkabuhayan ng pamilya.”

Inilalarawan ng Bibliya kung papaanong ang mga babae noong sinaunang panahon ay gumagawa ng kanilang bahagi sa kabuhayan. Sa Kawikaan 31, ang “may kakayahang asawang babae” ay inilarawan. Hindi lamang siya nangangalaga sa kaniyang mga tungkulin sa tahanan kundi siya rin ay naghahanapbuhay. Bumibili ng ari-arian, nagsasaka, at gumagawa at nagbibili ng damit ang ilan sa kaniyang mga kakayahang pinagkakakitaan. (Kawikaan 31:16, 24) Sa Gawa 18:2, 3 binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mag-asawang sina Aquila at Priscila na magkasamang nagtrabaho sa iisang hanapbuhay. Ganito ang sabi ng komentarista sa Bibliya na si Adam Clarke: “Ang mga babae, pati na yaong may pinakamataas na ranggo sa gitna ng mga Griego, Romano, at mga Israelita, ay nagtrabaho nang manu-mano sa lahat ng uri ng trabahong kinakailangan upang tustusan ang pamilya.”

Sa loob ng mga dantaon ang mga lalaki at babae ay nagtrabaho na magkatuwang. Gayunman, ang trabaho ay nakasentro sa paligid ng tahanan. Saka dumating ang pagbabago sa industriya (industrial revolution), at ang mga lalaki ay naghanap ng mga trabaho sa pabrika sa malalaking lunsod. Ang pagbabagong ito mula sa industriyang pantahanan at pagsasaka, gayunman, ay naglagay sa mga lalaki sa “mga trabaho na malayo sa kanilang mga tahanan​—mga trabaho na ang mga kahilingan ay hindi nagsasangkot sa pakikibahagi ng mga asawang babae o mga anak.” Ano ang resulta? Ang mga babae, sabi ng ilan, ay naging “saguting pangkabuhayan.”​—Scientific American.

Gayumpaman ang industrialisasyon ay nagdala ng ilang kasaganaan. At habang ang Kanluraning mga bansa ay nakaahon sa isang kagipitang pangkabuhayan at ikalawang digmaang pandaigdig, ang katamtaman (o mas mataas pa nga) na pamantayan ng pamumuhay ay masikap na hinangad ng maraming pamilya. At pansamantala ang mataas na mga suweldo, mababang mga presyo, at madaling pangungutang ay nagpangyari sa ilang mga lalaki na paglaanan ang kanilang mga pamilya ng mga tahanan, mga kotse​—at pati ng ilang kahanga-hangang hanay ng bagong mga produkto at mga gadget na ngayo’y pinang-aakit sa kanila.

Gayunman, para sa marami ang pangarap na katamtamang pamumuhay ay napatunayang isang tusong silo yamang sinimulan ng implasyon ang nakamamatay na pilipit nito. Sing-aga ng mga 1960, ganito ang sabi ng manunulat na si Marvin Harris, “nasusumpungan ng mga magulang na pahirap nang pahirap na abutin o panatilihin ang katamtamang pamumuhay na katayuan.” Upang ilarawan: Noong 1965 ang katamtamang presyo ng isang bagong isang-pamilyang tahanan sa Estados Unidos ay $20,000. Noong kalagitnaan ng 1984, ang presyo ay tumaas sa halos $100,000! Ang halaga ng pagkain at pananamit ay hindi rin mapigil ang pagtaas. Kaya napakaraming asawang babae ang nagtrabaho.

‘Kailangan Namin ang Higit na Salapi’

Sina Richard at Carol (na nabanggit sa simula) ay nagmamay-ari ng isang maalwan gayunman, sa mga pamantayan sa E.U., ay kainamang tahanan. Ngunit gaya ng ibang mga mag-asawa nasumpungan nila ang kanilang sarili na ginigipit ng implasyon. Sabi ni Carol: “Talagang kailangan namin ang higit na salapi upang mabayaran namin ang aming mga pagkakautang. Natanto ko na hanggang doon na lamang ang kita ni Richard. Kaya wala akong magagawa kundi ang magtrabaho nang buong-panahon.” Hindi, hindi ang pilosopya ng Women’s Liberation Movement ang pangunahing puwersa na nag-udyok sa mga babae na magtrabaho. Kung tatanungin kung bakit sila kapuwa ay nagtatrabaho, karamihan ng mag-asawa ay tutugon: ‘Kailangan namin ang pera!’ (Tingnan ang pahina 5.)

