Nakaligtas sa Lunsod ng Kamatayan
Isang mula-sa-eksenang report ng isang ministro ng Watchtower sa Bhopal
BHOPAL—hanggang kamakailan marahil ay hindi mo pa narinig ang tungkol sa lunsod na ito ng 800,000 mga tao sa kalagitnaang India. Nakatayo sa tatlong mga burol, na may dalawang malalaking lawa na halos nagtatagpo sa sentro ng lunsod, at may kaiga-igayang mga parke at mga lansangan na nahahanayan ng mga punungkahoy, ang Bhopal ay napakaganda. Ngunit, noong nakaraang Disyembre 3, sumingaw ang nakalalasong gas mula sa kemikal na planta ng Union Carbide sa lunsod, na siyang dahilan ng pinakamalubhang industriyal na aksidente sa kasaysayan. Kaya ang Bhopal ay naging, literal sa loob ng magdamag, ang lunsod ng kamatayan.
Ako at ang aking asawang si Mary, pati na ang aming tin-edyer na anak na si Carl, ay nakatira sa tabi ng planta ng Union Carbide. Isang maliit na bukid lamang, mga 150 metro (490 piye) sa ibayo, ang naghihiwalay sa aming tahanan mula sa planta. Kaya bakit kami nakaligtas samantalang ang libu-libong iba pa, karamihan ay nakatira na mas malayo mula sa planta, ang alin sa namatay o malubhang napinsala?
Ang Pag-ihip ng Hangin
Nang kami’y matulog noong Linggo ng gabi, Disyembre 2, nagkaluskusan ang mga punungkahoy sa malamig na simoy ng hangin sa tatlong burol ng Bhopal, at ang liwanag ng halos bilog na buwan ay kumikinang sa mga lawa nito. Nang gabing iyon, kami ay nagising ng mga sirena mula sa planta ng Union Carbide. Hindi namin ito pinansin at, pagkaraan ng mga ilang sandali, kami ay muling nakatulog. Madalas na naming marinig ang mga sirenang ito mula sa planta, maliwanag upang tawagin ang mga teknisyan para sa ilang maliliit na emergency o upang ipahiwatig ang isang pagsasanay sa kaligtasan. Sa katunayan, pag-uwi namin ng bahay sa taglamig na gabi, madalas naming maamoy ang mga pestisidyo.
Gayunman, nang gabing ito, walang di-karaniwang amoy, walang nagpapahiwatig na nagsimula na ang masamang panaginip. Ito’y isang malaking sakuna na kumitil ng mahigit sa 2,500 katao at naapektuhan ang sangkapat ng populasyon ng lunsod. Libu-libo ang maiiwang bahagya o ganap na bulag, o may napinsalang mga baga at utak. Mga 3,000 baka at di-mabilang na maliliit na hayop ang mamamatay. Isa itong kilabot na mag-iiwan ng takot—takot sa natitirang polusyon at takot sa naantalang mga epekto ng pagkalason sa gas at nakamamatay na mga sakit.
Ano ang sanhi ng sakunang ito? Sang-ayon sa nangangasiwa sa planta, ang MIC (methyl isocyanate) na gas ay sumingaw nang isang balbula sa tangke ang nasira dahil sa tumitinding presyon. Inaakala ng ilang mga siyentipiko na ang phosgene gas, ginamit sa mga pagsalakay noong Digmaang Pandaigdig I, ay sumingaw rin.
Ang MIC ay nakakatulad ng nerve gas sa mga epekto nito sa tao. Maaari itong pumatay karakaraka at nakamamatay rin kapag nasipsip ng balat. Pagkaraan ng hatinggabi, mga 40 minuto, toni-tonelada ng MIC ang sumingaw sa kapaligiran bago napahinto ang singaw. Subalit tinangay ito ng hangin na papalayo sa mga bahay sa aming dako. Kung hindi, malamang na kami’y nasumpungang patay sa higaan at inilibing sa isang lansakang libingan, na isang litrato lamang ang pagkakakilanlan sa dakong huli.
