Ang Mapayapang Isipan ay Nagdudulot ng Mas Malusog na Katawan
Naaapektuhan ba ng isipan ang katawan? Gayon ang paniniwala ng dalawang Swekong prodyuser ng pelikula. Inihahanda nila ang isang dokumentaryo tungkol sa saykosomatikong mga karamdaman na ipalalabas sa Scandinavia. Upang patunayan ang kanilang punto hinggil sa sakit sa puso, itinuon nila ang kanilang pansin sa maliit na bayan ng Roseto, na nasa paanan ng kabundukang Pennsylvania.
“Ang aking impresyon ay na ang mga taong naninirahan sa Roseto ay mga taong may pagtitiwala at lubos na nasisiyahan,” sabi ng isa sa mga prodyuser, sang-ayon sa Express ng Easton, Pennsylvania. “Karamihan sa kanila ay maliligaya, kung ihahambing sa normal na mga tao sa ngayon. Mas malusog ang kanilang isipan. Hindi sila nababahala ng makabagong lipunan.”
Noong maagang 1960’s, pinag-aralan ni Dr. Stewart Wolf ang istilo ng pamumuhay at mga pag-uugali ng mga taga-Roseto. Nasumpungan niya na “ang mga taga-Roseto noon ay may mas mababang tsansa na magkaroon ng atake sa puso at iba pang mga problema sa kalusugan na nauugnay sa kaigtingan.” “Ipinalagay iyon ng pangkat ng mga mananaliksik [ni Wolf] sa tradisyunal, malapit, salig-pamilya na istilo ng pamumuhay.”
Mga 20 taon pagkalipas, gayunding konklusyon ang narating ng dalawang Swekong prodyuser. “Natutuhan namin na habang ang maliit na pamayanan ay namumuhay sa matandang paraang Italyano—namumuhay na magkasama at pinangangalagaan ang sarili”—ang kanilang kalusugan ay mahusay. “Ngunit nang sila’y humiwalay sa tradisyon sa pasimula ng mga 60’s at 70’s, humina ang kanilang katawan.”
Inuulit lamang ng mga medikal na mananaliksik sa ngayon ang karunungan ng isang kawikaan sa Bibliya daan-daang taóng gulang na: “Ang tiwasay na isip ay nagpapalusog sa katawan.”—Kawikaan 14:30, Today’s English Version.