Ikinagagalit ng ibang mga babae ang pag-alis sa tahanan. “Ang pagtatrabaho sa labas ng tahanan ay unti-unting pumapatay sa akin,” hinagpis ng isang babae. Gayunman marami ang nasisiyahan sa kanilang mga trabaho. “Gusto kong magtrabaho,” sabi ng isa pang babae na namamahala sa tindahan ng mga muwebles. “Hindi lamang ako basta isang maybahay.” Ang dumaraming bilang ng diborsiyo at ang pagkabalo ay nagkaroon din ng bahagi sa pag-akit sa mga babae na magtrabaho. “Labis kong ikatatakot ang kawalan ng trabaho,” sabi ng isang babae. “Nabalo ako sa aking unang asawa nang ako’y beinte-dos . . . Ngayon lagi kong naguguniguni na kung sakaling si Stephen ay mamatay o sumama sa ibang mas batang babae lubha akong mapoproblema kung wala akong trabaho.”

Gayunman, para sa karamihan na mag-asawa, ang pagnanasang makaangat sa kabuhayan ang siyang nag-udyok sa mag-asawa na magtrabaho. Ano, kung gayon, ang ilan sa mga hamon na hinaharap nila, at papaano nila matagumpay na matutugunan ang mga ito?

[Talababa]

a Sa salitang “trabaho” ibig naming tukuyin ang binabayarang trabaho sa labas ng tahanan.

[Kahon sa pahina 4]

Nagtatrabahong mga Babae sa Umuunlad na mga Bansa

“Ang mga babae sa Timog-silangang Asia ay naglalaga ng asukal na galing sa palma. Ang mga babae sa Kanlurang Aprika ay gumagawa ng serbesa. Ang mga babae sa ilang dako ng Mexico at sa iba pang lugar ay nagpapalyok. Ang mga babae sa karamihan ng mga bansa ay naghahabi ng mga tela at gumagawa ng mga panamit. Ang mga babae sa karamihan ng mga kultura ay nagtitinda ng kanilang labis na pagkain sa lokal na mga palengke. Ang mga tubo mula sa mga gawaing ito ay karaniwan nang nauukol sa mga babae mismo.”​—Irene Tinker sa aklat na Women and World Development.

Kunin, halimbawa, ang bayan ng Akan sa timog at kalagitnaang Ghana. Ganito ang sulat ni Rae André: “Ang mga babae ay nagtatanim, ang mga lalaki ang umaani; ang mga babae ang nagtitinda sa mga palengke, at ang mga lalaki naman ang nagtitinda sa malalayong lugar. Sa tradisyunal na paraan, ang mga asawang lalaki at babae ay may bukod na kita at mga puhunan at sila ay karapat-dapat sa anumang pakinabang na mula sa kanilang sariling pagpapagal o negosyo.”

Gayunman, ang dating paraan ng pamumuhay ay mabilis na nagbabago habang ang mga bansa ay nagiging industrialisado. Ang dahilan? Ipinakilala ng mga industrialista hindi lamang ang Kanluraning teknolohiya kundi ang Kanluraning kultura rin naman. Karaniwan na, tuturuan ng mga nagpapaunlad ng bagong pamamaraan sa pagsasaka ang mga lalaki​—kahit na ang pagsasaka ay larangan ng mga babae. Gayundin naman ang mga trabaho sa pabrika ay halos nakalaan lamang sa mga lalaki. Ano ang naging epekto ng lahat na ito?

Isaalang-alang ang Indonesia. Doon ang trabaho ng pagbabayó ng palay ay tradisyunal na ginagawa ng mga babae. Gayunman, noong maagang 1970’s, ang maliliit na makinang kiskisan ng palay na yaring Hapon ay ipinakilala, pinagkakaitan ang mga babae ng kanilang kabuhayan.