Ang Gabi ng Sindak
Habang sumisingaw ang gas, isang dambuhalang puting ulap ang nag-anyo sa maaliwalas na langit. Ang ginaw ng taglamig ang nagpababa rito sa lupa, at ito ay kumalat sa mga tahanan, sa mga kulungan ng baka, sa mga istasyon ng bus sa lunsod at hanggang sa istasyon ng tren. Kumakalat, nagsimula itong bumaling tungo sa tindahan ng mga gulay at hanggan sa ospital ng lunsod.
Ang isa pang makapal na ulap ng gas ay nagtungo sa mas mababang lawa hanggang sa mas bagong bahagi ng lunsod. At lahat ng daanan nito ay patay. Nagising sa pagkatulog dahilan sa gas na sumusunog ng kanilang mga mata at sinasarhan ang kanilang mga lalamunan, libu-libo ang nagtakbuhan sa lansangan. Yaong mga nakalanghap ng gas na malapit sa planta, ay halos namatay pagdaka. Ang iba ay nabuwal, nabulag at sumusuka, upang mamatay lamang sa daan.
Walang anu-ano ang buong lunsod ay kumikilos at mga sigaw ng “bhago, bhago” (nangangahulugang, “takbo, takbo”) ay maririnig. Ang mga pamilya ay nagkahiwa-hiwalay palibhasa’y tinatangay sila ng mga pulutong ng tao. Pagkatapos ginising ng mga sasakyan ng pulis na may mga mikropono ang mga tao at mabilis na itinakas sila sa mga apektadong dako hangga’t maaari. Sa buong magdamag ang ilang istasyon ng gasolina ay naglaan ng libreng gasolina sa mga sasakyang tumatakas sa lunsod. Naglalakad, sakay ng scooter, ng auto-ricksha, kotse, bus, at trak, libu-libo ang nag-alisan sa lunsod. Ang mga bata ay nayapakan sa kamatayan ng nagsisilikas na mga pulutong. Ang ilan ay nasagasaan ng mga sasakyan habang sila ay bahagyang bulag na sumusuray-suray. Ang iba ay basta nagtatatakbo, di-sinasadyang sinusundan ang landas ng gas, at sila’y namatay o malubhang napinsala.
Kabilang doon sa mga nabahala sa kanilang mga pagtakas ay isang kapuwa Kristiyano, isa sa mga Saksi ni Jehova. Si Brother Paulose ay nagising ng mga 2:30 n.u. sa tunog ng mga sirena at sa maaskad na amoy na parang ammonia. Nalalaman na ang gas ay maaari lamang manggaling sa planta ng Union Carbide, sinubok niya muna ang direksiyon ng hangin at pagkatapos, hindi man lamang nagsuot ng balabal, itinakas niya ang kaniyang pamilya na papalayo sa landas ng gas. Nakipagsiksikan sila sa napakakapal na agos ng mga tao at nagtungo sa tuktok ng isang burol sa labas ng lunsod kung saan ang sariwa, malinis na hangin mula sa lawa ay nagpaginhawa sa kanila. Maliban sa bahagyang pangangati sa mga mata at mga sakit sa dibdib, sila ay hindi napinsala.
Sa paglipas ng gabi, ang pamahalaan ay kumilos. Nakasuot ng mga gas mask, pinasok ng mga opisyal ang lugar na pinakamalubhang napinsala sa kabilang panig ng planta kung saan kami ay nakatira. Kabilang sa unang dumating sa dakong ito ay ang alkalde ng Bhopal, si Dr. Bisarya, at ang kaniyang anak na si Robin. Inilalarawan ang eksena, mga 200 metro (650 piye) mula sa aming tahanan, sabi ni Robin, “Lahat ng makikita mo ay mga bangkay, mga bangkay ng tao at mga hayop.”
Ang mga doktor mula sa lahat ng dako ng lunsod ay ipinatawag, at sila’y sumugod upang tumulong. Ang napakalawak na Hamidia Hospital ay agad napunô ng naghuhumindik na mga taong humihingi ng tulong. Sa maikling panahon ang mga silid ay nag-uumapaw at nagtayo ng mga tolda sa lupa ng ospital. Naglitawan ang mga istasyon ng panimulang-lunas sa buong lunsod.
