Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit sa Isaias 11:6 sa New World Translation of the Holy Scriptures ay sinasabi na “ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero”? Ang gayon bang kapayapaan ay hindi pamalagian?
Ang nakagiginhawang kapayapaan sa mga hayop na inihula sa Isaias 11:6-9 ay magiging pamalagian. Subalit ang maingat na pagsasalin sa Isaias 11:6 ay nagpapaliwanag na ang gayong mga hayop ay hindi laging magkakasama-sama.
Sa New World Translation of the Holy Scriptures, mababasa sa Isaias 11:6: “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila.”
Ang mababasa sa maraming salin ng Bibliya ay katulad nito: “Ang lobo rin ay tatahan [o, “mamumuhay”] kasama ng kordero.” Ang ganiyang mga salin ay baka magpahiwatig na ang isang lobo at ang isang kordero ay patuloy na magiging magkasama, na wari bang nasa isang bagong pamilya o kaayusan ng pamumuhay.
Subalit, ang salitang Hebreo na isinaling “tatahan” o “mamumuhay” ay gur. Sang-ayon sa lexicograpong si William Gesenius, ito ay nangangahulugan na “tumirang pansamantala, tumahan sandali, o tumira hindi sa tahanan, s.b. bilang isang estranghero, banyaga, panauhin.” (A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, isinalin ni Edward Robinson) Ang lexicon ni F. Brown, S. Driver, at C. Briggs ay nagbibigay ng kahulugang “tumira pansamantala, tumahan sa loob ng isang (tiyak o di [tiyak]) na panahon, tumahan bilang isang baguhan . . . na walang orihinal na mga karapatan.”
Ginamit ng Diyos ang gur sa pagsasabi kay Abraham na “manirahan bilang isang dayuhan” sa Canaan. Ang patriarka ay hindi maaaring mag-ari ng lupain, ngunit siya’y maaaring maging isang protektadong mamamayan doon. (Genesis 26:3; Exodo 6:2-4; Hebreo 11:9, 13) Gayundin, sinabi ni Jacob na siya’y ‘tumatahan bilang isang dayuhan’ sa lugar ng Haran, yamang siya’y babalik sa Canaan.—Genesis 29:4; 32:4.
Sa Paraiso na hindi na magtatagal at itatatag ng Diyos, ang mga hayop at mga tao ay magkakaroon ng kapayapaan sa isa’t isa. Ang kordero ay hindi manganganib kung kasama ng isang lobo o ang isang guyang baka kung kasama ng isang leopardo. Para bang upang ipakita ang kaibahan sa kasalukuyan, ipinahihintulot pa rin ng wika ang ideya na ang lobo ay titirang protektado ng kordero.—Isaias 35:9; 65:25.a
Gayunman, ang gayong mga hayop ay baka magkaroon pa rin ng kani-kaniyang tirahan. Ang ibang mga hayop ay nababagay sa mga gubat, ang iba naman ay sa mga kapatagan, at ang iba pa ay sa mga baybaying-dagat o mga bundok. Kahit na noong panahon ng sinaunang Paraiso, may binanggit ang Diyos na ‘maaamong mga hayop at maiilap na mga hayop.’ (Genesis 1:24) Ang maaamong hayop ay maliwanag na yaong maaaring karaniwan nang malapit sa mga tao at sa kanilang mga tirahan. Ang maiilap na hayop, bagaman hindi mababangis, ay maliwanag na mas gustong mamuhay na malayo sa mga tao. Samakatuwid, gaya ng inihula ng propetang si Isaias, ang lobo ay “tatahang sandali kasama ng lalaking kordero,” ngunit ito’y hindi patuloy na makakasama ng ganiyang maaamong hayop.
[Talababa]
a The Bible in Living English ay may ganitong pananalita sa Isaias 11:6: “At ang lobo ay makakasama ng tupa.”
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Zoological Research Center, Tel Aviv Hebrew University