Ang Pangit na Panig ng Industriyal na mga Kemikal
KAKALAMPAS pa lamang ng hatinggabi noong isang malamig na gabi ng Disyembre noong 1984 nang maganap ang pinakagrabeng aksidente sa kasaysayan ng industriya. Isang daigdig ang layo mula sa Republika ng India, bibihirang tao ang pamilyar sa pangalang Bhopal, isang industriyal na lunsod na may populasyon na mahigit na 800,000, na halos ay nasa gitna ng bansa. Ang natutulog na mga maninirahan nito ay walang kamalay-malay sa nakamamatay na mga pangyayaring nagaganap sa malapit.
Sa planta ng U.S. Union Carbide sa Bhopal, isang tangkeng naglalaman ng 45 toneladang methyl isocyanate (MIC), isang nakamamatay na kemikal na ginagamit sa paggawa ng mga pestisidyo, ay mapanganib na tumitindi ang puwersa. Walang anu-ano, mula sa isang sirang balbula, isang ulap ng nakalalasong gas ang nagkalat ng kamatayan at matinding paghihirap sa tahimik na lunsod. Kinitil nito ang buhay ng mahigit na 2,500 mga lalaki, mga babae, at mga bata. Pininsala nito ang mahigit na isang daang libo na iba pa.
Ang kamatayan ng libu-libong mga hayop—kalabaw, baka, at mga aso—ay nagpangyari na sa tabing-daan ay nagkalat ang mga bangkay na bumara sa mga lansangan at mga kalye sa lunsod. Ang Bhopal ay naging isang dambuhalang pansamantalang krematoryo, sinusunog ang mga patay sa buong panahon. Tinupok ng pitumpong pagsigâ sa patay na paglilibing, na may 25 bangkay ang nakatalaksan, ang mga patay sa kanilang mga ningas. Ang iba ay inilibing sa mabilisang hinukay na lansakang mga libingan—maraming bangkay sa isang panahon.
Pagkatapos isa pang malaking sakuna ang humampas sa Europa at tinawag na “Bhopal sa Rhine.” Isang kemikal na basura o tira-tira mula sa isang industriyal na planta sa itaas ng Basel, Switzerland, ang nagtapon ng 40 tonelada ng nakalalasong basura sa Rhine. Pinatay nito ang daan-daang libong isda at mga igat habang ito ay “inaanod sa kahabaan ng hangganang Aleman-Pranses, tungo sa Rhineland at saka pagkatapos ay sa Netherlands hanggang sa North Sea.” Isang pahayagan ang sumulat nito sa editoryal na pitak: “Ang mga Suiso ay dating kilala sa pagiging malinis, ang kanilang industriya ay ligtas, at kasali riyan ang kemikal na industriya. Iyan ay pawang nakaraan na ngayon.”
Ang mga naninirahan sa Bhopal at sa mga pamayanan sa kahabaan ng Ilog Rhine ay naging mga biktima ng isang teknolohikal na panahon na nagmamarali sa pagkumpuwesto ng mahigit na 66,000 kemikal na mga timpla. Ang marami ay ginawa upang gawing mas madali ang buhay para sa tao, gayunman, balintuna, napakarami nito ang lubhang nakalalason at maaaring pagmulan ng nakamamatay at mapangwasak na mga epekto, kapuwa sa tao at sa buong biyolohikal na sistema. Inuri ng isang dalubhasa ang mga kemikal na ito bilang “biocides.”
Marami sa mga kemikal ang may pagkahaba-habang mga pangalan anupa’t ilan lamang ang nakabibigkas dito at para maging kombinyente ay dinadala ang mga letrang gaya ng PCB, DDT, PCDD, PCDF, TCDD. Ang abakadang sopas na ito ng nakalalasong mga kemikal ay isang nakamamatay na panganib kapuwa sa mga tao at sa mga kayamanan ng lupa na roon ang tao ay kailangang umasa upang mabuhay. “Libu-libong nakalalasong mga bagay ang pinakakawalan sa kapaligiran” sa bawat taon, sabi ng isang tagapagsalita para sa U.S. Environmental Protection Agency. Ang gayong mga pagpapakawala ng nakalalasong mga bagay ay nagsasapanganib sa kalidad ng hangin, pang-ibabaw na tubig, at sa panustos na tubig na maiinom sa ilalim ng lupa, at lalasunin ang lupa sa darating na mga dekada.
Tinataya ng U.S. Environmental Protection Agency na sa Estados Unidos lamang, 1.5 trilyong galon ng peligrosong kemikal na mga basura ang nagtutungo sa sistema ng patubig sa ilalim ng lupa taun-taon.a Nalalaman na ang isang galon lamang ng panunaw (solvent) ay magpaparumi sa 20 milyong galon ng tubig sa lupa sa antas na hindi na ligtas, nakalilitong tuusin kung anong kapaha-pahamak na pinsala ang ginagawa ng 1.5 trilyong galon ng nakalalasong mga kemikal.
Dahilan sa peligrosong mga kemikal at mga basura at ang walang-ingat na pagtatapon nito, ang mga ilog at mga sapa ay nadudumhan. Ang mga isda ay namamatay. Habang ang mga ilog at mga sapa ay nagtutungo sa mga karagatan, ang nakamamatay na mga kemikal ay bumubuhos na kasama nito, at sa ibang dako kung saan dati-rati’y sagana ang buhay sa karagatan, ngayon, sang-ayon sa kilalang oceanographer na si Jacques Costeau, wala nang isdang masumpungan doon.
Ang mga ibon at buhay hayop ay pinagbabantaan din ng pagpaparumi sa kapaligiran. Kahit na ang kanlungan ng maiilap na mga hayop ay hindi na nagiging kanlungan. “Sampung pambansang kanlungan ng maiilap na mga hayop ang nadumhan ng nakalalasong mga kemikal at 74 iba pa ang maaaring nanganganib. . . . Ang mga ulan na naglalaman ng selenium na nagtutungo sa mga sapa at mga ilog ay pumapatay ng maraming ibong madalas sa tubig sa mga kanlungan,” ulat ng The New York Times noong Pebrero 4, 1986.
Ang mga eksperto sa daigdig ay hindi nagbibigay ng magandang larawan sa hinaharap. Ang mabilis na pag-unti ng mga kayamanan ng daigdig ay hindi nagwawakas sa pagkawala ng lupa at sa polusyon ng hangin at ng tubig. Kumusta naman ang malaking tropikal na kagubatan ng daigdig na sa loob ng mga milenyo ay itinaas ang kanilang madahong mga bisig daan-daang talampakan sa himpapawid? Ang mga ito rin ba ay nanganganib na gaya ng dinanas ng iba pang likas na kayamanan na naglalaho sa harap ng ating mga mata? Sa nalalaman man natin o hindi, ang ating mga buhay ay apektado ng malalagong nilikhang ito ni Jehova, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo.
Tinupok ng pagsigâ sa patay na paglilibing, na may 25 bangkay na nakatalaksan, ang mga patay
Sa Estados Unidos lamang, 1.5 trilyong galon ng peligrosong kemikal na mga basura ang nagpaparumi sa sistema ng patubig sa ilalim ng lupa taun-taon
[Talababa]
a 1 gal = 3.8 L.