Daan-daan ang nagsitakas sa kalapit na mga bayan upang mamatay lamang habang daan o sa kanilang pagdating. Pagkatapos tumanggap ng paggamot, isang lalaki ang bumuti ang pakiramdam. Pagdating ng bahay, siya ay nagsindi ng isang sigarilyo, lumanghap, at agad na namatay. Dinala ng isang kabataang lalaki ang mga bangkay ng kaniyang ama at ina upang ilibing sa pamamagitan ng pagsusunog, nagbalik ng bahay, at bumagsak na patay. Isang batang babae na nakilala namin ang nawalan ng siyam na membro ng kaniyang pamilya.
Ang Aming Lunes ng Malaking Takot
Gayunman, para sa amin ang malaking takot ay hindi nangyari hanggang pagkatapos na kami’y magising sa aming regular na oras, 4:50 n.u., at nagsimulang maghanda para sa mga gawain sa araw na iyon. Napaliligiran ng kamatayan at pagdurusa, kami ay mahimbing na nakatulog!
Pagkatapos maihatid ang aming anak na si Carl sa kaniyang part-time na trabaho sa tanggapan ng lokal na pahayagan, kaming mag-asawa ay nagbalak na makibahagi sa aming regular na gawaing pangangaral. Kami kapuwa, gayundin ang aming anak, ay buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ngunit saanman kami magtungo noong Lunes ng umagang iyon, naroon ang mga bangkay ng mga tao at mga hayop. Ang isang tao ay maaaring naglalakad sa kalye sa unahan namin at walang anu-ano’y babagsak, na patay.
Habang nililibot namin ngayon ang lunsod, halos wala kaming makitang sasakyan sa lansangan. Sarado ang lahat ng mga tindahan. Ang palengke ay sarado. Pagpasok sa istasyon ng bus, nasumpungan namin ang sahig na punô ng mga suka at dumi. Sa istasyon ng tren, marami sa mga kawani ang namatay sa tungkulin.
Nakita ng superintendente ng istasyon, si Harish Dhurve, na nakalanghap ng gas, ang kaniyang mga tauhan na bumabagsak. Nagtagumpay siya sa pakikipagtalastasan sa susunod na istasyon at binabalaan sila na ihinto ang lahat ng tren sa pagpasok sa Bhopal. Siya ay nasumpungang patay sa kaniyang mesa. Ang ilang mga pasahero na dumating sakay ng isang tren na nakatakdang umalis ng 1:30 n.u. ay hindi kailanman nakaalis nang buháy sa Bhopal. Isang inhinyero na nagmaneho ng tren patungo sa lunsod bago maibigay ang babala ay namatay pagdating sa lunsod.
Pauwi ng bahay noong tanghali ng Lunes, nakasalubong namin ang pulutong ng mga tao na hinaharangan ang aming daan at nagsisisigaw na sumingaw pa ang higit na gas at na ang lahat ay magsitakbo sa kabilang daan. Ito ang naging dahilan ng pagkakataranta ng mga tao at napatunayang isang palsong balita. Nakita namin ang mga trak ng munisipyo na punô ng patung-patong na mga bangkay. Sa bawat dumaraan oras ang bilang ng mga namatay ay umabot ng—269, 566, 1,217, at sa wakas ay mahigit sa 2,500. Sabi ng isang paulong-balita ng isang pahayagan noong Disyembre 5, “Isang kamatayan sa bawat minuto.”
Araw at gabi, mga haligi ng usok ang pumailanglang sa langit mula sa pagsusunog ng mga bangkay. Ang mga bakanteng lugar ay ginagawang mga sunugan ng mga bangkay na ito, tig-iisang daan pa nga sa isang panahon. Ang mga hayop ay dinala sa labas ng lunsod at itinapon sa matatarik na mga bitak at tinabunan. Iilan ang nandambong sa iniwan na mga tahanan, ngunit ang karamihan ay ginawa ang lahat ng kanilang magagawa upang tulungan ang mga nagdurusa. May kagalakang sumama kami sa aming mga kapitbahay sa paglalaan ng salapi at paghahanda ng pagkain para sa mga maysakit.
Mula sa lahat ng dako ng bansa, ang mga doktor at mga siyentipiko ay nagtungo sa lunsod upang tumulong. At mula sa ibang mga bansa ay dumating ang mga dalubhasa sa medisina na may karanasan sa paggamot ng mga mata at mga problema sa dibdib. Nakalulungkot, ang mga babae mismo na waring hindi gaanong apektado ay nagsilang ng mga patay na sanggol. Ang iba ay dumating sa ospital na may matinding kirot at nakunan.