Sa bayan ng San Pedro sa Guatemala, ang mga asawang babae ay nagtatrabaho bilang mga manghahabi, at ang mga asawang lalaki naman ay mga magsasaka at mangangalakal. Gaya ng sabi ni Dr. T. Bachrach Ehlers ang mga babae roon ay may “matinding pagmamalaki” sa pagiging produktibo sa kabuhayan. Biglang-bigla, ipinakilala ang bagong mga makina sa paghahabi. Subalit ang mga lalaki lamang ang binigyan ng kredito na kinakailangan upang bilhin ang mga ito. Kaya naiwala ng mga babae ang pamamahala sa industriya ng paghahabi at ngayon ay nagtatrabaho sa mga gawain na mababa ang sahod.

Sa Kenya ang ilang mga babae ay naiiwan “sa isang piraso ng lupa ng pamilya upang may ikabuhay para sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak” samantalang ang kanilang mga asawang lalaki ay nagtataguyod ng suwelduhang trabaho sa mga lunsod. Nang sa wakas ay sumama sila sa kani-kanilang asawa upang manirahan sa pagkatataas na mga apartment, nasumpungan nila, sang-ayon sa isang opisyal na taga-Kenya, na ito ay “wala kundi isang dako para sa mga tao na magpatiwakal.” Bakit? “Ang mga taga-Kenya,” paliwanag niya, “ay mahilig sa lupa; nais nilang magkaroon ng isang piraso ng lupa na matatawag nilang kanila.”

Sa India ang mga babae ay tradisyunal na may “mababang rituwal na katayuan.” Kaya ang mga trabahong matataas ang suweldo ay kalimitan nang ipinalalagay na hindi angkop para sa isang babae. (Kahit na si Gandhi, na nagsalita tungkol sa pagkakapantay-pantay ng mga babae, ay minsang nagsabi na “ang pagkakapantay-pantay ng mga sekso ay hindi nangangahulugan ng pagkakapantay-pantay ng hanapbuhay.”) Gayumpaman, ganito ang sabi ng aklat na Women in Contemporary India, ang mga nagtatrabahong babae na may katamtamang pamumuhay sa ngayon ay may “pagkakataon na tumikim ng materyal na mga bagay.” Kaya ang kultural at relihiyosong mga pagbabawal ay maaaring magbigay-daan sa isa pang tanda ng pagiging Kanluranin​—materyalismo.

Balintuna, nasusumpungan ng mga babae sa Third World ang kanilang sarili na nagtatrabaho nang puspusan higit kailanman, ngunit wala pa ring kasarinlan sa kabuhayan​—o kasiguruhan​—na dati nilang tinatamasa.

[Kahon sa pahina 5]

Kung Bakit Kapuwa Nagtatrabaho

Estados Unidos: Sa isang surbey ng 41,000 mga babae, 82 porsiyento ng mga babae na may trabaho ang nagsabi na ginawa nila iyon sapagkat kailangan nila ang salapi upang matugunan ang kanilang pagkakagastos.

Pransiya: Doon, “mas maraming babae ang nagtatrabaho sa labas ng tahanan kaysa sa alinmang bansa sa Kanlurang Europa.” Mga 84 porsiyento ang nagtatrabaho “dahilan sa pangangailangan sa kabuhayan.”

Canada: Ipinakikita ng isang pag-aaral na ginawa ng University of Toronto na “ang mga asawang lalaki ng mga babaing nagtatrabaho nang buong-panahon ay karaniwang kumikita ng mas kaunti kaysa sa ibang mga lalaki. Ang kainamang sahod sa gitna ng mga lalaki sa pamilya kung saan ang mga babae ay nagtatrabaho nang buong-panahon ay $18,240, kung ihahambing sa . . . $22,273 kung saan ang mga asawang lalaki lamang ang naghahanapbuhay.”

India: Ang sosyologong si Zarina Bhatty ay nagsasabi: “Ang mga babae ay nagtatrabaho sapagkat kinakailangan, at hindi dahilan sa nangangahulugan ito ng higit na kalayaan, pagsasarili sa kabuhayan o pagpapahayag ng sarili.”

[Larawan sa pahina 5]

Inalis ng pagbabago sa industriya ang mga lalaki mula sa mga bukirin at binigyan sila ng mga trabaho sa mga pabrika. Inakala ng iba na ang mga babae ay naging “saguting pangkabuhayan”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share