Ang Paglakad ay Hindi Pahúhulí sa Pagtakbo
“Ang paglakad . . . ay nauuso dahil sa muling pagkatuklas sa nagbibigay-kalusugang mga katangian . . . ng paglakad.” Gayon ang sabi ng pulyetong Walking for Exercise and Pleasure, ng President’s Council on Physical Fitness and Sports ng Estados Unidos.
Isang mahabang listahan ng pisikal na mga pakinabang ang nagpapatunay sa pangungusap na iyan. Kabilang dito ang: mas maraming nagagamit na oksihena sa panahon ng paglalakad, mas mabagal na pintig ng puso kapag nagpapahinga, mas mababang presyon ng dugo, at mas mahusay na pagtrabaho ng puso at mga baga. Mangyari pa, hindi ito nakakamit sa pamamagitan ng paglalakad na parang namamasyal, naglalakad-lakad, gaya ng ipinakikita ng aklat, kundi sa pamamagitan ng paglalakad “nang mabilis upang pabilisin ang pintig ng iyong puso at pangyarihin kang huminga nang mas malalim.”
Kataka-taka, ang mabilis na paglalakad ay sumusunog ng halos kasindami ng calories na gaya ng pagtakbo. Nang ang 24 malulusog na mga estudyanteng lalaki ay sinubok sa nagagamit na lakas o enerhiya samantalang naglalakad, nagjo-jogging, at tumatakbo sa magkakaibang tulin, ipinakikita ng pagsubok na “ang pagjo-jogging ng isang milya sa loob ng 8 1⁄2 minuto ay nagsusunog ng 26 calories lamang na mahigit sa paglalakad ng isang milya sa loob ng 12 minuto.” Ang paglalakad ng 5 milya por ora ay gumagamit ng 124 calories sa bawat milya, samantalang ang pagtakbo ng 9 milya por ora ay gumagamit ng 40 calories lamang ang kahigitan.
Kabilang sa iba pang mga pakinabang ng paglalakad ay ang sumusunod: Walang kinakailangang gastos para sa pantanging gamit (maliban sa isang mabuting pares ng sapatos), hindi na kinakailangan ang pagkukondisyon ng katawan bago lumakad, at ang paglakad ay halos walang pinsala. Maaari kang sumang-ayon sa sawikain ng pulyeto: “Ang Paglakad: Ang Mas Mabagal, Mas Tiyak na Paraan sa Kalusugan.”