Interesante, noong Sabado, dalawang araw bago nito, dinala ng aking maybahay ang pinakahuling sipi ng Awake! kay Dr. A. M. Shali, isang regular na mambabasa. “Napakaabala?” tanong ng aking maybahay sa doktor. “Ito ang aming matumal na panahon,” ang kaniyang tugon. “Dahilan sa init at tapos na ang tag-ulan, at mabuting panahon ng taglamig, ito ang malusog na panahon,” dagdag pa niya. “Kaya walang gaanong trabaho para sa mga doktor.”
Ngunit nang magdaan kami sa klinika ni Dr. Shali noong Lunes ng umaga napakahaba ng pila ng mga taong nagtutulakan upang magpagamot. Ang mga ulo ay nakayuko upang ingatan ang mga mahahapding mata mula sa araw. Nang dakong huli sinabi sa amin ni Dr. Shali na siya ay maaga pang nagtrabaho at na siya at ang kaniyang mister pati na ang ilan sa mga katulong ay walang-tigil na nagtrabaho noong buong araw ng Lunes hanggang gabi sa paggamot sa mga biktima nang walang bayad. Sabi niya na kung agad na mailalapat ang wastong gamot, maaaring mailigtas ang paningin. Kung mapapabayaan, gayunman, ang mga mata ay maaaring magkaroon ng butas-butas na cornea, at maaaring mawala ang paningin. “Kapag nakikita mo ang pagdurusang ito,” sabi niya, “paano nga maiisip ng mga tao ang pagsisimula ng isang digmaang nuklear?”
Pagsusuri sa Kapuwa mga Saksi
Labis ang aming pagkabahala sa aming mga Kristiyanong kapatid sa Bhopal, na ang lahat ay nakatira sa matandang bahagi ng lunsod na napakalapit sa mapanganib na sona. Anong ginhawa na masumpungan sa pagdalaw sa kanila na ang lahat ng 12 ay buháy at hindi napinsala!
Talagang pinahahalagahan namin ang aming Kristiyanong pagkakapatiran kapag ang mga Saksi mula sa ibang dako ay dumalaw upang alamin kung ano ang aming kalagayan. Ang unang dumating ay si Brother Barrett, na siya mismo ay isang pasyente sa puso. Siya ay nagbiyahe ng 337 kilometro (209 mi) magdamag sakay ng tren. Tuwang-tuwa kami na makita siya anupa’t hindi napigil ang mga luha na umagos sa aming mga mata. Nagdatingan din ang mga telegrama at mga sulat, at ito man, ay lubhang nagpalakas-loob sa amin.
Pag-asa sa Harap ng Kalungkutan
Araw-araw, libu-libong mga tao ang nagtutungo sa lunsod upang hanapin ang kanilang mga mahal sa buhay. Ang mga ahensiya ng gobyerno ay nagtrabaho gabi at araw upang ilibing ang mga bangkay upang maiwasan ang biglang paglitaw ng karamdaman. Ipinahayag ng punong ministro ng estado, si Arjun Singh, na ang Union Carbide ay hinding-hindi na muling bubuksan sa lunsod. Ngunit matatagalan pa bago makaligtaan ng Bhopal ang gabing ito ng kamatayan.
Walang kabayaran sa mga nakaligtas ang makapagsasauli sa buhay ng mga namatay o makapagbabalik ng paningin sa mga bulag. Gayunman mayroong Isa na makagagawa ng lahat ng bagay na iyon, ang Diyos na Jehova. Ang kaniyang mga Saksi sa Bhopal, ay nagpapasalamat na sila’y nakaligtas na buháy at nagagalak na dumalaw sa kanilang mga kapitbahay na taglay ang nakaaaliw na mabuting balita na hindi magtatagal ang gayong gawang-taong mga sakuna ay hindi na mangyayari pa.
[Larawan sa pahina 20]
Buhat-buhat ang isang patay na mahal sa buhay na susunugin
[Pinagmulan]
UPI/BETTMANN ARCHIVE
[Larawan sa pahina 22]
Inaakay ang dalawa na ang mga mata ay napinsala
[Pinagmulan]
UPI/BETTMANN ARCHIVE